CHAPTER 54: THE MYSTERIOUS VOICE
ALTHEA’S POV
Matapos kong iwan sina Flor sa labas ng Healing Room ay agad akong dumiretso sa Hidden Palace para mapag-isa. At sa pagtapak pa lang ng paa ko sa Hidden Palace ay bigla na akong napahagulhol ng iyak. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na talagang naniwala sina Kaiden sa paninira sa ‘kin ng nagpakilalang si Prinsesa Kiana. Oo‚ alam kong wala akong karapatang magdamdam dahil siya naman talaga ang kaibigan nila. Siya ang ka-level nila. Pero sana man lang ay naisip nila na kaibigan din nila ako. At sana man lang ay naisip nila na walang dahilan para makipagsabwatan ako sa mga Darkinian na walang awang pumatay sa mga magulang ko.
Maiintindihan ko naman kung iisipin nilang impostor nga ako. Pero ang isipin nilang pakawala ako ng mga kaaway ay para na rin nila akong sinaksak nang paulit-ulit sa dibdib ko. Para na rin kasi nilang sinabi na hindi nila naramdaman ang sincerity ko noong mga panahong kasama nila ako at para na rin nilang sinabi na nagpapanggap lang ako at walang totoo sa mga ipinakita ko. Pero sino nga ba naman ako para piliin at paniwalaan nila? Isa lang naman akong hamak na mortal na dinala ni Kaiden sa kanilang mundo sa pag-aakalang ako ang matagal na niyang hinahanap. At ngayong bumalik na ang prinsesang matagal na niyang hinahanap ay wala na akong lugar pa sa mundong ito at maging sa buhay niya.
Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay kung bakit tila walang pinagbago ang mukha ni Prinsesa Kiana. Maging ang kulay ng mata at buhok niya ay ganoon pa rin. Kung titingnan mo kasi siya ay parang siya pa rin ang batang nasa painting na nakita ko noon sa silid nila ni Jane sa palasyo nina Kaleb. No sign of aging at tanging katawan niya lang ang nagbago. Oo‚ alam kong hindi tumatanda ang mga charmer pero sa lahat ng nandito‚ siya ang pinakawalangpinagbago lalo na kung ikukumpara kay Jane. Tapos kung titingnan mo rin ang mga mata niya sa malapitan ay parang sobrang daming lihim ang nagkukubli rito.
Hindi naman sa pinag-iisipan ko ng masama ang prinsesa o hinahanapan ko siya ng butas. Nakakapagtaka lang talaga na sobrang bata pa rin niyang tingnan. Ngunit ano pa man ang dahilan sa likod nito ay siguro’y hindi ko na dapat pang alamin. Baka magsayang lang ako ng oras at baka lumabas pa akong masama. Baka kasi isipin pa ng iba na humahanap lang ako ng butas sa prinsesa o nagpupumilit akong sumiksik sa mundong ginagalawan ng royalties. Saka isa pa‚ wala naman sa isip ko ang halungkatin pa ang naging buhay ng prinsesa o hanapan ng paliwanag ang tungkol sa mukha niyang walang pagbabago. Ang tanging nasa isip ko lang ngayon ay ang hanapan ng sagot ang mga tanong na bumabagabag sa ‘kin.
Isa sa mga tanong na gumugulo sa ‘kin ay kung wala na bang halaga kina Kaiden ang mga araw na nakasama nila ako. Bakit napakadali para sa kanila na itapon na lang ‘yon at kalimutan? Hindi ba nila ako itinuring na isang tunay na kaibigan kahit minsan? Nakikita lang ba nila ako bilang si Kiana at hindi si Thea?
Nakakalungkot isipin na sa kanilang tatlo ay tila tanging si Jane na lang ang naniniwala sa ‘kin. Ngunit kahit na gano’n ay ipinagpapasalamat ko pa rin na may isa sa kanila na hindi naniwala sa paninira sa akin ng prinsesa. Sana nga lang talaga ay hindi niya rin mapaniwala si Jane sa mga kasinungalingan niya dahil hindi ko na kakayanin kung pati si Jane ay mawawala pa sa ‘kin.
