Chapter 37

"Palabasin niyo po ako dito! Ayoko po dito." Dinig ko ang paghiyaw ng isang batang babae pero hindi ko ito magawang tulungan. Gustuhin ko man, parang namanhid ang buo kong katawan dahil kahit ang mga daliri ko'y hindi ko maigalaw kaya wala akong nagawa kundi titigan lang siya.

"Diyan ka lang. Hindi ka pwedeng lumabas. Takpan mo ang mga tainga mo. Hindi ka lalabas diyan hangga't hindi ko binubuksan ang kwarto ng silid mo. Maliwanag?"

Malumanay pero takot na takot ang bata sa kaniyang mga naririnig kaya wala siyang nagawa kundi ang sumunod. Ako ang nasasaktan para sa bata, gusto ko siyang tulungan pero hindi ko naman magawa.

Nanindig ang mga balahibo ko nang tumingin ang bata ng diretso sa mga mata ko. Pakiramdam ko'y hinihila ang katawan ko papalapit sa bata kahit hindi naman ako gumagalaw. Hanggang sa mapagtanto ko na lamang na malapit na kami sa isa't-isa.

"Kasalanan mo to, dahil hindi ka nakinig."

Napabalikwas ako ng bangon dahil sa isang masamang panaginip, nakaramdam ako ng kilabot nang maalala ko ang matinis na boses ng bata sa panaginip ko. Habol ko ang hininga ko at basang-basa ako ng pawis na kahit airconditioned ang kwarto'y nanlalagkit ako. Inilibot ko ang paningin ko para makumpirmang gising na ako. Nakahinga ako ng maluwag dahil panaginip lang pala ang lahat.

Ilang araw na akong hindi lumalabas sa kwarto magsimula nang malinis ko ang pangalan ko sa bintang ni Klarisse. Binubuksan ko lang ang pinto ng kwarto ko kung may magdadala ng makakain ko at kung lilinisin ang kwarto ko.

Hindi ko na din pinasukan ang natitirang tatlong araw ng founding anniversary ng university dahil wala na din naman na akong gagawin doon. Siguro may mga text at tawag na din akong hindi nasagot dahil naka-mute ang phone ko.

Napabangon ako sa hinihigaan ko nang makarinig ako ng katok. Malamang may magdadala nanaman ng kakainin ko. Nagtataka na din sina Mom kung bakit hindi ako lumalabas.

"Ma'am, kumain na po kayo at lumabas naman po kayo kahit minsan. Lagi na lang po kayong nakakulong dito, nag-aalala na sa inyo ang Mommy at Daddy niyo."

Saad ni Aling Mila nang maihatid niya ang pagkain ko. Hindi ko siya pinansin at nagsimula na lamang kumain. Nagsimula pa siyang magkuwento tungkol sa mga karanasan niya na nagpatigil sa akin.

"May kailangan pa po ba kayo? Kung wala na, pwede na po kayong umalis." Natigil siya sa pagkukuwento nang sabihin ko iyon. Alam kong maling pagsalitaan ko siya ng ganoon pero gusto ko munang maging mapag-isa.

Napatingin ako rito nang hindi man lang ito gumalaw sa pwesto niya. Hinintay ko na kumibo siya pero nanatili lang siya sa pwesto niya. Ayaw kong makipagtalo sa isang katulong kaya inubos ko na lamang ang pagkain ko at ako na ang lumabas.

Nadatnan ko pa si Mom na abalang nakatutok sa laptop nito kaya hindi na ako nito napansing lumabas. Hindi na din ako masyadong nag-aalala pa kay Mommy dahil maayos na ang lagay nito mula nang madischarge siya sa ospital.

Napapitlag ako sa gulat nang makita ko si Aling Mila sa likod ko. Sinundan pala niya ako palabas. Ano nanaman ba ang kailangan nito? Hindi naman ganito ang katulong na pinalitan niya, siguro kung hindi lang kailangang umalis ni Yaya Rosie mas matatahimik ako ngayon.

