Chapter 13: Free from the past but...
Keisha's POV:
"Akin ka lang, Alyanna. Walang ibang pwedeng makakuha sa'yo." Kilala ko ang boses na iyon, siya yung lalaki kanina. Bakit niya ba ako tinatawag na Alyanna? Sino ba siya?
Nagtaasan naman ang mga balahibo ko nang haplusin niya ang aking pisngi. Ngunit nasaan ba kami ngayon? Naramdaman ko ang lamig sa aking buong katawan nang biglang humangin.
Bigla akong napamulat sa kadahilanang ayokong maalala ang kasunod na pangyayari sa alaalang iyan. Nagising na ako mula sa bangungot ng nakaraan, kaya pakiusap ayoko ng balikan.
Napabangon ako nang mapansin kong wala akong makita. Ramdam ko ang taklob sa mga mata ko. Tatanggalin ko sana ito nang biglang may pumigil sa mga kamay ko.
"Sandali, sino ka?" Ngunit hindi siya sumagot. Sa halip ay tinulak niya lang ako pabalik sa higaan at itinali niya ang mga kamay ko sa headboard ng kama.
"Anong ginagawa mo? Bitawan mo ako! Sino ka ba? Pakawalan mo ako!" Nagpupumiglas ako at nagpapapadyak ngunit sadyang malakas siya.
Nang matapos siyang itali ako ay hinaplos niya ang aking mukha. Ibinaling ko naman sa kabila ang mukha ko upang makaiwas.
Ramdam ko ang hininga niya sa may bandang tenga ko at bumulong siya.
"Maglalaro tayo." At sinundan ito ng mala-demonyong tawa.
Naramdaman kong lumabas ng pintuan ang nagtali sa kamay ko.
Ano na naman bang nangyayari sa akin? Ang gulo gulo na nga ng buhay ko eh! Bakit may ganito pa? Ano bang nangyari? Sa pagkakatanda ko, nagkainitan sa Cafe kaya aalis dapat ako.
Pero bigla nalang may taong sumulpot sa harapan ko habang nagbibihis ako.
Nagsimula nang salakayin ng kaba ang dibdib ko nang maalala ko ang lahat lahat ng nangyari kanina bago ako makarating dito.
Kailangan kong makatakas dito. Hindi pwedeng maulit ang lahat! Ayoko!
Kaya kahit mahirap, pilit kong itinaas ang mga paa ko para maabot ang panyo sa mata ko. Kailangan kong malaman kung nasaan ako.
Masakit sa bewang pero kailangang matanggal ko 'to. Ilang minuto na ang lumilipas pero hindi ko pa rin matanggal. Ang hirap. Mga ilang ulit ko pang ginawa pero wala pa rin. Ibinagsak ko na lamang ang mga paa ko at saka ko naramdaman ang pawis ko. Hindi lamang iyon, pati pisngi ko ay basa. Umiiyak ako.
Umiiyak na naman ako.
Palagi nalang ba, Kei? Hanggang kailan?
Alam na alam mo sa sarili mo na kailanman ay walang naitulong sa'yo ang mga pag-iyak mo.
Kaya ano bang ginagawa mo?
Huwag kang umiyak. Kumilos ka para mailigtas ang sarili mo!
'Wag kang tanga, Keisha!
Tuloy tuloy lang sa pagpatak ang mga luha ko. Ito na naman. Nandito na naman ako sa sitwasyon kung saan kinakaawaan ko ang aking sarili.
Lagi nalang akong naiipit sa sitwasyon kung saan mag-isa ako at walang ibang maasahan kundi ang sarili ko.
Ganito 'yon eh. Ganitong ganito yung nangyari sa akin noong mismong araw na nagdesisyon si Devin na talikuran ako, napahamak ako...
At hanggang ngayon dala dala ko yung sakit.
Siya pa rin ang sinisisi ko sa lahat.
Pero hindi kaya mas dapat na patawarin ko siya at kalimutan ang lahat ng nangyari sa nakaraan? Mas dapat siguro na tigilan ko na rin ang pagsisi sa kanya sa lahat ng nangyayaring kamalasan sa buhay ko mula noon hanggang ngayon. Kasi sa totoo lang, ang hirap din pala. Ang sakit pala. Ako lang din yung nasasaktan dahil sa ginagawa ko.
Siguro mas magiging okay lahat kung bubuksan ko na ang puso ko para magpatawad. Mas magiging masaya siguro ako kung wala akong dinadalang sakit at sama ng loob mula sa nakaraan. At siguro, mas magiging maayos ang buhay ko at hindi na ako babalik balikan ng nakaraan ko.
