CHAPTER 61: HER NEW HOME

ALI’S POV

Katulad ng sabi ko kay Thea ay sinundo ko siya sa kanilang silid-aralan matapos ang aming klase at sabay kaming nagtungo sa aming tahanan. Magalak naman siyang tinanggap ni ina at naging mainit ang pagsalubong nito sa kaniya. Inalam ni ina ang mga hilig niyang kainin at sinikap ni ina na ihain ang mga iyon kinagabihan. Maging sa pagtulog niya ay todo tanong si ina kung ano pang kailangan niya at kung komportable ba siya sa kaniyang silid at higaan. Kaya naman ay unang araw pa lamang niya sa amin ay naging magkasundo na sila ni ina at naramdaman na niyang parte siya ng aming pamilya at tahanan niya rin ang aming tahanan.

Dahil nga magkasundong-magkasundo na sina Thea at ina ay hindi ko maiwasang magtaka kung paanong nakasundo ni Thea si ina gayong magmula nang mawala si ama ay naging mailap na si ina sa ibang charmers at bibihira na lamang siyang ngumiti. Hindi ko naman kasi alam kung anong pinaggagagawa o pinagsasasabi ni Thea para makuha ang loob ni ina. Basta nagulat na lamang ako nang ilang saglit lang matapos kong iuwi si Thea ay narinig ko na ang malakas nilang tawanan ni ina. Ngunit higit na nangingibabaw sa akin ang galak dahil nakikita ko na ang unti-unting pagbalik ni ina sa dating siya—ang masiyahin at magiliw na Wendy na kilala ng lahat.

Kinabukasan matapos kong iuwi si Thea sa amin ay maaga kaming nagpaalam ni Thea kay ina para pumunta ng Sapience Kingdom upang kunin ang mga naiwang gamit doon ni Thea.

“Ali‚ mag-teleport na lang kaya tayo? Wala ako sa mood mangabayo e‚” tamad na wika ni Thea mula sa aking likuran na awtomatikong nagpaharap sa akin sa kaniyang direksyon.

Sa pagpihit ko paharap kay Thea ay agad na kumawala sa mga labi ko ang mahinang tawa nang makita ko ang ayos niya. Bagsak ang mga balikat niya habang nakaupo sa damuhan at nakanguso niyang nilalaro-laro ang mga damo sa kaniyang harapan.

Sa ayos ni Thea ay halatang naiinip na siya sa paghihintay na matapos ako sa ginagawa kong paghahanda sa sasakyan naming kabayo. At mukhang tinatamad din siyang maglakbay gamit ang kabayo. Kaya naman ay naiiling ko na lamang na itinigil ang ginagawa ko saka ako lumapit sa kinaroroonan ni Thea.

Nang makalapit ako sa kinaroroonan ni Thea ay agad kong inilahad sa harapan niya ang kanang kamay ko.

“Tara na nga. Baka umiyak ka pa diyan‚” natatawang yaya ko kay Thea.

Agad namang nag-angat ng tingin si Thea at nakita ko ang pagliwanag ng mukha niya bago niya nakangiting tinanggap ang kamay kong nakalahad.

Matapos tanggapin ni Thea ang kamay ko ay maingat ko siyang inalalayang tumayo. At gaya ng nais ni Thea ay nag-teleport na lamang kami gamit ang kapangyarihan niya para mas madali naming marating ang aming destinasyon.

“Nandito na tayo‚” anunsiyo ko matapos kaming dalhin ng kapangyarihan ni Thea sa harap ng palasyo ng Sapience Kingdom saka agad ko siyang nilingon mula sa aking kanan kasabay ng pagbitiw ko sa kamay niyang kanina ko pa hawak.

Napabuntong-hininga na lamang ako nang mapako ang tingin ko kay Thea. Tulala lamang siyang nakatingin sa palasyong nasa aming harapan habang bakas sa mga mata niya ang tila pag-aalangan na pumasok ng palasyo.