"Anak kausapin mo naman ako. Gusto lang naman kitang kamustahin." Ngayon tinatawag niya akong anak? Pagkatapos ng ginawa niya sa akin, tatawagin niya akong anak?

Hindi ko kayang tagalan ang presensya niya kaya nilayasan ko siya para magtungong muli sa kwarto ko pero bago pa man ito mabuksan, nahawakan na nito ang kamay ko.

"Anak kausapin mo naman ako, alam kong galit ka sa akin pero pakinggan mo naman ako." Halos magmakaawa nang saad ni Aling Mila. Hindi ko na siya kayang tawaging Nanay dahil sa pag-iwan niya sa akin sa bahay ampunan kung saan una kong naranasan ang sakit.

"Para saan pa? Alam niyo na po palang galit ako sa inyo pero bakit pa po niyo ito ginagawa? Bakit po pinapahirapan niyo ako?" Hindi ko na mapigilang humikbi dahil kahit nasa murang edad pa ako noong mga panahong iyon ay natatandaan ko pa kung paano niya ako inabanduna.

"Maniwala ka sa akin anak, hindi ko ginusto ang nangyari. Kung may nagawa man ako sa'yo, pinagsisisihan ko na ngayon lahat."

Tuluyan nang bumagsak ang luha ko dahil sa narinig. Bakit ganito? Bakit parang binibiro ako ng mundo, binibilog at pinaglalaruan. Maayos na ang buhay ko pero bakit kailangang humantong sa ganito?

"Huwag niyo na po akong paglaruan, sapat na sa akin na naranasan ko lahat ng pasakit na ibinigay niyo sa nakaraan ko. Huwag niyo na pong subukan na linisin ang pangalan niyo dahil hindi ako maniniwala sa inyo."

Sinubukan nitong hawakan ang mga kamay ko pero pilit ko itong inilalayo sa kaniya, hindi na siya ang Inang itinuturing ko kaya bakit sinisikap pa din niyang makuha ang loob ko. Dahil ba maayos na ako? Balak ba niyang sirain uli ang buhay ko?

"Makinig ka anak, may dahilan kung bakit ko nagawa ang lahat ng mga nagawa ko noon." Nagmumukha na akong baliw dahil tumatawa ako sa gitna ng paghikbi ko. Ano nanaman bang kaguluhan ang napasukan ko?

"Dahilan? Ano nanaman bang dahilan ang sasabihin mo? Sapat ba ang dahilan na yan para pahirapan ako? Bata pa lang po ako ikinukulong niyo na ako, pero gusto kong lumabas at makipaglaro sa mga batang kaedaran ko kaya naisip kong lumabas, pero noong ginawa ko yon ano pong ginawa niyo? Pinagalitan niyo ako, at sa araw ding yon, iniwan niyo ako sa ampunan. Alam niyo po ba kung paano naapektuhan non ang pagkatao ko?"

Huminga ako nang malalim dahil pakiramdam ko ay ano mang oras, hihimatayin ako sa sobrang pag-iyak. Ayaw ko nang alalahanin pa ang nangyari dahil masakit para sa akin ang lahat. Hanggang ngayon ay hindi ko matanggap na nangyari sa akin yon.

"Mula noong iniwan niyo ako sa ampunan, may mga taong kumupkop sa akin. Sa takot kong iwan nila ako gaya ng ginawa mo, ikinukulong ko ang sarili ko. Ikinukulong ko ang sarili ko sa kwarto dahil ang alam ko, sa ganoong paraan ko sila mapapasaya. Dahil iniisip ko na kapag nanatili lang ako sa kwarto, hindi nila ako iiwan pero hindi nagtagal ibinalik nila ako sa ampunan."

Napatakip si Aling Mila sa kaniyang bibig dahil sa narinig. Walang ding tigil ang pag-agos ng mga luha nito dahil sa mga naririnig. Hindi siguro niya lubos na akalain na pagdaraanan ko ang lahat ng iyon dahil sa pagkakamaling ginawa niya.

