CHAPTER 45: HIS RUDE BEHAVIOR
ALTHEA’S POV
Sa mga nakalipas na araw ay wala na akong ibang ginawa kundi ang mag-ensayo. Sa akademya at sa Sapience Kingdom na lang halos umiikot ang buhay ko. Hindi ko naman magawang mamasyal dahil nga sa nauubos na ang oras ko sa pag-eensayo. Gusto kasi ni Kaiden na masubukan kung hanggang saan ang kaya ko kaya naman ay panay ang laban namin. Sayang naman daw kasi ang effort nilang i-train ako kung wala rin naman daw pala akong natututunan.
Dahil nga walang humpay kami sa pag-eensayo ay para na akong zombie na naglalakad patungong classroom. Agad naman akong sinalubong ng nag-aalalang si Flor nang marating ko ang aming silid-aralan at inalalayan pa niya akong maglakad patungo sa upuan ko.
“Thea‚ ayos ka lang ba?” puno ng pag-aalalang tanong ni Flor nang sandaling maiupo niya ako sa upuan ko.
“Yeah‚ I’m fine. Huwag mo na akong alalahanin. Bumalik ka na lang sa upuan mo‚” matamlay kong tugon saka pagod kong ipinatong sa mesang nasa harapan ko ang dalawa kong braso at ginawa ko itong unan.
Wala talaga akong ganang makipag-usap ngayon sa kahit sino. Ang totoo nga niyan ay ayoko na sanang pumasok pa sa akademya ngayong araw para makapagpahinga naman ako kahit papaano. Pero tuwing naiisip ko ang pwede kong matutunan sa araw na ito sa aming guro ay natutunaw na parang yelo ang kagustuhan kong lumiban sa klase.
“Sigurado ka?” may himig pa rin ng pag-aalalang tanong ni Flor.
“Yeah‚” tipid kong tugon at nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga bago ko ipikit ang mga mata ko.
“Okay. Sabi mo e. Basta kung may kailangan ka‚ tawagin mo lang ako‚” bilin pa ni Flor bago siya bumalik sa upuan niya.
Tipid na lamang akong napangiti nang sa wakas ay umalis na si Flor sa tabi ko. Ramdam ko kasing ayaw niya akong iwan sa upuan ko at nag-aalala pa rin siya sa ‘kin kahit pa sinabi ko nang ayos lang ako. At nakakatuwang malaman na kahit sandali pa lang kaming nagkakakilala ay concern na siya sa ‘kin. Kung mag-alala nga siya ay para bang matagal na kaming magkaibigan at malalim na ang pinagsamahan namin kahit na ang totoo ay ilang araw pa lang naman kaming magkakakilala at hindi rin kami matagal nakakapag-usap. Nagkakausap lang kasi kami bago at pagkatapos ng klase‚ bago ako sunduin ni Kaiden. Tuwing break time naman ay sinusubukan niya akong kausapin pero lagi siyang nabibigo dahil nagmamadali ako laging umalis para magpuntang Mystical Park kung saan ay palagi na naming kasalo ni Kaiden sina Jane at Kaleb.
Habang nakapikit pa rin ako ay bigla ko na lamang naramdaman ang pag-upo ng kung sino sa upuang nasa tabi ko na ikinakunot ng noo ko.
“Ang problema‚ hindi sinasarili. Dapat ito’y sinosolusyunan sa tulong ng mga nakapaligid sa ‘yo nang sa gayon ay hindi na ito lumala pa at gumaan ang iyong dinadala‚” seryosong payo ng isang boses-lalaki na nakaagaw ng atensyon ko‚ dahilan para mapamulat ako.
Sa pagmulat ko ay agad na napako ang tingin ko sa lalaking nakaupo sa upuang nasa tabi ko. Kayumanggi ang mga mata nito habang kulay lime naman ang buhok nito. I wonder what his magic is.
