CHAPTER 55: A MISUNDERSTANDING
KALEB’S POV
Kasalukuyan kaming nasa conference room ng ikaapat na antas nina Kaiden at Athena. Dumiretso kasi kami rito matapos naming umalis ng Hidden Palace para pag-usapan ang planong nabuo ni Kaiden. Ewan ko nga kay Kaiden kung bakit hindi na lang kami nanatili sa Hidden Palace gayong ang usapan naman talaga namin ay doon kami mag-uusap para walang ibang makarinig ng anumang pag-uusapan namin. Nagulat nga ako nang bigla na lang siyang magyayang umalis sa Hidden Palace matapos nilang magkasagutan ni Athena.
Hindi namin kasama ngayon ang babaeng nagpakilala bilang si Kiana dahil nasa Healing Room pa rin siya at binabantayan ni Ali na kinailangan ko pang pilitin para lang pumayag na maging bantay. Mabuti na nga lang at nakumbinsi ko ang pinsan kong ‘yon na bantayan ang babaeng ‘yon dahil kailangan naming dumistansya sandali sa impostor na ‘yon para mapag-usapan namin nang maayos nina Kaiden at Athena ang tungkol sa plano namin sa kaniya.
Tanging kami lamang ang kasalukuyang nasa conference room at maging sa buong gusali dahil lahat ng aming mga kaklase ay nasa labas ng akademya dahil sa misyon nilang hanapin ang kuta ng mga kalaban habang kami namang tatlo ang naatasang bantayan ang bawat kilos ng nagpapanggap na Kiana at alamin kung sino ang nasa likod niya at kung anong binabalak nila. Ngunit wala pa kaming anumang napag-uusapan ngayon patungkol dito dahil sa halip na dumiretso kami sa aming pagpupulong ay hindi ko maiwasang mailing na lang dahil sa hindi mapakaling si Athena na kanina pa pabalik-balik ng lakad sa harapan ko‚ sa kabilang panig ng mahabang mesa‚ habang kagat-kagat niya ang kuko niya sa kaliwang kamay. Si Kaiden naman na nasa dulo ng mesa kung saan madalas na maupo ang nangunguna sa pagpupulong ay tahimik lamang sa kaniyang upuan at tila malalim ang iniisip.
Hindi ko na tinangka pang abalahin si Kaiden para lamang paalalahan kung bakit kami nasa conference room dahil alam kong maraming bagay ang tumatakbo sa kaniyang isipan sa mga oras na ito. Kahit hindi naman kasi siya magsalita ay alam kong nag-aalala rin siya sa biglang pagkawala ni Thea katulad ng kung paano kami nag-aalala sa kaniya. Ang masaklap pa ay wala kaming magagawa sa ngayon kundi ang layuan si Thea sa halip na hanapin at samahan siya. Ito lang kasi ang alam naming paraan para mailayo namin siya sa panganib na hatid ng kaniyang impostor at upang malaman namin kung sino ang nasa likod ng nagpapanggap na Kiana.
Hindi pa man kami sigurado ngunit alam namin simula pa lang na si Thea ang pakay ng impostor. Kaya nga hangga’t maaari ay kailangan namin siyang ilayo rito para protektahan siya at magagawa lang namin ‘yon kapag nilayuan namin siya. Mahirap man ngunit kinakaya namin siyang tiisin dahil hangga’t kasama namin siya ay hindi namin mababantayan ang bawat kilos ng impostor dahil maghihinala lamang ito sa katapatan namin. Kailangan din naming panindigan ang paglayo namin sa kaniya dahil sa pamamagitan nito ay mapapaniwala namin ang impostor na nauto niya kami sa pagpapanggap niya‚ na naniniwala kaming siya ang tunay na prinsesa ng Ardor Kingdom.
“Athena‚ itigil mo na ‘yang pagpapabalik-balik mo ng lakad kung ayaw mong gawin kitang yelo‚” malamig ngunit may pagbabantang wika ni Kaiden kay Athena para patigilin na si Athena sa ginagawa nitong pagpapabalik-balik ng lakad.
