CHAPTER 71: TWO-FACED

ALTHEA’S POV

Bigla akong nagising mula sa aking pagkakatulog nang may maramdaman akong presensya na palapit sa kinaroroonan ko. At upang alamin kung sino ang may-ari ng presensyang naramdaman ko ay dahan-dahan kong idinilat ang mga mata ko.

Pagkadilat ko ng mata ko ay muli rin akong napapikit nang mariin nang mabigla ako sa liwanag. Ngunit ilang segundo lamang ay nagawa ko nang magmulat nang tuluyan. Kaya naman ay dali-dali kong inilibot ang tingin ko sa paligid upang alamin kung nasaan ako bago ko alamin kung kaninong presensya ang naramdaman ko kanina.

Sa paggala ko ng aking tingin sa paligid ay agad kong napagtantong nasa bahay pa rin ako sa mismong tapat ng pinto‚ nakatali sa isang upuang sa palagay ko ay galing sa kusina habang may kung anong tela ang nakatakip sa bibig ko. Nakatayo si Luna sa bandang harapan ko habang nakatingin sa may pinto na para bang inaabangan niya ang pagsulpot ng may-ari ng presensyang aking naramdaman.

Matapos kong mapagtanto ang kasalukuyan kong sitwasyon ay wala sa sariling nagbaba ako ng tingin at ganoon na lamang ang tuwa ko nang mapansin kong maluwag ang pagkakatali ng lubid sa baywang at kamay kong nasa likuran ng upuan. Bukod dito ay wala ring kahit anong tali sa mga paa ko na nagpaisip sa ‘kin.

Ibig bang sabihin nito ay mas pinili ni Luna na pagkatiwalaan ako? Kahit naman kasi ginawa pa rin ni Luna ang balak niyang isuko ako sa mga kalaban kapalit ni Leo ay siniguro pa rin niyang makakatakas ako mula sa pagkakatali ko anumang oras ko naisin.

Hindi nga ako nagkamali ng tingin kay Luna. Isa siyang tunay na kaibigan at gagawin niya kung ano ang tama. Tiyak na nadala lamang siya ng emosyon niya noong una kung kaya naisipan niya akong traidorin.

Pinangunahan lang din siguro si Luna ng takot niya noon dahil ayaw niyang mawala si Leo. Ngunit kung tutuusin ay wala namang kailangang mawala. At sa sitwasyon ko ngayon ay tinitiyak kong walang magsasakripisyo sa amin ni Leo dahil pwedeng-pwede akong kumawala mula sa pagkakatali ko anumang oras. At kapag nakawala na ako ay madali lamang para sa akin ang labanan ang sinumang makakaharap ni Luna na siyang may hawak kay Leo. Madali na rin para sa amin ang magtungo sa lagusan gamit ang kakayahan kong mag-teleport. At kahit pa may humarang o pumigil sa amin na makabalik sa aming mundo o kahit pa may nag-aabang na kaaway sa aming pagbabalik ay madali lamang namin silang mapapabagsak dahil hindi na lang naman kami nina Luna at Ali ang makakalaban nila. Pati sina mommy at daddy ay tiyak kong makakalaban din nila lalo na’t dating kawal ng palasyo si daddy.

Wait... Speaking of mom and dad... where are they? Are they okay? And where’s Ali? Is he now awake?

Matapos sumagi sa isip ko sina mommy‚ daddy at Ali ay agad akong gumawa ng mind link sa pagitan namin ni Luna at siniguro kong hindi ito mapapasok ng lalaking papasok ng bahay na nakasuot ng itim na cloak na nakababa ang talukbong. Ngunit kahit na hindi natatakpan ang kaniyang mukha ay hindi ko pa rin magawang makilala ang lalaking papasok ng bahay dahil ito ang unang beses na nakita ko siya. Ngunit may pakiramdam akong hindi ito ang unang beses na nagkaharap kami na siyang hindi ko maintindihan. Pero sa halip na isipin ko pa kung bakit tila pamilyar siya sa akin ay mas pinili ko na lamang na kausapin si Luna sa pamamagitan ng mind link na ginawa ko.

