CHAPTER 84: HER SPECULATION

ALTHEA’S POV

Maayos na ang lahat. Nagkapatawaran na sina ama‚ mommy at daddy. Sa nakikita ko nga ay mukhang unti-unti nang bumabalik ang tibay ng kanilang samahan. Kung hindi ko nga lang sila kilala ay iisipin kong magkapatid sina daddy at ama sa sobrang lapit nila sa isa’t isa.

Dahil sa mga nangyari ay pakiramdam ko ako na siguro ang pinakamasayang anak sa mundo dahil ang kinilala at tunay kong mga magulang ay muli nang nagkaayos. Sa katunayan ay kasalukuyan kaming nasa dining hall at salo-salong kumakain bilang isang buong pamilya— ako‚ sina ina‚ ama‚ daddy‚ mommy‚ ate at Kaizer.

Umuwi na muna sa kani-kanilang kaharian ang royalties at kasama ni Jane sina Tita Claire at Tito Chris. Pero syempre ay nagkadramahan muna sa pagitan namin nina mommy‚ daddy‚ Jane‚ tita at tito dahil ngayon na lang ulit kami nagkasama-sama. Hindi nga rin sina mommy makapaniwala na buhay sila dahil ngayon ko lang din pala naipakita sa kanila si Jane sa pagiging abala ko.

Sina Ali‚ Yael‚ Flor at Luna ay umuwi na rin sa kani-kanila nilang mga tahanan kasama ang kanilang mga pamilya.

Alam kong may pangako pa ako kay Kaizer na dapat kong tuparin at isasakatuparan ko ‘yon sa lalong madaling panahon. Pero sa ngayon ay gusto ko munang i-enjoy ang moment na ito dahil hindi pa rito natatapos ang lahat. Simula pa lamang ito at maaaring hindi na ako makaligtas sa ikalawang laban.

“Ang sarap pala ng ganito. Buo tayong pamilya at sabay-sabay tayong kumakain‚” natutuwang sambit ko.

Noon kasi ay minsan lang kami magkasabay-sabay kumain dahil nga sa sitwasyon ni Kaizer na kailangan pa namin siyang itago. Kaya madalas ay ako lang ang nakakasabay niyang kumain dahil kasingtigas ng bakal ang ulo ko. Kahit na pinagbabawalan kasi ako nina ina na puntahan si Kaizer ay panay ang takas ko. Minsan nga ay kinukumutan ko ang mga unan ko na ginawa kong korteng tao para isipin nilang natutulog ako pero ang totoo ay nasa silid ako ni Kaizer at nakikipagkulitan sa kaniya at madalas ay doon na rin ako natutulog. Halos hindi na nga ako mapirmi sa sarili kong kwarto noon dahil kung wala ako sa silid ni Kaizer ay nasa Trio naman ako. At kung wala ako ro’n ay na kina Kaiden‚ Jane o Kaleb ako.

“Ako man‚ anak‚ ay natutuwa. Buong akala ko ay mabubulok na kami sa kulungang iyon ng ama mo ngunit dumating kayo ni Kaizer at iniligtas ninyo kami‚” natutuwa ring wika ni ina na malambot ang ekspresyon ng mukha habang nakatingin sa amin ni Kaizer.

“Kiana‚ anak‚ mabuti na lamang at napalaya mo na ang kapatid mo mula sa kasamaan dahil kami ng ina mo ang nasasaktan tuwing nakikita namin siyang nasa ilalim ng kapangyarihan ng kadiliman‚” may bahid ng lungkot na wika ni ama.

Dahil sa sinabi ni ama at sa lungkot na mababakas sa boses niya ay bigla kong naisip na marahil ay nakita nila noon si Kaizer na nasa ilalim ng kasamaan at maaaring isa rin ito sa nagpahirap sa kanila sa loob ng kulungan. At maaaring iyon ang dahilan kung bakit may takot at pag-aalangan akong nakita sa mga mata ni Kaizer nang nasa tapat na kami ng pinto ng pinagkulungan kina ina. Kung hindi pa nga siya tinawag ni ama ay hindi pa siya kikilos mula sa kinatatayuan niya.

