CHAPTER 72: REUNITED

YAEL’S POV

Kasalukuyan kaming nakakulong sa Ardor Kingdom dahil sa ginawa naming gulo kahapon. Oo‚ kahapon pa kami nakakulong ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin kaming balitang naririnig patungkol sa naging resulta ng pagbabalik ni Thea sa mundong kinalakihan niya. Hindi ko tuloy maiwasan ang mapaisip at mag-alala. Ang usapan kasi namin bago namin isinagawa ang plano ay agad na babalik sina Ali‚ Luna at Thea sa aming mundo kapag kasama na nila ang mga magulang ni Thea. At kapag nakabalik na sila ay doon lamang lilinisin nina Luca at Nikolai ang pangalan namin ni Flor upang mapawalang-sala kami. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin ang magpinsan. Kaya hindi na maganda ang kutob ko sa mga nangyayari. Parang may mali.

Dahil sa hindi magandang pakiramdam ko sa nangyayari ay dali-dali akong lumapit sa pinto ng piitan at buong lakas ko itong kinalampag.

“Pakawalan ninyo kami rito! Kailangan naming makausap ang reyna!” malakas kong sigaw upang marinig ako ng mga kawal na nagbabantay ng piitan.

“Yael‚ anong ginagawa mo?” nagtatakang tanong ni Flor na biglang nagising mula sa pagkakahimbing niya dahil sa pagsigaw ko.

Dahil sa tanong ni Flor ay agad akong napalingon sa aking gawing kanan kung saan nabungaran ko si Flor na kinukusot-kusot pa ang mga mata niya habang nakaupo siya sa kamang inookupa niya.

“Kailangan nating makaalis dito ngayon din‚” may diing wika ko.

“Ha? Bakit tayo aalis? E hindi ba ang plano ay sina Luca at Nikolai ang magpapalaya sa ‘tin pagkabalik na pagkabalik nina Thea?” naguguluhang tanong ni Flor na mukhang hindi nakakaramdam na may mali sa mga nangyayari.

“Hindi ka ba nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik sina Luca? E dapat kahapon o kagabi pa sila nandito‚” wika ko sa halip na sagutin ang tanong ni Luna at hindi ko na naitago pa ang pag-aalala sa aking boses dahil sa samut-saring negatibong bagay na pumapasok sa isipan ko.

Dali-dali namang napababa ng kama si Flor matapos kong magsalita.

“Tama ka. Kahapon pa dapat sila nandito. Baka kung ano na ang nangyari sa kanila‚” nag-aalala na ring wika ni Flor na mukhang ngayon lang napagtantong lumampas na kami sa napagkasunduang oras.

“Kaya kailangan na nating makaalis dito‚” mariing wika ko na agad namang sinang-ayunan ni Flor.

Matapos sang-ayunan ni Flor ang sinabi ko ay dali-dali siyang lumapit sa akin at malakas niyang kinalampag ang pinto ng piitang pinagkulungan sa amin.

“Pakawalan ninyo kami rito! Kakausapin namin ang reyna!” malakas na sigaw ni Flor habang kinakalampag niya ang pinto. Ngunit nang wala pa ring lumingong kawal sa aming direksyon ay sabay na kaming sumigaw ni Flor na naging dahilan para makuha na rin namin sa wakas ang atensyon ng mga kawal na nakabantay sa pinto papasok ng kinaroroonan ng mga piitan.

“Bakit ninyo gustong makausap ang reyna?” nagtatakang tanong ng isa sa dalawang kawal na lumapit sa piitang kinaroroonan namin.

“Kailangan namin siyang makausap. Nasa panganib ang buhay ng mga kaibigan namin at isa sa kanila ang pinaghihinalaang prinsesa ng kahariang ito‚” mahabang tugon ko na halatang ikinagulat ng dalawang kawal dahil bigla na lamang nanlaki ang kanilang mga mata na para bang may sinabi akong hindi nila mapaniwalaan.

“Totoo ba ‘yang sinasabi ninyo?” tanong ng kawal na nasa kanan na halatang nagtatalo pa rin ang isip kung paniniwalaan ba niya kami o hindi.

