Chapter 9: Crazy Kei
Keisha's POV:
Isang linggo nang nakalilipas mula nung ma-ospital ako. Maayos naman na ang aking lagay. Wala namang kahit anong komplikasyon ang nangyari. Ang sabi lang ng Doctor, may history ako ng trauma at maaaring na-trigger ito sa pagkakakulong ko sa stock room. Baka daw nakulong ako sa isang sarado at masikip na lugar 'nong bata pa ako gaya ng stock room.
Siguro nga tama ang Doctor at ang traumang iyon ay maaaring nagmula doon sa mga alaala ko noong bata pa ako na bigla nalang nagsisulputan. Sa totoo lang, hanggang ngayon napapaisip ako tungkol sa mga alaalang 'yon. Bakit bumabalik? Bakit biglang bumalik?
At sa tagal ng panahon, bakit ngayon lang nagbalik ang mga alaalang 'yon? Diba? Posible kayang may taong bahagi ng aking nakaraan ang kasama ko ngayon sa kasalukuyang buhay ko at siya ang nakapagpa-trigger ng aking trauma? Bahagi ng nakaraan na matagal ko nang nilimot at binaon. Napaisip ako, possible kayang si Devin ang taong 'yon?
Hindi eh. Dahil siya ang matagal nang dahilan ng paghihirap ko na hanggang ngayon dala dala ko, dahil sa nakaraan naming dalawa. Imposibleng siya dahil hindi ko siya nakasama nung bata pa ako.
Gaano ako kasigurado na hindi ko siya nakasama nung bata pa ako gayong ang lahat ng tao ay natural na mangilan-ngilan lamang ang naalala sa childhood memories nila?
Malay ko ba kung naging bahagi na siya ng buhay ko noong bata pa ako. Baka naman siya yung sinturon na pinalo sa akin?
"Hay nako!" Bulalas ko sa aking sarili. Sumasakit ang ulo ko kakaisip sa mga bagay na hindi naman maabot ng aking isipan. Ni hindi ko na nga alam kung ano ba 'tong iniisip ko.
Baka naman nawala na yung utak ko nung ma-ospital ako?
O baka naman nahawa nalang ako ng mga kalokohan ni Ate Jaise?
Napa-buntong hininga na lamang ako at pinagdiskitahan ang mop na hawak ko. Kinadkad ko maigi ang sahig na may halong inis. Wala na akong malugaran! Pag di ta-tanga tanga sa pag-ibig, bobo naman sa buhay!
"Ay sorry po." Sabi ko nang may matamaan akong paa. Lagot ako pag masungit na customer 'to, kakabalik ko palang sa trabaho, kapalpakan na naman!
"Keisha, dahan-dahan kasi." Napaangat naman ang tingin ko sa nagsalita at napangiti rin ako ng malapad nang makita ko ang malapad niyang ngiti.
"Kuya Marco! Bakit tanghali ka na?" Medyo sermon ko sa kanya. Paano ba naman, marami rami na rin ang costumers pero si Kuya Ron lang ang nandoon sa kusina.
"Pasensya na, may dinaanan pa kasi ako eh." Paliwanag niya sabay hawak sa likod ng ulo niya. Tinawanan ko naman siya.
"Hindi mo naman kailangang magpaliwanag, Kuya eh. Nagbibiro lang naman ako." Ngumiti lang siya sa akin at hinawakan ako sa may balikat.
"Ikaw talaga, sige punta na ako sa kusina, malamang galit na rin si Ron." Biro pa niya sabay gulo ng buhok ko.
Napailing na lamang ako at tinapos ang ginagawa kong pagmo-mop ng sahig. Napatigil naman ako bigla nang may mapagtanto, diba si Kuya Marco yung kasama ko sa stock room? Pa-slow mo akong napatingin kay Kuya Marco na ngayo'y naglalakad na papuntang kusina, dahan-dahan rin akong napatakip sa bibig ko sa gulat. Baka mapasukan kasi ng langaw ang bibig ko sa pagkakanganga ko.
Impossible na siya ang nakapag-trigger ng trauma ko.
Hindi ko naman siya nakasama nung bata ako ah? Hay nako Keisha, inulit mo lang yung iniisip mo kanina kay Devin.
