CHAPTER 46: HIS PROMISE
KAIDEN’S POV
Nang bigla akong iwan ni Thea sa labas ng akademya ay agad akong nag-teleport patungong palasyo para sundan siya. Hindi naman ako nagkamali ng pinuntahan dahil pagkarating ko ng palasyo ay agad ko siyang nakita kung kaya muli ko siyang sinundan at paulit-ulit ko siyang tinawag hanggang sa marating namin ang kinaroroonan ng kaniyang silid.
“Thea‚ let’s talk!” sigaw ko kay Thea ngunit katulad kanina ay hindi pa rin siya tumigil at mas lalo pa niyang binilisan ang paglalakad‚ dahilan para agad niyang marating ang tapat ng silid niya. At bago ko pa man siya maabutan ay nakapasok na siya ng silid na kanina lamang ay nakasarado pa ang pinto.
“Kausapin mo yelo mo!” inis niyang sigaw saka padabog niyang isinara ang pinto ng silid niya kaya hindi ko na siya nagawa pang maabutan.
Sa halip na sumuko ako at hayaan na lang si Thea na mapag-isa sa silid niya ay malakas akong kumatok sa pinto ng silid niya para muli siyang kulitin.
“Thea‚ come on! Talk to me!” pasigaw kong pakiusap kay Thea para tiyaking maririnig niya ito kahit pa may pinto sa aming pagitan.
“Kausapin mo sarili mo! Mag-monologue ka riyan kung gusto mo! Huwag mo na akong idamay!” inis pa ring sigaw ni Thea.
Ilang beses ko pang kinatok at kinalampag ang pinto ng silid ni Thea pero ayaw niya pa rin itong buksan. At kahit naisin ko mang sirain ang pintong nasa harapan ko para makapasok sa kaniyang silid ay hindi ko magawa dahil nababalutan ito ng mahika. Lahat kasi ng pinto sa palasyo ay nababalutan ng mahika kaya matibay ito at hindi basta-bastang mabubuksan ng kung sino kapag naka-lock at mas lalong hindi basta-basta masisira.
“Thea—”
“Kaiden‚” puno ng awtoridad na pagtawag sa akin ng kung sino na pumutol sa tangka kong muling pagsigaw.
Awtomatiko akong napapihit paharap sa nagsalita na walang iba kundi si ama na kasalukuyang nakatingin sa akin nang seryoso.
“Ama‚” ang tanging nasambit ko nang magtagpo ang aming tingin.
“Mag-usap tayo‚” seryosong wika ni ama at bago pa man ako makasagot ay agad na niya akong tinalikuran at nagsimula na siyang maglakad palayo.
Nilingon ko pa muna ang silid ni Thea bago ako sumunod kay ama sa silid-aklatan na siyang palagi naming pinupuntahan tuwing may importante kaming pag-uusapan na hindi maaaring marinig ng iba.
Nang marating namin ang silid-aklatan ay agad kaming dumiretso sa mini-sala na nasa tapat lamang ng pinto at pinili naming okupahin ang dalawa sa couch na naroon sa halip na magtabi kami sa iisang couch.
Kung titingnan mo ang kabuuan ng library mula sa pinto ay agad ka nang mamangha. Bukod kasi sa napakalawak ng silid ay napakarami ring libro ang matatagpuan dito. Ang pader kasi na nasa kanan ay sinakop na ng bookshelf na punong-puno ng mga libro at maging ang dingding na nasa tapat ng pinto ay ganoon din. Tanging ang dingding lang na nasa kaliwa at nasa tabi ng pinto ang walang bookshelf. Sa tapat naman ng pinto ay mayroong mini-sala na may parisukat na mesa na napapalibutan ng apat na couch na pare-parehong three-seater. Sa ibabaw naman ng mesa ay mayroong halaman na nakalagay sa isang magarang vase. Ang mini-sala ay hindi nakadikit sa bookshelf na nasa gilid at likod nito kaya malayang makakakilos ang sinumang magtutungo roon.
Ang bookshelf na nasa gilid ng mini-sala ay nagsisilbing panghati o panghiwalay ng mini-sala at ng conference area. Ang conference area ay mayroong mahabang parihabang mesa na napapalibutan ng mga upuan at napapalibutan ito ng matataas na bookshelf para bigyan ng privacy ang sinumang magpupulong o mag-uusap sa conference area. Mayroon lamang iniwang ispasiyo sa pagitan ng dalawang bookshelf para magsilbing daan papasok at palabas ng conference area. At sa loob ng conference area ay matatagpuan ang lihim na lagusan patungo sa silid na tanging kami nina ina at ama lang ang nakakaalam. Sa tabi ng conference area ay naroon ang mesa ni ama na kahit papaano ay naihiwalay sa conference area dahil sa bookshelf na nasa pagitan ng mga ito. Ang mesa ni ama ay may drawer kung saan nakatago ang ilan niyang mga gamit at nasa likod ng mesa ang kaniyang upuan habang may dalawa ring magkaharap na upuan sa harapan ng mesa.
