CHAPTER 63: ARDOR KINGDOM'S COURSE OF ACTION

THIRD PERSON’S POV

“Lady Hera‚ may kailangan po kayong malaman‚” nakayukong wika ng isang tapat na tagapaglingkod sa kaharian ng Ardor Kingdom matapos niyang magbigay-galang sa kasalukuyang namumuno sa Ardor Kingdom na walang iba kundi si Lady Hera‚ ang kapatid ng yumaong hari.

“Anong kailangan kong malaman?” tanong ni Lady Hera sa maawtoridad na boses habang komportable siyang nakaupo sa tronong kaniyang pinakaiingatan dahil ito na lamang ang magagawa niya para sa pumanaw niyang kapatid na hari na ibinuwis ang sariling buhay upang maprotektahan ang kaniyang nasasakupan.

“Magdaraos po ang konseho ng isang pagdiriwang sa akademya para sa pagbabalik ni Prinsesa Kiana‚” nakayuko pa ring pagpapahayag ng lalaki sa kaniyang nabalitaan na lubhang ikinagulat ni Lady Hera.

Dala ng pagkabigla ni Lady Hera sa kaniyang narinig ay marahas siyang napatayo at matalim niyang tiningnan ang lalaking nakayuko sa kaniyang harapan.

“Anong ibig mong sabihin?! Matagal nang patay ang pamangkin ko kaya paanong magkakaroon ng pagdiriwang para sa pagbabalik niya?!” galit na tanong ni Lady Hera sa pag-aakalang gumagawa lamang ng kuwento ang kaniyang kaharap upang lapastanganin ang alaala ng namayapa niyang pamangkin na parang sarili na rin niyang anak kung kaniyang ituring.

“Ngunit iyon po ang nabalitaan ko. Sa katunayan ay nagtanong-tanong na rin po ako sa ilang charmers na nag-aaral sa akademya upang tiyakin kung totoo nga ito at hindi po kayo maniniwala sa natuklasan ko‚” mahabang paliwanag ng lalaki bago pa siya maparusahan ni Lady Hera saka buong tapang siyang nag-angat ng tingin upang salubungin ang tingin ni Lady Hera at upang ipakita ritong tapat siya sa mga sinabi niya at wala siyang intensyong magsinungaling o gumawa ng anumang kuwentong ikasasama ng loob nito.

“Anong natuklasan mo?” kalmado nang tanong ni Lady Hera na hindi na naitago pa ang kaniyang kuryusidad sa maaaring sabihin sa kaniya ng kaniyang kaharap.

“Dalawang Kiana po ang nasa akademya at ang isa sa kanila ay impostor at pakawala ng mga kaaway‚” diretsahang sagot ng lalaki na naghatid ng samut-saring emosyon kay Lady Hera.

Matapos marinig ni Lady Hera ang tungkol sa pagkakaroon ng dalawang Kiana sa akademya ay agad siyang nabuhayan ng loob sa pag-asang buhay pa ang kaniyang pamangkin at hindi ito totoong namatay sa digmaan. Ngunit kalakip ng kaniyang galak ay ang kaniyang pagkadismaya sa kaalamang hindi lang iisa ang Kiana na nasa akademya kundi dalawa at pakawala pa ng mga kaaway ang isa.

“Sino sa kanila ang totoong Kiana?” nananabik na tanong ni Lady Hera sa pag-aakalang batid ng kaniyang kaharap kung sino sa dalawang Kiana na nasa akademya ang kaniyang pamangkin.

“Sa ngayon ay wala pong nakakaalam kung sino sa kanila ang totoong Kiana. Ngunit sa lahat ng napagtanungan ko ay iisa lamang ang itinuturo nila‚” maagap na tugon ng lalaki at sadya pa siyang tumigil para ihanda si Lady Hera sa sunod niyang sasabihin. Alam naman kasi niya na masyadong emosyonal si Lady Hera pagdating sa usapang pamilya kung kaya ayaw niya itong biglain lalo pa’t matinding hirap at lungkot ang pinagdaanan nito nang mangyari ang digmaan na ikinasawi ng kapatid nitong hari at ikinabagsak ng Ardor Kingdom.

