CHAPTER 89: WE ARE ONE
THIRD PERSON’S POV
Abala ang lahat sa pakikipaglaban maliban kina Thea‚ Kaizer‚ Haring Uriel at Reyna Alora na nakatitig lamang kay Mathilde habang sina Fabian at Thara naman ay naiwang nakatago sa gilid ng pinto ng palasyo at tahimik silang pinagmamasdan mula sa loob.
Nakatayo sa labas ng palasyo sina Thea‚ sa parteng hindi na sakop ng barrier na bumabalot sa buong palasyo.
“Mathilde‚ bakit mo ba ito ginagawa?” nanlulumong tanong ni Haring Uriel na hindi matanggap na mismong kaibigan pa niya ang namumuno sa mga kalaban.
Agad na umismid si Mathilde sa kaniyang narinig na unti-unting nauwi sa ngisi.
“Hanggang ngayon ba ay hindi mo alam? Hindi mo pa rin ba alam na hindi lang kaibigan o kababata ang tingin ko sa ‘yo? Magkababata tayo‚ Uriel‚ at halos sabay tayong lumaki at noon pa man mahal na kita! Pero hindi mo ako magawang tingnan bilang isang babae. Nakikita mo lamang ako bilang nakababata mong kapatid! Pero tanggap ko naman ‘yon dahil sino nga lang ba ako para mahalin mo? Isa lang naman akong hamak na tagapagsilbi ng palasyo na napulot ninyo sa kung saan at inaruga. Pero ang hindi ko matanggap ay ang mahalin mo ‘yang babaeng ‘yan sa kabila ng pagkakaiba ninyo!” puno ng hinanakit na saad ni Mathilde at galit pa niyang dinuro-duro si Reyna Alora na katabi ni Haring Uriel.
Mas lalo namang nanlumo si Haring Uriel sa kaniyang narinig dahil buong akala niya ay tanggap na ni Mathilde ang mga nangyari noon at ang naging desisyon niya.
“Akala ko ba naiintindihan mo na ang lahat? Akala ko ba tanggap mo nang si Alora ang mahal ko at hindi ikaw?” naguguluhang tanong ni Haring Uriel na hindi na malaman kung paano sasalubungin ang matalim na tinging ipinupukol sa kaniya ni Mathilde na punong-puno ng hinanakit.
“Sinubukan ko! Sinubukan kong galangin ang pasya mo at sinubukan kong tanggapin na kailanman ay hindi mo ako mamahalin. At oo‚ nagawa kong maging masaya na lang para sa inyo kahit pa pinagpipira-piraso ang puso ko sa tuwing nakikita ko kayong magkasama! Ngunit muli mong binuhay ang pagkamuhi ko sa ‘yo nang walang awa ninyong pinarusahan ang mga kaibigan ko. At hindi pa kayo nakuntento sa pag-aalis ng alaala nila. Ipinatapon pa ninyo sila sa kabilang mundo!” nanggagalaiting wika ni Mathilde saka niya galit na dinuro si Haring Uriel.
“At dahil sa ginawa ninyong pagpaparusa at pagpapatapon sa kanila ay may isang batang naulila! Lumaki ang anak nila nang hindi man lang sila nakikilala! At ang masakit pa nito ay biniyayaan kayo ng supling na siya pang magiging makapangyarihan sa lahat!” pagpapatuloy ni Mathilde saka bigla na lamang siyang napaismid nang maalala na naman niya kung gaano kadaya ang mundo.
Ang ismid ni Mathilde ay agad ding nabura saka niya itinutok kay Reyna Alora ang hintuturo niyang nakaturo kay Haring Uriel.
“Nakuha ka na nga sa akin ng Alora na ‘yan‚ siya pa ang pinagpalang magsilang sa itinakda! At hindi ko lubos maisip kung bakit kung anong ikinamalas ko ay siya namang ikinapalad ng babaeng ‘yan!” nanggagalaiting wika ni Mathilde na may halong inggit at hinanakit saka umiigting ang pangang ibinaba niya ang kamay niyang nakaangat.
Matapos duru-duruin si Reyna Alora ay muling ibinalik ni Mathilde ang tingin niya kay Haring Uriel na siyang puno’t dulo ng lahat ng pagdurusa at sakit na dinanas niya.
