EPILOGUE
ALTHEA’S POV
Pitong taon na ang nakalilipas magmula nang magbalik ako sa piling ng mga mahal ko.
Oo‚ nakabalik na ako sa Fantasia sa tulong ni Erasmus. Tinulungan niya kasi akong makumbinsi ang lahat ng mga diyos at diyosa. At tulad ng napagkasunduan ay hindi ko pa rin tinatalikuran ang aking tungkulin bilang kanilang reyna.
Madalas akong dinadalaw ng mga diyos at diyosa sa aking mga panaginip katulad ng dati. Ngunit kung may mahalagang bagay kaming dapat na talakayin na kinakailangang personal naming pag-usapan ay pumupunta ako ng Kingdom of Athens.
Isa akong kahalating diyosa at kalahating charmer kaya nagagawa kong magpabalik-balik sa dalawang magkahiwalay na mundo na matagal bago namin natuklasan. At tanging ako pa lamang ang nakagagawa nito dahil sa buong kasaysayan ay ako pa lamang ang tanging may dugong diyosa na nahaluan ng dugo ng isang charmer.
Sa pitong taong lumipas ay nagkaroon na kami ng sarili naming pamilya ni Kaiden at kami na ang kasalukuyang namumuno ng Sapience Kingdom kasama ang aming dalawang anak na sina Kylie at Kenjie. At katulad namin ni Kaizer ay kambal din sila at magkamukhang-magkamukha na parang pinagbiyak na bunga. Ngunit hindi nila sinapit ang sinapit namin ng kakambal ko dahil hindi na nila kailangan pang magtago dahil nabura na sa isipan ng lahat ang tungkol sa sumpa ng pagkakaroon ng kakambal.
Bago ako bumalik sa Fantasia ay nalaman ko na kaya lamang ako nagkaroon ng kakambal kahit hindi ito nakasulat sa propesiya ay para ipakita sa lahat na hindi totoong may sumpang kaakibat ang pagkakaroon ng kakambal. Kasama rin pala kasi sa tungkulin ko ang itama ang maling paniniwalang ito ng lahat tungkol sa pagkakaroon ng kakambal. Ngunit ito’y hindi naisulat sa propesiya dahil ang tinalakay lamang sa propesiya ay ang pagiging itinakda ko at ang nakatakdang wakas ng kasamaan.
Katulad ko ay kambal din ang naging anak nina Kaizer at Agua ngunit ito’y kapwa lalaki na pinangalanan nilang Kobe at Ace.
Marahil ay nasa dugo na talaga naming magkapatid ang pagkakaroon ng kambal na anak lalo pa’t kambal kaming isinilang. Ngunit ang nakakatawa lang ay may pagkakahawig ang aming mga anak dahil malaking porsyento ng kanilang mukha ay nakuha nila sa amin. Minsan nga ay pinagsama-sama namin ang aming mga anak sa iisang lugar at inakala ng lahat na magkakapatid ang mga ito at quadruplets. Ngunit mabuti na lamang at kahit papaano ay may pagkahawig din ang aming mga anak sa aming mga asawa kaya may ilang anggulo o detalye ng kanilang mga mukha na magkakaiba.
Ang anak naming si Kylie ay may kulay hazel brown na buhok habang ash gray naman ang kay Kenjie. Ngunit ang mga mata nila ay parehong golden yellow. At naniniwala akong sa pagsapit ng kanilang ikalabing-walong kaarawan ay magiging ginto rin ang kulay ng kanilang mga mata at buhok dahil nananalaytay sa kanilang mga ugat ang dugo ng pinakamakapangyarihang diyosa sa buong kasaysayan.
Ngayon ay araw ng aming pagsasama-samang lahat kaya kumpleto kami ngayong magbabarkada sa Ardor Kingdom kasama ang aming mga anak. Naglalaan pa rin kasi kami ng oras para magkasama-sama kami sa kabila ng aming pagiging abala sa aming mga sariling pamilya at sa pamumuno ng kani-kaniya naming kaharian.
Kaming mga magulang ay nasa loob ng palasyo sa dining hall at masayang binabalikan ang aming mga napagdaanan sa loob ng mahabang panahon habang masaya kaming nagsasalo-salo sa napakahabang mesa na puno ng samut-saring pagkain. Ang aming mga anak naman ay nasa labas at masayang naglalaro nang magkakasama.
Pasalamat na lamang talaga ako na hindi namana ng kahit sino sa mga anak ko ang pagiging cold ng ama nila kaya nagagawa nilang makisalamuha sa anak ng mga kaibigan ko.