“Wala po iyon‚ ama. Lahat ay handa kong gawin para kay Kai kahit na puro pang-aasar lang ang alam niyang gawin sa buhay‚” natatawang sagot ko na sinadya kong iparinig sa katabi kong si Kaizer.

“Aba‚ nagsalita ang isa pang mahilig mang-asar. E ikaw kaya ang palaging nauuna. Ipinagtatanggol ko lang ang sarili ko‚” mariing pagtatanggol ni Kaizer sa kaniyang sarili saka agad niyang ibinaling ang tingin niya kay ina na nasa katapat na upuan ng katabi kong si ate. “Hindi ba‚ ina?” tanong pa ni Kaizer kay ina na para bang gusto niyang kampihan siya ni ina.

“Naku! Naku! Nagtuturuan na naman kayo. Kumain na nga lang kayo at baka sa kilitian pa mauwi ‘yang asaran ninyo‚” tumatawang pag-awat sa amin ni ina.

Lihim na lamang akong napangiti dahil sa sinabi ni ina. Kilalang-kilala niya talaga kami kahit sampung taon na ang lumipas magmula nang huli kaming magkasama-sama. And she’s right‚ sa kilitian talaga mauuwi ang asaran namin ni Kaizer kapag hindi pa kami tumigil kaya ako na mismo ang tumahimik dahil hindi pa ako tapos kumain.

“Bigla ko tuloy naalala sa inyong dalawa ang anak ko. Nakakalungkot lamang isipin na wala kami sa tabi niya habang lumalaki siya‚” malungkot na wika ni mommy na katapat ko at katabi ni ina sa kabilang panig ng mesa.

Bigla na lamang akong natigilan nang may maalala ako sa sinabi ni ina kasabay ng pagpapaulit-ulit sa isip ko ng mga sinabi ni Agua noon sa party.

Ngayon ay alam ko na kung saan ko narinig ang mga salitang binitiwan ni Agua sa party. Ngayon malinaw na sa akin kung bakit ganoon na lang ang galit niya sa pamilya ko. Malinaw ko na ring naaalala kung saan ko narinig ang mga sinabi niya. Minsan na itong ikinuwento sa akin nina mommy’t daddy at tugma ang sinasabi nila. Kaya isa lang ang ibig sabihin nito... Si Agua‚ siya ang anak nina mommy at daddy na naiwan nila nang ipatapon sila sa mundo ng mga tao bilang parusa.

Dahil sa napagtanto ko ay agad akong napatayo at dali-dali akong naglakad patungo sa kabilang panig ng mesa para lapitan sina mommy at daddy.

“Mom‚ dad‚ sumama kayo sa ‘kin‚” may himig ng pagmamadaling wika ko at bago pa man sila makapagsalita ay eksaherada ko na silang hinila patayo kaya padabog nilang nabitiwan ang hawak nilang kutsara’t tinidor.

“Saan mo ba kami dadalhin ng mommy mo?” naguguluhang tanong ni daddy nang makatayo na sila parehas ni mommy.

“Basta sumama na lang po kayo sa ‘kin. May ipapakita ako sa inyo‚” excited kong sagot saka nagmamadali ko nang hinigit sina mommy at daddy palabas ng dining hall.

Hindi ko na nagawa pang magpaalam kina ina kahit pa ramdam ko ang mga titig nila dahil sa labis na excitement na nararamdaman ko.

“Ano bang ipapakita mo sa amin at bakit kailangan ngayon mo ito ipakita sa kalagitnaan ng ating pagkain?” nagtatakang tanong ni mommy na ikinangisi ko bago ako nag-teleport kasama sila patungo sa mismong kulungan ni Agua para mapadali ang paghaharap-harap nilang pamilya.

“Hindi ano‚ kundi sino‚” nakangising tugon ko nang marating namin ang aming sadya saka agad akong tumabi upang makita nila ang nakaupong si Agua sa loob ng kaniyang kulungan.

