CHAPTER 57: THE CURSE
ALTHEA’S POV
Mabilis na lumipas ang mga araw sa pananatili ko sa nakatagong paraiso sa loob ng Forbidden Forest. Mag-iisang linggo na akong naninirahan dito at sa halos isang linggong pananatili ko rito ay marami akong nalaman patungkol sa nakaraan ng Fantasia sa tulong ni Almira na ilang daang taon nang namumuhay.
Dahil kay Almira ay napag-alaman kong sa isang pamilya nagmula ang kasamaan sa mundong ito. Noong unang panahon daw kasi ay may diyos at diyosa na mortal na magkaaway—ang diyos ng kadiliman na kumukuha ng lakas sa kasamaan‚ galit at poot na mayroon ang isang nilalang at ang diyosa ng liwanag na ang pangunahing tungkulin ay linisin ang puso ng bawat nilalang na naninirahan sa mundong ito at panatilihin ang kaayusan at kapayapaan—na umibig sa isa’t isa. Ngunit mahigpit na ipinagbawal at tinutulan ng kapwa nila mga diyos at diyosa ang kanilang pag-iibigan dahil kailanman ay hindi maaaring magsama ang liwanag at dilim. Pero dahil sa pagmamahal nila sa isa’t isa‚ sa halip na maghiwalay sila ay mas pinili nilang isuko ang kanilang pagiging diyos at diyosa at namuhay sila kasama ng mga charmer.
Naging maayos naman daw ang pagsasama ng diyos ng kadiliman at diyosa ng liwanag matapos nilang isuko ang kanilang pagiging diyos at diyosa. Namuhay sila nang masaya sa mahabang panahon at mas lalo pang sumigla ang kanilang pagsasama nang magbunga ang kanilang pagsasama ng kambal na supling na parehong babae na pinangalanan nilang Lucy at Luciana. Ngunit habang lumalaki ang kanilang mga anak ay unti-unting nagkaroon ng lamat ang masayang pagsasama nilang mag-anak. Tanging si Lucy lamang kasi ang nagmana ng ugali at kapangyarihan ng kanilang ina samantalang ang kapangyarihan naman ng kanilang ama ang namana ni Luciana kasama na ang dati nitong ugali bago nito makilala ang kanilang ina. Dahil dito ay lumaki si Lucy na may busilak na kalooban habang naging masama naman ang ugali ni Luciana na naging dahilan upang mas mahalin at hangaan ng nakararami si Lucy. Ngunit dahil sa paghanga‚ atensyon at pagmamahal na nakukuha ni Lucy ay nabuhay ang inggit sa puso si Luciana na siyang nagtulak sa kaniyang gawan ng masama ang kaniyang kakambal.
Dahil nga sa pagkainggit ni Luciana sa kaniyang kakambal ay inagaw niya ang katauhan nito. Nagpanggap siyang si Lucy at inagaw niya ang naging kasintahan noon ni Lucy na ayon kay Almira ay ang naunang hari ng Ardor Kingdom. Ginawa niya iyon para hindi tuluyang maging masaya si Lucy at para iparamdam kay Lucy kung paano ang maagawan na lagi nitong ipinaparamdam sa kaniya mula sa atensyon at paghanga ng mga nakapaligid sa kanila hanggang sa pagmamahal ng kanilang mga magulang. At dahil sa ginawa niyang ito ay kinain ng galit ang puso ni Lucy na naging dahilan para mawala na lang bigla si Lucy. Kasabay kasi ng pagkain ng galit sa puso ni Lucy ay tila nilamon din si Lucy ng dilim na unti-unting nagpahina sa kaniya dahil sa kabutihan at sa liwanag siya humuhugot ng lakas. Ngunit kasabay niyang naglaho ang kakambal niyang si Luciana. Ayon kasi kay Almira ay konektado raw ang buhay ng kambal kaya kapag namatay o nawala ang isa ay ganoon din ang mangyayari sa isa pa. Walang matitira. Ngunit bago maglaho si Lucy kasama ang kakambal niya sa harapan ng lahat sa mismong kasal nina Luciana at ng naunang hari ng Ardor Kingdom ay may binitiwang sumpa si Lucy na siyang nagtanim ng takot sa lahat. Ang sumpang magbabalik siya sa kahit anong paraan dahil hangga’t mayroong kasamaan‚ galit at poot sa puso ng kahit sinong nilalang ay magbabalik at magbabalik siya upang maghiganti at maningil sa lahat ng may utang sa kaniya.