‘Luna‚ nasaan sina mommy?’ tanong ko kay Luna gamit lamang ang aking isip habang nakatuon pa rin ang tingin ko sa lalaking naka-cloak na tuluyan nang nakapasok ng bahay at ngayon ay nakangisi na akong pinagmamasdan.

‘Huwag kang mag-alalaligtas sila. Nasa pangangalaga sila ni Ali‚’ tugon ni Luna na ikinahinga ko nang maluwag.

Ngayong alam ko nang magkakasama sina mommy‚ daddy at Ali ay panatag na ako. Tiyak kasi na anuman ang mangyari ay hindi ni Ali pababayaan ang mga magulang ko at gagawin niya ang lahat para maprotektahan sila.

“Mabuti naman at tumupad ka sa usapan natin‚” nakangising sabi ng lalaking nakaitim na cloak matapos niyang ibaling kay Luna ang tingin niya nang makuntento na siya sa ilang segundo niyang pagtitig sa akin.

“Tumupad na ako sa usapan natin kaya ibigay mo na sa akin si Leo!” sigaw ni Luna sa kaniyang kaharap‚ halatang hindi na siya makapaghintay na mabawi si Leo mula sa kamay ng mga kaaway.

Sa halip na magalit o mainis sa ginawang pagsigaw ni Luna ay malakas na humalaklak ang lalaking nasa aming harapan na ikinakunot ng noo ko.

“Sa tingin mo talaga ay tutupad ako sa usapan natin?” puno ng sarkasmong tanong ng lalaki saka bigla na lamang itong napahalakhak nang hindi agad makasagot si Luna. “Hangal ka kung ‘yan ang inaakala mo‚” tumatawang dagdag ng lalaki na ikinakulo ng dugo ko at ikinatalim ng tingin ko sa kaniya.

“Anong ibig mong sabihin? Ilabas mo si Leo ngayon din kung gusto mong makuha ang babaeng itinakda!” galit na sigaw ni Luna sa kaniyang kausap habang kasalukuyan nang nakakuyom ang kaniyang mga kamao.

Katulad kanina ay muli lamang tumawa ang lalaki sa halip na mainis sa muling pagsigaw ni Luna.

“Sige‚ pagbibigyan kita sa gusto mo‚ hangal na babae. Manood ka‚” nakangising saad ng lalaki na muling nagpakunot ng noo ko.

Kasabay ng pagkunot ng noo ko ay napaisip na lamang ako sa kung anong tinutukoy ng lalaki na ipapanood niya kay Luna at kung anong tumatakbo sa isipan niya sa mga oras na ito. Ngunit agad na naputol ang pag-iisip ko at napatulala na lamang ako nang makita ko kung paanong nagbago ang mukha at ayos ng lalaking nasa aming harapan matapos nitong ipitik ang kaniyang mga daliri sa kaliwang kamay. Mula sa lalaking naka-cloak na hindi ko kilala ay bigla na lang itong naging si Leo na nakasuot na ng uniform na para sa mga mag-aaral ng akademya.

‘Paano nangyari ‘yon? Sino ba talaga siya?’ naitanong ko na lamang sa aking sarili habang nanlalaki na ang mga mata kong nakatitig kay Leo.

“Leo?” hindi makapaniwalang tanong ni Luna na titig na titig na sa mukha ng kaniyang kaharap.

“Ako nga‚ Luna. Nagulat ba kita?” nakangising sagot ni Leo na malagkit na nakatingin kay Luna na para bang inaakit niya ito.

“Pero paano nangyari ‘yon? Nasaan na ang lalaki kanina?” naguguluhang tanong ni Luna at pilit pa niyang hinahanap ang lalaking kanina lamang ay kausap niya. Ngunit kahit saan siya tumingin ay hindi na niya ito natagpuan pa.

Napahalakhak nang malakas si Leo matapos niyang panoorin si Luna na parang tangang naghahanap sa lalaking hindi namin tiyak kung nag-e-exist nga ba talaga o likha lamang ng mahika para ikubli ang mukha ni Leo.

“Hindi mo pa rin ba makuha‚ mahal kong Luna? Ako at ang lalaking ‘yon ay iisa... Hangal!” nakangising wika ni Leo saka muli na naman siyang humalaklak na para bang nasisiyahan pa siya na nagawa niyang paglaruan si Luna na walang kamalay-malay na ginamit lang pala siya ng mga kaaway para ihandog niya ako sa kanila.