“At hindi ko maaatim na mabuo ang pamilya ninyo at mamuhay kayo nang masaya habang ang batang inulila ninyo at ang mga magulang niya ay nagdurusa dahil sa kagagawan ninyo! Kaya naisip ko na kung hindi ka mapapasaakin at hindi mapupunta sa akin ang kapalarang magsilang sa itinakda ay mas mabuti pang kunin ko sa inyo ang inyong anak upang mapasaakin ang taglay niyang kapangyarihan. Pagkatapos ay ibabalik ko sina Thara at Fabian sa mundong ito gamit ang kapangyarihan ng anak ng nagpahirap sa kanila. At sa kanilang pagbabalik ay pamumunuan namin ang buong Fantasia lalong-lalo na ang kaharian ninyo na siyang nagpasakit sa kanila at sa akin‚” mahabang salaysay ni Mathilde sa plano niya simula’t sapol saka bigla na lamang siyang napaismid.
“Ngunit sa kasamaang palad ay hindi nagtagumpay ang mga rebeldeng inuto ko noon. Kaya ngayon ay ako na mismo ang kikitil sa buhay ng inyong pinakamamahal na anak sa mismong harapan ninyo upang maramdaman ninyo ang sakit na dinanas ko sa loob ng mahabang panahon‚” pagpapatuloy ni Mathilde na ikinabigla ng lahat.
Maging si Thara na kanina pa tahimik na nakikinig sa pinagtataguan niya ay nabigla sa kaniyang narinig at hindi na napigilan pa ang maluha. Ngunit sa halip na pahirin ang kaniyang luha ay lumuluha siyang humakbang palapit kay Mathilde. Agad din namang sumunod sa kaniya si Fabian na maluha-luha na rin sa kaniyang mga narinig.
“Mathilde‚ itigil mo na ‘to. Tama na... Iwan mo na ang kasamaan habang may pagkakataon ka pa‚” lumuluhang pagkausap ni Thara kay Mathilde at tinangka pa niyang mas lumapit dito upang hawakan ito. Ngunit mabilis siyang pinigilan ni Thea dahil natatakot ito sa maaaring gawin ni Mathilde sa kaniya lalo na’t puno ng galit at poot ang puso nito.
“Thara? Fabian?” hindi makapaniwalang sambit ni Mathilde habang palipat-lipat ang tingin niya sa mag-asawa.
Mapait na napangiti si Fabian nang makita niyang sumilip sa mga mata ni Mathilde ang galak matapos sila nitong makita.
“Kami nga‚ Mathilde. Nagbalik na kami kaya hindi mo na kailangan pang gawin ito‚” pagkumbinsi ni Fabian kay Mathilde habang nangungusap siyang nakatingin dito para mas lalo itong makumbinsing itigil na ang kaniyang kasamaan.
Si Thara naman ay lumuluhang inilahad kay Mathilde ang kaniyang kanang kamay.
“Halika‚ sumama ka na sa amin at sumuko ka na. Huwag kang mag-alala‚ hindi ka namin pababayaan. Tutulungan ka naming makalaya mula sa kasamaan‚” wika ni Thara sa nangangakong tinig.
Umiiling na umatras si Mathilde palayo kay Thara matapos siya nitong yayaing sumama sa kanila.
“Patawad ngunit huli na... Hindi ko na kaya pang labanan ang kasamaan sa loob-loob ko‚” paghingi ni Mathilde ng tawad kasabay ng pag-uunahan sa pagtulo ng mga luha niya dahil sa reyalisasyong nakakulong na siya sa kasamaan at wala na siyang takas pa rito kahit pa naisin man niyang tanggapin ang kamay ng kaibigan niyang si Thara.
“Hindi... Hindi totoo ‘yan. Kaya mo pang labanan ang kasamaan kung gugustuhin mo‚” pagkontra ni Thara sa sinabi ni Mathilde dahil naniniwala siyang may pag-asa pa ang kaibigan niya na bumalik sa kabutihan at talikuran ang kasamaan.
Saglit na naging purong itim ang mga mata ni Mathilde dahil sa paulit-ulit na pagkumbinsi sa kaniya ni Thara na labanan ang kasamaan. Ngunit dahil sa pagpipilit ni Mathilde na labanan ang kung anong puwersa sa loob-loob niya na nag-uudyok sa kaniyang maging masama ay agad ding bumalik sa normal ang kulay ng mga mata niya.
“W-Wala na akong ma...magagawa. K-Kaya umalis na kayo bago ko pa kayo ma...masaktan‚” nahihirapang wika ni Mathilde na unti-unti nang nauubusan ng lakas na labanan ang puwersang nag-uudyok sa kaniyang maging masama.
“Mathilde‚ sumama ka na sa amin. Magsimula tayo ng panibagong buhay malayo sa kasamaan‚” muling pangungumbinsi ni Fabian kay Mathilde sa kabila ng sinabi nitong huli na para talikuran niya ang kasamaan.
