CHAPTER 97: THERE IS STILL HOPE
ALTHEA’S POV
Dalawang taon na ang lumipas magmula nang ialay ko ang sarili kong buhay sa ritwal. At dalawang taon na rin mula noong mangako ako sa lahat na magbabalik ako pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin ito natutupad.
Sa dalawang taong lumipas ay nasa Kingdom of Athens lamang ako kasama ang mga diyos at diyosa. At walang araw na hindi ako umisip ng paraan kung paano ko tutuparin ang pangakong binitiwan ko. Pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong maisip at magawang paraan para makabalik sa mundo ng mga buhay. Sinubukan ko na ring hingin ang pahintulot ng mga kasama kong mga diyos at diyosa pero ayaw nila akong payagan sa hindi ko malamang dahilan. Pero sa kabila ng pagkabigo kong makahanap ng paraan para makabalik sa loob ng dalawang taon ay hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa na makababalik ako sa mundong iniwan ko. Saka nangako ako sa lahat ng naiwan ko kaya kailangan ko itong tuparin kahit na anong mangyari.
Noong maglaho ako sa paningin ng lahat matapos ang ritwal ay napunta ako sa Kingdom of Athens. Noong una ay naguguluhan pa ako kung bakit ako napunta sa kaharian ng mga diyos at diyosa noong maglaho ako dahil buong akala ko ay iyon na ang katapusan ko. Pero sa paglipas ng panahon ay nalaman at naunawaan ko rin ang dahilan kung bakit ako napadpad sa kaharian ng mga diyos at diyosa sa halip na sa mundo ng mga kaluluwa. Hindi raw kasi talaga ako totoong namatay. Ang katawang-lupa ko lamang ang kinuhang alay. At dahil wala na akong katawang-lupa ay malamang na hindi na rin naman ako mabubuhay. Saan ka ba naman kasi nakakita ng buhay na walang katawan?
So‚ ayon nga. Hindi ako namatay. Binawi lang ang hiram kong katawang-lupa at napunta lamang ang kaluluwa ko sa Kingdom of Athens nang mawalan ako ng katawang-lupa. At ayon sa mga diyos at diyosa ay napunta ako sa Kingdom of Athens upang tulungan sila sa pangangalaga sa mga charmer. Ngunit ang nakakagulat sa lahat ay ang rebelasyon nilang para pala sa akin ang magarang trono na nasa pinakagitna ng sampung trono. Pero nang ipaalala nila sa akin na may dugo ako ng isang diyosa dahil kay ina at taglay ko ang mga kapangyarihang taglay ng mga diwata at ng mga diyos at diyosa ay bigla ko ring napagtanto na maaari ngang isa rin akong diyosa. Pero kahit na gano’n ay hindi ko pa rin mapaniwalaang itinuturing nila akong higit na nakakataas sa kanila para ilaan nila sa ‘kin ang magarang trono bago pa man ako isilang.
Sa kasalukuyan ay ako ang itinuturing ng mga diyos at diyosa na pinuno nila dahil ako nga raw ang makapangyarihan sa lahat. At syempre‚ tutol ako ro’n dahil wala naman akong balak na manatili sa kanilang kaharian. Ngunit wala akong nagawa kundi ang tanggapin na lang din ang tungkuling ibinibigay nila sa ‘kin dahil wala rin namang saysay kung kumontra ako. Para kasi silang konseho sa Kingdom of Athens at sa kanilang pagpapasya ay isinasaalang-alang nila ang opinyon at desisyon ng lahat o ng nakararami. At ang lagay ay lahat sila sang-ayon dito at ako lang ang hindi kaya wala akong laban.
Kasama rin namin sa Kingdom of Athens si Lucy‚ ang goddess of light‚ dahil buong-puso siyang tinanggap ng mga diyos at diyosa na katulad niya—namin. Wala naman kasing dahilan para hindi siya tanggapin ng mga diyos at diyosa dahil isa rin siyang diyosa at matagal na niyang pinagsisihan ang nagawa niyang pagkakamali.
