Chapter 34

Third Person's Point of View

"Fernan tama na! Hindi ko na kaya." Iyak ng ginang na walang tigil na pinagmamalupitan ng kaniyang asawa. Halos dalawang dekada na itong nagtitiis sa pagmamalupit sa kaniya ng asawa pero hindi nito magawang iwan ito dahil wala na siyang ibang mapupuntahan.

Isa siyang butihing asawa na walang ibang ginawa kundi kumayod para maibigay lamang sa kaniyang asawa ang mga kagustuhan nito, hindi ito tumigil sa pag-intindi dahil umaasa siyang magbabago ito pero napakarami nang taon ang lumipas pero tila ba walang nagbabago.

Kahit anong subok niya, kahit anong pagtitiis ang kaniyang gawin para bang binabago niya ang isang taong wala namang balak magbago. Pagod na siya, bibigay na ang katawan niya, himala na nga lang at nanatili siyang buhay sa dalawang dekadang pagmamalupit.

Hindi niya maintindihan bakit nagkaganoon ang asawa nito, dati naman ay napakabuti nito sa kaniya pero simula nang magkaanak sila ay nagbago ang lahat. Naging malupit ito, na naging dahilan para mawalay siya sa kaniyang anak. Naluha na lamang ito nang maalala kung ano ang kaniyang nagawa.

...

Hirap na hirap ang isang ginang sa sitwasyon nito kaya napagdesisyonan nitong iwan ang anak niya sa bahay ampunan. Halos magmakaawa ang kaniyang anak na huwag siyang iwan nito pero desidido na ang ginang at sigurado na sa kaniyang gagawin.

"Nay huwag niyo po akong iwan dito. Magpapakabait na po ako nay, huwag niyo po akong iwan." Pagmamakaawa nito sa kaniya pero tila sarado ang isip nito para pakinggan ang pagmamakaawa sa kaniya ng kaniyang anak.

Hindi man lang ito nagpaapekto sa nakikitang pagdausdos ng mga luha sa mga pisngi ng kaniyang anak at pilit nitong inaalis ang pagkakahawak nito sa kaniya.

"Hindi na kita mahal. Naiintindihan mo ba ako? Pagod na akong alagaan ka. Mas mabuti pa kalimutan mo na ako bilang Nanay mo dahil ayaw na kitang maging anak."

Masakit man ang mga narinig na salita at nanlulumo man ang bata sa kaniyang ina, hindi nito magawang paniwalaan ang mga sinabi nito. Bagkus, ay nagpatuloy siyang magmakaawa, umaasang maaawa ito sa kaniya pero mas lalo lamang siyang nanlumo sa kaniyang nakita dahil unti-unti na siyang tinalikuran ng kaniyang ina.

Nang makalayo ang Ginang ay siya namang paghagulgol nito sa pag-iyak, alam ng Diyos na ayaw nitong iwan nang ganoon ang bata pero kailangan niyang protektahan ito. Gusto niya itong balikan pero kung gagawin niya iyon, parang napunta lang sa wala ang bagay na gusto niyang panindigan.

...

Sa kasalukuyan, kahit nanghihina na ang babae sa kakabugbog ng asawa, pinilit nitong abutin ang kahoy na panggatong na nagbabaga pa dahil galing pa ito sa nag-aapoy na kalan.

Hindi ito nagdalawang-isip na ihampas ito sa asawa dahil hindi na nito kaya na tiisin pa ang pagmamalupit nito. Matagal na siyang nagpapakatanga dahil sa pagmamahal niya dito pero sa kabila non ay ngayon lamang nito napagtanto na hindi na ito magbabago kahit ano pang effort ang ibigay.

Nanghihina man, tumakbo ang Ginang para matakasan ang kaniyang asawa. Hindi na nito kinuha ang mga gamit dahil baka ito pa ang maging dahilan para lalo siyang hindi makatakas. Hindi na nito inalintana ang madungis nitong mga damit at tumakbo lang nang tumakbo para makarating sa sakayan ng tricycle.

Nasa liblib na lugar ang tahanan ng Ginang at ng asawa nitong si Fernan kaya hindi ito pwedeng magpahinga kahit saglit dahil maaabutan siya ng kaniyang malupit na asawa.

Agad nitong sinabihan ang mamang driver na bilisan nito sa pagpapatakbo dahil papalapit na ang kaniyang asawa sa kanila, may hawak pa itong itak kaya mas lalo lang nagpabilis sa pagtibok ng puso nito.

"Kuya bilis!" Halos marindi ang driver sa sigaw ng Ginang nang utusan siya nito, magagalit pa sana ito pero agad nitong pinaharurot ang kaniyang tricycle dahil sa takot nang makita ang papalapit na asawa ng Ginang na may dalang itak.

Walang ibang matutuluyan ang Ginang kundi sa kaibigan nito. Matagal na din siyang kinukumbinsi nito na iwan na ang asawa pero ngayon lamang niya ito pinansin.

Masyado siyang nagpaka-martyr sa asawa na umabot sa pagbubulag-bulagan niya dahil sa pag-ibig niya dito. Sa mga oras na iyon ay napakarami niyang pinagsisihan, maski ang batang iniwan niya ay hindi na niya alam kung nasaan.

Nang makarating siya sa bahay ng kaibigan, kumatok ito nagbabaka-sakaling nasa bahay lang niya ito ngayon. Nabuhay siya ng loob nang makita ang kaibigan na ngayon ay puno ng pag-aalala sa kaniya dahil halos mabalot na siya ng pasa.

Nagpresinta na ang kaibigan ng Ginang na ito na ang magbabayad sa pamasahe nito na hindi na niya tinanggihan dahil wala din naman na siyang naidala kahit sentimo.