Sa nakikita ko ay mukhang hindi pa handa si Thea na makaharap si Kaiden. At mukhang hindi niya rin kayang pormal na magpaalam sa pamilya ni Kaiden na tiyak kong naging pamilya na rin niya.

“Kung hindi mo kaya‚ pwede namang ako na lang ang pumasok sa loob. Maiwan ka na lang dito‚” suhestiyon ko nang sa gayon ay hindi na kailangan pa ni Thea na harapin si Kaiden at ang pamilya nito.

Dahil sa sinabi ko ay agad na napukaw ang atensyon ni Thea at  kaagad siyang lumingon sa direksyon ko.

“Ano ka ba? Ayos lang ako. Hindi mo ako kailangang alalahanin‚” pagkakaila ni Thea kahit kabaliktaran naman ng sinabi niya ang nakikita kong emosyon sa mga mata niya.

“Sigurado ka?” tanong ko pa rin kahit na alam ko naman nang hindi talaga ayos si Thea.

“Ayos lang talaga ako. Saka sandali lang naman tayo. Kukumustahin ko lang si Kamila. Baka nagtatampo na ‘yon e‚” giit ni Thea na hindi ko na kinuwestiyon pa.

Sa halip na magtanong pa ako kay Thea at tiyaking ayos lang talaga sa kaniya na sumama sa loob ng palasyo ay niyaya ko na lamang siyang pumasok na ng palasyo para hindi na humaba pa ang usapan at para makabalik din kami kaagad sa bahay. Saka mukhang nangungulila na nga talaga siya kay Kamila at gustong-gusto na niya itong makita. Kaya sino ba naman ako para pigilan siya?

Matapos igiit ni Thea na ayos lang talaga siya ay agad na kaming naglakad papasok ng palasyo. At sa pagpasok pa lamang namin ng palasyo ay agad nang umalingawngaw ang isang nakapakalas na sigaw mula sa gawing kanan namin ni Thea.

“Ate Thea!” malakas na sigaw ng kung sino na nakaagaw ng aming atensyon at nagpalingon sa amin ni Thea sa aming gawing kanan.

Sa paglingon namin sa pinagmulan ng sigaw na aming narinig ay ang tumatakbong si Kamila ang bumungad sa amin. At bago pa man magawang tugunin ni Thea ang sigaw niya ay agad na siyang nakalapit sa amin at mahigpit niyang niyakap si Thea na bahagya pang nagulat sa bilis niyang makalapit sa ‘min.

“Na-miss kita‚ ate‚” puno ng pangungulingang wika ni Kamila habang nakayakap pa rin siya kay Thea na mabilis namang tinugon ang yakap niya.

“Na-miss din kita‚ baby girl‚” nangungulila ring tugon ni Thea.

Tumagal pa nang halos isang minuto ang yakapan nina Thea at Kamila bago kumalas si Kamila sa yakap.

“Ate‚ tara‚ laro tayo!” masiglang alok ni Kamila kay Thea matapos niyang kumalas sa yakap at hinawakan pa niya sa kamay si Thea para sana hilahin ito. Ngunit hindi nagpatangay sa kaniya si Thea. Sa halip kasi na sumama si Thea kay Kamila ay bahagya siyang yumuko para magpantay silang dalawa ni Kamila.

Matapos yumuko ni Thea para magpantay sila ni Kamila ay maingat niyang hinawakan ang magkabilang pisngi ni Kamila saka biglang lumamlam ang titig niya rito.

“Pasensya ka na‚ baby girl‚ pero nagmamadali kasi kami ng Kuya Ali mo‚” paghingi ni Thea ng paumanhin habang diretso siyang nakatingin sa mga mata ni Kamila na biglang nabahiran ng lungkot matapos niyang magsalita.

“Aalis ka po ulit?” malungkot na tanong ni Kamila.

“Doon na kasi ako titira kina Kuya Ali mo. Nagpunta lang ako rito para kunin ang ilang mga gamit ko‚” mahabang tugon ni Thea na mas lalong ikinalungkot ni Kamila.

