Chapter 29
"Hi, my name is Jayson Amarillo." Napatampal na lamang ako sa noo ko dahil sa introduction niya, mas malala pa kasi yung paraan niya ng pagpapakilala kaysa sa akin. Literal na sinabi lang niya kung ano ang pangalan niya.
Halatang inis sa ginawa niya si Prof Willow pero nang makita ako nitong tinitingnan siya ay pinaupo na lamang niya si Jayson. Habang ang mga estudyante sa loob ng classroom tulad ng nakasanayan, nagbubulungan nanaman, kumaway pa siya sa akin pagkatapos kaya mas lalong nagbulungan ang mga estudyante dito sa loob.
Nakahanap si Jayson ng bakanteng upuan sa likuran ko kaya doon siya pumwesto. Binati pa ako nito pero hindi ko na lang siya pinansin. Napalingon ako rito nang bigla na lamang ako kinalabit.
"Mukhang masaya naman dito, tignan mo o pinagbubulungan pa nila ako pagkarating ko habang nakangiti, siguro napopogian sa akin." Napaawang ang mga labi ko dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam kung dahil ba hindi pa siya nakapag-aral face to face o isa lang din siyang engot.
Hindi ko na lamang pinatulan ang mga pinagsasasabi niya at nakinig na lang sa leksyon. Hindi na din naman na ito nagsalita nang magsimula nang magklase si Professor Willow kaya makakapagfocus na din ako.
Pero nang dumating ang oras ng recess, doon niya ako sinimulang kulitin at daldalan. Kahit saan ako magpunta ay lagi siyang nakabuntot na parang aso.
"Magkakilala ba kayo? Napapansin ko kasi kanina ka pa kinakausap nitong bagong student." Tumango na lang ako bilang sagot kasi halos hindi na matigil kakadaldal si Jayson. Sa kakadaldal niya ay hindi na niya napansin may kasama pa siyang iba bukod sa akin.
Nang magsawa ako sa pagdaldal niya ay hinarap ko na ito. "Alam mo, ang daldal mo. Kanina ka pa." Malumanay pero walang emosyon kong sabi sa kaniya siyang ikinatahimik niya. Nagulat pa siya nang mapatingin siya kay Martha dahil ngayon lamang niya ito napansin.
"Sorry hindi ko nakita may kasama ka pala." Napapakamot sa ulo nitong sabi saka bumaling naman kay Martha para makipagkilala. Sa sobrang daldal niya, naikwento niya kung paano niya kami nakilala at kung paano niya kami nahanap.
"Mukhang tuwang tuwa talagang nakikita ako ng mga tao dito ano?" Masayang saad ni Jayson nang may nakasalubong kaming mga babae na tinitingnan siya mula ulo hanggang paa saka maghahagikgikan.
"Bakit masaya ka pa? Dapat nga nagagalit ka pa sa kanila." Nagtatakang sabi naman ni Martha dahil hindi nito alam na ngayon lang nakaapak si Jayson sa siyudad. Kung kanina, si Martha lang ang nagtataka, ngayon ay ganoon na din si Jayson.
"Bakit naman ako magagalit?"
"Kasi pinagtatawanan ka nila dahil sa suot mo. Malayo sa mga suot ng mga typical na mayayaman na lalaking estudyante dito. Pinagtatawanan ka nila kasi scholar ka, hindi ka ba taga dito?" Paliwanag ni Martha, tinignan naman ako ni Jayson na parang hinihingi nito ang paliwanag ko pero nagkibit balikat na lang ako.
"Ganun ba talaga ang mga tao dito? Hindi ko kasi alam kasi taga probinsya ako." Napairap na lamang ako, anong hindi niya alam? Sinabi ko yon sa kaniya noong nagtanong siya tungkol sa Palladium University.
Pagkarating namin sa cafeteria bigla na lamang may humila sa akin papunta sa gilid. Nang tingnan ko ito ay nakita ko ang concern na mga mata ni Bailey saka tumingin sa direksyon kung saan ako pumasok.