Agad naman akong napatingin kay Kaiden dahil sa bigla niyang pagsasalita. At sa paglingon ko sa kaniya ay doon ko lamang napagtantong tuwid na pala siyang nakaupo habang malamig na nakatingin sa direksyon ni Athena.
“Kaiden‚ hindi ka ba talaga nababahala kung ano na ang nangyari kay Gwyn? Baka napahamak na siya o baka nakuha na siya ng mga kaaway. Wala man lang ba tayong gagawin para hanapin siya? Hindi ka ba talaga nag-aalala kahit pa may kalabang umaali-aligid na maaaring umatake anumang oras?” sunod-sunod na tanong ni Athena na hindi na maitago pa ang labis niyang pag-aalala kay Thea na hindi pa rin namin nakikita mula noong dalhin namin sa Healing Room ang impostor niya.
Muling nabaling ang tingin ko kay Athena dahil sa pagpapaulan niya ng tanong kay Kaiden.
Agad na kumirot ang dibdib ko nang matuon ang paningin ko kay Athena. Bakas na bakas sa mukha niya ang labis na pagkabalisa at kitang-kita rin ang kawalan niya ng tulog dahil sa nangingitim na ang ilalim ng mga mata niya. Ngunit hindi ko naman siya masisisi kung buong gabi siyang gising dahil nauunawaan ko ang nararamdaman niya dahil maging ako man ay hindi rin makakampante kaiisip kung ano na ang lagay ni Thea. Ngunit dahil may tiwala ako kay Kaiden at sa plano niya ay kahit papaano ay nababawasan ang pag-alala ko kay Thea. Panatag naman kasi akong alam ni Kaiden ang ginagawa niya at hindi siya gagawa ng anumang bagay o hakbang na ikapapahamak ng babaeng mahal niya.
“Don’t worry about her. She’s fine‚” seryosong wika ni Kaiden na para bang sigurado siya sa sinasabi niya.
“Paano ka naman nakasisiguro? Ni hindi pa nga natin siya nakikita magmula kahapon‚” may bahid na ng inis na wika ni Athena.
Marahil ay iniisip ni Athena na walang pakialam si Kaiden kay Thea. Ngunit nagkakamali siya. Sa aming tatlo ay higit na nahihirapan si Kaiden sa sitwasyon namin dahil siya itong kailangang magpanggap na masama at walang puso para lang maprotektahan ang pinakamamahal niya. Pero hindi ko rin naman masisisi si Athena kung magalit o mainis siya sa inaasal ni Kaiden. Hindi niya naman kasi maalala si Kaiden at sandali pa lang silang nagkakasama mula nang bumalik siya sa aming mundo kaya natural lamang na hindi niya mabasa ang totoong laman ng puso’t isipan ni Kaiden.
“Nandoon siya kanina sa Hidden Palace hanggang sa makaalis tayo. Hindi ninyo siya naramdaman dahil ikinubli niya ang presensya niya ngunit nagawa ko siyang maramdaman dahil sa suot niyang bracelet‚” mahabang paliwanag ni Kaiden sa seryosong boses habang walang anumang emosyon ang mababakas sa kaniyang mukha.
Sa kabila ng kawalan ng emosyon ng mukha ni Kaiden ay batid kong nasasaktan at nahihirapan siya sa sitwasyon namin ngayon. Sino ba namang hindi masasaktan at mahihirapan kung napakalapit at abot-kamay lamang niya ang pinakamamahal niya pero ni hindi niya man lang ito magawang lapitan o tingnan mula sa malayo.