“Hija‚ aalis ka?” tanong ng isang boses mula sa aking likuran na nakaagaw ng aming atensyon.

Halos sabay kaming napabaling ni Thea sa pinagmulan ng boses at ganoon na lamang ang pagkataranta kong magbigay-galang nang si Reyna Selena ang bumungad sa ‘kin na nakatayo na malapit sa ‘kin habang diretso siyang nakatingin kay Thea na nasa bandang likuran ko.

“Pasensya na po kayo kung biglaan. May nangyari lang po‚” agad na paghingi ni Thea ng paumanhin sa reyna.

“P-Pumunta lang po pala ako rito para magpaalam at kunin ang ilang gamit na naiwan ko‚” nag-aalangang dagdag ni Thea nang hindi agad sumagot ang reyna.

Matapos ilahad ni Thea ang pakay namin sa pagpunta namin ng palasyo ay agad na gumuhit sa mga labi ni Reyna Selena ang tipid na ngiti.

“Halika nga rito‚ hija‚” anyaya ni Reyna Selena kay Thea at inilahad pa niya ang dalawa niyang kamay na para bang ipinaparating niya kay Thea na abutin ang mga iyon.

Hindi naman na nagdalawang-sabi pa si Reyna Selena. Mabilis na tinawid ni Thea ang distansyang kanilang pagitan at maingat na hinawakan ni Thea ang mga kamay ni Reyna Selena gamit ang dalawa niya ring kamay. Naging hudyat naman iyon para ikulong ni Reyna Selena si Thea sa kaniyang mga bisig.

“Hindi mo na kailangang magpaliwanag pa‚ Thea‚ hija. Nauunawaan kita‚” wika ni Reyna Selena sa nang-aalong boses habang nakakulong pa rin sa mga bisig niya si Thea na mahigpit na ring nakayakap sa kaniya.

Hindi naman na tumagal pa ang yakapan nina Reyna Selena at Thea dahil agad na itong pinutol ni Reyna Selena na tila ba natatakot siyang maging emosyonal sa oras na hindi siya agad kumalas sa yakap.

“Mabuti pa ay ihatid ko na kayo sa iyong silid para makuha na ninyo ang inyong pakay‚” pagboluntaryo ni Reyna Selena na hindi na nagawa pang tanggihan ni Thea dahil bago pa man siya makasagot ay hinawakan na siya ni Reyna Selena sa kaliwang braso at iginiya siya nito patungo sa direksyong pinanggalingan ni Kamila.

Mabilis namang kumilos si Kamila para hawakan ang kanang kamay ni Thea at sumabay na rin siya sa pagtahak sa daan patungo sa silid ni Thea. Maging ako ay tahimik na lamang ding sumunod sa kanila ngunit pinanatili ko ang isang metrong distansya sa pagitan naming apat para hindi ako makaabala sa pag-uusap nila habang naglalakad sa kahabaan ng pasilyo.

Katulad nga ng sabi ni Reyna Selena ay inihatid niya kami sa silid ni Thea. Ngunit hanggang sa labas lamang siya ng silid sapagkat agad din siyang nagpaalam upang aliwin si Kamila na bigla na lamang umiyak nang magbilin sa kaniya si Thea na magpakabait siya at huwag magpupumilit na mamasyal o maglaro sa labas ng kanilang kaharian dahil wala na si Thea para siya’y samahan at bantayan.

Hindi na rin naman napigilan pa ni Thea ang maluha matapos makaalis nina Reyna Selena at Kamila. Ngunit mas pinili niyang pahirin ang mga luha niya bago pa man siya tuluyang lamunin ng lungkot.

“Tayo na sa loob?” tanong ko kay Thea para pukawin ang atensyon niya at para ipaalala sa kaniya ang aming pakay sa kaniyang silid.

Agad na lumingon sa aking direksyon si Thea at pilit siyang ngumiti bago siya marahang tumango bilang tugon sa tanong ko. At bago ko pa man siya mayayang pumasok ng silid ay nauna na siyang pumasok dito kaya agad na rin akong sumunod para tumulong sa pag-iimpake ng mga gamit niya.

