CHAPTER 60: WARM EMBRACES

ALTHEA’S POV

Matapos kong tumawid sa lagusan palabas ng lugar nina Almira ay namalayan ko na lamang na nasa Forbidden Forest na ako kung kaya tipid na lamang akong napangiti.

Nagpakawala pa muna ako ng malalim na buntong-hininga bago ako nagsimulang maglakad palabas ng gubat‚ pabalik sa akademya.

Nang sandaling makalabas ako ng gubat at makabalik ako ng akademya ay si Ali ang agad na bumungad sa ‘kin.

“Thea?” tila hindi makapaniwalang tanong ni Ali nang magkatitigan kami at pinasadahan pa niya ako ng tingin na para bang tinitiyak niya na ako nga ang kaniyang kaharap.

Kukumpirmahin ko sana kay Ali na ako nga ang kaharap niya ngunit hindi ko na nagawa pang magsalita nang bigla na lamang niya akong yakapin nang mahigpit.

“Natutuwa ako at ligtas ka‚” tuwang-tuwang sambit ni Ali habang nakakulong pa rin ako sa mga bisig niya.

Hindi na nagtagal pa ang yakap sa akin ni Ali dahil agad niya akong pinakawalan.

“Anong ginagawa mo rito?” nagtatakang tanong ko nang bigla kong maalala kung nasaan kami ngayon.

Ang alam ko ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagpunta sa Forbidden Forest. Kaya lubhang nakapagtatakang makita si Ali sa bukana nito.

“Hindi ba’t ikaw dapat ang tinatanong ko niyan? Anong ginagawa mo rito? Isang linggo kang nawala tapos dito pa kita matatagpuan. Saan ka ba nagsususuot?” sunod-sunod na tanong ni Ali na bigla na lang naging istrikto ang tono ng boses.

Bigla naman akong natigilan sa tanong ni Ali na hindi ko maaaring sagutin nang tapat. Hindi ko kasi pwedeng sabihin ang natuklasan ko dahil maaaring manganib sina Almira at mabulabog ang tahimik nilang pamumuhay. Kaya naman ay napilitan akong magsinungaling para protektahan ang lihim nina Almira at ang payapa nilang pamumuhay.

“N-Naligaw kasi ako. Ngayon lang ako nakabalik‚” pagsisinungaling ko.

Hindi naman nakaligtas sa akin ang paniningkit ng mata ni Ali sa ‘kin na para bang hindi siya kumbinsido sa sagot ko at inaalam niya kung totoo ang mga lumabas sa bibig ko. Napansin ko rin na tila may balak pa siyang magtanong. Ngunit bago pa man siya makapagtanong ay agad ko nang iniba ang paksa ng aming usapan para hindi na siya makapagtanong pa.

“Uhm... Ali‚ can I ask you a favor?” nag-aalangan kong tanong kay Ali nang bigla kong maalala ang sitwasyong kinalalagyan ko matapos biglang sumulpot ng nagpakilalang Kiana.

“Ano ‘yon?” agad na tanong ni Ali at binigyan pa niya ako ng uri ng tingin na nagsasabing huwag akong magdalawang-isip na sabihin ang gusto kong sabihin.

“Can I stay at your house for a couple of days?” diretsahan kong tanong saka wala sa sariling nakagat ko ang ibabang labi ko dala ng kaba ko sa maaaring isagot ni Ali. “Alam mo naman hindi ba na iniiwasan na ako nina Kaiden kaya naisip ko na mas makabubuting umalis na rin ako sa kanila‚” pahabol kong paliwanag.

