CHAPTER 73: FORGIVE & FORGET
HERA’S POV
“Thara? Fabian?” gulat kong tanong nang makilala ko kung sino ang mga tinutukoy ni Kiana na kasama niyang nagbalik.
Tila naging hudyat naman ang pagsasalita ko upang magkahawak-kamay na maglakad sina Thara at Fabian palapit sa trono. At habang naglalakad sila palapit sa kinaroroonan namin ng pamangkin ko ay hindi ko magawang lubayan sila ng tingin. Hindi ko rin magawang kumilos mula sa aking kinatatayuan dahil hindi ko magawang paniwalaan ang nakikita ko. Hindi ko magawang paniwalaan na makalipas ang mahabang panahon ay muli kong makikita ang dalawang nilalang na nagawa akong lokohin at saktan sa kabila ng pagtitiwalang ibinigay namin sa kanila ng namayapa kong kapatid.
Habang sinusundan ko pa rin ng tingin sina Fabian at Thara ay hindi ko na napigilan pa ang biglang pagpasok ng mga tanong sa aking isipan. Bakit sila nandito? Anong ibig sabihin nito? Hindi ba’t wala silang maalala‚ kaya paanong nakarating sila rito? At bakit nila kasama ang pamangkin ko?
“Ate‚ sila ang mga nag-alaga at kumupkop sa ‘kin noong mga panahong wala akong maalala sa nakaraan ko. Sila ang nakakita sa akin sa kakahuyan na walang malay‚” wika ni Kiana na tila ba ay nababasa niya ang iniisip ko.
Matapos masagot ng sinabi ni Kiana ang tanong sa isipan ko ay mapait na lamang akong napangiti. Napakamapagbiro nga naman talaga ng tadhana. Kung sino pa iyong mga ipinatapon namin sa kabilang mundo para hindi na namin makita pa ay ang siya pang nag-alaga at nag-aruga sa aking pamangkin.
Talaga bang nananadya ang tadhana at gusto kami nitong paglaruan? O ito ang paraan ng tadhana upang muli kaming magkaharap-harap? Ngunit hindi na mahalaga pang masagot ang tanong ko. Anuman ang dahilan ng tadhana sa muling pagkakaharap-harap naming tatlo ay hindi ko na iniisip pa. Ang tanging nasa isip ko na lang ngayon ay kung paano lalabanan ang sakit sa loob-loob ko na bigla na lamang ulit nabuhay at nanariwa matapos kong makaharap ang mga dumurog sa puso ko.
“Hera‚” sambit ng isang baritonong boses sa pangalan ko na pumukaw ng atensyon ko.
Dahil sa baritonong boses na aking narinig ay napakurap ako nang ilang beses. At sa ikatlong pagkurap ko ay doon ko lamang napansing nasa harapan ko na pala sina Thara at Fabian‚ dahilan para bahagya akong mapaigtad dala ng gulat. Ngunit hindi ko ito ipinahalata sa kanila. Sa halip kasi na ipakita ko sa kanilang hindi ko namalayan ang kanilang paglapit ay taas-noo kong sinalubong ng malamig na tingin ang nangungusap na tinging ipinupukol nila sa ‘kin.
“Hera‚ nandito kami upang humingi ng tawad sa nagawa naming kasalanan sa ‘yo‚” wika ni Fabian sa mahinang boses na mukhang nagdadalawang-isip pang ungkatin ang nakaraan.
Dahil sa sinabi ni Fabian ay bigla akong may napagtanto. Ngayon ko lang napagtanto na hindi nga pala namin pinakinggan ang paliwanag nila noon dahil hindi namin sila hinayaang magsalita. At sa halip na pakinggan sila sa kung anumang maaari nilang sabihin ay pinarusahan namin sila noon agad-agad dahil sa labis na galit namin sa kanila. Kaya marahil ay ito na ang tamang pagkakataon upang pakinggan ko ang kung anumang sasabihin nila dahil tadhana na mismo ang gumawa ng paraan para makapag-usap kaming tatlo.
Minsan na akong nagpadala sa galit ko at buong buhay ko iyong pinagsisihan at hindi ako pinatahimik ng aking konsensya. Kaya ngayon ay itatama ko na kung anuman ang pagkakamaling nagawa ko sa nakaraan. Panahon na marahil para palayain ko ang sarili ko mula sa sakit at galit dahil oo nga’t nagkasala sila sa ‘kin dahil sa panlolokong ginawa nila pero siguro naman ay sapat na ang parusang iginawad namin sa kanila.