Dahil sa pagsagot ko sa tanong ni mommy ay agad na nabaling sa akin ang tingin ni Agua. Agad siyang nag-angat ng tingin at nang makita niya ako sa labas ng kaniyang kulungan ay agad niya akong binigyan ng matalim na tingin.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Agua na bakas ang galit sa mukha at boses.

“Hindi ako nandito para sa ‘yo. Nandito ako upang samahan ang dalawang charmer na mahalaga sa akin na gustong-gustong makita ang kanilang anak na nawalay sa kanila nang mahabang panahon‚” mahabang paliwanag ko kay Agua bago pa man niya isiping gulo ang dala ko sa pagpunta ko sa piitan niya. At bago pa man siya makapagtanong kung anong ibig kong sabihin sa sinabi ko ay agad ko nang ibinaling ang tingin ko kina mommy at daddy.

“Mom‚ dad‚ siya po si Agua‚ ang anak ninyo‚” pagpapakilala ko kay Agua kina mommy at daddy saka agad kong ipinasok sa piitan ang kaliwang kamay ko at ipinatong ko ito sa ulo ni Agua na nakaupo sa sulok at nakasandal sa rehas ng kaniyang piitan kung nasaan ako.

“Panoorin ninyo ito‚” wika ko kina mommy‚ daddy at Agua saka ko itinapat kina mommy at daddy ang kabila kong kamay. At gamit ang kakayahan kong mapasok ang isip ng isang nilalang ay ipinakita ko sa kanila ang alaala ng bawat isa.

Sa tulong ng kakayahan kong mapasok ang isip ng isang nilalang at kakayahan kong ipakita rin sa iba ang laman ng memorya ng isang tao o charmer ay nakumbinsi ko sina mommy at daddy na si Agua nga ang anak na matagal na nilang hinahanap. Maging si Agua ay agad ding natanggap ang katotohanang inihahain ko sa kaniya nang umiiyak na sapuin ni mommy ang magkabila niyang pisngi. At upang bigyan sila ng pagkakataong makapag-usap na sila lang ay iniwan ko na muna silang tatlo sa piitan. Pero bago ako umalis ay ipinaalam ko kina mommy na hindi maaaring pakawalan si Agua hangga’t hindi naaalis sa katawan niya ang espiritu ng kadiliman at ganoon din ang mga kasamahan niya. Nauunawaan naman nila ako kaya hindi na nila hiniling pang pakawalan ko si Agua mula sa kaniyang kulungan na ipinagpapasalamat ko dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung paano sila mapapalaya mula sa kadiliman bukod sa paglagay sa kanila sa bingit ng kamatayan upang kusa nang umalis sa kanilang katawan ang espiritu na sumapi sa kanila.

Pagkaalis ko ng piitan ay agad akong dumiretso sa aking silid kung saan naabutan ko si Kaizer na nakahiga sa kama habang nakatulala sa kisame at nakaunan sa mga braso niya. Magkasama na kami ngayon sa iisang silid dahil hiniling ko kina ina at ama na pagsamahin na lang kami sa iisang kwarto dahil hindi naman na niya kailangan pang magtago dahil halos alam na naman ng lahat ang tungkol sa kaniya at malapit ko na rin namang ibunyag sa lahat ang tunay niyang katauhan.

Dahil sa naabutan kong eksena sa silid ay nanatili muna ako sa pinto nang ilang segundo at tahimik kong pinagmasdan si Kaizer na mukhang may malalim na iniisip. At habang pinagmamasdan ko siya ay may biglang pumasok na tanong sa isip ko kaya naman ay agad akong lumapit sa kama at marahas kong hinigit ang kanang braso niya at ginawa ko itong unan. Tinabihan ko siya sa kama at katulad niya ay itinuon ko rin ang tingin ko sa kisame.

“Kai‚ matanong ko lang. Sinabi mo sa akin na nullification ang kapangyarihan mo. Pero bakit hindi mo ito ginamit noong naglaban tayo?” nagtatakang tanong ko kay Kaizer habang nasa kisame pa rin ang aking tingin.