“Anong nangyari? Bakit kung mag-usap kayo ni Thea ay daig pa ninyo ang may pitong bundok na pagitan?” seryosong tanong ni ama na nakaagaw ng pansin ko at nagpalingon sa akin sa direksyon niya.
Sa paglingon ko sa direksyon ni ama ay agad na sumalubong sa akin ang nanunuring niyang mga mata na para bang nililitis at hinahatulan na niya ako bago pa man ako makasagot.
“We just had a misunderstanding‚” agad kong sagot at awtomatiko akong napaiwas ng tingin upang iwasan ang nanunuring tingin ni ama.
Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni ama bago siya muling nagtanong.
“Ano na naman bang ginawa mo?” dismayadong tanong ni ama.
Saglit akong nawalan ng imik dahil sa tanong ni ama. At habang namamayani ang katahimikan sa amin ay pinag-isipan ko pa muna kung dapat ko bang sabihin kay ama ang nangyari o hindi na. Ngunit sa huli ay kinuwento ko rin kay ama ang nangyari kanina sa labas ng akademya. At habang nagkukuwento ako ay hindi nakaligtas sa akin ang ilang ulit niyang paghilot ng kaniyang sentido.
“E kasalanan mo naman pala kung bakit kayo nag-away‚” komento ni ama matapos kong magkuwento.
Naihilamos ko na lamang ang kaliwang kamay ko dahil sa sinabi ni ama na muling nagpaalala sa ‘kin ng ginawa kong kagag*han na dahilan kung bakit nagalit sa akin si Thea.
“Hindi ko naman sinasadya ‘yon. Nadala lang ako ng emosyon ko. Bigla na lang kasing uminit ang ulo ko nang makita ko siyang masayang nakikipagkuwentuhan sa mga lalaking ‘yon habang ako ay halos isumpa na niya sa tuwing magkasama kami‚” pag-amin ko dahil wala rin namang saysay kung itatago ko pa kay ama ang tungkol sa pagseselos ko dahil alam kong alam na niya ang tungkol dito bago ko pa man sabihin.
Bigla na lamang lumambot ang ekspresyon ng mukha ni ama matapos kong umamin at nagpakawala pa muna ulit siya ng malalim na buntong-hininga bago niya lumapit sa ‘kin upang marahang tapikin ang balikat ko.
“Normal lang na makaramdam ka ng selos‚ anak. Pero ang hindi normal ay ang magpadala ka sa selos mo. At talagang isusumpa ka ni Thea kapag ganiyan lagi ang ipapakita mo sa kaniya. Anak‚ tandaan mo na hindi lang ikaw ang lalaki sa mundo na maaaring mapalapit sa kaniya kaya sana naman ay huwag kang masyadong maging possessive dahil masasakal mo lang si Thea sa lagay na ‘yan. At kapag nangyari ‘yon ay hindi malabong tuluyan ka na nga talaga niyang isumpa‚” mahabang pangaral sa akin ni ama na naging dahilan para matauhan ako at mapagtanto ko ang mali ko.
“Sige na‚ anak. Puntahan mo na siya at humingi ka ng tawad. Huwag mong hayaang lumipas ang araw na ito na hindi kayo nagkakaayos. Alalahanin mo‚ maaga siyang pupunta bukas sa Fray Kingdom at ilang araw rin siyang mawawala. Baka lumala pa iyang alitan ninyo kapag pinatagal mo pa‚” payo ni ama nang mawalan ako ng imik matapos niya akong pangaralan saka agad na rin siyang nagpaalam para mapagnilayan ko ang mga nangyari at magawa kong pag-isipan kung ano ang dapat kong gawin.
Nang maiwan akong mag-isa sa library at balutin ako ng nakabibinging katahimikan ay kusa na lamang nanariwa sa alaala ko ang mga nangyari kanina mula sa akademya hanggang sa labas ng silid ni Thea. At habang inaalala ko ang mga nangyari pati na ang ginawa ko ay doon ko mas lalong napagtantong maling-mali ang ginawa ko at hindi ko nga dapat ginawa ‘yon. Mga kaibigan niya ang kasama niya kanina at wala akong karapatang pagbawalan siyang makipag-usap sa kanila o sa kahit na sinong lalaki lalo na’t wala naman kaming relasyon. Saka dapat nga sigurong bawasan ko na ang pagiging masungit at arogante ko kung gusto kong gumanda ang tingin sa akin ni Thea. At higit sa lahat‚ kailangan ko na nga talaga sigurong gumawa ng aksyon para mapaibig ko si Thea lalo na’t may iba nang umaaligid sa kaniya na walang iba kundi si Ali na may gusto na sa kaniya simula pagkabata.
