CHAPTER 56: A HIDDEN PARADISE

ALTHEA’S POV

Unti-unti akong nagising mula sa pagkakahimbing ko nang may marinig akong bulungan sa paligid ko. At habang unti-unti kong iminumulat ang mga mata ko ay bigla na lamang lumakas ang mga boses na naririnig ko na bahagya kong ikinangiwi.

“Nagigising na ang panauhin!”

“Ipagbigay-alam ito sa reyna!”

Narinig ko pa ang pagmamadaling umalis ng kung sinong inutusang magbigay-alam sa reyna na nagising na ako bago ko tuluyang maimulat ang mata ko. Ngunit sa pagmulat ko ay nabigo akong maaninag agad kung sino-sino ang mga nasa harapan ko dahil medyo nag-a-adjust pa ang paningin ko sa liwanag na bumungad sa akin at idagdag pang wala akong kain at panay pa ang iyak ko.

Ilang segundo pa ang hinintay ko bago luminaw ang paningin ko at kasabay ng paglinaw ng paningin ko ay ang pagbalikwas ko ng bangon at bahagya kong pag-atras dahil sa bumungad sa akin.

“Sino kayo?” agad kong naitanong saka wala sa sariling sinuyod ko ng tingin ang paligid para alamin kung nasaan ako at kung sino-sino o ano-ano ang mga nilalang na nasa magkabilang gilid ko.

Sa pagsuyod ko ng tingin ng aking paligid ay doon ko lamang napagtanto na ang kanina palang kinahihigaan ko na kasalukuyan ko nang inuupuan ay isang parihabang bato na nilagyan lamang ng kulay gintong unan at malambot at makapal na kulay gintong tela upang magsilbing comforter. Napapalamutian ito ng iba’t ibang uri ng naggagandahang bulaklak sa palibot nito. Sa paligid naman ay may mga nakahanay na matatayog na puno na gumawa ng malaking parisukat na hugis. Dikit-dikit ang mga punong ito na tila ba bakod ngunit may malaking puwang sa bandang harapan at likuran ko na tila ba doon ang daan palabas at papasok ng kinaroroonan ko na tanging malawak na damuhan lamang ang makikita. Ngunit hindi lamang mga ordinaryong damuhan o puno ang nasa paligid ko. Ito’y sobrang kikinang na para bang binudburan ito ng kung anong diyamante‚ ginto o hiyas. Hitik din sa bunga ang mga puno at sobrang tatayog ng mga ito. Ngunit sa halip na mamangha ako sa nakikita ko ay takot ang naramdaman ko dahil sa iba’t ibang uri ng nilalang na nasa magkabilang gilid ng batong kinauupuan ko katulad ng duwende‚ ogre‚ centaur at marami pang iba na hindi ko malaman kung ano dahil sa itsura nilang hindi ko mawari kung ano na buong akala ko ay sa fantasy books o movies lang nag-e-exist. Mayroon ding mga nagliliwanag na paruparo at mga katulad ni Ayesha na nagliliparan sa paligid. Ngunit ang higit na nakakuha ng atensyon ko ay ang iilang charmers na nakangiting nakatitig sa akin na tila ba nasiyahan silang makakita ng kauri nila.

“Huwag kang matakot. Hindi kami kaaway at wala kaming tangkang saktan ka kung iyon ang inaalala mo‚” wika ng isang babaeng duwende sa matinis na boses. Nakaupo ito sa kaliwang balikat ng isang lalaking charmer na nasa kanan ko.

“Nasaan ako? Anong ginagawa ko rito? Saka bakit ako nandito?” sunod-sunod kong tanong para malinawan ako sa kung nasaan ako ngayon.

“Nasa isang lugar ka sa loob ng Fantasia na walang ibang nakakaalam maliban sa aming mga narito. Natagpuan ka naming nakahiga rito at walang malay kung kaya binantayan ka namin hanggang sa ika’y magising‚” tugon ng centaur na nasa kaliwa ko.

“Kung ganoon ay ibalik na ninyo ako sa akademya. Hinahanap na ako ng mga kaibigan ko‚” agad kong wika at sa hindi ko malamang dahilan ay wala akong naramdaman kahit kirot man lang matapos kong mabanggit ang salitang ‘kaibigan’ at matapos kong maalala kung paano ako binalewala at tinapon na parang basura ng mga taong tinuring kong kaibigan. Sa katunayan ay magaan na ang pakiramdaman ko magmula paggising ko na para bang walang nangyari.