Dahil matagal-tagal na rin mula noong huli kaming magkasama-samang magkakaibigan ay napasarap ang aming kuwentuhan at hindi na namin namalayan pa ang oras. Naputol lamang ang aming pagkukuwentuhan nang humahangos na pumasok ng dining hall ang mga bata na mga takot na takot na para bang may nangyaring hindi maganda.
“Ina! Ama!” natatarantang tawag ng mga bata sa kani-kanilang mga magulang habang tumatakbo sila palapit sa amin na siyang nakaagaw ng aming atensyon.
Bago pa man makalapit sa amin ang mga bata ay dali-dali na akong tumayo at agad na hinanap ng mga mata ko ang mga anak ko. Ngunit ganoon na lamang ang pagkabog ng dibdib ko nang hindi ko makita ang sino man sa dalawa kong anak.
“S-Sina K-Kylie a-at K-Kenjie po‚” nahihirapang wika ng anak nina Nikolai at Ember na si Nikki na nakaagaw ng aking atensyon at nagpalingon sa akin sa direksyon ni Nikki.
“A-Anong nangyari sa kanila? Nasaan ang mga anak ko?” kinakabahang tanong ko kay Nikki habang ramdam ko na ang malakas na pagkabog ng dibdib ko.
Maging si Kaiden ay nakatayo na rin at yumakap pa siya sa akin mula sa gilid ko upang pakalmahin ako. Ngunit kahit pa sinabayan na rin niya ito ng paghagod ng braso ko ay hindi ko pa rin mapigilang kabahan at mag-alala sa mga anak ko lalo pa’t sila lamang ang wala sa hall at mukhang may hindi pa magandang nangyari dahil takot na takot ang mga bata.
“Nasa hardin po‚” mabilis na sagot ni Axel‚ anak nina Vera at Ali.
“Halika‚ puntahan natin sila‚” agad na yaya sa akin ni Kaiden nang malaman namin ang kinaroroonan ng aming mga anak sa tulong ni Axel.
“Sandali!” pigil sa amin ng aming mga kaibigan bago pa man kami makahakbang paalis.
“Sasama kami‚” wika ng mga kaibigan naming mga magulang din bago pa man kami makapagtanong ni Kaiden kung bakit nila kami pinigilang umalis.
Hindi na kami tumugon pa ni Kaiden at nauna na lamang kaming maglakad palabas ng hall para tahakin ang daan patungong hardin kung saan daw naroon ang aming mga anak. At dahil sa pinaghalong kaba at pag-aalala ay malalaki ang bawat hakbang ko at ganoon din si Kaiden at ang iba pa‚ dahilan para agad naming marating ang hardin na parang dinaanan ng delubyo.
Ang dating napakagandang hardin sa harapang bahagi ng palasyo ay nasunog. Ngunit ilang parte na lamang ng hardin ang may maliliit na apoy dahil napatay na ang malaking poryento ng apoy gamit ang tubig base sa basang paligid na hindi ko malaman kung saan nanggaling. May mga nagkalat din sa paligid na naglalakihang mga bato at may parte ng hardin na nagyeyelo. May mga bitak din ang lupa at nagkalat ang mga dahon ng puno at tumumba ang ilang mga halamang hindi nasunog na para bang umihip ang napakalakas na hangin. At dahil sa bumungad sa amin ay mas lalo pang tumindi ang kaba at pag-aalalang nararamdaman ko‚ dahilan para mamasa ang mga mata ko kasabay ng panlalambot ng mga tuhod ko.
“A-Anong nangyari dito? Nasaan ang mga anak ko?” maluha-luhang tanong ko matapos kong pagmasdan ang paligid saka ko nilingon ang mga kalaro ng mga anak ko na inaalo na ng kanilang mga magulang dahil umiiyak na ang ilan sa kanila.
“H-Hindi po namin alam. Iniwan lang po namin sila kanina rito‚” kinakabahang sagot ni Levi‚ anak nina Luna at Leo.
Agad na bumigay ang mga tuhod ko sa narinig ko at kamuntikan pa akong bumagsak sa lupa. Mabuti na lamang at agad akong nahawakan sa magkabilang braso ng katabi kong si Kaiden kaya hindi ako tuluyang bumagsak sa lupa.
Paanong hindi alam ng mga kalaro ng mga anak ko kung nasaan sila? E magkakasama silang naglalaro kanina. Pero kung wala sa hardin ang mga anak ko at hindi alam ng mga karalo nila kung saan sila pumunta‚ e nasaan na sila ngayon? Saka ano na ang nangyari sa kanila?
Pilit kong hinanapan ng sagot ang tanong sa utak ko ngunit kahit anong isip ko ay wala akong makuhang sagot. Kaya naman ay tuluyan na akong naiyak at muli kong iginala ang paningin ko sa paligid sa pag-asang mahahagip ng paningin ko ang mga anak ko.