Pero sino nga ba talaga ang babaeng nagpakilalang si Prinsesa Kiana? Bakit bigla na lang siyang sumulpot sa mismong pagsugod ng mga kalaban? Coincidence lang ba ito o planado ang lahat ng ito? Bakit ako ang puntirya niya? Saka bakit niya pa ako iniligtas kung sasaksakin niya rin naman pala ako sa likod?
Marami pang mga tanong ang isa-isang nagsilitawan sa isip ko habang patuloy pa rin ako sa pag-iyak. At dahil sa aking walang tigil na pag-iyak at sa dami ng tanong na gumugulo sa ‘kin ay hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako. Nagising lamang ako mula sa aking pagkakahimbing nang makarinig ako ng ingay mula sa sala.
Matapos kong maalimpungatan dahil sa narinig kong ingay ay bigla na lamang nabuhay sa loob ko ang takot nang maisip kong maaaring isa sa mga kaaway na sumugod kahapon ang lumikha ng ingay na narinig ko. At dahil sa takot ko ay maingat akong naglakad palapit sa pinto ng silid na aking kinaroroonan nang hindi gumagawa ng kahit anong ingay.
Mabuti na lamang pala at nagawa kong ikubli ang presensya ko bago ako umalis ng Healing Room kahapon kaya malaya kong mapakikinggan ang pag-uusapan ng mga nasa labas nang hindi nila napapansin ang presensya ko.
“Kahapon pa nawawala si Gwyn. Baka kung ano na ang nangyari sa kaniya. Mabuti pa ay hanapin na natin siya‚” nag-aalalang sambit ni Jane.
Matapos kong marinig ang boses ni Jane mula sa labas ng silid ay dali-dali kong hinawakan ang doorknob at akmang pipihitin ko na ito. Ngunit hindi ko na nagawa pang igalaw ang kamay ko nang bigla na lamang akong namanhid sa sunod kong narinig.
“Don’t bother. Ipaubaya na ninyo sa mga kabigan niya ang paghahanap sa kaniya. It has nothing to do with us. May mas mahalagang bagay pa tayong dapat pagtuunan ng pansin‚” malamig na wika ni Kaiden na naghatid sa akin ng hindi maipaliwanag na sakit.
Ibig bang sabihin nito ay wala lang kay Kaiden kahit pa may mangyaring masama sa ‘kin dahil wala naman akong halaga sa kaniya? Saka anong gusto niyang palabasin sa sinabi niyang ipaubaya na lang sa mga kaibigan ko ang paghahanap sa ‘kin? Ang ibig ba niyang sabihin ay hindi niya ako itinuring na kaibigan kahit kailan? Nangangahulugan ba ito na nawalan na siya ng pakialam sa ‘kin dahil sa pagbabalik ng prinsesa na inakala niya noong ako?
“So anong pinapalabas mo? Na hindi mahalaga ang kaligtasan ni Gwyn?” dismayadong tanong ni Jane.
“Kaibigan niya rin tayo‚ Kaiden! And she needs us!” mariing wika ni Jane nang hindi na niya binibigyan pa ng pagkakataong sumagot si Kaiden sa tanong niya.
Tipid na lamang akong napangiti sa narinig kong sinabi ni Jane. Magmula noon hanggang ngayon ay kaligtasan ko pa rin talaga ang inuuna niya. And I’m so lucky to have her.
“Athena‚ tama na. Napag-usapan na natin ang bagay na ito‚ hindi ba? Para ito sa ikabubuti ng lahat‚” pag-awat ni Kaleb kay Jane na biglang bumura ng ngiting sumilay sa labi ko.
Hindi ko lubos maisip na maging si Kaleb ay nawalan na rin ng pakialam sa ‘kin. Ganoon lang ba talaga kadali sa kanila na basta na lang itapon ang mga pinagsamahan namin? Para ano? Para hindi sumama ang loob ng babaeng humabi ng kasinungalingan para siraan ako?