Nagtatawanan ang mga estudyante kaya lumingon ako kung saan naroon ang atensyon nila. Para bang umakyat lahat ng dugo sa ulo ko nang makita ko kung ano ang nangyari.
Bumungad sa akin ang imahe ni Martha na natapunan ng berdeng pintura. Saka siya pinagbababato ng kung ano ano. Kamatis, itlog, repolyo. Pinaghandaan ba nila to? Kasi hindi ako natutuwa.
"Sinong nagplano nito?" Mahina pero sapat na para marinig nilang lahat pero walang pumansin sa akin ni isa. Kaya ikinuyom ko ang kamao ko at galit na sumigaw.
"Magsasalita kayo o hindi, sino ang nagplano nito?!" Natigil ang lahat sa kani-kanilang ginagawa saka ako tiningnan. Yung iba ay natakot habang ang iba naman ay tiningnan pa ako ng may pagkasuklam.
"Ano bang ikinagagalit mo diyan Sam? Hindi naman ikaw ang nabuhusan. Well, ikaw naman talaga ang planong buhusan pero may dumating na knight in shining armor. We don't want to miss the fun kaya yung kaibigan mo na lang ang pinagdiskitahan namin."
Biglang singit ni Klarisse. Kumalas ako sa pagkakahawak ni Bailey saka ko dahan-dahang nilapitan kung saan naroon si Martha, masyado itong nagulantang sa nangyari at animo'y hindi niya alam kung paano siya magrereact.
"Kung ako ang kailangan niyo, sa akin niyo ibunton ang atensyon niyo. Bakit kailangang mandamay kayo ng iba para lang galitin ako? Ano? Hindi niyo ako mahuli kaya yung iba ang pagdidiskitahan niyo? Payag kayo non? Payag kayo na nagmumukha kayong cheap?"
Nanggigigil na saad ko at tulad ng inaasahan, ayaw nilang inihahambing sa kanila ang salitang 'cheap' dahil sa ego nila at sa mataas na tingin nila sa sarili.
"At itong pinturang sinayang niyo, hindi niyo dapat ibinubuhos sa matinong tao. Kung meron mang deserving para buhusan ng pintura, kayo yon." Dagdag ko pa habang inaalis ang excess na pintura sa ulo ni Martha.
Akmang lalapitan ko si Klarisse para pahiran ng pintura pero nasidatingan ang mga kasamahan nito kasama si Crissa. Napahalakhak ako nang mapanuya dahil sa inaasta nila.
"Ano Klarisse? Hindi mo kayang ipagtanggol ang sarili mo at may bodyguard ka pa?" Tanong ko ng nakakaloko dito dahilan para bigyan ako ng masamang tingin ni Crissa. Kung sa simpleng mga salita napipikon na sila, paano pa kung pisikal ko din silang gantihan tulad ng ginagawa nila ngayon?
"Alam mo, hindi ka maililigtas ng pangalan mo. Your power is nothing if you don't have the sympathy of the people here in Palladium University kaya kahit na anong gawin mong paninindak sa amin kung walang makikinig sa'yo, wala ding kwenta. Bakit hindi mo na lang tanggapin na ngayon pa lang ay natatalo ka na?" Mapanuya na saad ni Crissa habang tinitingnan ako nito mula ulo hanggang paa.
"At kayo? Sa tingin niyo sympathy ang meron ang mga tao dito kapag kaharap kayo? Kumakampi sila sa inyo dahil natatakot sila sa inyo, dahil tinatakot niyo sila." Kontra ko sa sinabi ni Crissa dahil totoo naman, walang natutuwang narito sila. Natatakot lang ang mga estudyante sa kanila kaya napipilitan ang mga itong pakisamahan sila.
Oh, so that's how it works, sympathy huh? Dahil wala na din naman kaming mapapala dito, iginiya ko na si Martha paalis.
"Sumusobra na sila, hahayaan na lang ba natin sila?" Inis na tanong ni Bailey na sumunod pala sa amin.
