CHAPTER 92: FAREWELL

ALTHEA'S POV

Mamayang pagkagat ng dilim ay gagawin ko na ang ritwal kaya maaga akong gumising para makapagpaalam pa ako nang maayos sa lahat ng mahahalagang tao at charmers sa buhay ko. Ngunit bago ako bumaba matapos kong maligo at mag-ayos ay kinuhanan ko na muna ng video ang sarili ko gamit ang cellphone ko na naka-stuck lang sa bag ko. This video is for Kamila. Hindi naman kasi ako makakapagpaalam sa kaniya nang personal dahil wala na akong panahon.

Mahaba-haba ang video na nagawa ko para kay Kamila kaya inabot din ako ng halos isang oras sa pag-vi-video. Pero humaba lang naman nang todo iyong video dahil isinama ko na rin sa pamamaalam ko sina Almira at Ayesha dahil bumalik na sila sa kani-kanila nilang kaharian at hindi ko na sila makakausap pa bago ako mawala. Patungkol naman sa royalties ng tatlong kaharian at sa mga kasapi ng konseho‚ hindi na ako makakapagpaalam pa sa kanila dahil baka makaabala lang ako sa kanilang tungkulin.

Nang matapos ako sa pag-vi-video ay agad na akong pumunta sa piitang pinagkulungan namin kay Agua para sa kaniya ko ibilin sina mommy‚ daddy at Kaizer.

"Thea? Anong ginagawa mo rito?" nagtatakang tanong ni Agua nang makita niya ako sa labas ng kaniyang kulungan.

"Nagpunta lang ako rito para magpaalam at humingi ng pabor‚" matamlay kong sagot at malungkot na lamang akong napangiti nang mabanggit ko ang tungkol sa pamamaalam.

"Anong pabor?" tanong ni Agua.

"Huwag mo sanang pababayaan sina mommy at daddy kapag nawala ako. Ikaw na rin sanang bahalang magsabi sa kanila na mahal na mahal ko sila at lahat ng ginagawa at gagawin ko ay para sa kanila‚" pakiusap ko kay Agua habang pilit kong pinipigilan ang sarili kong maging emosyonal para hindi matunugan ni Agua ang binabalak kong gawin.

Hindi ko magagawang magpaalam kina mommy at daddy dahil matagal ko silang nakasama at kilalang-kilala nila ako. Alam nila kung kailan ako nagsasabi ng totoo at kailan hindi. At sa sandaling magpakita ako sa kanila‚ hindi ko pa man ibinubuka ang bibig ko ay malalaman na nila kung anong balak kong gawin at tiyak na pipigilan nila ako. At 'yon ang ayaw kong mangyari dahil baka bigla akong umatras kapag pinigilan nila ako.

"Bakit? Saan ka ba pupunta? Huwag mong sabihing aalis ka?" naguguluhang tanong ni Agua na salubong na ang mga kilay at kunot na kunot na ang noo.

Hindi ko na naiwasan pa ang malalim na mapabuntong-hininga dahil sa tanong ni Agua. Sana nga tama siya. Sana nga aalis lang ako. At least kapag umalis ako ay pwedeng-pwede akong bumalik anumang oras ko naisin.

"Sabihin na lang nating aalis nga ako at hindi na ninyo ako makikita kailanman. Kaya huwag mo sana silang pababayaan. Ikaw na rin sanang bahala kay Kaizer. Alam kong kapatid na ang turingan ninyo kaya hangga't nasa tabi ka niya ay alam kong may kapatid siyang aalalay sa kaniya‚" muling pakiusap ko kay Agua at namalayan ko na lamang ang pagtulo ng isang butil ng luha mula sa kaliwang mata ko.

Agad kong pinahid ang luhang tumulo sa kaliwang pisngi ko bago pa man ito masundan saka mariin kong kinagat ang ibabang labi ko para pigilan ang pagbagsak ng mga luha kong gusto na namang kumawala sa mga mata ko.

"Thea‚ may kailangan ba akong malaman? Saan ka ba talaga pupunta?" nag-aalala nang tanong ni Agua na diretso nang nakatingin sa mga mata ko na para bang tinatangka niyang basahin ang laman ng isip ko.

Mas lalo ko pang idiniin ang pagkakagat ko sa labi ko dahil sa uri ng tinging ibinibigay sa akin ni Agua at dahil na rin sa tanong niya. It's my way to refrain myself from answering her question because even if I want to tell her the truth‚ I just can't. It's for her own good. Mas makabubuti kung wala siyang alam sa gagawin kong pagsasakripisyo para hindi dumating ang araw na sisihin niya ang sarili niya dahil ibinuwis ko ang buhay ko kapalit ng kalayaan nila mula sa kasamaan.

"Mas makabubuting hindi mo na malaman‚" matamlay kong tugon matapos kong matiyak na hindi ako madudulas na sabihin kay Agua ang totoo.

Nang mapansin kong tila may balak pa si Agua na mag-usisa ay agad ko na siyang inunahang magsalita.

"Magpapaalam na ako. Kailangan ko nang umalis‚" paalam ko saka mapait na lamang akong napangiti.

"Mag-iingat ka palagi at huwag mo sanang kalilimutan ang pakiusap ko sa 'yo. Paalam..."pahabol ko pang saad bago ako pumihit paharap sa pintong maghahatid sa akin palabas ng kinaroroonan ng piitan ni Agua saka nagmamadali na akong naglakad paalis. At kasabay ng paghakbang ko paalis ay ang siyang pagbuhos ng mga luha kong kanina ko pa pinipigilan.

"Thea! Thea‚ sandali!" rinig kong pagtawag sa akin ni Agua na hindi ko na pinansin pa.

Nagtuloy-tuloy ako sa paglalakad ko kahit pa paulit-ulit kong naririnig ang pagtawag sa akin ni Agua. At nang makaalis na ako ng piitan ni Agua ay sunod ko namang pinuntahan ang kabilang kulungan kung saan naroon sina Jayda‚ Ulises at Leo habang panay ang punas ko sa aking mga luha na walang tigil sa pagtulo.

Panay lamang ang punas ko sa aking luha habang tinatahak ko ang daan patungo sa kinaroroonan nina Leo. At nang malapit na ako sa kanilang kulungan ay awtomatiko akong napahinto upuang tuyuin muna ang aking pisngi. At nang wala ng bakas pa ng luha ang aking mukha ay humugot pa muna ako ng malalim na hininga para pigilan ang sarili kong muling maging emosyonal bago ako nagpatuloy sa paglalakad.

"Thea/Prinsesa Kiana?" gulat na tanong nina Leo‚ Jayda at Ulises nang sandaling tumigil ako sa tapat ng rehas ng kanilang kulungan.

"Pwede ko ba kayong makausap saglit?" matamlay kong tanong kina Leo para masabi ko na agad kung anong sadya ko sa kanila.

"Oo ba‚" masayang tugon ni Leo.

"Oo naman‚" sabay na tugon naman nina Jayda at Ulises.

Tipid na lamang akong napangiti habang pinagmamasdan ko sina Leo‚ Jayda at Ulises na pare-parehong may ngiti sa kanilang mga labi.

