CHAPTER 88: THE OTHER SIDE OF THE STORY
THIRD PERSON’S POV
Sinabihan na ni Thea ang lahat na maghanda para sa digmaan na magaganap na anumang sandali dahil nararamdaman niya na ang kakaiba at malakas na presensya ni Mathilde na nagmumula sa malayo.
Nakumbinsi na ni Thea si Almira at ang ilang kasamahan nitong diwata na nagbabantay ng nakatago nilang paraiso na umanib sa kanila at tumulong sa pakikipaglaban nila sa kasamaan. At upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mamamayang naninirahan sa kanilang paraiso ay binalot ito ng barrier ni Thea upang walang sino man ang makapasok sa kanilang tirahan habang wala sina Almira. Gusto rin sanang makipaglaban ng mga nasasakupan ni Almira sa ngalan ng kabutihan ngunit hindi na pumayag si Thea dahil ayaw niyang magulo pa ang mapayapa nilang mga buhay na malayo sa anumang kaguluhan.
Maging sina Ayesha at ang ilang mga makapangyarihan at malalakas na fairy ay napapayag din ni Thea na makiisa sa kanila. Ginusto rin ng mga sirena na tumulong ngunit agad na itong tinanggihan ni Thea kahit pa humiling ang mga ito sa kaniya ng pansamantalang paa dahil kahit pagbali-baliktarin man ang mundo ay sirena pa rin ang mga ito at hindi nila kakayaning magtagal sa lupa.
Lahat din ng estudyante na kabilang sa huling antas ay nagkusa nang sumapi sa kanila nang sandaling malaman nila ang tungkol sa napipintong digmaan na siyang ipinagpapasalamat ng lahat dahil malaking tulong sa kanila ang mga ito lalo na’t hasa na ang mga ito pagdating sa paggamit at pagkontrol ng kanilang mga kapangyarihan.
Nang masiguro ni Thea na handa na ang lahat ay saglit siyang nagpaalam sa kanila upang magtungo sa kulungan ng mga bihag nilang Darkinians upang tingnan kung anong lagay ng mga ito.
Nailipat na nila sa mas komportableng kulungan si Agua dahil na rin sa kagustuhan ng mga magulang nito habang pinagsama naman nila sa iisang kulungan sina Jayda‚ Ulises at Leo.
Ang kulungang pinuntahan ni Thea ay ang kulungan ng Darkinians na hindi pa nila matukoy kung sino-sino dahil maging si Kaizer ay walang alam sa pagkakakilanlan ng mga ito dahil si Mathilde lamang ang tanging nakakaalam ng tungkol sa bagay na iyon.
“Anong ginagawa ng isang prinsesa sa lugar na ito?” mapanuyang tanong ng isa sa mga bihag nang sandaling tumigil si Thea sa labas ng kanilang kulungan.
“Narito ka ba upang kami ay hamakin?” malamig na tanong ng isa pa.
“Kung narito ka upang panoorin kaming magdusa ay makakaalis ka na‚” walang emosyong aniya naman ng isa.
“Hindi namin kailangan ang awa mo!” galit na sigaw ng isa kay Thea na ikinabuntong-hininga ni Thea.
Hindi maiwasan ni Thea ang malungkot habang binibigyan siya ng malalamig at matatalim na tingin ng mga bihag. Kitang-kita kasi na nilamon na ng galit at poot ang mga puso nila. At ang masaklap pa ay para sa angkan niya ang galit na iyon.
“Hindi ako nagpunta rito para kaawaan‚ hamakin‚ husgahan o panoorin kayo. Nandito ako para pakinggan kayo kaya huwag ninyo sanang mamasamain ang pagbisita ko sa inyo‚” malumanay na wika ni Thea sa kabila ng mga tinging ipinupukol sa kaniya ng mga bihag.
Mula sa kinatatayuan ni Thea ay ramdam na ramdam niya ang itim na enerhiyang nasa katawan ng mga bihag. At nang isa-isa niyang titigan ang mga ito sa kanilang mga mata ay wala siyang ibang makita kundi kadiliman dahil sa poot at galit.