Ang kakambal naman ni Lucy na si Luciana ay pinatawan ng mabigat na parusa dahil sa kasamaang pinaggagagawa niya lalong-lalo na sa pangdadamay niya sa mga inosenteng nilalang. Mabigat ang parusang ipinataw sa kaniya dahil malaking kasalanan ang ginawa niya dahil bilang isang diyosa ay tungkulin niya na pangalagaan ang Fantasia at ang mamamayan nito. Ngunit siya pa mismo ang naging dahilan ng pagkasawi ng marami at hinati pa niya sa dalawang grupo ang mga mamamayan ng Fantasia. Kaya bilang parusa ay inalisan siya ng kapangyarihan kaya hindi na siya maituturing pang isang diyosa. Ngunit hindi nagtatapos doon ang parusang ipinataw sa kaniya sa laki ng kasalanan niya.
Hindi lamang basta inalisan ng mga diyos at diyosa ng kapangyarihan si Luciana. Inalisan din siya ng alaala‚ ipinatapon sa mundo ng mga tao at ginawang mortal. Ngunit sa kabila ng lahat ng nagawa ni Luciana ay isa pa rin siyang mamamayan ng Fantasia na dapat ay pinangangalagaan naming mga diyos at diyosa. Saka naniniwala kaming lahat ng mga nasa Kingdom of Athens na lahat ng makasalanang nilalang ay may pagkakataon pang magbago gaano man ito kasama. Kaya sa halip na bigyan si Luciana ng miserableng buhay bilang isang mortal ay binigyan namin siya ng pagkakataong mabuhay nang masaya. Kaya naman ay masaya na siya ngayong namumuhay bilang isang mortal sa mundo ng mga tao kasama ang kaniyang pamilya at ang kaniyang kambal na anak na babae na mortal din katulad niya.
Walang bahid ng dugo ng isang diyosa o charmer ang mga anak ni Luciana dahil malaya na si Luciana mula sa sumpa ng kaniyang sariling kapangyarihan na siyang nag-uudyok sa kaniyang gumawa ng masama para siya’y maging malakas at makapangyarihan.
Mula sa Kingdom of Athens ay malaya kong nasubaybayan ang mga nangyari sa Fantasia sa loob ng dalawang taon. At sa nakikita ko ay maayos naman na ang lahat at wala ng panganib na nagbabadya sa Fantasia. Kaya sa palagay ko ay pwedeng-pwede na akong umalis ng Kingdom of Athens para bumalik sa aking pinagmulan. Sa mundo kung nasaan ang mga mahal ko sa buhay.
Ang mga diyos at diyosa na nga mismo ang nagsabi na hindi pa ako patay at isa na akong ganap na diyosa. Kaya kampante akong maaari pa akong makabalik sa mundong naiwan ko. Tiwala akong may paraan pa dahil diyosa ring katulad ko si ina pero nagawa niyang mamuhay sa mundo ng mga nabubuhay kasama si ama at bumuo sila ng pamilya. At maaari ko ring gawin ang ginawa ni ina. Kaya malinaw na may paraan pa para makabalik ako. Pero nakasalalay ito sa magiging pasya ng mga diyos at diyosa—kung papayagan nila akong makabalik o hindi. At alam kong hindi sila papayag dahil ilang ulit na rin nila akong hindi pinagbigyan sa pakiusap kong pabalikin ako sa mundo ng mga nabubuhay. Pero kailangan ko pa rin muling subukang kumbinsihin sila na payagan akong bumalik. Ito na lang ang tanging paraan. Kailangan ko silang mapapayag sa kahit anong paraan. Kaya kung kailangan kong magmakaawa o lumuhod sa harapan nila ay gagawin ko‚ payagan lang nila akong muling makapiling ang mga mahal ko.
Matapos muling mabuhay ang determinasyon kong bumalik sa aming mundo ay agad kong hinanap si Erasmus‚ ang god of love‚ para pakiusapan siya.
