CHAPTER 67: THEIR PLEAS

ALTHEA’S POV

Nang sandaling makalabas kami ng lagusan ay agad akong nag-teleport kasama sina Ali at Luna patungo sa bahay. At gamit ang kapangyarihan ko ay madali kaming nakarating sa mismong tapat ng aming bahay na tulala ko na lamang na tinitigan dahil sa mga alaalang biglang nanariwa sa aking isipan.

Kung titingnan ang bahay na nasa aming harapan ay sobrang ayos ng itsura nito at maraming naggagandahang halaman ang nakatanim sa hardin. Sa unang tingin ay parang wala itong pinagbago at mukhang alagang-alaga pa rin ito na tila ba hindi ito sinalakay ng mga lalaking nakaitim‚ bagay na nagpalakas lalo ng paniniwala kong buhay ang mga magulang ko. Sila lang naman kasi ang kilala at alam kong pupuwedeng magpanatili ng kalinisan at kagandahan ng bahay lalong-lalo na ng hardin.

“Thea‚ hindi ka pa ba papasok?” tanong ni Ali na nakapukaw ng atensyon ko.

Dahil sa tanong ni Ali ay bigla akong natauhan at doon ko lamang napagtantong kanina ko pa pala pinagmamasdan ang bahay na nasa aming harapan na malaking parte ng buhay ko.

“Tayo na sa loob‚” yaya ko kina Ali at nauna na akong naglakad papasok ng bahay habang tahimik namang sumunod sa akin sina Ali at Luna.

“Mom? Dad?” agad kong tawag kina mommy at daddy kahit na hindi pa kami tuluyang nakakapasok ng bahay.

“Mom? Dad? Are you there?” paulit-ulit kong tawag kina mommy’t daddy habang papasok kami ng bahay.

Hindi ako tumigil sa katatawag kina mommy hanggang sa makapasok kami ng bahay na kinailangan pa naming gamitan ng kapangyarihan para lamang mabuksan. At nang sa wakas ay makapasok na nga kami ng kabahayan ay una kong pinuntahan ang kusina. Ngunit hindi ko sila nakita sa kusina. Kaya naman ay agad akong umakyat sa ikalawang palapag ng bahay at isa-isa kong sinuyod ang lahat ng kwarto maging ang mga banyo sa bawat kwarto. Pero hindi ko pa rin nakita ni anino nila. Kaya naman ay nanlulumo akong bumaba at bagsak ang balikat na naupo ako sa pang-isahang sopa sa sala kung saan naabutan ko sina Luna at Ali na magkatabing nakaupo sa three-seater na sofa.

“Ano? Nakita mo ba sila?” pambungad na tanong sa akin ni Luna matapos kong pabagsak na maupo sa sopa.

Naluluha na lamang akong napailing bilang tugon sa tanong ni Luna.

Dali-dali namang lumapit si Ali sa akin at nang makalapit siya sa ‘kin ay maingat siyang naupo sa armrest ng sofa na kinauupuan ko at patagilid niya akong niyakap upang aluin.

“Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Makikita mo rin sila‚” wika ni Ali sa nang-aalong boses habang yakap-yakap pa rin niya ako.

Dahil sa nang-aalong boses ni Ali at dahil sa init ng yakap niya ay bigla na lamang nag-unahan sa pagtulo ang mga luha kong kanina pa nagbabadyang tumulo. At kasabay ng pagtulo ng luha ko ay napapihit na lamang ako paharap kay Ali at walang sabi-sabi ko siyang niyakap para ilabas sa kaniya lahat ng frustrations ko.

“Bakit gano’n? Sigurado naman ako sa narinig ko... Sigurado akong boses nila ang narinig ko... Pero bakit wala sila rito? Bakit hindi ko sila makita?” humihikbing tanong ko kay Ali.

Sa gitna ng pag-iyak ko habang nakayakap pa rin ako kay Ali ay bigla kong naramdaman ang marahang paghagod ni Luna sa aking likod.