Hindi ko naman masisisi ang sarili ko kung makaramdam man ako ng kaba sa magiging sagot ni Ali dahil big deal para sa ‘kin ang magiging sagot niya dahil siya lang ang naiisip kong pwede kong lapitan patungkol sa bagay na ito. Ayoko naman kasing lapitan sina Yael‚ Luna at Flor dahil baka malagay pa sa panganib ang mga buhay nila dahil sa ‘kin. Sa lahat kasi ng nangyari at nangyayari ay mukhang ako nga ang pakay ng mga kaaway sa hindi ko malamang dahilan mula sa pagsugod ng Darkinians sa bahay nina Jane hanggang sa pagsugod ng mga ito sa bahay namin. Maging ang pagdating ng impostor para siraan ako ay nagpapakita lang din na ako nga talaga ang puntirya nila. Hindi rin naman ako maaaring lumapit kina Luca at Nikolai dahil sa pagkakaalam ko ay sa palasyo sa Ardor Kingdom sila nakatira. Kaya si Ali na lang talaga ang malalapitan ko. Bukod kasi sa may sarili silang tahanan ay kilala rin siya bilang isa sa mga pinakamagigiting na mandirigma kaya kampante akong magagawa niyang pangalagaan ang sarili niya kung sakali mang puntiryahin din siya ng mga kaaway. Pero ayoko naman talaga sana siyang idamay o kahit na sino. Kaya lang ay wala na akong ibang malalapitan pa.

“Ayos lang sa akin kahit gaano ka pa katagal manatili sa ‘min. Hindi ka na naman iba sa ‘kin‚” nakangiting tugon ni Ali na nagpangiti rin sa ‘kin.

“Salamat‚” nakangiting pasasalamat ko ngunit bigla rin akong sumeryoso nang maalala kong may isa pa nga pala akong pabor na hihingin kay Ali.

“May isang pabor pa pala akong hihingin sa ‘yo. Magpapasama sana akong pumunta ng Sapience Kingdom bukas para kunin ang ilang mga gamit ko ro’n‚” agad kong pahabol.

“Walang problema. Bukas na bukas din ay sasamahan kitang balikan ang ilang mga gamit mo sa palasyo‚” maagap na tugon ni Ali na labis kong ikinatuwa‚ dahilan para mayakap ko siya nang wala sa oras.

“Yey! Ang bait-bait mo talaga! You’re my hero!” tuwang-tuwang sambit ko habang nakayakap pa rin ako kay Ali na nakayakap na rin sa ‘kin.

“Thea?” patanong na sambit ng kung sino mula sa gawing kanan ko na nagpahiwalay sa ‘kin kay Ali at nagpalingon sa akin sa direksyon ng nagsalita.

Sa paglingon ko sa gawing kanan ko kung saan nagmula ang boses na narinig kong bumanggit ng pangalan ko ay bumungad sa akin ang magpinsang sina Luca at Nikolai na mababakas ang pag-aalala at pagkagalak sa kanilang mga mukha.

“Luca? Nikolai?” sambit ko sa mga pangalan ng magpinsan at nagpalipat-lipat pa sa kanilang dalawa ang tingin ko.

“Thea!” masiglang sigaw ng magpinsan at bago pa man ako makasagot ay nagmamadali na silang lumapit sa ‘kin at mahigpit nila akong niyakap nang sabay.

“Akala namin kung ano nang nangyari sa ‘yo. Halos libutin na namin ang buong Fantasia mahanap ka lang. Dito ka lang naman pala namin mahahanap‚” may bahid pa rin ng pag-aalalang wika ni Nikolai.

Agad naman akong napalayo sa magpinsan dahil sa sinabi ni Nikolai at binigyan ko si Nikolai ng nagtatakang tingin.

“Kaya ba kayo nandito ay dahil sa ‘kin?” salubong ang kilay kong tanong para linawin kung tama ba ang interpretasyon ko sa sinabi ni Nikolai.

“Tumpak! Ano pa ba sa tingin mo ang gagawin namin dito? Tss! Ikaw naman kasi‚ hindi ka man lang nagsabi sa amin kung saan ka pupunta‚” sarkastikong tugon ni Luca na bigla-bigla na lang sumabad sa usapan namin ni Nikolai.

“Oo nga pala‚ saan ka ba nanggaling? Bakit ang tagal mong nawala?” sunod-sunod na tanong sa akin ni Luca bago ko pa man masagot ang una niyang sinabi.

“Mahabang kuwento. Ang mabuti pa ay samahan na lang ninyo akong pumunta ng classroom. Baka nag-aalala na rin sina Flor‚” pagliliko ko ng aming usapan nang maisip kong sina Flor ang tiyak na pinakanag-alala sa ‘kin dahil basta ko na lang silang iniwan noon sa labas ng Healing Room nang walang pasabi.