Wait! Hindi kaya nasa loob ako ng isang panaginip kaya biglang magaan na ang pakiramdam ko? At kung tama ako‚ maaaring panaginip lang din iyong nakita kong liwanag!

“Hindi ka na namin kailangan pang ibalik sa akademya sapagkat nasa loob ka pa rin naman ng akademya‚” sagot ng babaeng duwende na awtomatikong nagpalingon sa akin sa kaniyang direksyon nang may naguguluhang ekspresyon.

Teka. Tama ba ang narinig ko? Talaga bang nasa loob pa rin ako ng akademya? Kung oo‚ saang parte ng akademya ako naroon? At bakit hindi ko alam na may ganito palang lugar at mga nilalang sa akademya gayong halos nalibot ko na naman ang buong akademya? Wait... Scratch that. May isa pa nga palang lugar sa akademya na hindi ko pa napupuntahan. But it can’t be! It’s impossible!

‘Imposible nga ba? E hindi ba nga nasa isang mundo ka kung saan lahat ay posible?’ biglang naitanong ko sa aking sarili na nagpaulit-ulit sa aking isipan‚ dahilan para magduda rin ako sa una kong sinabi.

“Maaari ko bang malaman kung nasaan tayo eksakto? Saang lugar ba ito sa akademya?” hindi ko na napigilan pang itanong para matigil na ang pagtatalo ng isip ko kung posible bang totoo o hindi ang hinala ko.

“Forbidden Forest‚” tipid na sagot ng lalaking charmer na nasa kanan ko na ikinaawang ng bibig ko.

Namayani ang mahabang katahimikan sa paligid matapos sagutin ng lalaking charmer ang tanong ko. Hindi ko kasi agad nagawang iproseso ang nalaman ko. Sino naman kasing mag-aakala at maniniwalang ang magandang lugar na kinaroroonan ko na maihahalintulad ko sa isang paraiso ay ang Forbidden Forest pala na sinasabing walang katapusang gubat ang makikita at sinasabing maraming mababangis na nilalang ang naninirahan. Ngunit kung iisipin ay may katotohanan din naman ang mga sabi-sabi dahil totoo namang iba’t ibang uri ng nilalang ang ngayon ay kaharap ko. Pero hindi ko naman masasabing mababangis sila dahil sa nakikita ko ay mukhang pagmamahalan at pagkakaisa ang namamayani sa lugar na kinaroroonan ko.

“Sa reaksyon mo ay mukhang hindi ka makapaniwala sa iyong nalaman at maraming katanungan sa iyong isipan. Kaya mabuti pa sigurong pasamahan na lamang kita sa aking anak na si Yna patungo sa reyna upang ang reyna na ang magpaliwanag sa ‘yo ng mga bagay-bagay nang sa gayon ay malinawan ka‚” mahabang saad ng isang lalaking duwende na bigla na lang tumalon sa may bandang paanan ko.

Tanging pagtango na lamang ang naging tugon ko sa sinabi ng lalaking duwende dahil sa gulat ko sa bigla niyang pagsulpot at dahil hindi pa rin magawang matanggap ng isip ko na nasa Forbidden Forest ako. Naging hudyat naman ang pagtango kong ito para tumalon patungo sa kanang balikat ko ang babaeng duwendeng kanina’y nakaupo sa balikat ng lalaking charmer na nasa kanan ko. At nang maayos siyang makatalon patungo sa balikat ko ay maingat siyang naupo rito saka agad na niya akong niyayang umalis para puntahan ang kanilang reyna na walang pag-aalangan ko namang sinunod kaya agad na akong bumaba mula sa batong kinaroroonan ko at nagsimula na akong maglakad patungo sa direksyong tinuturo ng duwendeng nasa balikat ko na Yna pala ang pangalan.

Sa pagtahak ko sa direksyong itinuro sa akin ni Yna ay isang lawa ang napuntahan ko kung saan maraming sirena ang masayang nagkukulitan.

Ang lawang narating ko ay napakalinaw at kumikinang ang tubig. At dahil sa sobrang linaw ng tubig ay malaya mong makikita kung ano ang nasa ilalim ng lawa kahit pa hindi ka lumusong sa tubig.