“Alam ko. Pero hindi pa rin ninyo maiaalis sa akin na mag-alala sa kaibigan ko‚” mahinang tugon ni Jane habang bakas pa rin ang labis na pag-aalala sa kaniyang boses.
“Sinabi ko na sa ‘yo na huwag ka nang mag-alala pa sa kaniya. Ngayong kumikilos na ang kalaban ay kailangan nating dumistansya sa kaniya para mas mabantayan natin si Kiana‚” puno ng awtoridad na wika ni Kaiden‚ waring napag-isipan na niya ang bagay na ito bago pa man niya ito banggitin.
Napaismid na lamang ako sa aking narinig. So‚ sagabal pa pala ako sa hangarin nilang bantayan ang Kiana na ‘yon? Ano bang gusto nilang palabasin? Na mapapahamak lang ang Kiana na ‘yon kapag hindi nila ako nilubayan? ‘Yon ba ‘yon?
“Pero paano si Gwyn? Hahayaan na lang natin siyang mag-isa?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Jane na dumurog sa puso ko.
Ang sakit lang isipin na sa lahat ng nangyayari ay si Jane ang pinakanahihirapan. Naiipit kasi siya sa sitwasyon at tila wala siyang magawa kundi ang sumunod sa nais nina Kaiden at Kaleb.
“Enough with this nonsense. We have to go. Kiana is waiting for us‚” pagputol ni Kaiden sa kanilang usapan at kasunod nito’y narinig ko na lang ang mga papalayo nilang yabag.
Ilang saglit lamang ay hindi ko na narinig pa ang yabag nina Jane at maging ang presensya nila ay hindi ko na rin naramdaman pa. Mukhang umalis na nga sila at ngayon ay mag-isa na naman ako.
Matapos akong maiwang mag-isa sa Hidden Palace ay muli na namang nag-unahan sa pagtulo ang mga luha ko. At hindi ko na napigilan pa ang muling mapalakas ang aking pag-iyak nang magpabalik-balik sa aking isipan ang naging usapan nina Jane kani-kanina lang.
Sa mga sumunod na oras ay naramdaman ko na ang tila pamimigat ng talukap ng mata ko kasabay ng panlalabo ng paningin ko dahil sa walang tigil kong pag-iyak. Ngunit sa kabila nito at sa kabila ng nanlalambot kong tuhod ay marahas ko pa ring pinihit ang doorknob at marahas kong hinila pabukas ang pintong nasa aking harapan.
Matapos kong mahila pabukas ang pinto ng silid na kinaroroonan ko ay tila may sariling isip na bigla na lamang kumilos ang mga paa ko upang maglakad palabas ng silid. Ngunit dahil nga nanlalabo na ang paningin ko at medyo nanlalambot na rin ang mga tuhod ko dahil sa gutom‚ matinding emosyong nararamdaman ko at sa walang tigil kong pag-iyak ay nagpagiwang-giwang ako sa paglalakad‚ dahilan para ilang ulit akong bumangga sa kung saan-saan at sa kung ano-anong gamit. Ngunit ilang saglit lang ay nagawa ko na ring makapaglakad nang maayos.
Tuloy-tuloy akong naglakad hanggang sa makalabas ako ng Hidden Palace. Ngunit hindi ko na namalayan pa kung anong direksyon ang tinatahak ko o kung saan ako papunta. Lakad lang ako nang lakad nang walang tiyak na destinasyon‚ tila ba hinahayaan ko na lang ang mga paa kong dalhin ako sa kung saan na hindi ko na tinangka pang labanan dahil ang tanging gusto ko lang ngayon ay ang lumayo at kalimutan lahat ng sakit na nagpapabigat ng loob ko.
Patuloy lang ako sa paglalakad habang naglalakbay ang isipan ko sa mga nangyari kanina at kahapon hanggang sa may marinig akong boses na tumawag sa ‘kin na biglang nagpahinto sa ‘kin.