Marami mang mga hindi magandang nangyari nitong nakaraan ay may isang bagay naman akong ipinagpapasalamat. Iyon ay ang paglabas ng katotohanan dahil magmula nang isiwalat ni Lucy ang tungkol sa ginawa ni Luciana para pag-away-awayin ang lahat sampung taon na ang nakararaan ay naglaho na parang bula ang galit nina Leo sa aming angkan at sa iba pang royalties. Alam na kasi nilang biktima lang din kami.

Ang tipid na ngiting nakapinta sa mga labi ko ay unti-unting naglaho nang maalala ko ang sadya ko kina Leo. Kaya naman ay malungkot akong napabuntong-hininga saka walang buhay kong sinabi ang sadya ko sa kanila.

"Gusto ko lang sanang magpaalam sa inyo nang maayos-"

"Bakit? Saan ka ba pupunta?" nagtatakang tanong ni Leo na hindi na hinintay pang matapos ako sa pagsasalita.

"Sa malayo‚" tipid kong sagot.

'Sa lugar kung saan hindi na ninyo ako makikita. At sa lugar kung saan hindi ko na kayo makakasama at hanggang tanaw na lamang ako mula sa malayo‚' piping dagdag ko habang pigil ko na ang maiyak dahil sa muling paglamon sa akin ng lungkot.

"At kaya ako narito ay para makiusap sa 'yo‚ Leo‚" dagdag ko saka ko ibinaling ang tingin ko kina Jayda at Ulises na katabi lamang ni Leo. "At ganoon din sa inyo‚ Jayda at Ulises‚" pagpapatuloy ko.

"Anong pakiusap?" nagtatakang tanong nina Leo‚ Jayda at Ulises na mga nakakunot-noo nang nakatingin sa akin.

"Leo‚ kahit hindi mo sabihin‚ alam kong totoong mahal mo si Luna dahil ramdam ko 'yon. Kaya sana sa pag-alis ko ay muli ninyong ipagpatuloy ang naudlot ninyong pag-iibigan. Huwag mo rin sana siyang pababayaan kapag umalis na ako. Mahal na mahal ka niya at tanging ikaw lang ang makakapagpasaya sa kaniya. Saka huwag mo sana siyang sasaktan at mahalin mo siya nang buong-buo‚" mahabang pakiusap ko kay Leo.

Agad na sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ni Leo matapos kong sambitin ang pakiusap ko sa kaniya.

"Salamat sa pagtitiwala mo‚ Thea. Huwag kang mag-alala dahil makakaasa ka na hindi ko pababayaan ang kaibigan mo. Mamahalin ko siya nang buong puso at hinding-hindi ko na ulit siya sasaktan‚" nakangiting sagot ni Leo sa nangangakong tinig na ikinangiti ko nang tipid bago ko ibinaling ang tingin ko kina Jayda at Ulises.

"Jayda at Ulises‚ alam kong sa mahabang panahong nakasama ninyo si Kaizer ay naging malapit na kayo sa kaniya. Kaya hiling ko lang sa inyo ay sana huwag ninyo siyang pababayaan. Kayo na sanang bahala sa kaniya sa oras na mawala ako‚" pakiusap ko kina Jayda at Ulises at mapait na lamang akong napangiti dahil sa huling sinabi ko na hindi ko matanggap na sa akin pa mismo manggagaling gayong wala akong ibang hinangad kundi ang maiwasan ang pagbubuwis ng buhay ng kahit na sino.

"Bakit ka mawawala? Aalis ka ba?" nagtatakang tanong ni Jayda na halos magdikit na ang kilay sa labis na kaguluhan ng isip.

Mas lalo pa akong napangiti nang mapait dahil sa tanong ni Jayda.

Sana nga. Sana nga talaga ay aalis lang ako. Pero hindi. Mas malala pa ang mangyayari sa akin sa oras na gawin ko ang ritwal.

"May kailangan lang akong gawin para sa kapakanan ng lahat‚" tugon ko para kahit papaano ay may hint sila kung bakit ko gagawin ang pagsasakripisyo.

"At sa oras na magawa ko na ang kailangan kong gawin ay magiging maayos na ang lahat at babalik na lahat sa dati nitong ayos‚" dagdag ko na mas lalong ikinasalubong ng kilay ni Jayda.

"Anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong ni Jayda.

"Simula mamayang pagkagat ng dilim ay makakalaya na kayo mula sa kasamaan. Ipinapangako ko 'yan‚" pangako ko kina Jayda at tipid ko na lamang silang nginitian para iparating sa kanila na ngayon pa lang ay natutuwa na ako sa nalalapit nilang paglaya mula sa kasamaan.

"Sige‚ magpapaalam na ako. Magkita-kita na lang tayong mamaya‚" mayamaya'y paalam ko sa kanilang tatlo saka nagmamadali na akong umalis nang hindi man lang sila binibigyan ng pagkakataong magsalita.

Pagkaalis ko sa pinagkulungan namin kina Leo ay gumawa ako ng mind link sa pagitan namin nina Ali‚ Luna‚ Flor‚ Yael‚ Luca‚ Nikolai at ng Trio para kausapin sila habang tinatahak ko ang daan patungo sa silid namin ni Kaizer.

Nasa palasyo pa sina Flor‚ Yael‚ Luna at Ali kahit na wala na rito ang mga magulang nila dahil gusto raw nilang narito sila sa oras na gawin ko ang ritwal para daw palakasin ang loob ko. At maging sina Jane‚ Kaiden at Kaleb ay pinili ring magpaiwan sa palasyo para sa ritwal.

Nakakatuwa mang isipin na nariyan ang mga kaibigan ko para suportahan ako at palakasin ang loob ko ay hindi ko pa rin magawang magsaya dahil ito na ang huling araw ko sa mundong ito kasama sila at ang lahat ng mga mahal ko. At ang masakit pa nito ay hindi ko ito maaaring ipagbigay-alam sa kanila dahil alam kong pipigilan nila akong gawin ang dapat kong gawin sa oras na malaman nila ang kapalit ng kapayapaang inaasam ng lahat.

'Maghanda kayong lahat. Mag-pi-picnic tayo. Luna‚ Flor‚ kayo na ang bahala sa mga pagkaing dadalhin natin. And boys‚ kayo ang bahala sa picnic mat at tulungan na rin ninyo sina Luna sa paghahanda at pagbitbit ng mga dadalhin‚' mahabang wika ko para isang bagsakan na lang ang pagtatalaga ko sa kanila sa mga dapat nilang gawin.

'Kami na ang bahala sa lahat‚' masiglang tugon ng mga binigyan ko ng gagawin.

'Teka. Paano naman kaming tatlo?' naguguluhang tanong ni Vera dahil hindi ko sila binigyan ng kahit anong gagawin.

'Go to our room. I'll be there in a minute‚' utos ko sa Trio.

'Okay. Copy!' masiglang sagot ng tatlong bruha bago ko putulin ang mind link sa pagitan naming sampu.

Nang putulin ko ang mind link sa pagitan naming sampu ay sakto namang narating ko na ang silid namin ni Kaizer kung kaya agad na akong nagpalit ng damit.

Isang casual floral 3/4 sleeve v-neck mini dress ang napili kong suutin. At nang makapagbihis na ako ay hindi ko na inabala pang suklayin ang nagulo kong buhok. Hinayaan ko na lamang itong magulo at hindi na rin ako nag-ayos pa dahil dumiretso na ako sa silid na madalas naming tambayan noon ng Trio.