Nang manatiling walang imik si Mathilde at magbaba ito ng tingin ay dahan-dahang lumapit sa kaniya sina Thara at Fabian. At nang makalapit sa kaniya ang mag-asawa ay walang pag-aalangan nilang hinawakan ang kaniyang kanang kamay. Ngunit dahil sa gulat at sa puwersang kumukontrol sa kaniya ay naiwaklit niya ang mga ito nang ubod ng lakas‚ dahilan para tumilapon ang mag-asawa sa isang malaking puno sa gawing kanan niya malayo sa palasyo.
“Mom! Dad!” puno ng pag-aalalang tawag ni Thea kina Thara at Fabian saka siya natatarantang tumakbo palapit sa mga ito kasunod ang kaniyang mga magulang na mga nag-aalala rin.
“Mom‚ dad‚ ayos lang ba kayo? May masakit ba sa inyo?” nag-aalalang tanong ni Thea kina Thara at Fabian nang makalapit siya sa mga ito at ito’y kaniyang madaluhan.
“A-Ayos lang...” nahihirapang sagot ni Thara na napapangiwi na dahil sa pagtama kaniyang ulo sa katawan ng puno.
Agad namang natatarantang binalingan ng tingin ni Thea ang mga magulang niyang nakatayo sa kaniyang likuran dahil sa nababakas niyang paghihirap sa mukha at boses ng kaniyang mommy at daddy.
“Ina‚ ama‚ kayo na po ang bahala kina mommy. Pakidala na lang po sila sa loob ng palasyo para magamot agad sila. Hindi po maganda ang lagay nila‚” pakiusap ni Thea sa kaniyang mga magulang.
“Huwag ka nang mag-alala‚ anak. Kami na ang bahala ng ama mo sa kanila‚” nangangakong wika ni Reyna Alora saka silang mag-asawa lumapit kina Thara at Fabian para alalayan ang mga itong makatayo.
Si Fabian ang nilapitan ni Haring Uriel para alalayan habang si Thara naman ang nilapitan ni Reyna Alora. At nang maitayo na nila sina Thara at Fabian ay agad na nila itong inalalayan papasok ng palasyo. Kaya ang naiwan na lamang sa pinagbagsakan nina Thara ay si Thea habang nakatayo pa rin si Kaizer sa harapan ni Mathilde ngunit na kay Thea ang kaniyang buong atensyon.
Sinundan pa ni Thea ng tingin ang kaniyang mga magulang hanggang sa sila’y makapasok ng palasyo at ganoon din si Kaizer. Nawala na sa isip nila si Mathilde kaya hindi napansin ni Thea ang bolang itim na papalapit sa kaniya.
“Ahhh!” malakas na daing ni Thea nang tamaan siya ng bolang itim na pinakawalan ni Mathilde.
Agad na napalingon si Kaizer sa kinaroroonan ni Thea nang marinig niya ang malakas na daing ng kaniyang kakambal. At nang makita niyang nakasandal na sa puno ang kakambal niya habang sapo-sapo nito ang tiyan at isinusuka ang sarili niyang dugo ay agad na binalot ng takot at pag-aalala ang kaniyang puso.
“Yana!” nag-aalalang sigaw ni Kaizer at akmang tatakbo na siya upang ito’y lapitan nang mahagip ng paningin niya ang muling pagpapalabas ni Mathilde ng bolang itim. Kaya sa halip na takbuhin ang kanilang distansya ni Thea ay mas pinili na lamang niyang mag-teleport patungo sa kinaroroonan nito at mabilis niyang iniharang ang sarili niya sa harap ng kakambal niya at idinipa pa niya ang kaniyang mga braso para protektahan ang kaniyang kakambal laban kay Mathilde.
“Ina‚ itigil mo na ‘to. Pakiusap‚ tama na... Huwag mo nang ituloy kung anumang binabalak mo‚” pakiusap ni Kaizer sa kaniyang kinilalang ina sa loob ng sampung taon.
“Umalis ka riyan‚ Kaizer‚ kung ayaw mong masaktan!” sigaw ni Mathilde kay Kaizer habang matalim na siyang nakatingin dito.
“Hindi! Hindi ako aalis dito! Dadaan ka muna sa akin bago mo masaktan ulit ang kakambal ko!” pagmamatigas ni Kaizer na siyang ikinagalit ni Mathilde.
Dahil sa galit na nararamdaman ni Mathilde para sa anak-anakan niya ay muli na namang lumakas ang puwersa ng kasamaan sa loob-loob niya.
“Kaizer‚ umalis ka riyan bago pa kita masaktan!” pigil ang galit na sigaw ni Mathilde ngunit hindi natinag si Kaizer sa kaniyang sigaw.