“Sa maniwala ka o sa hindi‚ sinubukan ko ngunit hindi ito gumana sa ‘yo‚” mahinang tugon ni Kaizer na awtomatikong nagpaangat ng tingin ko sa kaniya.

Sa pag-angat ko ng tingin kay Kaizer ay agad nagsalubong ang aming mga mata dahil sa akin na rin pala siya nakatingin.

“Anong ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong ko habang halos magdikit na ang kilay ko dahil sa kaguluhan ng isip.

“Hindi ko alam‚” tipid na tugon ni Kaizer na mas lalong ikinasalubong ng kilay ko. Ngunit agad ding umaliwalas ang mukha ko nang may ideyang pumasok sa isip ko.

Wait. I think I know the answer... Ang kapangyarihan na mayroon si Kaizer ay nakalaan sa akin dahil ako ang binasbasan ng mga diyos at diyosa. Ngunit dahil sabay kaming ipinagbuntis ni Kaizer ay siya ang nakakuha ng nullification. At dahil konektado ang kapangyarihan niya sa akin ay hindi niya ito maaaring gamitin laban sa akin dahil kung iisipin ay akin din dapat iyon kung kaya nakikilala ng kapangyarihan niya ang kapangyarihang taglay ko.

Yes‚ Kaizer is my twin brother at maaaring ang kapangyarihan din niya ang dahilan kung bakit hindi naramdaman ng gabay ang presensya niya sa sinapupunan ni ina. Ngunit ang ipinagtataka ko lang ay kung paano ako nagkaroon ng kambal gayong hindi naman ito nakasaad sa propesiya. Ngunit marahil ay may dahilan kung bakit ako nagkaroon ng kambal. At anuman ang dahilang ‘yon ay isa lang ang alam ko. Ipinagpapasalamat ko na ipinanganak si Kaizer dahil siya ang pinakauna kong naging kalaro at kaibigan.

“Kai‚ may isa pa akong tanong‚” pag-iiba ko ng usapan saka ako nagmamadaling bumangon at mas pinili ko na lamang na maupo sa ibabaw ng kama. Agad din namang gumaya si Kaizer at naupo na rin siya sa tapat ko.

“Ano ‘yon?” tanong ni Kaizer at binigyan pa niya ako ng uri ng tingin na nagsasabing naghihintay siya sa anumang itatanong ko.

“Sinong ina ang tinutukoy mo na siyang pinuno ng kadiliman?” pagtatanong ko sa bagay na kahapon ko pa gustong-gustong itanong sa kaniya.

“Si Ina Mathilde‚” tugon ni Kaizer na ikinaawang ng bibig ko.

“Wait! You mean siya ang pinuno ng kasamaan? E hindi ba’t siya ang nag-alaga sa ‘yo mula pagkabata?” hindi makapaniwalang tanong ko.

Sa pagkakatanda ko rin ay hindi lang basta tagapag-alaga ni Kaizer si Ate Mathilde. Matalik na kaibigan din siya nina mommy at daddy at base sa kuwento nila ay napakabait nito at ito rin ang pinag-iwanan nila sa anak nila. Wait... Now‚ everything makes sense. Kaya nagawang magamit ng kalaban si Agua ay dahil ang pinuno nila ang pinag-iwanan nina mommy sa kaniya. At kaya rin napasakamay nila si Kaizer ay dahil ang pinagkatiwalaan nina ama na magliligtas sa kaniya ay siya pa palang naglapit sa kaniya sa kasamaan.

“Siya nga‚ Yana. Ngunit kung tama ang hinala ko ay may iba pang nasa likod niya. Hindi lamang siya ang kaaway natin dahil may iba pang nilalang na nasa likod niya na siyang kumukontrol sa kaniya‚” malungkot na wika ni Kaizer na biglang nagpaisip sa akin.

Kung kuwento nina ina at ang pagkakakilala ko kay Ate Mathilde ang pagbabasehan ay hindi nga malabong may kumukontrol lang sa kaniya kaya niya nagawa lahat ng kasamaang nagawa niya. Ngunit ang tanong ay sino.

