CHAPTER 53: THE IMPOSTOR

FLORA’S POV

Nawala na lamang na parang bula ang mga sumugod sa akademya ngunit napakalaking pinsala ang idinulot nila. Kaya naman lahat ng mga mahuhusay na charmer at maging ang konseho ay nagtutulong-tulong upang ayusin ang lahat ng mga nasira. Hinigpitan na rin nila ang seguridad ng paaralan upang wala ng mga kaaway pa ang makapasok ng akademya. Naglagay sila ng barrier sa buong akademya at may mga ipinadala ring kawal ang iba’t ibang kaharian upang magbantay sa tarangkahan ng akademya at sa palibot nito.

Hindi kami kasama ni Yael sa mga nag-aayos ng akademya dahil hindi pa kami gaanong bihasa sa paggamit ng aming kapangyarihan. At dahil wala naman kaming magawa ay mas pinili na lamang naming hanapin si Thea dahil hindi pa namin siya nakikita magmula nang iwan niya kami sa battle arena.

Hindi naman kami nahirapang hanapin si Thea dahil agad namin siyang nakita sa training field‚ mag-isang nakaupo sa isa sa mga upuang nakapalibot dito habang tila malalim ang kaniyang iniisip.

Agad naming nilapitan si Thea matapos namin siyang makita at nang makalapit kami sa kaniya ay hindi ko na napigilan pa ang sarili ko. Mahigpit ko siyang niyakap dala ng labis kong pag-aalala sa kaniya.

“Nandito ka lang pala. Kanina ka pa namin hinahanap. Alalang-alala na kami sa ‘yo‚” sambit ko habang nakakulong pa rin sa mga bisig ko si Thea na hindi man lang tumugon sa yakap ko.

“Oo nga‚ Thea. Hindi ka na bumalik kaya akala namin kung ano na ang nangyari sa ‘yo‚” pagsegunda ni Yael.

“Pasensya na kung pinag-alala ko kayo. Masyado lang talaga akong maraming iniisip. Patawad‚” matamlay na paghingi ni Thea ng paumanhin na nakaagaw ng atensyon ko‚ dahilan para agad ko siyang pakawalan mula sa pagkakakulong ko sa kaniya sa aking mga bisig.

Matapos kong dumistansya kay Thea ay mabilis akong umayos ng tayo at pinasadahan ko siya ng nagtatakang tingin. Agad ko namang napansing tila wala siya sa kaniyang sarili dahil masyadong malayo ang tingin niya at para din siyang may malalim na iniisip. Kumbaga‚ kaharap ko siya ngunit tila hindi naman namin siya kasama dahil malayo ang nilalakbay ng kaniyang isipan.

“Wala ‘yon. Ang mahalaga ay nasa maayos kang kalagayan‚” tanging nasabi ko kahit pa gustong-gusto kong tanungin si Thea kung may problema ba o kung anong iniisip niya. “Siya nga pala‚ alam mo na ba kung anong sadya ng mga sumugod sa akademya? Masyado kasi kaming naging abala sa paghahanap sa ‘yo kaya hindi na kami nakapagtanong pa sa konseho‚” biglang pag-iiba ko ng usapan para kunin ang atensyon ni Thea.

Isa pang dahilan kung bakit ko iniba ang usapan namin ay dahil kanina pa talaga namin gustong alamin kung anong sadya ng mga kaaway sa pagsugod nila sa akademya. Ngunit dahil hindi na nga kami binalikan ni Thea sa battle arena ay mas pinili na lamang naming hanapin siya kaysa makiusyoso pa kami. Makakapaghintay naman kasi ang pagiging tsismosa namin. Saka mas mahalaga pa rin ang kaligtasan ng kaibigan naming si Thea.

“Mas mabuti pa ay iba na lang ang tanungin ninyo. Wala rin akong alam sa nangyari kaya hindi ko masasagot ang tanong ninyo. Patawad‚” matamlay pa ring tugon ni Thea.

“Anong ibig mong sabihing wala kang alam sa nangyari? E hindi ba nandoon ka sa mismong pinangyarihan ng gulo?” naguguluhang tanong ni Yael na hindi na nakatiis pa na makinig lang sa usapan namin ni Thea.

“Kasi—”

“Yael! Flor!” sigaw ng kung sino mula sa aming likuran na nakaagaw ng atensyon namin ni Yael.