Nang maimpake na namin lahat ng gamit ni Thea na minabuti kong ako na ang magbitbit ay napagpasyahan naming dumaan muna sa kinaroroonan ng trono para magpaalam sa hari’t reyna na dali-daling bumaba sa kanilang trono para salubungin ng isang mahigpit at mainit na yakap si Thea.

“Mag-iingat ka‚ Thea‚ hija‚” bilin ng hari kay Thea bago siya kumalas sa yakap habang naiwan naman ang reyna na nakayakap kay Thea.

“Huwag kang mahihiyang magsabi sa amin kung may kailangan ka‚” wika naman ni Reyna Selena saka agad na rin siyang humiwalay kay Thea at bumaling siya sa akin ng tingin.

“Ikaw nang bahala kay Thea‚ Ali. Huwag mo sana siyang pababayaan‚” wika sa akin ni Reyna Selena.

“Makakaasa po kayo‚ mahal na reyna. Tinitiyak ko po sa inyo ang kaligtasan ni Thea‚” nakayukong sagot ko bilang pagpapakita ng aking paggalang sa reyna.

Maaaring sa paningin ng reyna at ng iba pa ay isang responsibilidad o katungkulan ang protektahan si Thea. Ngunit hindi para sa ‘kin sapagkat sa paningin ko ay isa itong karangalan sa halip na responsibilidad. Isang karangalan ang protektahan ang babaeng mahal ko. At hindi ako magdadalawang-isip na itaya ang sarili kong buhay alang-alang sa kaligtasan niya. Kaya ipinapangako ko mula sa araw na ito na bago makuha ng kahit na sino si Thea ay dadaan muna sila sa bangkay ko.

“Kung ganoon ay mapapanatag na ako. Sige na‚ humayo na kayo at nang makabalik agad kayo sa inyong tahanan. Tiyak na nakaabang si Wendy sa inyong pagbabalik‚” pagtatapos ni Reyna Selena sa aming usapan at tipid pa niya kaming nginitian.

Dahil sa pagtatapos ni Reyna Selena sa aming usapan ay nagpaalam na kami ni Thea sa kanila saka agad na rin naming nilisan ang silid para sana bumalik na sa aming tahanan. Ngunit hindi na namin nagawa pang magtuloy-tuloy sa paglisan ng silid nang makasalubong namin sa may pinto si Kaiden na papasok sana ng silid habang palabas naman kami. Bigla na lamang kasing natigilan si Thea kaya napatigil din ako nang wala sa oras.

Dahil sa biglang pagtigil ni Thea ay awtomatiko akong napalingon sa direksyon niya at hindi naman na ako nagulat pa nang makita ko siyang tila hindi alam kung paanong haharapin si Kaiden. Hindi na rin ako nagulat pa nang wala akong emosyong mabakas sa mukha ni Kaiden nang balingan ko siya ng tingin. Pero sa kabila nito ay batid ko pa rin ang pagtatalo ng puso’t isip niya sa kung anong gagawin habang titig na titig siya sa mukha ni Thea.

Nagpalipat-lipat pa ang tingin ko kina Thea at Kaiden sa mga sumunod na oras para abangan kung sinong unang magbabawi sa kanila ng tingin. Ngunit nang mapansin kong tila walang ni isa man sa kanila ang may balak na pumutol sa sukatan nila ng tingin ay napagpasyahan kong pumagitan na sa kanila para putulin na ang walang katapusan nilang titigan.

“Thea‚ kailangan na nating umalis. Hinihintay na tayo ni ina‚” bulong ko kay Thea sa mismong tainga niya na medyo nilakasan ko pa para marinig ni Kaiden.

Hindi naman nakaligtas sa paningin ko ang biglang pagkakaroon ng emosyon ng mukha ni Kaiden. Bakas na bakas sa mukha niya ang selos at pagkainis habang matalim na siyang nakatingin sa ‘kin.