Habang iniisip ko pa rin kung anong kapangyarihan ang maaaring taglay ng kaharap ko ay bigla na lamang bumaba ang tingin ko sa hamster na kasalukuyan nitong hawak at hinihimas-himas. Singputi ng nyebe ang balahibo nito at sobrang linis nito na tila ba hindi ito nakaranas na tumapak man lang sa lupa.
Ilang minuto ko pang tinitigan ang hamster na kasalukuyang nasa harapan ko bago ako umayos ng upo para mas maayos ko itong mapagmasdan.
Nang makaupo na ako nang maayos ay kusa na lamang kumilos ang kamay ko para haplusin ang hamster na kanina ko pa pinagmamasdan. At nang sandaling lumapat ang kamay ko sa balahibo nito ay bigla na lamang naglakbay ang isip ko sa nakaraan.
‘Mom‚ can you buy that super duper cute hamster for me?’ malambing kong tanong kay mommy habang nakaturo ang hintuturo ko sa hamster na nasa kulungan sa loob ng shop na nadaanan namin.
‘Sorry‚ princess‚ but I can’t do that‚’ tugon ni mommy na ikinasimangot ko.
‘But—’
‘And I won’t. Kaya mabuti pa ay pumunta na tayo sa katabing boutique‚’ pahabol ni mommy na pumutol sa sana’y sasabihin ko.
‘Mom‚ dali na‚ ibili mo na ako ng pet‚’ pangungulit ko kay mommy habang panay na ang pa-cute ko sa harapan niya dahil sa ganitong paraan ay hindi niya ako matatanggihan.
‘I’m sorry‚ princess‚ pero hindi pa pwede sa ‘yo ang mag-alaga ng pet. You’re still young. Saka baka makasama sa kalusugan mo‚’ malumanay na paliwanag ni mommy na mas lalong ikinasimangot ko. Ngunit agad ding umaliwalas ang mukha ko nang may ideyang pumasok sa isip ko.
Nakanguso akong bumaling kay dad na nakatingin na rin pala sa ‘kin.
‘Dad, can you buy that pet for me? Please? Pretty please?’ pagpapaawa ko kay daddy at hinila-hila ko pa ang laylayan ng damit niya.
Sa halip na agad na sumagot ay maingat akong kinarga ni daddy at mahina niyang pinisil ang kanang pisngi ko.
‘Princess‚ you know I can’t say no to your requests. But this time‚ we have to listen to your mom‚’ tugon ni dad na may bahid ng paghingi ng tawad.
Mas lalo pa akong sumimangot dahil sa nakuha kong sagot mula kay daddy.
‘Pero kung gusto mo talagang ma-experience na may inaalagaan‚ I suggest na ang mommy mo na lang since mas isip-bata naman siya sa ‘yo‚’ pahabol na suhestiyon ni daddy.
“Sa wakas‚ ngumiti ka na rin. Mas bagay sa ‘yo‚” sambit ng lalaking kaharap ko na pumukaw ng atensyon ko.
Dahil sa sinabi ng kaharap ko ay doon ko lamang napagtantong nakangiti na pala ako matapos kong maalala ang mga araw na masaya at kumpleto pa kaming pamilya. Ngunit kasabay nito ay muli ring nabuhay sa sistema ko ang pangungulila at panghihinayang. Kung maaari lang sanang ibalik ang panahon‚ babalikan ko ang araw na magkakasama pa kami at masayang nagkukulitan.
“Salamat‚” pasasalamat ko sa kaharap ko dahil sa ginawa niyang pagpapaalala sa ‘kin sa isa sa mga masasayang araw naming pamilya.
“Ilang minuto ka ring natulala. Mukhang mabigat ang dinadala mo‚” komento ng kaharap ko.
Muling bumaba ang tingin ko sa hamster na dahilan ng ilang minuto kong pagkatulala. Ngunit kaagad na nagsalubong ang kilay ko nang wala na akong makita pang hamster sa kaninang kinaroroonan nito. Ngunit sa halip na hanapin ko pa ito o alamin kung saan na ito napunta ay pinili ko na lamang na mag-angat ng tingin upang salubungin ang tingin ng kaharap ko.
“Naalala ko lang ang mga magulang ko‚” tipid kong tugon.
