CHAPTER 64: CLASH OF KIANAS
SOMEONE’S POV
Lihim na lamang akong napangisi habang walang imik kong nginunguya ang pagkaing nakahain sa aking harapan. Kasalukuyan kasi kaming nasa canteen ni Athena at hindi ko maiwasang mapangisi habang ninanamnam ko ang buhay na dapat ay kay Kiana.
Sobrang sarap pala sa pakiramdam na tinitingala ka ng iba. Ang taas-taas ng tingin nila sa ‘yo at para kang isang napakagandang tanawin na gustong-gusto nilang pinagmamasdan. May bonus pang napakagwapong prinsipe na palaging nasa tabi ko at dalawang kaibigang makapangyarihan at hinahangaan ng lahat.
Tch! Kawawang Kiana. Wala man lang siyang magawa para ipaglaban ang kung anong dapat sa kaniya. Pero kahit naman lumaban pa siya ay hindi na niya mababawi ang buhay na ‘to sa ‘kin. Akin na ang buhay na ‘to dahil ito ang kabayaran niya sa lahat ng hirap na ipinaranas sa akin ng angkan niya. Ngunit kung tutuusin nga ay kulang pa ‘tong kabayaran sa laki ng kasalanan ng angkan niya sa ‘kin kaya huwag na huwag siyang magtatangkang agawin mula sa ‘kin ang buhay na ngayon ay tinatamasa ko kung ayaw niyang buhay niya ang maging kabayaran.
“Kiana‚ ano? Handa ka na ba para bukas? May isusuot ka na ba? Gusto mo tulungan kitang maghanap?” sunod-sunod na tanong ni Athena na nakapukaw ng atensyon ko at nagpaangat ng tingin ko upang salubungin ang kaniyang tingin.
“Wala pa nga e. Magpapasama nga sana ako sa ‘yong bumili sa Bayan ng Arton. Nahihirapan kasi akong pumili‚” nakasimangot kong tugon.
“Walang problema. Samahan na kita. Punta na lang tayo ro’n mamaya pagkatapos ng klase‚” nakangiting pagboluntaryo ni Athena na agad na nagpangiti sa ‘kin.
Mabuti na lang pala na sa huling antas din ako ipinasok ng konseho dahil nakakasama ko sina Athena sa lahat ng oras. Pero nakakainis nga lang dahil wala ngayon sina Kaiden at Kaleb. Ewan ko nga kung nasaan ang mga ‘yon. Hindi naman kasi sila nagsabi sa ‘kin. Basta ang alam ko lang ay wala sila ngayon sa akademya.
“Ngayon na lang kaya tayo pumunta ng Bayan ng Arton?” suhestiyon ko nang maisip kong mas magandang ngayon na lang kami umalis dahil wala rin naman sina Kaiden.
“Nakakabagot dito e. Wala kasi sina Kaiden‚” pahabol kong saad na sinabayan ko pa ng pagsimangot para lamang mapapayag ko si Athena na ngayon na lamang kami magtungo ng Bayan ng Arton sa halip na hintayin pa naming matapos ang oras ng klase.
“Sige‚ payag ako. Pero magpaalam muna tayo sa konseho para payagan nila tayong makalabas ng akademya nang maaga‚” agad na pagpayag ni Athena na agad ko rin namang sinang-ayunan para malaya kaming makaalis ng akademya.
Gaya nga ng nais ni Athena ay dumaan na muna kami sa Council Chamber para magpaalam kay Sir Ahmir nang sa gayon ay hindi kami harangin ng mga kawal na nakabantay sa palibot ng akademya sa sandaling magtangka kaming lumabas nang maaga.
✨✨✨
ALTHEA’S POV
Tanghali na nang magising ako at ganoon din si Ali kaya nagkukumahog kaming kumilos para maghanda sa pagpasok. Hindi kasi kami ginising ni Tita Wendy dahil ayaw niya raw kaming abalahin sa aming pagpapahinga ngunit nang magising kami ay nakahanda na ang lahat mula sa pagkain sa kusina hanggang sa aking susuutin sa pagpasok na hindi ko man lang namalayang inayos na pala ni Tita Wendy sa silid ko.
Madali lang naman kaming natapos ni Ali sa paghahanda kaya wala pang isang oras ay nakahanda na kaming umalis. Ngunit nagpaalam na muna kami kay Tita Wendy bago kami nagmamadaling nag-teleport patungo sa mismong tapat ng tarangkahan ng akademya gamit ang kakayahan kong mag-teleport.
Pagdating namin sa tapat ng akademya ay hindi na namin kinailangan pang magyayaan ni Ali sa pagpasok. Agad na kaming naglakad papasok ng akademya matapos kong bitiwan ang kaliwang braso ni Ali na kinailangan kong hawakan kanina para maisama siya sa pag-teleport ko.
