CHAPTER 62: KINGDOM OF ATHENS
ALTHEA’S POV
“Kiana‚” pagtawag ng isang boses na nakaagaw ng atensyon ko.
Dali-dali kong inilibot ang tingin ko sa paligid upang hanapin ang pinagmulan ng boses na aking narinig. Ngunit kahit halos mahilo na ako sa kaiikot ko para lamang ilibot ang tingin ko sa paligid ay bigo pa rin akong mahanap ang may-ari ng boses na narinig ko. Wala naman kasi akong makita ni aninong nakakalat sa paligid. Tanging mga ulap lamang ang nakikita ko na nasa may paanan ko at tinatapakan ko. Bukod dito ay may natatanaw rin akong gintong palasyo hindi kalayuan sa akin na sobrang taas at kinang.
Muli ko pang inilibot ang tingin ko sa paligid‚ hindi para hanapin ang nagsalita kanina kundi para alamin kung nasaan ako. Ngunit katulad kanina ay bigo rin akong masagot ang tanong sa isipan ko. Ni wala nga akong ideya kung paano ako napadpad sa lugar na ngayon ay kinaroroonan ko.
Teka... Nasa langit ba ako? Kung oo‚ ibig bang sabihin nito ay patay na ako? Pero paano? Wala naman akong matandaang namatay ako. Ang huling naaalala ko ay nag-ensayo kami ni Ali buong magdamag at pagkatapos ay dumiretso na ako sa silid ko para matulog. Kaya imposibleng...
“Tumuloy ka sa aming kaharian. Halika‚ lumapit ka‚” sambit ng kung sino sa nakahahalinang boses na pumutol sa pag-iisip ko.
Hindi ko alam kung anong kapangyarihan mayroon ang nagmamay-ari ng tinig na narinig ko pero namalayan ko na lamang ang sarili ko na tinatahak ang daan patungo sa gintong palasyong nasa aking harapan.
“Sige‚ lumapit ka. Pasok. Pumasok ka sa aming kaharian‚” muling sambit ng tinig na kanina ko pang naririnig‚ dahilan para mas bilisan ko pa ang paglapit ko sa palasyong gawa sa ginto.
Nang sandaling makalapit ako sa palasyo at tumigil ako sa mismong tapat ng pinto nito ay ganoon na lamang ang gulat ko nang kusang bumukas ang gintong pintong nasa aking harapan na napapalamutian ng mga makikinang na hiyas. Ngunit sa kabila ng pagkabigla ko at pagkalito ko sa kung bakit kusang bumukas ang pinto at kung bakit hindi kita ang loob ng palasyo mula sa labas kahit pa nakabukas na ang pinto ay walang pag-aalangan pa rin akong pumasok ng palasyo kung saan ay isang nakakasilaw na puting liwanag ang bumungad sa akin pagtawid ko sa kung anumang mahikang bumabalot sa entrance para ikubli ang loob ng palasyo.
Agad naman akong napaiwas ng tingin at napatakip ng mga mata ko dahil sa nakakasilaw na liwanag na sumalubong sa akin sa pagpasok ko ng palasyo.
“Maligayang pagdating sa aming kaharian‚” sambit ng maraming tinig na sabay-sabay na nagsalita.
Dahil sa narinig kong mga boses ay agad kong ibinaba ang kamay kong nakatakip sa mga mata ko at salubong ang kilay kong hinanap ang kinaroroonan ng mga nagsalita. Agad namang nahanap ng mga mata ko ang pinagmulan ng mga boses na narinig ko at ganoon na lamang ang pag-awang ng bibig ko at pamimilog ng mata ko nang mga naggagandahan at nagguguwapuhang nilalang ang nasilayan ko. Sa bilang ko ay sampu silang lahat. Pare-pareho silang nakaupo sa mga magkakahilerang trono na nakapuwesto sa isang mahabang elevated stage. Ngunit sobra ng isa ang tronong naroon sa entablado hindi kalayuan sa akin dahil sa gitna ng sampung upuan ay may isang bakanteng trono na higit na mas elegante at mas malaki kumpara sa sampung tronong kahilera nito.
Hindi naman mahirap bilangin kung ilan ang lalaki at ilan ang babae sa mga nakaupo sa trono dahil magkahiwalay ang mga lalaki at mga babae. Nasa kanang bahagi ng bakanteng trono ang mga babae at nasa kaliwa naman ang mga lalaki. Bale lima ang babae at lima rin ang lalaki at lahat sila ay nakasuot ng puting mahabang kasuotan at gintong sinturon. Pare-pareho din silang nakasuot ng koronang gawa sa ginto.
Lahat ng lalaki ay nakasuot ng puting kasuotan na hanggang talampakan ang haba. Nakatali sa kanilang kanang balikat ang isang parte nito habang ang kabila naman ay nakalaylay lamang sa may bandang kili-kili nila. Ang kanila namang mga sapin sa paa ay kulay ginto. May suot din silang gintong pulseras sa magkabilang kamay na kung hindi ako nagkakamali ay kayang salagin ang anumang matulis na bagay.