“Bakit? Nasaan na ba sila? Hindi mo ba sila kasama?” salubong ang kilay na tanong ng kausap ko.
Mapait na lamang akong napangiti dahil sa tanong ng kausap ko.
“Wala na sila‚” matamlay kong tugon saka ko ibinaling sa labas ng bintana ang tingin ko para tanawin ang asul na langit. “They’re somewhere up there.”
“Patawad—”
Pagkarinig ko pa lang sa salitang ‘patawad’ ay agad ko nang ibinaling sa kausap ko ang tingin ko para putulin ang ano pa mang sasabihin niya.
“Ayos lang. Matagal na rin naman ‘yon at unti-unti na akong nakakalimot‚” pagsisinungaling ko at peke pa akong ngumiti para paniwalain ang kausap ko na totoo ang mga sinabi ko.
Isang malaking kasinungalingan ang sinabi ko dahil kahit kailan ay hindi ko makakalimutan ang araw na pinaslang ng Darkinians ang mga magulang kong walang kalaban-laban. At hanggang ngayon ay sinisisi ko pa rin ang sarili ko sa nangyari. Kung sana noon pa lang ay alam ko nang gamitin ang kapangyarihang taglay ko at kung sana dumating lang ako ng mas maaga noong araw na ‘yon‚ sana ay naligtas ko pa sila. Sana buhay pa sila ngayon. Saka kung iisipin ay kasalanan ko naman ang lahat ng ito. Hindi naman susugod ang Darkinians sa bahay kundi dahil sa ‘kin. Ang hindi ko lang matukoy hanggang ngayon ay kung bakit nila ako tinatawag na prinsesa at kung bakit sinadya pa nila ako sa mundo ng mga tao para lang kunin.
“Oy. Ayos ka lang? Umiiyak ka ba? Patawad. Dahil sa akin‚ naalala mo ang pagkawala nila‚” natatarantang wika ng kaharap ko matapos kong mawalan ng imik ng ilang minuto.
Awtomatiko namang kumilos ang mga kamay ko para pahirin ang luha sa pisngi ko na hindi ko man lang namalayang tumulo na pala. Nang matuyo ko na ang pisngi ko ay pinilit kong ngumiti saka ko muling sinalubong ang tingin ng kaharap ko.
“Ano ka ba? Wala ‘yon. Wala kang kasalanan kaya huwag kang magdrama riyan‚” pabirong tugon ko at pilit ko pang pinasigla ang boses ko para hindi na makaramdam pa ng guilt ang kaharap ko sa paniniwalang siya ang dahilan ng pagluha ko.
“Siya nga pala‚ maaari ko bang malaman kung anong kapangyarihan ang taglay mo?” biglang pag-iiba ko ng usapan nang hindi umimik ang kaharap ko.
“Isa akong animal summoner‚” nakangiti nang sagot ng kaharap ko.
Hindi ko naman maiwasan ang mamangha sa narinig ko kung kaya hindi ko na napigilan pa ang pamimilog ng mga mata ko.
“Ang ibig bang sabihin ay kaya mong magpalabas ng mga hayop gamit lang ang kapangyarihan mo?” hindi makapaniwalang tanong ko saka dali-dali akong napaayos ng upo para antabayanan ang magiging sagot ng kausap ko sa tanong ko.
Hindi ko na naitago pa ang excitement kong marinig ang sagot sa tanong ko mula sa kausap ko dahil ngayon lang ako naka-encounter ng charmer na may kapangyarihan tulad ng sa kaniya.
“Oo. Ngunit bukod doon ay kaya ko rin silang kontrolin at utusan. Saka kaya ko ring gamitin ang kakayahang taglay nila‚” proud na proud na sagot ng kausap ko.