Wait... Hindi kaya nabalot din ng galit ang puso ni Ate Mathilde katulad ni Agua dahil sa pagpaparusa nina ate at ama kina mommy at daddy na mga matalik niyang kaibigan? At posibleng iyong galit na iyon ang nagtulak sa kaniya na maging masama o maaaring iyon ang naging susi para makontrol siya ng kung sino.

‘Wait... Parang pamilyar...’ sambit ko sa aking isipam at bigla na lamang nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto kong maaaring tama ang teorya ko. At kung tama nga ang teorya ko‚ posibleng tama rin ako sa naiisip kong dahilan ng biglang pagkakaroon ni Ate Mathilde ng itim na kapangyarihan—ang sumpa ng diyosa ng liwanag na magbabalik siya sa kahit anong paraan dahil hangga’t mayroong kasamaan‚ galit at poot sa puso ng kahit sinong nilalang ay magbabalik at magbabalik siya upang maghiganti at maningil sa lahat ng may utang sa kaniya.

Dahil sa ideyang pumasok sa isip ko ay agad kong tinitigan si Kaizer sa mga mata niya para tugunin ang sinabi niya at para sabihin din sa kaniya ang ideyang naisip ko.

“Tama ka‚ Kai. Napakabait niya at hindi ako naniniwalang kagustuhan niya ang lahat ng ito. At isa lang ang nakikita kong dahilan kung bakit bigla na lamang siyang nagkaroon ng kapangyarihang itim‚” pagsang-ayon ko sa sinabi ni Kaizer.

“Ano ‘yon?” tanong ni Kaizer na abang na abang na sa sasabihin ko.

“Ang sumpa ng diyosa ng liwanag na maaaring naging susi para magbalik na sila ng kakambal niya‚” agad kong tugon at kasabay nito ay bigla na lamang sumagi sa isip ko na maaaring isa rin sa dahilan kung bakit sumanib sa kasamaan si Ate Mathilde ay dahil naaawa siya kay Agua dahil maaga itong naulila at ito marahil ang nag-udyok sa kaniya upang maghasik ng kasamaan.

Kung tama ang mga ideyang naiisip ko patungkol kay Ate Mathilde ay nangangahulugan lamang ito na kailangan niya ng tulong. At kailangan ko siyang tulungan. Kailangan ko siyang palayain mula sa kasamaan dahil aminin man sa akin ng kakambal ko o hindi ay alam kong napamahal na siya rito kaya alam kong masakit para sa kaniya na makitang nakakulong sa kadiliman ang kaniyang kinilalang ina.

Matapos kong makabuo ng desisyon sa kung anong gagawin ko kay Ate Mathilde ay agad akong bumaba ng kama. Ngunit bago ako umalis ay muli ko pang hinarap si Kaizer.

“Kai‚ maghanda ka. Magpapatawag ako ng isang pagpupulong at kailangang nandoon ka. Ngunit sa ngayon ay maiwan ka na muna rito. Sasabihan ko pa ang lahat ng kaharian‚” wika ko saka agad akong gumawa ng malawakang mind link sa pagitan ng lahat ng royalties ng iba’t ibang kaharian kasama na rin ang kasapi ng konseho at ang mga kaibigan ko para sabihan sila tungkol sa isang pagpupulong na nais kong pamunuan.

Kailangan na naming kumilos hangga’t maaga pa. Si Kaizer na mismo ang nagsabing anumang araw ay magbabalik na si Ate Mathilde. Kaya kilangan na naming pag-usapang lahat ang susunod naming magiging hakbang upang tuluyan nang wakasan ang kasamaan.

✨✨✨

Q: Totoo kayang ang kambal na diyosa ang nasa likod ng lahat ng ito at ang sumpang binitiwan ng isa sa kanila? Kung oo‚ paano kaya ni Thea mapuputol ang sumpa? Matalo kaya ni Thea ang mga ito gayong diyosa ang makakalaban niya at hindi isang pangkaraniwang charmer? Abangan...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top