Matapos kong maalala ang ginawa kong pag-iwan kina Flor noon sa Healing Room ay bigla na lamang akong nakaramdam ng guilt dahil sa ginawa kong pag-iwan sa kanila. Ngayon ko lang napagtanto ang pagkakamaling nagawa ko. Sa sobrang lungkot ko noon dahil sa ginawang pagpili nina Kaiden sa nagpakilalang Kiana ay bigla na lamang akong nagdesisyong umalis at nakalimutan kong may iba pa akong kaibigan na maaari kong matakbuhan. Pero hindi ko rin naman masisisi ang sarili ko sa ginawa kong desisyon. Minsan kasi talaga sa buhay ng isang tao ay mas pinagtutuunan pa natin ng pansin ang mga nang-iwan sa atin kaya hindi natin napapansin ang mga taong piniling manatili sa tabi natin at hindi tayo iniwan.

Matapos kong yayain sina Luca na samahan akong magtungo ng classroom ay hindi naman na sila kumontra pa. Bukal sa loob nila akong sinamahang tahakin ang daan patungo sa aming silid-aralan. Ngunit hindi na namin nagawa pang magtuloy-tuloy sa aming pagpunta ng aming silid-aralan nang maagaw ng isang boses ang atensyon ko sa kalagitnaan ng aming paglalakad.

“Kaiden‚ pwede bang ikaw na lang ang maging konsorte ko sa gaganaping pagdiriwang para sa ‘kin?” malanding tanong ng isang boses-babae na nagpalingon sa akin sa gawing kaliwa ko kung saan ito nagmula.

Sa paglingon ko sa pinanggalingan ng boses na narinig ko ay bumungad sa akin ang mukha ng mga kaibigan kong nakatingin na rin pala sa direksyon ko habang kasama nila ang isang linta na wagas kung makalingkis sa braso ni Kaiden.

Sa pagtatagpo ng aming mga tingin ay nakita ko ang gulat sa mga mukha nina Jane at Kaleb. Ngunit ilang segundo lang ay napalitan na ng pangungulila ang gulat na mababakas sa mukha ni Jane at tinangka niya pang humakbang patungo sa direksyon ko. Ngunit hindi na niya nagawa pang makahakbang man lang kahit isang beses nang pigilan siya ni Kaiden sa pamamagitan ng paghawak nito sa kaliwa niyang braso habang nasa akin pa rin ang tingin ni Kaiden.

“Oh. Bumalik na pala ang impostor‚” nakangising wika ng linta na ikinataas ng kilay ko.

Kasunod ng pagtaas ng kilay ko ay napangisi na lamang ako dahil sa pambungad sa akin ng linta. Ang kapal naman yata ng mukha niya para tawagin akong impostor. E ni hindi pa nga niya napapatunayang kaniya nga ang mukhang inihaharap niya sa ‘min.

“Oh yes‚ I’m back!” nakangisi rin namang tugon ko para tapatan ang lintang ngayon ay kaharap ko.

“Thea‚ tara na. Huwag mo na lang siyang pansinin‚” mahinang bulong sa akin ni Nikolai na masama nang nakatingin sa lintang nakikipagsukatan sa akin ng tingin.

Agad kong binalingan ng tingin si Nikolai matapos niyang magyayang umalis na.

“Saglit lang‚ Nikolai. Let me enjoy this moment first‚” mahinang wika ko at pasimple kong kinindatan si Nikolai para iparating sa kaniya na may kalokohan akong gagawin.

“Mukhang magiging masaya ‘to ah‚” nangingiting sambit ni Luca na halatang excited sa maaari kong gawin saka niya tinapik sa kanang balikat si Nikolai. “Nikolai‚ pinsan‚ hayaan mo na si Thea. Suportahan na lang natin siya‚” pigil din naman ni Luca sa pinsan niya dahil tila may balak pa si Nikolai na pilitin akong umalis na para iwasan ang lintang harap-harapan akong tinatawag na impostor.