Awtomatikong tumaas ang isang kilay ko sa narinig ko. Hindi ko kasi maiwasang mamangha sa nalaman ko. May parte rin sa akin ang napapatanong sa sarili ko kung maaari ko rin bang magawa ang bagay na nagagawa ng kausap ko. Ayon naman kasi kay Kaiden ay taglay ko raw lahat ng kapangyarihang mayroon sa mundong ito kaya posible ngang magawa ko rin ang nagagawa ng kausap ko. Iyon nga lang ay wala na akong panahon pang pag-aralan ito dahil sa puspusan kong pag-eensayo sa hindi ko malamang dahilan.
“Yael nga pala‚” biglang pagpapakilala ng kausap ko saka nakangiti pa niyang inilahad ang kaniyang kamay sa harapan ko na agad ko namang tinanggap.
“Thea‚” tipid kong pagpapakilala.
“Ikaw ba‚ anong kapangyarihan ang taglay mo?” pagbabalik ni Yael sa akin ng tanong ko.
“Isa akong fire and ice charmer‚” maikli kong tugon at tipid akong ngumiti kay Yael.
Ayoko mang magsinungaling patungkol sa kapangyarihang taglay ko ay wala akong magagawa kundi ang magsinungaling. Kailangan ko kasing panindigan na fire at ice charm lang ang mayroon ako para hindi maging kumplikado ang mga bagay-bagay.
“Woah! Talaga?” manghang tanong ni Yael ngunit agad ding napalitan ng nalilitong ekspresyon ang pagkamanghang mababakas sa mukha niya makalipas lamang ang ilang segundo. “Pero hindi ka naman royalty. Bakit dalawa ang charm mo?” naguguluhang tanong ni Yael nang tila mapagtanto niyang wala ako sa posisyon para magtaglay ng dalawang charm.
Lihim ko na lamang na kinagat ang ibabang labi ko para pigilan ang sarili kong magsalita nang hindi pinag-iisipan ang mga salitang lalabas sa bibig ko.
“Uhm...” Mas lalo pang dumiin ang pagkakakagat ko sa ibabang labi ko bago ako nakaisip ng pupuwede kong isagot sa tanong ni Yael. “Natuwa lang siguro sa ‘kin ang mga diwata kaya pinagkalooban nila ako ng isa pang charm‚” nag-aalangan kong wika matapos kong maalala ang naging talakayan namin noon patungkol sa pagkakaroon ng isang ordinaryong charmer ng dalawang charm o higit pa.
“Ahh... Gano’n ba? Pero bakit sabi nila nakagawa ka raw ng air tornado at nakapagpalabas ka raw naglalakihang bato noong kalabanin mo ang Trio?” mahabang tanong ni Yael na hindi ko inaasahan.
Napahilot na lamang ako sa sentido ko dahil sa tanong ni Yael na nagpasakit ng ulo ko. Tsk! Mukhang kailangan ko na namang humanap ng palusot para lang mapanindigan ang kasinungaling hinabi ko.
“Pasensya na pero hindi ko maalalang nagawa ko ang mga bagay na ‘yan. Marahil ay namali ka lang ng dinig o mali ang nasagap mong balita. Kaya sana ay huwag kang basta-bastang nagpapaniwala sa mga bagay na naririnig mo sa paligid mo dahil hindi lahat ng sinasabi ng mga nakapaligid sa ‘yo ay totoo. Matuto kang alamin kung alin ang totoo at alin ang hindi‚” mahabang palusot ko para mas maging kapani-paniwala ang kasinungaling hinabi ko.
Napatango-tango na lamang si Yael sa haba ng sinabi ko. Ngunit bakas pa rin sa mga mata niyang may mga tanong pa siya na hindi na niya nagawa pang itanong dahil dumating na si Miss Fiona na siyang ipinagpapasalamat ko.
Agad nang sinimulan ni Miss Fiona ang pagtuturo kaya naman ay itinuon ko na sa harapan ang buo kong atensyon.
Maraming sinabi si Miss Fiona tungkol sa iba’t ibang gamit ng charm o kung paano ito gamitin. Pero sa lahat ng nabanggit niya ay ang huling sinabi niya ang pinakanakakuha ng atensyon ko.