“Thea‚ huwag kang mawawalan ng pag-asa. Makikita mo rin sila at muli kayong magkakasama. Tatagan mo lang ang loob mo. Muli ring mabubuo ang pamilya ninyo‚” pagpapalakas ni Luna ng loob ko na kahit papaano ay nakabawas sa frustrations na nararamdaman ko at muling nagpaapoy ng pag-asa sa puso ko.

“Sana nga. Sana nga makita’t makasama ko na sila ulit... I miss them so much...” lumuluha pa ring sambit ko.

“Thea‚ anak?” sambit ng kung sino mula sa aking likuran na biglang nagpaurong ng mga luha ko at nagpabilis ng tibok ng puso ko.

Kasabay ng pag-urong ng mga luha ko ay ang unti-unting pagluwag ng yakap sa akin ni Ali hanggang sa pakawalan na niya ako mula sa pagkakakulong ko sa mga bisig niya. Ako naman ay nanginginig ang kamay na bumitiw rin mula sa pagkakayakap ko kay Ali saka dahan-dahan akong lumingon sa aking likuran kung saan nanggaling ang boses na narinig ko.

Sa paglingon ko sa aking likuran ay agad na natuon ang tingin ko sa babaeng nag-aruga sa akin‚ dahilan para muling rumagasa ang mga luha ko. At bago pa man mag-sink in sa akin ang nangyayari ay agad na akong tumayo mula sa pagkakaupo ko at mabilis akong tumakbo palapit kay mommy na agad akong sinalubong ng napakainit at napakahigpit na yakap na hindi ko inakalang muli ko pang mararamdaman matapos ang mga nangyari.

Si daddy naman na nakatayo sa tabi ni mommy ay agad ding yumakap sa amin.

“You’re alive!” masiglang bulalas ko habang nag-uunahan pa rin sa pagtulo ang mga luha ko.

“Princess‚ ikaw nga...” umiiyak na sambit ni daddy na mukhang hindi rin makapaniwala noong una na yakap-yakap na niya ulit ako matapos ang mahabang panahon.

“Akala ko hindi na kita makikita ulit. Alalang-alala kami ng mommy mo sa ‘yo. Walang araw na hindi ka namin inisip... Mahal na mahal ka namin‚ anak. At labis na tuwa ang nararamdaman ko ngayong magkakasama na ulit tayo‚” dagdag ni daddy na halo-halong emosyon ang mababakas sa boses. Nariyan ang galak‚ pangungulila‚ pag-aalala at takot.

“Akala namin kung ano na ang nangyari sa ‘yo. Buong akala namin ay sinaktan ka rin nila. Akala ko wala ka na‚” humihikbing wika ni mommy na mas humigpit pa ang pagkakayakap sa akin na para bang wala na siyang balak pang bitiwan ako sa takot na muli akong mawala sa kanila.

“Hindi po ninyo alam kung gaano ako kasaya na ligtas kayo‚” umiiyak pa ring sambit ko at mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkakayakap ko kay mommy dahil sa takot na maaaring panaginip lang ito.

Natatakot akong baka sa oras na kumalas ako sa yakap ay bigla na lang maghalo sina mommy’t daddy.

“Patawarin po ninyo ako kung ngayon lang ako nakabalik. Patawarin po ninyo ako kung dahil sa akin ay napahamak kayo‚” humahagulhol kong sabi nang biglang sumagi sa aking isipan ang posibilidad na kaya kami sinugod noon sa mansion ay dahil sa akin at sa hangarin ng Darkinians na kunin ako.

“Sshhh... Wala kang kasalanan‚ anak. Kaya huwag na huwag mong sisisihin ang sarili mo‚” pag-aalo sa akin ni mommy na panay na ang hagod sa aking likod.

“Tama ang mommy mo‚” pagsang-ayon ni daddy sa sinabi ni mommy habang ramdam ko ang paghagod niya sa buhok ko.

“Hindi mo kasalanang nalagay kami sa panganib. Kung tutuusin nga ay utang pa namin sa ‘yo ang buhay namin ng mommy mo. Dahil kung hindi dahil sa ‘yo ay wala na sana kami sa mundong ito‚” dagdag pa ni daddy na biglang nagpaurong ng mga luha ko at nagpahiwalay sa akin kina mommy at daddy dala ng kaguluhan ng isip.