“Anong ginagawa natin dito? Akala ko ba ay dadalhin mo ako sa reyna?” naguguluhang tanong ko kay Yna matapos kong pagmasdan ang lawang nasa aking harapan at matapos kong mapagtantong narating na namin ang aming destinasyon dahil hindi na ako itinuro pa ni Yna sa ibang direksyon.

“Dadalhin nga kita sa reyna‚” nakangiting tugon ni Yna saka maingat siyang tumayo sa balikat ko.

“E bakit tayo nandito?” kunot-noong tanong ko.

Sa halip na sagutin ang tanong ko ay ibinaling ni Yna ang tingin niya sa lawa na para bang may tinatanaw siya roon‚ dahilan para mapatingin na rin ako sa lawa.

“Reyna Almira‚ nagising na po ang ating panauhin at nais niya po kayong makausap!” matinis na sigaw ni Yna habang nakapako pa rin sa lawa ang kaniyang tingin na para bang naroon ang kausap niya.

Halos mangunot naman ang noo ko nang mapansin kong wala namang charmer‚ sirena o anumang nilalang sa parte ng lawa na tinitingnan ni Yna. Kaya naman ay tatanungin ko sana siya kung sinong kausap niya. Ngunit hindi ko na nagawa pang ibuka ang bibig ko nang mapansin ko ang unti-unting paggawa ng bilog ng mga sirena. At nang makaposisyon na sila nang pabilog ay paikot silang lumangoy na lumikha ng water tornado sa mismong gitna ng bilog na ginawa nila.

Hindi ko naman maiwasan ang mamangha sa nasaksihan ko. At mas lalo pa akong namangha nang may iluwang isang napakagandang diwata ang water tornado na nilikha ng mga sirena bago bumalik sa normal ang tubig sa lawa.

Matapos mawala ng water tornado ay naiwang nakalutang sa ere ang magandang diwatang iniluwa ng tornado. Nakasuot ito ng isang berdeng halter neck gown na may nakakabit pang see through na sleeve na nakalaylay sa braso niya hanggang sa pupulsuhan niya na kasinghaba rin ng gown na nagkukubli ng kaniyang mga paa. Ang kasuotan niyang ito ay napapalamutian ng makikinang na hiyas sa bandang itaas at ito’y isinasayaw ng hangin katulad ng kung paanong isinasayaw ng hangin ang nakalugay na mahaba niyang kayumangging buhok. Paaalon-alon ang kaniyang buhok at sa kaniyang ulo ay may nakasuot na isang diamond headdress.

“Yna‚ sabi ko naman sa ‘yo na Ate Almira na lang ang itawag mo sa ‘kin. Huwag mo na akong tawaging reyna‚” nakangiting wika ng diwata na sinagot lamang ni Yna ng isang matamis na ngiti bago siya magpaalam.

Nang makaalis si Yna ay agad na nabaling sa akin ang atensyon ng diwatang kasalukuyan pa ring nakalutang sa ere na Almira pala ang pangalan.

“Ikinagagalak kong makitang gising ka na. Ngunit ipagpaumanhin mo sana kung hindi kita agad hinarap matapos kong marinig ang balita patungkol sa iyong paggising. May tinapos lamang akong tungkulin‚” paghingi ng paumanhin ni Reyna Almira saka nakangiti siyang lumutang palapit sa ‘kin‚ sa mismong harapan ko.

“Pasensya na rin po pero didiretsahin ko na po kayo‚” paghingi ko rin ng paumanhin saka walang pagdadalawang-isip na sinabi ko ang sadya ko nang tanguan ako ni Reyna Almira‚ hudyat na pinahihintulutan niya akong sabihin ang anumang nais kong sabihin.

“Sinadya ko po kayo rito dahil may gusto akong malaman mula sa inyo‚” agad kong pagpapahayag sa pakay ko.

“Huwag tayo rito mag-usap. Halika. Sumunod ka sa ‘kin‚” yaya sa akin ni Reyna Almira at nauna na siyang maglakad palayo ng lawa.

Wala man akong ideya kung saan ako balak dalhin ni Reyna Almira ay walang imik pa rin akong sumunod sa kaniya dahil siya lamang ang makakasagot ng mga tanong ko.