"Paulit-ulit lang nangyari yon tuwing may kukupkop sa akin. Hindi ko alam kung ano ang problema, hindi ko alam kung bakit sa tuwing may kukupkop sa akin, ibinabalik lang nila ako, iniiwan din nila ako. Kaya minsan hindi maiwasang sumagi sa isip ko na mahirap akong mahalin, na hindi ko deserve na mahalin kaya nila ako iniiwan. Minsan naiisip ko na wala talagang pamilyang nakalaan para sa akin."

Halos mapasandal ako sa dingding dahil pakiramdam ko ay hinuhugot ang lakas ko. Pero gusto ko pa ding ipagpatuloy, para kahit papaano alam niya kung anong naging bunga ng pag-iwan niya sa akin sa ampunan.

"Dahil doon, tumakas ako sa ampunan. Nagpalaboy-laboy ako sa daan. Para saan pa't mananatili ako doon kung wala din namang taong gustong tumanggap sa akin? Kalaunan, pinagsisihan ko ang desisyon kong umalis, dahil sa pag-alis ko, natuto akong kumain ng mga pagkaing nasa basurahan. Natuto akong matulog sa lansangan. Natuto akong magnakaw. Bakit kaya nangyari sa akin yon no?"

Sarkastiko kong tanong sa kaniya, pero sa pagkakataong ito, unti-unti nang humuhupa ang luha ko. Parang bang naibuhos ko na lahat ang mga pasakit na matagal kong kinimkim.

"Dahil walang magulang na gumabay sa akin. May mga magulang nga ako, pero nasaan sila noong kailangan ko sila? Wala, hindi ko sila kasama nung mga panahong iyon dahil iniwan nila ako sa ampunan."

Wala akong maramdaman kundi galit at poot sa babaeng nasa harap ko ngayon. Kung dati ay gusto kong makakuha ng sagot kung bakit kailangan niya akong iwan, ngayon ay hindi na iyon mahalaga.

"Tatlong buwan kong tiniis ang ganoong sitwasyon ko. Tuwing nagkakasakit ako, walang sino man ang nag-aalaga sa akin. Tuwing natatakot ako, wala akong matakbuhan para protektahan ako. Tuwing may nang-aapi sa akin, walang nagtatanggol dahil ang inaasahan kong gagawa ng lahat ng iyon ay wala sa tabi ko."

Pinunasan ko ang natitirang luhang nasa pisngi ko na ngayo'y tumigil na sa pag-agos. Kung kanina ay nagsasalita ako sa gitna ng mga hikbi, ngayon ay para bang nagsasalaysay na lamang ako ng isang maikling kwento.

"Pero alam niyo, nagpapasalamat po ako sa inyo dahil kung hindi niyo po ako iniwan, baka hindi ako natagpuan ng pamilyang meron ako ngayon. Baka hindi ko naranasan ang magkaroon ng kumpletong pamilya. Kahit na hindi perpekto ang pamilyang ito, may mga taong nagmamahal sa akin, may mga taong nagpapahalaga sa akin. Ang mahalaga, sa pamilyang ito, hindi ko na kailangang maranasan ang mga masasakit na naranasan ko noon."

Nang masiguro kong hindi na ako kukulitin pa ni Aling Mila, pumasok na ako sa kwarto ko at sa pagkakataong ito, hindi na ako nito tinangka pang pigilan.

Akala ko kaya ko na, akala ko napaghandaan ko na ang araw na magkikita kaming muli. Pero noong makita ko siya para mamasukan bilang isang katulong, parang sinaksak ako ng walang hanggang patalim.

Lilipas pa ang mga taon bago ko siya mapatawad pero isa lang ang sigurado ko, mahal ko ang Inay ko at ikinukulong ko ang sarili ko para hindi na siya umalis at manatili lang siya sa tabi ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top