Si Erasmus ang napili kong lapitan at kausapin dahil siya ang higit na makakaintindi sa ‘kin dahil may kinalaman sa pag-ibig ang kapangyarihan niya. Saka tiyak kong mauunawaan niya kung anong nararamdaman ko. Sana nga lang talaga ay pumayag siya.
Madali ko lang namang nahanap ang kinaroroonan ni Erasmus dahil kapag ganitong hindi kami magkakasama ay naroon lamang kami sa hiwa-hiwalay na silid—sa silid na nakatalaga para sa bawat isa sa amin. Bawat isa kasi sa amin ay mayroong silid na masasabi naming aming teritoryo kung saan namin isinasagawa ang aming mga tungkulin o kung saan namin sinusubaybayan ang mga nilalang‚ bagay o pangyayari na sakop ng aming tungkulin.
Ang silid na nakalaan kay Erasmus ay mayroong nagkalat na mga nakalutang na bula na nagtataglay ng imahe ng isang charmer o tao. At isang tingin niya lamang sa kahit aling imahe na nasa bula ay malalaman na niya ang naging buhay ng nilalang na iyon na nasa imahe‚ kung sino ang makakatuluyan nito at kung paano nito makikilala ang nakatakda niyang makatuluyan. At para isakatuparan ang nakatakda na at para pagtagpuin ang landas ng dalawang nakatakdang magmahalan ay kukunin niya ang dalawang bula na nagtataglay ng imahe ng dalawang nilalang na iyon at ilalagay niya sa gintong palanggana kung saan ang bula ay hahalo sa tubig na nasa palanggana at magkatabing lalabas sa tubig ang imahe ng mga pagtatagpuin niya ng landas. Kasunod no’n ay gagamitin na niya ang kapangyarihan niya para paulit-ulit na pagtagpuin ang kanilang mga landas hanggang sa umusbong ang kanilang pag-iibigan. Bukod doon ay susubaybayan niya rin ang kuwento ng bawat pares at kung kinakailangan ay bibigyan niya rin sila ng mga pagsubok o hamon para mas patatagin pa ang kanilang pagmamahalan at para makita kung karapat-dapat nga ba talaga sila sa isa’t isa. At naabutan ko si Erasmus sa akto mismo ng paggamit niya ng kaniyang kapangyarihan sa harap ng isang gintong palangganang may malinaw at makinang na tubig kung saan malinaw kong nakikita ang dalawang magkasintahang umiiyak habang magkayakap.
“Erasmus‚ maaari ba kitang makausap?” malumanay kong tanong kay Erasmus upang kunin ang kaniyang atensyon.
Tinapos na muna ni Erasmus ang kaniyang pinagkakaabalahan at inilagay niya ang dalawang niyang kamay sa kaniyang likuran saka siya pumihit paharap sa ‘kin.
“Tungkol saan?” tanong ni Erasmus gamit ang kaniyang baritonong boses.
Wala sa sariling napalunok ako ng sarili kong laway nang bigla akong kabahan sa maaaring maging takbo ng usapan namin ni Erasmus. Para kasing mali na siya ang nilapitan ko. Pero wala na itong atrasan. Narito na rin naman ako kaya mabuti pang ituloy ko na lang ang plano kong pakiusapan si Erasmus.
“Maaari na ba akong bumalik sa Fantasia?” mahinang tanong ko na sapat lamang para marinig ng sino mang nasa silid.
Nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Erasmus bago niya sinalubong ang tingin ko gamit ang mga mata niyang tila humihingi ng pang-unawa.
“Patawad ngunit hindi ka talaga maaaring bumalik sa Fantasia‚” paghingi ni Erasmus ng paumanhin na ikinabagsak ng mga balikat ko kahit pa inaasahan ko na ito.
“Pero bakit hindi pwede? Nagawa naman ninyong payagan si ina noon na mamuhay sa Fantasia kasama si ama‚ hindi ba? Pero bakit ako hindi pwede?” naguguluhang tanong ko.