“Oo. At dalawa rin sa kasamahan namin ay anak ng magigiting na kawal ng inyong kaharian. Kaya kailangan natin silang mailigtas. Nanganganib ang mga buhay nila dahil anumang oras ay maaari silang sugurin ng mga kaaway. Kaya pakawalan ninyo na kami rito. Pakiusap... Kakausapin lang namin ang reyna‚” pakiusap ko sa mga kawal at hindi ko na napigilan pa ang pamumuo ng luha sa mga mata ko dahil sa labis na pag-aalala sa mga kasama naming hindi namin alam kung nasaan na at kung ligtas ba.

Nagkatitigan pa muna ang dalawang kawal na aming kaharap at nag-usap pa muna sila gamit ang kanilang tingin bago nila napagkasunduang pakawalan kami. At nang mailabas nila kami sa piitan ay agad nila kaming dinala sa throne room.

Nang marating namin ang throne room at mapako sa amin ang tingin ng reyna ay agad itong napatayo mula sa kaniyang pagkakaupo at agad niyang binato ng tanong ang mga kasama naming kawal nang sandaling tumigil kami sa kaniyang harapan.

“Anong ginagawa ng mga ‘yan dito? Bakit pinakawalan ninyo ang mga ‘yan?” may bahid ng galit na tanong ni Lady Hera sa kaniyang mga kawal na nasa aming likuran.

“Gusto raw po nila kayong makausap‚” sagot ng kawal na nasa likuran ko na mababakas pa rin ang takot sa boses kahit pa hindi ito nautal o nag-alangang sumagot.

Dahil sa sinabi ng kawal ay agad na nabaling sa amin ni Flor ang tingin ng reyna.

“At bakit ninyo ako gustong makausap?” mataray na tanong ng reyna na nakataas na ang isang kilay habang nakatingin sa amin ni Flor.

“May kailangan po kayong malaman‚” magalang na sagot ni Flor na ikinakunot ng noo ng reyna.

“Anong dapat kong malaman?” kunot-noong tanong ng reyna kay Flor.

“Nasa panganib po ang isa sa mga pinaghihinalaang prinsesa ng inyong kaharian. Bumalik po siya sa mundo ng mga tao upang sunduin ang kaniyang mga magulang ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ho siya nakakabalik. At maging sina Luca at Nikolai na mga anak ng magigiting ninyong kawal na siyang nagbabantay ng lagusan sa mga oras na ito ay hindi pa rin nagpaparamdam. Nangangamba po kami na baka kung ano na ang nangyari sa kanila. Kaya kung maaari po sana ay hayaan po ninyo kaming puntahan ang mga kaibigan namin upang tiyakin ang kanilang kaligtasan‚” mahabang wika ni Flor.

Matapos magsalaysay ni Flor ay unti-unting nabalutan ng pangamba ang mukha ng reyna. Ngunit hindi rin ito nagtagal dahil bigla niya kaming binigyan ng nanunuring tingin.

“Totoo ba ‘yang sinasabi ninyo? O baka naman gusto lang ninyo akong linlangin upang pakawalan ko kayo?” may pagdududang tanong ng reyna at pinaningkitan pa niya kami ng mata para basahin marahil ang ekspresyon ng aming mga mukha.

“Totoo po ang sinasabi namin. Ngunit kung gusto ninyong makasiguro ay maaari po ninyo kaming pasamahan sa inyong mga kawal‚” pakikipag-areglo ni Flor sa reyna bago pa man ako makasagot.

Ilang segundong napaisip ang reyna sa sinabi ni Flor bago niya ibinaling ang tingin niya sa mga kawal na nanatili pa ring nakatayo sa aming likuran.

“Ipatawag ang Trio at ang magigiting na kawal ng ating kaharian‚” utos ng reyna sa mga kawal na agad na umalis ng silid matapos ng mga itong magbigay-galang sa reyna.

Ilang sandali lamang matapos umalis ng dalawang kawal na inutusan ng reyna ay dumating na ang Trio kasama ang isang hukbo ng kawal.

Pumuwesto sa gawing kanan ko ang Trio habang sa gawing kaliwa naman ni Luna pumuwesto ang hukbong kasama nilang dumating.

