CHAPTER 44: FAIRYLAND
ALTHEA’S POV
Kasalukuyan akong nasa labas ng palasyo sa Mesh Kingdom kasama si Jane at hinihintay ko na lang ang karwaheng susundo sa ‘kin. Inabot lang kasi ng dalawang araw ang pagsasanay namin ni Jane dahil sa unang araw pa lang ay halos itinuro na niya lahat sa ‘kin. Kaya naman noong sumunod na araw ay panay lang ang lipad namin ni Jane para daw masanay na ako sa paggamit ng pakpak ko. Tinulungan niya rin akong sanayin ang iba ko pang abilidad.
Habang naghihintay kami sa karwaheng susundo sa ‘kin ay hindi ko naiwasang mapatanong sa aking sarili kung bakit kailangan pa ng karwahe gayong kaya ko namang mag-teleport kahit saan ko gusto. At para saan pa ang pagtulong sa akin ni Jane na sanayin ang kakayahan kong mag-teleport kung hindi ko rin naman ito magagamit?
May ilan pang katanungan ang biglang lumitaw sa isipan ko ngunit pinili ko na lamang na hindi na ito pansinin pa. Kung tutuusin kasi ay mabuti na rin siguro ito para sa ‘kin. Baka kasi manghina lang ako kapag sinagad ko ang paggamit ng kapangyarihan ko.
Nang sa wakas ay makita ko na ang karwaheng susundo sa ‘kin na papalapit na sa kinaroroonan namin ay agad na akong nagpaalam kay Jane. Mabilis namang nakalapit sa akin ang kutsero na agad-agad na bumaba mula sa kabayong sinasakyan nito upang alalayan akong sumampa sa karwahe.
Nang makasakay na ako ng karwahe ay matamis ko pang nginitian si Jane bago kami tuluyang umalis ng kaharian nila.
Inabot nang halos dalawang oras ang paglalakbay namin pabalik ng Sapience Kingdom dahil magkalayo pala ang palasyo nina Kaiden at Jane.
Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit hindi ako pinayagan ni Jane na mag-teleport. Hindi ko pa nga pala alam ang daan pabalik ng Sapience Kingdom dahil tuwing pupunta ako sa kaharian nila ay nag-te-teleport lang siya kasama ako. Kaya baka kung saang lupalop pa ako napunta kung sinubukan kong mag-teleport kanina.
Sa pagdating namin ng palasyo ng Sapience Kingdom ay agad na sumalubong sa amin ang tumatakbong si Kamila na abot-tainga ang ngiti. Pero bago pa man siya makalapit sa ‘min ay agad na akong bumaba ng karwahe at nakangiti kong hinintay na makalapit siya sa ‘kin.
“Ate Thea!” masayang tawag sa akin ni Kamila nang makalapit siya sa ‘kin saka mahigpit niya akong niyakap na para bang isang taon kaming hindi nagkita.
“Miss ba ako ng baby girl ko? Hmm?” naglalambing kong tanong habang ginugulo ko ang buhok ni Kamila.
Kagat-labing tumango si Kamila bilang sagot sa tanong ko na mas lalong nagpangiti sa ‘kin. Ngunit ang ngiting nakapinta sa labi ko ay agad ding naglaho nang bigla na lamang akong hilahin ni Kamila papasok ng palasyo.
Habang patuloy pa rin ang paghila sa akin ni Kamila patungo sa kung saang parte ng palasyo ay nakasalubong namin si Kaiden na panay lamang ang iling sa ginagawang paghila sa akin ng kapatid niya. Maging sina Tita Selena at Tito Rohan ay nakasalubong din namin at panay lamang ang tawa nila habang nanonood sa ginagawang pagkaladkad sa akin ng bunso nilang anak.
Tumigil lang si Kamila sa paghila sa ‘kin nang marating na namin ang silid niya. At nagulat na lamang ako nang bigla niyang ilahad sa harapan ko ang nakabukas niyang kamay na para bang may hinihingi siya sa ‘kin.