Noon pa man ay alam ko na ang tungkol sa pagkagusto ni Ali kay Thea dahil mga bata pa lang kami ay nahuhuli ko na siyang nakatitig kay Thea na nabubuhay pa noon bilang si Kiana. Ngunit tuwing magtatangka siyang lumapit ay agad kong nilalapitan si Thea para hindi niya matuloy ang balak niya.
Oo‚ alam kong bata pa lang ay masyado na akong naging possessive kay Thea. Pero hindi ko rin naman gusto ‘yon. Nasanay lang siguro ako na ako ang palaging kasama at kalaro niya bukod kina Kaleb at Athena kaya noon pa man ay hinahadlangan ko na si Ali sa balak niyang pakikibagkaibigan kay Thea. Saka siguro ay natakot lang ako noon na kapag nagpakilala siya kay Thea ay bigla na lang akong mapalitan sa buhay ni Thea. Pero iba na ngayon ang sitwasyon. Nasa tamang edad na kami at na kay Thea na ang desisyon kung bibigyan niya ng pagkakataon si Ali o hindi. Hindi ko na rin naman mapipigilan o mahahadlangan pa si Ali dahil mukhang nagkakamabutihan na sila. Ang tanging magagawa ko na lang ay ang unahan si Ali sa puso ni Thea bago pa mahuli ang lahat.
Matapos ang halos isang oras kong pagninilay-nilay ay napagpasyahan kong lisanin na ang library.
Sa paglabas ko ng library ay nakasalubong ko si Sara na mukhang galing sa kusina dahil may dala itong food tray kung saan nakapatong ang ilang pagkain at inumin na sa tingin ko ay para kay Thea lalo’t si Thea lang naman ang posible niyang pagdalhan nito.
“Sara‚ para kay Thea ba ‘yan?” tanong ko kay Sara nang huminto siya sa harapan ko para magbigay-galang.
“Opo‚ mahal na prinsipe. Ayaw niya po kasing lumabas ng kaniyang silid‚” magalang na sagot ni Sara na bahagya pang nakatungo sa aking harapan.
“Ako na ang magdadala niyan sa silid niya. Sige na‚ magpahinga ka na‚” pagboluntaryo ko dahil sa silid din naman ni Thea ang punta ko.
Bago pa man sumagot si Sara ay lumapit na ako sa kaniya at kinuha ko mula sa kaniya ang hawak niyang food tray na agad naman niyang ibinigay sa ‘kin.
Matapos kong makuha kay Sara ang food tray ay bahagya ko pa siyang tinanguan bilang pamamaalam at bilang hudyat na maaari na siyang umalis at magpahinga bago ako maingat na naglakad patungong silid ni Thea.
Nang marating ko ang silid ni Thea at huminto ako sa tapat ng pinto nito ay humugot muna ako ng malalim na hininga bago ko maingat na itinulak pabukas ang pinto. At nang wala akong marinig na sigaw mula kay Thea ay tahimik akong pumasok ng silid niya kung saan ay naabutan ko siyang nakadapa sa kama niya habang abala siya sa pagbabasa ng isang aklat na maaaring dahilan kung bakit hindi niya napansin na ako ang pumasok ng silid.
Dahil nga nakapokus ang buong atensyon ni Thea sa pagbabasa ay malaya akong nakalapit sa bedside table kung saan ko sana ilalagay ang food tray na hawak ko. Ngunit bago ko pa man mailapag ang hawak ko ay nagsalita na si Thea na nakaagaw ng atensyon ko.
“Sara‚ pakilagay na lang diyan. Hindi pa ako nagugutom‚” walang buhay na utos sa akin ni Thea sa pag-aakalang ako si Sara.
Walang imik ko namang sinunod ang sinabi ni Thea. Maingat kong inilapag sa bedside table ang food tray na dala ko magmula pa kanina. Pagkatapos ay tumuwid ako ng tayo at pumihit ako paharap kay Thea upang kausapin siya tungkol sa nangyari kanina.
“Thea‚ pwede ba tayong mag-usap?” mahina at malumanay kong tanong na sapat lang para marinig ito ni Thea.
Agad na napabalikwas ng bangon si Thea matapos kong magsalita at puno ng kaguluhang lumingon siya sa direksyon ko.
“Anong ginagawa mo rito? Nasaan si Sara?” salubong ang kilay na tanong ni Thea.