Labis namang dinamdam ng dating diyosa ng liwanag ang pagkawala ng kaniyang mga anak na sina Lucy at Luciana kaya binalot ng lumbay at dilim ang kaniyang puso na naging dahilan ng pagkawala niya na sinundan din naman agad ng kaniyang asawa na mas piniling kitilin ang kaniyang sariling buhay kaysa patuloy siyang mamuhay nang mag-isa.
Sa pagwawakas ng kuwento ni Almira patungkol sa nangyari noon sa kambal ay nabanggit niya sa akin ang hinala niya na maaaring naganap na ang sumpang binitiwan ni Lucy. Muli na naman kasing nabuhay ang kasamaan at hindi malabong bumalik na nga si Lucy gaya ng sumpa niya upang maghasik ng lagim at maghiganti. At hindi rin malabong ang Ardor Kingdom ang puntirya niya dahil dito nagsimula ang lahat. At kung ang Ardor Kingdom nga ang puntirya niya ay anumang oras ay maaaring malagay sa panganib ang buhay ng prinsesa ng Ardor Kingdom at maging ang buhay ng kasalukuyang namumuno sa Ardor Kingdom dahil sila’y kadugo ng lalaking dumurog sa puso ni Lucy.
Sa mga ikinuwento sa akin ni Almira ay isang ideya ang nabuo sa aking isipan. Iyon ay ang posibilidad na maaaring pinagkamalan akong prinsesa ng Ardor Kingdom kung kaya sinugod kami noon sa mansyon. Pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit nila dinamay ang mga magulang ko gayong wala naman silang kaalam-alam sa Fantasia at mas lalong wala silang kinalaman sa Ardor Kingdom.
Bukod sa pagbahagi sa akin ni Almira ng kaniyang hinala ay nabanggit niya rin sa akin na magmula raw nang maglaho ang kambal na sina Lucy at Luciana ay itinuring nang sumpa ang pagkakaroon ng kambal kaya mahigpit itong ipinagbabawal. At dito na ako unti-unting nalinawan. Imposibleng magkakambal kami ng babaeng nagpakilalang Kiana dahil isa lang naman daw ang tagapagmana ng Ardor Kingdom at ipinagbabawal pa ang pagkakaroon ng kambal. Ngunit ang malaking tanong ngayon ay... bakit magkamukhang-magkamukha kami kung hindi naman pala kami magkaano-ano? Posible kayang isa sa amin ay impostor? Pero sino sa ‘min? Imposible namang ako dahil ito na ang mukha ko at kahit kailan ay hindi pa ako nagpabago ng mukha o gumamit ng anumang pampaganda‚ pampakinis at iba pa. So... hindi kaya ang babaeng ‘yon ang impostor? Bigla na lang naman kasi siyang sumulpot sa mismong araw pa ng pagsugod ng mga kalaban. Pero kung siya ang impostor‚ ibig sabihin ba nito ay ako talaga ang nawawalang prinsesa ng Ardor Kingdom? Ito ba ang dahilan kaya pamilyar sa akin ang ilang mga lugar at charmers sa mundong ito? At ito rin ba ang dahilan kung bakit apektadong-apektado ako kapag napag-uusapan ang Ardor Kingdom at ang mga dating namumuno rito?
Haist! Hindi ko na alam kung anong iisipin ko o kung dapat pa ba akong mag-isip. Sa ngayon kasi ay mukhang kailangan ko munang isantabi lahat ng tanong ko dahil mas mahalagang makabalik na ako sa akademya para tiyakin ang kaligtasan nina Jane. Kung totoo kasing isang impostor ang kasama nila gaya ng hinala ko ay maaaring pakawala ito ng mga kaaway. Kaya hindi malabong nanganganib ang mga buhay nila at maging ang buhay ng ipa ba. Kaya kailangan ko na talagang bumalik para alamin kung sino ang nasa likod ng impostor. Wala na akong pakialam kahit paulit-ulit pa akong balewalain nina Jane. Ang tanging mahalaga ngayon ay mailigtas ko sila bago pa magtagumpay ang mga kaaway sa kung anumang binabalak nila.
“Thea‚ ayos ka lang ba?” puno ng pag-aalalang tanong ni Almira na pumukaw ng aking atensyon at nagpalingon sa akin sa lawa kung saan siya kasalukuyang nakababad habang nasa gilid naman ako ng lawa‚ nakaupo sa isang bato habang nakababad sa tubig ang mga paa ko.