“Hindi! Patayin mo muna ako kung gusto mong makalapit kay Yana‚” matapang na wika ni Kaizer na determinadong magbuwis ng buhay alang-alang sa kaligtasan ng kaniyang kakambal.
Dahil sa muling pagmamatigas ni Kaizer ay hindi na nakapagpigil pa si Mathilde at mabilis niyang ibinato kay Kaizer ang bolang itim na nakalutang sa kaniyang kanang kamay. At nang sandaling ibato ni Mathilde kay Kaizer ang bolang itim ay agad na ginamit ni Kaizer ang kapangyarihan niya upang paglahuin ito. Ngunit hindi ito magawang paglahuin ng kapangyarihan niya dahil sa sobrang lakas nito. Kaya naman ay dumiretso pa rin ako sa kaniya at hindi na niya ito naiwasan pa dahil wala rin naman siyang balak na iwasan ito dahil ayaw niyang ang kakambal niya ang sumalo nito.
“Aahhh!” malakas na daing ni Kaizer nang matamaan siya ng kapangyarihan ni Mathilde na hindi niya na nagawang pigilan. At dahil sa lakas ng puwersang tumama sa tiyan niya ay nasapo niya ang kaniyang tiyan kasabay ng pagsuka niya ng dugo at bumagsak sa lupa ang kaliwang tuhod niya.
Dahil sa daing ni Kaizer at sa pangamba ni Thea na muling umatake si Mathilde ay dali-dali siyang umayos ng tayo at umalis siya sa pagkakasandal niya sa puno sa kabila ng iniinda niyang sakit sa kaniyang tiyan at likod. At nang makatayo siya nang maayos ay agad siyang naglakad patungo sa harapan ni Kaizer saka mabilis niyang pinatamaan si Mathilde ng pinaghalo-halo niyang kapangyarihan.
Natamaan ni Thea si Mathilde sa bandang dibdib ngunit hindi ito natinag at bahagya lamang itong napaatras‚ dahilan para pinanghinaan si Thea ng loob. Ngunit sa halip na sumuko at tanggapin na lang ang pagkatalo niya ay pilit pa rin niyang pinalakas ang loob niya at nanatili siyang nakatayo habang nakaabang siya sa magiging pagkilos ni Mathilde.
“Iyan lang ba ang kaya mo? Pwes‚ ipapakita ko sa ‘yo ang tunay na kapangyarihan‚” puno ng panghahamak na wika ni Mathilde at umismid pa ito bago ito muling nagpalabas ng itim na liwanag sa kaniyang kanang kamay.
“Ito‚ lasapin mo ang kapangyarihan ko!” pasigaw na wika ni Mathilde saka mabilis niyang tinira ng kaniyang kapangyarihang itim si Thea. Ngunit bago pa man tumama kay Thea ang kapangyarihan niya ay mabilis na itong sinalubong ni Thea ng kaniyang pinahalo-halong kapangyarihan‚ dahilan para magtagpo sa gitna nila ang kanilang mga kapangyarihan.
“Hindi mo ako kaya!” puno ng panghahamak na wika ni Mathilde kay Thea.
Sa loob-loob ni Thea ay lihim na niyang sinang-ayunan ang sinabi ni Mathilde. Ramdam na kasi niya ang panghihina niya dahil masyadong malakas ang kalaban niya at naunahan siya nito kanina sa pag-atake kaya labis nang nabugbog ang kaniyang katawan. At dahil nga ramdam na ni Thea ang kaniyang panghihina ay hindi na siya nagulat pa nang unti-unti nang gumapang ang kapangyarihan ni Mathilde patungo sa kaniya. Ngunit kahit na alam niya sa sarili niya na wala siyang panama sa taglay nitong lakas ay ginamit pa rin niya ang isa pa niyang kamay para palakasin ang puwersa niya. Ngunit gaya ng inaasahan niya ay wala pa rin itong naging epekto.
Sa kalkulasyon ni Thea ay doble ang lakas ng kalaban niya at hula niya ay hindi lang basta isang diyosa ang nasa loob ng katawan ni Mathilde. Kaya naman ay inaasahan na niya ang pagkatalo niya. Ngunit kahit pa inaasahan na niya ito ay hindi pa rin niya nagawang pigilan ang madaing nang mapaupo siya sa damuhan.
“Ahhh!” malakas na daing ni Thea nang mapaupo siya sa damuhan dahil sa tuluyang paggapang ng itim na kapangyarihan ni Mathilde sa katawan niya na unti-unti siyang pinahihina.
Dahil sa lakas ng daing ni Thea ay nagmamadaling nagtungo sa kinaroroonan niya sina Jane‚ Kaleb at Kaiden. Ngunit hindi nila agad nagawang mapuntahan ang kinaroroonan ni Thea dahil maraming kalaban ang humaharang sa dinadaanan nila na tila ba sinasadya ng mga ito na pigilan sila sa tangka nilang pagpunta kay Thea upang ito’y saklolohan.
