CHAPTER 50: IN HIS ARMS

ALTHEA’S POV

Kasalukuyan akong nasa isang tagong hardin sa likod ng isang palasyo‚ nakikipaghabulan sa kung sinong batang lalaki na hindi ko makita ang mukha. Ngunit sa kabila nito ay pilit ko pa ring inaninag ang mukha ng kalaro ko. Iyon nga lang ay masyado itong malabo at tanging boses niya lang ang malinaw sa ‘kin.

“Ang bagal mo naman! Daig mo pa ang pagong sa bagal mong tumakbo!” tumatawang pang-aasar sa akin ng kalaro ko habang patuloy pa rin siya sa pagtakbo at palingon-lingon sa direksyon ko.

“Kaysa naman sa ‘yo‚ daig mo pa ang tikbalang sa laki ng mga hakbang mo!” ganting pang-aasar ko sa kalaro ko habang patuloy ko pa rin siyang hinahabol.

Sa halip na gumanti ay tinawanan lamang ako ng kalaro ko. At habang patagal nang patagal ay palakas nang palakas ang tawa niya kasabay ng pagbagal ng takbo niya‚ dahilan para maabutan ko siya.

“Huli ka!” masayang sigaw ko nang maabutan ko ang kalaro at mahigpit ko pa siyang niyakap sa baywang mula sa kaniyang likuran para hindi na siya makatakas pa.

Dahil sa ginawa kong pagyakap sa kalaro ko ay hindi na nito nagawa pang kumilos sa kinatatayuan niya.

“Napagod ako ro’n ah‚” humihingal niyang sambit na naging dahilan para pagtawanan ko siya.

Sa gitna ng aking tawa ay pinakawalan ko ang kalaro ko‚ at nang magkaroon ng distansya sa aming pagitan ay maingat akong naupo sa damuhan na agad namang sinundan ng kalaro ko na pumuwesto sa harapan ko.

“Buti nga sa ‘yo! Ang daya mo kasi!” sikmat ko sa kalaro ko at mahina kong pinitik ang kanang tainga niya.

“Aray naman!” reklamo niya kasabay ng paghimas niya sa kanang tainga niya. “Anong madaya ro’n? Ang sabihin mo‚ sadyang makupad ka lang talaga. Nabibigatan ka kasi sa katawan mo‚” pahabol na pang-aasar niya sa ‘kin.

“Ah... Gano’n ah?” nakangisi kong tanong saka mabilis akong tumayo at lumapit sa kalaro ko saka walang tigil ko siyang kiniliti sa kili-kili‚ tagiliran at leeg niya‚ dahilan para umalingawngaw sa buong paligid ang malakas niyang tawa.

“Hahaha! Tama na—haha! Sige ka‚ isusumbong kita kina ina. Hahaha!” pananakot sa akin ng kalaro ko sa gitna ng walang humpay niyang pagtawa.

Sa halip na matakot ako sa pagbabanta ng kalaro ko ay mas lalo ko pa siyang kiniliti.

“Edi magsumbong ka. Samahan pa kita—” Hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ko nang may sumigaw mula sa aming likuran.

“Yana! Kai! Halina kayo rito! Maggagabi na!” sigaw ng isang babae sa malambing na boses.

Dahil sa sigaw na aming narinig ay mabilis kaming nag-unahang tumakbo ng kalaro ko patungo sa direksyon ng nagsalita na nakatayo sa tabi ng isang puno kasama ang isang lalaking sa tingin ko ay asawa nito. Ngunit katulad ng kalaro ko ay hindi ko rin magawang maaninag ang mukha mg mga ito.

“Ina! Ama!” masayang tawag namin ng kalaro ko sa tumawag sa amin at sa kasama nito habang patakbo kaming lumalapit sa kanilang direksyon.

Nang makalapit kami sa kinaroroonan ng mag-asawang tinawag naming ina at ama ay mabilis akong kinarga ng tinawag kong ina habang ang kalaro ko naman ang kinarga ng kasama nito.