Kahapon lang naikuwento sa akin ni Almira ang lahat ng tungkol sa kambal na sina Lucy at Luciana kaya naman hanggang ngayon ay pinoproseso ko pa rin ang mga nalaman ko at sinusubukan kong pagkone-konektahin ang mga pangyayari para magawa kong masagot ang mga tanong sa isip ko na patuloy na dumarami sa halip na ito’y mabawasan.
“H-Huh?” wala sa sariling tanong ko.
Napailing-iling na lamang si Almira sa naging tugon ko bago siya lumangoy palapit sa kinaroroonan ko. At nang makalapit siya sa ‘kin ay agad siyang nag-angat ng tingin habang nakababad pa rin sa tubig ang paa hanggang balikat niya at binigyan niya ako ng malamlam na tingin.
“Kanina ko pa napapansin na malalim ang iniisip mo. May problema ba?” nag-aalala pa ring tanong ni Almira.
“Naisip ko lang ang mga naiwan ko‚” malungkot kong tugon saka bigla akong napahugot ng hininga nang maalala ko na naman ang panganib na maaaring dala ng kinikilala nina Jane na Kiana.
“Almira?” nag-aalangan kong pagkuha sa atensyon ni Almira nang biglang mabuhay ang pag-aalala sa puso ko dahil sa isiping nasa panganib sina Jane.
“Ano ‘yon? May gusto ka bang sabihin o itanong?” tanong ni Almira at binigyan niya pa ako ng uri ng tingin na nagsasabing huwag akong mag-alangang magtanong o magsabi ng kahit ano sa kaniya.
“Ahh‚ w-wala‚” nauutal kong sagot nang mawalan ako ng lakas na sabihin kay Almira ang gusto kong sabihin.
Kahit na buo na ang desisyon kong lisanin na ang lugar nina Almira para balikan sina Jane ay hindi ko pa rin magawang magpaalam kay Almira. Sa halos isang linggong pananatili ko kasi sa nakatagong paraiso sa loob ng Forbidden Forest ay napalapit na ang loob ko kay Almira at sa iba pang naninirahan dito kaya mabigat para sa ‘kin ang umalis at iwan sila.
“Kung anuman ang gusto mong sabihin ay sabihin mo na. Huwag ka nang mahiya o mag-alangan. Handa akong makinig sa anumang sasabihin mo‚” wika ni Almira sa malambing na boses na mas lalong nagpapahina ng loob ko na magpaalam sa kaniya. Ngunit nang maalala ko na naman ang panganib na maaaring kaharapin nina Jane ay marahas na lamang akong napahugot ng hininga saka ko inihayag ang bagay na kanina ko pa gustong sabihin.
“M-Magpapaalam na sana ako sa ‘yo. Gustuhin ko man kasing manatili rito ay hindi pupuwede. Kailangan ako ng mga kaibigan ko at hindi ko sila maaaring pabayaan. Kaya sana maintindihan mo‚” tuloy-tuloy kong saad para masabi ko na ang gusto kong sabihin bago pa ulit ako pangunahan ng emosyon ko at bago pa ulit ako panghinaan ng loob.
“Naiintindihan ko‚” nakangiting wika ni Almira saka bigla na lamang siyang napatitig sa mukha ko nang hindi pa rin nabubura ang ngiting nakapinta sa mga labi niya. “Natutuwa akong nakilala kita. Tunay na napakabusilak ng iyong kalooban dahil sa kabila ng ginawang pagtakwil sa iyo ng mga kaibigan mo ay sila pa rin ang inaalala mo. Hindi nga kami nagkamali ng pagpili sa ‘yo. Tunay ka ngang karapat-dapat‚” dagdag ni Almira na ikinakunot ng noo ko.
“Anong ibig mong sabihin? Karapat-dapat para saan? Saka anong pinili?” naguguluhang tanong ko habang halos magdikit na ang kilay ko sa labis na kahulugan dahil sa mga sinabi ni Almira na hindi ko malinaw na naunawaan kung anong ibig sabihin.