Hindi na kinaya pa ni Kaizer na panoorin kung paano pahirapan ng kinilala niyang ina ang kakambal niya. Kaya naman ay sinikap niyang tumayo kahit pa nahihirapan siya dahil sa panghihina saka muli sana siyang magtatangkang labanan si Mathilde upang iligtas ang kakambal niya mula rito. Ngunit nang iaangat na sana niya ang kaliwang kamay niya ay bigla na lamang siyang tinira ni Mathilde ng itim na kapangyarihan gamit ang malaya nitong kamay‚ dahilan para tumama siya sa punong nasa kaniyang likuran.
“Kai!” malakas na sigaw ni Thea sa kabila ng pagpapahirap sa kaniya ni Mathilde.
Dahil sa sinapit ni Kaizer ay biglang umigting ang panga ni Thea saka agad niyang sinubukang iangat ang nanginginig niyang kamay para sana maghanda ng isang pag-atake. Ngunit napansin ito ni Mathilde. Kaya naman ay ginamit na ni Mathilde maging ang isa pa niyang kamay upang mas pahirapan pa siya. At dahil sa masyadong naging abala si Mathilde sa pagpapahirap kay Thea ay hindi niya napansin ang pagdating nina Kaiden‚ Kaleb at Jane. Sinamantala naman nilang tatlo ang pagkakataong iyon para maghanda sa kani-kanila nilang pag-atake.
Nagpalabas si Jane ng puting liwanag sa kanang kamay niya mula sa ice charm niya kasabay ng pagpapalabas niya ng kulay abong liwanag sa kabila niyang kamay na pinagsama niya upang gumawa ng malakas na pag-atake. Si Kaleb naman ay pinaghalo ang kaniyang water at earth charm para humanda rin sa isang pag-atake. At maging si Kaiden ay pinaghalo-halo rin ang kaniyang air‚ ice at fire charm. At nang mapaghalo-halo na nila ang kani-kanila nilang taglay na kapangyarihan ay agad silang sumenyas sila sa bawat isa upang sabay-sabay nilang paulanan ng atake si Mathilde. At iyon nga ang ginawa nila. Sabay-sabay nilang inatake si Mathilde at dahil sa hindi pagiging handa at sa lakas ng pinaghalo-halo nilang kapangyarihan na sabay-sabay tumama kay Mathilde ay agad itong tumilapon paatras‚ palayo sa palasyo at kina Thea.
Dahil sa pagtilapon ni Mathilde ay nagawa ni Thea na makawala mula sa kapangyarihan nito. Kinuha naman ni Jane ang pagkakataong iyon upang lapitan si Thea habang sina Kaiden at Kaleb ay dumiretso sa kinaroroonan ni Mathilde upang mapigilan ito sa kung anumang masama nitong tangka kay Thea.
“Gwyn‚ are you okay?” nag-aalalang tanong ni Jane kay Thea saka puno ng pag-iingat na inalayan niya itong tumayo.
“A-Ayos lang ako. S-Si Kai‚ a-ayos lang ba siya?” nag-aalalang tanong ni Thea sa kabila ng sakit at panghihina na kaniyang nararamdaman.
“See for yourself‚” mahinang tugon ni Jane saka nag-aalangan niyang sinenyasan si Thea na lumingon sa kaniyang likuran sa pamamagitan lamang ng paggalaw ng kaniyang mga mata at ulo.
Agad namang sinunod ni Thea ang sinabi ni Jane. Dahan-dahan siyang lumingon sa kaniyang likuran kung saan nakita niya si Kaizer na walang malay na nakaupo at nakatungo habang nakasandal sa puno. Wala itong anumang sugat sa katawan ngunit may bakas pa ng dugo ang bibig at damit nito dahil sa pagsuka nito ng dugo at kitang-kita rin sa mukha nito ang sakit na kaniyang iniinda.
Dahil sa nabungaran ni Thea na sitwasyon ni Kaizer ay agad niyang naramdaman ang pamumula ng kaniyang mga mata. Ramdam niya rin ang kung anong puwersa sa loob-loob niya na nagdidikta sa kaniyang sugurin si Mathilde para pagbayarin ito sa ginawa nito sa kaniyang kakambal. Ngunit kahit pa gustong-gusto niyang sugurin si Mathilde ay mas pinili niyang maging kalmado dahil mas kailangan siya ng kakambal niya at hindi siya maaaring magpadalos-dalos dahil hindi madaling kalaban si Mathilde. At nang medyo kumalma na siya at bumalik na sa normal ang kulay ng mga mata niya ay agad niyang hinarap si Jane.