Isa sa pinakamahirap at masakit na mararanasan mo ay iyong makita mong nahihirapan ang taong mahal mo pero wala kang magawa para pagaanin ang bigat ng dinadala niya o damayan man lang siya sa problemang kaniyang kinahaharap. Hindi ko inaasahang darating ang araw na mararanasan ito ni Kaiden gayong buong buhay niya ay wala siyang ibang ginawa kundi ang hanapin si Thea na nito ko lang din nalaman. Kung hindi ko pa siya pinilit at kinulit ay hindi niya pa sasabihin sa akin ang dahilan ng pagkawala niya nang ilang taon.
Ang sakit lang isipin na inilaan ni Kaiden ang buong buhay at panahon niya sa paghahanap kay Thea pero ngayong nahanap na niya ito ay saka niya naman ito kailangang layuan. Talaga bang walang katapusan ang pagdurusang mararanasan niya? Hanggang kailan ba magdurusa ang kaibigan ko na walang ibang ginawa kundi ang mahalin ang isang babaeng may mabigat na responsibilidad sa sanlibutan?
“Iba ka rin‚ cold prince! Kaya naman pala nagmamadali kang umalis kanina e. May nalalaman ka pang... we have to go. Kiana is waiting for us‚” bigla kong pagsabad sa usapan at ginaya ko pa ang boses ni Kaiden kanina kung paano niya sinabi ang mga huling katagang sinabi ko para basagin na ang tensyong namamagitan kina Athena at Kaiden. Naniningkit na kasi ang mga mata ni Athena na para bang sinusuri niya kung nagsasabi ba talaga ng totoo si Kaiden habang sa Kaiden naman ay tila walang pakialam sa paligid niya.
Inis na bumaling sa akin si Athena dahil sa bigla kong pagsabad sa kanilang usapan.
“Kaleb‚ pwede bang tumahimik ka!” inis na singhal sa akin ni Athena habang nakataas na ang isang kilay niya.
“Ito naman‚ para nagbibiro lang e‚” kunwaring nagtatampong wika ko at ngumuso pa ako para mas lalong panindigan ang pagtatampo ko.
“Pwes‚ walang nakakatawa kaya manahimik ka na lang‚” may bahid na ng galit na sikmat ni Athena sa akin na may kasama pang pag-irap bago siya bumaling kay Kaiden. “Kung totoo ngang nandoon si Gwyn ay kailangan ko siyang puntahan‚” aniya kay Kaiden at akmang aalis na siya ngunit agad siyang pinigilan ni Kaiden.
“You are not going anywhere‚” puno ng awtoridad na wika ni Kaiden.
“Kung ayaw mong makita si Gwyn‚ bahala ka! Pero huwag na huwag mo akong pipigilang makita siya para tiyakin ang kaligtasan niya dahil ang usapan lang natin ay lalayuan lang natin si Gwyn para mapaniwala natin ang impostor ni Gwyn na nakuha niya ang loob at tiwala natin! Wala sa usapan nating pababayaan ko si Gwyn mag-isa!” hindi na napigilan pang bulyaw ni Athena kay Kaiden.
Dahil sa tumitinding tensyon sa pagitan nina Athena at Kaiden ay minabuti ko na lamang na lumabas na muna ng conference room para mas mabigyan ko sila ng pagkakataong mag-usap nang sila lang nang sa gayon ay magawa nilang sabihin lahat ng gusto nilang sabihin sa isa’t isa at para na rin magkasundo na sila sa kung ano talagang dapat at hindi namin dapat gawin para maisakatuparan ang planong napagkasunduan namin.
Sa paglabas ko ng silid ay agad akong dumiretso sa sala at inokupa ko ang malaking sopang nakaharap sa conference room. Ngunit kahit na lumabas na ako ng silid at nasa sala na ako ay rinig na rinig ko pa rin ang ilang ulit na pagsigaw ni Athena habang kalmado namang sumasagot si Kaiden. At sa mga sumunod na oras ay mas lalo pang tumindi ang sagutan nila sa halip na humupa ang tensyon sa kanilang pagitan. Kaya naman ay napagpasyahan kong bumalik na sa loob ng conference room para mamagitan sa kanila bago pa lalong lumala ang sitwasyon.
