CHAPTER 75: SEGREGATION OF DUTIES
ALTHEA’S POV
Kinabukasan ay maaga kaming lahat nagtipon-tipon—ang Trio‚ ang magpinsang sina Luca at Nikolai‚ sina mommy‚ daddy‚ ate‚ Ali‚ Luna‚ Yael‚ Flor at ako—sa meeting hall para pag-usapan ang magiging hakbang namin laban sa mga kaaway dahil ilang araw na lang ay kaarawan ko na. Kung tama kasi ang teorya namin ay maaaring sa kaarawan ko mismo sumugod ang mga kalaban dahil alam nilang sa panahong ‘yon ay buo na ang kapangyarihan ko at maaari ko itong ipagkaloob sa kanila kapalit ng kaligtasan ng nakararami. At dahil nga puro lamang kami teorya at hindi pa talaga namin tiyak kung sino-sino ang mga kalaban namin at kung anong mga pinaplano nila ay kailangan naming pag-isipang mabuti ang anumang gagawin naming hakbang. Hindi kami maaaring magpadalos-dalos dahil sa amin nakasalalay ang kaligtasan at kinabukasan ng lahat ng nilalang sa aming mundo at maging sa kabilang mundo.
“Kumikilos na ang mga kalaban. Kaya kailangan na rin nating gumawa ng hakbang upang maunahan natin sila sa kung anumang binabalak nilang masama‚” panimula ko na naging dahilan upang mapako sa akin ang tingin ng lahat ng kasama ko sa mahabang mesa.
“Anong binabalak mo‚ Kiana?” tanong ni ate na nasa kanan ko.
“Mas makabubuting manatili na munang lihim ang tungkol sa pagbabalik ng alaala ko‚” seryosong sagot ko na nagpakunot ng noo ng mga kasama ko.
“Pero bakit?” naguguluhang tanong ni Vera na katabi ni ate.
“Dahil iyon lang ang tanging paraan para mahuli natin sa akto ang impostor. Sa oras kasi na lumantad ako bilang prinsesa ay mabubulabog ang mga kalaban at maaaring hindi na magpakita pa ang impostor. Kaya mas mabuting paniwalain na lang muna natin ang lahat na wala pa akong maalala at hindi pa ninyo alam ang tungkol sa tunay kong pagkatao. Sa ganoong paraan ay makakampante ang mga kaaway‚” paliwanag ko na mukhang naintindihan naman ng mga kasama ko dahil napatango-tango na lamang sila sa halip na muli pang magtanong o kumontra.
Ayoko mang itago sa lahat ang tungkol sa pagbabalik ng alaala ko at ayoko mang ilihim kung sino talaga ako ay wala akong pamimilian sa ngayon. Ito lang ang tanging paraan para makalapit ako sa impostor at malaman kung sino ang nasa likod ng kaniyang maskara.
“Kung ganoon ay ano ang una nating magiging hakbang?” pagtatanong ni Vera matapos ang ilang segundong katahimikan.
Dahil sa tanong ni Vera ay agad akong napabuga ng hangin at napaayos ng upo para pormal na ihayag sa lahat ng kasama ko ang unang magiging pagkilos namin.
“Kailangan na nating bumalik sa akademya dahil baka naghihinala na ang lahat sa ating pagkawala‚” tugon ko saka ko ibinaling ang tingin ko kay ate na tahimik lamang na nakikinig sa anumang sasabihin ko. “Ngunit kailangan ko ang tulong mo‚ ate‚” pagbaling ko kay ate na nakatutok lamang sa akin ang buong atensyon magmula pa kanina.
“Anong maitutulong ko?” agad na tanong ni ate habang binibigyan niya ako ng uri ng tingin na nagsasabing handa siyang ibigay sa akin ang anumang tulong na hihingin ko sa kaniya.
“Kailangan po ninyong gamitin ang koneksyon at kapangyarihan ninyo upang ilipat ako sa huling antas para mas makalapit ako sa impostor. Ngunit kung maaari sana ay huwag ninyong babanggitin sa kahit sinong kasapi ng konseho ang tungkol sa pagbabalik ng alaala ko. Mas kaunti ang nakakaalam‚ mas ligtas ang lihim ko‚” mahabang pahayag ko sa gusto kong gawin ni ate para sa ‘kin na may kasama pang bilin para manatiling lihim ang tungkol sa pagbabalik ng alaala ko.