Lihim na lamang akong napangisi dahil sa emosyong mababakas sa mukha ni Kaiden. Tss! Pasensyahan kami pero una pa lang ay hindi na ako sang-ayon sa plano niya kaya hindi niya ako masisisi kung kumilos man ako nang hindi naaayon sa plano at gamitin ko ang kasalukuyang sitwasyon para mapalapit kay Thea. Ngunit sa kabila ng hindi ko pagsang-ayon sa plano niya ay poprotektahan ko pa rin si Thea sa abot ng aking makakaya. Pero hindi dahil sa pakiusap niya o ni Kaleb kundi dahil ito ang gusto ko at ito ang magpapasaya sa ‘kin.

“Mabuti pa nga‚” pagsang-ayon ni Thea sa sinabi ko saka nauna na siyang maglakad palabas ng silid.

“Excuse me‚” malamig na wika ni Thea saka bigla na lamang niyang malakas na binunggo si Kaiden na ikinagulat ko. Ngunit hindi ko na nagawa pang tanungin si Thea kung bakit niya iyon ginawa dahil nagtuloy-tuloy na siya sa pag-alis niya at hindi na siya lumingon pa sa direksyon ko hanggang sa makalabas kami ng palasyo.

Nilingon lamang ako ni Thea nang hingin niya sa ‘kin ang kamay ko para isama ako sa pag-teleport niya pabalik ng bahay. Walang imik ko namang iniabot sa kaniya ang kamay ko at hindi na ako nagtanong o nagsalita pa dahil tila hindi ito ang tamang panahon para kausapin siya. Mukha kasi siyang magbabato ng yelo sa sino mang kakausap sa kaniya.

Ilang segundo lamang matapos gamitin ni Thea ang kakayahan niyang mag-teleport ay narating na namin ang aming destinasyon kaya agad na ring binitiwan ni Thea ang kamay ko at nauna na siyang maglakad papasok ng bahay.

“Thea! Anak!” masayang salubong sa amin ni ina nang makapasok kami ng bahay at dali-dali siyang lumapit sa amin.

“Tamang-tama ang dating ninyo. Halina kayo sa kusina at ipaghahanda ko kayo ng makakain‚” agad na yaya sa amin ni ina nang makalapit siya sa amin.

“Ano po bang niluto ninyo? Masarap po ba?” may himig ng pananabik na tanong ni Thea.

“Wala pa akong niluluto. Nabanggit mo kasi sa akin kagabi na hilig mo ang pagluluto kaya halika’t tulungan mo akong magluto‚” masayang alok ni ina kay Thea na ikinasigla ni Thea.

“Ay‚ go ako diyan‚ tita‚” agad na pagpayag ni Thea.

“Halika na po‚ dali! Excited na ako!” nananabik na yaya ni Thea kay ina at masaya niya pang ipinulupot sa kanang braso ni ina ang mga kamay niya bago sila sabay na naglakad patungong kusina.

Sinundan ko na lamang ng tingin ang papalayong sina ina at Thea. At habang inihahatid ko sila ng tingin ay bigla na lamang sumilay sa mga labi ko ang masayang ngiti. Nakakatuwa lang kasing makita na sa kabila ng lahat ng naranasan at nararanasan ni Thea ay hindi pa rin niya nakakaligtaang ngumiti at hindi rin nawawala sa kaniya ang pagiging isip-bata niya. At inaamin kong isa ito sa mga katangiang minahal ko sa kaniya bilang si Thea.

Oo‚ mahal ko si Thea bilang siya at hindi dahil nakikita ko siya bilang si Kiana. Pero hindi ko pa rin maiwasang matuwa na ang babaeng minahal ko noon at minamahal ko ngayon ay iisa. At ang mas nakakatuwa pa ay siya pa mismo ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob para ipakita at ipadama sa kaniya ang pagmamahal ko.

“Oy! Ali‚ ano? Tutunganga ka na lang ba riyan? Tulungan mo kaya kami ng ina mo para naman may silbi ka. Lakas mo pa namang kumain. Hindi ka naman tumataba‚” sikmat sa akin ni Thea na hindi ko namalayang tumigil pala sa paglalakad para lamang lingunin ako.