Pero, kahit naman hindi ko siya nakasama noong bata pa ako, posibleng may bagay siyang nagawa sa akin na nakapagpaalala sa akin ng nakaraan ko.
Joke lang. Ano ba pinagiisip ko? Para na akong tanga.
"Aray!" Biglang may nambatok sa akin! Muntik pa akong masubsob sa sahig sa sobrang lakas!
Paglingon ko, "Ate Jaise! Bakit ka nambabatok? Batukan rin kaya kita!" Reklamo ko sabay akto na hahampasin ko siya ng mop sa sobrang gigil ko. Tumawa lang siya.
"Tingnan mo nga yang mukha mo. Akala mo nasa teleserye ka. Itsurahin mo, para bang nalaman mo na ang katotohanan na matagal nang itinago sa'yo." Panguso niyang sabi sabay ngiwi.
Sinimangutan ko lang siya. "Nang-aasar ka na naman!" Sigaw ko sakanya nang maglakad na siya palayo patungo sa may counter upang doon ilapag ang tray na kanyang hawak.
Bumalik naman siya sa akin upang kuhanin ang hawak kong mop.
"Akin na nga 'yan! Doon ka sa counter at ako ang waitress ngayon para di ka napapagod jan."
Umakto pa siyang papaluin ako ng mop sa pwet nang makuha niya ito sa akin. "Ikaw talaga! Kakalabas mo palang ng ospital eh gusto mo na yatang bumalik." Panenermon niya pa. Dinilaan ko lang siya bago ako pumunta sa counter.
~*~
Wala ng masyadong customer na umo-order kaya umalis na muna ako sa counter para tulungan si Ate Jaise na maghatid ng order sa table. Kinuha ko naman ang order na nilapag ni Kuya Marco mula sa kusina sabay himas naman sa kamay ko nang mahawakan ko ang tray. Napatingin ako sakanya at tumawa lang siya.
"Parang ang lalim kasi ng iniisip mo." Sabay kindat sa akin.
"Huh?" Iyan lang ang naging reaksyon ko at hinatid na lang ang order sa isang table.
Habang papalapit ako sa table ay napansin ko na isang babae at lalaking magkasama ang umorder. Magkarelasyon siguro sila. Nakakatuwa naman, parang ang saya saya nila.
"Hi Ma'am, Hi sir! Here's your 1 frappucino and 1 oreo frappe together with cheesy nachos." Sabay lapag ng mga order nila habang nakangiti.
Pero habang nilalapag ko ito, napansin ko na hindi pala gaya ng iniisip ko kanina ang relasyon nila. Hindi masaya ang babae, mukhang may problema siya.
"Panagutan mo ako!" Giit ng babae. Mahina ngunit tila ba sinisindak niya ang lalaki. Napalunok nalang ako. Baka sampalin niya ang lalaki at ako ang mahagip. Bakit ba naman kasi hindi muna sila tumigil sa pag-uusap nila?
"Hindi ko kayang palakihin 'to mag-isa. Alam mong mahirap lang kami ng mama ko. Kami lang dalawa at ako lang ang inaasahan niya. Hindi mo ako pwedeng iwanan." Tuloy tuloy na sabi ng babae. Mahahalata mo na may halo ring pangamba ang tono ng babae.
"Hindi pwede! Ilang beses ko na sinabi sa'yo diba? Hindi ko pwedeng panagutan 'yan!" Sagot naman ng lalaki. Makikita mo naman sa kanya na tila ba kinakabahan siya. Nangingilid din ang kanyang luha.
"Enjoy your meal!" Sabi ko bago umalis at tinuloy naman nila ang kanilang pag-uusap. Ako na lamang ang nag-adjust sakanila dahil mukhang hangin lang naman ako doon. Hindi ba nila naisip na masyadong private yung usapan nila para iparinig sa iba? Pero sabagay baka hindi na nila naisip yun.
Hindi pa man ako nakakalayo mula sa kanila ay nakarinig ako ng isang malakas na...
Paglingon ko, nanlaki ang mga mata ko.
"Sampal?" Napanganga naman ako don. Ang lutong ng sampal nung babae sa lalaki.