Sa paglalakad namin ni Reyna Almira ay marami kaming nakasalubong na iba’t ibang uri ng hayop at nilalang na masaya kaming binabati. Ang tanawin namang aming nadadaanan ay hindi ko na magawa pang ilarawan sa sobrang ganda nito. Basta’t napakakinang ng lahat ng mga halaman‚ puno‚ bungang-kahoy‚ bulaklak at damo sa paligid. Wala ka ring makikitang kahit isang piraso ng basura na pakalat-kalat. Bukod dito ay marami ring yamang tubig ang aking natanaw: may talon‚ may sapa‚ may ilog at may bukal. At katulad ng lawa ay napakalinaw at napakakinang din ng tubig ng mga ito.

Marami pa kaming magagandang tanawing nadaanan bago namin marating ang lugar kung saan ay maraming kubo ang nakatayo na halos dikit-dikit na dahil sa dami nito. Agad namang dumiretso si Reyna Almira sa isang kubong halos matakpan na ng mga gumagapang na halamang may taglay na magagandang uri ng bulaklak.

“Maupo ka‚” agad na wika ni Reyna Almira nang makapasok kami ng kubo at iminuwestra pa niya ang kamay niya sa upuang gawa sa katawan ng puno.

Walang imik ko na lamang na sinunod ang sinabi ni Reyna Almira. Agad kong inokupa ang isa sa apat na pang-isahang upuan sa sala habang ang katapat naman nitong upuan ang inokupa niya. Sa pagitan namin ay may isang malaking pasirukat na bato na nagsisilbing mesa kung saan nakapatong ang isang vase na gawa sa maliliit na sanga na may lamang magandang uri ng halaman na punong-puno ng bulaklak at maliliit na alitaptap.

“Anong gusto mong malaman mula sa ‘kin?” agad na tanong ni Reyna Almira nang makaupo na siya at magkaharap kami.

“Paano ako napunta rito?” walang paligoy-ligoy kong tanong dahil kanina ko pa talaga gustong malaman kung paano ako nakarating sa lugar nila. Wala naman kasi akong maalala na pumasok ako ng Forbidden Forest o pumasok ako ng kung anong lagusan. Ang huli kong naaalala ay nawalan ako ng malay sa bukana ng Forbidden Forest.

“Malaking palaisipan din sa akin ang bagay na ‘yan. Maging ako ay nagtataka kung paano mong nahanap ang aming tirahan gayong ang lugar kung nasaan tayo ngayon ay nababalutan ng napakalakas na mahika at ito’y nakakubli. Walang sinuman ang nakakakita nito mula sa labas kaya’t nakakapagtakang nakarating ka rito at nahanap mo ang lugar na ito. Ngunit kung totoong wala kang alam kung paano ka nakarating dito ay maaaring isa ring diwatang katulad ko ang nagdala sa iyo rito dahil tanging kami lamang ang nakakaalam ng lugar na ito at tanging kami lamang ang may kakayahang maglabas-masok sa lugar na ito‚” mahabang saad ni Reyna Almira na mas lalo lamang nagpagulo ng lahat sa halip na malinawan ako.

“Kung ganoon ay nasa Forbidden Forest pa rin tayo ngunit hindi ito nakikita nino man mula sa labas at tanging kayo lamang na nasa loob nito ang nakakaalam ng lugar na ito?” naguguluhang tanong ko na sinagot lamang ni Reyna Almira ng marahang pagtango.

“Pero paanong nagkaroon ng ganitong lugar sa loob ng Forbidden Forest gayong isang walang katapusang gubat lamang ang makikita sa Forbidden Forest?” naguguluhan pa ring tanong ko. “At sa pagkakaalam ko rin ay maraming mababangis na nilalang ang naninirahan dito na siyang dahilan ng pagkawala ng ilang charmers. Kaya napakaimposibleng magawa ninyong mamuhay rito nang ligtas at mapayapa‚” dagdag ko nang maalala ko ang mga narinig ko noong usap-usapan patungkol sa mga nawawalang charmer na ayon sa sabi-sabi ay nilapa na raw ng mga mababangis na hayop sa loob ng Forbidden Forest kaya hindi na muli pang natagpuan.

Mahinang natawa si Reyna Almira matapos niyang mapakinggan ang mga sinabi ko.

“Iyon ang alam ng lahat‚” makahulugang saad ni Reyna Almira na nakaagaw ng atensyon ko at ikinakunot ng noo ko.