“Lahat ng napagtanungan ko ay itinuturo ang babaeng nagmula sa mundo ng mga tao na kasamang dumating ng prinsipe ng Sapience Kingdom. Ngunit katulad ng prinsesa ng Mesh Kingdom ay wala rin itong maalala mula sa kaniyang nakaraan‚” pagpapatuloy ng lalaki na nakakuha ng atensyon ni Lady Hera.

Hindi na naiwasan pa ni Lady Hera ang mapaisip dahil sa kaniyang narinig patungkol sa tinutukoy ng kaniyang kausap na nagmula sa mundo ng mga tao. Kung totoo kasi ang sinabi nito na kasama itong dumating ni Prinsipe Kaiden ay malaki ang posibilidad na ito nga ang totoong Kiana dahil hindi naman ito dadalhin ng prinsipe sa kanilang mundo kung hindi ito si Kiana. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ni Lady Hera na noon pa man ay may kakaiba na sa pagtitinginan ng prinsipe at ng kaniyang pamangkin kaya maaaring nakilala ng puso nito si Kiana kahit pa nga walang maalala ang huli. Ngunit kahit na malaki nga ang posibilidad na ang babaeng nagmula sa mundo ng mga tao ang totoong Kiana ay hindi pa rin ito sapat para kay Lady Hera. Kakailanganin pa rin niya ng matibay na pruweba na magpapatunay na ito nga si Kiana lalo na’t may isa pang nagpapakilalang Kiana na maaari din namang siyang tunay niyang pamangkin.

“Paano ka nakatitiyak na siya nga ang pamangkin ko at hindi siya impostor?” malamig na tanong ni Lady Hera para itago ang halo-halong emosyong kaniyang nararamdaman sa mga oras na ito dahil sa balitang hatid ng kaniyang kausap.

“Sa kanilang dalawa ay siya lamang ang nagpamalas ng kapangyarihan na walang sino man ang makakapantay. Nasa kaniya rin ang mga katangian ng isang maharlika at nagawa niyang ma-summon ang golden sword na inakala ng lahat na isa lamang alamat. Kaya ang duda ng lahat ay ang nagpakilalang si Kiana na siyang sentro ng magaganap na pagdiriwang ang siyang impostor dahil bukod sa sinisiraan niya ang kamukha niyang nagmula sa mundo ng mga tao upang siya’y kilalanin ng lahat bilang si Prinsesa Kiana ay kasabay rin ng pagdating niya ay ang pagsugod ng mga kaaway na nagpapakitang planado ang lahat ng mga naganap. Hindi rin ito nagpapamalas ng kahit anong kapangyarihang taglay niya‚” mahabang salaysay ng lalaki sa mga natuklasan niya na nagbigay ng pag-asa kay Lady Hera na maaaring buhay nga ang kaniyang pamangkin at maaaring ito ang babaeng nagmula sa kabilang mundo.

Dahil sa biglang pagkabuhay ng pag-asa sa loob-loob ni Lady Hera ay sumilay ang masaya ngunit tipid na ngiti sa kaniyang mga labi. Ngunit agad ding nabura ang ngiting sumilay sa mga labi niya nang may maalala siyang bagay na dapat niyang gawin upang matiyak ang kaligtasan ng kaniyang pamangkin na maaaring pinagbabalakan nang gawan ng masama ng mga nagkalat na kaaway.

“Ipatawag ang mga anak ng ating mga magigiting na mandirigma na nag-aaral sa nasabing paaralan‚” puno ng awtoridad na utos ni Lady Hera sa dalawang kawal na nasa magkabilang gilid ng trono.

Matapos magbigay ng utos si Lady Hera ay sabay na pumihit paharap sa kaniya ang dalawang kawal na kaniyang inutusan at sabay ring yumuko ang mga ito bilang tanda ng kanilang paggalang at pamamaalam bago sila tuwid na naglakad palabas ng silid upang gawin ang ipinag-uutos ng kanilang pinuno.