“Thea‚” malambing na pagtawag sa akin ng isang boses-babae.
Dahil sa narinig ko ay bigla akong natauhan at agad kong inilibot ang tingin ko sa paligid. At ganoon na lamang ang gulat ko nang mapagtanto kong nasa bukana na ako ng Forbidden Forest.
“Paano ako napunta rito?” naitanong ko na lamang sa aking sarili habang nakapako na ang tingin ko sa Forbidden Forest na nasa aking harapan.
“Thea‚” muling pagtawag sa akin ng boses na naririnig ko.
Dahil sa muling pagtawag sa akin ng kung sino ay muli kong iginala ang paningin ko sa paligid para alamin kung may iba pa bang tao sa paligid bukod sa ‘kin. Ngunit agad na nagsalubong ang kilay ko nang wala akong makita ni anino na pakalat-kalat sa paligid.
“Thea‚” muli na namang tawag sa akin ng kung sino na habang patagal nang patagal ay tila ba nagiging musika na sa aking pandinig dahil sa boses niyang tila ba hinihele ako.
“Sino ka? Magpakita ka!” pagkausap ko sa kung sinumang may-ari ng boses na narinig ko habang palinga-linga pa rin ako sa aking paligid para abangan ang kaniyang paglitaw kung sakali mang maisipan niyang magpakita sa ‘kin.
“Hindi na mahalaga kung sino ako. Ang tanging mahalaga lamang ay ang malaman mong isa akong kaibigan at hindi kaaway‚” sagot nito sa malumanay na boses.
Walang buhay na lamang akong natawa sa narinig ko. Ngunit kasabay ng pagtawa ko ay ang bigla pagtulo ng mga luha ko na bigla na lang namuo sa mga mata ko matapos kong marinig ang salitang ‘kaibigan’.
“Kaibigan? Tapos ano? Iiwan mo rin ako sa bandang huli?” nang-aakusang tanong ko habang hindi ko na alam kung saan ako lilinga dahil hindi ko naman matukoy kung saan nagmumula ang boses na naririnig ko. “Ganiyan ba talaga kayo? Kukunin ninyo ang loob ng isang tao tapos kapag nakuha na ninyo ang tiwala nila ay basta na lang ninyo silang itatapon na parang basura? Wala kayong pagpapahalaga!” dagdag ko pang pang-aakusa.
Hindi ko na alintana pa kahit para na akong tanga na kinakausap ang hangin habang panay ang iyak ko. Ang tanging mahalaga lang sa akin ngayon ay ang mailabas lahat ng sama ng loob ko para kahit papaano ay mabawasan ang sakit na kinikimkim ko.
“Sa buhay ay dumarating talaga ang mga pagsubok at susubukin nito ang katatagan mo. Ngunit huwag ka sanang mawawalan ng pag-asa dahil simula pa lamang ito ng mga pagsubok na kahaharapin mo‚” wika ng babaeng kausap ko sa malumanay na boses.
Nasapo ko na lamang ang aking dibdib nang maramdaman ko ang biglang pagsikip ng paghinga ko matapos banggitin ng babaeng kausap ko na itong nararanasan ko ngayon ay simula pa lamang ng mga pagsubok na kahaharapin ko.
“Ayoko na. Paano ko pa magagawang harapin ang mga pagsubok na ito kung mag-isa lang ako?” nanlulumong sagot ko at hindi ko na napigilan pang ikuyom ang kamay kong nakasapo sa dibdib ko nang maramdaman ko ang biglang pagkirot ng dibdib ko na para bang may pumipilipit dito.
Ang kirot na nararamdaman ko sa dibdib ko ay mas lalo pang tumindi sa paglipas ng oras. Kaya naman ay napaluhod na ako sa lupa sa nangangatog kong tuhod habang hilam pa rin ng luha ang mga mata ko.