“Walang problema. Bukas na bukas din ay pwede ka nang pumasok sa huling antas‚” seryosong saad ni ate na tila ba siguradong-sigurado talaga siyang magiging maayos ang pag-uusap nila ng konseho.
Dahil kilala ko naman si ate at alam ko ang kaya niyang gawin ay hindi ko na pinagdudahan pang magagawa nga niya ang pabor na hiningi ko. Kaya naman ay sa halip na bilinan ko pa ulit si ate at ipaalala sa kaniya kung gaano kahalaga ang parte niya sa magiging hakbang namin laban sa mga kaaway ay minabuti kong ituon na lamang sa Trio ang aking atensyon para sila naman ang bigyan ng tungkulin.
“Vera‚ Penelope at Ember‚ kayo na ang bahala sa paghahanda para sa aking nalalapit na kaarawan na gaganapin dito sa palasyo. Gusto kong imbitahin ninyo lahat ng mga maharlika at pati na rin ang buong konseho kung maaari. Siguraduhin din ninyo na dadalo ang impostor ngunit tiyakin ninyong iisipin niyang para sa kaniya ang pagdiriwang‚” mahabang saad ko sa mga dapat gawin at tandaan ng Trio para maayos naming mailatag ang pain na ihahain namin sa impostor na masyado nang lumalaki ang ulo dahil sa atensyong nakukuha niya.
“Pero paano ka? Gusto ka naming protektahan. Maaari kang dukutin ng mga kalaban anumang oras. At kapag naging abala kami ay hindi namin ‘yon magagawa‚” wika ni Vera na bakas sa mukha at boses na hindi siya sang-ayon sa tungkuling ibinigay ko sa kanila na nauunawaan ko naman.
Oo‚ nauunawaan ko kung bakit tutol si Vera sa ibinigay ko sa kanilang tungkulin. Nauuwanaan kong mas gusto niyang nasa tabi ko sila dahil nag-aalala sila sa ‘kin. Pero gustuhin ko mang pagbigyan sila ay hindi maaari dahil hindi kami maaaring makitang apat na magkakasama dahil magiging kaduda-duda ito sa mata ng lahat lalo pa’t ang alam ng lahat ay may alitan sa aming pagitan dahil sa ilang ulit naming paglalaban na halos ikamatay ko na. At kapag nagsimulang magduda ang lahat ay maaaring ito pa ang maging susi para matunugan ng mga kaaway ang pinaplano namin na hindi ko mapapahintulutan.
“Huwag na kayong mag-alala dahil nasa tabi ko naman si Ali. Kami pa rin ang magkasabay na papasok para hindi makahalata ang mga kalaban at upang isipin nilang walang nagbago‚” malumanay kong wika kay Vera para alisin ang pag-aalala sa puso niya bago ko ibinaling kay Ali ang tingin ko. “Iyon ay kung ayos lang sa ‘yo‚ Ali‚” pagbaling ko kay Ali na katabi ni daddy para hingin ang permiso niya sa magiging setup namin.
“Walang problema. Masaya akong makasabay ka lagi sa pagpasok ng akademya‚” nakangiting sagot ni Ali na walang bakas ng anumang pagtutol o pagdadalawang-isip ang mukha kung kaya napangiti na lamang din ako bago ko itinuon ang tingin ko sa aking harapan para makita ko lahat ng kasama ko na nasa magkabilang panig ng mahabang mesa.
“Gusto ko rin sanang sanayin lahat ng kawal natin sa pamumuno ni Ali nang sa gayon ay maging handa sila sa magaganap na labanan sa mismong kaarawan ko‚” anunsiyo ko sa lahat na ikinatayo ni Luca habang salubong ang kilay lang naman akong tiningnan ni Nikolai.
“Teka! Paano naman kami?” may bahid ng gulat at panlulumong tanong ni Luca na halos magdikit na ang kilay habang puno ng pagtatakang nakatingin sa akin.
Agad na nabaling kay Luca ang atensyon ko dahil sa marahas niyang pagtayo at sa may kalakasan niyang boses.
“Kayong dalawa ni Nikolai ang bahalang magsanay kina Yael at Luna. Sasanayin ninyo sila para mas maging mahusay sila sa paggamit ng kanilang mga kapangyarihan o kakayahan. Bukod dito ay ituturo din ninyo sa kanila lahat ng alam ninyo sa pakikipaglaban tulad ng pakikipaglaban gamit ang iba’t ibang uri ng sandata. Kailangan ninyo silang ihanda sa laban‚” puno ng awtoridad na pahayag ko sa magiging papel nina Luca at Nikolai sa aming paghahanda habang walang emosyon akong nakatingin kay Luca.
