CHAPTER 47: THE GIRL ON THE PAINTING
THIRD PERSON’S POV
Maagang nagsimula ang araw ni Thea kahit pa araw ngayon ng Sabado. Maaga pa lamang kasi ay hinatid na siya ng kutsero sakay ng karwahe patungo sa Fray Kingdom para sa pagsasanay nila ni Kaleb.
Malayo-layo rin ang kanilang lalakbayin dahil sa layo ng distansya ng dalawang kaharian. Ngunit ni katiting na pagkabagot ay walang naramdaman si Thea. Habang nasa kalagitnaan kasi sila ng paglalakbay patungong Fray Kingdom ay panay lamang ang pagtanaw niya sa mga naggagandahang tanawing kanilang nadadaanan. Marami rin siyang natanaw na mga nagkalat na fairy na masayang nagliliparan at tila mga naglalaro. Malinaw niya ring naririnig ang huni ng mga ibon na nagsisilbing musika sa kaniyang pandinig at napakasariwa ng hanging kaniyang nalalanghap na siyang nakapagpadagdag ng kaginhawaang kaniyang nararamdaman.
Sa paglipas ng mga oras ay naramdaman na lamang ni Thea ang tila pamimigat ng talukap ng mga mata niya dahil sa sariwang hangin at huni ng mga ibon na tila hinihele siya. At bago pa man niya malabanan ang antok na dumapo sa kaniya ay kusa nang nagsara ang talukap ng mga mata niya at kasunod nito’y tuluyan na siyang nilamon ng dilim.
Naging mahimbing ang tulog ni Thea sa mga sumunod na oras kung kaya hindi na niya napansin pa ang isang lalaking kanina pang nakamasid sa kanilang paglalakbay. Nakasuot ito ng isang itim na cloak na nagkukubli sa mukha nito. Ngunit nakalabas pa rin ang bibig nito kung kaya malinaw na makikita ang maladem*nyong ngising gumuhit sa labi nito.
‘Malapit na ang takdang panahon. Mapapasaakin na rin ang kapangyarihan mo sa ayaw o sa gusto mo‚’ isip-isip ng lalaking kanina pang nakamasid kay Thea bago ito maglaho na parang bula.
Ilang minuto pa ang kanilang nilakbay bago nila marating ang kaharian ng Fray Kingdom kung saan ay agad na sinalubong ng nakangiting si Ali ang kanilang pagdating.
Dali-daling nilapitan ni Ali ang karwaheng sinakyan ni Thea para sana alalayan si Thea sa pagbaba ng karwahe at para igiya ito papasok ng palasyo. Ngunit nang maabutan niyang mahimbing na natutulog ang sadya niya ay natawa na lamang siya nang mahina.
Pinili ni Ali na huwag na munang gisingin si Thea para malaya niyang mapagmasdan ang maamo nitong mukha. At para magawa niya ito ay maingat siyang sumakay ng karwahe at tumabi siya ng upo kay Thea.
Pinalipas pa muna ni Ali ang ilang minuto bago siya yumuko upang bumulong sa kaliwang tainga ni Thea.
“Thea‚ gising na‚” masuyong bulong ni Ali sa mismong tainga ni Thea saka siya bahagyang lumayo kay Thea para magawa niya muling mapagmasdan ang maamo nitong mukha.
Humihikab na nagmulat ng mata si Thea matapos niyang marinig ang pagbulong ni Ali sa mismong tainga niya. At nang tuluyan na siyang magdilat ay kasabay nitong nagising ang diwa niya nang sa pagmulat niya ay mukha ni Ali ang bumungad sa kaniya na ilang pulgada lamang ang layo sa mukha niya.
Ilang segundo rin ang dumaan bago si Thea nakabawi mula sa pagkabigla niya at bago siya napabalikwas ng bangon‚ na naging dahilan upang aksidenteng silang magkauntugan ni Ali.
“Ouch/Aray‚” sabay na daing nila matapos silang magkauntugan saka nagkani-kaniya sila ng himas sa mga noo nila.