Napailing-iling na lamang ako sa mga sinabi ni Luca at lihim na lamang akong napangisi. Pagdating talaga sa kalokohan‚ game na game ‘tong baliw na si Luca. Kaya bagay na bagay talaga sa kaniya ang pangalan niya. Luca‚ short for loka-loka.

Nang mapansin kong tila nakumbinsi na ni Luca si Nikolai na hayaan ako sa kung anumang binabalak kong gawin ay muli kong binalingan ng tingin ang direksyon nina Jane.

“Ano namang masamang hangin ang nagpabalik sa ‘yo rito?” mataray na tanong ng linta na kasalukuyan nang nakakrus ang mga braso sa harap ng kaniyang dibdib habang mataray na nakatingin sa ‘kin.

Hindi ko na napigilan pa ang muling pagtaas ng isang kilay ko dahil sa tanong ng linta at sa paraan ng pagkakasabi niya nito.

“Bakit? Hindi na ba ako welcome dito? E sa pagkakaalala ko‚ bukas para sa lahat ng charmers ang akademya maliban na lamang sa mga kasapi ng Darkinians‚” nakangising sagot ko at sinadya ko pang diinan ang huling salitang sinabi ko para iparating sa kausap ko na may ideya na ako kung sino ang nasa likod niya.

Hindi naman nakaligtas sa akin ang biglang pagsingkit ng mga mata ng kausap ko dahil sa mga sinabi ko na mas lalo kong ikinangisi. Bingo! Sa reaksyon pa lang niya ay kitang-kita nang nagulat siya sa mga narinig niya at binabasa niya ang ekspresyon ng mukha ko pati na ang mga mata ko para alamin kung hanggang saan na ang alam ko. Tsk! Walang duda. Impostor nga siya at siya ang totoong pakawala ng mga kalaban. Binabaliktad lang niya ang kuwento para masira niya ako at masira niya ang pagkakaibigan namin nina Jane.

“Ganoon ba? Edi hindi ka pala dapat nandito dahil isa ka sa kanila‚” nanunuyang tugon ng impostor nang makabawi siya mula sa kaniyang pagkabigla.

Bigla na lamang akong natawa sa narinig ko na nakaagaw ng atensyon ng ilang mga estudyanteng nasa paligid pati na ang mga napapadaan sa direksyon namin. At dahil nakuha ko ang atensyon nila ay hindi na nila napigilan pa ang pag-usapan kami.

‘Magkamukhang-magkamukha nga sila.’

‘Sino kaya sa kanila ang totoong Kiana?’

‘Hindi hamak naman na mas malakas si Thea kaysa sa nagpakilalang Kiana.’

Marami pa akong usap-usapang narinig sa paligid at ilang mga komento ngunit hindi ko na pinansin pa ang mga ito at muli ko na lamang itinuon ang pansin ko sa kaharap kong carbon copy ang pagmumukha.

“Sorry ah. Hindi ko na kasi napigilang matawa sa biro mo. Masyadong corny‚” nang-iinsultong saad ko.

“Hindi ako nagbibiro!” inis na singhal sa akin ng impostor.

“Oh? Really? Kaya ba kasabay ng pagdating mo ang pagsugod ng mga kaaway? Haha! Nakakatawa‚” puno ng sarkasmong tugon ko na ikinausok ng ilong ng impostor.

“Naku‚ girl‚ pigilan mo ang galit mo. Umuusok na ang ilong mo o. Sige ka‚ baka masira ‘yang peke mong mukha. Sayang naman ang effort mong gayahin ang maganda kong mukha‚” nanunuyang wika ko saka malakas akong natawa nang makita ko ang hindi na maipintang mukha ng impostor dahil sa galit.

“Sige‚ bye. See you around‚” pagtatapos ko ng kabaliwan ko saka nang-aasar ko pang kinindatan ang impostor para mas lalo itong asarin.

“Let’s go‚ boys‚” yaya ko sa tatlong lalaking kasama ko bago ako nauna nang maglakad patungo sa aming silid-aralan na agad din namang sinundan ng mga kasama ko.