Ilang minuto lamang ay bumalik na rin agad ang mga kawal na inutusan ni Lady Hera kasama ang limang charmers na ipinatawag niya na walang iba kundi ang Trio at ang magpinsang sina Luca at Nikolai.

Pagpasok pa lamang sa silid ng mga ipinatawag ni Lady Hera ay agad na niyang ibinaling ang tingin niya sa lalaking nagbalita sa kaniya ng mga kaganapan sa akademya na kasalukuyan pa ring nakatayo sa kaniyang harapan.

“Makakaalis ka na. Salamat sa iyong impormasyon. Ipatatawag na lamang kita kapag mayroon pa akong katanungan‚” pagpapaalis ni Lady Hera sa lalaki upang makausap niya nang masinsinan ang limang charmers na kaniyang ipinatawag.

Agad na ngang nagpaalam ang lalaking naghatid ng balita kay Lady Hera saka nagmamadali na nitong nilisan ang silid. Sakto namang nakalapit na sa trono ang Trio at ang magpinsan kung kaya bumalik na sa kaniyang pagkakaupo si Lady Hera upang kausapin nang masinsinan ang Trio at ang magpinsang sina Luca at Nikolai.

“Lady Hera‚ pinatawag raw po ninyo kami?” pagtatanong ni Penelope na walang ideya sa biglaang pagpapatawag sa kanila ni Lady Hera.

“Sabihin ninyo sa ‘kin... Totoo bang may nag-aaral sa inyong paaralan na dalawang babaeng kamukha ni Kiana?” diretsahang tanong ni Lady Hera para masagot na ang tanong na kanina pang gumugulo sa kaniya.

Agad na natigilan ang Trio at maging sina Luca at Nikolai sa tanong ni Lady Hera dahil hindi nila inaasahang makakarating sa kanilang pinuno ang tungkol sa dalawang Kiana na kasalukuyang nasa akademya gayong wala naman silang pinagsabihan sa mga nasa loob ng palasyo. Magmula kasi nang si Lady Hera ang mamuno sa Ardor Kingdom ay hindi na sila gaanong nakihalubilo pa sa iba. Ni hindi na nga rin sila dumadalo sa mga pagdiriwang o pagtitipon sapagkat nawalan ng sigla ang buong Ardor Kingdom nang mawala ang mga dating namumuno rito kasabay ng pagkawala ng kanilang nag-iisang tagapagmana. Kaya bibihira na lamang makarating ang mga balita sa kanilang pinuno.

“Paano po ninyo nalaman?” gulat na tanong ni Nikolai na siyang unang nakabawi mula sa pagkabigla.

“Kung gayon ay totoo nga‚” mahinang sambit ni Lady Hera at nagpakawala pa muna siya ng malalim na buntong-hininga bago niya sinalubong ang nagtatakang tingin ng limang charmers na kaniyang kaharap.

“Bakit hindi ninyo ito ipinaalam sa ‘kin?” malamig na tanong ni Lady Hera at isa-isa pa niyang tinapunan ng tingin ang kaniyang mga kaharap.

Nagkukumahog na napayuko si Vera para ipakita kay Lady Hera ang paggalang niya bago siya sumagot.

“Balak po talaga naming ipaalam sa inyo ang tungkol sa bagay na ito sa takdang panahon kung kailan sigurado na kami sa aming hinala. Ayaw po kasi namin kayong paasahing buhay ang prinsesa hangga’t hindi pa namin alam kung totoo ngang buhay siya at hangga’t hindi pa namin tiyak kung sino siya sa dalawang Kiana na nag-aaral sa akademya‚” nakayukong paliwanag ni Vera na hindi na nagawa pang mag-angat ng tingin dahil nakokonsensya siya sa ginawa niyang paglilihim sa kanilang pinuno. Ngunit hindi niya rin naman itatangging tama ang naging desisyon nilang ilihim ito kay Lady Hera dahil hangga’t maaari ay ayaw nilang saktan ang damdamin nito kung sakaling hindi naman talaga totoong buhay ang prinsesa na pinalaki at minahal nito na parang sarili niyang anak.