Halos sabay kaming napaharap ni Yael sa aming likuran para alamin kung sino ang tumawag sa ‘min. At ganoon na lamang ang gulat namin nang biglang sumulpot sa harapan namin si Luna gayong base sa sigaw niya kanina ay nasa malayo pa siya.

“Ano bang nangyari? Bakit para kang hinabol ng nagliliparang sibat?” tanong ko kay Luna at nakangiwi ko pa siyang pinasadahan tingin dahil sa magulo niyang buhok at damit.

“Nabalitaan na ba ninyo ang nangyari?” tanong din ni Luna sa halip na sagutin ang tanong ko.

“Ano namang balita ang nasagap mo?” salubong ang kilay kong tanong.

“Si Thea! Isinugod siya sa Healing Room! Napuruhan siya sa naganap na labanan!” natatarantang balita sa amin ni Luna na muntik ko nang ikahalakhak. Ngunit agad ko ring napigilan ang sarili ko nang maalala kong hindi niya pa nga pala nakikita si Thea dahil natatakpan namin siya ni Yael. Saka hindi rin naman nagsasalita si Thea kaya wala pang ideya si Luna na nasa likod lamang namin siya.

“Luna‚ ayos ka lang ba? Hindi ka ba nabagok kanina? O hindi ba naalog ang utak mo sa lakas ng pagsabog na naganap? Baka kailangan na kitang dalhin sa Healing Room‚” pigil ang tawang wika ni Yael na siya rin sanang itatanong at sasabihin ko kung hindi niya lang ako naunahan.

“Ano ba naman kayo? Hindi ito ang oras para magbiro. Kailangan na nating puntahan si Thea! Baka kung ano na ang nangyari sa kaniya‚” nag-hy-hysterical na sagot ni Luna na tuluyan ko nang ikinahagalpak ng tawa.

“Hindi ba dapat na ikaw ang sinasabihan namin niyan?” natatawang tanong ni Yael.

“Tama na nga ‘yang kabaliwan mo. Baka matuluyan ka pa‚” tumatawang wika ko kay Luna saka sinenyasan ko si Yael na tumabi na agad naman niyang ginawa at ganoon din ang ginawa ko para malayang makita ni Luna si Thea. “Ayan si Thea oh. Ligtas at walang kagalos-galos‚” tumatawa pa ring wika ko.

“Sino bang tinutukoy mong napuruhan?” salubong ang kilay na tanong ni Yael.

Nakita ko kung paanong namilog ang mga mata ni Luna nang mapako ang tingin niya kay Thea na nakatanaw sa kawalan. Ngunit hindi ko na nagawa pang matawa sa reaksyon niya dahil sa itsura ni Thea na labis na nakababahala.

“T-Thea? I-Ikaw ba t-talaga ‘yan?” tila hindi makapaniwalang tanong ni Luna habang nakapako pa rin kay Thea ang nanlalaki niyang mga mata.

“Naman! Sino pa ba sa tingin mo?” sagot ko nang mapansin kong walang balak na sumagot si Thea.

“K-Kung n-nandito ka‚ e s-sino ‘yong na-nasa Healing Room?” nangangatal na tanong ni Luna na biglang nabahiran ng takot ang boses na para bang nakakita siya ng multo.

“She’s back‚” wala sa sariling sagot ni Thea na nakakuha ng atensyon naming lahat.

“Sino?” salubong ang kilay na tanong ni Yael na hindi na maipinta pa ang mukha tulad ko dahil sa labis na kalituhan sa kung anong nangyayari at kung saan patungo ang usapan nina Luna at Thea.

“Si Prinsesa Kiana‚” mahinang tugon ni Thea na ikinaawang ng bibig naming tatlo.

Hindi ko rin naman masisisi sina Yael at Luna sa naging reaksyon nila. Tunay naman kasing nakakagulantang ang sinabi ni Thea. Paano ba naman kasi babalik ang nilalang na matagal nang patay? Saka sa pagkakaalam ko ay si Thea ang pinaghihinalaan ng lahat na prinsesa ng Ardor Kingdom dahil sa mukha niya at sa kapangyarihang taglay niya. Kaya paanong nasabi niyang bumalik na si Prinsesa Kiana?