“So‚ ngayon pinapalabas mo na panira ako sa plano? Kaiden‚ naman! Bulag ka ba o sadyang hindi mo lang makita na sa ginagawa nating paglayo kay Gwyn ay para na rin natin siyang pinabayaan! Ni hindi natin alam kung ano na ang nangyayari sa kaniya at ang masakit pa nito‚ wala akong magawa bilang kaibigan niya dahil sa lintik na planong ‘yan!” wika ni Athena sa sarkastiko‚ nanghahamak at nanunumbat na boses na siyang naabutan ko sa pagpasok ko ng conference room.
“Athena‚ tama na ‘yan‚” pag-awat ko kay Athena saka dali-dali akong lumapit sa kaniya para pakalmahin siya.
Pagkalapit ko kay Athena ay agad ko siyang hinawakan sa kaliwang braso niya gamit ang kaliwa kong kamay at sinubukan ko siyang pakalmahin. Ngunit nabigo akong mapakalma siya o mapahupa man lang ang galit niya dahil masyado na siyang nanggagalaiti sa galit at tila ba anumang oras ay maaari na siyang sumabog. Ni hindi niya na nga binibigyan ng pagkakataong magpaliwanag si Kaiden at muli na naman niyang sinigawan ang kaawa-awang si Kaiden na malamig lamang na nakatingin sa kaniya.
“Kaya huwag na huwag mo akong masisisi kapag hindi gumana ‘yang plano mo dahil simula pa lang ay hindi na ako sang-ayon sa walang kwenta mong plano! Hindi ko nga alam kung bakit sa dinami-rami ng solusyong pwede mong maisip ay iyan pa talaga ang pumasok diyan sa kukote mo!” nagngingitngit na sigaw ni Athena habang panay na ang panduduro niya kay Kaiden.
Hindi ko naman maiwasan ang manlumo sa narinig kong mga sinabi ni Athena at sa panduduro niya kay Kaiden. Mukhang sumusobra na siya sa pagkakataong ito. Sobra na ang panghahamak niya kay Kaiden na hindi naman dapat dahil sa aming tatlo‚ si Kaiden ang pinakamatalas ang isip lalo na pagdating sa mga ganitong bagay kaya alam kong alam niya ang ginagawa niya at natitiyak kong magtatagumpay kami sa misyon naming ito.
“Dahil iyon lang ang paraan para mailayo natin sa panganib si Thea at para mabantayan natin ang bawat kilos ng kalaban‚” kalmado pa ring giit ni Kaiden. Ngunit sa kabila ng pagiging kalmado niya ay bakas pa rin sa mga mata niya ang sakit. Marahil ay nasasaktan din siya na iniisip ni Athena na kaya talaga niyang pabayaan si Thea.
“Kapag gusto‚ may paraan. Sabihin mo nga sa akin. Nailayo nga ba natin siya sa panganib o mas lalo lang natin siyang inilalapit dito? My God‚ Kaiden! Mag-isa lang ngayon si Gwyn at nakapasok na ang mga kalaban sa akademya! Anumang oras ay maaari nilang kunin si Gwyn at wala tayo sa tabi niya para protektahan siya! Saka sinasabi mo lang naman na walang ibang paraan pero ang totoo ay marami pa! Sadyang ito lang talaga ang paraan na gusto mo dahil enjoy na enjoy kang makasama ang higad na ‘yon na parang linta kung makakapit sa ‘yo!” nang-aakusang wika ni Athena at puno ng panunuyang tiningnan niya si Kaiden.
“Sabi mo noon poprotektahan mo si Gwyn kahit na anong mangyari. Pero ano itong ginagawa mo? Tsk! Akala ko pa naman matino ka. Pero nagkamali ako. Katulad ka rin lang pala ng ibang mga lalaki na kapag pinakitaan ng motibo at nilandi ay agad namang kakagat at titiklop‚” dismayadong sambit ni Athena na akala mo naman ay talagang may katotohanan ang mga simabi niya.