Natatakot lang naman akong maulit ang lahat kaya kinulong ko ang sarili ko sa sakit na nararamdaman ko. Ayoko lang kasing masaktan ulit. Pero hindi ko pala namalayan na mas lalo kong sinasaktan ang sarili ko at wala itong naidulot na maganda sa buhay ko.
Oras na ba para magpatawad?
Ito na ba ang tamang timing sa buhay ko para pakawalan ang lahat ng sakit?
Kahit na may taklob ang aking mga mata, ipinikit ko ang mga mata ko at kasabay nito ang pagpatak ng mga luha ko.
"Devin, pinapatawad na kita." Turan ko sa aking sarili. Siya lang naman ang pinag-ugatan ng lahat ng ito kaya dapat lang siguro na tanggapin ko sa sarili ko na para makausad ako sa buhay ko, kailangan ko rin simulan sa kanya ang lahat nang sa gayon ay tuluyan nang matapos ang mga paghihirap kong ito.
Kung sakali mang maulit muli ang nakaraan, hindi na siya ang sisisihin ko. Siguradong wala siyang kinalaman dito.
Pinikit ko na lamang ang aking mga mata at pinabayaan ko nalang kung ano man ang mangyayari sa akin ngayon.
Siguro nga'y ito ang aking kapalaran, ang malugmok sa sobrang sakit.
Ako na ata ang Queen of Pain, pagmamay-ari ko ang lahat ng masasakit na karanasan sa mundong ito.
Maya maya pa'y narinig ko na ang pagbukas ng pinto.
Lalo akong napahagulhol pero inihanda ko na rin ang sarili ko. Alam ko na ang mangyayari...
Naramdaman kong muli ang kanyang nakakapangilabot na haplos. Nagtayuan ang lahat ng aking balahibo kasabay ng pagtulo ng mga luha ko.
Wala akong makita at hindi ako makakilos. Nakatali ang mga kamay at paa ko, mayroon din akong piring sa mata.
Wala akong magawa kundi umiyak. Wala akong lakas para lumaban. Wala akong magawa para iligtas ang sarili ko.
Sa isip ko, isang pangalan lamang ang tinuturan ko...
"Devin..."
"Kelly? Ayos ka lang ba?" Naramdaman ko ang pagyugyog niya sa akin.
"Kelly!" Dahan dahan kong iminulat ang mga mata ko at naramdaman kong wala ng tali ang aking mga kamay. Unti unti ko na ring naaninag ang mukha ng lalaking yumuyugyog sa akin.
"D-Devin?" Nakita ko ang pagaalala sa kanyang mga mata. Agad niya akong niyakap kahit na hindi pa ako nakakabangon mula sa aking pagkakahiga.
"Keisha... masaya ako dahil ligtas ka." Dahan dahan akong bumangon at inalalayan niya ako.
Tinitigan ko siya at muli na naman akong napaluha.
Ngayon ay hindi dahil nasasaktan ako sa nakaraan.
Kundi dahil masaya ako.
Masaya akong makita dito si Devin.
Niyakap ko siya ng mahigpit.
"Devin." Turan ko sa gitna ng aking mga luha.
Pumikit ako at dinama ang yakap na ito.
Bakit ngayon lang, Devin?
Sana noon pa...
Sana dati mo pa ako nailigtas...
~*~
Nandirito kami ngayon sa kotse niya. Hinatid niya na ako sa apartment ko.
Ayoko sana dahil ayokong may makaalam ng tinitirahan ko pero gusto niya daw na makasiguro na makakauwi ako ng ligtas.
Sa tuwing naalala ko na naman yung nangyari kanina, sumisikip ang dibdib ko.
Muntik na naman maulit ang nakaraan ko...
Ang nakaraang tinatakasan ko pero bakit parang lagi pa rin akong sinusundan?
Hindi ko alam paano kami nakaalis sa lugar na 'yon, ni hindi ko alam saan nga ba 'yon.
Kung magre-report ako sa mga pulis, walang makukuhang kahit na anong impormasyon mula sa akin dahil tulala lang ako at hindi makapagsalita.
Wala rin akong alam paano nangyari.
Nagulat ako nang biglang tumikhim ang katabi ko.
Napalingon ako sakanya at nagkatagpo ang aming mga mata.
Ang mga titig niya...
Alam na alam ko ang ganyang klaseng titig niya.