“Pinagpahinga ko na muna si Sara kaya ako na ang nagdala nito sa ‘yo‚” agad kong tugon sa malumanay pa ring boses para hindi na tumindi pa ang pagkainis sa ‘kin ni Thea.
“So‚ ngayong nadala mo na ‘yan dito‚ pwede ka nang umalis‚” malamig na pagtataboy sa akin ni Thea saka muli siyang dumapa sa kama at ipinagpatuloy niya ang kaniyang pagbabasa.
Sa halip na lisanin ko ang silid katulad ng utos ni Thea ay nanatili akong nakatayo sa gilid ng kama at tahimik ko siyang pinagmasdan habang pinag-iisipan ko ang sunod kong hakbang. Ngunit hindi ko pa man napag-iisipan ang sunod kong hakbang ay bigla na lamang siyang bumangon at tiningnan niya ako nang masama.
“Wala ka bang balak na lumabas? Gusto mo kaladkarin pa kita palabas katulad ng kung paano mo ako kanina hinila palayo sa mga kaibigan ko?” mataray at halos pasigaw nang tanong ni Thea na hindi na naitago pa ang inis niya dahil sa hindi ko pagsunod sa nais niya na lisanin ko ang silid niya.
Agad naman akong nangapa ng isasagot ko para hindi na lumala pa ang away sa pagitan namin.
“Hey‚ I’m sorry. Alam kong mali ang ginawa ko—”
“Mali talaga!” pagputol ni Thea sa iba pang sasabihin ko.
“Kaya nga humihingi ako ng tawad. At nangangako rin akong hindi na mauulit ‘yon‚” maagap kong tugon dahil pakiramdam ko ay magbubuga na si Thea ng apoy kapag hindi ko pa naayos ang alitan sa pagitan namin.
“Aba‚ dapat lang! Dahil kapag naulit pa ‘yon‚ hindi na talaga kita kakausapin!” mariing tugon ni Thea na mukhang balak nga talagang totohanin ang banta niya sa oras na inulit ko pa ang ginawa ko kanina.
“So‚ bati na tayo?” nag-aalangang tanong ko at pilit kong pinaamo ang mukha ko para lang tanggapin na ni Thea ang paghingi ko ng tawad.
“Tsk! Para kang timang diyan! Oo na! Bati na tayo! Hindi na ako galit‚” pasigaw pa ring tugon ni Thea ngunit mahina na ito kumpara kanina. “O siya‚ lumabas ka na at busy pa ako‚” mayamaya’y pagtataboy niya sa ‘kin na hindi ko na tinutulan pa.
Agad na akong pumihit paharap sa direksyon ng pinto para lisanin ang silid katulad ng utos ni Thea. Ngunit bago ko pa man maihakbang ang paa ko ay bigla na naman siyang nagsalita.
“Salamat nga pala sa food‚” pasasalamat ni Thea ngunit nang lingunin ko siya ay hindi naman siya nakatingin sa ‘kin at nakatuon pa rin ang tingin niya sa aklat na binabasa niya.
A smile crept into my lips when I realized that she’s just trying to act cool in front of me. Mukhang gusto pa rin niyang panindigan ang paggagalit-galitan niya kahit na tinanggap naman na niya ang sorry ko. What a cute scene to watch.
“Walang anuman. Kung may kailangan ka pa‚ sabihan mo lang ako‚” wika ko habang hindi ko na maitago pa ang ngiti sa labi ko.
“Okay. Bye‚” walang emosyong paalam ni Thea habang nasa aklat pa rin ang atensyon niya.
“Bye‚” nakangiting paalam ko sa kaniya saka agad na rin akong lumabas ng silid.
Nang makalabas ako ng silid ni Thea ay agad kong isinira ang pinto at aalis na sana ako ngunit hindi ko na nagawa pang humakbang palayo nang marinig kong pabulong na magsalita si Thea.
“May bait din naman pala siyang itinatago sa katawan niya. Nahiya pa siyang ipakita. Tsk! Pabebe‚” bulong ni Thea na mas lalong ikinalawak ng ngiti ko.
‘Don't worry‚ Thea. I will make sure that starting today‚ I’ll let you see my good side if that’s what will make you happy. I promise‚’ I thought to myself before I started striding off the area.
✨✨✨
A/N: Pasensya na po kung maraming typographical errors. Sa phone lang po kasi ako nagta-type. And if ever na lame man po ang update ko‚ I hope you understand. Baguhan lang po kasi ako sa larangan ng pagsusulat.
Anyway‚ don’t hesitate to leave a comment. Need ko po advice and say ninyo para naman po ma-improve ko ang aking writing style🤗
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top