“Lady Hera‚ pinapatawag daw po ninyo kami?” magalang na tanong ng lider ng Trio matapos nilang magbigay-galang sa reyna.

“Kilala ba ninyo ang dalawang ‘yan?” agad na tanong ng reyna at itinuro pa niya kami sa pamamagitan ng pagbaling ng kaniyang tingin sa aming direksyon.

Dahil sa biglang pagbaling ng tingin ni Lady Hera sa amin ay nabaling din sa amin ang atensyon ng Trio. At ganoon na lamang ang panlalaki ng kanilang mga mata sa gulat nang makilala nila kami. Ngunit agad ding nakabawi sa pagkabigla niya si Vera kung kaya muli niyang hinarap ang reyna.

“Opo‚ Lady Hera. Kilala namin sila. Sila ang mga kaibigan ni Thea‚ ang babaeng nagmula sa mundo ng mga tao na isa sa mga kamukha ng mahal na prinsesa‚” magalang na sagot ni Vera matapos niyang ibaling ang tingin niya sa reyna.

“Kung ganoon ay nagsasabi nga sila ng totoo‚” wika ng reyna habang nasa amin pa rin ang tingin niya saka bigla niyang inilihis ang tingin niya sa Trio. “Vera‚ Penelope at Ember‚ magtungo kayo ng lagusan at isama ninyo ang ilan sa ating mga kawal upang higpitan ang pagbabantay sa lagusan at upang tiyakin ang kaligtasan nina Luca at ng babaeng tinutukoy ninyo‚” puno ng awtoridad na utos ng reyna sa Trio.

“Masusunod po‚” maagap na tugon ng Trio saka nila binalingan ng tingin ang mga kawal na nasa gawing kaliwa ni Flor. “Mga kawal‚ sumama kayo sa amin‚” maawtoridad na wika ng Trio sa mga kawal.

Hindi naman na nagdalawang-sabi pa ang Trio. Agad na nagbigay-galang ang mga kawal sa reyna bilang tanda ng kanilang pamamaalam bago sila sumunod sa Trio nang maglakad na ang mga ito paalis ng silid. Samantalang kami naman ay naiwang nakatayo sa harapan ng reyna at hindi alam ang gagawin kung kaya naglakas-loob na akong tanungin ang reyna.

“Paano naman po kami? Maaari din po ba kaming sumama?” tanong ko sa reyna.

“Mananatili kayo rito. Nagkasala pa rin kayo at makakaalis lamang kayo kapag nakabalik nang ligtas ang dalawa sa aking magigiting na mandirigma kasama ang babaeng sinasabi ninyong kamukha ng prinsesa‚” malamig na tugon ng reyna.

Kahit na gustong-gusto kong kulitin ang reyna para payagan kaming sumunod sa Trio sa pagpunta ng lagusan ay pinili ko na lamang na manahimik at hindi na ako nagpumilit pa. Sa ngayon ay kuntento na ako na alam kong may sasaklolo na kina Thea dahil sa ipinadalang tulong ng reyna. Sana nga lang ay hindi pa huli ang lahat...

✨✨✨

ALTHEA’S POV

Nang sandaling makalabas kami ng lagusan at makabalik kami sa aming mundo ay walang Luca at Nikolai na sumalubong sa amin na lubha kong pinagtakhan. Ngunit ang pinakanakapagtataka ay ang napakaraming bilang ng kawal ng aming palasyo na naabutan naming nagbabantay ng lagusan. At dahil nga sa maraming kawal ang nagbabantay ng lagusan ay hindi na nakakagulat pa na agad na may nakapansin ng aming presensya‚ dahilan para palibutan kami ng mga kawal.

“Nasaan sina Luca at Nikolai?” tanong ko sa kawal na nasa tapat ko na sa palagay ko ay siyang pinuno ng hukbo dahil sa kasuotan niyang medyo naiiba sa mga kasamahan niya.

“Dinala na po sila ng Trio sa palasyo upang gamutin‚” tugon ng kawal na naghatid sa akin ng takot—takot na baka kung ano na ang nangyari kina Luca at Nikolai habang wala kami.