“Thea‚ hatid na kita sa silid-aralan mo‚” alok sa akin ni Ali nang makapasok kami ng akademya habang malalaki pa rin ang hakbang na tinatahak namin ang daan patungo sa kinaroroonan ng mga gusali.
“Hindi na. Late ka na rin sa klase mo e‚” pagtanggi ko sa alok ni Ali dahil masyado na akong abala sa kaniya.
Kahit na hindi sabihin sa akin ni Ali ay alam kong ako ang dahilan kung bakit siya tinanghali ng gising. Magdamag ba naman kaming nag-ensayo kagabi matapos ang hapunan. Kaya nga ayoko nang abalahin pa siya. Sobra-sobra na nga ang pang-aabalang ginagawa ko sa kaniya e. Dadagdagan ko pa ba? Saka alam ko na naman ang pasikot-sikot sa akademya kaya hindi ko na kailangan pa ng maghahatid sa ‘kin.
“Ano ka ba? Ayos lang ‘yon. Kahit hindi pa ako pumasok ay ayos lang sa ‘kin basta masiguro ko lang ang kaligtasan mo‚” nakangiting tugon ni Ali habang palingon-lingon siya sa ‘kin sa kalagitnaan ng aming paglalakad.
Kaagad na sumilay ang matamis na ngiti sa labi ko dahil sa sinabi ni Ali na sobrang nakakataba ng puso at nakakatuwang marinig. Nakakatuwa naman kasi talagang makita ang sweetness ni Ali sa kabila ng laking abalang idinulot ko. At sobrang swerte ko na nagkaroon ako ng kaibigan na tulad niya. E para na rin akong nagkaroon ng instant kuya sa katauhan niya e. Pero syempre‚ mas masaya sana kung totoong may kuya ako na katulad ni Ali na handang gawin ang lahat para lamang matiyak ang kaligtasan ko.
“Saka ihahatid pa rin naman kita sa ayaw o sa gusto mo kaya wala ka ring magagawa‚” pahabol ni Ali nang hindi kaagad ako makasagot. Kaya naman ay hindi na ako kumontra pa at hinayaan ko na lamang siya sa gusto niya.
“Fine. Ikaw ang bahala‚” napipilitang pagpayag ko rin sa huli at nilingon ko pa si Ali na sakto namang lumingon din sa ‘kin.
Sa pagtatagpo ng tingin namin ni Ali ay natawa na lamang kami nang walang dahilan. At dahil sa pagtatawanan namin ay hindi na namin namalayan pang may makakasalubong pala kami‚ dahilan para mabangga ko ang isa sa kanila.
“Ouch‚” mahinang daing ko nang tumama ako sa kung sino.
Maagap namang kumilos si Ali para alalayan ako bago pa man ako matumba dahil sa pagkakabangga ko sa nakasalubong namin samantalang bumagsak naman sa damuhan ang nakabanggaan ko na agad na dinaluhan ng kasama niya.
“Kiana‚ ayos ka lang ba? May masakit ba sa ‘yo?” nag-aalalang tanong ng kasama ng nakabanggaan ko—na si Jane pala—habang maingat niyang inaalalayan ang tinawag niyang Kiana.
“Ayos lang ako‚” mahinang sagot ng kasama ni Jane saka ito umayos ng tayo at galit akong binalingan ng tingin.
“Sa susunod‚ tingnan mo ang dinadaanan mo! Hindi sa ‘yo itong daan kaya matuto kang lumugar!” galit na sigaw sa akin ni Miss Carbon Copy—carbon copy ang face to be exact.
Napaismid na lamang ako sa narinig ko bago ko pinagtaasan ng kilay ang kaharap kong carbon copy ang pagmumukha para pantayan ang pagtataray niya.
“Matuto akong lumugar? Woah! Big word! Bakit hindi mo kaya subukang sabihin ‘yan sa sarili mo‚ baka sakaling magising ka na sa kahibangan mo at tubuan ka ng katiting na konsensya at kahihiyan diyan sa loob-loob mo‚” nanunuyang tugon ko at nanggagalaiti ko pang dinuro ang dibdib ng kaharap ko kung nasaan ang puso niya.
Alam kong masyado nang harsh ang mga pinagsasasabi ko pero hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko. Sa tuwing makikita ko kasi ang pagmumukha ni Miss Carbon Copy ay kumukulo ang dugo ko at may kung anong puwersa sa loob ko na nag-uudyok sa akin na ipamukha sa kaniya na hindi niya ako kailanman mapapabagsak. Pero siguro ay ganito lang talaga ang pakiramdam ng maagawan. Tipong bigla na lang kukulo ang dugo ko makita ko pa lang ang mukha niya na obviously ay mukha ko.