“Ano pong ibig ninyong sabihin?” naguguluhang tanong ko.

“Ikaw ang nagligtas sa amin‚ anak‚” sagot ni mommy na malamlam na nakatingin sa akin habang may masuyong ngiting nakapinta sa mga labi niya.

Mas lalo namang gumulo ang isip ko dahil sa sinabi ni mommy na hindi ko alam kung tama ba ang pagkakarinig ko o namali lang ako ng dinig. Napakaimposible kasi ng sinasabi ni mommy dahil wala na silang buhay nang iwan ko sila. Malinaw ko pa ngang naaalala na bago ko sila iwan ay tumigil na sa pagpintig ang mga puso nila at maging ang temperatura nila ay bumagsak na rin.

Wait! Balik tayo sa huling naaalala ko... Tumigil ang pintig ng puso nila at bumagsak ang kanilang temperatura noong iyakan ko ang walang buhay nilang katawan. Pagkatapos ay sinugatan ko ang sarili ko at pinatulo ko sa kanila ang dugo ko tulad ng ginawa ko noon kay Kaleb na naging paraan para mailigtas ko ang buhay ni Kaleb.

Tama! Ginawa ko rin sa kanila ang ginawa ko noon kay Kaleb! Kaya posibleng nailigtas ko rin sila gamit ang dugo ko katulad ng kung paano ko nailigtas noon si Kaleb. Pero... posible nga ba talaga ‘yon kahit pa hindi ko pa alam kung paano gamitin ang kapangyarihan ko noong mga panahong ‘yon?

“Sa reaksyon mo ay mukhang hindi ka makapaniwala sa nalaman mo‚” komento ni mommy na titig na titig na sa mukha ko.

“Ang hirap naman po kasing paniwalaan ng sinabi ninyo‚” pag-amin ko dahil iyon naman talaga ang totoo.

“Kung gayon ay hayaan mong ipaliwanag sa ‘yo ng daddy mo ang nangyari‚” wika ni mommy at muli pa siyang ngumiti sa ‘kin bago niya sinenyasan si daddy na ipaliwanag sa akin kung paano sila nakaligtas.

“Your tears made our heart and body freeze. Kaya hindi kumalat ang kamandag ng kapangyarihang tumama sa amin ng mommy mo‚” paliwanag ni daddy na agad ko namang naproseso at pinaniwalaan dahil sa ice charm ko na minsan na ring nagkulong kay Vera sa yelo.

“Kung ganoon ay paano po kayo nakaligtas at nakawala sa pagkaka-freeze ko sa inyo?” puno ng kuryusidad kong tanong.

Sa pagkakatanda ko ay maaaring mamatay ang sino mang na-freeze ang puso at katawan nang matagal dahil mauubusan sila ng hangin sa katawan at walang mag-su-supply ng dugo sa katawan nila. Ganoon kasi ang nangyari kay Vera nang balutin ko siya ng yelo. Kamuntik-muntikan na siyang malagutan ng hininga.

“Your blood healed us and brought us back to life. Pero kung tutuusin ay hindi naman talaga kami namatay. Saglit lang na tumigil sa pagpintig ang mga puso namin dahil sa pagkaka-freeze namin. At dahil ikaw ang nag-freeze sa amin kaya ikaw lang din ang may kakayahang mag-unfreeze sa amin at nagawa mo iyon noong patuluan mo kami ng iyong sariwang dugo. Ngunit sa lakas ng kapangyarihang tumama sa amin at dahil sa paglalakbay ng aming isipan at kaluluwa sa aming nakaraan ay matagal bago kami nagkamalay‚” mahabang paliwanag ni daddy na nagpakunot ng noo ko dahil sa huli niyang sinabi.

“Paanong naglakbay po ang isipan at kaluluwa ninyo?” nagtatakang tanong ko.

Si daddy na nga mismo ang nagsabi na hindi sila namatay kaya imposible namang naging multo sila. Kaya kung hindi sila namatay at hindi sila naging multo‚ paano sila nakapaglakbay habang tulog?