Sa halip na mainis ako sa paraan ng pagkausap sa akin ni Thea ay natawa na lamang ako at napailing-iling bago ako lumapit sa kanila ni ina para sumabay sa pagpunta nila ng kusina at para tulungan na rin silang maghanda ng tanghalian.

Inabot ng halos dalawang oras ang paghahanda namin ng tanghalian dahil hindi nawala ang kulitan at asaran sa kalagitnaan ng aming paghahanda ng tanghalian. Ngunit madali na lamang kaming natapos sa paghahain ng mga naluto namin sa mesa dahil hindi na namin nagawa pang magkulitan dahil pare-pareho na kaming nagugutom.

“Kainan na!” masiglang sigaw ni Thea nang maihain na namin sa mesa lahat ng pagkaing niluto namin.

“Sugod!” malakas na sigaw ni ina na akala mo ay isang kawal na nasa gitna ng digmaan.

“Ang mahuli‚ siyang maghuhugas ng pinagkainan‚” biro ko sa kanila na mukhang sinersyoso naman nila dahil nagkani-kaniya agad sila ng upo at sunod-sunod ang kanilang naging pagsubo.

Muntik naman na akong matawa nang makita ko ang sunod-sunod na pagsubo nina ina at ang mabilis nilang pagkilos na para bang hinahabol sila ng sampung kabayo. Ngunit sa halip na panoorin ko lang sila ay agad na rin akong naupo at nakisali na ako sa pag-uunahan nilang matapos sa pagkain.

Dahil nga sa nag-uunahan kaming tatlo ay mabilis lamang kaming natapos sa pagkain. At dahil sa kabaliwan ko ay ako pa tuloy ang naghugas ng mga pinagkainan namin dahil hindi ko matalo-talo sina ina at Thea na akala mo ay hindi nakakain ng isang dekada sa lakas at bilis nilang kumain.

“Ali‚ ang kupad mo! Bilisan mo na nga riyan! Tuturuan mo pa ako sa paggamit ng espada!” naiinip na sigaw ni Thea mula sa likuran ko habang nasa kalagitnaan ako ng paghuhugas ng mga pinagkainan namin.

“Sandali na lang po ito‚ kamahalan. Kaunting tiis na lang po‚” sarkastikong tugon ko nang hindi man lang inaabala ang sarili kong lingunin si Thea sa aking likuran.

“Bilis-bilisan mo ang pagkilos!” muling sigaw ni Thea na dinaig pa ang masungit na amo kung magmando.

Hindi ko na napigilan pa ang matawa dahil sa huling sinabi ni Thea at napalingon na rin ako sa kaniyang direksyon.

“Masyado mo naman yata akong inaalila. Sige ka‚ hindi kita tuturuan sa pakikipaglaban‚” pananakot ko kay Thea sa pag-aakalang gagana ito para bigla siyang maging maamong tupa.

“Sige ka‚ isusumbong kita kay Tita Wendy‚” ganting pananakot sa akin ni Thea na ikinailing-iling ko na lang bago ko ibinalik ang atensyon ko sa paghuhugas ng mga pinagkainan namin.

“Ginamit mo pa talaga si ina‚” naiiling na sambit ko saka ko minadaling tapusin ang paghuhugas.

Ilang segundo nga lang ay natapos na rin ako sa paghugas ng mga pinagkainan namin kaya nagpunas na ako ng kamay at agad ko nang hinarap si Thea na nabungaran kong nakapamaywang na habang naiinip na nakamasid sa ‘kin.

“Tapos na po‚ kamahalan. Kaya tara na sa labas at nang makapag-ensayo na tayo‚” yaya ko kay Thea para hindi na siya magreklamo pa.

“Hayy... Sa wakas‚ natapos ka rin‚” tila inip na inip na sambit ni Thea na napapabuntong-hininga pa.

“Tara na nga! Baka magbago pa isip ko at hindi ako magpaturo sa ‘yo‚” yaya sa akin ni Thea na ikinahagalpak ko ng tawa.