“Gamutin? Bakit? Anong nangyari sa kanila?” sunod-sunod kong tanong at hindi ko na naitago pa ang pag-alaala ko habang hinihintay ko ang sagot ng kawal.

“Hindi po namin alam kung anong nangyari. Ngunit wala na silang malay nang maabutan namin sila rito. Kaya naman ay agad silang dinala ng Trio sa palasyo upang sila’y magamot. Ngunit huwag na po kayong mag-alala sa kanila. Hindi naman po sila lubhang nasaktan‚” mahabang tugon ng kawal na kahit papaano ay nakabawas ng pag-aalala ko kung kaya nakahinga na ako nang maluwag.

“Ang mabuti pa ho ay sumama kayo sa amin sa palasyo. Kailangan na po namin kayong madala roon sa lalong madaling panahon bago pa magpadala ng hukbo ang reyna sa pag-aakalang kayo’y nasa panganib at nangangailangan ng tulong‚” may himig ng pagmamadaling yaya sa amin ng kawal na hindi na namin kinontra pa dahil doon naman talaga ang punta namin sa palasyo.

Dalawa lamang sa kawal ang sumama sa amin papuntang palasyo at isa roon ang kausap ko habang ang karamihan sa kanila ay naiwan upang magbantay ng lagusan. At dahil nga dalawa lang naman ang nadagdag sa aming bilang ay minabuti kong mag-teleport na lang ulit kami patungong palasyo na madali lang naman naming narating dahil naaalala ko pa naman ang daan patungong palasyo kahit na ilang taon na mula noong huli akong magpunta ng aming kaharian.

Katulad noong magpunta kami ng palasyo nina Kaiden para kunin ang mga gamit ko‚ hanggang sa labas lamang din kami ng palasyo iniluwa ng kapangyarihan ko. Lingid kasi sa kaalaman ng lahat ay may malakas na mahikang bumabalot sa bawat palasyo na pumipigil sa isang nilalang na makapasok at makalabas ng palasyo gamit ang kanilang teleportation ability. Ngunit may iilan namang nagagawang maglabas-masok ng palasyo gamit ang teleportation ability nila. Iyon ay ang mga charmer na may basbas o may pahintulot na magawa ito katulad na lamang ni Jane na malayang nakapag-teleport noon patungo sa silid niya sa kanilang palasyo. At oo‚ kaya ko ring gawin iyon sa aming kaharian. Ngunit hindi sa ngayon dahil may mga kasama akong hindi kinikilala ng mahikang bumabalot sa buong palasyo. Sa kaso naman namin ni Jane noon‚ malaya niya akong naisama sa pag-teleport patungo sa kaniyang silid dahil lahat kaming apat ay binigyan ng pahintulot noon ng kaniyang mga magulang na maglamas-masok ng palasyo gamit ang aming teleportation ability.

“Tayo na sa loob‚” yaya sa amin ng mga kawal ng palasyong kasama namin nang sandaling makarating kami ng palasyo at nauna na silang maglakad papasok ng palasyo na agad naman naming sinundan.

Tahimik lamang kaming lahat na nakasunod sa dalawang kawal na nasa aming unahan. Ngunit nang marating namin ang tapat ng pinto ng throne room ay awtomatiko akong napahinto nang maramdaman kong tumigil sina mommy at daddy na nasa nasa gawing kanan ko.

Dahil sa biglang paghinto nina mommy ay agad na nabaling sa kanila ang atensyon ko.

“What is it‚ mom‚ dad? Is there something wrong?” nag-aalalang tanong ko sa pangambang baka may nararamdaman silang masakit sa kanilang katawan kung kaya sila napahinto nang wala sa oras.

Ibinuka ni mommy ang bibig niya matapos kong magtanong ngunit hindi naman niya nagawang magsalita. At sa halip na sumagot ay napansin ko ang paghigpit ng hawak niya sa kamay ni daddy na kanina pa niya hawak mula nang umalis kami ng bahay.