Nang marating ko ang destinasyon ko ay naabutan ko ang Trio na abala sa pagbibihis at pag-aayos. At nang mapansin nila akong pumasok ng silid ay nagmamadali nilang tinapos ang ginagawa nila at agad silang lumapit sa akin upang pagkatuwaan na naman ako na siyang libangan nilang tatlo. At ito ang dahilan kung bakit pinili kong dumaan muna sa silid naming apat bago magpunta sa Magical Forest para sa picnic naming sampu. Nais kong gawin sa huling pagkakataon ang mga bagay na madalas namin noong gawin dahil natitiyak kong ma-mi-miss ko ito pati na rin ang Trio sa oras na tumawid na ako sa kabilang-buhay.

Nang makalapit sa akin ang Trio ay dali-dali nila akong hinawakan sa magkabila kong braso at kinaladkad nila ako palapit sa dressing table kung saan basta na lamang nila akong itinulak paupo sa upuang nasa tapat nito saka sinimulan na nilang pakialaman ang buhok ko.

"Grabe ka naman‚ K. Ang bruha mo nang tingnan sa buhok mo. Hindi ka man lang ba nagsuklay pagkagising mo?" natatawang tanong ni Vera na nakatayo sa aking likuran at sinusuklay na ang mahaba kong buhok.

"Ang haggard na ng face mo. Daig mo pa ang inang maraming anak na pinapakain‚" napapangiwing komento ni Ember bago niya sinimulang lagyan ng kung ano-anong kaartehan ang mukha ko.

"Ang pangit naman ng damit mo. Para kang manang tingnan. Ay mali! Para ka na palang vase sa dami ng bulaklak diyan sa damit mo‚" nandidiri namang komento ni Penelope na nakangiwi nang pinagmamasdan ang damit na suot ko.

Mahina na lamang akong natawa dahil sa mga sinabi ng Trio at hindi ko na pinagtanggol pa ang sarili ko kahit na exaggerated na ang mga komento nila.

"Ayan‚ tapos na!" masayang wika nina Ember at Vera makalipas ang ilang minutong pagkalikot nila sa buhok at mukha ko.

"Hindi pa kaya!" pasigaw na pagkontra ni Penelope na nasa harap na ng kabinet saka may bigla na lamang siyang inihagis sa aking damit na agad ko namang nasalo.

"Iyan ang isuot mo. Hubarin mo na 'yang damit mo at baka lumapit sa 'yo ang mga paruparo at bubuyog‚" mataray na utos sa akin ni Penelope.

Nagtataka ko namang iniangat ang damit ni inihagis sa akin ni Penelope at salubong ang kilay ko itong sinuri. At dahil inabot nang ilang minuto ang pagsuri ko sa damit at hindi agad ako kumilos para gawin ang pinagagawa sa akin ni Penelope ay nagmamadaling lumapit sa kinauupuan ko si Penelope. At nang tumigil siya sa tabi ko ay basta na lamang niya akong hinila patayo saka niya ako kinaladkad patungong banyo.

Bago pa man ako makapagprotesta ay nadala na ako ni Penelope sa tapat ng pinto ng banyo na agad niyang binuksan saka niya ako itinulak papasok ng banyo. At nang nasa loob na ako ay marahas niyang isinara ang pinto kaya wala na akong nagawa kundi ang magbihis dahil nasa loob na rin naman ako ng banyo.

Isang simpleng puting sleeveless pouf dress ang ngayon ay suot ko na siyang inihagis sa akin ni Penelope kanina.

Ang damit na ibinigay sa akin ni Penelope ay kasya lang sa akin na hindi ko na ikinagulat pa dahil nabanggit na nila sa akin noon na tuwing namimili raw sila ng damit at sapatos sa bayan ng Arton ay binibilhan din daw nila ako kahit ang alam ng lahat ay matagal na akong patay.

"Ayan! Mas maganda ka nang tingnan. Hindi ka na mukhang manang na mahilig sa bulaklakin‚" wika ni Penelope na agad akong pinasadahan ng tingin nang makalabas ako ng banyo.

Napaikot na lamang ako ng mata sa sinabi ni Penelope. Tsk! Pupuriin na nga lang ako‚ may kasama pang panglalait. Ano 'yon‚ ginawa niyang lisensya ang pagpuri niya sa 'kin para makapanglait?

"Tama na nga 'yang kaartehan ninyong dalawa. Tara na at baka naghihintay na sina Nikolai sa atin‚" naiinip nang yaya sa amin ni Ember.

"Mauna na kayo sa labas. Magpapaalam lang ako kina ina at ama‚" wika ko sa Trio nang bigla kong maalala ang mga maiiwan ko sa palasyo.

Actually‚ pwede naman akong hindi magpaalam nang personal kina ama at ipag-utos na lang sa mga tagapagsilbi ang pagbibigay-alam sa kanila na lalabas ako kasama ang mga kaibigan ko. Pero gusto ko pa ring personal na magpaalam sa kanila dahil paraan ko na rin ito para pormal na mamaalam sa kanila bago ko isuko ang hiram kong buhay.

"Sige. Basta bilisan mo ah. Masama kaming pinaghihintay‚" mahigpit na bilin ni Vera bago sila umalis upang puntahan sina Luna samantalang ako naman ay pumunta ng throne room upang puntahan sina ina.

Nang marating ko ang throne room ay agad na napako ang tingin ko kina ina at ama na nakaupo sa magkatabing trono.

"Ina! Ama!" masiglang tawag ko kina ina mula sa pinto at patakbo akong lumapit sa kanila saka mahigpit ko silang niyakap nang makalapit ako sa kanila na para bang ito na ang huling yakap na pagsasaluhan namin‚ which is true.

Dahil sa isiping ito na ang huling yakap na pagsasaluhan namin nina ina at ama ay bigla ko na lamang naramdaman ang pamamasa ng mga mata ko. Kaya naman nang tinangka nina ina at ama na humiwalay sa yakap ay mas hinigpitan ko pa lalo ang pagkakayakap ko sa kanila para hindi nila mapansin ang pamumuo ng luha sa mga mata ko. Ngunit bukod doon ay gusto ko ring manatili kaming magkayakap nang mas matagal pa dahil nais kong baunin sa aking pag-alis ang mainit nilang yakap na punong-puno ng pagmamahal ng isang magulang. Ang mga yakap na matagal bago ko muling naramdaman mula sa kanila.

Nanatili lamang kaming magkayakap nina ina at ama sa loob nang ilang minuto. At nang pakiramdam ko ay masyado nang matagal ang aming yakapan at nang maramdaman kong tila naguguluhan na sina ama sa inaasal ko ay mabilis kong pinahid ang mga luha kong hindi ko namalayang tumulo pala sa pisngi ko bago ako humiwalay sa yakap.

"Anak‚ ayos ka lang ba? Bakit parang ang tamlay mo ngayon?" nag-aalalang tanong ni ina at marahan pa niyang sinapo ang pisngi ko na para bang isang babasaging bagay ang hawak niya na maaaring mabasag kapag hindi siya maging maingat at marahan.

"Ayos lang po ako. Masyado lang siguro akong napagod dahil sa mga sunod-sunod na pangyayari‚" pagsisinungaling ko para hindi na mag-alala pa sina ina at para hindi na sila mag-isip pa ng kung ano.