Ang gusto ko lang naman malaman magmula pa noon ay kung paano nila ako nagawang lokohin. Ngunit wala ako noong lakas ng loob na pakinggan sila dahil nga nagpadala ako sa galit at naging sarado ang isipan ko. Nagpadalos-dalos din ako sa desisyon kong parusahan sila na sa halip na maghatid sa akin ng tuwa ay naging dahilan pa para gabi-gabi akong bagabagin ng aking konsensya dahil sa pag-aalala ko kung ano na bang nangyari sa kanila at kung nasa maayos ba silang kalagayan.
“Patawarin po ninyo ako‚ Lady Hera‚ kung nagawa kong agawin mula sa inyo si Fabian. Ngunit sa maniwala ka o sa hindi ay wala talaga akong intensyong agawin siya at aminin sa kaniya ang tunay kong nararamdaman dahil alam kong nagmamahalan kayo. Ngunit naging marupok ako... Sa huli ay pinairal ko pa rin ang puso ko kahit alam kong may masasaktan ako. Kaya mauunawaan ko kung galit pa rin kayo sa ‘kin at hindi ninyo ako magagawang patawarin. Pero huwag si Fabian... Hindi kayo dapat magalit sa kaniya. Biktima lang din siya rito‚” pagsusumamo ni Thara na kulang na lamang ay lumuhod siya sa aking harapan.
Sa haba ng sinabi ni Thara ay tanging ang huling sinabi lamang niya ang nakakuha ng atensyon ko na nagpaulit-ulit sa aking pandinig.
“Anong ibig mong sabihing biktima lang din siya?” naguguluhang tanong ko kay Thara dahil kahit pa nagpaulit-ulit na sa aking pandinig ang huling sinabi niya ay wala pa rin akong maisip na posibleng rason kung bakit niya nasabing biktima lang din si Fabian ng mga nangyari gayong malinaw pa sa sikat ng araw na niloko nila ako.
“Tutol sa inyong pagmamahalan noon ang hari kaya ginawa niya lahat upang kayo’y paghiwalayin. Pinagbawalan niyang makipagkita sa ‘yo si Fabian at maging ang pagpunta ng palasyo ay mahigpit niyang ipinagbawal. Ngunit hindi rito nagpatinag si Fabian dahil labis ka niyang mahal. Ilang ulit siyang sumubok na dalawin ka sa palasyo ngunit palagi siyang hinaharang ng hari at pinagbantaan pa siya nito na sa oras na magtangka siya ulit na lumapit sa ‘yo ay buhay niya na ang magiging kapalit‚” panimula ni Thara na kahit papaano ay hindi ko na ikinagulat pa.
Noon pa man ay alam ko nang tutol sa pagmamahalan namin ni Fabian si ama. Kaya nga pinagbawalan niya akong lumabas ng palasyo para hindi ko na makita pa si Fabian. Mahigpit niya rin akong pinabantayan sa mga kawal at maging sa mga tagapagsilbi ng palasyo para lamang tiyaking hindi ako tatakas at para na rin tiyaking hindi makakalapit sa akin si Fabian kung sakali mang magtangka siyang puntahan ako. Ngunit hindi ko alam ang tungkol sa ginawang pagbabanta ni ama. Ang alam ko lang ay pinagbawalan niyang lumapit sa akin si Fabian. At ni minsan ay hindi ko naisip na kaya ni amang pagbantaan si Fabian para lamang paghiwalayin kami. Ang akala ko ay sadyang mapangmata lamang siya. Hindi ko inakalang kaya niya ring magbanta para lamang masunod ang kaniyang nais.
“Ngunit dahil labis ka ngang mahal ni Fabian ay binalewala niya ang banta ng iyong ama. Tinangka niya ulit na puntahan ka sa palasyo. Iyon nga lang ay hinarang at pinagtulungan siyang itaboy ng mga kawal gamit ang dahas. At nasaksihan ko kung paano siya halos patayin ng mga kawal sa utos ng iyong ama. Mabuti na lamang at hindi nila tinuluyan si Fabian dahil patikim pa lamang daw iyon ng iyong ama sa pwedeng danasin ni Fabian sa oras na nangahas ulit siyang bumalik ng palasyo. At dahil naroon ako noong mga oras na iyon ay binalot ako ng takot para kay Fabian at sa maaaring mangyari sa kaniya. Kaya naman ay mahigpit ko siyang binantayan upang hindi na siya muli pang gumawa ng kahit anong magpapahamak sa kaniya. At aaminin kong sa araw-araw na binabantayan ko siya ay ikaw ang kaniyang bukambibig. Walang araw na lumipas na hindi ka niya naiisip. At dahil hindi ka niya malapitan at wala siyang magawa para matanaw ka man lang mula sa malayo ay labis na pagdurusa at kalungkutan ang naramdaman niya. Halos mabaliw siya kaiisip sa ‘yo at halos gabi-gabi siyang umiiyak dahil wala siyang magawa para makita ka. At naroon ako noong mga panahong miserable siya. Naroon ako sa tabi niya at hindi ko siya iniwan. Ngunit maniwala ka... Sinubukan kong pigilan ang sarili ko. Paulit-ulit kong isiniksik sa isip kong may iba na siyang mahal at ikaw ‘yon. Ngunit wala e. Sadyang marupok ako. Kaya patawad... Patawarin mo ‘ko. Hindi ko gustong saktan ka... Hindi ko gustong agawin sa ‘yo si Fabian‚” mahabang salaysay ni Thara sa mga sumunod na nangyari matapos pagbantaan ni ama si Fabian na unti-unting nagpalinaw ng aking isipan kasabay ng unti-unting pagkatunaw ng galit sa aking puso.