“P-Princess‚ anak... d-dito na lang muna kami ng mommy mo. Baka kasi sa oras na makita kami ni Hera ay hindi mo na masabi pa sa kaniya ang pakay mo. Kaya mas maganda kung kayo na lang muna ng mga kaibigan mo ang pumasok‚” may pag-aalalang tugon ni daddy na agad ko namang naunawaan dahil baka nga bago pa ako makapagsalita ay magkagulo na sa pagitan nila ni ate.

“I understand‚ dad‚” tipid kong tugon kay daddy at nginitian ko pa siya para ipakitang talagang nauunawaan ko siya bago ko hinarap ang dalawang kawal na kasama namin na kasalukuyan nang nasa magkabilang gilid ng pinto at nakaharap sa amin. “Mga kawal‚ kayo na muna ang bahala sa mga magulang ko. Huwag ninyo silang aalisin sa inyong paningin‚” mahigpit kong bilin sa mga kawal upang tiyaking sa paglabas ko mamaya ng throne room ay narito pa rin sina mommy sa labas.

“Masusunod‚” magkapanabay na tugon ng mga kawal at bahagya pa silang yumuko sa aking harapan na tinugon ko na lamang ng pagtango bago ako pumihit paharap kina Ali at Luna na nasa aking likuran.

“Tayo na sa loob. Tiyak na hinihintay na tayo nina Flor‚” yaya ko kina Ali at Luna saka nauna na akong pumasok ng throne room matapos itulak pabukas ng mga kawal ang double door na pinto.

Tahimik namang sumunod sa akin sina Ali at Luna nang maglakad ako papasok ng silid. At nang makapasok na kaming tatlo ng silid ay muling isinara ng mga kawal ang pinto na ipinagpapasalamat ko dahil sa ganoong paraan ay hindi malalaman ni ate na sa likod ng nakasarang pinto ay naroon ang dalawang charmer na kaniyang inalisan ng alaala.

“Thea!” malakas na tawag sa akin ni Flor nang mapalingon siya sa aming direksyon dahil sa biglang pagsara ng pinto sa aming likuran na lumikha ng ingay.

Bago ko pa man mangitian si Flor bilang pagbati ay patakbo na siyang lumapit sa akin at agad niya akong niyakap nang sandaling makalapit siya sa ‘kin. Si Yael naman ay nanatili lamang sa kaniyang kinatatayuan ngunit bakas ang tuwa sa kaniyang mukha habang nakatingin sa aming direksyon.

“Salamat naman at ligtas kayo‚” sambit ni Flor bago siya kumalas sa yakap.

Saktong pagkalas ni Flor sa yakap ay nahagip ng paningin niya si Ali sa nasa kaliwa ko na buhat-buhat pa rin ang walang malay na si Leo.

“Teka‚ si Leo ba ‘yan? Anong nangyari sa kaniya? Bakit siya nakatali?” nagtatakang tanong ni Flor na salubong ang kilay na nakatingin sa walang malay na si Leo na nakasampay sa balikat ni Ali.

“Mahabang kuwento‚” tipid kong tugon saka agad kong iniliko ang usapan para alamin ang lagay nina Luca. “Ayway‚ where’s Luca and Nikolai?” tanong ko.

Agad namang nabaling sa akin ang atensyon ni Flor dahil sa tanong ko.

“Kasalukuyan silang nagpapahinga. Katatapos lamang silang gamutin ng ilang manggagamot ng palasyo kaya wala na kayong dapat pang ipag-alala‚” nakangiting sagot ni Flor na nakapagpagaan ng pakiramdam ko.

Matapos kong matiyak na nasa maayos nang kalagayan ang magpinsan ay mabilis kong pinalutang sa ere si Leo para hindi na siya kailangan pang buhatin ni Ali. At nang matagumpay kong mapalutang sa ere ang walang malay na si Leo ay muli kong ibinaling ang tingin ko kay Flor.

“Nasaan ang reyna? Kailangan ko siyang makausap‚” tanong ko kay Flor na agad na ininguso si ate na nakaupo sa kaniyang trono.

“At bakit mo ako gustong makausap?” mataray na tanong ni ate na malamig nang nakatingin sa aking direksyon.