"Sigurado ka ba‚ anak? Para kasing may dinaramdam ka‚" nag-aalala na ring tanong ni ama na hindi kumbinsido sa naging tugon ko.

"Ayos lang po ako‚" pag-uulit ko sa sagot ko saka pilit kong pinasigla ang mukha ko para paniwalaan sina ama na ayos lang talaga ako.

"Siya nga po pala‚ nagpunta po ako rito para magpaalam. Aalis po kami ng mga kaibigan ko para magpiknik. Kaya baka hindi na po ako makasabay sa inyo sa tanghalian‚" paalam ko kina ina at ama at pilit pa akong ngumiti para mas paniwalain sila na ayos lang ako at wala silang dapat ipag-alala.

"Ganoon ba? Kung gayon ay mag-iingat ka‚" maagap na tugon ni ama saka matamis niya akong nginitian na para bang pinaparating niya sa akin na masaya siyang sa wakas ay lalabas ako ng palasyo para maglibang at hindi para salubungin ang pagdating ng mga kaaway.

Dahil sa ngiti ni ama at sa isiping aalis na ako dahil tapos na akong magpaalam ay hindi ko na napigilan pa ang sarili ko at muli ko silang niyakap ni ina nang mahigpit.

"Mahal na mahal ko kayo. Napakasaya ko pong muli ko kayong nakasama kahit sa maikling panahon lang. Ngunit patawarin po ninyo ako dahil kailangan kong umalis... Palagi po kayong mag-iingat at huwag po ninyong pababayaan ang mga sarili ninyo. Mahal... na mahal... na mahal... na mahal ko po kayo‚" mangiyak-ngiyak nang wika ko habang pahigpit nang pahigpit ang pagkakayakap ko kina ina at ama.

Habang pahigpit nang pahigpit ang pagkakayakap ko kina ina at ama ay bigla ko na lamang naramdaman ang marahan nilang paghagod sa aking likod na siyang tuluyang nakapagpaiyak sa 'kin. At dahil sa bigla kong pag-iyak ay tinangka nina ama na humiwalay sa yakap. Ngunit hindi ko sila hinayaang kumalas sa yakap dahil mas hinigpitan ko pa ang pagkakayakap ko sa kanila para hindi nila makita ang luhaan kong mukha.

"Anak‚ bakit ka umiiyak? May problema ba?" puno ng pag-aalalang tanong ni ina na ramdam kong nakatingin na sa akin kahit pa hindi niya gaanong maigalaw ang ulo niya dahil sa posisyon namin.

"Wala po. Masaya lang po ako dahil muling nabuo ang pamilya natin‚" muling pagsisinungaling ko para itago ang tunay na dahilan ng pag-iyak ko.

"Sige po‚ aalis na po ako. Paalam‚" mayamaya'y paalam ko kina ina at ginawaran ko pa sila ng halik sa kanilang pisngi bago ako dumistansya sa kanila saka ako nagmamadaling umalis ng throne room para sunod na puntahan si Kaizer dahil hindi ko magagawang ituloy ang piknik kung wala akong makakausap na pupuwedeng magpagaan ng loob ko.

Nang makalabas ako ng throne room ay muli kong pinagana ang mind link sa pagitan naming sampu para muli silang kausapin patungkol sa piknik.

'Mauna na kayo sa Magical Forest. May nakalimutan lang ako. Ngunit susunod din ako kaagad‚' wika ko gamit ang mind link na nag-uugnay sa aming sampu.

'Okay‚ sige. Hintayin ka na lang namin doon‚' tugon ni Flor na sinang-ayunan naman agad ng iba pa kung kaya tipid na lamang akong napangiti.

Matapos kong marinig ang sagot nina Flor ay muli kong pinutol ang mind link naming sampu saka lumuluha akong nagpunta sa hardin sa likuran ng palasyo sa pagbabaka sakaling doon ko matatagpuan si Kaizer. At hindi nga ako nagkamali dahil naabutan ko si Kaizer sa hardin na masayang pinagmamasdan ang paligid na para bang inaalala niya ang nakaraan.

"Kai..." lumuluhang pagtawag ko kay Kaizer na awtomatikong nagpalingon sa kaniya sa direksyon ko. At nang makita niya akong umiiyak ay natataranta siyang lumapit sa 'kin.

"Yana‚ ayos ka lang ba? Anong nangyari sa 'yo? Bakit ka umiiyak?" nag-aalalang tanong ni Kaizer habang sapo na niya ang mukha ko gamit ang dalawa niyang kamay.

Mas lalo namang lumakas ang pag-iyak ko dahil sa ginawang pagsapo ni Kaizer sa mukha ko.

"Kai‚ ikaw na ang bahala kina ina. Huwag mo silang pababayaan. Ihingi mo na rin ako ng tawad sa kanila sa paglilihim ko‚" pagbibilin ko kay Kaizer sa gitna ng walang tigil kong pag-iyak.

"Ano bang sinasabi mo? Hindi kita maintindihan. May nangyari ba? Sabihin mo sa 'kin‚" naguguluhang tanong ni Kaizer na titig na titig na sa mga mata ko habang sapo pa rin niya ang mukha ko.

"Basta mangako ka sa 'king hindi mo sila pababayaan sa oras na mawala ako. Alagaan mo silang mabuti‚" muling paghahabilin ko kay Kaizer at mapait na lamang akong napangiti nang sumagi na naman sa isip ko na masuwerte pa rin kami ni Kaizer dahil ipinanganak nga kaming kambal ngunit hindi naman konektado ang mga buhay namin.

Ang sitwasyon namin ni Kaizer ay hindi katulad kina Lucy at Luciana dahil kapangyarihan lang namin ni Kaizer ang magkakonekta habang silang dalawa ay buhay nila ang magkakonekta at ang kapangyarihan nila ay hindi maaaring pagsamahin o pag-isahin.

"Anong mawawala? Bakit ka mawawala?" naguguluhan pa ring tanong ni Kaizer saka bigla na lamang niyang binitiwan ang mukha ko at naihilamos niya sa mukha niya ang kaniyang kanang kamay.

"Ano ba naman‚ Yana? Sabihin mo sa akin kung anong nangyayari! Pinag-aalala mo 'ko!" hindi na napigilan pang bulyaw sa akin ni Kaizer na mukhang hindi na nakapagtimpi pa dahil sa labis niyang kalituhan.

"Patawad‚ Kai‚ pero ito na lang ang paraan para tuluyan nang mawakasan ang kasamaan‚" paghingi ko ng tawad kay Kaizer dahil alam kong sasama ang loob niya kapag nalaman niya ang nakatakda kong gawin na hindi ko man lang ikinonsulta sa kaniya bago ako nagpasya.

"Anong ibig mong sabihin? Anong paraan?" naguguluhang tanong ni Kaizer na hindi na maipinta ang mukha habang nakatingin sa akin.

Dahil sa paulit-ulit na tanong ni Kaizer at sa naguguluhan niyang ekspresyon ay bigla akong napaisip na siguro'y kailangan kong ipagtapat sa kaniya ang totoo para maipaliwanag niya kina ina nang maayos ang dahilan kung bakit ko kailangang magbuwis ng buhay. Saka siguro ay paraan na rin ito para kahit papaano ay mabawasan ang bigat ng dinadala ko. Saka isa pa‚ kailangan niya ring malaman ang tungkol sa gagawin ko dahil parte siya ng ritwal. Kakailanganin ko kasi siya sa ritwal dahil gaya nga ng sabi ko ay konektado ang kapangyarihan namin at kailangan ko ang kapangyarihan niya para magtagumpay.