“Kylie! Kenjie! Mga anak! Nasaan kayo?” nag-aalala at umiiyak kong pagtawag sa mga anak ko habang iginagala ko ang tingin ko sa paligid. Ngunit wala akong nakuhang kahit anong sagot na mas lalo kong ipinag-alala at ikinaiyak.
Dahil nga wala akong nakuhang sagot mula sa kahit sino sa mga anak ko ay sinubukan kong gamitin ang kapangyarihan ko para tuntunin ang kinaroroonan nila. Ngunit sa hindi ko malamang dahilan ay hindi ko sila mahanap. Parang may kung anong malakas na puwersa ang pumipigil sa akin na matunton ang kinaroroonan nila. Ngunit kahit na ganoon ay nararamdaman ko pa rin ang kanilang presensya mula sa malapit at mas malakas ito kumpara sa presensyang nararamdaman ko sa kanila noon na siyang hindi ko maintindihan.
“Mga anak‚ magpakita kayo...” umiiyak kong pagsusumamo at kasabay nito ay tuluyan na akong napaupo sa lupa habang nakahawak pa rin sa magkabilang braso ko si Kaiden na ramdam ko rin ang pag-aalala kahit pa hindi siya nagsasalita.
Nang mapaupo ako sa lupa ay doon na ako humagulhol ng iyak. At kasabay ng paghagulhol ko ay ang pagtungo ko dahil tila nawalan na ako ng lakas na muling subukang hanapin ang mga anak ko sa paligid. Agad naman akong ikinulong ni Kaiden sa mga bisig niya upang ako’y aluin.
Ilang minuto rin akong walang tigil sa paghagulhol sa mga bisig ni Kaiden. Tumigil lamang ako sa pag-iyak nang may maramdaman akong kakaiba at malakas na presensya sa harapan ko na ngayon ko lamang naramdaman sa buong buhay ko. At kasabay ng pag-urong ng mga luha ko ay ang pag-angat ko ng tingin upang alamin kung sino ang mga may-ari ng presensyang aking naramdaman.
Nang sandaling mag-angat ako ng tingin ay agad na kumunot ang noo ko sa kaguluhan ng isip nang wala akong makitang kahit ano o sino sa aking harapan. Ngunit agad ding nawala ang pagkakakunot ng noo ko kasabay ng panlalaki ng mga mata ko nang bigla na lamang lumitaw ang mga anak ko sa mismong harapan ko kung saan ko nararamdaman ang kakaibang presenyang bago sa aking pandama.
“I-Ina... A-Ama...” nanginginig na tawag sa amin ng dalawa kong anak na magkahawak-kamay.
Agad na nanubig ang mga mata ko pagkakita ko sa mga anak ko. At nang maramdaman ko ang pagkalas ni Kaiden mula sa pagkakayakap niya sa akin ay hindi na ako nagsayang pa ng oras. Mabilis kong ikinulong sa aking mga bisig ang mga anak ko. Agad din namang yumakap sa amin si Kaiden na mangiyak-ngiyak na rin dahil sa pinaghalong tuwa at pag-aalala.
“Akala ko kung ano na ang nangyari sa inyo‚ mga anak... Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag may nangyaring masama sa inyo. Hindi ko kakayanin kapag nawala kayo. Mahal na mahal ko kayo Kylie‚ Kenjie‚” humihikbing wika ko at mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkakayakap ko sa mga anak ko dahil sa pangambang bigla silang mawala. Si Kaiden naman ay agad na kumalas sa yakap at ramdam ko ang seryosong tinging ipinupukol niya sa aming mag-iina.
“Ano bang nangyari sa inyo‚ Kylie at Kenjie? Saka anong nangyari dito? At bakit nagawa ninyong maglaho?” istriktong tanong ni Kaiden sa mga bata matapos niyang kumalas sa yakap.
Dali-dali kong pinakawalan ang mga bata dahil sa sunod-sunod na tanong ni Kaiden sa kanila saka agad akong tumayo upang magpantay kami ni Kaiden. At nang makatayo ako ay agad kong ibinaling kay Kaiden ang aking tingin saka marahan kong hinagod ang kaniyang braso para pakalmahin siya dahil mukhang umiral na naman ang pagiging istrikto niya matapos humupa ang takot at pag-aalalang kaniyang nararamdaman.
“Kaiden‚ let them be. Mamaya mo na lang sila pagsabihan. Pagpahingahin na muna natin sila‚” pag-awat ko kay Kaiden na kasalukuyan na ring nakatingin sa akin.
“Ina‚ ama‚ ano po ito?” mahinang tanong ng aming mga anak na ikinalingon ko sa kanilang direksyon.