Wala sa sariling humigpit ang pagkakahawak ko kay Athena dahil sa mga lumalabas sa bibig niya na hindi ko inaasahang sa kaniya ko pa maririnig.
“Athena‚ tama na. Sumusobra ka na‚” mariing pag-awat ko kay Athena dahil talagang hindi ko na nagugustuhan ang mga lumalabas sa bibig niya kahit pa alam kong nadadala lamang siya ng emosyon niya.
Dismayadong bumaling sa akin ng tingin si Athena dahil sa muli kong pag-awat sa kaniya.
“Bakit‚ Kaleb? Kumakampi ka na ba sa lalaking ‘yan?” mataray na tanong ni Athena at dinuro niya pa si Kaiden.
“Wala akong kinakampihan. Doon lang ako sa tama. At sa pagkakataong ito‚ ikaw ang mali‚ Athena. Kaya hindi kita kukunsintihin‚” mariing tugon ko para ipaintindi kay Athena na mali ang interpretasyon niya sa sinabi ko.
Ayaw ko mang ipamukha kay Athena na siya ang mali ay buong tapang ko pa rin itong sinabi para maliwanagan siya. Baka kasi kung hindi ko pa ito sinabi at hinayaan ko lang siya na patuloy na pagsalitaan ng masasakit na salita si Kaiden ay baka mas lalo lang madagdagan ang sakit na kinikimkim ni Kaiden at baka pati pagkakaibigan naming tatlo ay magkalamat na siyang hindi ko mapapahintulutan. Ngayong panahon na ito namin mas kailangan maging matatag at ngayon namin mas kailangan ang isa’t isa kaya hindi maaaring malamatan ng kahit kaunti ang relasyon naming tatlo.
“So‚ ako pa ngayon ang mali? E anong tawag mo sa ginagawa ng magaling mong kaibigan? Ano siya‚ santo? Ni wala nga siyang pakialam kay Gwyn kahit mapahamak pa si Gwyn! At mukhang pati ikaw ay wala ring pakialam kay Gwyn! Ano? Ako lang ba talaga ang halos mabaliw-baliw rito sa pag-aalala kay Gwyn?” pang-aakusa ni Athena sa amin ni Kaiden na para bang siya lang talaga ang may pakialam kay Thea.
Marahas na lamang akong napabuga ng hangin dahil sa mga sinabi ni Athena na sobrang nakakapanlumo. Halatang ayaw niyang tanggapin ang pagkakamali niya. Marahil ay naniniwala talaga siya na si Kaiden ang mali‚ na mali ang paraang napili ni Kaiden para maprotektahan si Thea. Ngunit hindi ko naman siya masisisi kung iyon nga ang iniisip niya dahil hindi pa naman lubos na naipapaliwanag sa kaniya ni Kaiden ang detalye ng plano dahil pag-uusapan pa lang sana namin ito. Ngunit dahil nga nagkasagutan sila ni Kaiden ay hindi na kami nakapag-usap pa nang maayos patungkol sa plano.
Matapos kong bumuga ng hangin ay sinubukan kong kalmahin ang sarili ko matapos kong maramdaman ang matinding emosyon sa loob ko na nagpupumilit kumawala. Ngunit hindi ito gumana. Kaya naman ay dali-dali kong binitiwan ang braso ni Athena saka ako dumistansya sa kaniya nang kaunti para harap-harapan kong sabihin sa kaniya ang mga katagang kanina ko pa pinipigilang lumabas sa bibig ko.