Habang tahimik naming tinatahak ang daan patungo sa aming silid-aralan ay bigla na lamang akong nakonsensya sa mga pinagsasasabi ko kanina sa lintang impostor. Pero may parte rin sa akin ang natutuwa dahil nagawa ko siyang galitin. Sa ganoong paraan kasi ay mababaling sa akin ang atensyon niya at mawawala siya sa konsentrasyon sa kung anuman ang binabalak niya dahil sa inis at galit. At habang sa akin nakatuon ang buong atensyon ng impostor ay walang masamang mangyayari kina Jane at hangga’t malayo rin ako sa kanila ay mananatili silang ligtas.

Ligtas sina Jane kapag malayo ako sa kanila at maaaring kahalintulad din ng teorya kong ito ang teorya nila kaya sila lumalayo sa ‘kin. Halata naman kasi sa mga kilos at sa mukha ni Jane na gustong-gusto niya akong lapitan at yakapin. Sa pananatili ko rin kina Almira ay napagtanto kong maaaring parte lamang ng isang plano ang ginagawa nina Jane na paglayo sa ‘kin. Maaaring ito ang paraan nila para ma-corner ang impostor at para mailayo ako sa impostor. Pero hanggang hinala lang muna ako sa ngayon dahil hindi ko naman maaaring kumpirmahin kina Jane ang hinala ko dahil maaaring makasira pa ako sa kung anumang pinaplano nila. Ngunit anuman ang dahilan nina Jane sa paglayo nila sa ‘kin ay hindi na mahalaga ‘yon. Ang tanging mahalaga lang sa akin ngayon ay ang kaligtasan nila.

“Thea!” malakas na tawag sa akin ng kung sino na nakapukaw ng aking atensyon.

Matapos mapukaw ng sumigaw ang atensyon ko ay napakurap-kurap na lamang ako at kasunod nito’y wala sa sariling inilibot ko ang tingin ko sa paligid.

Hindi ko pa man nasusuyod ng tingin ang buong paligid ko ay agad ko nang napagtantong narating na namin ang aming destinasyon dahil agad na natuon ang paningin ko kay Flor na kasalukuyang tumatakbo patungo sa aming direksyon‚ sa may bukana ng aming silid-aralan. At bago pa man ako humakbang papasok ng aming silid-aralan para sana salubungin si Flor ay nakalapit na siya sa ‘kin at bigla niya akong niyakap na sinundan din naman ni Yael.

“Maiwan na namin kayo. Mukhang magkakadramahan pa rito‚” natatawang paalam ni Luca.

Dahil sa pamamaalam ni Luca ay agad akong napalayo kina Flor para balingan sina Luca na pare-pareho nang nakahandang umalis.

“Salamat sa inyo‚” nakangiting pasasalamat ko kina Luca‚ Nikolai at Ali.

“Wala ‘yon. Basta ikaw‚” nakangiti rin namang tugon ni Nikolai na pabiro pa akong kinindatan.

“Susunduin na lang kita rito mamaya. Hintayin mo na lang ako sa loob at huwag na huwag kang lalabas ng silid na ito hangga’t hindi ako dumarating‚” mahigpit na bilin ni Ali na tinugon ko na lamang ng tipid na ngiti at marahang pagtango.

Matapos magbilin ni Ali ay muli pa silang nagpaalam saka tuluyan na rin silang umalis.

Sinundan ko pa ng tingin sina Ali hanggang sa mawala sila sa paningin ko. At nang hindi na sila maabot pa ng paningin ko ay doon ko lamang binalingan ng tingin sina Flor.

Sa paglingon ko kina Flor ay bigla na lamang akong napadaing nang isang napakalakas na batok ang sumalubong sa ‘kin.

“Bruha ka! Pinag-alala mo kami nang bongga!” sigaw sa akin ni Flor na bigla-bigla na lang naggalit-galitan gayong kanina lang ay halos durugin na niya ang mga buto ko sa higpit ng pagkakayakap niya sa ‘kin.

“Bakit? Sinabi ko bang mag-alala kayo? Hindi naman‚ hindi ba?” mataray kong tugon kay Flor para tapatan ang paggagalit-galitan niya.

Sa halip na career-in ni Flor ang paggagalit-galitan niya katulad ng inaasahan ko ay bigla na lamang siya natawa.