“Regalo ko?” tanong ni Kamila matapos niyang ilahad sa harapan ko ang nakabukas niyang kamay.
Hindi ko na napigilan pa ang matawa dahil sa pagiging atat ni Kamila na makuha ang ipinangako kong regalo sa kaniya.
“Ikaw talaga‚” naiiling kong sambit saka ko inalis sa pagkakasukbit sa balikat ko ang backpack na naglalaman ng lahat ng bahay na pinag-su-summon ko noong isang araw sa palasyo nina Jane at nakangiti ko itong iniabot kay Kamila. “O‚ ito.”
Mabilis namang tinanggap ni Kamila ang backpack na iniaabot ko sa kaniya at tuwang-tuwa niya itong hinalungkat sa ibabaw ng kama.
“Yey! Ang dami kong regalo!” tuwang-tuwang sigaw ni Kamila saka isa-isa niyang pinaglalalabas sa backpack ang laman nitong headbands‚ hairpin‚ tiara‚ pangtali sa buhok at kung ano-ano pa.
Tahimik at nakangiti ko lang namang pinagmasdan si Kamila mula sa gilid ng kama.
“Ano ‘to?” kunot-noong tanong ni Kamila na kasalukuyan nang may hawak na android phone na may pink na phone case.
Dali-dali naman akong lumapit kay Kamila at maingat akong naupo sa kama malapit sa kaniya para ipaliwanag sa kaniya kung ano ang bagay na hawak niya.
“Akin na. Tuturuan kita kung paano gamitin ‘yan. Pero bago ‘yon‚ kunin mo muna sa bag ang monopod‚” wika ko habang nakalahad na sa harapan ni Kamila ang nakabukas kong kamay.
Mas lalo namang kumunot ang noo ni Kamila sa sinabi ko at nagsalubong na rin ang mga kilay niya na ikinakunot ng noo ko. Ngunit agad ding napalitan ng natatawang ekspresyon ang kaninang kalituhang mababakas sa mukha ko nang maalala kong wala nga palang monopod sa mundo nila kaya malamang na hindi alam ni Kamila kung ano ang pinapakuha ko sa kaniya. Kaya naman ay ako na mismo ang kumuha ng monopod sa bag habang tahimik lang na nanonood sa ‘kin si Kamila.
Pagkakuha ko sa monopod mula sa bag ay sunod ko na ring kinuha ang cellphone sa kamay ni Kamila saka maingat ko itong inilagay sa monopod bago ko in-extend ang monopod na hawak ko. Ngunit bago ko ito tuluyang iangat ay in-open ko na muna ang camera ng cellphone para pag-click na lang ng camera button ang magiging problema ko mamaya.
“Lapit ka rito‚ baby girl‚” malambing kong utos kay Kamila matapos kong maihanda ang camera.
Agad namang umusog palapit sa ‘kin si Kamila nang hindi inaalis ang tingin niya sa cellphone na nasa ere kung saan unti-unti na niyang nakikita ang sarili niya.
“Ate‚ ba’t ako nandiyan? Kambal ko ba siya?” may bahid ng takot na tanong ni Kamila nang makita niya ang sarili niya sa phone screen. “Ate‚ may kambal ka rin o‚” dagdag pa niya na ikinahagalpak ko ng tawa.
“Ano ka ba? Tayo ‘yan‚ baby girl‚” tumatawang tugon ko saka bigla rin akong sumeryoso para ipaliwanag sa kaniya kung ano ang hawak ko. “Ang tawag diyan ay cellphone‚” panimula ko ngunit agad din akong natigil nang maalala kong mas kailangan ko palang simplehan ang pagpapaliwanag ko dahil bukod sa walang alam sa cellphone ang kausap ko ay bata lang din ito na hirap pang intindihin ang mga bagay-bagay.
“Alam mo naman siguro ang portrait‚ hindi ba?” I asked randomly.
Agad namang tumango si Kamila na nakapagpahinga sa akin nang maluwag dahil kahit papaano ay hindi na ako mahihirapan pang magpaliwanag.