Ang limang babae naman na nakaupo sa trono ay nakasuot ng puting kasuotan na pareho ang disenyo sa suot ni Almira noong una kaming magkakilala nang mapadpad ako sa kanilang nakatagong paraiso. Napapalamutian ng nagsabog na ginto ang kanilang mga suot at marami rin silang mga alahas sa kanilang katawan na gawa sa ginto katulad ng pulseras‚ hikaw at kuwintas.
Lahat ng mga nasa trono ay malalakas ang aura na taglay ngunit hindi pa rin sila ang tipong katatakutan mo dahil sa halip na paulanan nila ako ng matalim o malamig na tingin ay malapad pa silang nakangiti sa ‘kin. Lahat din sila ay kulay light golden blonde ang buhok ngunit magkakaiba ang kulay ng kanilang mga mata.
“Matagal na naming hinihintay ang iyong pagdating‚” wika ng babaeng may kulay-rosas na mga mata na nakalugay lamang ang mahaba at paalon-alon niyang buhok.
“Sino kayo? Nasaan ako? At anong hinihintay ang pagdating ko? Kilala ba ninyo ako?” naguguluhang tanong ko habang halos magdikit na ang kilay ko sa labis na kalituhan.
“Nasa kaharian ka ng Athens na aming tahanan‚” nakangiting sagot ng lalaking may kulay coral na mga mata.
Ibubuka ko na sana ang bibig ko para muling magtanong ngunit hindi ko na nagawa pang magsalita o ibuka man lang ang bibig ko nang ikumpas ng babaeng may kulay-abong mga mata ang kanang kamay niya na naging dahilan upang tangayin ako ng hangin palapit sa mismong harapan nila‚ sa ibaba ng kanilang mga trono.
“Kami ay ang iyong pinagmulan. Kami ang iyong makakatulong sa labang kahaharapin mo sa pagsapit ng takdang panahon‚” seyosong sagot ng lalaking may kulay-pilak na mga mata na mas lalong nagpagulo ng isipan ko.
“Pinagmulan? Anong ibig ninyong sabihin?” naguguluhan pa ring tanong ko.
“Malalaman mo rin sa takdang panahon‚” tipid na tugon ng babaeng may kulay charcoal na mga mata na naka-rope twist bun ang buhok.
“At hindi pa ngayon ‘yon sapagkat dinala ka lamang namin dito upang ipaalam sa ‘yo ang iyong kapalaran at hindi para ipaliwanag sa ‘yo ang mga bagay-bagay‚” pagsingit naman ng babaeng maihahalintulad sa dagat ang kulay ng mga mata habang nakalugay lamang din ang paalon-alon niyang buhok katulad ng babaeng may kulay-rosas na mga mata.
Mas lalo pang nagdikit ang mga kilay ko dahil sa binanggit ng huling nagsalita patungkol sa kapalaran ko.
“Anong kapalaran? Hindi ko kayo maintindihan‚” hindi ko na napigilan pang reklamo dahil sa labis na kahulugan ng isip.
“Alam kong hindi magiging madali para sa ‘yo ang lahat ng ‘to. Ngunit naniniwala kami sa iyong kakayahan‚” wika ng lalaking may kulay berdeng mga mata na hindi naman sumagot sa tanong ko.
“Ang nakatakda ay malapit nang maganap. Kaunting panahon na lamang at magagampanan mo na ang iyong tungkulin‚” wika naman ng isa pang lalaking may pulang mga mata.
Dahil sa mga sinabi ng mga kaharap ko ay hindi ko na napigilan pa ang mapaisip na posibleng pinaglalaruan lamang nila ako o sadyang sabog lang sila. Ano ba naman kasing malay ko sa sinasabi nilang nakatakda na malapit nang maganap? Saka ano namang tungkulin ang gagampanan ko? E wala naman akong maalalang tungkulin na binigay sa ‘kin.
“Sa iyo nakasalalay ang kaligtasan ng sanlibutan kaya huwag mo sana kaming bibiguin at ang lahat ng umaasa sa ‘yo‚” seryosong sambit ng babaeng may kayumangging mga mata na naka-half-up twisted knot ang mahaba at tuwid niyang buhok.
“Hindi ko kayo maintindihan... Paanong may mga nakaasa sa ‘kin? E ni sarili ko nga hindi ko kilala. Kaya paano ko sila maililigtas o matutulungan kung mismong sarili ko ay hindi ko matulungan?” nagugulumihanang tanong ko at hindi ko na napigilan pa ang pagpapalipat-lipat ng tingin ko sa mga kaharap ko sa pag-asang isa sa kanila ang sasagot sa mga tanong ko.
“Ang lahat ng nakasaad sa propesiya ay malapit nang maganap sa pamamagitan mo. Ngunit bago ang araw na nakatakda ay maibubunyag na ang malaking misteryo sa iyong pagkatao at masasagot na ang mga tanong mo. Ang kailangan mo lamang gawin ngayon ay maghintay at manalig‚” mahabang saad ng lalaking may golden yellow na mga mata na kahit papaano ay naghatid sa akin ng tuwa at pag-asa sapagkat malapit ko na ring makuha ang sagot sa mga tanong ko na matagal ko nang inaasam-asam.