Pagkakarga sa akin ng tinawag kong ina ay muli kong tinangkang aninagin ang mukha nito. Ngunit muli lamang akong nabigo dahil masyado talagang malabo ang mukha nito na tipong pati mata niya ay hindi ko makita.

“Ano na naman bang pinaggagagawa ninyong mga bata kayo? Ang dudungis na ninyo‚” dismayadong wika ng lalaking kumarga sa kalaro ko saka maingat nitong pinunasan ang pawisang noo ng kalaro ko gamit lamang ang kamay niya.

“Si Yana po kasi‚” tugon ng kalaro ko na nakaharap na sa direksyon ko.

“Oy. Anong ako? Ikaw kaya riyan‚” panunuro ko rin sa kalaro ko.

“O siya! Tama na ang turuan ninyo. Tayo na sa loob at nang makapagbihis na kayo. Ang babaho na ninyo‚” pag-awat sa amin ng lalaking may karga sa kalaro ko saka agad na nga silang pumasok na mag-asawa sa loob ng palasyo habang buhat-buhat pa rin nila kami ng kalaro ko.

Katulad ng mga mukha ng kasama ko ay sobrang labo rin sa paningin ko ng palasyong pinasukan namin.

“Mahal na reyna‚ mahal na hari‚ may panauhin po kayong pandangal na naghihintay sa inyo‚” nakayukong saad ng isang babaeng sumalubong sa amin sa pagpasok namin sa likurang bahagi ng palasyo.

Dahil sa balitang inihatid ng babaeng sumalubong sa amin ay maingat na ibinaba ng tinawag naming ama ang kalaro kong si Kai. Kinalabit ko naman sa balikat ang babaeng kumarga sa ‘kin para ibaba rin niya ako na agad naman nitong ginawa matapos kong magpa-cute at makiusap.

“Ikaw na munang bahala kay Kaizer‚ Mathilde. Pakipalitan mo na lang ang damit niya at huwag na huwag mo siyang hahayaang lumabas ng silid niya lalo na’t may ibang tao ang naririto ngayon sa palasyo. Hangga’t maaari ay walang ibang pwedeng makakita sa kaniya para na rin sa kaligtasan niya‚” malungkot ngunit maawtoridad na bilin ng tinawag kong ama sa babaeng tinawag niyang Mathilde na nakasuot ng damit para sa mga tagapagsilbi ng palasyo.

“Halika na‚ Yana‚ anak. Kailangan mo na ring magbihis‚” biglang yaya sa akin ng tinawag kong ina matapos magbilin ng kaniyang asawa sa tagapagsilbing si Mathilde.

Dahil sa pagyayaya sa akin ng tinawag kong ina ay malungkot kong hinarap si Kai at niyakap ko siya nang mahigpit.

“Laro ulit tayo mamaya ah. Tapos tabi tayong matulog‚” mahinang bulong ko sa tainga ni Kai habang yakap ko pa rin siya para walang ibang makarinig nito maliban sa aming dalawa.

Pinatagal ko pa nang ilang segundo ang yakapan namin ni Kai bago ako humiwalay sa kaniya saka malungkot ko siyang nginitian bilang tanda ng pamamaalam.

“Una na kami‚ anak. Magpakabait ka ah‚” paalam ng tinawag kong ama kay Kai at ginulo-gulo pa niya ang buhok ni Kai.

Matapos naming makapagpaalam kay Kai ay tuluyan na namin siyang iniwan sa pangangalaga ng tagapagsilbing si Mathilde habang hinarap naman namin ang aming mga panauhing pandangal na walang iba kundi ang hari’t reyna ng Sapience Kingdom kasama ang kanilang anak na basta na lamang akong hinila palabas ng palasyo para maglaro. Dinala niya ako sa harding nasa harapang bahagi ng palasyo kung saan ay masaya kaming naglaro. Ngunit saglit na nawala ang atensyon ko sa aming laro at pati na rin sa kalaro ko nang mahagip ng paningin ko si Kai na tahimik na nakatingin sa direksyon namin habang nakatago sa isang malaking puno malapit sa hardin na aming kinaroroonan.