“Malalaman mo rin ang sagot sa mga tanong mo sa takdang panahon at ito’y malapit na. Kaya ang payo ko sa ‘yo ay huwag ka na muna masyadong mag-isip ng kung ano-ano at hintayin mo na lamang ang pagsapit ng takdang panahon para mabigyan na ng kasagutan ang lahat ng iyong katanungan‚” mahabang wika ni Almira saka siya muling ngumiti nang matamis. “Sige na‚ magtungo ka na sa iyong mga kaibigan at gawin mo ang nais mo. At kung sakali mang kailanganin mo ng tulong ay huwag kang mag-atubiling lumapit sa amin. Nakahanda kaming tumulong sa ‘yo anumang oras mo kailanganin ang aming tulong‚” pahabol na saad ni Almira.
Kaagad na sumilay sa labi ko ang masayang ngiti matapos kong mapakinggan ang mga huling katagang binitiwan ni Almira. Ngayon ay masasabi kong sa kabila ng masasamang nangyari sa ‘kin ay may dapat pa rin pala akong ikatuwa at ipagpasalamat dahil isang biyayang maituturing ang pagdating nina Almira sa buhay ko.
“Maraming salamat. Salamat sa lahat lalong-lalo na sa pagkupkop mo sa ‘kin. Habang buhay ko itong tatanawing malaking utang na loob sa ‘yo at sa iyong mamamayan‚” pasasalamat ko habang nakapinta pa rin sa mga labi ko ang masayang ngiti. “Mauuna na ako. Sana’y hindi ito ang huli nating pagkikita. Paalam‚” kapagkuwa’y paalam ko saka agad na rin akong umalis sa pagkakaupo ko sa bato.
“Mag-iingat ka‚” nakangiting wika ni Almira bago ako umalis ng lawa na tinugon ko na lamang ng tipid na ngiti.
Muli pa akong nagpaalam kay Almira sa huling pagkakataon saka agad na rin akong umalis ng kanilang tirahan at hindi ko na nagawa pang yakapin man lang siya dahil sa takot kong baka mag-alangan na naman akong umalis sa oras na niyakap ko siya. Hindi na rin ako nakapagpaalam pa sa mga nasasakupan ni Almira na naging mga kaibigan ko na rin. Ngunit kahit na ganoon ay baon ko pa rin sa pag-alis ko ang mga masasaya naming alaala at ang mga aral na natutunan ko sa pananatili ko sa kanilang tirahan.
Sa pag-alis ko sa paraisong itinuring ko na ring tahanan ko ay bitbit ko ang aral na sa buhay ay hindi hadlang ang pagkakaiba parang magkasundo‚ magkaunawaan o makabuo ng matibay na samahan dahil ang tanging mahalaga ay ang inyong pagkakaisa at pagmamahalan sa kabila ng inyong pagkakaiba. Hindi rin mahalaga ang kahit anong karangyaan na mayroon ka dahil hindi ito ang sukatan ng kaligayahan. Pagmamahal sa puso ng bawat isa ang isang pinakamagandang kayamanan na maaari nating ipamana sa mga susunod pang henerasyon.
✨✨✨
ATHENA’S POV
Halos isang linggo na ang nakakalipas magmula nang mawala na parang bula si Gwyn. At sa bawat araw na lumilipas ay nakaabang ako sa pagdating niya kahit pa sinabi sa akin ni Kaiden na hindi na niya maramdaman ang presensya ni Gwyn.
Sa bawat araw na dumadaan ay patindi nang patindi ang pag-aalala ko kay Gwyn kaya hindi ko maiwasang itanong sa sarili ko kung ano na ang nangyari sa kaniya at kung ayos lang ba siya. Hindi ko rin maiwasan ang magalit sa sarili ko dahil alam kong isa ako sa mga dahilan kung bakit pinili ni Gwyn na umalis‚ kung bakit pinili niyang maglaho na lang bigla. Kaya wala akong ibang sisisihin kundi ang sarili ko sa oras na may nangyaring masama sa kaniya.
“Athena‚ ayos ka lang ba?” tanong ng kung sino na nakakuha ng atensyon ko at nagpaangat ng aking tingin para alamin kung sino ang nagsalita na kasalukuyang nakatayo sa aking harapan.
Sa pag-angat ko ng tingin ay agad na napako ang tingin ko sa impaktang nagpapanggap na si Kiana kaya agad na kumulo ang dugo ko.
‘Tsk! Sumunod pala sa akin sa canteen ang impakta‚’ nasambit ko na lamang sa aking isipan habang pigil ko ang sarili kong mapairap dahil sa pag-okupa ng impakta sa upuang katapat ko gayong hindi ko naman siya inalok na maupo roon.