Agad namang kumulo ang lahat ng dugo ko sa katawan kasabay ng pagkuyom ng mga kamao ko sa aking likuran dahil sa nakakapang-init ng ulo na tawa ni Leo at dahil sa huling sinabi niya. Kanina pa kasi siya hangal nang hangal. E kung sapakin ko kaya siya sa bunganga para siya’y mabungal at para hindi na niya magawa pang humalakhak. Tsk! Pasalamat siya at nakakapagtimpi pa ako.

Matapos aminin ni Leo ang totoo ay napailing-iling na lamang si Luna nang marahas na tila ba pilit niyang iwinawaksi sa kaniyang isipan ang katotohanang isinusubo na sa kaniya ni Leo.

“Hindi! Hindi totoo ‘yan... Bihag ka nila‚ hindi ba? Kaya imposibleng ikaw ang lalaking ‘yon‚” pagkontra ni Luna na umiiyak na dahil sa kaniyang nalaman.

“Palabas lang ang lahat ng ‘yon... na pinaniwalaan mo naman‚” nakangising wika ni Leo saka siya nang-iinsultong tumawa. “Luna‚ Luna‚ Luna... Hindi mo pa rin ba maintindihan? Ginamit lang kita para makuha ko ang itinakda‚” natatawang dagdag ni Leo na may kasama pang pagkibit ng balikat na para bang wala lamang sa kaniya ang lahat.

Agad kong naramdaman ang biglang pagbabago ng kulay ng mata ko dahil sa mga sinabi ni Leo. Ramdam ko rin ang biglang panlilisik ng mga mata ko dahil sa labis na galit. Sino ba naman kasing hindi magagalit sa mga narinig ko? E halos mabaliw na si Luna sa pag-aalala sa kaniya at mas pinili pa siya ni Luna kaysa sa ‘kin na kaibigan niya tapos malalaman ko na lang na palabas lang pala ang lahat. Argh! Sarap niyang pagliyabin habang may nakapulupot sa katawan niya na baging na puno ng tinik.

“Sino ka ba talaga? Huwag mong sabihing hindi totoo si Leo?” nanlulumong tanong ni Luna na walang tigil pa rin sa kaniyang pag-iyak.

“Ang nakikita ninyo ngayong mukha ko ay ang totoong ako. Totoong ako si Leo pero lahat ng ipinakita ko sa inyo ay pawang kasinungalingan lamang. Ngunit dahil tatanga-tanga kayong lahat at dahil marupok ka ay madali ko lamang kayong napaniwala sa kasinungalingan ko‚” mapanuyang sagot ni Leo na nagpaigting ng panga ko at tuluyang nagpaliyab ng galit ko.

Dahil sa labis na galit ay agad na nabuhay sa loob ko ang kagustuhang sugurin si Leo. Kaya naman ay aalis na sana ako mula sa pagkakatali ko sa upuan. Ngunit hindi ko na nagawa pang kalasin man lang ang lubid na nakatali sa baywang at mga kamay ko nang maunahan ako ni Luna sa pagsugod kay Leo. Inisang hakbang niya lamang ang distansyang kanilang pagitan saka malakas niyang sinampal si Leo‚ dahilan upang mapabaling ang ulo nito sa ibang direksyon.

“Hayop ka! Sarili kong kaibigan ay pinagtaksilan ko para sa ‘yo‚ para sa pagmamahal ko sa ‘yo tapos ito pa ang igaganti mo? Manloloko ka! Manggagamit!” panunumbat ni Luna kay Leo at galit niya pa itong dinuro-duro saka muli sana niyang sasampalin si Leo ngunit mabilis na nahawakan ni Leo ang kamay niyang sasampal sana rito.

Matapos mahawakan ni Leo ang kamay ni Luna na sasampal sana sa kaniya ay malakas niyang itinulak si Luna‚ dahilan upang mapaupo si Luna sa sahig na mas lalong nagpaliyab ng galit ko. Ngunit ang literal na nagpaliyab ng buo kong katawan ay ang pagngisi ni Leo habang pinagmamasdan niya si Luna na nakasalampak na sa sahig at panay ang iyak‚ tila ba nasisiyahan pa siyang makitang miserable si Luna dahil sa kagagawan niya.