"Hindi natin sila kaya ngayon, pero sisiguraduhin kong kakainin nila lahat ng mga sinabi nila at pagsisisihan nila ang mga ginawa nila."
Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong pagpupursigi sa tanang buhay ko. Akala ko ay sa pag-aaral ko lang dapat ituon ang pag-aaral ko pero mukhang iba ang plano sa akin ng mundo. Iba ang kalakaran sa university na ito at malayo ito sa normal. I'll do whatever it takes to change this toxic environment.
"Sa ngayon, mas makakabuti siguro kung lumayo muna kayo sa akin para hindi kayo madamay." Suhestiyon ko pero umangal sila, kahit anong pagpipilit ko sa kanila ay ayaw nilang pumayag kaya napilitan akong mag-suggest ng ibang paraan.
"Sige ganito na lang, Jayson, samahan mo si Martha para kung sakaling siya ang target nila may magbabantay. Mas madali mo siyang maproprotekthan kaysa sa akin malala ang galit nila sa akin kaya madadamay ka lang kapag nagkataon."
Nag-aalangan man, wala na din siyang nagawa kundi ang pumayag, bago siya dito at hindi niya alam kung ano ang mga iniisip ng mga tao kaya mas mainam na kasama siya ni Martha na lumayo.
Nginitian ako ni Bailey dahil siya na lang ang natitira. Malamang iniisip niya na isasama ko siya sa mga plano ko. Kapag tinanggihan ko naman pipilitin lang din niya ako, kapag naman sinabi kong haharapin ko sila ng mag-isa sasama sa akin si Martha kaya bale walang nagplano ako kung hindi ko pagbibigyan ang isang to.
Mula ng mga oras na yon, hindi na ako natigil kakaisip kung paano ko makukuha ang simpatya ng mga tao dito kung ngayon palang madami nang natatakot sa grupo nina Klarisse at Crissa, takot silang madamay na natatakot na din silang kumampi sa akin.
"Paano ko ba magiging kakampi ang mga tao dito? Paano ko ba makukuha ang loob nila?" Tanong ko dahil wala naman akong ideya kung paano ako magsisimula. Hindi ko nga alam kung tamang nagtanong pa ako kay Bailey pero sigurado ako na kahit papaano ay may nalalaman siya at may kayang ipayo.
"Tulad ng sinabi ni Crissa kanina, hindi sapat ang pagiging Marquez mo, kailangan mo din ng iba pang hahatak sa'yo paitaas. Tulad ng mga miyembro ng Las Decas, hindi sila nirerespeto dahil lang sa pangalan nila, may mga achievements din sila na hindi kayang tapatan ng ibang tao."
Nagsimulang magpaliwanag si Bailey pero wala naman akong naiintindihan sa gusto niyang iparating. Kaya mas lalo lamang kumunot ang noo ko, napabuntong hininga naman siya at nag-isip kung paano niy bibigyang linaw ang mga sinasabi niya.
"Ikaw? May bagay ka ba na hindi kayang tapatan ng mga tao dito bukod sa pagiging tagapagmana ng first-ranked Las Decas?" Tanong nito dahilan para mapaisip ako at meron nga.
"Matalino ako, ako lang ang nakakasagot sa mga mahihirap na tanong na ibinabato sa akin. Pati ang ibang nerd dito ay naa-outshine ko." Napatampal ang noo ni Bailey sa narinig. Bakit? Mali ba ang sinabi ko?
"Alam mong ayaw na ayaw ng kahit na sino dito ang mga nerd. Wala silang ibinibigay na lugar dito para sa kanila. Ang gusto nila yung may sense of popularity. Sabihin na natin na popular ka sa mga nerds at makuha mo ang simpatya nila, pero paano ka nila matutulungan kung madali din silang mabully ng iba."
Susuko na sana ako dahil wala na akong maisip na iba pang mas nakakaangat ako nang makarinig ako ng ingay ng dalawang estudyanteng naghahabulan. Maybe, just maybe.
"I think I know just the right thing to do."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top