Gusto kong umiwas pero pinili ko nalang kausapin siya tungkol sa nangyari kanina para maibaling ang kanyang atensyon.
"Paano mo nalaman na nandoon ako?" Bahagya naman siyang nabigla sa aking tanong. Marahil ay iba ang inaasahan niya.
"Kakababa ko lang ng sasakyan sa tapat ng Cafe nang makita kong bitbit ka ng isang lalaki, kaya sinundan ko kayo." At hinawakan niya ang aking kamay. Napatitig naman ako rito.
"Natakot ako, Kelly. Akala ko mawawala ka sa akin." Pahabol niyang sabi. Nginitian ko na lamang siya dahil hindi ko alam ang isasagot.
"Gusto kong magpasalamat. Kahit na hindi maganda ang huli nating pagkikita, salamat kasi hindi mo ako pinabayaan. Hindi mo hinayaan na maulit sa akin ang nangyari noon." Sabi ko upang maiba ang usapan. Hinawakan ko rin ang kanyang kamay na nakahawak sa akin.
"At pinatawad na rin kita, kanina bago ka dumating." Nagliwanag ang kanyang mukha.
"Ang tagal ko nang pinapanalangin na sana mapatawad mo na ako. Salamat Keisha."
Gumaan din ang pakiramdam ko. Parang nabunutan ako ng tinik sa dibdib. Halos dalawang taon kong dala dala ang sakit, parang napakawalan ko na rin ito kasabay ng pagpapatawad ko at nang malaman ko na matagal niya rin palang hinihintay ang kapatawaran ko.
Gusto ko pa sanang tanungin siya kung nakilala niya ba yung kumuha sa akin at kung saan ako dinala.
Gusto ko malaman bakit ako? Ano na naman bang ginawa ko?
Masakit na hanggang ngayon para pa rin akong hinahabol ng nakaraan ko.
Pero ngayong nagkapatawaran na kami ni Devin, pakiramdam ko hindi na ako hihilahin pa ng nakaraan ko pabalik.
Hindi man ako sigurado kung ano ang magiging lagay ng puso ko, ang mahalaga, natanggap ko na ang lahat ng nangyari noon sa relasyon namin ni Devin. Kaya ko na ulit siyang makita. Sa tagal ng panahon na sinisisi ko siya sa buhay ko, ngayon lang ako naging okay.
Siguro doon lang talaga magsisimulang maghilom ang lahat. Kapag tinanggap mo ang lahat ng nangyari at iniwan sa nakaraan. Hindi ko dapat siguro hinayaan na lamunin ako ng sakit ng nakaraan. Kung sana noon ko pa tinanggap, hindi ko na siguro pa dinala ang sakit sa mahabang panahon.
Medyo naiilang na ako sa katahimikan kaya nagdesisyon akong umalis na.
"Ah Devin, mauna na ako. Salamat ulit." Inalis ko na ang seat belt ko nang bigla niya akong pigilan na bumaba.
"S-sandali Kelly." Natigilan siya at tila napagisip isip niya na hindi niya na dapat pa ako tinatawag sa nickname na siya ang nagbigay noong kami pa.
"Pasensya na. Keisha pala. Magkikita pa ba tayo? O kaya pwede ba kitang ihatid sa Cafe bukas?" Mga ilang minuto rin kaming nagkatitigan.
Sa totoo lang, hindi ko kasi alam anong isasagot ko.
Ano ba dapat?
"Gusto ko lang masiguro na walang mangyayari sa'yo. Yun ay kung papayag ka?" Nagbigay nalang siya ng dahilan, marahil alam niyang nahihirapan ako mag-desisyon.
Kilalang kilala niya pa rin ako. Alam na alam niya paano ako bibigay sa kanya, kung paano ako mapapa-oo.
Gusto ko tatagan ang loob ko. Gusto ko kayanin mag-isa, kasi nakaya ko ng wala siya sa loob ng dalawang taon. Gusto ko kayanin eh. Gustong gusto ko. Iyan ang sinasabi ng utak ko pero ang sinagot ko?
"S-sige. 9am ang pasok ko."
Wala na. Bumigay na naman ako. Nahulog na naman ako.
Tanga na naman ako.
°°°
Posted on:
May 15, 2020, 4:10 PM
°°°
A/N:
Hello! Another update from me! 😊 It's bed weather kaya masarap magsulat. Feel na feel habang nakikinig ng music. Haha.
Sana nagustuhan niyo. Comments will be highly appreciated. 😍
Sending Love,
~PrincessM. ❤
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top