Dahil sa biglang pagliyab ng buo kong katawan ay agad na nasunog at naging abo ang telang nakatali sa bibig ko at maging ang lubid na nakatali sa baywang at mga kamay ko.

“Walang manggagamit kung walang magpapagamit‚” nakangising wika ni Leo at lalapitan niya pa sana si Luna na nakasubsob pa rin sa sahig ngunit mabilis ko siyang pinuluputan ng mga ugat sa buo niyang katawan kasabay ng marahas kong pagtayo.

Nang mapuluputan na ng ugat ang buong katawan ni Leo mula balikat hanggang paa niya ay muli ko pang ginamit ang kapangyarihan ko para higpitan ang pagkakapulupot ng mga ito sa katawan niya. Naging dahilan naman iyon upang mamilipit siya sa sakit.

“Pakawalan mo ako rito!” nagngangalit na sigaw ni Leo habang matalim na siyang nakatingin sa direksyon ko. Ngunit sa halip na pansinin siya ay nagmamadali akong lumapit sa kinaroroonan ni Luna para siya’y tulungan.

“Luna‚ ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ko kay Luna saka maingat ko siyang inalalayang tumayo.

“A-Ayos lang ako‚” nahihirapang sagot ni Luna‚ senyales na may iniinda siyang sakit dahil sa pagbagsak niya kanina sa sahig.

Dahil nga may iniindang sakit si Luna at kapansin-pansin din ang ilang ulit niyang pagngiwi ay agad kong iginiya si Luna palapit sa upuang inupuan ko kanina at maingat ko siyang pinaupo roon. Nang maayos ko na siyang maiupo ay pumuwesto ako sa harapan niya at agad kong inangat ang kanang kamay ko para sana gamutin siya. Ngunit nang may maramdaman akong itim na enerhiyang patungo sa direksyon ko mula sa aking likuran ay mabilis akong pumihit paharap sa direksyon ng pinto at agad kong ginamit ang kanang kamay ko upang labanan si Leo na nakawala na pala sa pagkakagapos ko sa kaniya.

Kahit pa biglaan lang ang naging pagharap ko kay Leo at pati na rin ang paggamit ko ng kapangyarihan ko para labanan ang atake niya ay hindi pa rin nawala sa konsentrasyon si Leo. Nakipagsukatan siya sa akin ng lakas at hindi siya umurong kahit pa noong mapaluhod na siya habang nanatili naman akong nakatayo at malamig na nakatingin sa kaniya.

Matapos mapaluhod si Leo ay ginamit ko na rin maging ang isa ko pang kamay upang matapos na ang pagtatagisan namin ng lakas na siya namang nangyari dahil ilang segundo lamang ay bumagsak na siya sa sahig at nawalan siya ng malay matapos niyang malakas na mapadaing.

Nang mawalan ng malay si Leo ay agad ko siyang iginapos gamit ang pinaghalo-halo kong kapangyarihan upang hindi na siya makawala pa. Siniguro ko ring hindi ito basta-basta matatalo ng taglay niyang itim na kapangyarihan kung sakali mang tangkain niya itong labanan.

Nang masiguro ko nang hindi na makakawala pa si Leo sa pagkakagapos ko sa kaniya ay muli kong hinarap si Luna at dali-dali akong lumapit sa kaniya upang siya’y gamutin.

“Nasaan sina mommy?” agad kong tanong kay Luna nang matapos ako sa paggamot sa kaniya.

“Nasa taas sila‚” walang buhay na tugon ni Luna na mukhang hindi pa rin magawang paniwalaan at tanggapin ang mga nalaman niya.

“Dito ka lang. Bantayan mo si Leo at huwag na huwag mo siyang hahayaang makawala. Pupuntahan ko lang sina mommy sa taas‚” mahigpit kong bilin kay Luna bago ako nagmamadaling umakyat sa ikalawang palapag ng bahay.

“Mom? Dad? Ali?” agad kong tawag kina mommy kahit pa nasa may hagdan pa lang ako.