Tiwala naman akong hindi sisirain ni Kaizer ang plano ko at hindi siya hahadlang sa gagawin kong ritwal kaya wala namang magiging problema kung sabihin ko man sa kaniya ang tungkol sa gagawin kong pag-aalay ng buhay ko kapalit ng kahilingan kong wakasan na ang kasamaan.

"Kailangan kong magbuwis ng buhay sa ritwal dahil iyon lang ang paraan para matapos na ang kasamaan ni Luciana. At dahil iyon lang ang tanging paraan ay wala akong magagawa kundi ang gawin ang ritwal at ialay ang sarili kong buhay sa ritwal kahit ayoko kayong iwan. Kailangan ko itong gawin para sa kapayapaan at kaligtasan ng lahat. Kaya sana maintindihan mo ako. At sana samahan mo ako sa huling pakikipaglaban ko sa kasamaan dahil kailangan kita‚ Kai. Kailangan ko ang suporta mo sa gagawin kong ito. Kailangan kita. Hindi ko ito kayang mag-isa‚" mahabang wika ko saka tuluyan na akong napahagulhol na awtomatikong nagpakilos kay Kaizer upang ikulong ako sa mga bisig niya at aluin.

"Sshh... Tahan na‚ Yana. Huwag ka nang umiyak. Nandito lang ako. Hindi kita iiwan. Anuman ang napagpasyahan mo ay susuportahan kita dahil kung ako ang nasa sitwasyon mo ay iyon din ang gagawin ko. Kaya sabihin mo lang kung anong maitutulong ko para mapagaan ko kahit papaano ang bigat ng iyong dinadala. Hayaan mong bumawi ako sa mga pagkukulang ko sa 'yo bilang kapatid mo‚" pang-aalo sa akin ni Kaizer habang marahan niyang hinahagod ang likod ko na sa halip na magpatahan sa akin ay mas lalo pang nagpalakas ng hagulhol ko.

Dahil sa walang tigil kong pag-iyak sa mga bisig ni Kaizer ay ramdam ko na ang pamamasa ng damit niya dahil sa mga luha ko. Pero sa kabila ng pagkabasa ng damit niya ay hindi pa rin siya kumalas sa yakap at mas lalo lamang niyang hinigpitan ang pagkakayakap niya sa akin na para bang wala siyang balak na bitiwan ako. At ako man ay ayaw ko ring bumitiw. Kung maaari nga sanang manatili na lang kaming magkayakap ay gagawin ko. Kaya nga lang ay may tungkulin pa ako sa sanlibutan na kailangan kong gampanan. Kaya naman kahit gustong-gusto ko ang pakiramdam na nasa mga bisig ng kakambal ko habang panay ang aking pag-iyak ay pinilit ko pa ring tumahan kung kaya panay pagsinghot na lang ang ginawa ko sa mga sumunod na minuto.

Matapos ang ilang ulit kong pagsinghot ay naramdaman kong wala na akong luha pang mailuluha. Kaya naman ay agad akong kumalas sa yakap at marahan kong tinuyo ang basa kong mukha gamit lamang ang mga kamay ko saka ko sinalubong ang mga mata ni Kaizer na puno ng pag-aalala.

"Ilihim mo kina ina ang tungkol dito. Sasabihin mo lamang sa kanila ang lahat pagkatapos ng ritwal kapag wala na ako. Ngunit habang hindi pa natatapos ang ritwal ay mananatili ka sa tabi ko at samahan mo ako dahil kailangan kita sa ritwal. Kailangan ko ang taglay mong kapangyarihan upang masiguro ko ang ating tagumpay laban sa kasamaan‚" puno ng awtoridad kong wika.

Agad na napahugot ng malalim na hininga si Kaizer matapos kong sabihin sa kaniya ang mga dapat niyang gawin bago at pagkatapos ng ritwal.

"Nauunawaan kong ayaw mong masaktan sina ina. Pero sa tingin mo ba ay hindi sila masasaktan sa oras na nalaman nila na inilihim mo sa kanila ang bagay na ito?" tanong ni Kaizer na ikinangiti ko nang mapait dahil alam ko sa sarili kong may punto ang sinabi niya.

Sabihin ko man kina ina o hindi ang tungkol sa gagawin kong pagsasakripisyo ay masasaktan at masasaktan pa rin sila. Pero wala akong pamimilian kundi ang maglihim sa kanila.

"Alam ko‚ Kai. Pero ito lang ang naiisip kong paraan para hindi nila ako pigilan sa gagawin kong pagsasakripisyo. Hindi sila katulad mo‚ Kai‚ na mauunawaan at matatanggap na kaya ko ito gagawin ay para sa ikabubuti ng lahat. Iba sina ina. Sa oras na malaman nila ang balak ko‚ tiyak na pipigilan nila ako dahil mas pipiliin nilang humanap ng ibang paraan at mas gugustuhin pa nilang sila ang mahirapan at magsakripisyo kaysa tayong mga anak nila‚" mahabang paliwanag ko kay Kaizer para maunawaan niya kung bakit hindi ko pwedeng sabihin kina ina ang tungkol sa gagawin kong pagsasakripisyo.

"Kaya mo ba sinasabi lahat sa akin 'to dahil alam mong hindi kita pipigilan?" may bahid ng pagkadismayang tanong ni Kaizer.

"Tama ka. Isa nga 'yan sa mga dahilan kung bakit ko sinasabi sa 'yo ito. Pero alam ko namang sa loob-loob mo ay gusto mo akong pigilan ngunit mas pinipili mong unawain ako dahil alam mong buo na ang desisyon ko at hindi mo na ako mapipigilan pa. Saka sinabi ko rin lahat sa 'yo dahil alam kong hindi mo ito ipagsasabi hangga't hindi ko nagagawa ang ritwal‚" mahabang tugon ko sa sinabi ni Kaizer.

Sumilay ang tipid at malungkot na ngiti sa mga labi ni Kaizer matapos kong magsalita.

"Tama ka. Gusto nga kitang pigilan pero alam kong hindi ka na papipigil pa. Kaya sa halip na pigilan ka ay mas nanaisin ko na lamang na samahan ka para hindi mo maramdamang mag-isa ka. At sasamahan din kita sa ritwal para tiyaking hindi mauuwi sa wala ang pagbubuwis mo ng buhay‚" wika ni Kaizer na muling nagpaiyak sa 'kin. Ngunit bago pa man magsunod-sunod sa pagtulo ang mga luha ko ay agad ko nang niyakap si Kaizer para muling damhin ang init ng kaniyang yakap.

"Mahal na mahal kita‚ Kai. At napakasuwerte kong nakasama kitang muli kahit saglit lang. Dahil sa pagbabalik mo ay muli mong binigyan ng liwanag ang madilim kong mundo. Ngunit patawad kung ako naman ang aalis. Pero sana'y hindi mo mapansin ang pagkawala ko dahil ang tanging hiling ko lang ay ang kaligayahan mo. At kapag nawala ako‚ ikaw na sana ang bahala kina ama at ina at pati na rin kay Ate Hera‚" umiiyak kong sambit at nanatili pa ako nang ilang segundo sa mga bisig ni Kaizer bago ako nagpupunas ng luha na humiwalay sa kaniya.