“Hindi ka nag-iisa. Kasama mo ako sa laban mong ito. Hindi kita iiwang mag-isa. Nandito lang ako‚” wika ng babaeng kausap ko sa nang-aalong boses na marahas na nagpaangat ng tingin ko.
“Sinasabi mo lang ‘yan pero iiwan mo rin ako! Katulad ka lang din nila!” nang-aakusang sigaw ko sa kausap ko na ngayon ay ramdam ko ang presensya sa aking harapan.
Matapos kong sigawan ang kausap ko ay bigla ko na lamang naramdamang may kamay nang nakapatong sa kaliwang balikat ko at kasabay nito ay malakas na umihip ang hangin. At upang alamin kung sino ang may-ari ng kamay na ngayon ay nakapatong sa balikat ko ay agad kong ibinaling ang tingin ko sa balikat ko. Ngunit ganoon na lamang ang gulat ko nang wala akong makitang kamay sa balikat ko gayong ramdam ko pa ring may nakahawak dito. Ngunit ang higit na nakapagtataka ay wala akong maramdaman kahit katiting na takot kahit pa nga tila multo ang kausap ko. Ang totoo nga niyan ay tila gumaan pa ang pakiramdam ko nang hawakan ako sa balikat ng kung sinong nilalang na hindi ko makita.
“Naiintindihan ko ang bigat ng iyong dinadala dahil sa mga nangyayari. Pero huwag mo sanang kalilimutang may dahilan ang lahat ng ito‚” wika ng babaeng kausap ko na agad ko sanang kokontrahin ngunit bago ko pa man maibuka ang bibig ko ay muli na siyang nagsalita. “Sa ngayon ay sarado pa ang iyong puso’t isipan kaya mas makabubuting magpahinga ka na muna para sa pagmulat ng iyong mga mata ay wala na ang sakit na iyong nadarama‚” aniya na hindi ko na nagawa pang tugunin dahil agad na nabaling ang atensyon ko sa aking harapan nang makita ko sa gilid ng mata ko ang isang maliit na puting liwanag na bigla na lang lumitaw sa harapan ko.
Sa pagbaling ko ng aking tingin sa aking harapan ay agad na nanlaki ang mga mata ko nang masaksihan ko mismo kung paanong unti-unting lumalaki ang liwanag na nasa aking harapan. At nang maging kasinglaki na ito ng isang tao ay bigla na lamang itong naging hugis-babae na naglahad ng kaniyang kamay sa aking harapan na para bang nais niyang tanggapin ko ito.
Matapos maging hugis-babae ang liwanag na kanina ko pang pinagmamasdan at matapos nitong ilahad ang kaniyang kamay ay bigla na lamang bumigat ang talukap ng mga mata ko‚ tila nagbabadya na itong magsara anumang oras. Dahil dito ay sunod-sunod na pumasok sa aking isipan ang mga tanong. Mamamatay na ba ako? Oras na ba para lisanin ko ang mundong ito? Sinusundo na ba ako ng liwanag? Katapusan ko na ba? Haist! Huwag naman sana. Gusto ko pang malinis ang pangalan ko. Gusto ko pang makasama ang mga kaibigan ko at ibalik ang lahat sa dati bago dumating ang babaeng nagpakilalang Kiana. Saka hindi ko pa natutuklasan ang misteryo sa pagkatao ko. Marami pa akong kailangang gawin. Hindi pa ako handang lisanin ang mundo ng mga nabubuhay.
‘Mom‚ dad‚ huwag muna‚ please... Bigyan pa ninyo ako ng kaunting panahon‚’ pagsusumamo ko sa aking isipan bago ko maramdaman ang tuluyang pagsara ng talukap ng mga mata ko at bago ako lamunin ng nakakasilaw na liwanag.
✨✨✨
A/N: Oh no! Ano na kayang mangyayari kay Thea? Ano kaya ang puting liwanag na nakita niya at kaninong boses ang narinig niya?
Want to know the answer? Then‚ tuloy lang sa pagbabasa. Walang titigil😂
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top