Pagkalingon ko sa direksyon ng aking mga anak ay halos manlaki ang mga mata ko nang makita ko ang bagay na nakalutang sa mga kamay nila na salubong ang kilay nilang sinusuri.
Isang water ball ang nabungaran kong nakalutang sa kanang kamay ni Kylie habang fireball naman ang nakalutang sa kamay ni Kenjie. At dahil sa pagkabigla ko ay ilang segundong nagpalipat-lipat ang tingin ko sa fireball at water ball na nasa kamay ng mga anak ko.
Habang palipat-lipat ang tingin ko sa mga bagay na nakalutang sa kamay ng mga anak ko ay unti-unting nag-sink in sa akin ang lahat. Unti-unti kong napagtanto na maaaring ang mga anak ko ang dahilan ng pagkasunog at pagkasira ng hardin. At para alamin kung tama ang hinala ko o hindi ay agad kong sinalubong ang nagtatanong na mga mata ng mga anak ko.
“K-Kayo ba ang may g-gawa nito?” tanong ko sa aking mga anak at iminuwestra ko pa ang kamay ko sa magulong hardin para maging malinaw sa kanila na ang magulong hardin ang tinutukoy ko sa tanong ko.
“Opo‚” inosenteng sagot ng mga anak ko na ikinaawang ng bibig ko.
For Pete’s sake! Anim na taong gulang pa lang ang mga anak ko. Masyado pa silang bata para mapalabas ang kapangyarihan nila. At ang malala pa‚ mukhang hindi lang basta isang kapangyarihan ang napalabas nila dahil mukhang maging ang earth‚ air at ice charm nila ay lumabas na rin base sa mga yelo‚ mga bitak sa lupa sa hardin at sa mga nagkalat na dahon at mga nakatumbang halaman. At kung tama ang hinala ko ay mukhang kailangan na kami mismo ni Kaiden ang mag-train sa kanila dahil masyado pa silang bata para ipasok sa akademya.
Ngayon pa lang ay alam ko nang hindi magiging madali para sa mga anak ko na maunawaan ang pagiging iba nila sa mga kalaro nila. Nararamdaman ko na ring mahihirapan kaming sanayin sila sa tamang paggamit at pagkontrol ng kapangyarihan nila dahil sa murang edad nila. Ngunit ipinapangako kong gagawin ko ang lahat para matulungan ang mga anak ko upang hindi sila mahirapang kontrolin ang kanilang mga kapangyarihan sa murang edad nila. Narito kami ng kanilang ama upang sila’y gabayan sa abot ng aming makakaya.
Hindi ko hahayaang maramdaman ng mga anak ko na naiiba sila at sisikapin kong palakihin sila nang tama para sa tama rin nila gagamitin ang kanilang mga kapangyarihan.
Ang mga anak ko ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko at kailanman ay hindi ko pagsisisihang isinilang ako sa kabila ng mga hirap na pinagdaanan ko. At sa lahat ng napagdaanan ko sa buhay ay isa lang ang natutunan ko. Hindi propesiya ang magtatakda sa buhay ko o ng kahit sino dahil ito’y ginawa lamang upang magsilbing gabay. Ngunit nasa sa iyo pa rin ang pasya kung susunod ka rito o hindi.
Ako si Kiana o mas kilala bilang si Thea‚ ang babaeng ipinanganak para sa mahalagang tungkulin na gagampanan ko nang panghabang-buhay—tungkuling pamunuan ang dalawang kaharian sa magkaibang mundo bilang kanilang reyna at tungkulin bilang ina ng mga anak ko at bilang asawa ng lalaking pinakamamahal ko.
Sa lahat ng hirap at pagsubok na napagdaanan ko ay isa lang ang masasabi ko. Walang kahit ano o sino ang makapagdidikta sa ‘yo ng kung ano ang dapat mong gawin dahil buhay mo ‘yan at walang ibang maaaring kumontrol ng buhay mo kundi ikaw. Ikaw ang susulat ng sarili mong kuwento at nariyan lamang ang mga kaibigan‚ kakilala at pamilya mo upang ika’y suportahan‚ gabayan at tulungan. Sa huli ay nasa sa iyo pa rin ang pasya kung paano mo gustong isulat ang sarili mong kapalaran at kung paano mo gustong mabuhay. Saka isang beses ka lang mabubuhay kaya huwag mong hayaang diktahan ka ng kung sino. Gawin mo kung anong makapagpapasaya sa ‘yo. Ang tanging mahalaga lang ay maging masaya ka nang wala kang natatapakang ibang tao. So do what you want before it’s too late. Baka pagsisihan mo sa huli. And grab every opportunity to be happy without hurting someone’s feelings. Because if you hurt someone in any way‚ you wouldn’t be truly happy. That’s what I believe and I will continue to live with that belief.
The end...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top