‘Kiana‚ ikaw ba ‘yan?’ tanong ni ate sa kaniyang isipan na malinaw kong narinig dahil sa angkin kong kakayahan.

Lihim na lamang akong napangiti dahil sa inasal ni ate at sa narinig kong sinambit niya sa kaniyang isipan. Hindi pa rin pala siya nagbabago. Pilit pa rin niyang pinagmumukhang mataray ang sarili niya sa harap ng iba.

“May kailangan kayong malaman‚” seryosong sagot ko kay ate saka ako naglakad palapit sa trono.

Nang makalapit ako sa trono ay agad akong tumigil sa tabi ni Yael at nag-angat ako ng tingin kay ate na nakaupo sa tronong kailangan pang akyatin gamit ang hagdan sa aming harapan.

“Ano ‘yon?” malamig na tanong ni ate na hindi mo kakikitaan ng interes kung ekspresyon ng mukha niya ang pagbabasehan.

“Nagsisimula nang kumilos ang mga kalaban. Dalawa sa mga naging kaklase ko ay kabilang sa kanila at isa rito ay minsan nang pinagtangkaan ang buhay ko habang ang isa ay nahuli kong nakamasid sa akin mula sa malayo. At hindi lang ‘yon... Nagpadala rin sila ng magpapanggap bilang prinsesa ng inyong kaharian na ngayon ay nag-aaral sa akademya. At ang huli nilang ginawa ay nag-utos sila ng isa sa kanila na makipagkaibigan sa amin at kanina lang ay pinagtangkaan niya akong dukutin‚” mahabang salaysay ko sa mga naging pagkilos ng mga kaaway saka saglit akong tumigil upang lingunin ang direksyon ni Leo.

Pagkalingon ko sa direksyon ni Leo ay agad ko siyang pinalutang patungo sa tabi ko para makita siya ni ate sa malapitan.

“Narito ang kanilang inutusan‚” wika ko habang na kay Leo pa rin ang tingin ko.

“At bakit mo naman sinasabi ang lahat ng ito sa ‘kin?” puno ng pagtatakang tanong ni ate na awtomatikong nagpalingon sa akin sa kaniyang direksyon.

“Dahil oras na para malaman mo na nagbalik na ako. Nagbalik na ang nag-iisang prinsesa ng kahariang ito. Karapatan mo ring malaman na malapit nang maisakatuparan ang nakasaad sa propesiya dahil naaalala ko na ang lahat... Naaalala ko na kung sino ako... ate‚” tugon ko at sinadya ko pang bitinin ang pagtawag ko sa kaniyang ate para makumbinsi ko siyang nagsasabi ako ng totoo dahil tanging ako lang ang tumatawag sa kaniya nang ganoon.

Kahit na sumilip sa mga mata ni ate ang pagkabigla sa mga sinabi ko ay hindi pa rin niya hinayaang makitaan siya ng emosyon. Sa halip kasi na ipakita niya na nabigla siya ay pinagtaasan lamang niya ako ng kilay.

“At bakit naman kita paniniwalaan? Anong katunayan mong ikaw nga ang totoong prinsesa at hindi ka isang impostor?” mataray na tanong ni ate na inaasahan ko na dahil hindi lang naman ako ang nagpapakilalang prinsesa ng Ardor Kingdom.

Dahil sa mapanghamong tanong ni ate ay taas-noo akong naglakad paakyat ng kaniyang trono. Tinangka pa akong pigilan ng dalawang kawal na nasa magkabilang gilid ng trono ngunit hindi na nila nagawa pang kumilos nang balutin ko ng yelo ang kanilang mga paa hanggang sa kanilang mga tuhod. Si ate naman ay nanatili lamang sa kaniyang pagkakaupo at tahimik lamang niya akong sinundan ng tingin hanggang sa tuluyan na akong makalapit sa kaniya.

“Gamitin mo sa akin ang kapangyarihan mong makapasok sa isip ng isang nilalang upang makita mo ang lahat ng alaala ko bilang si Kiana‚” panghahamon ko kay ate.

Sa halip na gawin ang sinabi ko ay binigyan lamang ako ni ate ng naguguluhang tingin na para bang hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin. At dahil sa pag-aalangang mababakas sa kaniyang mukha ay muli akong nagsalita.

