kabanata 5
Kabanata 5
Unica Ija No more
Naghihinagpis ang lahat ng malaman ang pagkamatay ni King Vincent II. Mabilis na kumalat ang balita sa buong lungsod. Noong una'y hindi sila makapaniwala pero ng kalaunan ay tinanggap na nila ang katotohanan. Mabuting hari si King Vincent II, kahit 'di pa masyadong magarbo ang nagagawa niya sa lungsod, marami naman siyang ginawang kabutihan. Isa iyon sa magiging legacy niya sa kaniyang pagkamatay.
Durog na durog na ang puso ni Saffira. Para bang lahat ng na sa kaniya ay parating kinukuha. Kung hindi pa kikilos ngayon si Saffira ay baka ang susunod na madamay ay ang mamamayan ng Gamborg. Hinding-hindi niya ito hahayaang mangyari dapat ay magsimula na ang pinaplano niyang paghihiganti hangga't hindi pa umuupo bilang queen ang anak ni Beaflor.
Sa maliit na telebisyon na kung saan isang channel lamang ang pinapalabas. Doon makikita ang nangyayari sa palasyo't mga balita sa lungsod.
Kasalukuyang nanonood ng telebisyon sina Lucia. Pinapakalma ni Lucia si Saffira. Nakatulala lamang na nanonood si Saffira. Walang emosyon na makikita sa kaniyang mukha tila ba pagod na sa lahat ng nangyayari.
"Magandang hapon sa inyong lahat... Ako'y lubos na nalulungkot sa pagkamatay ng aking pamangkin. Dapat ay aalis kami patungo sa Betenlor upang doon ay tingnan ang mga nangyayaring patayan, isa kasi sa gusto naming tuldukan ay ang patuloy na labanan ng South at North Betenlor dahil maraming inosenteng tao ang namamatay. Nauna siyang pumunta doon dahil kami ng aking asawa ay may bisitang dumating. Pero noong pagkapunta namin sa Betenlor... ang mga guwardiyang nakabantay sa kaniya ay patay na, maging ang aking pinakamamahal na pamangkin." Humagulgol sa iyak si Beaflor.
Nakatutok lamang sa kaniya ang camera. Tila ba mahahabag ka kapag nakita mo siya. Sa loob ni Saffira, gusto niyang ihagis ang vase sa telebisyon. Napakagaling magpanggap.
Maganda si Beaflor kaso nasobrahan nga lang sa mga burloloy sa katawan. Sa palasyo, sa paglabas niya ng palasyo ay hindi siya mabubuhay kapag walang make-up ang mukha. Hindi siya lalabas kapag walang make-up. Ang akala niya ay 'yon ang nagpapaganda sa kaniya ngunit nagkakamali siya. Marami siyang ari-arian. Galing sa marangyang pamilya ang kaniyang napangasawa. Sunod sa luho naman ang kaniyang anak na babae na si Beaflorinda Austain Lamberg.
Si Beaflorinda, ang magiging reyna kung sakaling napagdesisyunan ng mga matatanda sa palasyo. Matatagalan pa ito panigurado dahil nagluluksa pa sila sa pagkamatay ng hari. Mga ilang buwan o umaabot ng taon ang kanilang ginagawang pagluluksa sa tuwing may namamatay na maharlika.
Tinanong ni Mercy si Saffira kung ayos lamang ito.
"Ayos ka lang ba, Welliane?"
Bumuntong hininga si Saffira at saka tumingin kay Mercy na nagtatanong.
"Kailangan ko pong magpakatatag," ani ni Saffira.
Nang sumapit ang gabi ay muling bumisita si Gilbert. May dala itong mahabang espada at ipinakita kay Saffira.
"Kanino ito?" tanong ni Saffira.
"Kay King Vincent II po, kamahalan.." aniya at saka inabot sa kaniya ang espada.
Pinaulanan lamang ni Saffira ng titig si Gilbert.
"Para saan?" tanong muli ni Saffira.
"Patayin niyo na po ako kamahalan dahil 'di ko po nasunod ang utos niyo. Ibang guwardiya po kasi ang kinuha ni King Vincent II at mayroon kaming pagsasanay noon kaya 'di ako ang nakasama niya. Sana buhay pa siya ngayon kung sakaling nandoon ako." Halata sa boses ni Gilbert na siya'y nagsisisi. Pumipiyok na siya habang winiwika ang mga sinasabi niya.
"Mayroon ka namang magandang rason, Gilbert. Ayokong mabawasan sa mundong ito ang mga taong mapagkakatiwalaang tunay. Naging mabuti kang tagapangalaga kay King Vincent II. Huwag mong sisihin ang sarili mo, Gilbert. Kasalanan ko iyon.." sisi sa sarili ni Saffira.
"Ngunit kamahalan, nagbigay po kayo sa kaniya ng babala."