Kung ganoon ay wala naman palang kasalanan sina Thara at Fabian. Hindi nila kagustuhan ang mga nangyari. Saka si Thara ang nasa tabi ni Fabian noong mga panahong wala siyang masandalan kaya hindi na nakakapagtaka pa na nahulog ang loob niya rito. Bukod dito ay mabait‚ maalaga at mapagmahal din si Thara kaya hindi siya mahirap mahalin. Pero bakit hindi nila agad sinabi sa akin na nagmamahalan pala sila? Bakit hinayaan nilang magmukha akong tanga? Bakit hinayaan nila akong umasa na matutuloy ang kasal? Bakit pinaniwala ako ni Fabian na nagawa niyang maghintay?
“Pero bakit hindi ninyo agad sinabi sa ‘kin ang lahat? Bakit ninyo ako pinagmukhang tanga?” pagsasatinig ko sa tanong na kanina pang naglalaro sa aking isipan.
“Sinubukan kong sabihin sa ‘yo pero wala akong lakas ng loob. Ayokong saktan at biglain ka kaya humanap ako ng tamang pagkakataon para sabihin sa ‘yo. Ngunit sa paghihintay ko ng tamang pagkakataon ay hindi ko na namalayan pa ang oras hanggang sa madaliin na ni Uriel ang ating kasal‚” agad na paliwanag ni Fabian na nagpaisip sa akin.
Kung ganoon ay noon pa lang pala ay gusto nang aminin sa akin ni Fabian ang lahat ngunit ayaw niya akong masaktan kaya hindi niya nagawang magtapat. Pero maiintindihan ko naman siya kung sinabi lang sana niya sa akin noon ang totoo ng mas maaga‚ hindi iyong kung kailan planado na ang lahat para sa magaganap na kasal ay saka ko pa lang malalaman ang tungkol sa pag-iibigan nila. Ngunit nangyari na ang lahat at wala ng saysay pa kung patuloy kong isisisi sa kanila ang mga nangyari. Saka isa pa‚ may kasalanan din naman ako sa kanila. Basta ko na lamang silang pinarusahan nang hindi ko man lang sila binibigyan ng pagkakataong magpaliwanag. E kung tutuusin naman pala ay dapat ko pang pasalamatan si Thara dahil naroon siya sa tabi ni Fabian noong kailangang-kailangan ni Fabian ng makakasama. Siya rin ang dahilan kung bakit buhay pa rin si Fabian hanggang ngayon. Kaya siguro’y panahon na nga para palayain namin ang mga sarili namin sa bangungot ng nakaraan lalo na’t isa na kami ngayong pamilya dahil sa pamangkin kong nag-uugnay sa aming tatlo.
Matapos kong matanggap at maproseso lahat ng mga paliwanag nina Fabian at Thara at matapos kong aminin ang sarili kong pagkakamali ay maingat kong kinuha ang kamay nina Thara at Fabian na magkahawak gamit ang dalawa kong kamay.
“Patawarin din ninyo sana ako kung pinairal ko ang galit ko noong mga panahong ‘yon. Hindi ko lang talaga matanggap ang nangyari. Kaya sana’y mahanap ninyo sa mga puso ninyo ang pagpapatawad sa hindi makatarungang pagpaparusa namin sa inyo ni Kuya Uriel. At sana kalimutan na rin natin ang nakaraan. Magsimula tayong muli‚” maluha-luhang wika ko saka agad kong inalis ang kanang kamay ko mula sa pagkakahawak sa kamay nina Thara at Fabian na magkahawak para hagipin sa baywang ang aking pamangkin gamit ang aking kanang braso.