“Sa susunod na linggo ay magkakaroon kayo ng tagisan ng lakas. Dito masusukat kung gaano kalakas ang kapangyarihang taglay ninyo. Bawat isa sa inyo ay kakalabanin ang isa sa inyong mga kaklase at ang sino mang mananalo ay ang siyang tatanghaling pinakamalakas at pinakamagaling. Hanggang dito na lang muna ang ating aralin. Maaari na kayong magsiuwi upang simulan ang inyong pag-eensayo para sa darating na Lunes kung saan masusubok ang inyong mga lakas at galing‚” mahabang pahayag ni Miss Fiona at nagpaalam pa muna siya sa buong klase bago siya umalis.
Nang sandaling makaalis si Miss Fiona ay nagkani-kaniya nang sigawan ang mga kaklase ko na halata mong mga excited sa tagisan ng lakas na magaganap habang may iba namang nagmamadali nang umalis dahil sisimulan na raw nilang magsanay.
“Thea‚ anong balak mo?” tanong ng isang boses na nakaagaw ng pansin ko.
Awtomatiko akong napalingon sa gawing kaliwa ko kung saan nagmula ang boses na narinig ko at ganoon na lamang ang gulat ko nang makita kong nakaupo na sa tabi ko sina Flor at Yael.
“Balak para sa’n?” naguguluhan kong tanong.
“Saan pa? Edi sa tagisan ng lakas na magaganap sa susunod na linggo‚” sagot ni Flor na pinandilatan pa ako ng mga mata na para bang pinaparating niya sa ‘kin na hindi na dapat ako nagtatanong dahil dapat ay alam ko na kung anong tinutukoy niya.
“Ahh... Iyon ba?” muling tanong ko saka ako kibit-balikat na sumagot. “Wala.”
“Anong wala?” salubong ang kilay na tanong nina Flor at Yael na mukhang hindi naintindihan ang ibig kong sabihin sa sagot ko.
“Wala akong balak‚” paglilinaw ko sa sagot ko.
Halos madismaya naman sina Flor at Yael sa naging sagot ko. Ngunit agad ding nakabawi si Yael kung kaya ipinagkibit-balikat na lamang niya ang sinabi ko.
“Sabagay. Hindi mo na naman na kailangan pang mag-ensayo. Nagawa mo na ngang talunin nang dalawang beses ang Trio. Kaya tiyak na madali na lang sa ‘yo na ipanalo ang tagisan ng lakas na magaganap‚” mahabang saad ni Yael na lihim ko na lamang na sinang-ayunan.
Tama naman si Yael sa sinabi niya na hindi ko na kailangan pang mag-ensayo. Kasi kung iisipin ay tapos naman na akong magsanay kasama si Kaiden. At kampante naman akong sapat na ang nalalaman ko para maipanalo ang battle na magaganap sa Lunes.
“Sige‚ mauna na ako sa inyo. Kailangan ko pa kasing mag-ensayo dahil hindi naman kalakasan ang kapangyarihang taglay ko kaya kailangan pang paglaanan ng panahon at atensyon para lamang palakasan ito‚” mahabang paalam ni Yael ngunit bago pa man siya makatayo mula sa pagkakaupo niya ay agad na akong nagsalita para pigilan siyang umalis.
“Hindi ka dapat nag-iisip nang ganiyan‚ Yael. Walang mahina o malakas sa larangan ng mahika lalo na’t marami tayong nagagawa na hindi kaya ng iba at may kaya namang gawin ang iba na hindi natin kaya. Nagiging mahina lamang ang kapangyarihang taglay ng isang charmer dahil sa pananaw nila sa buhay. Parang ikaw. Mahina ang tingin mo sa sarili mo kaya hindi malabong maging mahina ka rin sa paningin ng iba. Tandaan mong sa sarili mo nagsisimula ang totoong kapangyarihan kaya kung mahina ang tingin mo sa sarili mo ay talagang iyon ang mangyayari. Pero wala naman talagang mahinang kapangyarihan. Sapat na training lang ang kailangan para mapalakas natin ang mga taglay nating kapangyarihan. Saka huwag mo sanang kalilimutan na ang isang hayop na ma-su-summon mo ay maaaring makapagligtas ng buhay ng iba at mapapalakas mo pa ang kapangyarihan mo kung gugustuhin mo‚” mahabang litanya ko na ikinatulala nina Yael at Flor.