“Sorry/Paumanhin‚” sabay na naman nilang sambit saka sabay rin silang napatingin sa isa’t isa matapos nilang magkasabay magsalita.
Ilang segundo ring nagkatinginan sina Ali at Thea bago sila humagalpak ng tawa habang himas pa rin nila ang mga noo nila.
“Ginagaya mo ba ako?” tumatawa pa ring tanong ni Thea.
“Hindi ah. Ikaw nga riyan ang nanggagaya‚” mariing tanggi ni Ali.
“Ikaw kaya‚” panunuro ni Thea kay Ali na ginawa rin ni Ali kaya ang nangyari ay panay lamang ang turuan nila sa lumipas na mga oras. Natigil lamang sila sa pagtuturuan nang may lumapit sa kanilang isang tagapagsilbi ng palasyo na inutusan ni Kaleb.
“Paumanhin sa aking paggambala ngunit pinapatawag na po kayo ng mahal na prinsipe‚” nakayukong pahayag ng tagapagsilbi matapos nitong makuha ang atensyon nina Thea at Ali.
Hindi naman na nagdalawang-sabi pa ang tagapagsilbi ng palasyo. Nauna nang bumaba ng karwahe si Ali at nang makababa siya ay puno ng pag-iingat na inalalayan niyang bumaba ng karwahe si Thea. At hindi pa siya roon nakuntento. Iginiya pa niya papasok ng palasyo si Thea.
“Paano ba ‘yan? Sa labas na muna ako. May kailangan pa kasi akong asikasuhin‚” paalam ni Ali nang maihatid na niya sa loob ng palasyo si Thea.
“Sige. Ingat ka‚” nakangiting tugon ni Thea na awtomatikong nagpangiti kay Ali.
“Ikaw rin‚” nakangiti ring wika ni Ali at tatalikuran na sana niya si Thea ngunit bigla siyang may naalala kaya muli niyang ibinaling kay Thea ang kaniyang atensyon. “Siya nga pala‚ kung may kailangan ka‚ tawagin mo lang ako‚” pahabol ni Ali.
Tipid na lamang na ngumiti si Thea kay Ali bilang tugon sa sinabi nito.
“Sige. Alis na ako‚” muling paalam ni Ali saka tuluyan na nga siyang lumabas ng palasyo at iniwan si Thea sa bukana ng palasyo.
Hinatid na lamang ni Thea ng tingin si Ali hanggang sa mawala na ito sa kaniyang paningin.
“Thea!” sigaw ng isang boses na nakaagaw ng atensyon ni Thea.
Awtomatikong napalingon si Thea sa gawing kanan niya upang tingnan kung sino ang tumawag sa kaniya.
“Kaleb!” masayang tawag ni Thea kay Kaleb nang ito ang matanaw niya sa paglingon niya sa pinagmulan ng boses na kaniyang narinig.
Kasalukuyang naglalakad si Kaleb palapit sa kinaroroonan ni Thea habang may nakapintang ngiti sa kaniyang mga labi.
“Sumama ka sa ‘kin. Ihahatid na muna kita sa magiging silid mo para makapagpahinga ka. Alam kong napagod ka sa paglalakbay ninyo‚” wika ni Kaleb nang tumigil siya sa harapan ni Thea.
Hindi naman na nagtanong pa o nagkomento si Thea. Tahimik na lamang siyang sumunod kay Kaleb nang magsimula na itong maglakad patungo sa silid na tinutukoy nito.
Sa paglalakad nina Thea at Kaleb sa pasilyo ng palasyo ay may natanaw silang isang napakagandang babaeng nakasuot ng isang magarang kasuotan na bumagay sa suot nitong korona. May kausap itong isang tagapagsilbi ng palasyo habang may matamis na ngiting nakapinta sa kaniyang mga labi.
“Ina!” masayang tawag ni Kaleb sa babaeng nakasuot ng korona na ikinabilog ng mga mata ni Thea.