Mabuti na lang pala at tumambay lang ako sa canteen at hindi ako kumain ng kahit ano. Kung nagkataon kasi ay baka nawalan na ako ng gana o hindi ako natunawan dahil sa impaktang kaharap ko.
“Ayos lang ako‚” walang buhay kong tugon.
Hindi ko na pinasigla pa ang boses ko o nginitian man lang nang tipid at pilit ang kaharap ko dahil nakakapagod na ring magpakaplastik. Kung may iba nga lang talagang paraan para mabantayan namin ang bawat galaw ng impaktang kaharap ko ay sana iyon na lang ang pinili ko para hindi ko na kailangan pang makipagplastikan sa impaktang dahilan kung bakit hindi kami magkasama ngayon ni Gwyn.
“Sigurado ka?” kunwaring nag-aalalang tanong ng impakta ngunit hindi ko naman dama ang pag-aalala niya dahil sa mga mata niyang walang buhay na nakatingin sa ‘kin.
‘Tsk! Aarte na nga lang‚ hindi pa ginalingan‚’ naiiling na komento ko sa aking isipan ngunit kabaliktaran naman ang naging tugon ko sa impakta. Bahagya na lamang kasi akong tumango at pilit akong ngumiti para hindi na mangulit pa ang impaktang kaharap ko.
“Sa ‘yo na lang ‘to o.” Bigla na lamang may iniabot sa aking sandwich ang impakta na hindi ko napansin na hawak-hawak niya na pala magmula pa kanina. “Kumain ka na muna. Mukhang wala ka pang kain e‚” kunwaring nag-aalalang aniya habang pilit niyang pinalalamlam ang mga mata niyang nakapako sa ‘kin.
Lihim na lamang akong napairap sa ginawa ng impakta at sa pag-aalalang mababakas sa boses niya. Tsk! Ang kapal ng peke niyang mukha na alukin ako ng pagkain. E kung isampal ko kaya ‘yon sa pagmumukha niya para mahimasmasan siya! Argh! Hanggang ngayon talaga ay iritang-irita pa rin ako sa pagmumukha niyang peke. Kaya malaman-laman ko lang talaga kung sino ang nasa likod ng maskara niya ay babalatan ko siya nang buhay. Ang kapal ng mukha niyang magpanggap bilang si Kiana‚ e ni wala nga siya sa kalingkingan ni Kiana.
“Salamat pero... wala akong gana‚” walang buhay pa ring buhay na wika ko.
Tsk! Akala ba niya ay tatanggapin ko ang pagkaing ibinibigay niya? Asa siya. Kahit magutom pa ako‚ hinding-hindi ko tatanggapin ang anumang pagkain mula sa kaniya. Malay ko ba kung may lason pala siyang inilagay ro’n. Mabuti na ‘yong maingat.
“Nasaan nga pala sina Kaiden? Kanina ko pa sila hindi nakikita‚” biglang pag-iiba niya ng usapan at luminga-linga pa siya sa paligid na para bang may hinahanap siya.
“Malamang umiiwas ‘yon sa higad‚” pabulong kong sagot na sinabayan ko pa ng pag-ikot ng mata ko.
“Ano? May sinasabi ka?” kunot-noong tanong ng impakta na ngayon ay nasa akin na ulit ang atensyon.
“Sabi ko ang ganda-ganda ng mukha mo‚” pagsisinungaling ko at pilit pa akong ngumiti saka ako nag-iwas ng tingin dahil sa mukha ng kaharap ko na mas lalong nagpapaalala sa akin kay Gwyn at sa kasalanan ko sa kaniya. “Sa sobrang ganda‚ halatang hindi sa ‘yo‚” dagdag ko sa mahinang boses.
Tsk! Asa naman siyang maganda siya. E hindi naman sa kaniya ‘yong mukhang ibinabalandra niya.
“Maganda ka rin naman‚” puri niya rin sa akin na agad ko namang sinakyan.
“Syempre naman. Mana ako sa ‘yo e‚” ngiting-ngiting tugon ko.
“Nandito lang pala kayo. Kanina pa namin kayo hinahanap‚” wika ng isang boses mula sa aking likuran na nakaagaw ng atensyon ko at nagpalingon sa akin sa aking likuran.
Agad namang napako ang tingin ko kay Kaleb na nakatingin na rin pala sa ‘kin habang ang katabi naman niyang si Kaiden ay walang emosyon na nakatingin sa impakta.