"Kailangan ko nang magpaalam‚" wika ko habang panay pa rin ang punas ko sa aking mga luha gamit lamang ang aking mga kamay.

"Saan ka pupunta?" kunot-noong tanong ni Kaizer.

Mabilis ko nang tinapos ang pagtuyo ng basa kong mukha saka ko tiningnan si Kaizer diretso sa mga mata niya.

"Aalis lang ako sandali at sa pagbabalik ko ay gagawin na natin ang ritwal nang magkasama. At habang wala ako ay sana'y huwag mong kalilimutan ang pakiusap ko sa 'yo na ilihim ang tungkol sa gagawin ko mamaya sa ritwal‚" tugon at paalala ko kay Kaizer para hindi niya makalimutang walang ibang maaaring makaalam sa binabalak kong gawin mamaya sa ritwal.

"Wala kang dapat ipag-aala dahil wala akong pagsasabihan tungkol sa kung anong iaalay mo sa ritwal‚" wika ni Kaizer sa nangangakong tinig na kahit papaano ay ikinahinga ko nang maluwag.

"Salamat‚" tipid kong tugon saka muli ko pang niyakap si Kaizer bago ako nagmamadaling umalis upang sumunod na sa Magical Forest.

Dahil alam naman na ni Ali kung saang parte ng Magical Forest ang gustong-gusto ko ay agad ko silang natagpuan sa Enchanted Garden kung saan naabutan kong nakahanda na ang lahat at ako na lang ang kulang. At dahil nga ako na lang ang kulang ay panay ang lingon ng mga kaibigan ko sa paligid na para bang inaabangan nila ang pagdating ko. At dahil dito ay madali lamang nilang napansin ang presensya ko.

"Thea‚ nandito ka na pala. Halika‚ umupo ka na rito‚" masayang yaya sa akin ni Luca nang makita niya akong nakatayo malapit sa kanila habang masaya silang pinagmamasdan.

Agad naman na akong lumapit kay Luca at naupo ako sa pagitan nila ni Ali.

"Bakit mo nga pala naisipang pumunta rito?" nagtatakang tanong ni Yael nang makaupo ako.

"Wala naman. Gusto ko lang kayong lahat makasama. Matagal-tagal na kasi tayong hindi nakakapagsaya nang ganito dahil sa dami ng mga nangyari‚" nakangiting sagot ko upang itago ang lungkot na aking nararamdaman.

"Oo nga‚ ano? E kasi naman‚ hindi maubos-ubos ang kampon ng kadiliman‚" nakasimangot na pagsang-ayon ni Flor sa sinabi ko.

"Sinabi mo pa! Sarap pagtitirisin e!" nanggagalaiting wika ni Vera na mukhang high blood na naman.

"Ano ba naman kayo? Kalimutan na nga ninyo 'yon. Nandito tayo para magsaya‚" pag-awat ni Ali kina Vera at Flor na bigla na lang nag-iba ang mood nang mabanggit ko ang tungkol sa mga nangyari nitong mga nakaraang araw.

"Tama si Ali. Kumain na lang kayo. Sayang naman ang hinanda namin. Pinaghirapan pa naman namin 'to‚" nangongonsensyang pagsingit ni Luna na mahaba na ang nguso kung kaya wala na kaming nagawa kundi ang kumain bago pa tuluyang umiyak ang isip-batang si Luna.

Nang magsimula na kaming lahat na kumain ay doon na rin nagsimula ang aming kuwentuhan‚ asaran at biruan. Kaya naman ay napuno ng aming mga halakhak ang buong Enchanted Garden. Ngunit nang mapansin kong ubos na ang pagkaing dala namin ay bigla na lamang akong nawalan ng sigla at inihanda ko na ang sarili ko para magpaalam sa mga kasama ko.

"Guys?" pagkuha ko sa atensyon ng mga kasama ko.

Isa-isa naman silang nagsilingunan sa direksyon ko kaya agad ko nang sinimulan ang pamamaalam ko.

"Gusto ko lang sana kayong pasalamatan lahat dahil hindi ninyo ako iniwan at sinamahan ninyo ako sa lahat ng laban ko hanggang sa dulo. Dahil sa inyo ay napagtagumpayan ko lahat ng labang hinarap ko. At ni minsan ay hindi ninyo ipinaramdam sa akin na nag-iisa ako. Palagi kayong nandiyan upang damayan ako at palakasin ang loob ko. At kahit hindi man tayo nabigyan ng sapat na panahon para magsaya dahil sa lahat ng problemang hinarap natin ay napakasaya ko na nakilala ko kayo. Ngunit nakakalungkot nga lang isipin na walang permanente sa mundong ito at ang ilan sa atin ay kailangang magpaalam sa hinaharap. Ngunit anuman ang mangyari ay lagi ninyong tatandaang lahat na mahal na mahal ko kayo at napakapalad ko na naging kaibigan ko kayo‚" mahaba kong wika at pilit akong ngumiti upang pigilan ang sarili kong maluha.

"K‚ naman! Para ka namang namamaalam niyan e‚" naiiyak na maktol ni Penelope.

"Ang drama mo‚ K. Pwede ka nang pam-best actress‚" natatawang biro ni Ember na may luha na sa kaniyang mga mata.

"Ang dadrama ninyo! Group hug na nga lang tayo‚" pag-epal ni Luca na may namumuo na ring luha sa kaniyang mga mata.

Hindi na kami nakapalag pa nang tumayo ang mga lalaki at sapilitan din nila kaming itayo saka basta na lang nila kaming pinaglapit-lapit para sa group hug na request ni Luca.

Tumagal lamang nang ilang segundo ang aming yakapan dahil agad na kumalas sa yakap sina Luca at Luna na parehong nagyayang maglaro daw kaming lahat. At dahil gusto ko rin namang sulitin pa ang natitirang oras ko sa mundo kasama sila ay pumayag na rin ako.

Naglaro kaming sampu sa loob nang ilang oras ng kung ano-ano lang na maisipan namin. At nang mapagod na kami ay doon lang kami nagkayayaang bumalik ng palasyo. At nang marating namin ang labas ng palasyo ay agad akong humiwalay sa kanila upang hanapin si Jane.

Ilang minuto rin akong palakad-lakad sa iba't ibang sulok ng palasyo bago ko natagpuan si Jane kasama si Kaleb. Kalalabas lamang nila mula sa kinaroroonan ng piitan nina Leo‚ Jayda at Ulises.

"Nandito ka lang pala‚ Jane. Kanina pa kita hinahanap‚" nakangiting wika ko nang sandaling makalapit ako kina Jane at Kaleb na pareho nang nagtatakang nakatingin sa akin. Ngunit agad ding napalitan ng nagsusumamong tingin ang kaninang nagtatakang tinging ibinibigay sa akin ni Kaleb.

"Thea‚ alam kong masyado nang huli ang paghingi ko ng tawad pero gusto ko pa ring humingi ng tawad sa pambabalewala namin sa 'yo noon. Ni wala man lang kami sa tabi mo para samahan ka noong mga panahong kailangang-kailangan mo kami‚" natatarantang paghingi ng tawad ni Kaleb na mukhang ngayon lang nagkaroon ng pagkakataon at ng lakas ng loob na ungkatin ang nakaraan.