Mapait na lamang akong napangiti dahil sa ayos ni Kai at hindi ko na nagawa pang bumalik sa paglalaro dahil hindi ko maatim na masayang makipaglaro sa ibang bata habang siya ay tahimik na nakamasid sa amin. Minabuti ko na lamang na yayain na papasok ng palasyo ang kalaro ko na agad naman nitong pinaunlakan.

Ilang segundo lang ay bigla na lamang nabago ang paligid ko. Namalayan ko na lamang na nasa hardin na naman ako sa likod ng palasyo at masayang nakikipagkuwentuhan kay Kai. Panay ang tanong niya sa akin ng mga kung ano-anong bagay na nakikita ko sa labas ng palasyo na hindi niya nakikita dahil palagi lamang siyang nakakulong sa kaniyang silid. Buong kasiyahan ko naman itong sinasagot at maging ang pagkuwento ko ng sarili kong mga karanasan ay hindi ko pinalampas para magawa niyang malaman kung paano ang buhay sa labas ng palasyo.

Nang tumagal pa ang kuwentuhan namin ni Kai ay maging ang lihim kong pagkagusto sa isang kaibigan ay nabanggit ko rin sa kaniya. Masaya naman siyang nakinig sa kuwento ko dahil aminado naman siyang boto siya sa kaibigan ko para sa ‘kin.

Sa paglipas ng mga oras ay tanging ang mga halakhak na lamang namin ang maririnig sa hardin. Ngunit biglang naputol ang masaya naming kuwentuhan nang makarinig kami ng ilang malalakas na pagsabog at sigawan mula sa harapang bahagi ng palasyo. Ngunit sa pag-aakalang parte lamang ito ng pagdiriwang na nagaganap sa pagitan ng royalties ng bawat kaharian para sa pagpapatibay ng kanilang pagkakaisa ay hindi na namin pinagtuunan pa ni Kai ng pansin ang naririnig naming sigawan at malalakas na pagsabog.

Umayos kami ng upo ni Kai para sana muling ituloy ang naudlot naming kuwentuhan. Ngunit hindi na namin nagawa pang muling mag-usap nang sunod-sunod na pagsabog na ang aming marinig. Kasunod nito’y napansin din namin ang makakapal na usok na nagkalat sa buong palasyo. Ngunit bago pa man namin maunawaan kung anong nangyayari ay naagaw na ang atensyon namin ng dalawang tagapagsilbi ng palasyo na nagmamadaling tumakbo patungo sa aming direksyon. Ang isa sa kanila ay nakilala ko bilang si Mathilde na nakatalagang mag-alaga at magbantay kay Kai habang ang isa naman ay hindi ko malaman kung sino dahil malabo ang mukha nito. Ngunit may pakiramdam akong kilala ko siya at malapit siya sa ‘kin.

“Kai‚ halika na. Kailangan nating umalis dito‚” may himig ng pagkatarantang yaya ng tagapagsilbing si Mathilde kay Kai at tinangka pa niyang itayo si Kai ngunit hindi nagpatinag si Kai. At sa halip na sundin nito ang sinabi niya ay malungkot na bumaling sa akin si Kai.

Ilang saglit lamang na naiwan sa akin ang tingin ni Kai. Agad din niyang ibinalik sa kaniyang tagapag-alagang si Mathilde ang kaniyang atensyon.

“Paano si Yana? Hindi ko siya maaaring iwan‚” mariing wika ni Kai na bakas sa boses ang mahigpit niyang pagtutol na umalis at sumama sa kaniyang tagapag-alaga sa kung saan man siya nito balak dalhin.

“Huwag ka nang masyadong mag-alala. Ako na ang bahala kay Yana. Ang mahalaga ngayon ay mailayo ka sa lugar na ito bago pa man may makakita sa ‘yo‚” pagsingit ng tagapagsilbing kasamang dumating ng tagapag-alaga ni Kai.