Wait. Hindi kaya nakakaalala na si Thea at aaminin niya na sa amin na siya ang babaeng inakala ng lahat na matagal nang patay?

“Ang babaeng nakita ni Luna sa Healing Room ay hindi ako. It was her‚” paglilinaw ni Thea na mas lalong nagpagulantang sa aming tatlo.

“Thea‚ ano bang pinagsasasabi mo riyan? Umayos ka nga. Hindi siya si Prinsesa Kiana. Ikaw—” Hindi ko na nagawa pang matapos ang sinasabi ko nang muling magsalita si Thea sa kalagitnaan ng aking pagsasalita.

“Kung ayaw ninyong maniwala‚ maaari ninyo siyang puntahan nang sa gayon ay makita ninyo ang sinasabi ko‚” sambit ni Thea na ngayon ay nakatingin na sa akin.

“Kung totoo man ‘yang sinasabi mo‚ halika‚ puntahan natin siya at nang magkaalaman na‚” yaya ko kay Thea at bago pa man siya makapalag ay hinawakan na namin siya ni Luna sa magkabilang braso niya at sapilitan namin siyang isinama sa pagpunta ng Healing Room.

Nang marating namin ang mismong tapat ng pinto ng Healing Room ay kakatok na sana si Yael para ipaalam sa mga nasa loob ang pagdating namin. Ngunit nabitin ang kamay niya sa ere nang may marinig kaming magsalita sa loob na nakaagaw ng aming atensyon.

“Alam kong hindi madaling paniwalaang ako ito. Ngunit sa maniwala kayo o sa hindi ay nagsasabi ako ng totoo. Noong mangyari ang digmaan‚ hindi ako napatay ng mga kalaban. Sa halip kasi na patayin nila ako ay dinukot nila ako at naging bihag nila ako sa loob ng mahabang panahon. At sa loob ng mahabang panahon ay wala akong nagawa upang labanan sila. Ngunit isang araw ay hindi sinasadyang narinig ko ang usapan ng dalawang nagbabantay sa ‘kin. Nabanggit nilang may ipinadala silang alagad sa akademya upang magmatyag at upang pabagsakin ang buong Fantasia. Dahil dito ay bigla akong nagkaroon ng dahilan upang lumaban at upang tumakas sa piitang pinagkulungan sa ‘kin‚” humihikbing kuwento ng isang babaeng masyadong mahina at matinis ang boses na aakalain mong mula sa isang bata.

“Anong ibig mong sabihin?” rinig kong tanong ng isang boses na sa palagay ko ay boses ni Prinsipe Kaleb.

“Rinig na rinig ko ang usapan nila na may ipinadala silang kakampi nila upang magpanggap na ako kaya gumawa ako ng paraan para makatakas at para mapigilan ang anumang binabalak nilang hindi maganda‚” muling pahayag ng babaeng boses-bata na lihim na ikinakuyom ng kamao ko.

Mukhang hindi maganda ang patutunguhan ng kuwento ng bruhang nasa loob ng Healing Room. Tsk! Huwag lang talaga siyang magkakamali na idawit si Thea sa kuwento niyang puno ng kasinungalingan. Dahil kapag nagkataon ay baka makalbo ko siya.

“Ang ibig mo bang sabihin ay may ipinadala sila para magpanggap na ikaw habang bihag ka pa rin nila?” seryosong tanong ng isang lalaki na sa palagay ko ay walang iba kundi si Prinsipe Kaiden.

“Oo. Kaya marahil ay alam na ninyo sa ngayon na ang babaeng inaakala ninyong ako ay isang impostor‚” mahinang tugon ng sinungaling na bruha na mas lalong ikinakuyom ng kamao ko.

“Isa kang hangal! Bawiin mo ang sinabi mo kung ayaw mong alisan kita ng hangin sa katawan!” galit na galit na sigaw ng isang boses na tiyak kong pag-aari ni Prinsesa Athena.

“Ngunit nagsasabi ako ng totoo at lahat na ng patunay ay nakahain sa inyong harapan‚” giit ng bruha. “Hindi aksidente o nagkataon lang ang pagkakaroon namin ng iisang mukha. Saka hindi rin ninyo maikakaila na nagsimula lamang makapasok ang mga Darkinian sa akademya nang dumating siya rito. Maging ang pagkakaligtas niya mula sa saksak ng espadang napulot ninyo na may tatak na Animus Kingdom ay hindi rin isang himalang maituturing. Ang lahat ng ito ay planado nila. Palabas lang nila ang lahat ng ito para mapaniwala kayo sa kasinungalingang hinabi nila‚” dagdag niya pa para mas makumbinsi ang tatlong royalties na kasama niya na nagsasabi siya ng totoo.