Noon pa man ay palaisipan na sa akin kung bakit nagkaisa ang lahat ng mga diyos at diyosa na huwag akong payagang bumalik sa aming mundo. Pero isa lang ang malinaw sa akin. May hindi tama. At kung anuman ang dahilan nila kung bakit ayaw nila akong pagbigyan sa hiling kong bumalik ay tiyak na napag-usapan na nila itong lahat nang wala akong kamalay-malay.
Muling nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Erasmus bago niya sinagot ang tanong ko. “Hindi ka pwedeng bumalik dahil may tungkulin kang dapat gampanan—”
“Tungkulin?! E ibinuwis ko na nga ang sarili kong buhay para sa tungkuling ibinigay ninyo sa ‘kin! Ano pa bang gusto ninyo?” may himig ng panunumbat kong tugon at hindi ko na napigilan pa ang maluha at pagtaasan ng boses si Erasmus dahil sa labis na pagkadismaya sa sagot na nakuha ko mula sa kaniya.
“Ngayon lang ako humiling ng para sa sarili ko pero hindi pa ninyo maibigay... Ano ba talaga ako sa inyo? Bakit hindi ninyo ako mapagbigyan sa pakiusap ko?” umiiyak nang tanong ko.
Hindi ko na napigilan pang maging emosyonal sa harap ni Erasmus dahil sa sinasabi niyang tungkulin na dapat ko raw gampanan na akala ko ay nagwakas na noong magwakas ang buhay ko. Ano pa ba kasing tungkulin ang dapat kong gampanan? At kailan ba ako tuluyang magiging malaya sa tungkulin ko? Buong buhay ko ay inilaan ko sa tungkulin ko bilang isang itinakda pero nawala na ako’t lahat ay hindi pa rin ako malaya mula rito.
Nagbuwis ako ng buhay para sa kalayaan ng lahat pero sarili kong kalayaan ay hindi ko makamtan. Ito ba ang sumpa ng pagiging itinakda—ang matali sa tungkulin at ang pagkaitan ng kalayaang magpasya para sa sarili? Kasi kung ganito lang naman ang kapalaran ng itinakda ay mas gugustuhin ko pang maging mortal na lamang kaysa maging makapangyarihan sa lahat kung ang kapalit naman nito ay ang pagkakatali ko sa aking tungkulin.
“Ang tinutukoy kong tungkulin ay ang tungkulin mo bilang reyna ng mga diyos at diyosa‚ hindi ang tungkulin mo bilang itinakda‚” paglilinaw ni Erasmus sa kaniyang sinabi na mas lalo kong ikinadismaya.
Kailan ba talaga ako magiging malaya mula sa tungkulin ko na hindi ko naman ginusto? Nagampanan ko na nga ang tungkulin ko bilang itinakda tapos may panibago na namang dumating. Kailan ba ito matatapos? Kapag sumuko na ang sarili kong katawan dahil sa dami ng tungkuling ibinibigay nila sa ‘kin?
“Anong ibig mong sabihin?” walang buhay kong tanong nang biglang umurong ang mga luha ko dahil sa mga winika ni Erasmus.
Gusto kong marinig mula mismo sa bibig ni Erasmus kung anong ibig niyang sabihin sa sinabi niya kanina.
“Patawarin mo kami kung hindi namin agad sinabi sa ‘yo ang tungkol dito. Ngunit marahil ay panahon na upang malaman mo ang buong katotohan tungkol sa iyong kapalaran‚” paghingi ni Erasmus ng tawad at humugot pa muna siya ng malalim na hininga bago siya nagpatuloy.