“Jane‚ kayo na muna ang bahala kay Ate Mathilde. Keep her occupied. Tutulungan ko lang saglit si Kai. Ngunit mag-iingat kayo at hangga’t maaari ay huwag kayong magpapatama sa mga atake niya. Saka sabay-sabay rin kayo laging aatake sa magkakahiwalay na direksyon upang mahirapan si Ate Mathilde na pigilan ang isa sa inyo dahil dalawa lamang ang kaya niyang atakihin gamit ang mga kamay niya‚” mahabang bilin ni Thea kay Jane dahil alam niya kung gaano kalakas ang kalaban at alam niyang mapanganib para sa mga ito ang lumaban.
Kung may pamimilian nga lang si Thea ay hindi niya hahayaan sina Jane na kalabanin si Mathilde. Ngunit napilitan na siyang humingi ng tulong sa mga ito dahil kailangan ng kakambal niya ang tulong niya.
“Huwag kang mag-alala‚ Gwyn. Kami na ang bahala‚” tugon ni Jane bago ito umalis upang magtungo sa kinaroroonan nina Kaiden.
Nang makaalis si Jane ay doon lamang ibinalik ni Thea ang atensyon niya sa kaniyang kakambal. Nagmamadali niya itong dinaluhan saka maingat niyang sinuri ang lagay nito. At nakahinga naman siya nang maluwag nang malaman niyang nawalan lamang ito ng malay dahil tumama ang ulo nito sa katawan ng puno. At gamit ang natitira pa niyang lakas ay agad niyang ginamot ang kaniyang kakambal‚ dahilan upang magkamalay na ito.
“Yana‚ ligtas ka‚” nagagalak na sambit ni Kaizer pagkagising na pagkagising niya at mahigpit niyang niyakap si Thea.
Agad namang tinugon ni Thea ang yakap ng kaniyang kakambal at hindi na niya napigilan pa ang maluha dahil sa pinaghalong tuwa at pag-aalala.
“Masaya rin akong ligtas ka‚” lumuluhang sambit ni Thea at mas hihigpitan pa sana niya ang pagkakayakap niya kay Kaizer ngunit hindi na niya iyon nagawa dahil bigla na lamang kumalas sa yakap si Kaizer.
“Si Ina Mathilde‚ nasaan? Natalo mo na ba siya?” puno ng pag-asang tanong ni Kaizer na ikinangiti ni Thea nang mapait.
“Hindi ko pa siya natatalo. Ngunit kasalukuyan siyang nilalabanan ngayon nina Kaiden nang sa gayon ay magawa kitang matulungan‚” matamlay na tugon ni Thea.
“Kung ganoon ay kailangan natin silang tulungan bago pa may kung anong mangyari sa kanila‚” natatarantang wika ni Kaizer at akmang tatayo na siya ngunit agad siyang hinawakan ni Thea sa magkabila niyang balikat upang pigilan siyang tumayo.
“Pero‚ Kai‚ masyado ka pang mahina. Saka sa nakikita ko ay wala tayong laban sa kaniya. Ni hindi mo nga siya magawang gamitan ng kapangyarihan mo at wala ring epekto sa kaniya ang kapangyarihan ko‚” nanlulumong wika ni Thea.
Bigla namang napaisip si Kaizer sa sinabi ng kaniyang kakambal at habang nag-iisip siya ay may bigla siyang naalalang isang bagay na maaaring makatulong sa kanilang dalawa.
“Nagkakamali ka‚ Yana. Nagawa kong magamit ang kapangyarihan ko sa kaniya ngunit hinihigop niya ang lakas ko. At dahil hindi ako tulad mo na malakas ay mabilis niya akong napabagsak‚” pagtatama ni Kaizer sa sinabi ni Thea.
Sa pagkakataong ito ay si Thea maman ang napaisip sa sinabi ni Kaizer. At sa kaniyang pag-iisip ay naalala niya bigla na sa ginawang pagpapahirap sa kaniya ni Mathilde ay wala itong nahigop na kahit anong lakas mula sa kaniya. Nanghina lamang siya dahil sa puwersang nagpapahirap sa buo niyang katawan. At dahil sa kaniyang naalala ay puno ng pag-asang sinalubong niya ang tingin ni Kaizer.
“Ngunit wala siyang nahigop na lakas mula sa ‘kin kahit pa matagal niya akong pinahirapan gamit ang kapangyarihan niya. Kaya baka pwede nating pagsamahin ang kapangyarihan natin para mapigilan ng kapangyarihan ko ang paghigop niya sa lakas mo habang ginagamit mo ang kapangyarihan mo‚” puno ng pag-asa at galak na saad ni Thea ngunit agad din siyang nawalan ng sigla nang may maaalala siyang hadlang sa naiisip niyang gawin. “Pero...”