“Naiintindihan ko...” mahinang sambit ni Lady Hera na agad na nagpaangat ng tingin ni Vera at ikinahinga nang maluwag ng Trio at ng magpinsan.

“At dahil walang kasiguraduhan kung sino sa kanila ang totoong prinsesa ay may ipagagawa ako sa inyo‚” pahabol na saad ni Lady Hera na nakakuha ng atensyon ng kaniyang mga kaharap.

“Ano po iyon?” sabay-sabay na tanong ng Trio at ng magpinsang sina Luca at Nikolai habang inihahanda na nila ang kanilang mga sarili sa anumang ipagagawa sa kanila ng kanilang pinuno.

“Gusto kong bantayan ninyo silang dalawa at kapag may nakuha kayong kahit anong impormasyon na makakatulong sa atin para malaman kung sino sa kanila ang impostor at sino ang totoong Kiana ay ipaalam ninyo kaagad sa ‘kin. Sa ngayon ay hindi natin tiyak kung sinong kaaway sa kanila at sinong hindi kaya wala tayong ibang pamimilian kundi ang protektahan silang pareho nang sa gayon ay hindi sila makuha o malapitan ng mga kaaway‚” mahabang pahayag ni Lady Hera sa gusto niyang gawin ng kaniyang mga kaharap para sa kaniya saka niya binigyan ng seryoso ngunit maawtoridad na tingin ang magpinsan.

“Luca‚ Nikolai‚ kayo ang inaatasan kong magbantay sa babaeng nagmula sa kabilang mundo‚” puno ng awtoridad na utos ni Lady Hera sa magpinsan.

“Masusunod po‚” magkapanabay na sagot nina Luca at Nikolai at sabay pa silang yumuko sa harapan ng kanilang pinuno.

Matapos tanggapin nina Luca at Nikolai ang tungkuling ibinigay sa kanila ni Lady Hera ay sunod namang binalingan ng tingin ni Lady Hera ang Trio.

“Vera‚ kayo naman ang inaatasan kong magbantay sa babaeng sentro ng magaganap na pagdiriwang‚” pagbibigay naman ni Lady Hera ng tungkulin sa Trio.

“Kami na po ang bahala sa kaniya‚” magkapanabay na sagot ng Trio.

Matapos mabigyan ni Lady Hera ng tungkulin ang kaniyang mga kaharap ay muli niyang tinapunan ng seryosong tingin ang bawat isa sa kanila para ibigay ang huling utos niya sa mga ito.

“Tiyakin ninyo ang kanilang kaligtasan at alamin din ninyo kung sino ang impostor at sino ang totoong Kiana. At kapag nalaman na ninyo ang bagay na gusto kong malaman ay agad ninyong ipagbigay-alam sa akin‚” seryosong utos ni Lady Hera sa kaniyang mga kaharap.

“Masusunod po‚” sabay-sabay na sagot ng Trio at ng magpinsang sina Luca at Nikolai bago sila magpaalam at bago nila lisanin ang silid.

Nang sandaling makaalis ng silid ang mga ipinatawag ni Lady Hera ay mapait na lamang siyang napangiti nang maalala niya ang taong pinakamatutuwa sa balitang kaniyang nalaman.

‘Kuya‚ buhay ang iyong prinsesa. At alam kong labis kang natutuwa sa balitang ito kung saan ka man naroon. At ako man ay natutuwa rin sa aking nalaman. Kaya gagawin ko ang lahat para mapangalagaan ang iyong anak at para mapanatili siyang ligtas nang sa gayon ay siya na ang uupo sa trono pagdating ng araw. Mamahalin at aalagaan ko rin ang anak mo katulad ng kung paano mo ako minahal at inalagaan noon. Mahal na mahal kita‚’ pagkausap ni Lady Hera sa namayapa niyang kapatid gamit ang kaniyang isip habang inaalala niya ang mga araw na kasama pa niya ang kaniyang pinakamamahal na kapatid.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top