Hindi rin naman masisisi ni Kaleb si Thea sa naging reaksyon nito. Napakabata kasing tingnan ng kaniyang ina at hindi niya pa ito kamukha. Tanging mata lang kasi nito ang namana niya.
Mas lalo pang sumidhi ang gulat na mababakas sa mukha ni Thea nang makalapit sila sa ina ni Kaleb at mapagmasdan niya itong maigi sa malapitan. Ngunit agad din siyang napatuwid ng tayo at pilit na napangiti nang magsalubong ang tingin nila ng reyna na kanina pa niyang lihim na hinahangaan dahil sa angkin nitong ganda.
Dahil nga hindi maialis ni Thea ang tingin niya sa reyna ay malinaw niyang nakita kung paano siya nito pinasadahan ng tingin na para bang sinusuri siya nito bago nito binalingan ng tingin si Kaleb.
“Kaleb‚ anak‚ siya na ba si Kia—”
“Ah... Ina‚ si Thea nga pala‚” pagpapakilala ni Kaleb kay Thea sa kaniyang ina na pumutol sa sana’y tanong ng ina niya. At para tiyaking hindi na muli pa nitong itatanong ang tanong nito na sinadya niyang putulin ay kinausap pa niya ito gamit lamang ang kaniyang isip.
Hindi naman nakaligtas kay Thea ang tila pag-uusap nina Kaleb at ng reyna gamit lamang ang kanilang mga mata. Bukod kasi sa panay lamang ang titigan nila ay bakas din ang pagkalito sa mukha ng reyna at para ding itong may gustong itanong na hindi lamang nito magawang isaboses dahil pinipigilan ito ni Kaleb.
“Naiintidihan ko‚” mahinang sambit ng reyna matapos ang mahabang pagtititigan nila ni Kaleb.
“Ina‚ maiwan na po namin kayo. Kailangan ko pa kasing samahan si Thea sa magiging silid niya‚” paalam ni Kaleb sa kaniyang ina nang sa wakas ay magkaunawaan na sila ng kaniyang ina.
“Teka‚” pigil ng reyna kay Kaleb bago pa man ito makahakbang palayo.
Dahil sa pagpigil ng reyna sa tangkang pag-alis ni Kaleb kasama si Thea ay binigyan siya ni Kaleb ng nagtatanong na tingin.
“Naipaayos mo na ba ang silid nila ni Athena?” tanong ng reyna na ikinakunot ng noo ni Thea.
“Po?” naguguluhang tanong ni Thea. Wala naman kasi siyang alam na may sarili pala silang silid ni Jane sa palasyo lalo na’t ngayon pa lang naman siya nakadalaw roon.
“Ahm...” Pilit na nangapa si Kaleb ng pupuwede niyang isagot kay Thea bago pa siya maunahan ng ina niyang magsalita. “Ang ibig sabihin ni ina ay kung naayos na ba ang silid nina Athena at Kiana... na magiging kwarto mo na rin‚” nangangapang pagliwanag ni Kaleb.
Napatango-tango na lamang si Thea sa sinabi ni Kaleb kahit na ramdam niyang may mali at may hindi ito sinasabi.
“Oh. Okay‚” kunwaring kumbinsidong tanong ni Thea para lamang mapaniwala si Kaleb na kinagat niya ang paliwanag nito.
Hindi naman na nagkaroon pa ng pagkakataon ang reyna na muling magsalita dahil muli nang nagpaalam si Kaleb at mabilis nang iginiya ni Kaleb si Thea patungo sa tapat ng isang magarang pinto na may nakadisenyong ‘A & K’.
“Ito ba ang magiging kuwarto ko?” tanong ni Thea matapos niyang mapagmasdan ang pintong nasa kaniyang harapan.
Tipid lamang na tumango si Kaleb bilang tugon saka marahan niyang itinulak papasok ng silid ang nakasaradong pinto.