“Wala kaming sasabihin sa ‘yo kaya wala kang mariring mula sa amin. Makakaalis ka na‚” pagtataboy kay Thea ng isa sa mga bihag.
Sa halip na mainis sa ginawang pagtataboy sa kaniya ng isa sa mga bihag ay mapait na lamang na napangiti si Thea.
“Hindi ko alam kung bakit ninyo ito ginagawa at kung bakit kayo sumapi sa kasamaan. Pero alam kong may mabigat kayong dahilan at iyon ang gusto kong malaman mula sa inyo. Bakit ninyo ito ginagawa? Bakit ang laki ng galit ninyo sa amin gayong wala naman kaming ginagawa sa inyo?” tanong ni Thea sa lahat na ikinaismid ng ilan habang ang iba naman ay walang buhay na natawa.
“Iyan ba ang akala mo?” nakangising tanong ng isa sa mga bihag na ikinakunot ng noo ni Thea.
“Sa tingin mo ba ay magagalit kami sa inyo nang ganito kung wala kayong ginagawa sa amin?” malamig na tanong ng isa pa habang matalim na itong nakatingin kay Thea.
“Wala kang alam kaya huwag mo kaming pagsasalitaan ng kahit ano!” nanggagalaiting sigaw naman ng isa na hindi na nakapagpigil pa.
Dahil sa ginawang pagsigaw ng isa sa mga bihag at dahil na rin sa sinabi nito ay biglang nakaramdam ng inis si Thea. Ngunit sa halip na hayaan niyang lamunin siya ng kaniyang inis ay pinilit niyang pakalmahin ang kaniyang sarili. Iyon nga lang ay bigo siyang magawa ito dahil maging siya ay nagtaas na rin ng boses.
“Paano ko nga malalaman kung anong ipinaglalaban ninyo kung ayaw ninyong magsalita?!” naiinis nang sigaw ni Thea habang bakas na ang frustration sa kaniyang mukha at boses.
Dahil sa ginawang pagsigaw ni Thea ay napaismid na lamang ang isa sa mga bihag.
“Tch! Hindi mo ba alam na ng dahil sa ‘yo ay nagkagulo ang lahat?” mapanuyang tanong ng isa sa mga bihag na nakaismid nang pinagmamasdan si Thea na para bang pinaparating niya na malaking pagkakamali ang pagkabuhay niya.
“Kung hindi ka sana ipinanganak sa mundong ito ay buhay pa sana ang mga pamilya namin!” panunumbat ng babaeng bihag kay Thea na ikinasalubong ng kilay ni Thea.
“Anong ibig ninyong sabihin? Hindi ko kayo maintindihan‚” naguguluhang tanong ni Thea na walang ideya sa kung anumang tinutukoy ng babae sa sinabi nito.
Agad na umarko ang kilay ng babaeng bihag at binigyan nito si Thea ng nanghahamak na tingin.
“Hindi mo maintindihan? Kung ganoon ay ipapaintindi namin sa ‘yo...” malamig ng wika ng babae saka bigla na lamang tumalim ang tingin nito kay Thea na para bang gusto niyang patayin si Thea gamit ang tingin. “Kung hindi ka sana isinilang na makapangyarihan‚ hindi sana maiisip ng mga maharlika na gamitin ka upang sakupin at pamunuan ang buong Fantasia. At kung hindi sana nagkaisa ang mga maharlika sa pananakop ng mundong ito ay hindi sana magrerebelde ang mga pamilya namin. Hindi sana sila masasawi sa digmaan! Buhay pa sana sila hanggang ngayon kung hindi ka lang isinilang sa mundong ito!” galit na wika nito na ikinatahimik ni Thea.