Tumingin ng diretso si Gilbert sa mata ni Saffira.
"Hindi sapat iyon, Gilbert. Hari ang pinsan ko. Kahit delikado ang lugar, pupuntahan at pupuntahan niya dahil nandoon ang mga mamamayan niya. Sa palagay ko ay hindi pinatay ng mga tao sa Betenlor ang hari. Palagay ko'y may kawal doon si Beaflor pagkatapos ay pinapatay niya si King Vincent II," kutob ni Saffira.
Hindi umimik ng ilang minuto si Gilbert subalit ay pinakita sa kaniya ang espada.
"Kamahalan, ito pong espada na ito ay magiging sa'yo na po ngayon. Gagawin ko ang lahat upang ikaw ang maging susunod na queen. Hahasain ko muna po ang kakayahan niyo sa pakikipaglaban, kung maaaari, kamahalan," sambit ni Gilbert.
Gustong bumawi ni Gilbert kahit sa pagsasanay niya kay Saffira ng paghawak ng espada at pakikipaglaban. At alam ni Gilbert na magiging mahusay si Saffira dito.
"Bukas, kamahalan. Hapon po tayo mag-eensayo," ani ni Gilbert pagkatapos ay nagpaalam na.
---XXX
Kinabukasan, maagang nagising si Saffira. Alas Singko y Media ng umaga ay nagising na siya, nagtimpla siya ng kape at nagdilig ng halaman sa hardin nila Lucia. Nang pumasok sa loob si Saffira ay nagulat si Lucia.
"Magandang umaga po, kamahalan. Nagulat po ako dahil nakabukas yung pinto, akala ko po may nakapasok na ibang tao dito," aniya kay Saffira.
"Magandang umaga rin, Lucia. Maaga akong nagising dahil gusto kong maamoy ang sariwang hangin sa labas, malamig kasi kapag madaling araw. Nagpakulo na ako ng tubig dahil nagkape ako. Kumuha ka na lang doon," sabay turo niya sa sangkalan.
Hindi na muna nag-iisip ng masama si Saffira. Gusto niya'y kahit ngayong araw man lang ay maging positibo ang kaniyang iniisip. Kasi napapansin niya, kapag negatibo ang iniisip niya, negatibo nga ang nagiging kinalabasan. Sinasanay niya ang sarili niya. Lahat ay may dahilan kung bakit nangyayari iyon. May dahilan din kung bakit parating may nawawala sa kaniya, dahil mayroong mas magandang plano ang Diyos sa kaniya.
Kasalukuyan silang nag-uumagahan. Napansin ng mag-asawa ang bagong aura ni Saffira. Hindi na ito katulad ng dati na seryoso lamang na nakatingin sa pagkain. Ngayon, parang may nagbago...
"Welliane, gusto mo bang mamasyal sa Atlanta? Doon mapapahinga ka, maganda ang tanawin doon at pwede ka magtampisaw sa tubig alat."
Siguro'y naaawa na rin sila na parating sa bahay lang si Saffira at patuloy na naiisip niya ang mga problema niya. Ngayon, baka kailangan niya ng magandang tanawin at baka kailangan niyang lumabas labas lang para maiwasan ang stress, at ang pag-iisip niya ng sobra. Nakakasama rin kasi iyon sa kaniya.
"Oo nga, ate Welliane. Sobrang ganda doon, lalo na kapag palubog na ang araw!" masayang kwento ni Lucia habang nginunguya ang pagkain. Pinagalitan naman siya ng kaniyang ina sa ginawa niya.
"Sige po ba. Basta po papayagan niyo ko."
Ganoon nga ang nangyari. Napagplanuhan talaga nila na pumunta sa Atlanta. Pagkatapos na pagkatapos nilang kumain ay kahagad silang nag-ayos ng mga damit na ipangbibihis nila at damit na ipang-swi-swimming nila. Nagluto din si Mercy, Lucia at Saffira ng pagkain na kakainin nila doon. Doon na kasi sila manananghalian, ang balak pa nila ay manghuhuli ng isda si Lucian at saka ito iihawin doon.
Alas Nuebe ng umaga ay handa na sila upang pumaroon na sa Atlanta. Ang Atlanta ay isa sa pasyalan sa lungsod ng Gamborg. Sagana ito sa mga isda, na pinagkakakitaan ng mga nakatira doon. Ang kulay asul na tubig nito at ang pinong buhangin ay isa sa nakakapanghikayat sa mga taga-ibang bayan upang doo'y magbakasyon o kaya naman ay doon ay maglibot. Isa ang Atlanta sa sakop ng Gamborg.