"Napaka walang hiya mo! Pinagkatiwalaan kita! Minahal kita! Pero bakit mo ako binenta! At doon pa kay Jake? Alam mo kung gaano kagago ang lalaking 'yon! Alam mong ilang beses niya na ako binastos tapos sakanya mo pa ako binenta?" Napalakas na ang kanyang boses, marahil sa pagkabigla at dala na rin ng emosyon.
Buntis siya at hindi siya kayang panagutan ng marahil karelasyon niya ang lalaking ito sa kadahilanang hindi pala siya ang nakabuntis kundi ang Jake na sinasabi nila na pinagbentahan sa pagkababae niya.
Gaano nga naman kasakit ang ipagbenta ka ng taong mahal mo?
"Hindi ko 'yon sinasadya at hindi ko ginusto! Kailangan kong ipa-opera si nanay at siya lang ang may kayang magbigay ng ganoong halaga." Pagpapaliwanag naman ng lalaki.
"At ano! Ako? Ako ang kapalit na hiningi niya ha? Alam mong ako lang din ang inaasahan sa amin pero sinira mo ang buhay ko! Dinungisan mo ang pagkatao ko lalong lalo na ang pagiging isang babae ko!" Sigaw muli ng babae habang umaagos ang kanyang mga luha.
"Matapos ng lahat lahat na ginawa ko para sa'yo? Ito ang makukuha ko? Deserve ko ba 'to? Ito ba ang deserve ko ha? Minahal kita. Pinagkatiwalaan. Binigay ko sa'yo ang buong buhay ko. Ako pa nga ang bumuhay sa'yo diba? Nagpakakuba ako sa trabaho para mapag-aral kita. Mapatapos ka. Tapos ito ang kapalit ng lahat ng 'yon? Ganoon ba kababa ang tingin mo sa akin ha! Sa maliit na halaga binenta mo ako? Ang pagkababae ko? Ano ba ako sa'yo ha! Laruan mo?" Napayuko na lamang siya habang halos hindi na makahinga kakaiyak.
Maya maya ay inangat niya ang kanyang tingin sa lalaki.
"Umalis ka na." Kalmado niyang sabi habang patuloy na lumuluha.
Nagmakaawa ang lalaki na patawarin siya ngunit pinagtabuyan niya lang ito.
"Umalis ka na sa harapan ko!" Sigaw muli ng babae.
Wala namang nagawa ang lalaki kundi umalis habang lumuluha at napatigil ito sa paglalakad nang matumba sakanya ang timba na may maduming tubig na natamaan ng mop ni Ate Jaise. Humingi siya ng pasensya dito ngunit hindi nalang siya nito pinansin at tuluyan nang lumabas ng Cafe.
Tiningnan ko ng masama si Ate Jaise, alam kong sinadya niya yon para magantihan ang lalaki.
Nabigla naman kaming lahat sa isang sigaw. Nagmula doon sa babae kanina. Napatakbo naman kami ni Ate Jaise sakanya.
"Tulungan niyo ko! Yung baby ko. Yung baby ko...." Pagmamakaawa niya habang lalong napahagulhol. Kitang kita ng mga mata ko ang pag-agos ng dugo mula sakanya. Hindi pa gaanong halata na buntis siya kaya marahil nasa isa o dalwang buwan pa lamang ito.
"Ate! Yung kasama niya, habulin mo dali! Humingi kang tulong!" Dali dali naman siyang lumabas.
"Miss, relax ka lang. Wag kang mag-alala sa baby mo. Maililigtas siya." Sabi ko sakanya at napayakap na lamang siya sa akin habang lalong napapaiyak. Maya maya naman ay dumating na muli yung lalaki at agad siyang binuhat palabas ng Cafe.
Napatulala nalang kami ni Ate Jaise hanggang sa makaalis sila.
Niligpit niya na lamang ang inorder nila na hindi man lamang nabawasan.
Napatingin naman ako sa kamay ko na puno ng dugo mula doon sa babae. Nanginginig ang mga kamay ko.
"Kei?" Napalingon naman ako sa tumawag.
"K-kuya Marco..." Lumapit siya sa akin at hinawakan ang kamay ko.
"Bakit ka umiiyak? Takot ka ba sa dugo?" Tumango nalang ako sakanya dahil hindi ko na kayang makapagsalita pa dahil sa sobrang kabang nararamdaman ko.