“Hindi mo lamang kami iniligtas sa bingit ng kamatayan‚ anak. Tinulungan mo rin kami upang maalala namin ang aming nakaraan gamit ang iyong kapangyarihan‚” nakangiting sagot ni daddy na mas lalo lamang nagpadami ng tanong na naglalaro sa isipan ko.

Paanong tinulungan ko silang maalala ang nakaraan nila? E hindi naman sila nagka-amnesia. The last time I checked‚ ako ang may amnesia‚ hindi sila. Kaya ano itong sinasabi ni daddy na tinulungan ko silang makaalala? Naalog ba ang utak nila? O baka naman naglalakbay pa rin hanggang ngayon ang isip nila kaya wala sila sa sarili nila?

“Hindi ko po kayo maintindihan. Paanong nakaalala kayo? Wala naman po kayong amnesia‚ hindi ba?” naguguluhang tanong ko.

“Tama ka‚ anak. Wala nga kaming amnesia dahil kusang binura ang mga alaala namin ng mommy mo‚” tugon ni daddy na mas lalo lamang nagpagulo ng isip ko.

Totoo nga kayang kusang binura ang alaala nina daddy? Kung oo‚ sinong bumura? E hindi ba’t iyon din ang itinuturong dahilan ng lahat kung bakit wala pa rin kaming maalala ni Jane? Pero imposible ang sinasabi ni daddy dahil isa siyang mortal at walang kakayahan ang isang mortal na alisan ng alaala ang kapwa niya mortal.

“Pero isa kayong mortal. Paanong may nagbura ng alaala ninyo?” naguguluhan pa ring tanong ko dahil hindi ko talaga maintindihan ang mga sinabi ni daddy.

“Iyon din ang akala namin. Pero hindi kami isang mortal‚ anak. Kami ay charmer at hindi ang mundong ‘to ang aming tahanan‚” tugon ni ina na nagpatigil ng mundo ko.

Pakiramdam ko ay nabingi ako sa sinabi ni mommy. Ramdam ko rin mula sa aking likuran kung paanong natigilan sina Ali at Luna na tahimik lamang na nakikinig sa usapan naming tatlo.

Dahil sa isiniwalat ni mommy ay nagsunod-sunod sa pagpasok sa isip ko ang napakaraming tanong. Tama ba ang pagkakarinig ko? Talaga bang charmer sila? Kung oo‚ ito na ba ang sagot na matagal ko nang hinihintay? Kasi kung charmer nga sila ay hindi na nakakagulat pa kung bakit may kapangyarihan akong taglay. Pero kung sina mommy nga ang totoo kong magulang at sa kanila nanggaling ang kapangyarihang taglay ko‚ ibig bang sabihin nito ay hindi ako si Kiana? Kung sila kasi ang tunay kong mga magulang ay imposibleng maging ako si Kiana dahil ayon sa lahat ay ang hari at reyna ng Ardor Kingdom ang mga magulang ni Kiana. Pero kung hindi ako si Kiana‚ sino ba talaga ako? Anong tunay kong pangalan at bakit pare-pareho kami nina mommy na tinanggalan ng alaala?

“Alam kong naguguluhan ka sa mga nalaman mo‚ anak. Alam ko ring hindi ka makapaniwala sa iyong natuklasan. Ngunit ito ang totoo... Pareho kaming charmer ng daddy mo at pareho rin kaming nagkasala sa isa sa mga maharlika kaya tinanggalan kami ng alaala at ipinatapon sa mundong ito‚” may bahid ng lungkot na wika ni mommy na pumutol sa pag-iisip ko.

“Kung ganoon ay ibig bang sabihin nito na kasama ako sa naparusahan bilang anak ninyo? Kaya ba maging ako ay inalisan nila ng alaala?” agad kong tanong nang biglang magkakone-konekta ang mga pangyayari mula sa kawalan ko ng alaala sa nakaraan ko hanggang sa parusang ipinataw kina mommy na maaaring nadamay rin ako.