“Mabuti pa ay pumasok ka na sa loob at nang makapagpahinga ka. May ilan ka ng damit sa loob kaya malaya kang magpalit ng damit. At kung may iba ka pang kailangan‚ magsabi ka na lang sa mga tagapagsilbi ng palasyo‚” mahabang wika ni Kaleb bago siya nagpaalam at bago niya iwan si Thea sa labas ng magiging silid nito.
Nang makaalis si Kaleb ay agad nang pumasok si Thea sa silid na tutulugan niya sa pananatili niya sa palasyo. At sa kaniyang pagpasok ay napasinghap na lamang siya sa bumungad sa kaniya.
“Woah!” puno ng pagkamanghang sambit ni Thea nang tuluyan na siyang makapasok ng silid.
Masayang nilibot ni Thea ang silid. Una niyang nilapitan ang drawer na nasa gawing kanang ng pinto. Maliit lang ito at puro painting o drawing materials ang nakapaloob dito. Sa itaas naman nito ay may naka-display na mga drawing book at painting na sa unang tingin pa lang ay malalaman mo nang likha ng isang bata. Hindi kasi malinis ang pagkaka-paint at pagkakaguhit. Sa kabilang dako naman ay mayroon ding isa pang maliit na drawer na naglalaman naman ng fantasy books. At katulad sa unang drawer ay may mga nakapatong din sa taas nito: ilang fantasy books na maayos na naka-organize. At sa pagitan ng dalawang maliit na drawer ay naroon ang sa tingin ni Thea ay lugar kung saan magkasamang gumuguhit ang mga may-ari ng silid. May maliit kasing parisukat na mesa roon na napalilibutan ng apat na malilit‚ malalambot at pabilog na unan.
Sunod namang nilapitan ni Thea ang hindi katangkarang cabinet na nasa tabi ng kama malapit sa malaking bintana kung saan tanaw mo ang napakagandang hardin ng palasyo.
Maingat na binuksan ni Thea ang double door na cabinet. At nang ito’y kaniyang mabuksan ay hindi na siya nagulat pa nang makita niyang nahahati ito sa dalawa dahil dalawang tao ang nagmamay-ari ng silid. Ngunit ang hindi niya inaasahan ay ang makitang hindi nagtutugma ang mga damit na naroon. Ang nasa kaliwang bahagi kasi ng cabinet ay puro pambata ang naroon habang ang nasa kanang bahagi naman ay mga damit na tamang-tamang para sa kaniya. Ngunit ipinagkibit-balikat na lamang niya ito nang maalala niya ang sinabi ni Kaleb na may ilan na siyang gamit sa loob. Maaari kasing inalis nito ang lahat ng damit na nasa kanang bahagi ng cabinet para ilagay ang mga damit niya na sa hinuha niya ay kabibili lang dahil bagong-bago pa ang mga itsura nito.
Nang magsawa na si Thea sa pagsuri ng mga damit na nasa cabinet ay lumipat naman siya sa kabilang panig ng kama kung saan naroon ang isang hindi kalakihang dressing table. Sa harap nito ay mayroong isang maliit na upuang walang sandalan. Ang dressing table na ito ay hindi nakadikit sa pader ang bawat dulo. Sa pagitan kasi nito at ng pader ay mayroong isang malaking rose na nakakurba ang tangkay at naglalabas ng liwanag mula sa mismong bulaklak.
Nang makalapit si Thea sa dressing table ay isa-isa niyang tiningnan ang mga gamit na nakapatong sa mesa at nakapaloob sa drawers. At habang isa-isa niyang tinitingnan ang mga ito ay hindi na niya napigilan pa ang pagsikdo ng kaniyang puso sa tuwa dahil sa kaalamang pareho sila ng mga gusto at hilig ng mga nagmamay-ari ng silid. Puno kasi ng mga pampaganda ang drawers at maging ang dressing table mismo ay may mga nakapatong na headband‚ hairpin‚ flower crown at kung ano-ano pang mga gamit pangkikay na siyang libangan nila noon ni Jane kapag nagkukulong sila sa kanilang silid. Bukod dito ay gawa rin sa paborito niyang pink rose ang chandelier na halos kapareho ng nagsisilbing lampshade sa dressing table. Ang kaibahan lang ay tatlong rosas ang ginawang chandelier at mas malaki rin ito kumpara sa bulaklak na nasa tabi ng dressing table.