Matapos kong ihayag ang magiging papel nina Luca at Nikolai ay bigla na lamang malapad na ngumiti si Luca na para bang may narinig siyang napakagandang balita.
“Ayon naman pala e! Hindi mo naman agad sinabi‚” ngiting-ngiting sabi ni Luca saka siya bumalik sa kaniyang pagkakaupo habang tahimik lang naman sa tabi niya si Nikolai.
Matapos bumalik ni Luca sa kaniyang pagkakaupo ay agad kong ibinaling ang atensyon ko sa katapat niyang si Flor na napapagitnaan nina Luna at Yael sa kabilang panig ng mesa.
“At ikaw‚ Flor‚ ako ang bahalang magsanay sa ‘yo dahil taglay ko rin naman ang kapangyarihang taglay mo at nasanay na ako ni Kaleb sa paggamit nito‚” pagbaling ko kay Flor na tahimik lamang magmula pa kanina.
Bahagya lamang na tumango si Flor bilang tugon sa sinabi ko habang may munting ngiting nakapinta sa mga labi niya.
Tipid ko na lamang ding nginitian si Flor bago ko isa-isang tinapunan ng tingin ang magkakatabing sina Luna‚ Flor at Yael. “Luna‚ Flor at Yael‚ kung maaari sana ay magpaalam kayo sa inyong mga magulang na dito na muna kayo mananatili nang sa gayon ay diretso ang uwi ninyo rito galing akademya para mag-ensayo. Ngunit kung nag-aalala kayo sa mga pamilya ninyo ay maaari ninyo silang isama rito sa palasyo‚” pakiusap ko sa kanilang tatlo saka agad kong ibinaling ang tingin ko kay Ali na nasa kanan ni Luna. “At ganoon ka rin sana‚ Ali‚ kung maaari dahil malaking oras ang gugugulin mo sa pagsasanay sa mga kawal‚” pakiusap ko rin kay Ali para hindi na niya kailangan pang umuwi sa kanila matapos niyang sanayin ang mga kawal pagkagaling niyang akademya.
“Masusunod‚” magkapanabay na sagot nina Yael‚ Flor‚ Luna at Ali na ikinangiti ko.
“Samahan ninyo ako mamaya sa mga bahay ninyo upang malagyan ko ito ng barrier nang sa gayon ay hindi ito mapasok ng mga kaaway habang wala kayo‚” huling wika ko kina Ali bago ko inilipat ang tingin ko kay ate.
“Ate?” pagkuha ko sa atensyon ni ate na seryosong nakikinig sa lahat ng sinasabi ko.
“Ano ‘yon‚ pamangkin ko?” malambing na tanong ni ate na tutok na tutok sa anumang sasabihin ko.
“Gusto ko po sanang ipatawag lahat ng mahuhusay na manggagawa ng kalasag at baluti. Gusto kong pagawan ninyo ng matibay na kalasag at baluti ang bawat kawal upang hindi sila madaling tatablan ng anumang sandata. Sa ganoong paraan ay mababawasan ang bilang ng maaaring malagas sa atin‚” magalang ngunit maawtoridad kong wika kay ate.
“Ako na ang bahala sa bagay na ‘yan‚ pamangkin ko‚” nakangiting sagot ni ate na muling nagpangiti sa akin.
Dahil sa maayos na naging takbo ng aming pagpupulong ay nakangiti kong hinarap ang mga kasama ko para wakasan na ang aming pagpupulong.
“Kung ganoon ay tapos na ang pagpupulong na ito. Ngunit huwag kayong mag-alala dahil hindi pa ito ang huli nating pagpupulong. Muli tayong magkakaroon ng pagpupulong sa mismong araw ng aking kaarawan sa umaga‚ bago maganap ang pagdiriwang kinagabihan upang pag-usapan ang mga dapat nating gawin‚” nakangiting pagtatapos ko ng pagpupulong saka maingat akong tumayo mula sa aking pagkakaupo para humanda na sa aking pag-alis.
“Mauuna na ako sa inyo. May kailangan lang akong puntahan‚” paalam ko sa mga kasama ko.
Matapos kong magpaalam ay akmang tatalikod na ako ngunit hindi ko na nagawa pang kumilos mula sa kinatatayuan ko nang makita ko ang pagmamadaling tumayo ni Ali.