Ngayon ay unti-unti nang nagiging malinaw sa akin ang lahat. Maaaring nadamay lang ako sa kasalanan nina mommy kaya inalisan din ako ng alaala at kaya ako napadpad sa mundo ng mga mortal. Ngunit ang hindi pa rin malinaw sa akin ay kung bakit pati ako ay inalisan ng alaala gayong masyado pa naman akong bata noong mga panahong magkasala sina mommy.

Sa halip na sagutin ang tanong ko ay lumuluhang kinuha ni daddy ang kaliwang kamay ko gamit ang kanang kamay niya at maingat niya itong ikinulong sa pagitan ng dalawa niyang kamay habang nangungusap ang matang nakatingin siya sa ‘kin.

“Anak‚ patawarin mo ako kung inilihim ko sa ‘yo nang matagal na panahon ang tungkol sa tunay mong pagkatao. Ayoko lang mawala ka at lumayo ang loob mo sa amin kapag nalaman mo ang katotohanang matagal na naming inililihim sa ‘yo‚” biglang paghingi ng tawad ni daddy na hindi ko maunawaan kung para saan.

Ano na naman ito? Nandito na naman tayo sa tunay kong pagkatao na katanungan pa rin sa akin hanggang ngayon! Ano ba kasing mayroon sa nakaraan ko at bakit inililihim ng lahat ng nakapaligid sa akin ang mga nalalaman nila?

“Anak‚ patawarin mo rin sana ako. Noon ko pa dapat sasabihin sa ‘yo ang tungkol sa tunay mong pagkatao ngunit pinigilan ako ng daddy mo. Patawarin mo ako‚ anak... Patawarin mo ako kung hindi ko sinabi sa ‘yo agad ang totoo. Katulad ng daddy mo ay natakot lang din akong mawala ka sa oras na malaman mo kung sino ka talaga‚” umiiyak ding paghingi ng tawad ni mommy na mas lalong ikinagulo ng isipan ko.

“Ano bang nangyayari? Naguguluhan na ako... Bakit ba kayo humihingi ng tawad? Wala kayong kasalanan kung tinanggalan nila ako ng alaala. Biktima lang din kayo!” tuloy-tuloy kong saad at hindi ko na napigilan pa ang bahagyang pagtaas ng boses ko dahil sa mga sinasabi nina mommy at daddy na nagpapagulo lalo ng isipan ko.

“Anak‚ patawad... Patawad kung naging makasarili kami. Pinangunahan lang talaga kami ng takot namin noon‚” muling paghingi ni daddy ng tawad sa nagsusumamong boses saka bigla siyang humugot ng malalim na hininga na para bang nag-iipon siya ng lakas ng loob. “Ngunit marahil ay panahon na para malaman mo ang katotohanang matagal naming itinago sa ‘yo‚” pahabol na saad ni daddy na ikinakunot ng noo ko. Ngunit agad ding nawala ang pagkakakunot ng noo ko nang sumagi sa isipan ko na maaaring ang katotohanang tinutukoy ni daddy ay ang kasagutang matagal ko nang inaasam.

“Ano pong katotohanan? Sasabihin na po ba ninyo sa akin kung sino talaga ako? Kung sino talaga tayo bago tayo mapadpad sa mundong ito?” nananabik kong tanong sa pag-asang sa araw na ito na magtatapos ang misteryong bumabalot sa pagkatao ko.

“Hindi‚ anak. Hindi namin maibibigay ang sagot na hinahanap mo. Hindi namin masasagot ang mga katanungan mo patungkol sa iyong nakaraan‚” umiiling-iiling na tugon ni daddy na muling nagpakunot ng noo ko.

“Ano pong ibig ninyong sabihin? Hindi ko kayo maintindihan. Kayo ang mga magulang ko kaya paanong hindi ninyo hawak ang kasagutang hinahanap ko tungkol sa nakaraan ko?” naguguluhang tanong ko.

Katulad kanina ay humugot pa muna si daddy ng malalim na hininga bago niya sinagot ang tanong ko.