Awang-awa ang kaibigan ng Ginang sa sinapit nito, gusto pa sana nitong pangaralan ang Ginang pero nanatili na lamang itong tahimik at pinili na lamang na marahang yakapin ang Ginang dahil baka masaktan ito dulot ng mga pasa nito sa katawan.

Lumayo lamang ang kaibigan ng Ginang nang magbadyang tumulo ang mga luha niya. Siya na ang tahimik na umiyak para sa Ginang dahil tila wala nang buhay ang nga mata nito at halos wala nang lumalabas na luha. Sa tagal na pinagmalupitan ang Ginang, tila ba namanhid na ito sa mga naging karanasan.

"Pasensya ka na kung biglaan ang pagpunta ko dito. Kung pwede sana, dito muna ako tumuloy. Aalis din ako kapag nakahanap ako ng trabaho at mtutuluyan." Nagsusumamo ang mga mata ng Ginang habang nakikiusap sa kaniyang kaibigan.

Alam ng kaibigan ang mga pinagdaanan ng Ginang kaya pumayag ito. Sinabihan na din nitong huwag na munang alalahanin ang pag-alis nito at magpagaling muna para mabawi nito ang kaniyang lakas.

Gusto pa sanang tumanggi ng Ginang na magpahinga pero napag-isip isip nito na baka walang tumanggap sa kaniya sa trabaho kung ganoon ang kalagayan niya.

Hindi nagtagal, nakarecover na ang Ginang pero halata pa din ang ibang mga pasa nito sa katawan. Samantala, ang kaibigan nito na tumulong sa paghahanap ng trabaho para sa Ginang ay umuwing may magandang balita.

"May nahanap na akong trabaho para sa'yo. Hindi ko alam kung pasok pa sa'yo ang pangangatulong pero yan lang kasi ang nakita kong may mataas na offer." Sabi nito saka may iniabot na papel kung saan naroon ang detalye ng trabaho.

"Kakaalis lang daw ng isa pa nilang katulong kahapon. Napilitan itong umuwi sa kanila para alagaan ang anak nitong nagkasakit, kaya nagkaroon ng bakante. Dahil nagpupumilit ka naman na magtrabaho, naisip ko na baka interesado ka pa." Paliwanag ng kaibigan ng Ginang habang ito ay titig na titig sa litrato ng mag-asawang may ari ng mansyon.

"O natulala ka diyan, may problema ba? Kung ayaw mong mamasukan diyan, susubukan kitang ipasok sa boss ko, masungit kasi yun eh." Hindi na natuloy ng kaibigan ng Ginang ang pagsasalita dahil ayos naman sa kaniyang mamasukan doon, nakaramdam lang siya ng hiya nang maalala niya ang nakaraan.

"Tumatanggap na sila ng aplikante ngayon, kung gusto mo na talagang magtrabaho, pumunta ka na habang maaga pa baka maunahan ka pa ng iba. Pero habang wala ka pang matutuluyan, pwede ka pa ding umuwi muna dito kung kinakailangan."

Malaki ang pasasalamat ng Ginang dahil nagkaroon siya ng ganitong klaseng kaibigan, kahit kailan kasi ay hindi siya nito iniwan at lagi itong nasa tabi niya tuwing kailangan niya ng masasandalan.

"Maraming salamat sa tulong mo ha. Ang dami mo nang nagawa para sa akin, gusto ko lang malaman mo na naappreciate ko lahat ng yon." Nginitian lamang ito ng kaibigan saka sinabihang lumakad na, baka kasi magkaiyakan pa sila sa kadramahan nila.

Nang makarating ang Ginang sa naturang lugar, hindi nito maiwasang makaramdam ng kaba dahil may kasalanan ito sa kanila, dati na kasi itong naninilbihan sa kanila ilang taon na ang nakakalipas.

Hindi alam ng mga ito ang ginawa niya noong naninilbihan pa siya sa mga ito. Ganunpaman, mas pinili noon ng Ginang na lumayo dahil kahit papaano ay nakaramdam ito ng guilt dahil sa nagawa.

Sa ngayon ay nagdadalawang isip siya kung tutuloy pa ba siya o hindi na pero sa bawat pagpipilian niya ay may kailangan siyang harapin. Kung pipiliin niyang umatras, sa kaibigan naman siya mahihiya dahil madami na itong naitulong sa kaniya. Kung pipiliin naman niyang tumuloy, may chansa namang malaman ng mga ito ang malaking sikretong tinatago niya.

Hindi niya alam kung ano ang kaya niyang isakripisyo, kailangan naman nitong mabuhay para mahanap ang batang inalagaan niya at iniwan sa ampunan.

"Sino po sila? May hinahanap po ba kayo?" Magalang na tanong ng isang dalagita na nakabihis pang-katulong kaya natigil ang Ginang sa pag-iisip.

"Oo, nabalitaan ko kasi na may bakante pa sa pangangatulong, mag-aapply sana ako." Paliwanag agad ng Ginang dahil ayaw nitong mapagkamalan siyang masamang tao, hindi na din niya inalintana ang mga bumabagabag sa kaniya at nagpadala nalang sa sarili niyang instinct.

"Ay tuloy po kayo, kahapon pa po naghihintay ng mag-aapply ang amo ko." Saad ng dalagang katulong, saka nito pinagbuksan ng gate ang Ginang para samahan sa loob. Napalunok na lang ang Ginang umaasang maging maayos ang lahat.

Pagpasok na pagpasok pa lang nito ay, natuod na lamang ito sa kinatatayuan, hindi siya maaaring magkamali, kaharap niya ngayon ang batang iniwan niya sa ampunan labinlimang taon na ang nakakalipas.

'Diyos ko, maraming salamat at ligtas ang batang ito.'






Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top