“Oo nga’t wala kang kamatayan tulad ng nakasaad sa propesiya. Ngunit nakatakda ka naming kunin sa mundo ng mga nabubuhay sa oras na magawa mo na ang nakatakda upang manatili rito kasama namin. Dahil hindi sa pagiging itinakda nagtatapos ang iyong tungkulin. Isa kang diyosa kaya tungkulin mo rin ang tulungan kaming pangalagaan ang Fantasia at ang mamamayan nito. At bilang isang makapangyarihang diyosa na taglay ang pinagsama-sama naming kapangyarihan ay ikaw ang nakatakdang aming maging reyna‚” mahabang paliwanag ni Erasmus na ikinaismid ko.
Reyna? Reyna ba ang tawag nila sa akin? E kung tinuturing nga nila akong reyna‚ dapat ay noon pa lang ay iginalang na nila ang pasya ko at pinahintulutan na nila akong bumalik sa piling ng mga mahal ko. Pero anong ginawa at ginagawa nila? Ikinukulong nila ako sa kaharian nila kung saan malayo ako sa mga mahal ko. E kung tutuusin ay mas mukha pa nga akong isang bilanggo sa kanilang kaharian kaysa isang reyna.
“Ikaw na nga ang may sabi‚ Erasmus. Nandito lamang ako upang gampanan ang aking tungkulin bilang isang diyosa. Ngunit hindi mo ba naisip na mas mapapangalagaan ko ang Fantasia at ang mga naninirahan dito kung kasama nila ako?” mahabang wika ko para subukang isiksik sa isip ni Erasmus na mas may silbi ako kung pababalikin nila ako sa mundo ng mga nabubuhay.
“Patawad‚ Kiana‚ ngunit naisin ko mang payagan ka ay hindi maaari. Tayong mga diyos at diyosa ay gabay lamang nilang mga nabubuhay at hindi tayo maaaring makisalamuha sa kanila. Ito ang ating tahanan at hindi ang kanilang mundo. Dito ka nabibilang kaya huwag mo nang naisin pang bumalik. Mabibigo ka lang‚” malungkot na tugon ni Erasmus.
Kahit pa muli akong nabigo na makumbinsi si Erasmus na pabalikin ako sa mundo ng mga nabubuhay ay mas pinili kong umisip ng panibagong paraan para makumbinsi siya kaysa ang sumuko na lang basta. Kay Erasmus na nga mismo nanggaling na gusto niya akong payagan at tanging ang batas lamang na sinusunod ng mga diyos at diyosa ang pumipigil sa kaniya. Kaya kung hindi na ako sakop ng kanilang batas ay wala ng hahadlang pa sa kaniya na payagan akong bumalik sa Fantasia.
“Kung gano’n ay isusuko ko ang pagiging diyosa ko kapalit ng aking kalayaan tulad ng ginawa ni ina. Dahil kung ang pagkabilanggo sa kahariang ito ang kapalit ng pagiging reyna ninyo ay mas gugustuhin ko pang maging isang mortal makasama ko lang ang mga mahal ko. Kaya pakiusap‚ Erasmus‚ payagan mo na akong bumalik. Labis-labis na akong nangungulila sa mga naiwan ko at gustong-gusto ko na silang makasamang muli. Kaya parang awa mo na... Pabalikin mo na ako sa piling nila...” pagmamakaawa ko kay Erasmus at hindi ko na napigilan pa ang muling pamamasa ng aking mga mata dahil sa labis na pangungulila at desperasyon.
Tulad nga ng sabi ko ay handa akong gawin lahat‚ kahit ang magmakaawa at lumuhod sa harapan ni Erasmus payagan niya lang akong bumalik sa piling ng mga mahal ko. At maging ang isuko ang pagiging diyosa ko ay walang pag-aalangan ko ring gagawin kung ang kapalit naman nito ay ang muling makasama ang mga naiwan ko sa Fantasia.
“Imposible ang sinasabi mo‚ Kiana. Nakaukit na sa iyong tadhana ang pagiging diyosa at hindi mo ito maaaring talikuran kailanman. Saka ipinanganak ka lamang upang wakasan ang kasamaan. At ika’y binawian ng buhay upang kami ay pamunuang lahat‚” tugon ni Erasmus na naging dahilan para tumulo ang isang butil ng luha mula sa kaliwang mata ko.