“Huwag na huwag mong pagsasalitaan ng ganiyan ang kaibigan ko! Matatanggap ko pa ang tawagin mo siyang impostor dahil kahit kailan ay hindi naman siya nagpakilala bilang si Kiana! Pero ang palabasin mong pakawala siya ng mga kalaban ay hindi ko na mapapalagpas! Hindi siya ang kalaban! Ikaw! Ikaw ang—”

“Athena‚ that’s enough‚” pag-awat ni Prinsipe Kaiden kay Prinsesa Athena bago pa man matapos ni Prinsesa Athena ang kaniyang sinasabi.

Sa gitna ng aking pakikinig sa usapan sa loob ng Healing Room ay naramdaman ko ang bahagyang panginginig ng kamay ni Thea na nagpalingon sa akin sa kaniyang direksyon.

Sa paglingon ko kay Thea ay agad na bumungad sa akin ang mukha niyang punong-puno ng galit. At maging ang nakakuyom niyang kamao ay hindi rin nakaligtas sa paningin ko. Kaya naman ay agad kong binitiwan ang braso niyang kanina ko pa hawak sa kaliwang kamay at ginamit ko ang kaliwang kamay ko upang hagurin ang likod niya para subukan siyang pakalmahin. Ganoon din naman ang ginawa ni Luna na napansin din ang tila unti-unting pagsabog niya sa galit.

“Kaiden‚ ano? Hahayaan mo na lang bang siraan niya si Thea sa mismong harapan mo?” dismayadong tanong ni Prinsesa Athena.

“Tch! Mukhang huli na ako. Mukhang nabilog na niya ang ulo ninyong lahat. Mukhang napaniwala na niya kayong siya ako. Kaya mas mabuti pa siguro kung umalis na lang ako. Wala na rin naman pala akong babalikan dahil naagaw na niya ang lahat sa ‘kin‚ maging kayo na mga kaibigan ko‚” dismayadong sambit ng bruha na ikinakulo ng dugo ko.

Hindi ko alam pero mainit talaga ang dugo ko sa bruhang nagpakilalang si Prinsesa Kiana. Hindi naman ako likas na maldita o masama ang ugali. Pero pagdating sa kaniya‚ para akong biglang tinubuan ng sungay at parang gusto ko siyang suwagin. Kung magsalita kasi siya ay para bang may inagaw talaga sa kaniya si Thea. E kung iisipin ay wala namang inaagaw sa kaniya si Thea dahil kahit kailan naman ay hindi si Thea nagpakilala bilang Kiana. Saka hindi na rin naman mahalaga sa amin kung si Thea ang nawawalang prinsesa o hindi. Tanggap namin siya sa kung ano at sino siya. Mahal namin siya bilang siya‚ hindi dahil sa kamukha niya ang prinsesa.

Isang bagay pa! Kahit naman ang babaeng nasa loob ng Healing Room ang totoong prinsesa ay wala pa rin siyang karapatang siraan ang kaibigan namin dahil puro kasinungalingan lang naman ang lumalabas sa bibig niya. Saka wala siya sa lugar para pagsalitaan o pag-isipan ng masama si Thea dahil walang ibang ipinakita si Thea kundi kabaitan at sa maikling panahong nakasama ko siya ay masasabi kong tunay ang lahat ng ipinakita niya. Wala itong halong pagkukunwari. Saka isa pa‚ magandang ehemplo si Thea. Siya ang tipong dapat na tinitingala at tinutularan sa halip na siraan. Isipin mo nga‚ sinaktan siya’t pinahirapan ng Trio pero hindi niya pa rin nagawang magalit sa Trio. Sa kabila rin ng panganib na maaari niyang harapin sa pagkalaban sa Trio ay mas pinili niya pa ring iligtas ako mula sa kanila. At sa kabila ng kaguluhan kanina ay nagawa niya pa ring unahin ang kaligtasan ni Agua at ng nakararami bago ang sarili niya. Nakipagsapalaran siya at nakipaglaban para lamang matiyak ang aming kaligtasan.