Paulit-ulit ko pang tinawag sina mommy habang paakyat ako ng ikalawang palapag at tumigil lamang ako sa katatawag sa kanila nang makita ko silang lumabas mula sa pinakadulong silid sa gawing kaliwa ng hagdan.

“Anak!” may pag-aalalang tawag sa akin ni mommy nang magtagpo ang aming tingin saka patakbo siyang lumapit sa akin na agad ding sinundan nina daddy at Ali na parehong nag-aalalang nakatingin sa ‘kin.

Nang sandaling makalapit sa akin si mommy ay agad niya akong niyakap na agad ko rin namang tinugon. At maging si daddy ay sumali na rin sa aming yakapan nang makalapit siya sa amin.

Medyo matagal din ang naging yakapan namin nina mommy at wala pa sana kaming balak kumalas sa yakap ngunit kinailangan ko na silang pakawalan nang maalala kong maaaring sumugod ang mga kasamahan ni Leo anumang oras.

“Mom‚ dad‚ kailangan na nating umalis dito bago pa dumating ang mga kalaban‚” may pagmamamdaling sabi ko kina mommy bago ko binalingan ng tingin ang tahimik na nakamasid na si Ali. “Ali‚ mauna ka na sa baba. Ikaw na ang bahala kina Leo at Luna‚” pagbaling ko kay Ali.

Tipid lamang na tumango sa akin si Ali bago siya nagmamadaling bumaba.

Nang makaalis si Ali ay muling nalipat kina mommy at daddy ang atensyon ko.

“Wala na po ba kayong kailangang dalhin?” tanong ko kina mommy para madala na nila ang anumang mahalagang bagay ang gusto nilang dalhin sa pag-alis namin.

Agad na napailing si mommy sa tanong ko. “Wala na‚ anak. Kaligtasan mo lang ang mahalaga sa amin ng daddy mo‚” tugon ni mommy saka bigla na lamang niya akong hinawakan sa kanang kamay. “Kaya tayo na‚” yaya niya sa akin na agad ko namang sinunod.

Nagmamadali na kaming bumaba habang nakahawak pa rin si mommy sa kamay ko samantalang tahimik lang namang nakasunod sa amin si daddy. At nang marating namin ang unang palapag ng bahay ay naabutan namin si Ali na buhat-buhat na sa kanang balikat niya ang walang malay na si Leo na nakatali pa rin hanggang ngayon habang si Luna naman ay tahimik lang sa tabi niya. Marahil ay hindi pa rin ni Luna matanggap ang natuklasan niya tungkol sa pagkatao ng lalaking mahal niya. Maaari ding lubha siyang nasaktan sa nalaman niya na nagpanggap lang pala si Leo at ginamit lang siya nito.

“Thea‚ tayo na! Kailangan na nating makaalis dito!” may pagmamadaling yaya sa akin ni Ali nang matuon sa akin ang kaniyang tingin.

“Tayo na‚” yaya ko sa kanilang lahat na naging hudyat upang magmadali na kaming lahat na lumabas ng bahay.

Malalaki ang hakbang na tinahak naming lima ang daan palabas ng bahay. Ngunit nang makalabas kami ng gate ay bigla akong napatigil sa paglalakad nang bigla kong maalala ang halaga ng bahay na aming iiwan at ang mga alaalang nabuo namin sa bawat sulok ng bahay.

“Bakit ka tumigil?” nagtatakang tanong ni Luna na siyang katabi ko sa paglalakad habang nasa unahan naman namin sina mommy‚ daddy at Ali na pare-parehong napahinto at napaharap sa amin nang magsalita si Luna.

Sa halip na sagutin ang tanong ni Luna ay itinuon ko kay daddy ang tingin ko upang siya’y tanungin.

“Dad‚ kaya mo bang gumawa ng barrier?” tanong ko kay daddy.

“Patawad‚ anak‚ ngunit tanging mga malalakas lamang na charmer ang may kakayahang gumawa ng barrier‚” tugon ni daddy na agad na nagpaisip sa ‘kin.

Kung ganoon ay ako lang pala ang makagagawa ng barrier sa aming lima. Pero paano? Paano ako makakagawa ng barrier na poprotekta sa buong bahay?