Muli sanang tututol si Kai sa gustong mangyari ng mga tagapagsilbi ng palasyo ngunit hindi na niya nagawa pang isaboses ang pagtutol niya nang nagmamadaling kumilos ang tagapag-alaga niya para itayo siya. Nang maitayo siya nito ay agad na rin sana siya nitong ilalayo sa palasyo ngunit nagpumiglas siya sa pagkakahawak nito. At nang tagumpay siyang makawala mula sa pagkakahawak sa kaniya ng tagapag-alaga niya ay mabilis niyang tinawid ang aming pagitan at mahigpit niya akong niyakap na para bang wala na siyang balak pang bitiwan ako. Agad ko naman itong tinugon ng mahigpit ding yakap at habang yakap namin ang isa’t isa ay namalayan ko na lamang na umiiyak na pala ako at ganoon din siya.

“Pangako‚ magkikita pa tayo‚” umiiyak na sambit ni Kai na hindi ko na nagawa pang tugunin dahil sapilitan na kaming pinaghiwalay ng mga tagapagsilbi ng palasyo na kanina pa kami gustong paghiwalayin.

“Yana‚ halika na. Kailangan na kitang maitakas dito. Ikaw ang pakay nila kaya kailangan kitang mailayo sa lugar na ito sa lalong madaling panahon‚” natatarantang yaya sa akin ng tapagsilbi ng palasyo na kasama ng tagapag-alaga ni Kai at bago pa man ako makasagot ay nagmamadali na ako nitong hinila papasok ng palasyo.

Nang makapasok kami ng palasyo ay agad akong dinala ng tagapagsilbi sa isang silid kung saan ay may isang nakatagong lagusan sa likod ng isang family painting na hindi ko maaninag kung sino-sino.

Agad kaming pumasok sa nasabing lagusan. Ilang segundo lamang ay natagpuan ko na lang ang sarili ko sa magubat na bahagi ng kaharian kung saan mula sa kinatatayuan namin ay tanaw namin ang kaguluhang nagaganap sa harap ng palasyo.

Malayo ang distansya ng aming kinaroroonan sa pinangyayarihan ng gulo ngunit dahil sa aming pambihirang kakayahan ay malinaw pa rin naming natatanaw ang nangyayaring gulo sa palasyo. Ngunit sa hindi ko malamang dahilan ay hindi ko pa rin magawang maaninag ang mukha ng kahit sino sa mga nagkakagulo dahil lahat ng nakikita ko ay tila walang mga mukha o sadyang pinalabo para hindi ko ito magawang makilala.

Habang nakatuon pa rin ang tingin ko sa nangyayari gulo sa harap ng palasyo ay hindi ko na napigilan pa ang unti-unting pagkabuhay ng pangamba sa puso ko nang makita kong walang ibang royalties ang nasa labas ng palasyo at nakikipaglaban maliban sa tinawag kong ama at ina. Hindi ko rin maaninag saanmang sulok ng palasyo ang royalties ng ibang kaharian na tila ba ay nagtatago sila o sadyang hindi lamang maabot ng aking paningin ang kanilang kinaroroonan.

Sa paglipas ng mga oras ay wala akong ibang ginawa kundi ang tahimik na tanawin ang kaguluhang nagaganap. Ngunit ang katahimikang bumabalot sa amin ng kasama kong tagapagsilbi ay biglang naputol nang malakas akong mapasigaw dahil sa nakita kong mga sumunod na eksena.

“Ama!” malakas kong sigaw habang nakatuon pa rin ang tingin ko sa kaguluhang nangyayari sa palasyo.

Mula sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ko kung paanong iniharang ng tinawag kong ama ang sarili niya sa kaniyang asawa para protektahan ito mula sa espadang tatama sana rito. At dahil sa ginawa niyang ito ay sa tiyan niya bumaon ang espada ng kaaway sa halip na sa babaeng tinawag kong ina.