“Wala sa amin ang kasagutan dahil maging kami ay hindi namin alam ang iyong pinagmulan at kung sino ang iyong tunay na mga magulang‚” walang paligoy-ligoy na tugon ni daddy na yumanig ng mundo ko.

Pakiramdaman ko ay gumuho ang mundo ko sa narinig ko at naramdaman ko na lamang ang biglang pagbigat ng dibdib ko kasabay ng pagkabuhay ng matindi kong pagnanais na umiyak at sumigaw nang napakalakas para ilabas ang bigat ng nararamdaman ko. Pero sa kabila ng matindi kong pagnanais na umiyak at sumigaw ay hindi ko ito magawa. Kahit anong bigat ng dibdib ko ay hindi ko na nagawa pang umiyak na tila ba naubusan na ako ng luha. Kaya naman ay nanghihina na lamang akong napaluhod sa sahig habang sapo-sapo ko ang dibdib ko kung nasaan ang puso ko. At kasabay ng pagluhod ko ay isa-isa na akong inulan ng mga tanong at unti-unti na rin akong kinapos ng hininga.

Ano bang kasalanan ang nagawa ko? Bakit nangyayari sa akin ‘to? Ano pa ba? Ano pa bang delubyo ang darating sa buhay ko? Bakit ba puro pasakit na lang ang nararanasan ko? Ang gusto ko lang naman ay malaman kung sino talaga ako. Pero bakit nangyayari sa akin ‘to? Kasalanan bang gumawa ako ng isang bagay para naman sa sarili ko kahit ngayon lang? Kasalanan bang hilingin kong makilala ang sarili ko?

Bakit? Bakit nangyayari sa akin ‘to? Sino ba talaga ako? At bakit ang ilap-ilap sa akin ng katotohanang matagal ko nang inaasam-asam? Hanggang kailan ba ako maghahanap ng kasagutan? Hanggang kailan ba ako magdurusa?

Please naman‚ tama na... Ayoko na. Hindi ko na kaya... Durog na durog na durog na durog na ako...

✨✨✨

ATHENA’S POV

Mula nang umalis si Gwyn sa kalagitnaan ng pagdiriwang kagabi ay hindi ko na siya ulit nakita pa. Maging ang mga kaibigan niya ay wala rin sa akademya at walang nakakaalam kung nasaan sila at kung bakit sabay-sabay silang nawala. Ni hindi nga kami sigurado kung magkakasama ba sila. Basta ang sigurado ko lang ay may hindi tama. Masama rin ang kutob ko. Parang may hindi magandang mangyayari.

May tiwala naman ako sa mga kaibigan ni Gwyn at alam kong hindi siya pababayaan ng mga ‘yon lalo na ni Ali pero hindi ko talaga maiwasang magpadala sa masamang kutob ko. Hindi ko rin maiwasan ang mabahala sa lagay niya. Para kasing may mali... At mas lalo pang lumakas ang kutob ko na may masamang mangyayari nang hindi ko mahanap si Gwyn kahit pa ilang ulit ko nang tinangkang hanapin siya gamit ang kakayahan kong makakita mula sa malayo.

“Athena‚ ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ng higad na kasama kong tumatambay sa field na nakapukaw ng atensyon at nagpalingon sa akin sa gawing kaliwa ko kung saan nakaupo ang higad.

“Ayos lang ako‚” tipid kong tugon at pilit ko pang nginitian ang higad para lang hindi na siya mang-usisa pa.

“Siya nga pala‚ nasaan si Kaiden?” tanong ko para iliko ang aming usapan kahit pa alam ko naman na kung saan ko maaaring matagpuan si Kaiden kapag ganitong hindi niya kasama ang higad na wagas kung makalingkis sa kaniya.

“Nasa conference room yata kasama si Kaleb‚” kibit-balikat na tugon ng higad.

“Ganoon ba? Sige‚ puntahan ko muna sila. Ayos ka lang naman dito‚ hindi ba? Susunduin ko lang sila saglit para sabay-sabay na tayong kumain sa canteen‚” paalam ko nang sa gano’n ay magkaroon ako ng dahilan para lumayo sa higad nang hindi niya nahahalatang umiiwas ako sa kaniya.