“Ano ‘yon‚ Yana? May problema ba?” nagtatakang tanong ni Kaizer na kunot-noo nang nakatingin kay Thea.
“Hindi pa natin nasusubukang pag-isahin ang kapangyarihan natin‚” nanlulumong sagot ni Thea na bagsak na ang mga balikat dahil naisip niyang wala ring saysay ang naisip niyang plano dahil hindi rin naman nila alam kung paano nila iyon isasagawa.
“Nag-aalala ka bang hindi natin kayanin?” mahinang tanong ni Kaizer na tinugon lamang ni Thea ng pagtango.
“Huwag kang mag-alala‚ Yana. Kakayanin natin ‘to. Magkasama nating haharapin si ina kaya naniniwala akong magtatagumpay tayo‚” puno ng kumpiyansang wika ni Kaizer na hindi mo mababakasan ng pag-aagam-agam sa kaniyang mukha at boses.
Nanatili lamang na tahimik si Thea at pilit niyang inisip kung talaga nga bang kaya nilang magtagumpay gamit ang naisip niyang plano o baka kapahamakan lamang ang kanilang sapitin.
“Nakalimutan mo na bang konektado ang kapangyarihan natin? Kaya kong alisan ng kapangyarihan o kakayahan ang kahit sino maliban sa ‘yo dahil sa iyo nakalaan ang kapangyarihang taglay ko. Kaya walang duda na magagawa nating pag-isahin ang kapangyarihan natin dahil iyo rin naman ang kapangyarihan ko‚” siguradong-siguradong dagdag pa ni Kaizer nang hindi umimik si Thea.
Bigla namang nabuhayan ng loob si Thea dahil sa sinabi ng kaniyang kakambal.
“Tama ka‚ Kai. Kaya natin ito. Tiwala lang. Saka kailangang kayanin natin dahil ito lang ang paraan para matalo natin si Ate Mathilde. Dahil sa oras na mag-isa tayo at ang ating kapangyarihan ay hindi na magagawa pang higupin ni Ate Mathilde ang lakas mo dahil poprotektahan ka ng kapangyarihan ko. At sa oras na magawa mo nang mapawalang-bisa ang kapangyarihan niya ay magagawa na siyang magapi ng kapangyarihan ko‚” determinadong wika ni Thea na wala nang pag-aagam-agam.
Napangiti naman si Kaizer sa kaniyang nakikita dahil mukhang nabuhayan na ng loob ang kakambal niya at handa na itong muling lumaban.
“Kung ganoon ay tayo na bago pa mahuli ang lahat para sa mga kaibigan mo at sa magiging bayaw ko‚” pagbibiro ni Kaizer para mapagaan ang loob ng kakambal niya.
Bahagya namang natawa si Thea sa sinabi ni Kaizer. Ngunit sa halip na patulan pa niya ang biro nito ay mabilis na lamang siyang tumayo. At nang makatayo na siya ay nakangiti niyang inilahad ang kanang kamay niya sa harapan ni Kaizer na nakangiti rin naman nitong tinanggap.
Nang sadaling maglapat ang kanilang mga kamay at nang makatayo si Kaizer ay pinagsalikop nila ang kanilang mga daliri saka magkahawak-kamay silang nagtungo sa pinaglalabanan ng royalties at ni Mathilde kung saan naabutan nilang nagsusukatan ng lakas ang mga ito. At gaya nga ng sinabi ni Thea ay nahihirapan si Mathilde na pigilan si Jane sa pag-atake dahil sina Kaiden at Kaleb lamang ang kaya niyang labanan dahil sa kamay niya nagmumula ang kaniyang kapangyarihan.
Sa nakikita ni Thea ay mukhang patas lamang ang laban nina Mathilde at ng royalties kaya napanatag siya at mas nagpokus na lamang siya sa gagawin nila ni Kaizer.
“Kai‚ pakiramdaman mong mabuti ang kapangyarihan mo at subukan mong gamitin lahat ng natitira mong lakas‚” paggabay ni Thea sa kaniyang kakambal habang magkasalikop pa rin ang kanilang mga daliri.
Agad namang sinunod ni Kaizer ang sinabi ni Thea. Huminga siya nang malalim bago niya pinakiramdaman ang kapangyarihan niya. Ganoon din naman ang ginawa ni Thea.