Agad namang nakabawi si Flor mula sa pagkabigla niya kung kaya malakas siyang pumalakpak na para bang may narinig siyang isang nakakabilib na bagay. Naging dahilan naman ito para mapabalik si Yael sa kaniyang ulirat.
“Grabe! Daig mo pa ang reyna sa haba ng talumpati mo‚” biro ni Flor na agad namang sinang-ayunan ni Yael.
Napailing-iling na lamang ako sa sinabi ni Flor. At sa pag-iling ko ay doon ko lamang napansing kami na lang palang tatlo ang naiwan sa silid. Kaya naman ay niyaya ko na silang umalis na agad naman nilang sinang-ayunang dalawa.
Sa paglabas namin ng aming silid-aralan ay agad na sumalubong sa amin sina Luna at Leo na parehong mga nakangiti habang patungo sa aming direksyon.
“Thea!” masayang tawag sa akin ni Luna nang magtagpo ang aming tingin.
Nakangiti ko na lamang na hinintay na makalapit sa amin sina Luna at Leo sa halip na maglakad din ako upang salubungin sila sa daan.
“Na-miss kita‚” nakangiting wika ni Luna nang makalapit siya sa amin saka mahigpit niya akong niyakap na agad ko namang tinugon ng mahigpit ding yakap lalo’t na-miss ko rin naman siya.
“Na-miss din kita‚” nakangiti ring wika ko habang magkayakap pa rin kami ni Luna.
Tumagal din ng ilang minuto ang yakapan namin ni Luna. Naputol lamang ito nang sadyang umubo si Yael na nakaagaw ng atensyon ko at nagpaalala sa ‘kin na kasama ko nga pala sila ni Flor.
“Ay!” Agad akong napahiwalay kay Luna at isa-isa kong tinapunan ng tingin sina Luna at Leo para ipakilala sa kanila ang dalawang kasama ko. “Siya nga pala‚ Luna‚ Leo. Ito nga pala si Flor at si Yael.” Sunod ko namang binalingan ng tingin ay sina Yael at Flor para ipakilala sa kanila ang magkasintahang sina Luna at Leo. “Yael‚ Flor‚ siya nga pala si Luna‚ kaibigan ko. At ang katabi naman niya ay si Leo‚ her boyfriend‚” pagpapakilala ko kina Luna.
“Ikinagagalak namin kayong makilala‚” pormal na wika nina Yael at Flor na nakangiti nang nakatingin kina Luna at Leo.
“Ganoon din kami‚” nakangiti rin namang tugon nina Luna at Leo.
“Siya nga pala‚ saan ang punta ninyo?” pagsingit ko sa usapan nang mapansin kong palagay na ang loob nilang apat sa isa’t isa.
“Pauwi na kami. Dumaan lang kami rito para kumustahin ka‚” nakangiting tugon ni Luna na malamlam ang mga matang nakatingin sa direksyon ko.
“Kayo ba‚ saan ang punta ninyo?” pagbabalik ni Leo ng tanong.
“Pauwi na rin kami‚” tipid na tugon ni Flor.
“Gano’n ba? Ang mabuti pa ay sabay-sabay na tayong umuwi‚” masiglang suhestiyon ni Leo na agad naman naming sinang-ayunang lahat.
Gaya nga ng suhestiyon ni Leo ay magkakasama naming tinahak ang daan patungong gate ng akademya habang masayang nagkukuwentuhan ng mga kung ano-anong bagay na maisipan naming pagkuwentuhan. At dahil nga panay ang kuwentuhan namin habang naglalakad ay matagal bago namin narating ang tapat ng gate ng akademya. Ngunit bago pa man kami tuluyang makalabas ng akademya ay may kung sino nang humila sa ‘kin palayo kina Flor.