“Anong ibig mong sabihin?” kunot-noong tanong ko.

“Hindi totoo ang mga nalaman mo. Iyon lamang ang pinaniwala namin sa lahat upang mapangalagaan ang aming tirahan at upang ito’y maprotektahan laban sa mga masasamang nilalang na nagtatangkang sumira sa aming munting paraiso‚” mahabang paliwanag ni Reyna Almira na pumukaw ng interes ko.

“Kung ganoon ay hindi rin totoo ang tungkol sa mga nawawalang charmer?” tanong ko para kumpirmahin kung tama ba ang pagkakaintindi ko sa sinabi ni Reyna Almira.

“Totoo ang bagay na iyon. Ngunit hindi sila nawawala. Mas pinili lamang nilang manatili rito nang hindi sinasadyang matagpuan nila ang lugar na ito. Ang lahat kasi ng charmers na iniulat na nawawala ay ang mga naging miserable ang mga buhay at punong-puno ng kalungkutan at paghihinagpis ang mga puso. Kusa silang pumasok sa Forbidden Forest kahit mahigpit itong ipinagbabawal dahil sa kagustuhan nilang wakasan na ang kanilang mga buhay sa pamamagitan ng pagpain ng kanilang mga sarili sa sinasabi nilang mga mababangis na nilalang na naninirahan sa Forbidden Forest. At nararamdaman naming mga diwata kung ano ang nararamdaman nila kaya dahil sa aming pagmamalasakit ay kinupkop namin sila rito at ngayon ay namumuhay sila rito nang masaya at mapayapa‚” mahabang salaysay ni Reyna Almira ng totoong kuwento sa likod ng mga iniulat na nawawalang charmers.

Hindi ko naman maiwasan ang mapaisip sa kuwento ni Reyna Almira. Kung tama kasi ang pagkakaintindi ko sa kuwento niya ay maaaring ang matinding lungkot at paghihinagpis ko rin ang naging susi para mahanap at marating ko ang lugar nila. At kung tama nga ang interpretasyon ko rito ay maaaring may dahilan kung bakit ako napadpad sa kanilang lugar at iyon ay upang hindi na ako masaktan pa at upang hindi na ako maging kontrabida pa sa buhay ng nagbabalik na si Kiana. At siguro din ay ito na ang paraan ng tadhana para ipamukha sa ‘kin na dito ako nababagay at hindi sa mundo nina Kaiden at Jane. Kung iisipin naman kasi ay napakalayo ng agwat namin. Prinsipe at prinsesa sila ng isang kaharian habang ako ay sampid lang sa mundong kanilang ginagalawan. Kaya siguro ay panahon na nga para wakasan ko ang ilusyon ko na may nabuong pagkakaibigan sa aming apat lalo pa ngayon na nalaman ko na posibleng lumapit lang sila sa ‘kin noon dahil nakikita nila sa akin ang kaibigan nila na matagal na nawalay sa kanila.

“Maaari ba akong manatili rito?” wala sa sariling tanong ko matapos kong mapagtantong naging proxy lang naman pala ako ng kaibigan nina Kaiden na si Kiana.

“Manatili ka rito hanggang kailan mo gusto at ituring mong iyong tahanan ang lugar na ito‚” agad na pagpayag ni Reyna Almira na kahit papaano ay naghatid ng saya sa ‘kin kung kaya napangiti na lamang ako nang tipid.

“Salamat‚” nakangiting pasasalamat ko.

“Walang anuman‚” nakangiti rin namang tugon ni Reyna Almira.

“Pupuwede pa ba akong magtanong?” walang pag-aalangan kong tanong.

Hindi ko alam kung anong mayroon kay Reyna Almira pero wala akong maramdamang pagkailang sa kaniya. Ang totoo nga niyan ay komportable pa akong kausap siya kaya walang humpay ang pagtatanong ko.

“Hindi mo na kailangan pang magpaalam. Alam ko at nararamdaman kong marami ka pang katanungan sa iyong isipan na hinahanapan mo ng sagot at susubukan kong ibigay ang sagot na kailangan mo. Ngunit sa ngayon ay makabubuting ipahinga mo muna ang iyong isip. Hindi makabubuti sa ‘yo kung masyado kang maraming iniisip kaya mabuti pa ay magpahinga ka muna sa lahat ng bumabagabag sa ‘yo kahit sandali lamang upang kahit papaano ay gumaan ang iyong dinadala‚” payo sa akin ni Reyna Almira na nagpatahimik sa ‘kin.