Napangiti na lamang ako sa nakikita kong pagkataranta ni Kaleb. Mukha kasing kaya ngayon lang siya humingi ng tawad ay dahil natatakot siya sa magiging reaksyon ko. How cute.

"Wala 'yon‚ Kaleb. Alam kong ginawa lang ninyo ang sa tingin ninyo ay tamang gawin noong mga panahong 'yon. At naiintindihan ko kayo kaya wala kang dapat ihingi ng tawad dahil kahit kailan ay hindi naman ako nagtanim ng sama ng loob sa inyo. Saka matagal nang tapos 'yon. Kalimutan na natin ang nakaraan at isipin na lang natin ang hinaharap‚" nakangiting sagot ko kay Kaleb na nagpangiti rin sa kaniya.

"Maraming salamat‚ Thea‚" nakangiting pasasalamat ni Kaleb na ngayon ay maaliwalas na ang mukha.

"Walang anuman‚" nag-aalangan kong tugon saka ako sadyang umubo para ipaalam kina Kaleb at Jane na may sasabihin pa ako.

"Ahm... Kaleb‚ maaari ko bang mahiram saglit si Jane? Kailangan ko lang siyang makausap‚" paalam ko kay Kaleb dahil ayoko namang dumiretso kay Jane dahil baka may gagawin o pupuntahan pala sila ni Kaleb na hindi maaaring maipagpaliban.

"Oo naman‚" agad na tugon ni Kaleb saka siya bumaling kay Athena.

"Athena‚ sa hardin lang ako‚" imporma ni Kaleb kay Athena bago siya nagpaalam nang maayos sa 'kin.

Nang makaalis si Kaleb ay agad kong hinawakan si Jane sa kaniyang kaliwang kamay at isinama ko siya sa pag-teleport patungo sa silid namin ni Kaizer.

Nang marating namin ni Jane ang silid namin ni Kaizer ay lihim na lamang akong napahinga nang maluwag nang makita kong wala ni anino ni Kaizer sa silid. Malaya kasi kaming makakapag-usap ni Jane nang kami lang.

"Ano bang importanteng bagay ang sasabihin mo at mukhang ayaw mong may ibang makarinig?" tanong ni Jane saka siya naglakad palapit sa kama at naupo sa gilid nito.

Agad naman akong lumapit kay Jane at naupo ako sa tabi niya. Ngunit nakaupo ako paharap sa kaniya para maayos kaming makapag-usap. At maging siya ay umayos ng pagkakaupo at humarap din siya sa 'kin.

"Jane‚ itong sasabihin ko sa 'yo ay hindi maaaring malaman ng iba. Kaya anuman ang marinig mong sasabihin ko ay sana manatiling lihim sa pagitan nating dalawa‚" mahina ngunit mariin kong wika para iparating kay Jane kung gaano kaimportante ang pag-uusapan namin.

"Ano ba talagang sasabihin mo‚ Gwyn?" muling tanong ni Jane na may bahid na ng kaba ang mukha at boses.

Humugot muna ako ng malalim na hininga bago ko sinagot ang tanong ni Jane.

"May ipapakiusap sana ako‚" matamlay kong sagot sa mahina pa ring boses.

"Ano 'yon?" kinakabahan pa ring tanong ni Jane.

Sa halip na agad na sagutin ang tanong ni Jane ay kinuha ko ang phone ko na nasa drawer at iniabot ko ito sa kaniya.

"Sa oras na gawin ko na ang ritwal ay ibigay mo ito kay Kaiden at sabihan mo siyang ibigay ito kay Kamila‚" wika ko habang iniaabot ko kay Jane ang phone ko na nag-aalangan niyang tinanggap.

"Bakit? Ano bang laman nito?" naguguluhang tanong ni Jane.

"Huwag mo nang alamin. Ang mahalaga ay masabi ko sa 'yo ang gusto kong sabihin‚" tugon ko saka muli akong napahugot ng malalim na hininga para humugot ng lakas na sabihin kay Jane ang gusto kong sabihin.

"I want you to take care of Tita Claire and Tito Chris. Ikaw na rin sanang bahalang magpaliwanag sa lahat kung bakit ko ito gagawin‚" saad ko sa bagay na gusto kong gawin ni Jane para sa 'kin bukod pa sa pag-aabot ng phone ko kay Kaiden.

Agad namang nangunot ang noo ni Jane sa sinabi ko at binigyan niya ako ng naguguluhang tingin.

"Teka... Ano bang gagawin mo? Saka anong mayroon sa ritwal?" naguguluhang tanong ni Jane na halatang walang kaide-ideya sa binabalak kong gawin.

"Ang ritwal na gagawin ko ay ritwal ng pag-aalay o pagsasakripisyo. Kailangan kong isakripisyo ang sarili kong buhay kapalit ng kapayapaang inaasam ng lahat‚" malungkot kong sagot dahil wala rin namang saysay kung maglilihim ako kay Jane dahil sooner or later ay matutunugan din niya ang balak ko at malalaman din niya ang totoo sa sarili niyang pamamaraan.

Marahas na napatayo si Jane matapos niyang marinig ang sagot ko at gulat niya akong tiningnan.

"At balak mo pa ring ituloy ang ritwal kahit alam mo na ang magiging kapalit nito?" gulat na tanong ni Jane na tinugon ko lamang ng marahang pagtango.

Dahil sa ginawa kong pagtango ay puno ng pagkadismayang napasabunot si Jane sa kaniyang sariling buhok at nagpabalik-balik siya ng lakad sa aking harapan na para bang hindi siya mapakali bago niya marahas na ibinaba ang kamay niya kasabay ng pagharap niya sa 'kin.

"Gwyn‚ naman! Huwag mo namang gawin 'to. Baka may iba pang paraan‚" nakikiusap na wika ni Jane na may namumuo nang luha sa mga mata niya na natitiyak kong maaari nang tumulo anumang segundo mula ngayon.

Malungkot na lamang akong napangiti dahil sa huling sinabi ni Jane.

"Kung may ibang paraan ay sana ginawa ko na. Pero wala. Wala ng ibang paraan. Ito na lang. Kaya sa ayaw o sa gusto ko ay kailangan ko itong gawin para sa ikabubuti ng lahat‚" nanlulumo kong tugon saka muli na lamang akong napangiti nang mapait nang makita ko ang pagtulo ng luha ni Jane.

"Pero huwag mo nang isipin pa ang tungkol sa ritwal. Hindi ko sinabi sa 'yo ang tungkol dito dahil gusto kitang mag-alala o ano. Sinabi ko sa 'yo ang tungkol sa ritwal dahil ayokong magalit ka sa 'kin sa oras na malaman mong pinaglihiman kita. Saka sinabi ko rin sa 'yo lahat dahil may gusto sana akong hilingin sa 'yo‚" agad kong dagdag bago pa man muling magsalita si Jane.

"Ano 'yon?" lumuluhang tanong ni Jane saka siya suminghot-singhot na para bang gusto niyang umurong ang mga luha niyang walang humpay sa pagtulo.