Matapos malibot ni Thea ang buong silid ay napagtanto niyang napakaliit nito at lahat ng kagamitan ay tila para sa mga bata na nauunawaan naman niya dahil kababalik lang ni Jane sa Fantasia at wala na ang kaibigan nitong si Kiana kaya maaaring hindi na nito nadalaw pa ang silid o maaaring hindi na nito naisipan pang baguhin ang ayos nito bilang paggalang sa alaala ng kaniyang matalik na kaibigan.
Muli pang sinuyod ni Thea ng tingin ang kabuuan ng silid bago niya napagpasyahang lumapit sa malaking kamang kulay pink ang bedsheet‚ unan at kumot. Ngunit bago pa man siya makalapit sa kama ay muli na naman niyang nakalimutan ang plano niyang pag-idlip dahil sa painting na nakadikit sa pader sa may ulunan ng higaan na nakaagaw ng kaniyang atensyon. May dalawa kasing batang babae sa painting na parehong nakangiti habang yakap ang isa’t isa. Pareho rin silang nakasuot ng isang maliit na tiara at isang magarang kulay-rosas na kasuotang pamprinsesa.
Unang sinuri ni Thea ang batang babaeng nasa kaliwang bahagi ng painting. Kulay light ash blonde ang buhok nito habang kayumanggi naman ang mga mata nito. The child on the painting was a child version of Jane. Iyon nga lang ay ibang-iba ang kulay ng buhok at mata nito sa kung ano ang kulay ng mata at buhok ngayon ni Jane.
Matapos makilala ni Thea ang unang bata sa painting na walang iba kundi si Jane ay sunod naman niyang sinuri ang batang katabi nito.
Nang sandaling malipat ang tingin ni Thea sa batang katabi ni Jane sa painting ay bigla na lamang namilog ang mga mata niya kasabay ng biglang pagbilis ng tibok ng puso niya. Kamukhang-kamukha kasi niya ang batang nasa larawan na muntik pa niyang akalaing siya. Mabuti na lamang at agad niyang napansing iba ang kulay ng mata at buhok nito. Kulay asul kasi ang mga mata nito habang ang buhok naman nito ay kulay light golden blonde. Ngunit agad din siyang kinabahan at mas lalo pang bumilis ang tibok ng puso niya nang maalala niyang iyon ang kulay ng buhok at mata niya noong bagong dating siya sa Fantasia. Ngunit sa kabila ng reyalisasyon niyang ito ay pinili pa rin niyang hindi na ito pansinin. Inisip na lamang niya na baka nagkataon lang ang lahat at talagang magkamukha lang sila ng batang nasa painting na maaaring siyang dahilan kung bakit maraming nagsasabing kamukha niya ang prinsesa ng Ardor Kingdom. Naisip din niyang ituon na lamang ang buo niyang atensyon sa pagsasanay sa halip na isipin pa niya ang tungkol kay Kiana kaya naman ay tumuloy na siya sa paglapit niya sa kama at ibinagsak niya ang sarili niya rito para ipahinga ang isip at katawan niya bago ang pagsasanay nila ni Kaleb na magaganap ilang oras mula ngayon.
✨✨✨
A/N: Please leave a comment po or kahit vote man lang. Hindi naman po ako nag-i-aim na makarami ng votes. All I want is an assurance na may nagbabasa at nakaka-appreciate nitong story ko at malalaman ko lang ‘yon kapag nag-vote or nag-comment kayo.
Kung may gusto naman po kayong idagdag na idea sa story na ito‚ sabihin lang po ninyo. Malay po ninyo‚ magustuhan ko at isingit ko po siya🤗
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top