"Handa na ba ang lahat? Baka may nakalimutan pa kayo?" tanong ni Lucian habang kinakabit ang kalesa sa kabayo. Hindi kasi sila kasya kapag kabayo lang. Sa hubog palang ng katawan nina Lucian at Mercy ay siguradong hindi na kasya sina Lucia at Saffira. Paniguradong maiiwan ang mga gagamitin nila sa bahay.
"Wala na po, ama!" sigaw ni Lucia habang naglalakad na upang makasakay na sa kalesa. Sinarado kasi niya ang pintuan ng kanilang bahay.
Nakasakay na sa kalesa ang kanilang mga gamit maging sina Lucia, Mercy at Saffira ay nasa kalesa na. Maayos na ang kabayo, pinakain muna ito ni Lucian upang hindi magutom sa daan, pagkatapos ay umakyat na rin upang patakbuhin na ang kabayo.
Katamtaman lamang ang bilis ng kabayo. Ang hangin na sumasapul sa kanila ay katamtaman lang din. Habang sila'y nasa loob, inuusisa nila ang kagandahan ng lugar nila. Tinitingnan nila ang mga malalawak na palayan.
Kung titingnan mo ang mga bahay, layo-layo ito dahil may sari-sariling lupa ang mga tao na naninirahan dito. Ang distansiya ng isang bahay doon sa tinitirhan nila Lucia ay isang ektaryang palayan. Ganoon kalayo, kaya kung gusto mong tawagin ang kapitbahay mo ay kailangan pang sigawan.
"Gaano kalayo po ang Atlanta mula dito?" tanong ni Saffira habang patuloy na tinitingnan ang kanilang dinadaanan.
"Kung 'di ako nagkakamali Apat at kalahating kilometro."
Napasinghap si Saffira. Malayo-layo pa ang kanilang lalakbayin. Hindi nga lang niya malaman kung anong oras sila makakarating doon.
Nakatulog si Lucia sa biyahe, si Lucian ay patuloy lamang sa pagpapatakbo ng kabayo. Si Saffira't Mercy ang natirang gising sa likuran.
Hindi mapigilan ni Mercy na magtanong patungkol sa plano ngayon ni Saffira. Hindi naman kasi kaya ni Saffira na siya lang ang mag-isang susugod at mag-isang maghihiganti. Paniguradong kailangan din ni Saffira ang tulong nina Mercy.
Nagsimula si Mercy sa isang simpleng tanong.
"Welliane..."
Napatuwid ng upo si Saffira at tiningnan si Mercy.
"Bakit po?"
Nagpakawala muna si Mercy ng isang malalim na hininga.
"Ayos ka lang?"
Matagal na hindi nakasagot si Saffira. Ayaw niyang magsinungaling. Mukha lang siyang maayos sa labas ngunit sa loob niya'y wasak na wasak na siya.
"Hindi ko po alam..." Iniwas niya ang tingin kay Mercy. Tiningnan na lamang niya ang mga ibon na animo'y naglalaro. Nang nakita ng mga ibon ang anino ng kalesa nila Saffira ay kahagad itong lumipad.
"Welliane, nandito lang kami, ha? 'Wag mong sasabihin sa sarili mo na mag-isa ka na lang na lalaban. Tandaan mo, nandito pa kami," turan ni Mercy. Ang kaniyang mata ay punong puno ng awa kay Saffira.
Dahil sa sinabi ni Mercy ay tumingin si Saffira sa mata ni Mercy.
"Maraming salamat po..."
Biglang niyakap ni Mercy si Saffira. Sa yakap na iyon ay naramdaman niya kahit papaano ang presensiya ng kaniyang ina. Kahit na hindi sila pisikal na magkamukha ni reyna Garmelyn. Mayroon namang pusong mapagmahal si Mercy na mayroon din si reyna Garmelyn. Dahil doo'y kahit papaano'y naramdaman niya ang yakap ng isang ina.
---XXX
"Ang ganda! Wala pa rin talagang kupas ang kagandahan ng Atlanta!" Sumalubong ang malakas na hangin sa sigaw ni Lucia. Kumbaga sa kaniyang reaksiyon ay parang ngayon pa lamang siya nakapunta dito.
Sa likod niya ay si Saffira na nakabalabal pa din at nakasuot ng sombrero. Nagsusumayaw sa hangin ang kaniyang puting dress na suot, sleeveless ito kaya kitang kita ang kaniyang kaputian. Mangha na mangha si Saffira sa ganda ng Atlanta. Ang mga alon ay papari't parito sa dalampasigan.
Konti lamang ang tao dahil sobrang init. Ayaw yata magpaitim. Ang mga nandoon lamang ay ang mga batang gumagawa ng sand castle sa pinong buhangin. Mga kabataang nagtatampisaw sa maalat na tubig, hindi alintana sa kanila ang sikat ng araw. Kitang kita ang kanilang mga ngiti sa labi na nagpatitig kay Saffira sa mga kabataang ito.