“Mas mabuti pa ngang umalis ka na at nang—”

“You’re not going anywhere... because I believe you‚” seryosong saad ni Prinsipe Kaiden na pumutol sa sana’y sasabihin ni Prinsesa Kiana.

Awtomatikong bumagsak ang balikat ko sa panlulumo matapos kong marinig ang mga katagang binitiwan ni Prinsipe Kaiden. Gano’n-gano’n na lang ba ‘yon? Basta niya na lang bang itatapon ang pinagsamahan nila ni Thea na walang ibang ipinakita kundi kabutihan para lamang sa isang babaeng basta na lang sumulpot mula sa kung saan para sabihing siya ang prinsesa?

“Kaiden! Are you out of your mind? Mas pipiliin mo pa talagang paniwalaan ang babaeng ‘yan kaysa kay Gwyn? She’s the impostor for God’s sake!” dismayadong sigaw ni Prinsesa Athena na hindi rin makapaniwala sa mga katagang binitiwan ni Prinsipe Kaiden.

“I said enough! So please‚ shut the f*ck up!” galit nang bulyaw ni Prinsipe Kaiden kay Prinsesa Athena na lubha kong ikinagulat.

Sa buong buhay ko ay ngayon ko lang narinig na nagtaas ng boses si Prinsipe Kaiden. Kilala kasi siya sa pagiging cold lalo na’t hindi na siya nakihalubilo pa sa iba magmula nang mawala si Prinsesa Kiana.

Sa kabila ng pagkabigla ko sa ginawang pagsigaw ni Prinsipe Kaiden ay sumagi pa rin sa aking isipan si Thea at ang reaksyon niya sa mga sinabi ni Prinsipe Kaiden. Kaya naman ay agad kong binalingan ng tingin si Thea para sana tingnan ang reaksyon niya at para alamin kung ayos pa rin ba siya matapos ang mga narinig niya. Ngunit agad akong nataranta nang hindi ko na makita pa si Thea sa tabi ko.

“Thea?” mahinang sambit ko at sinubukan kong hanapin si Thea sa paligid ngunit hindi ko na nakita pa maging anino niya. Kaya naman ay ibinaling ko na lamang kay Luna ang tingin ko sa pag-asang napansin niya si Thea bago ito mawala na parang bula.

“Luna‚ nasaan si Thea? Napansin mo ba siyang umalis?” natataranta ngunit pabulong kong tanong kay Luna.

Bigla namang napaharap sa akin si Luna dahil sa tanong ko saka agad na nagsalubong ang kaniyang kilay nang mapansin na rin niya ang pagkawala ni Thea na kanina lamang ay napapagitnaan namin.

“Hindi ko alam. Nandito lang ‘yon kanina‚” hindi na rin mapakaling tugon ni Luna at sinubukan pa niyang luminga-linga sa paligid para hanapin si Thea ngunit katulad ko ay wala rin siyang natagpuang Thea na nakakalat sa paligid.

Kahit na nabigo kaming makita si Thea sa paligid ay nagpatuloy pa rin kami sa pagsuyod ng tingin ng aming paligid sa pagbabaka sakaling biglang sumulpot si Thea. Maging ang katabi kong si Yael ay tumulong na rin sa paghahanap.

Habang abala pa rin kami sa paghahanap kay Thea sa paligid ay bigla na lamang marahas na bumukas ang pintong nasa aming harapan at iniluwa nito ang galit na galit na si Prinsesa Athena. Ngunit agad ding lumambot ang ekspresyon ng kaniyang mukha nang tila makilala niya kami.

“Anong ginagawa ninyo rito? Kanina pa ba kayo nandito sa labas?” salubong ang kilay na tanong ni Prinsesa Athena sa malumanay na boses.

Dahil sa tanong ni Prinsesa Athena ay biglang nabaling sa amin ang atensyon nina Prinsipe Kaiden. Ngunit sa kabila ng apat na pares ng mga matang nakatutok sa amin ay tanging ang babaeng kamukha ni Thea ang nakaagaw ng aming atensyon. Napakaamo ng mukha nito at nakakahabag tingnan. Ngunit sa kabila nito ay wala akong maramdamang awa sa kaniya. Sa katunayan ay iba ang pakiramdam ko sa kaniya. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba ito o nadala lang ako ng galit ko pero ang aura niya‚ parang ang dilim at ang mga mata niya ay tila may kung anong lihim na pilit ikinukubli at para siyang manunuwag sa paraan ng pagtitig niya.