Agad na natigilan si Thea at hindi niya nagawang magsalita o ibuka man lang ang kaniyang bibig dahil sa kaniyang narinig. At habang wala siyang imik ay bigla na lamang niyang naalala ang nangyari sampung taon na ang nakararaan at kung anong itinuturo ng lahat na dahilan ng pagrerebelde. Ang alam ng lahat ay nagrebelde ang mga charmer na sumugod sa palasyo dahil sa kasakiman sa kapangyarihan. Ngunit ngayon ay iba ang sinasabi ng pamilya ng mga ito. Ang sinasabi ng mga ito ay naganap ang rebelyon upang maiwasan ang kasakiman sa kapangyarihan na kabaliktaran ng alam nilang dahilan ng rebelyon. Kaya malinaw na may mali sa dalawang kuwento dahil hindi ito nagtutugma.
Matapos mapagtanto ni Thea ang hindi pagtutugma ng dalawang kuwento patungkol sa dahilan ng rebelyon noon ay malalim siyang napabuntong-hininga bago niya sinalubong ang mga nanlilisik na tingin ng pamilya ng mga inakala nilang rebelde.
“Iyon ba ang akala ninyo? Hindi ba ninyo alam na kaya ako isinilang ay upang wakasan ang kasamaan?” malumanay na tanong ni Thea saka muli pa siyang napahugot ng malalim na hininga dahil sa biglang pagsikip ng kaniyang dibdib sa kaniyang mga nalaman.
“Saka gusto ko lang din linawin sa inyo na hindi totoong balak nina ina at ng ibang maharlika na gamitin ako upang sakupin ang buong Fantasia dahil wala silang ibang inisip kundi ang kapakanan ng lahat‚” pagtatanggol ni Thea sa kaniyang mga magulang at sa iba pang mga maharlika na hindi magawang ipagtanggol ang kanilang mga sarili dahil wala silang alam tungkol sa ibinibintang sa kanila.
“Huwag mo nang bilugin pa ang mga ulo namin. Alam namin kung ano ang totoo at hindi mo kami mapapaniwala sa mga kasinungalingan mo!” nanggagalaiting sigaw ng isa sa mga bihag.
Agad na nakaramdam ng awa si Thea para sa mga bihag dahil tila bulag ang mga ito sa katotohanan at sarado ang mga isip nito sa mga paliwanag niya.
“Tama na. Huwag na kayong magbulag-bulagan pa‚” halos magmakaawa nang wika ni Thea. “Hindi ba ninyo nakikita na unti-unti na kayong nilalamon ng kasamaan dahil sa mga galit sa puso ninyo? Kaya pakiusap‚ buksan ninyo ang mga puso ninyo pati na ang mga isip ninyo. Labanan ninyo ang kung anumang nag-uudyok sa inyo na maging masama. Panahon na para yakapin ninyo ang kabutihan. Panahon na para—”
Hindi na naituloy pa ni Thea ang kaniyang sinasabi nang makarinig siya ng malakas na pagsabog mula sa labas ng palasyo. At dahil sa pagsabog na kaniyang narinig ay agad niyang binalingan ng tingin ang dalawang kawal na nakabantay sa piitan.
“Mga kawal‚ bantayang maigi ang piitan! Tiyakin ninyo ang kaligtasan ng lahat ng nakakulong!” mariing utos ni Thea sa mga kawal sa malakas na tinig upang marinig ng mga ito ang bawat salitang binigkas niya.
Matapos ibilin sa mga kawal ang mga nakakulong sa piitan ay mabilis nang tumakbo si Thea patungo sa labas ng palasyo gamit ang kaniyang super speed. At habang tumatakbo siya ay gumawa siya ng malawakang mind link para makapag-usap silang lahat mamaya sa gitna ng labanan.
Madali lang namang narating ni Thea ang labas ng palasyo gamit ang super speed niya. At nang nasa labas na siya ay agad niyang nakita ang mga nagkalat niyang kasamahan.
“Magsipaghanda kayo! Dumating na ang mga kalaban!” sigaw ni Thea sa mga nakakalat sa labas ng palasyo na pare-pareho nang handang lumaban anumang oras.
Hindi nababahala ang lahat at maging si Thea para sa kaligtasan ng mga maiiwan sa loob ng palasyo dahil nababalutan ito ng malakas na barrier na hindi kayang sirain nino man. Hindi rin magagawang makatakas ng mga bihag dahil matibay ang kulungan na pinagkulungan sa kanila at hindi rito gagana ang anumang kapangyarihan.