Habang nakatingin siya sa mga ito ay may naramdaman siya humawak ng kaniyang balikat. Nilingon niya ito at nakita niya si Lucia.
"Mamaya, ate Welliane. Maliligo na tayo dyan!" sabay turo niya sa malawak na dagat.
Tumango si Saffira at saka niya nginitian si Lucia. Nag-aya na muna si Mercy at Lucian na sumilong muna sila at ayusin ang gamit. Hinila ni Lucia si Saffira habang ito'y tumatakbo patungo sa isang cottage. Nagpatianod naman si Saffira kay Lucia.
Inayos na muna nilang lahat ang mga magpakain. Nilatag sa lamesa ang kanilang pagkain. Inayos naman ni Lucia ang kaniyang susuotin na panglangoy. Para siyang batang sabik na sabik na maligo. Napapailing na lamang si Saffira at natatawa.
"Bago kayo maligo, kumain muna kayo para may lakas kayo," utos iyon ni Lucian sa kanila.
Sinunod naman nila si Lucian. Masyado pa ngang mainit at baka mangitim sila dahil tirik na tirik ang araw.
Pagkatapos kumain ay nag-aya si Lucia na maligo na dahil pinagpapawisan na rin ang kaniyang katawan.
"Ate Welliane, tara na! Magpalit na tayo ng damit na gagamitin natin. Tingnan mo po oh! Hindi masyadong mainit ngayon," sabay turo ni Lucia sa kalangitan. Tiningnan din ito ni Saffira at tumango na lamang. Excited na excited talaga si Lucia. Parang walang makakapigil sa kaniya.
Mayroong nakalaan na palikuran at palitan ng damit dito sa Atlanta. Matagal na ito at pinanatiling malinis ng mga taga-Atlanta. Ginawa na rin ang mga palikuran sapagkat maraming turista ang mga pumupunta sa lugar.
Nagpalit si Lucia ng isang long sleeve pagkatapos ay maikling short naman ang tinerno niya dito. Ganoon din ang suot ni Saffira dahil kay Lucia lang siya nanghihiram ng damit.
Habang nasa palikuran ay binulungan ni Saffira si Lucia.
"Tatanggalin ko ba ang balabal ko?" nag-aalinlangan niyang tanong kay Lucia na ngayo'y inaayos ang sarili nitong buhok.
Humarap ito kay Saffira at saka inalis ang balabal na nakapalibot sa magandang mukha ni Saffira.
"Ate Welliane, 'wag ka na po maligo. Sayang ang puti mo, baka po mangitim ka. Ang taas pa naman ng sikat ng araw," nanghihinayang na sabi ni Lucia kay Saffira.
Natawa na lamang si Saffira sa sinabi ni Lucia. Sa loob-loob ni Saffira, siya itong aaya-ayang maligo tapos siya itong magpapatigil sa kaniya.
"Hayaan mo na, Lucia. Para maging bago rin ang kulay ng kutis ko."
Muling itinanong ni Saffira kung ayos lang na huwag siya magbalabal.
"Uy! Lucia, ayos lang ba na huwag ako magbalabal?" tanong muli nito.
"Ay opo, ate Welliane. Hindi po nagtutungo ang mga guwardiya dito dahil maraming turista. Ayaw nilang takutin ang mga tao. Doon po sila pumupunta sa kabila dahil doon maraming bahay," sagot ni Lucia.
Napatango-tango na lamang si Saffira sa sinabi ni Lucia. Doo'y nakahinga siya ng maluwag. Malaya siya dito. Walang takip ang kaniyang mukha. Malaya niyang maipapakita sa ibang tao ang emosyon niya. Pero minsan naisip niya, maganda din ang may balabal na nakapalibot sa kaniyang mukha upang 'di makita ng ibang tao ang mga emosyon na ayaw niyang sabihin. Napapanatili niyang sikreto ang kaniyang nararamdaman nang dahil sa balabal.
Kahagad na tumakbo si Lucia patungo sa dagat. Kinakawayan na niya si Saffira, nagpapahiwatig na pumunta na siya doon. Nginitian siya ni Saffira. Sumabog sa hangin ang kaniyang lagpas balikat na buhok at saka tumakbo na siya papunta kay Lucia.
Sinabuyan ni Saffira ng tubig si Lucia. Maligamgam ang tubig ang naramdaman ni Saffira. Naggantihan si Lucia at Saffira sa pagsasaboy ng tubig.
Mula sa malayo ay ay masayang nakatingin sina Lucian at Mercy.
"Parang mayroon ng kapatid si Lucia," wika ni Lucian.
"Hindi na unica ija si Lucia, dalawa na sila," sambit naman ni Mercy. Tila kumikinang ang mata ni Mercy habang tinitingnan ang dalawa na nagtatampisaw sa tubig.
---XXX
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top