“Samahan na kita‚” pagboluntaryo ni Ali pagkatayong-pagkatayo niya.
“Huwag na. Kaya ko na ‘to. Mabuti pa ay magtungo ka na lamang sa inyo para masabihan mo na si Tita Wendy at para maimpake na ninyo ang mga gamit ninyo‚” pagtanggi ko sa alok ni Ali na samahan ako sa pag-alis ko.
“Saan ka ba pupunta‚ K?” tanong ni Penelope na nagpalingon sa akin sa kaniyang direksyon.
“Sa Magical Forest. May kakausapin lang akong isang kaibigan. Ngunit huwag kayong mag-alala dahil saglit lang ako at mag-iingat ako sa pag-alis ko‚” mahabang sagot ko para hindi na mag-alala pa ang mga kasama ko at para hayaan nila akong mag-isang umalis ng palasyo.
“Mag-iingat ka‚” bilin na lamang ng mga kasama ko na tinugon ko na lamang ng tipid na ngiti bago ako nagtungo ng aking silid para magsuot ng cloak.
Nang maisuot ko na ang cloak na ibinigay sa akin ni ate kagabi ay agad akong nag-teleport patungong Magical Forest at dali-dali akong nagtungo sa Enchanted Garden para puntahan at kausapin si Ayesha.
“Ayesha? Ayesha‚ narito ka ba?” agad kong pagtawag kay Ayesha nang sandaling marating ko ang Enchanted Garden na siyang kinaroroonan ng nakatagong kaharian nina Ayesha.
Makailang ulit ko pang tinawag si Ayesha habang palinga-linga ako sa paligid upang hanapin siya bago siya iluwa ng mahiwagang puno na nagkukubli ng kanilang kaharian. At nang sandaling magtama ang aming tingin ay agad siyang lumipad palapit sa ‘kin habang may malawak na ngiting nakapinta sa kaniyang mga labi.
“Thea‚ ang tagal nating hindi nagkita! Kumusta ka?” masayang salubong sa akin ni Ayesha nang makalapit siya sa akin.
Napangiti na lamang din ako kay Ayesha bago ko sinagot ang tanong niya. “Ayos lang ako‚” tipid kong tugon.
“Mabuti naman‚” nakangiting wika ni Ayesha ngunit agad ding nabura ang kaniyang ngiti nang tila may maalala siya.
“Siya nga pala‚ bakit mo ako hinahanap? May kailangan ka ba sa ‘kin? May problema ba?” sunod-sunod na tanong ni Ayesha at binigyan pa niya ako ng nanunuring tingin na para bang binabasa niya ang ekspresyon ng mukha ko para alamin kung may problema ba ako.
“Nagpunta lang ako rito para sana humingi ng pabor‚” diretsahan kong sagot para hindi na humaba pa ang usapan namin ni Ayesha.
“Ano ‘yon?” agad na tanong ni Ayesha na mukhang hindi na makapaghintay na marinig ang pabor na hihingin ko sa kaniya.
“Kung maaari sana ay samahan mo si Kamila at pakisabi na lang sa kaniya na babawi ako kapag maayos na ang lahat. Ikaw na muna ang bahala sa kaniya. Huwag mo siyang pababayaan‚” pakiusap ko kay Ayesha na may kasama na ring bilin kahit na hindi pa siya pumapayag.
Bigla namang nakahinga nang maluwag si Ayesha matapos kong magsalita na para bang nabunutan siya ng malaking tinik sa lalamunan.
“Iyon lang ba? Akala ko naman kung ano na‚” natatawang wika ni Ayesha bago siya biglang sumeryoso. “Sige‚ ako na ang bahala kay Kamila. Dadalaw-dalawin ko na lamang siya sa kanila‚” seryosong saad niya sa nangangakong tinig‚ dahilan para ako naman ang makahinga nang maluwag.
“Maraming salamat‚ Ayesha‚” nakangiting pasasalamat ko bago ako biglang sumeryoso nang maalala kong marami pa pala akong kailangang gawing paghahanda para sa pagbabalik namin bukas ng akademya at para sa pagtira nina Ali sa palasyo.
“Sige‚ kailangan ko nang umalis. Marami pa akong kailangang asikasuhin. Hanggang sa muli nating pagkikita. Paalam‚” nagmamadaling paalam ko kay Ayesha saka agad na akong nag-teleport pabalik ng palasyo upang simulan na ang mga dapat kong gawin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top