“Baliw ka talaga‚” natatawang sambit ni Flor na hindi na nagawa pang panindigan ang paggagalit-galitan niya.

“Ba’t ka nga pala biglang nawala?” biglang tanong ni Yael na nagpalingon sa akin sa direksyon niya.

“Huwag na natin ‘yon pag-usapan. Mabuti pa ay tara na sa upuan natin dahil nangangalay na ako katatayo rito‚” pag-iwas ko sa tanong ni Yael.

Hindi naman na nagpumilit pa si Yael na alamin ang sagot sa tanong niya. Sa halip ay iginiya na lamang niya ako patungo sa upuan ko at ganoon din naman si Flor.

“Nasaan nga pala si Agua?” tanong ko nang makaupo na kaming tatlo. Magkatabi kami ni Flor na nakaupo habang nasa unahan naman namin si Yael na nakaharap sa amin.

Hindi ko alam kung paano at bakit pero bigla ko na lang napansin ang absence ni Agua. At dahil sa hindi ko nga siya napansin sa paligid ay bigla na lamang nabuhay sa puso ko ang pag-aalala na baka hindi pa siya tuluyang nakakabawi ng lakas dahil sa labanang naganap sa pagitan namin noong nakaraang linggo.

“Hindi ko alam‚” kibit-balikat na sagot ni Flor na ikinakunot ng noo ko.

“What do you mean?” naguguluhang tanong ko.

“Nang iwan mo siya sa amin noong magkagulo isang linggo na ang nakararaan ay umalis siya at hindi namin alam kung saan siya nagpunta. Hindi na rin siya pumasok magmula noon at iyon ang huli naming kita sa kaniya‚” mahabang tugon ni Yael na mas lalo kong ipinag-alala.

Gusto ko pa sanang tanungin sina Yael patungkol kay Agua ngunit mas pinili ko na lamang na itikom ang bibig ko dahil mukhang maging sila ay wala ring alam sa kinaroroonan ni Agua at kung ano na ang nangyari dito. Sana lang talaga ay nasa maayos siyang kalagayan at ligtas siya kung saan man siya naroroon. Wala naman akong ibang hiling kundi ang kaligtasan ng mga kaibigan ko at lahat ng mga nakapaligid sa ‘kin kahit pa hindi ko kasundo ang ilan sa kanila.

Speaking of hiling‚ ilang araw na lang pala ay sasapit na ang ikalabing-walong kaarawan ko. Hindi ko man lang namalayan sa dami ng mga nangyari sa ‘kin. Pero kahit naman naalala ko ang kaarawan ko ay hindi rin naman ako makakapag-celebrate dahil sa sitwasyon ko. Saka paano ko naman ipagdiriwang ang kaarawan ko kung alam ko sa sarili ko na ang araw na ‘yon ang maghuhusga ng pagkatao ko. Kung tunay kasi akong anak nina mommy ay tiyak na sa araw na iyon lalabas ang kabuuan ng kapangyarihan ko at sa araw ring iyon magbabago ang kulay ng mata at buhok ko.  Pero kung wala namang pagbabagong maganap sa ‘kin‚ ibig sabihin lamang no’n ay hindi talaga ako anak nina mommy dahil maling araw ang ibinigay nilang petsa ng kapanganakan ko. Ngunit hindi ko rin naman maitatangging may munting excitement akong nararamdaman. Nakaka-excite naman kasi na malaman kung ano na ang magiging permanenteng kulay ng mata at buhok ko. Pero sana lang talaga ay hindi rainbow ang maging kulay ng buhok ko kahit pa taglay ko halos lahat ng kapangyarihan sa mundong ito. Baka mapagkamalan pa akong clown kapag rainbow ang naging kulay ng buhok ko. Pero syempre‚ hindi ko naman hahayaang magmukha akong clown. Kaya sa oras na nagkatotoo ang ikinatatakot ko at naging rainbow ang kulay buhok ko ay magpapakalbo ako. Mark my words.

✨✨✨

A/N: Ano sa tingin ninyo ang magiging kulay ng buhok at mata ni Thea? Lilitaw kaya sa kaniya ang simbolo ng itinakda?

Leave your comment below🙆🏻‍♀️

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top