“Kung gano’n ay payagan na lang ninyo akong bumalik. Pangako‚ gagawin ko pa rin ang aking tungkulin bilang diyosa kahit wala ako rito. At kung kailangan ninyo akong makausap ay maaari ninyo akong dalawin sa aking panaginip o ako mismo ang dadalaw sa inyo. Basta payagan lang ninyo akong makabalik. Pangako‚ hindi ko tatalikuran ang aking tungkulin sa inyo at sa Fantasia. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko upang maging isang mabuting diyosa at upang magampanan ko ang aking tungkulin na kaakibat nito... Nagmamakaawa ako sa ‘yo. Payagan mo na akong bumalik. Parang awa mo na‚” muling pagmamakaawa ko kay Erasmus habang tuloy-tuloy na sa pagtulo ang mga luha ko.
Lihim ko na lamang na nakagat ang ibabang labi ko nang mapagtanto ko ang mga sinabi ko. Hindi ko pa nga natutupad ang pangako kong magbabalik ako sa piling ng mga mahal ko tapos ito‚ muli na naman akong nagbitiw ng pangako. Pero kung hahayaan lang naman kasi ako ng mga diyos at diyosa na matupad ko ang ipinangako ko sa mga mahal ko ay titiyakin kong hindi mapapako ang pangako ko kay Erasmus.
Malungkot akong tiningnan ni Erasmus kasabay ng pagsilay ng tipid at malungkot na ngiti sa kaniyang mga labi.
“Nauunawaan ko ang iyong nararamdaman at nakikita ko sa mga mata mo ang labis na pagmamahal mo sa iyong mga naiwan sa Fantasia na siyang dahilan kung bakit gustong-gusto mong bumalik. At kung tutuusin ay maaari namang mangyari ang gusto mo. Kaya nga lang ay hindi sang-ayon ang ibang mga diyos at diyosa rito. Pero hayaan mo‚ kukumbinsihin ko silang lahat o kahit ang kalahati lamang sa aming bilang upang makabalik ka na sa piling ng mga mahal mo. Ngunit huwag ka sanang masyadong umasa upang hindi ka masaktan nang labis. Napakabigat kasi ng hinihiling mo lalo pa’t propesiya na mismo ang aming makakalaban sa oras na ika’y aming payagan sa iyong nais. Ngunit gagawin ko pa rin ang aking makakaya upang ika’y matulungan dahil labis-labis na hirap na ang pinagdaanan mo noong ika’y nabubuhay at ayokong dalhin mo ito hanggang sa iyong panibagong buhay bilang isang diyosa. Kaya asahan mong tutulungan kita sa abot ng aking makakaya‚” mahabang wika ni Erasmus na labis kong ikinatuwa.
Dahil sa labis kong tuwa sa mga narinig kong winika ni Erasmus ay hindi ko na napigilan pa ang sarili ko na yakapin siya.
“Salamat! Maraming‚ maraming salamat!” tuwang-tuwang pasasalamat ko kay Erasmus habang nakayakap pa rin ako sa kaniya na nag-aalangan niya namang tinugon.
Hindi pa man tiyak na mapapapayag ni Erasmus ang lahat ng mga diyos at diyosa ngunit malaking bagay na sa akin ang tulungan niya akong kumbinsihin sila. At alam ko sa sarili ko na sa tulong niya at sa determinasyon ko ay mangyayari ang matagal ko nang inaasam—ang makabalik sa piling ng mga mahal ko.
‘Kaunting panahon na lang at makakasama ko na kayong muli‚ mga minamahal ko. Kapit lang‚’ isip-isip ko at mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkakayakap ko kay Erasmus dahil sa labis na tuwang nararamdaman ko.
✨✨✨
A/N: Kapit lang daw kayo dahil epilogue na kasunod nito😅
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top