“Sagutin ninyo ang tanong ni Athena‚” puno ng awtoridad na wika ni Prinsipe Kaleb na nagpalingon sa amin sa kaniyang direksyon. “Anong ginagawa ninyo rito? Nakikinig ba kayo sa pinag-uusapan namin?” seryosong tanong niya sa amin.

Lihim ko na lamang na nakagat ang ibabang labi ko dahil sa tanong sa amin ni Prinsipe Kaleb na hindi ko alam kung paano sasagutin. Hindi ko naman kasi maaaring sabihin sa kaniya ang totoo dahil baka maging katapusan na namin. Biruin mo naman‚ nakinig kami sa usapan ng mga maharlika mula sa iba’t ibang kaharian.

“Nandito ba si Thea?” biglang tanong ni Yael na siyang tanging hindi nakalimot na nawawala nga pala si Thea.

“Teka. Sa pagkakatanda ko ay nagpaalam si Thea sa ‘kin na babalikan niya kayo. Kaya bakit ninyo siya hinahanap sa ‘min?” naguguluhang tanong ni Prinsesa Athena na hindi na naitago pa ang kaniyang pag-aalala para kay Thea.

Hindi ko na napigilan pa ang muling pagkalat ng takot sa sistema ko matapos kong marinig ang tugon ni Prinsesa Athena. Kung hindi nila kasama si Thea‚ e nasaan siya?

“Kasama namin siya kanina pero bigla na lang siyang nawala. Ang akala namin ay pumasok na siya ng Healing Room nang hindi namin namamalayan‚” may bahid na rin ng pag-aalalang saad ni Luna.

“Ha! Malamang ay nagtago na ang impostor na ‘yon. Natatakot siguro siyang mahuli‚” biglang pagsabat ng bruha na biglang nagpakulo ng dugo ko at muling bumuhay sa galit ko.

Sa kabila ng galit na muling nabuhay sa loob ko ay pinili ko pa ring magtimpi. Ngunit nang makita ko ang ekspresyon ng mukha ng bruha na tila masaya siya sa pagkawala ni Thea ay bigla na lamang akong sumabog sa galit.

“Huwag na huwag mong matawag-tawag na impostor ang kaibigan namin dahil ikaw ang tunay na impostor! Ang kapal ng peke mong mukha na gumawa ng kuwento para siraan ang kaibigan namin. E ikaw naman itong kaduda-duda ang biglang pagsulpot!” galit kong sigaw sa impostor ni Thea at dinuro-duro ko pa ito sa labis kong pagkayamot.

“Yael‚ Luna‚ halina kayo. Umalis na tayo rito at baka makapatay pa ako ng hunyango na mahilig magbalatkayo‚” yaya ko kina Yael at Luna at pipihit na sana ako paharap sa kanila ngunit bigla akong natigilan nang mapansin ko ang biglang pagbabago ng kulay ng mata ng impostor ni Thea. Bigla na lamang itong naging purong itim at para siyang handang pumatay anumang oras sa klase ng tinging ibinibigay niya sa ‘kin.

Sinubukan kong kumurap upang alamin kung totoo ba ang nakita ko at hindi ito basta imahinasyon lang ngunit naging normal na ulit ang kulay ng mata ng bruha sa isang kurap ko pa lang. Kaya kahit na nababahala ako sa nakita ko ay pinili ko na lamang na isantabi na muna ito at nagmamadali ko nang hinila sina Yael at Flor paalis.

Sana nga lang talaga ay mali ang nakita ko dahil kung sakaling totoo ito ay maaaring malagay sa panganib ang buhay ng lahat lalo na ang buhay ng mga maharlika ng tatlong kaharian.

✨✨✨

A/N: Ano na kayang mangyayari ngayong nagbalik na si Prinsesa Kiana? Pero sino nga ba ang totoong Kiana sa kanila? Si Thea na walang ibang ipinakita kundi kabutihan o ang babaeng nagpakilala bilang si Kiana na basta na lamang sumulpot upang siraan si Thea?

Just leave your comment below. I’m waiting🤗

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top