Kasabay ng pagsigaw ko ay ang pag-uunahan sa pagtulo ng aking mga luha na tila may sariling isip na kusang bumuhos sa magkabila kong pisngi. Kasunod nito’y naramdaman ko na lamang ang matinding kagustuhan kong humagulhol ng iyak. Ngunit bago pa man muling kumawala sa bibig ko ang anumang ingay ay agad na akong napatakip ng bibig dahil alam ko sa sarili kong hindi iyon ang tamang panahon para humagulhol ako ng iyak at magpadala ako sa emosyon ko. Maaari kasing may makarinig o makapansin sa ‘kin kapag muli akong lumikha ng anumang ingay na siyang hindi pwedeng mangyari dahil masasayang at mauuwi lang sa wala ang pagsasakripisyo ng mga tinawag kong ina at ama kapag nakuha ako ng mga taong sumugod sa palasyo.

Hindi ko alam kung anong mayroon sa ‘kin at kung bakit gusto akong kunin ng mga sumugod sa palasyo. Ang tanging alam ko lang sa ngayon ay kailangang hindi nila ako makuha dahil mababalewala ang mga buhay na nawala sa nangyayaring kaguluhan sa oras na napasakamay ako ng mga nagsimula ng gulo.

“Halika na. Kailangan na nating magmadali. Anumang sandali ay maaari na nilang mapansin ang pagkawala mo‚” nagmamadaling yaya sa akin ng kasama kong tagapagsilbi at bago pa man ako makasagot o makalingon man lang sa direksyon niya ay hinigit na niya ang kanang kamay ko. Ngunit sa halip na magpatianod ako at sundin ko ang nais niya ay nanatili lamang akong nakatayo at patuloy kong pinanood ang nangyayari sa palasyo.

“Paano sina ama? Hindi natin sila pwedeng iwan‚” mariing wika ko habang hilam pa rin ng luha ang mga mata ko.

“Alam kong nag-aalala ka sa kanila. Ngunit mas mahalaga ang kaligtasan mo sa ngayon at kinakailangan na kitang maitakas sa lalong madaling panahon dahil mas maraming buhay ang mawawala at malalagay sa panganib kapag nanatili pa tayo rito at makuha ka ng mga kaaway‚” mahabang wika ng kasama kong tagapagsilbi na nagpalingon sa akin sa kaniyang direksyon nang may nagtatanong na ekspresyon.

“Ano bang mayroon sa ‘kin? Bakit gusto nila akong kunin?” pagsasaboses ko sa tanong na kanina pang bumabagabag sa ‘kin.

“Patawarin mo ako ngunit hindi ko pa ito maaaring sabihin sa ngayon dahil hindi mo rin naman maiintindihan. Pero pagdating ng takdang panahon ay malalaman mo rin ang lahat at mauuwaan mo rin kung bakit namin ito ginagawa‚” huling sinabi ng tagapagsilbing kasama ko bago ako nito hinila at dinala sa harap ng isa na namang lagusan.

✨✨✨

KAIDEN’S POV

Sa kalagitnaan ng aking pagtulog ay bigla na lamang akong nagising sa hindi ko matukoy na dahilan. At kahit pa ilang ulit kong tinangkang bumalik sa pagtulog ay hindi ko na nagawa pang makatulog. Kung kaya naman ay mas pinili ko na lamang na bumangon at bumaba ng unang palapag ng palasyo upang magtungong kusina para kumuha ng maiinom na tubig.

Sa paglalakad ko sa hagdan na maghahatid sa akin patungong unang palapag ng palasyo ay tanging mga mabibigat na yabag ko lamang ang aking naririnig. Maliban dito ay wala na akong ibang ingay na marinig sa paligid na hindi na nakakagulat pa dahil hatinggabi na kung kaya mahimbing nang natutulog ang lahat.

Nang tuluyan akong makababa ng hagdan ay bigla na lamang umalingawngaw ang isang napakalakas na sigaw mula sa silid ni Thea na siyang nakaagaw ng aking atensyon.

Dahil sa sigaw na aking narinig ay bigla na lamang nabuhay sa loob-loob ko ang hindi ko maipaliwanag na kaba at takot na siyang nagtulak sa aking puntahan ang silid ni Thea‚ dahilan para mabilis akong kumaripas ng takbo patungo sa aking kanan kung saan matatagpuan ang silid ni Thea.