“Kaiden!” masiglang sigaw ng impakta mula sa aking likuran at ilang saglit lang ay nasa harapan ko na siya at yakap-yakap na niya si Kaiden. “Mabuti naman at nandito ka na. Kanina pa kita hinahanap e‚” pabebeng wika ng impakta na wagas kung makalingkis kay Kaiden na halata namang walang kaamor-amor sa kaniya.
Napaikot na lamang ako ng mata sa ginawa ng impakta bago ako tumayo para maghanda na sa pag-alis ko bago pa ako makalimot at masabunutan ko ang impaktang nasa harapan ko.
“Kaiden‚ since nandito ka na naman‚ iiwan ko na muna sa ‘yo si Kiana‚” paalam ko at pasimple ko pang inirapan ang higad na ngayon ay nakakapit na sa kaliwang braso ni Kaiden.
Hindi ko naman na hinintay pa ang sagot ni Kaiden o ng impakta. Agad ko nang isinukbit sa balikat ko ang bag ko at nilapitan ko si Kaleb saka basta ko na lamang siyang kinaladkad paalis ng canteen.
“Lumayo na tayo rito. Baka kung ano pa ang magawa ko sa impaktang higad na ‘yon‚” nagtitimpi ngunit gigil na gigil kong wika habang patuloy pa rin ang pagkaladkad ko kay Kaleb palayo ng canteen.
“Ang dali talagang mag-init ng ulo mo. Kaya hindi na ako magtataka kung isang araw ay maging tubig ang yelo mo sa sobrang init ng ulo mo‚” natatawang pang-aasar sa akin ni Kaleb.
Hindi ko na pinansin o pinatulan pa ang pang-aasar ni Kaleb. Mas pinili ko na lamang na madaliin ang pagkaladkad sa kaniya palayo. Ngunit hindi ko na nagawa pang ituloy ang ginagawa kong pagkaladkad sa kaniya nang mapatigil ako sa paglalakad nang may bigla akong maalala. At bago pa man siya makapagtanong kung bakit ako napatigil ay agad na akong pumihit paharap sa kaniya.
“May balita na ba sa paghahanap kay Gwyn?” matamlay kong tanong nang maalala kong kaya pala naiwan sa akin kanina ang impakta na dahilan ng inis ko ay dahil kinailangan na nina Kaleb na tumulong sa paghahanap kay Gwyn.
Marahas na napabuga ng hangin si Kaleb bago siya sumagot. “Wala pa rin kaming balita‚” malungkot na tugon ni Kaleb ngunit agad din siyang ngumiti nang tipid na para bang iniiwasan niyang makaramdam ng lungkot. “Pero huwag kang mag-alala dahil hindi pa rin kami tumitigil sa paghahanap at ganoon din si Ali at maging ang iba pang kaibigan ni Thea‚” pahabol na saad ni Kaleb na hindi naman nakatulong para mabawasan ang pag-aalala ko.
Alam ko namang ginagawa nina Kaleb ang lahat para mahanap si Gwyn. Kaya nga ako ang palaging naiiwan para samahan ang impaktang impostor para malaya silang maghanap kay Gwyn. Pero hindi ko pa rin talaga maiwasang mabahala at mag-alala sa kung ano na ang lagay ni Gwyn at kung nasaan na siya.
Haist! Mas okay pa pala ‘yong hindi nga namin nakikita si Gwyn‚ nakakausap o nakakasama basta tiyak lang namin ang kaligtasan niya kaysa naman ganito na maski kinaroroonan niya ay hindi namin alam. Ngayon naiintindihan ko na ang pasyang ginawa ni Kaiden nang pakiusapan niya kaming layuan si Gwyn. Hindi madali para sa kaniya ‘yon pero tama siya. Wala ng ibang paraan. At kung mayroon man‚ ito pa rin ang pinakamadali because we are hitting two birds with one stone. Mailalayo na namin si Gwyn sa kapahamakan‚ malalaman pa namin ang balak ng mga kaaway at kung sino-sino sila. Kaya maling-mali na pinagdudahan at pinagsalitaan ko ng masasakit na salita si Kaiden dahil pare-pareho lang kaming nahihirapan sa sitwasyon namin ngayon. Pero sa aming lahat ay tiyak kong si Gwyn ang pinakanahihirapan at pinakanasasaktan dahil ipinaramdam namin sa kaniya na hindi namin siya mahal. Kaya marahil ay makabubuti kung bibilisan na namin ang pagkilos para makasama na naming muli si Gwyn at maging maayos na ang lahat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top