Gaya ng panuto ni Thea‚ pinakiramdaman nilang magkapatid ang kanilang kapangyarihan. At habang pinapakiramdaman nila ang kanilang kapangyarihan ay bigla na lamang nagkaroon ng gintong liwanag ang mga kamay nilang magkahawak na siyang ikinatuwa nila.
“Ngayon naman ay ipunin mo sa kabila mong kamay ang lahat ng kapangyarihang taglay mo‚” muling paggabay ni Thea kay Kaizer habang hindi niya pa rin inaalis ang kaniyang konsentrasyon sa ginagawa nilang pag-iisa.
Dahil sa sinabi ni Thea ay nagkani-kaniya silang magkapatid ng pagpapalabas ng kanilang kapangyarihan sa malaya nilang kamay. At ilang saglit lamang ay unti-unti nang nagkaroon ng puting liwanag ang kanang kamay ni Kaizer habang ginto naman ang lumabas na liwanag sa kaliwang kamay ni Thea.
“Ngayon ay pag-isahin na natin ang mga kapangyarihan natin‚” may himig ng pagmamadaling wika ni Thea kay Kaizer.
Upang pag-isahin ang kanilang mga kapangyarihan ay pinagtagpo nina Thea at Kaizer ang kanilang mga nagliliwanag na kamay. At nang sandaling magtagpo ang kanilang mga kamay ay agad na nag-isa ang kanilang kapangyarihan at unti-unting nawala ang puting liwanag sa magkalapat nilang kamay at gintong liwanag na lamang ang makikita rito.
“Kai‚ humanda ka na‚” nakangising wika ni Thea kay Kaizer saka niya binalingan ng tingin si Mathilde.
“Mathilde! Kami ang harapin mo!” malakas na tawag ni Thea kay Mathilde na abala sa pakikipaglaban sa tatlong royalties.
Dahil sa ginawang pagsigaw ni Thea ay nakangising lumingon sa kaniya si Mathilde. Ngunit agad nawala ang ngisi ni Mathilde nang makita niya ang mga nagliliwanag na kamay ng kambal at bigla siyang nataranta nang ibigay ni Thea ang kaniyang hudyat kay Kaizer.
“Kai‚ ngayon na!” sigaw ni Thea na naging hudyat upang dali-dali nilang paglayuin ni Kaizer ang kanilang magkalapat na mga kamay na may ginto pa ring liwanag saka magkasabay nilang pinuntirya si Mathilde habang magsalikop pa rin ang mga daliri ng kamay nilang magkahawak.
“Aahhh!” malakas na sigaw ni Mathilde dahil sa lakas ng kapangyarihan ng kambal na hanggang ngayon ay pinahihirapan pa rin siya habang nakatukod na sa lupa ang isang tuhod niya.
Dahil sa malakas na sigaw ni Mathilde ay nabulabog ang lahat ng kaniyang mga alagad na abala sa pakikipaglaban sa ibang charmers. Bigla na lamang tumigil ang mga ito sa pakikipaglaban saka mga nagmamadaling pumunta sa kinaroroonan ng kanilang pinuno.
Agad na natanaw nina Jane‚ Kaiden at Kaleb ang mga papalapit na alagad ni Mathilde. Kaya naman ay dali-dali silang lumapit sa kambal upang protektahan ang mga ito dahil hanggang ngayon ay abala pa ang kambal sa pagpapahirap kay Mathilde. Pumuwesto si Jane sa likod ng kambal habang nasa magkabilang gilid naman ng kambal sina Kaiden at Kaleb.
Habang wala pa ring tigil sa pagpapahirap kay Mathilde ang kambal ay bigla na lamang may lumabas na puting liwanag sa katawan ni Mathilde at pumaitaas ito sa ere. At sa hindi maipaliwanag na dahilan ay isa-isang hinigop ng liwanag ang lahat ng alagad ni Mathilde—ang mga espiritu ng kasamaan—hanggang sa maubos ito. At kasabay ng pagkaubos ng mga espiritu ng kasamaan ay ang pagbagsak sa lupa nina Mathilde‚ Thea at Kaizer na pare-parehong nawalan ng malay. Ngunit bago sila tuluyang mawalan ng malay ay nakita pa ni Thea ang pag-aanyong tao ng puting liwanag na lumabas mula sa katawan ni Mathilde.
✨✨✨
Q: Ano na kayang nangyari sa kambal? Bakit sila nawalan ng malay? Patay na kaya si Mathilde? Tuluyan na kaya nilang nadaig ang kasamaan? Ano kaya ang puting liwanag na lumabas sa katawan ni Mathilde? At bakit ito nag-anyong tao?
Gusto ninyong malaman? Edi magbasa kayo😂 O siya‚ proceed to the next chapter na! Lame naman ‘tong update ko e😅
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top