"Huwag mo sanang hayaang nandoon si Kaiden sa sacred room sa oras na gawin ko ang ritwal. Ayokong makita niya akong mawala. Ayoko ring nandoon siya dahil baka hindi ko maituloy ang ritwal‚" pakiusap ko kay Jane saka mariin ko na lamang na nakagat ang ibabang labi ko nang maramdaman ko ang pamamasa ng mga mata ko.

"Speaking of Kaiden‚ nakausap mo na ba siya?" biglang pag-iiba ni Jane ng usapan habang panay na ang pahid niya ng kaniyang mga luha.

"Hindi pa. Kakausapin ko pa lang siya para magpaalam. Pero wala akong balak sabihin sa kaniya ang totoo dahil alam kong pipigilan niya ako. Kaya ikaw na sana ang bahalang magpaliwanag sa kaniya ng lahat kapag natapos na ang ritwal‚" mahabang tugon ko.

Nang wala ng bakas pa ng luha ang mukha ni Jane ay muli siyang bumalik sa pagkakaupo niya sa tabi ko saka marahan niyang hinawakan ang kaliwa kong kamay gamit ang dalawa niyang kamay.

"You can count on me‚ Gwyn. Kaibigan kita at kahit hindi ako sang-ayon sa gusto mong gawin ay susuportahan pa rin kita. Alam ko naman kasing ginagawa mo lang ito para sa mga mahal mo at alam ko kung anong kaya mong gawin para sa amin kaya naiintindihan kita. Saka kahit naman pigilan kita ay alam ko namang hindi na kita maaawat pa dahil mukhang buo na ang desisyon mo. Kaya ang magagawa ko na lang ay ang suportahan at tulungan ka. Kaya huwag kang mag-alala dahil makakarating kay Kaiden itong phone mo at tinitiyak ko rin sa 'yong wala si Kaiden sa tabi mo sa oras na gawin mo ang ritwal. Ako na ring bahala kina tita at tito. Pangako 'yan‚" mahabang wika ni Jane na tuluyang nagpaiyak sa 'kin dahil sa pinaghalong tuwa at lungkot.

Dahil sa biglang pagbuhos ng luha ko at sa biglang paglamon sa akin ng emosyon ko ay hindi ko na napigilan pa ang sarili ko at mahigpit kong niyakap si Jane.

"Thank you‚ Jane. Thank you for always being here. Thank you for the friendship. Thank you for everything. I love you so much and I will always be there beside you even though you won't be able to see me from this day forward‚" paulit-ulit kong pasasalamat kay Jane sa gitna ng walang tigil kong pag-iyak.

"I love you too‚ Gwyn. And I'm so lucky to have you‚" umiiyak na ring tugon ni Jane bago siya kumalas sa yakap.

Nang magkaroon ng distansya sa pagitan namin ni Jane ay nginitian niya ako sa kabila ng luhaan niyang mukha saka marahan niyang pinahid ang mga luha ko gamit lamang ang mga kamay niya.

"Sige na‚ Gwyn. Go to Kaiden and confess your feelings to him. He deserves to know how you feel towards him. Go. Puntahan mo na siya sa balkonahe‚" pagtataboy sa akin ni Jane na mukhang ginamit pa ang kakayahan niya para lang malaman kung nasaan ngayon si Kaiden.

Tipid na lamang akong napangiti kay Jane bago ako nagpaalam sa kaniya. At nang makapagpaalam na ako sa kaniya nang maayos ay hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon at agad na akong nagtungo sa balkonahe kung saan kami noon nag-usap ni Kaiden para kausapin siya sa huling pagkakataon.

"Kaiden‚" mahinang tawag ko kay Kaiden mula sa kaniyang likuran na sapat lang para marinig niya.

Agad na napalingon si Kaiden sa aking direksyon. At nang mapako ang tingin niya sa 'kin ay agad nabalot ng pagtataka at pag-aalala ang mukha niya. Marahil ay napansin niya ang pamumugto ng mga mata ko dahil sa walang tigil kong pag-iyak magmula pa pagkagising ko.

"Thea‚ ikaw pala. Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Kaiden matapos ang ilang segundo niyang pagtitig sa mukha ko.

"I'm just here to give you my answer to your question before‚" diretsahang sagot ko saka ako lumapit kay Kaiden para mas makapag-usap kami nang maayos.

"What do you mean?" naguguluhang tanong ni Kaiden na mukhang hindi naunawaan kaagad kung anong tanong niya ang tinutukoy ko.

Tipid na lamang akong napangiti dahil sa kaguluhang nababakas ko sa mukha ni Kaiden bago ako huminga nang malalim para mag-ipon ng lakas ng loob na sabihin sa kaniya ang sagot ko sa tanong niya.

"You asked me before if I feel the same way towards you. And my answer is... yes‚" nakangiting sagot ko habang hindi ko inaalis ang titig ko sa mga mata ni Kaiden na bigla na lamang nanlaki dala marahil ng pagkabigla niya.

Ilang segundong nawalan ng imik si Kaiden habang nanlalaki ang mga mata niyang nakatitig sa akin bago nagliwanag ang mukha niya.

"You mean mahal mo rin ako?" hindi makapaniwalang tanong ni Kaiden nang makabawi siya mula sa kaniyang pagkagulat.

Mas lalo pang lumawak ang ngiti ko dahil sa naging reaksyon ni Kaiden. Kaya naman ay malawak ang ngiting sinagot ko ang tanong niya. "Oo‚ Kaiden. Mahal na kita noon pa man bago pa tayo magkahiwalay. Ngunit noong una ay akala ko paghanga lang itong nararamdaman ko dahil masyado pa akong bata noon para malaman ang tungkol sa pag-ibig. Pero ngayon alam ko na. Ngayon ay sigurado na ako sa nararamdaman ko. Mahal kita... noon‚ ngayon at habang-buhay kitang mamahalin. At kahit mawala man ako sa tabi mo ay patuloy pa rin kitang mamahalin. Pero ang totoo niyan ay hindi ko kayang mawala o malayo sa 'yo. Pero lahat kaya kong gawin kung ito ay para sa ikabubuti mo-kahit pa ang iwan ka. Ganoon kita kamahal‚ Kaiden. Lahat gagawin ko para-"

Hindi ko na naituloy pa ang sinasabi ko nang maramdaman ko ang paglapat ng labi ni Kaiden sa labi ko na ikinabilog ng mga mata ko. Ngunit ang namimilog kong mga mata ay unti-unting sumara hanggang sa mapapikit ako upang damhin ang halik ni Kaiden na punong-puno ng pagmamahal na siyang babaunin ko sa aking paglisan.

I think this is our second kiss so far and probably‚ it will be the last.

'I love you‚ Kaiden. Sana mapatawad mo ako sa gagawin kong pag-iwan sa 'yo‚' sambit ko sa isipan ko at kasunod nito'y naramdaman ko na lamang ang pagtulo ng luha mula sa kaliwang mata ko habang magkalapat pa rin ang mga labi namin ni Kaiden.

✨✨✨

A/N: Sorry sa typos at mali-maling grammar. And I know masyado itong mahaba. Kasi naman‚ masyadong maraming kaibigan at mahal sa buhay itong ating bida kaya pagpasensyahan na ninyo😂 Pero ilang chapters na lang naman at matatapos na ito kaya kapit lang❤

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top