Mabilis ko namang narating ang tapat ng pinto ng silid ni Thea na madali kong nabuksan dahil hindi ito naka-lock. Ngunit sa halip na ipagpasalamat ko ang pangyayaring ito dahil malaya akong nakapasok ng kaniyang silid ay mas lalo lamang sumidhi ang takot na aking nararamdaman nang maisip kong maaaring may nauna na sa aking pumasok ng kaniyang silid na siyang dahilan kung bakit naiwan itong hindi naka-lock. At dala ng takot kong ito ay agad na hinanap ng mga mata ko si Thea na agad ko namang natagpuan sa ibabaw ng kaniyang kama.

Nakita ko si Thea na mahimbing na natutulog sa kaniyang kama kung kaya agad akong nakahinga nang maluwag at unti-unting nabura ang takot sa puso ko. Ngunit ang kaginhawaang aking nararamdaman ay agad na napalitan ng pagkataranta at pag-aalala nang biglang sumigaw si Thea sa kalagitnaan ng kaniyang pagtulog.

“Ama!” muling sigaw ni Thea kasabay ng kaniyang pagluha habang tulog.

Nang makita ko kung paanong tumulo mula sa mga mata ni Thea ang ilang butil ng luha ay tila may kung anong matulis na bagay ang tumusok sa dibdib ko. Naramdaman ko na lamang ang biglang pagkirot ng aking dibdib at ang paninikip nito. Ngunit bago pa man ako lamunin ng aking emosyon ay agad na akong lumapit kay Thea para damayan at aluin siya.

Nang makalapit ako sa kinaroroonan ni Thea ay maingat akong umupo sa kama sa pinakagilid nito saka marahan kong tinapik-tapik ang pisngi niya para magising siya mula sa kaniyang bangungot. Ngunit wala itong naging epekto. Kung kaya naman ay bahagya akong yumuko para paglapitin ang aming mga mukha at sinamahan ko na ng pagbulong sa kaniyang tainga ang pagtapik ko sa kaniyang kaliwang pisngi.

“Thea... Thea‚ wake up‚” mahinang bulong ko sa kaniyang kanang tainga habang panay pa rin ang tapik ko sa kaniyang pisngi.

Makailang ulit pa akong bumulong sa tainga ni Thea ngunit wala pa rin itong naging epekto hanggang sa magpabaling-baling na ang kaniyang ulo sa magkabilang direksyon kasabay ng pagragasa ng kaniyang mga luha at pamumuo ng pawis sa kaniyang noo.

“Thea... Thea‚ gising... Thea...” muling panggigising ko kay Thea at hindi ako tumigil na paulit-ulit itong sabihin at paulit-ulit siyang tapikin sa pisngi hanggang sa unti-unti na siyang kumilos.

Noong una ay tila nahihirapan pang magmulat si Thea at panay lamang ang galaw niya habang nakapikit pa rin siya. Ngunit makalipas lamang ang ilang segundo ay unti-unti na niyang iminulat ang mga mata niyang punong-puno ng luha.

Sa pagmulat ni Thea ay agad na nagtagpo ang aming tingin.

“Kaiden...” mahinang sambit ni Thea saka bigla na lamang niya akong niyakap nang sobrang higpit at saka siya humagulhol ng iyak.

“Shhh... Tahan na. Magiging maayos din ang lahat‚” mahinang wika ko sa nang-aalong boses habang marahan kong hinahagod ang likod ni Thea para kahit papaano ay mabawasan ang bigat ng dinadala niya at umayos ang paghinga niya.

“Natatakot ako... Natatakot ako sa maaaring mangyari at sa maaari kong matuklasan‚” humihikbing wika ni Thea na mas lalong nagpasikip ng dibdib kong kanina pa naninikip at kumikirot.