“Napapalibutan na nila ang buong palasyo‚” nababahalang imporma ni Ayesha kay Thea na kagagaling lang sa paglilibot niya sa palasyo para alamin ang sitwasyon sa bawat sulok nito.
“Nagkalat ang mga kalaban sa buong paligid at tama ang hinala mo‚ Thea. Espiritu na lamang sila at para silang mga anino sa sobrang itim nila‚” pahayag naman ni Penelope sa kaniyang nasaksihan na ginamit ang kakayahan niyang maging invisible para malaya niyang mapagmasdan ang nakakalat na mga kaaway.
Dahil sa kaniyang mga narinig ay agad na napahugot ng malalim na hininga si Thea saka siya pumihit paharap sa mga kasama niya at isa-isa niyang tinapunan ng tingin ang mga ito habang itinatalaga sila kung saan sila pupuwesto.
“Vera‚ Ember at Penelope‚ doon kayo sa likod‚” utos ni Thea sa Trio saka niya ibinaling ang tingin niya kay Almira at sa mga kasamahan nitong diwata rin. “Almira‚ sumama kayo sa kanila‚” utos niya sa mga ito.
Dali-dali namang sumunod sina Almira at ang Trio at nagkani-kaniya na sila ng punta sa likurang bahagi ng palasyo. Si Thea naman ay nanatili sa kaniyang kinatatayuan at inilipat niya ang tingin niya kina Luca.
“Luca‚ Nikolai‚ Luna‚ Yael at Flor‚ doon kayo sa kanan‚” utos ni Thea kina Luca saka agad niyang iniliko ang tingin niya kay Ayesha na palipad-lipad sa bandang uluhan niya kasama ang iba pang mga fairy katulad niya. “Ayesha‚ sumama kayo sa kanila‚” puno ng awtoridad na utos niya kay Ayesha na tinugon lamang nito ng pagtango bago sila mabilis na lumipad paalis.
Nang makaalis sina Ayesha kasunod sina Luca ay agad na ibinaling ni Thea ang tingin niya kay Sir Ahmir na katabi ang iba pang kasapi ng konseho.
“Sir Ahmir‚ kayo na ang bahala sa bandang kaliwa kasama ang lahat ng nasa huling antas‚” maawtoridad ngunit magalang na wika ni Thea bago niya nilingon sina Jane‚ Kaleb at Kaiden na magkakatabing nakatayo.
“At lahat ng mga hindi ko nabanggit‚ dito tayong lahat sa harapan. Mas marami ang kalaban sa bahaging ito‚” wika ni Thea dahil kahit hindi pa nila tanaw ang mga kalaban sa harapang bahagi ng palasyo ay ramdam na niya ang itim na enerhiyang inilalabas ng mga ito habang palapit sa kanila.
Nang maitalaga na ni Thea ang mga kasama niya sa iba’t ibang bahagi ng palasyo ay agad na hinanap ng mga mata niya si Kaizer. At nang makita niya ito sa gawing kaliwa niya na katabi lamang ni Ali ay agad niya itong nilapitan at hinawakan niya ito sa kaliwang kamay.
“Kai‚ huwag kang lalayo sa ‘kin kahit na anong mangyari‚” mahigpit na bilin ni Thea kay Kaizer para maprotektahan niya ito sa lahat ng oras.
Dahil sa pagiging abala ni Thea sa pagbibilin at pagtatalaga ng mga kasamahan niya ay hindi niya namalayan na nasa gilid lamang pala ng palasyo ang kaniyang ina at ama na sinabihan niyang manatili sa loob ng palasyo. Maging ang kaniyang mommy at daddy ay hindi niya napansing nakatago sa loob‚ sa gilid ng pinto na hinihintay lamang na masilayan ang matalik nilang kaibigan na siyang pinuno ng mga kaaway upang ito’y kanilang makausap at makumbinsing itakwil ang kasamaan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top