Tama si Reyna Almira. Makabubuti nga sigurong ipahinga ko muna ang isip ko at isantabi ko muna lahat ng gumugulo sa ‘kin. Sa ganitong paraan ay gagaan ang pakiramdam ko at hindi ko mabibigla ang sarili ko sa mga bagay na maaari kong matuklasan.

“Kung ganoon ay maaari mo ba akong samahang maglibot sa lugar ninyo?” tanong ko matapos ang saglit kong pananahimik.

“Isang karangalan ang ika’y samahan sa iyong pamamasyal‚” nakangiting tugon ni Reyna Almira saka siya tumayo mula sa kaniya pagkakaupo.

Pagkatayo ni Reyna Almira ay agad siyang naglakad palapit sa ‘kin saka nakangiti niyang inilahad ang kaliwang kamay niya sa aking harapan.

“Halika. Sumama ka sa ‘kin. Marami akong ipapakita sa ‘yong magagandang tanawin na tiyak kong ikatutuwa mo at ikagagaan ng iyong pakiramdam‚” masayang yaya sa akin ni Reyna Almira.

Sa halip na magtanong pa ako kung saan kami magtutungo ay nakangiti ko na lamang na tinanggap ang kamay ni Reyna Almira na nakalahad gamit ang kanang kamay ko. At nang sandaling magdikit ang aming mga balat ay nakangiting tumango sa akin si Reyna Almira‚ hudyat na magsisimula na ang aming pamamasyal.

Katulad nga ng sabi ni Reyna Almira ay ipinakita niya sa akin ang mga magagandang tanawin sa kanilang lugar. Inilibot niya rin ako sa bawat sulok nito at ipinakilala niya ako sa lahat ng mga nilalang na nakasalubong namin sa aming pamamasyal. At sa aming paglilibot ay isang bagay lang ang napagtanto ko. Tunay ngang paraisong maituturing ang lugar nina Reyna Almira dahil sa taglay nitong ganda at dahil sa kaginhawaang kaya nitong ibigay.

Ngayon ay hindi na ako nagtataka kung bakit may mga charmer na mas piniling manatili sa lugar nina Reyna Almira. Sino ba naman kasing magnanais na umalis sa isang paraiso? Saka kahit naman naisin mong balikan ang mga naiwan mo sa labas ay mahihirapan ka nang umalis sa lugar nina Reyna Almira dahil sa ganda ng lugar at dahil sa mainit na pagtanggap ng mga mamamayan nito. Bukod dito ay simple lang din ang buhay nila at lahat sila ay hindi mahirap makasundo. Hindi rin naging hadlang ang kanilang pagkakaiba-iba para sila’y magkaisa at magmahalan dahil lahat sila ay nagkakaisa sa kabila ng kanilang pagkakaiba.

‘Dito na lang din kaya ako tumira?’ naitanong ko na lamang sa aking sarili habang pinagmamasdan ko ang paruparong dumapo sa aking kanang kamay sa gitna ng pamamahinga namin ni Reyna Almira sa hardin kung saan ay maraming paruparo ang nagkalat sa paligid.

Dahil sa ideya kong tumira na sa lugar nina Reyna Almira ay bigla na lamang sumagi sa isipan ko sina Jane‚ Kaiden at Kaleb. Kapag ba dito na ako tumira at hindi na ako bumalik‚ anong magiging reaksyon nila? O mamamalayan man lang ba nila ang pagkawala ko? Tsk! Paniguradong hindi  dahil abala sila sa kaibigan nilang matagal nilang hindi nakasama.

Haist! Bakit ko pa ba iniisip ang mga naiwan ko? E wala naman silang pakialam sa ‘kin. Kaya dapat ay ganoon din ako sa kanila. Hindi ko na dapat sila paglaanan pa ng oras dahil parte na lamang ng aming mga alaala ang sandaling pagkakaibigan na aming pinagsaluhan. At marahil ay panahon na rin para tuldukan ko na ang paghihirap ko at ang paulit-ulit nilang pagdurog sa puso ko. Panahon na para putulin ang anumang koneksyon ang mayroon kaming apat at panahon na para ibaon sa limot ang lahat.

May our friendship rest in peace.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top