“Alam mong hindi kita kayang linlangin sa paraang ito dahil tanging ikaw lamang ang may kakayahang pasukin ang isip ng isang nilalang bukod sa mga diyos at diyosa‚” dagdag ko para makumbinsi si ate na gamitin sa akin ang kapangyarihan niya.

Totoo ang sinabi kong kaya ni ate na pasukin ang isip ng isang nilalang na maaaring siyang ginamit niya para alisan ng alaala sina mommy. Ngunit hindi totoo ang tungkol sa sinabi ko na siya lamang ang may kakayahang gawin ito bukod sa mga diyos at diyosa dahil kaya ko rin itong gawin dahil nakasulat sa propesiya na tataglayin ko ang lahat ng kapangyarihan na mayroon sa mundong ito. Pero syempre‚ hindi ko gagamitin kay ate ang kapangyarihan ko dahil bukod sa hindi ko pa ito alam gamitin ay wala rin akong dahilan para gamitin ito dahil nagsasabi ako ng totoo.

Dahil sa sinabi ko ay agad kong nakumbinsi si ate na gawin ang pinagagawa ko sa kaniya. Kaya naman ay maingat siyang tumayo mula sa kaniyang pagkakaupo saka dahan-dahan niyang inilapat sa noo ko ang palad niya sa kaniyang kanang kamay. At nang sandaling dumikit ang balat niya sa noo ko ay bigla na lamang kumislap ang mga mata niya. Pagkatapos ay bigla ko na lamang nakita sa mga mata niya ang ilan sa mga alaala ko noong nabubuhay pa ako bilang Kiana.

Tumagal nang ilang minuto ang pag-alam ni ate sa laman ng memorya ko. At habang unti-unti siyang nalilinawan na ako nga si Kiana ay bigla na lamang siyang naluha. Kaya naman ay umiiyak na siya nang alisin niya ang kamay niyang nasa noo ko.

“Kiana‚ ikaw nga! Pamangkin ko!” tuwang-tuwang bulalas ni ate matapos niyang makita ang laman ng memorya ko saka sabik na sabik niya akong niyakap na agad ko namang tinugon.

Matapos akong ikulong ni ate sa mga bisig niya ay bigla na lamang akong naluha sa tuwa dahil sa wakas ay nakabalik na ako sa aking tahanan at nahanap ko na ang sarili ko.

“Ako nga‚ ate. Nagbalik na ako‚” umiiyak kong sambit at mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkakayakap ko kay ate.

“Natutuwa akong ligtas ka. Salamat at nagbalik ka‚ mahal kong pamangkin. Siguradong masaya si kuya na makitang magkasama tayo saanman siya naroroon‚” umiiyak na wika ni ate saka marahan niya akong ginawaran ng halik sa aking noo.

Bigla naman akong napahiwalay sa yakap nang may maalala ako matapos banggitin ni ate si ama.

“Ate‚ hindi lang po ako ang nagbalik. May kasama po ako‚” wika ko nang bigla kong maalalang nasa labas nga pala ng silid sina mommy‚ tahimik na nakaabang sa magiging resulta ng pag-uusap namin ni ate.

“Sino?” salubong ang kilay na tanong ni ate na halatang walang ideya sa kung sinong tinutukoy ko.

“Nasa labas sila. Gusto ka nilang makausap‚” tugon ko saka agad akong pumihit paharap sa direksyon ng pinto.

Nang makaharap ako sa direksyon ng pinto ay agad kong inangat ang kanang kamay ko at itinapat ko ito sa pinto. At gamit ang air charm ko ay binuksan ko ang pinto‚ dahilan para mapalingon sa amin sina mommy at daddy na magkaharap na nakatayo habang hawak-hawak nila ang mga kamay ng isa’t isa. Si ate naman ay ramdam ko ang paninigas matapos niyang makilala ang dalawang charmer na minsan nang dumurog ng kaniyang puso.

✨✨✨

Q: Ano kayang mangyayari sa tita at mga kinilalang magulang ni Thea? Ano na kayang susunod na hakbang ng ating bida?

To be continued...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top