‘Isipin mo lang kung anong gusto mong gawin at ito’y magagawa mo. Basta’t isapuso mo lamang ito at sapat na konsentrasyon lamang ang iyong kailangan‚’ payo sa akin ng isang boses na bigla na lamang lumitaw sa aking isipan. Ang boses na ito ay ang siya ring boses na nakausap ko noong araw bago ako mapadpad sa nakatagong paraiso nina Almira.

Kahit na hindi ko pa kilala kung sino ang may-ari ng boses na aking narinig ay walang pag-aalangan ko pa ring sinunod ang sinabi nito. Dali-dali akong pumihit paharap ng bahay saka marahan kong ipinikit ang mga mata ko at pinakiramdaman kong mabuti ang aking paligid katulad ng parati kong ginagawa. Pagkatapos ay ibinuka ko ang aking mga braso at inipon ko lahat ng enerhiya sa magkabilang kamay ko habang isinasaisip at isinasapuso ko ang gusto kong mangyari.

Nang makaramdam na ako ng kakaibang enerhiyang bigla na lang lumitaw o nabuo sa magkabila kong kamay ay mabilis akong nagmulat ng mata. Pagkadilat ko ay agad kong ibinaling ang tingin ko sa aking mga kamay na bigla na lamang nagkaroon ng bulang napakalinaw na naglalaman ng makulay na bagay na palutang-lutang sa loob nito.

Matapos kong makumpirmang nagtagumpay akong magpalabas ng enerhiyang kakailanganin ko sa gagawin ko ay tila may sariling isip na kumilos ang mga kamay ko. Bigla na lamang itong kumilos patungo sa isa’t isa at nang magtabi ang mga kamay kong nakabukas sa mismong harapan ko ay kusa na lamang lumutang ang mga bulang nasa kamay ko patungo sa pinakaitaas ng bahay. At nang marating ng mga bula ang pinakagitna ng rooftop ay bigla na lamang nagsanib ang mga ito at unti-unti itong lumaki hanggang sa sakupin na nito ang buong bahay kasama na ang pader na nakapalibot dito.

Kaagad na sumilay ang malawak na ngiti sa mga labi ko matapos mabalutan ng barrier ang buong bahay. Bukod kasi sa nagtagumpay ako ay napakaganda ring pagmasdan ng kinalabasan ng ginawa ko. Para na kasing nasa loob ng isang bula ang bahay dahil sa transparent barrier na bumabalot dito na may taglay na kakaibang liwanag at iba-ibang kulay na parang sumasabay sa agos ng tubig na siyang sumisimbolo sa kapangyarihang taglay ko.

Nang makuntento na ako sa ilang minuto kong pagtanaw sa naging resulta ng ginawa ko ay agad akong pumihit paharap kina mommy na mga nakatingala na sa bahay.

“Halina kayo. Nauubusan na tayo ng oras. Baka sumunod na rito ang iba pang Darkinians‚” yaya ko sa kanilang lahat.

Matapos kong magyayang umalis na ay dali-dali namang lumapit sa akin ang mga kasama ko at nagkani-kaniya sila ng hawak sa balikat‚ braso at kamay ko. At nang makahawak na silang lahat sa ‘kin ay agad na akong nag-teleport kasama silang lahat patungo sa mismong harapan ng punong nagkukubli ng lagusan na maghahatid sa amin sa kabilang mundo.

Pagkarating na pagkarating namin sa aming destinasyon ay agad na dumistansya sa akin ang mga kasama ko. Ako naman ay pinilit kong alalahanin ang sinabi noon ni Kaiden para mapalabas ang gintong bato na susi para mabuksan ang lagusan. At nang magawa ko itong maalala ay walang pag-aalangan ko itong inusal.

“Hidden way to the magical world which only appears when it is called‚ I‚ Princess of the Ardor Kingdom‚ command you to show yourself‚” pag-usal ko sa mga binitiwang kataga noon ni Kaiden.

Ilang saglit nga lang ay lumitaw na ang gintong bato sa tabi ng puno na mabilis kong pinindot‚ dahilan para lumabas ang mahiwagang lagusan na aming sadya.

“Tayo na‚” yaya ko sa mga kasama ko nang hindi man lang sila tinitingnan mula sa aking likuran at nauna na akong pumasok ng lagusan para bumalik sa mundo kung saan ako tunay na nabibilang.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top