“Sige‚ ayos lang. Basta balik ka kaagad ah‚” nakangiting sagot ng higad.

Tipid na lamang akong tumango bilang tugon sa sinabi ng higad bago ako nag-teleport patungo sa Camelot Garden sa halip na sa conference room. Doon naman kasi madalas magpunta sina Kaiden at Kaleb kapag pinagtataguan nila ang higad. Kami lang kasi ang nakakaalam at nakakapasok ng hidden palace kaya mas madali silang makakapagtago ro’n.

Ilang saglit lang naman ay agad ko nang narating ang Camelot Garden kaya agad na rin akong pumasok ng hidden palace kung saan nakaabang na sa may tapat ng pinto si Kaleb.

“Oh‚ Athena? Anong ginagawa mo rito?” bungad sa akin ni Kaleb nang iluwa ako ng pinto papasok ng hidden palace.

“Where’s Kaiden?” tanong ko rin sa halip na sagutin ang tanong ni Kaleb.

Sa halip na sabihin sa akin kung nasaan si Kaiden ay umalis si Kaleb sa pagkakaharang niya sa harapan ko at walang imik niyang ininguso ang direksyon patungong living area kung saan naabutan ko si Kaiden na nakaupo sa pang-isahang sopa habang may malalim na iniisip. Nakapatong ang dalawang siko niya sa magkabilang tuhod niya at magkasalikop ang kaniyang mga kamay habang nasa ibaba ang tingin niya.

“Kaiden‚ can you feel Gwyn’s presence using the bracelet?” agad kong tanong kay Kaiden sa pag-asang muli naming magagamit ang bracelet na bigay niya kay Gwyn para matunton namin ang kinaroroonan ni Gwyn.

Nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Kaiden bago siya nag-angat ng tingin upang salubungin ang tingin ko.

“I can’t. I already tried looking for her using the bracelet that I gave her but I can’t really find her. May malakas na harang na pumipigil sa ‘kin na maramdaman ang presensya niya‚” bagsak ang balikat na sagot ni Kaiden na hindi na rin naitago pa ang panlulumo niya.

“What do you mean?” naguguluhang tanong ko at hindi ko na rin napigilan pa ang pagsasalubong ng kilay ko dahil sa huling sinabi ni Kaiden.

Wala akong ideya kung anong harang ang maaaring tinutukoy ni Kaiden sa huling sinabi niya. Imposible naman kasing kagagawan ito ni Gwyn dahil wala siyang alam sa pag-block ng kahit anong kapangyarihan.

Sa pangalawang pagkakataon ay muling nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Kaiden bago siya nanlulumong sumagot.

“Hindi ko rin alam... Pero masyado itong malakas. Sa sobrang lakas nito ay nagagawa nitong higupin ang lakas ko sa tuwing tinatangka kong pakiramdaman ang presensya ni Thea‚” nanlulumong tugon ni Kaiden.

Dahil sa nakuha kong sagot mula kay Kaiden at sa panlulumong mababakas sa mukha at boses niya ay nanlulumo na lamang din akong napaupo sa sopang katapat ng sopang kinauupuan ni Kaiden.

‘Nasaan ka ba‚ Gwyn? Bakit ba bigla ka na lang nawala? Dahil ba sa ‘kin? Dahil ba pinaramdam ko sa ‘yong nakalimutan ko ang kaarawan mo? Kung oo‚ paulit-ulit akong hihingi ng tawad sa hindi ko pagbati sa ‘yo at sa pagpapanggap kong nakalimutan ko ang kaarawan mo... I’m so sorry‚ Gwyn. I know I deserve to suffer after all the pain that I’ve caused you. But please be safe... I need you and I don’t wanna lose you. You’re my everything‚’ I talked to myself as if Gwyn could hear my plea.

✨✨✨

A/N: Lame po ba? Kung oo‚ humihingi po ako ng pasensya. Baguhan pa lang po kasi ang inyong lingkod. Nag-a-adjust pa😂

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top