Nang tingnan ko kung sinong humila sa ‘kin ay hindi ko na napigilan pa ang makaramdam ng inis nang makita kong si Kaiden pala ang salarin.
“Let’s go‚” malamig na yaya sa akin ni Kaiden habang mahigpit na niyang hawak ang kamay ko.
Mas lalo namang tumindi ang inis na nararamdaman ko dahil sa sinabi ni Kaiden at sa paraan ng pagkakasabi niya nito.
“Anong let’s go ka riyan? E kung sakalin kaya kita? Basta-basta ka na lang nanghihila. E nakita mo na ngang may kausap ako‚” inis kong singhal kay Kaiden.
Malamig lamang akong tiningnan ni Kaiden na para bang sinusubukan niyang pasunurin ako sa gusto niya gamit lamang ang mga titig niya. Ngunit sa halip na magpadaig ako ay nakipagsukatan pa ako ng tingin sa kaniya.
Makalipas ang ilang segundong pakikipagtagisan ni Kaiden sa akin ng tingin ay binato niya ng matalim na tingin sina Yael.
“Sige‚ Thea‚ una na kami‚” nag-aalangang paalam ni Luna bago sila nagmamadaling umalis ni Leo habang sina Flor naman ay nanatiling nakatayo sa kinaroroonan nila habang nakatitig sa akin ng may nagtatanong na ekspresyon na para bang tinatanong nila kung ayos lang ba ako.
Hindi ko na napigilan pa ang tuluyang pagkalat ng inis sa sistema ko kung kaya marahas kong binawi ang kamay ko mula sa pagkakahawak ni Kaiden. Tagumpay ko naman itong nagawa kung kaya malaya kong nalapitan sina Yael at Flor na kanina pa naguguluhan sa kung anong gagawin nila.
“Pasenya na‚ Yael‚ Flor. Mukhang hindi na ako makakasabay sa inyong umuwi‚” paghingi ko ng pasensya kina Flor habang pilit kong itinatago mula sa kanila ang inis ko sa ginawa ni Kaiden.
“Ayos lang. Naiintindihan naman namin. Hindi mo kailangang humingi ng pasensya‚” tugon ni Flor at pilit pa siyang ngumiti para siguro hindi ako ma-guilty sa pambabastos na ginawa ni Kaiden.
“Sige‚ mauna na ako sa inyo‚” paalam ko kina Flor para hindi na maantala pa ang pag-uwi nila ni Yael sa kani-kanila nilang tahanan.
“Ingat ka‚” nakangiting bilin sa akin ni Yael na hindi man lang natakot o nailang sa tinging ibinibigay sa kaniya ni Kaiden.
“Kayo rin. Pasensya na talaga kung mauuna na akong umuwi sa inyo. May kailangan pa kasi akong turuan ng tamang asal na naturingan ngang prinsipe pero wala namang modo‚” mahabang wika ko na sinadya ko pang lakasan para iparinig kay Kaiden ang mga sinabi ko lalo na ang huling parte.
“Sige‚ bye‚” paalam ko kina Flor saka agad na akong nagsimulang maglakad palayo nang hindi man lang kinakausap si Kaiden.
Narinig ko pa ang pagtawag sa akin ni Kaiden mula sa likuran ko nang makalayo na ako kina Flor ngunit hindi ko na ito pinansin pa at nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Ngunit nang maramdaman kong malapit na siya ay mas pinili ko na lamang na mag-teleport patungong palasyo para hindi niya akong maabutan.
Mas mabuti nang ako ang umiwas sa kaniya dahil baka kung ano pa ang masabi o magawa ko dahil sa inis ko. Saka ayaw ko rin muna siyang makaharap o makausap. Baka mas lalo lang tumindi ang inis ko. Mahirap na at baka sa kaniya ko pa magamit ang mga itinuro niya sa ‘kin sa pagsasanay.
✨✨✨
A/N: Ano na kayang mangyayari sa dalawa nating bida? Masyado naman kasing seloso itong prinsipe natin. At prinsesa naman ng mga manhid itong si Thea. Perfect couple🤣
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top