“Minsan naman‚ Athena‚ isipin mo rin kung anong nararamdaman ng iba‚ ang nararamdaman namin. Hindi iyong puro sarili mo lang ang iniisip mo. Sa tingin mo ba talaga ay hindi kami nasasaktan at nahihirapan ni Kaiden sa mga nangyayari? Kaibigan din namin si Thea at masakit para sa amin na layuan siya. Pero tinitiis namin ito para lang mawakasan na namin ang banta sa kaniyang buhay sa lalong madaling panahon‚” pangangaral ko kay Athena para isiksik sa isipan niya na hindi lang siya ang nag-aalala kay Thea‚ na hindi lang siya ang nasasaktan sa ginagawa naming pagdistansya kay Thea. Mukha kasing nakalimutan na niya na kaibigan din namin si Thea at kaya lang namin ito ginagawa ay dahil din mismo kay Thea.
Hindi makapaniwalang itinuro ni Athena ang kaniyang sarili gamit ang hintuturo niya sa kaniyang kanang kamay. “Ako pa? Ako pa ngayon ang makasarili? E nagkakaganito lang naman ako dahil nag-aalala ako sa kaibigan ko na hindi ko malaman kung ano na ang lagay‚” pagdepensa niya sa kaniyang sarili at kasabay nito ay bigla na lamang nag-unahan sa pagtulo ang kaniyang mga luha. “Nagkakaganito ako dahil ang lapit-lapit nga niya sa ‘kin pero hindi ko naman siya magawang lapitan! Nagkakaganito ako dahil natatakot ako! Natatakot akong may kung anong mangyaring masama sa kaniya! At kapag nangyari ‘yon‚ hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko dahil wala man lang akong nagawa para protektahan siya!” dagdag niya pa sa napakalakas na boses habang rumaragasa ang luha sa kaniyang pisngi saka bigla na lamang siyang nanghihinang napaupo sa sahig habang palakas nang palakas ang kaniyang pag-iyak.
Nang mapaupo si Athena sa malamig na sahig ay agad kong binalingan ng tingin si Kaiden at pinakiusapan ko siyang iwan na muna kami ni Athena gamit lamang ang isip ko. Hindi naman na kumontra pa si Kaiden at tahimik na lamang siyang lumabas ng silid.
Nang makaalis ng silid si Kaiden ay agad kong dinaluhan si Athena. Maging ako ay naupo na rin sa sahig sa tabi niya at maingat ko siyang niyakap para aluin siya.
Ilang minuto lamang matapos kong daluhan si Athena ay napansin ko na ang pagkalma niya. Kaya naman ay agad ko siyang pinakawalan saka marahan kong hinawakan ang magkabila niyang pisngi para pagtagpuin ang aming mga tingin. At nang makuha ko na ang buo niyang atensyon at magtagpo ang aming tingin ay agad kong ipinaliwanag sa kaniya ang buong detalye ng plano ni Kaiden.
Sinabi ko kay Athena lahat ng napag-usapan namin ni Kaiden sa palasyo kagabi‚ magmula sa plano ni Kaiden na layuan si Thea para isipin ng kalaban na nagtagumpay sila sa pagsira sa aming pagkakaibigan at para maipakita namin sa kalaban na napaniwala nila kaming ang ipinadala nila ang totoong Kiana. Inamin ko rin kay Athena na hindi naman talaga pinabayaan ni Kaiden si Thea kagaya ng iniisip niya dahil kahit pa nagseselos si Kaiden kay Ali ay pinakiusapan pa rin niya si Ali na bantayan at samahan si Thea upang masiguro namin ang kaligtasan ni Thea. Ipinaliwanag ko rin kay Athena na kaya lang namin piniling makipaglapit sa impostor ni Thea ay para mabantayan namin ang bawat kilos nito at para malaman namin ang plano ng mga kalaban. Ngunit magagawa lamang namin ito kapag nilayuan namin si Thea dahil hindi maaaring maglapit ang impostor at ang tunay na Kiana. At iyan ang dahilan kung bakit nasa ganito kaming sitwasyon na mukhang naintindihan naman ni Athena dahil biglang humina ang pag-iyak niya at napayakap na lamang siya sa akin nang mahigpit na para bang sa akin siya humuhugot ng lakas para magawa niyang panindigan ang paglayo namin kay Thea.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top