Hinila niya ako papunta sa banyo.
"Shhhh. Wag ka matakot. Nandito si Kuya ha." Pero patuloy pa rin ang panginginig ng kamay ko at ang pagtulo ng mga luha ko.
Hinugasan niya ang kamay ko maging ang pisngi ko na may dugo rin.
Matapos non ay nagbasa naman siya ng tissue para maalis ang ilang dugo sa uniform ko.
"Tahan na Kei. Nagaalala ka ba doon sa babae? Magiging maayos rin ang lahat sa buhay niya. Makakabangon siya mula sa bagyo ng buhay niya." Napapikit ako sa sinabi ni Kuya.
"Kuya... Hindi na... Hindi na maaayos ang buhay niya. Gaya ng buhay ko ngayon. Hindi na maaayos kuya. Hindi na." Sabi ko habang lalong humahagulhol at nanginginig pati na ang buong katawan ko.
"Ano bang sinasabi mo? Maayos ang buhay mo kasama kami diba?" Pinunasan niya naman ang dugo sa pantalon ko sa may bandang hita.
Agad akong napatingin rito at nadagdagan ang takot sa dibdib ko. Napapikit ako sa biglaang pagsakit ng ulo ko.
"Nakikita mo ba 'tong dugo na 'to? Galing 'to sa'yo."
Napatigil ako at biglang napamulat.
"Hindi! Hindi totoo yan!" Nabigla si Kuya Marco sa inasal ko.
"Anong sinasabi mo Kei? Alin ang hindi totoo? Pinupunasan ko lang ang dugo sa may hita mo." Ipagpapatuloy niya sana ang ginagawa niyang pagpupunas nang sumigaw ako at naitulak ko siya.
"Hindi wag! Hindi sa akin ang dugo na 'yan. Hindi.. hindi..." Pailing-iling kong sabi. Nagtaka naman siya at medyo natawa.
"Talagang hindi sa'yo 'to Kei. Hindi naman ikaw ang dinugo kundi yung babaeng customer kanina."
"Hindi hindi! Hindi akin 'yan! Hindi ako dinugo. Hindi! Hindi!" Napahawak naman ako sa aking ulo habang sumisigaw at lumuluha.
"Hindi akin 'yan!" Bigla namang nagbukas ang pinto nang papalapit na sana sa akin si Kuya Marco.
"Anong nangyayari dito?" Bungad ni Kuya Ron. Lumapit naman sa akin si Ate Jaise at niyakap ako.
"Hindi ko alam. Basta pinupunasan ko lang ang dugo sa pantalon niya at bigla nalang siyang sumigaw na hindi siya ang dinugo." Napatingin sila sa pantalon ko.
"Sa may hita niya?" Medyo galit na tono ni Kuya Ron. Walang sabi sabi ay hinila niya kami palabas ni Ate Jaise ng banyo.
•••
A/N:
HELLO QUEENNNNNNIIIIIIIIEEEEEEEEEES! HOW ARE YOUUUUU? SOBRANG NA-MISS KO SI KEI AT QUEEN. HUHU. MISS NIYO NA RIN BA SILA? SUPER SORRY SA SUPER DUPER LATE UPDATEEEEEE. PERO JULY PA TALAGA TAPOS 'TONG PART NA 'TO, DI KO LANG PINA-PUBLISH KASI BAKA BIGLANG MAY CHANGES AKO EH I-EDIT KO PA 'TO PERO NAG-BACK READ AKO AT SURE NA SURE NA AKO SA MGA SUSUNOD NA CHAPTERS. HEHEHEHE.
SORRY HA SUPER BUSY LANG DIN TALAGA SA WORK AT SA NGAYON, BUSY SA PRACTICE PARA SA YEAR END PARTY. HEHEHE.
SANA MAY NAGBABASA PA NITO AT MAY SUMUSUPORTA PA RIN. SAMA SAMA NATING SUBAYBAYAN ANG STORY NG THE QUEENS NATIN NA SILA KEI AT QUEEN. ^____^
THANK YOU GUYS!
Sending Love,
PrincessM. 💓
•••
Posted on:
November 23, 2018, 12NN
•••
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top