“Magsimula tayo ng panibagong buhay kasama ang pamangkin ko na para na rin ninyong anak‚” pagpapatuloy ko at hindi ko na napigilan pa ang ngitian sina Thara at Fabian nang makita kong walang bahid ng poot ang mga mata nilang nakapako sa akin. Sa halip ay punong-puno ito ng pasasalamat at paghanga na tila ba bago pa man ako magsalita ay napatawad na nila ako at nakalimutan na nila ang ginawa ko.
“Natutuwa akong makitang magkasundo na ang mga mahal ko...” nakangiting sambit ni Kiana na may malambot na ekspresyon sa kaniyang mukha habang pinanonood kaming tatlong magpatawaran.
“Ngunit hindi sapat na magpatawaran lang kayo‚” dagdag ni Kiana na ikinalingon naming tatlo sa kaniya. At bago pa man kami makapagtanong kung anong ibig niyang sabihin sa huli niyang sinabi ay muli na siyang nagsalita.
“We should group hug!” masiglang wika ni Kiana at kasabay nito ay naramdaman na lamang namin ang pag-ihip ng malakas na hangin na nagtulak sa amin nina Thara at Fabian palapit sa bawat isa.
Bago pa man namin maintindihan kung anong nangyayari at kung saan galing ang hangin na bigla na lamang umihip ay ikinulong na kami ni Kiana sa kaniyang mga bisig. Ngunit sa halip na isipin ko pa kung saan galing ang hangin na umihip kanina ay napangiti na lamang ako at ipinalibot ko sa baywang nina Thara at Kiana ang magkabila kong bisig para sila’y yakapin.
Mukhang hindi pa rin pala nagbabago ang pamangkin ko. Malambing at masayahin pa rin siya tulad ng dati. At utang ko kina Thara at Fabian ang lahat. Kaya tama lang ang naging pasya kong patawarin sila at kalimutan na lamang ang mga nangyari. Wala na rin namang dahilan para magalit pa ako at may dahilan na ako ngayon para matuwa at limutin ang madilim na kahapon dahil hindi na ako mag-iisa sa buhay at sa pagtataguyod ng aming kaharian. Narito na ang pamangkin ko upang maging katuwang ko at upang ako’y samahan sa araw-araw.
Dapat ko ring ikatuwa ang pagbabalik ng pamangkin ko dahil nagkaroon na akong muli ng dahilan para ngumiti. Noon pa man kasi ay siya na ang nagpapasaya sa ‘kin. Matapos kasing mawala ni Fabian ay nabalot na ng dilim ang mundo ko. Ngunit nang sandaling iluwal si Kiana sa mundong ito ay tila biglang nagliwanag at sumigla ang madilim kong mundo.
Si Kiana ang dahilan kung bakit nagawa kong makabangon mula sa pagkakalugmok ko noon. Ngunit siya rin ang naging dahilan para muling mawalan ng kulay at sigla ang mundo ko. Kasabay kasi ng pagkawala niya ay nawalan na rin ako ng gana sa buhay lalo na’t kasabay niyang nawala si Kuya Uriel. Ngunit ngayong nagbalik na siya ay tila naging makulay ang mundo ko. Kaya hindi mawala-wala ang ngiting nakapinta sa mga labi ko. Ngunit kaakibat ng ngiting ito ay ang biglang pagpatak ng aking mga luha nang bigla kong maalala ang kapatid ko na tiyak kong pinanonood kami ngayon.
‘Kuya‚ huwag kang mag-alala‚ hindi ko pababayaan ang anak mo. Mamahalin ko siya nang buong-puso at ipagkakaloob ko sa kaniya ang pagmamahal na hindi mo naibigay sa kaniya sa lumipas na halos sampung taon. Pangako ‘yan‚’ nangangakong wika ko sa aking isipan at mas lalo ko pang hinigit palapit sa ‘kin si Kiana para mas maramdaman ko ang init ng kaniyang yakap.
✨✨✨
A/N: Sa buhay‚ dapat matuto tayong magpatawad gaano man kalaki ang nagawang kasalanan sa atin ng isang tao dahil may dahilan kung bakit nakagagawa ng kasalanan ang isang tao at lahat ng kasalanan ay may katumbas na kapatawaran😇
Matuto tayong magpatawad kung gusto nating mamuhay nang mapayapa☺️ Hindi rin maganda kung nagpapadala tayo parati sa ating emosyon. Matuto tayong makinig sa paliwanag ng kabilang panig. Hindi iyong sarili lang natin ang ating iniisip at hindi na natin isasaalang-alang pa ang nararamdaman ng iba.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top