“Bakit hindi mo simulan sa sarili mo? Hindi ba’t una pa lang naman ay ikaw na ang hindi lumugar at ikaw itong nang-agaw? Inagaw mo sa akin ang pagkatao ko!” nang-aakusang tugon ng bruha at galit pa niya akong dinuro-duro na para bang may katotohanan talaga ang mga bintang niya sa ‘kin.
Sa halip na mainis o magalit ako sa pang-aakusa sa akin ng bruha ay natawa na lamang ako dahil tila maging sarili niya ay napaniwala niya na rin sa kasinungalingan niya.
“Don’t make me laugh‚ my dear... As far as I can remember‚ wala akong inaagaw sa ‘yo na kahit na ano at mas lalong hindi ko inagaw ang pagkataong hindi naman sa ‘yo. Kung tutuusin ay ikaw nga itong may inaagaw sa ‘kin. And be happy dahil hinahayaan kita‚” malamig kong tugon sa halip na tapatan ang galit ng kausap ko.
“But on second thought‚ hindi ka pala dapat magdiwang dahil sa oras na hindi mo ako tinantanan diyan sa kadramahan at kaartehan mo‚ kikilos na ako para gisingin ka mula sa kahibangan mo‚” pahabol kong saad para ipaalala sa kausap ko na anumang oras ay maaaring mawala sa kaniya lahat ng mayroon siya ngayon.
Muli pa sanang sasagot ang bruha ngunit hindi na niya nagawa pang ibuka ang bibig niya nang pinigilan siya ni Jane.
“Huwag mo na siyang patulan. Huwag mo nang sayangin pa ang oras mo sa kaniya. Kailangan mo pang maghanda para sa pagdiriwang at hindi mo dapat sinasayang ang oras mo sa mga walang kuwentang bagay tulad nito‚” pigil ni Jane sa bruha na naghatid ng matinding kirot sa dibdib ko.
Walang kuwenta? Ganoon na ba ako sa kaniya? Isang walang kuwentang bagay na hindi dapat pinag-aaksayahan ng oras?
“Tama ka‚ Athena. Hindi ko dapat inaaksaya ang oras ko sa mga katulad niya. Kaya halika na. Mamili na lang tayo ng susuutin‚” pagsang-ayon ng bruha sa sinabi ni Jane at maingat niyang hinawakan sa kamay si Jane saka niya ito hinila paalis habang naiwan naman akong nakatanga at hindi pa rin makapaniwala sa mga narinig kong sinabi ni Jane.
Matapos makaalis nina Jane ay doon na sunod-sunod na pumasok sa isip ko ang mga tanong. Bakit parang ang bilis magbago ni Jane? Bakit hindi man lang niya ako tinapunan ng tingin para alamin kung ayos lang din ba ako matapos akong mabangga sa impostor na ‘yon? Kumakampi na ba siya sa impostor na ‘yon? Nakuha na rin ba ng impostor na ‘yon ang loob niya? Nakalimutan na ba niya na kaarawan ko bukas dahil masyado siyang abala sa Thanksgiving Party na gaganapin bukas?
Tsk! Ano na lang ba ang natira sa ‘kin? Wala na! Lahat na lang ay inagaw sa akin ng impostor na ‘yon. But after everything that she have stolen from me‚ I still have no idea why she’s doing it. Tsk! Ano ba kasing nagawa ko sa kaniya para pilit niyang sirain ang buhay ko at para isa-isa niyang agawin ang mga kaibigan ko? May nagawa ba akong kasalanan? May utang ba ako sa kaniya? Kung oo‚ sana naman ay hindi na niya dinadamay pa ang mga kaibigan ko. Labas sila rito.
“Huwag mo na silang pansinin at ang mga sinabi nila. Ang mahalaga ay alam mo kung ano ang totoo‚” pang-aalo sa akin ni Ali na pumukaw ng atensyon ko.
Tipid na lamang akong napangiti sa sinabi ni Ali. Mabuti na lang talaga na nandito siya sa tabi ko dahil hindi ko alam ang gagawin ko kung pati siya ay wala rin sa tabi ko para samahan at damayan ako.
“Tara na nga. Baka magkaiyakan pa tayo rito‚” yaya ko kay Ali at pinilit ko pang pasiglahin ang boses ko para lamang hindi na mahawa pa si Ali sa lungkot ko.
Nginitian na lamang din ako ni Ali bago siya nagyayang ihatid na ako sa aming silid-aralan. At pagkarating naman namin sa aming silid-aralan ay hinintay pa muna niya akong makaupo sa upuan ko bago siya umalis para dumiretso sa kanilang silid-aralan.
✨✨✨
Q: Ano kayang kasalanan ang nagawa ng angkan ni Thea sa nagpakilalang Kiana at sino nga kaya ang mukha sa likod ng kaniyang maskara? Bakit galit na galit ito kay Thea?
Ilang chapters na lang at masasagot na lahat ng mga katanungan ninyo. Kaya kapit lang at huwag kayong bibitiw. Ravan!😅
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top