“Shh... Wala kang dapat ikatakot. Nandito lang ako sa tabi mo. Hinding-hindi kita iiwan‚” muling pang-aalo ko kay Thea at sa pagkakataong ito ay hinahagod-hagod ko na rin maging ang mahaba niyang buhok para tulungan siyang kumalma at para iparamdam sa kaniyang narito lang ako anumang oras niya ako kailanganin.

“Huwag mo ‘kong iwan. Dito ka lang sa tabi ko‚” nakikiusap na sambit ni Thea bago niya isiniksik ang mukha niya sa leeg ko.

“Don’t worry‚ dito lang ako. Hindi ka mag-iisa sa pagharap ng lahat ng ito. Hinding-hindi kita iiwan. Pangako‚” maagap kong tugon.

Hinintay kong muling sumagot o magsalita si Thea matapos kong mangako sa kaniya na hindi ko siya iiwan anuman ang mangyari ngunit wala na akong narinig pa mula sa kaniya. Ni hindi ko na rin narinig maging ang pag-iyak niya makalipas ang ilang minuto. Tanging banayad na paghinga na lamang niya ang naririnig ko.

‘Mukhang nakatulog na siya kaiiyak‚’ isip-isip ko. At para makumpirma kung tama ang iniisip ko ay maingat kong sinilip si Thea.

Agad ko namang nakumpirmang tama nga ako. Tulog na nga siya at ngayon ay nakahilig na siya sa kaliwang balikat ko habang basa pa rin ang magkabila niyang pisngi dahil sa kaniyang pag-iyak. Ngunit kahit pa nakita kong tulog na si Thea ay siniguro ko pa ring tulog na nga siya. Ilang ulit ko siyang tinawag at kinausap ngunit hindi na siya nagsalita pa o nagdilat kung kaya naman ay tipid na lamang akong napangiti dahil mukhang mahimbing na ang pagtulog niya at hindi na siya binabangungot.

Dahil nga nakumpirma kong tulog na nga talaga si Thea ay maingat ko siyang inihiga sa kama para maging maayos ang pagtulog niya. Nang maihiga ko siya ay agad ko siyang kinumutan upang hindi siya lamigin. Pinunasan ko rin ang pisngi niya gamit lamang ang mga daliri ko sa kamay para hindi siya matuyuan ng luha. Pagkatapos ay maingat kong binuhat ang upuang nasa tapat ng dressing table at inilipat ko ito sa gilid ng kama saka ako naupo rito upang tahimik na bantayan si Thea sa kaniyang pagtulog.

Alam kong mahimbing na ang pagtulog ni Thea sa mga oras na ito. Ngunit nais ko pa ring manatili sa tabi niya upang bantayan siya buong magdamag. Nag-aalala pa rin kasi ako na baka muli na naman siyang managinip ng masama. Saka hindi rin naman ako mapapanatag kung iiwan ko siyang mag-isa sa kaniyang silid. Kaya mas maigi nang samahan ko na lamang siya sa kaniyang silid kaysa buong magdamag akong maging balisa sa aking silid dahil sa pag-aalala sa kaniya.

Dahil nga gusto kong bantayan si Thea ay hindi ko inalis ang tingin ko sa kaniya. At habang nakatutok sa kaniya ang buo kong atensyon ay namalayan ko na lamang na puno ng pag-iingat ko na palang inaayos ang buhok ni Thea na tumatabing sa kaniyang mukha gamit ang kanang kamay ko habang hawak ko naman ang kanang kamay niya sa kabila kong kamay.

“Nandito lang ako sa tabi mo. Hinding-hindi ako mawawala. Kasama mo ako sa laban mo at sa pagtuklas mo ng iyong tunay na pagkatao‚” sambit ko sa malumanay na boses bago ako umayos ng upo upang muling bumalik sa pagbabantay ko kay Thea.

Matapos kong umayos ng upo ay hindi na ako muli pang nagsalita. Tahimik ko na lamang na binantayan si Thea buong magdamag hanggang sa dalawin na rin ako ng antok nang hindi ko namamalayan.

✨✨✨

A/N: Sorry po kung medyo natagalan ang update ko. Naging busy lang kasi sa paperworks especially now that the finals is approaching.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top