“At talagang ako pa ang tinakot mo‚” tumatawang tugon ko bago ko tinawid ang distansyang aming pagitan.

Pagkalapit ko kay Thea ay agad ko siyang hinawakan sa magkabilang balikat niya at pinihit ko siya paharap sa daan palabas ng kusina saka ko siya inakbayan para igiya siya palabas.

“Halika na nga. Baka kung saan pa mapunta ‘tong usapang ‘to‚” muling yaya ko kay Thea at nagsimula na nga akong maglakad palabas na agad naman niyang sinabayan dahil nga nakaakbay ako sa kaniya.

“Ang bigat ng kamay mo! Kaya pala ang kupad mong kumilos kasi nabibigatan ka sa sarili mo‚” reklamo ni Thea habang palabas kami ng bahay.

Mas pinili ko na lamang na hindi na patulan pa ang pang-aasar ni Thea para hindi na mapunta pa sa kung saan ang aming usapan. Bahagya ko na lamang na ginulo ang buhok niya gamit ang malaya kong kamay at mas lalo ko pa siyang hinigit palapit sa ‘kin gamit ang braso kong nakaakbay sa kaniya para asarin siya.

Mas lalo namang nagreklamo si Thea dahil sa ginawa ko. Kaya ang nangyari ay panay lamang ang reklamo niya hanggang sa makarating na kami sa isang malawak na ispasiyo hindi kalayuan sa bahay.

Pagkarating na pagkarating namin sa malawak na ispasiyo na purong dahuman lamang ang makikita ay saka ko lamang binitiwan si Thea. Pagkatapos ay agad akong nagpalabas sa kanang kamay ko ng dalawang espada na gagamitin namin sa pag-eensayo. Hindi kasi maaaring gamitin ni Thea ang golden sword niya dahil aksaya ito sa lakas niya at kailangan niya muna matutunang gumamit ng ordinaryong espada sa pakikipaglaban bago niya pag-aralang gamitin ang golden sword para mas maging madali sa kaniya.

Kinuha ko na muna ang isa sa mga espadang nasa kanang kamay ko gamit ang kaliwa kong kamay at iniabot ko ito kay Thea bago ako dumistansya kay Thea para simulan na ang aming pagsasanay.

“Handa ka na ba?” tanong ko kay Thea sa seryosong boses nang makalayo na ako sa kaniya.

“Handa na!” seryoso rin namang tugon ni Thea at mas hinigpitan niya pa ang pagkakahawak niya sa espadang nasa kanang kamay niya.

“Kung gano’n ay simulan na natin ang ensayo‚” puno ng awtoridad na wika ko saka ako na ang naunang sumugod kay Thea para simulan na ang aming ensayo.

Madali namang naiwasan ni Thea ang atake ko at madali lang din siyang nakakilos para gumanti ng atake. Ngunit dahil mas bihasa ako sa kaniya ay walang kahirap-hirap kong naiiwasan ang mga atake niya. Pero kahit na bigo siyang patamaan ako ng mga atake niya ay masasabi ko pa ring hindi na ako mahihirapan pang turuan siya dahil sa nakikita ko ay mukhang may alam naman na siya sa pakikipaglaban. Mukhang naturuan na siya ng isa sa royalties.

At gaya nga ng inaasahan ko ay nagawa na ni Thea na matutunan kung paanong makipaglaban gamit ang espada sa loob lamang nang ilang oras. Ngunit sa kabila nito ay hindi pa rin kami kaagad tumigil sa pag-eensayo. Buong magdamag pa rin kaming nag-ensayo para mas lalo pang gumaling si Thea sa paggamit ng espada at sa pakikipaglaban gamit ito. At dahil nga malalim na ang gabi nang mapagpasyahan naming tapusin na ang aming pagsasanay ay hindi na namin nagawa pang kumain ng hapunan. Dumiretso na kami agad sa kani-kaniya naming silid upang magpahinga at bumawi ng lakas.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top