“Hanggang sa muli nating pagkikita‚ babaeng itinakda‚” nakangiting wika ng babaeng may kulay-abong mga mata na ginamitan ako kanina ng kapangyarihan.
“Paalam‚ aming hinirang‚” paalam nilang lahat saka bigla na lamang nilamon ng puting liwanag ang buong paligid at kasabay nito ay bigla na lamang akong napabalikwas ng bangon mula sa aking pagkakahiga.
Sa pagbalikwas ko ng bangon ay wala sa sariling iginala ko ang tingin ko sa paligid. At sa pagsuyod ko ng tingin ng aking paligid ay doon ko lamang napagtantong nasa silid pa rin pala ako sa bahay nina Ali at isa lamang panaginip ang nangyaring pakikipag-usap ko sa mga nakatira sa kaharian ng Athens. Ngunit kung panaginip nga lang talaga ‘yon at hindi totoong nagpunta ako sa kaharian nila‚ bakit parang totoong-totoo ang mga nangyari? At bakit alam nila ang tungkol sa propesiya at itinakda? Sino ba sila? At bakit nila ako dinalaw sa pagtulog ko? Anong kailangan nila sa ‘kin? Saka anong ibig nilang sabihin sa sinabi nilang sila ang pinagmulan ko?
Teka... Hindi kaya sila ang nagbigay ng kapangyarihang taglay ko? Nabanggit kasi dati ni Miss Fiona na maaari ka raw pagkalooban ng mga diwata ng kapangyarihan nila para magtaglay ka ng higit pa sa isa o dalawang kapangyarihan. Ngunit kung totoo ang hinala ko‚ ibig bang sabihin nito ay mga diwata ang nakausap ko? O baka naman sila ang sinasabi nilang mga diyos at diyosa? Pero kung sila nga ang mga diyos at diyosa na nabanggit noon sa aming talakayan‚ bakit nila ako hinihintay? At paano nila ako matutulungang alamin ang misteryo sa pagkatao ko?
‘Hanggang sa muli nating pagkikita‚ babaeng itinakda.’
Sa hindi ko malamang dahilan ay bigla na lamang nanariwa sa isipan ko ang sinabi ng babaeng may kulay-abong mga mata bago sila magpaalam sa ‘kin. At dahil dito ay nabuo ang isang tanong sa isipan ko. Maaari nga kayang tama ang hinala kong ako ang totoong Kiana? Pero paano naman nangyari ‘yon? At bakit wala pa rin akong maalala hanggang ngayon?
‘Paalam‚ aming hinirang.’
Katulad kanina ay bigla na lamang ding bumalik sa alaala ko ang huling sinabi ng mga nakausap ko sa kaharian ng Athens bago ako magising mula sa pagkakahimbing ko. At kasunod nito ay kusa na lamang ding bumalik sa alaala ko ang nabasa ko noon sa gintong aklat na naglalaman ng mga impormasyon patungkol sa propesiya.
‘Ang pangitaing ito ay nagdala ng pangamba at takot sa puso ng mga diyos at diyosa. Sila’y naalarma at nabahala sa maaaring kasapitan ng lahat ng lahi kung kaya’y napagpasyahan nilang hirangin at itakdang tagapagligtas ang isang prinsesang magiging bunga ng pagmamahalan ng dalawang maharlika na may busilak na kalooban na nagmula pa sa magkaibang lahi. Ang lahi ng mga diyos at diyosa na hinaluan ng dugo ng pinakamagigiting na mandirigma ay ang siyang tataglayin ng babaeng itinakdang susugpo sa kasamaan at muling magbabalik ng kaayusan at kapayapaan sa lahat ng lahi.’
Matapos kong maalala ang nilalaman ng aklat na nabasa namin noon ni Ali sa library ay tila unti-unting luminaw sa akin ang lahat. Tama. Sila nga ang sinasabi nilang diyos at diyosa na humirang sa babaeng itinakda. Pero ang hindi malinaw sa akin ay kung bakit nila ako tinawag na kanilang hinirang.
Maaari nga ba talagang ako ang babaeng nakasaad sa propesiya? O baka naman panaginip lang talaga ang naging pag-uusap namin ng mga diyos at diyosa at sanhi lamang ito ng labis-labis kong pag-iisip sa posibilidad na maaaring ako si Kiana?
Haist! Hindi ko na alam kung anong iisipin ko. Sobrang dami na ng tanong na gumugulo sa ‘kin na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin masagot dahil isa lang naman ang susi para matapos na ang walang katapusang pagtatanong ko. Iyon ay ang makaalala ako para malaman ko na kung sino talaga ako at kung saan ako nagmula.
Sana lang talaga ay totoo ang panaginip ko para magkatotoo rin ang sinabi ng mga diyos at diyosa na maibubunyag na ang malaking misteryo sa pagkatao ko at masasagot na ang mga tanong ko bago pa man maganap ang nakasaad sa propesiya. Iyon na lang kasi ang mapanghahawakan ko sa ngayon at iyon na lamang din ang mahuhugutan ko ng lakas para magpatuloy sa laban at para patuloy na lumaban sa hamon ng buhay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top