Humugot na muna ako ng malalim na hininga bago ko muling pinaliwanagan si Kamila.
“Hindi ba sa portrait ay nakikita mo ang sarili mong larawan? Ganito rin ang gamit ng cellphone na ito. Kapag pinindot mo ang camera button sa cellphone o ang button dito sa hawakan ng monopod ay magki-click siya‚ tanda na nakuhanan na niya tayo ng larawan‚” pahapyaw kong paliwanag na mukhang malinaw namang naintindihan ni Kamila kaya agad na akong ngumiti sa harap ng camera para mas maipakita ko kay Kamila ang gamit ng cellphone. “Smile!” nakangiti kong sigaw.
Walang pag-aalangan namang ngumiti si Kamila sa harapan ng camera kaya agad ko nang pinindot ang camera button sa monopod na hawak ko. Ngunit hindi lang isang picture ang kinuha ko. Sunod-sunod ang naging pagpindot ko sa camera button at nang magsawa na ako sa mga pagmumukha namin ay doon ko lang inalis sa monopod ang cellphone at sinimulan na naming tingnan ang mga picture namin sa gallery.
“Woah! Ang galing!” pumapalakpak na sabi ni Kamila habang manghang-mangha siyang nakatingin sa pictures namin.
“May isa pa akong ituturo sa ‘yo. Halika rito‚” yaya ko kay Kamila at bago pa man siya makapagsalita ay iginiya ko na siya paupo sa tabi ko.
Nang maayos nang makaupo si Kamila sa tabi ko ay niyakap ko siya mula sa gilid niya at ipinuwesto ko sa harapan namin ang cellphone na kasalukuyan ko nang hawak gamit ang dalawa kong kamay.
Itinuro ko kay Kamila kung paanong mag-compose ng message‚ tumawag‚ magpatugtog with our without earphones‚ mag-capture at manood ng video at marami pang iba. Pasalamat na lang talaga ako at pati load balance ay nagagamitan ko ng mahika kaya wala na akong poproblemahin pa. At syempre‚ tuwang-tuwa si Kamila nang malamang pwede na niya akong tawagan kapag wala ako sa palasyo. Hindi niya pa kasi magagawa ang mind link o telepathy dahil sa murang edad niya kaya malaking bagay para sa kaniya ang malamang may ibang paraan pa para makipagkomunikasyon sa ‘kin kapag nasa malayo ako.
“Ang tawag sa ginawa natin kanina ay selfie. Kapag maramihan na kayo‚ groufie na ang tawag do’n‚” paliwanag ko kay Kamila nang matapos na akong turuan siya ng maraming gamit ng cellphone.
“Pasyal tayo! Isama natin si kuya saka si Ayesha tapos groufie tayo!” masiglang yaya sa akin ni Kamila na hindi na maitago pa ang excitement.
Dahil nga bakas na bakas kay Kamila ang labis na excitement ay wala na akong nagawa nang muli na naman niya akong hilahin papunta sa throne room kung nasaan sina Tita Selena‚ Tito Rohan at Kaiden.
“Ina! Ama! Kuya! Groufie tayo‚ dali!” sigaw ni Kamila pagkatapak na pagkatapak pa lang namin ng throne room habang panay pa rin ang hila niya sa ‘kin palapit kina Tita Selena.
Sabay namang nangunot ang noo nina Tita Selena at Tito Rohan dahil sa sinabi ni Kamila samantalang si Kaiden naman ay binigyan ako ng nagtatanong na tingin nang sandaling makalapit ako sa kaniya.
‘Binigyan ko siya ng cellphone at tinuruan ko rin siya kung paano ito gamitin‚’ maagap kong paliwanag kay Kaiden gamit lamang ang isip ko.
Inikutan lamang ako ng mata ni Kaiden na ginantihan ko naman ng pag-irap.
Sa pag-irap ko kay Kaiden ay nabaling ang tingin ko sa trono kung saan tuwang-tuwang nagpapaliwanag si Kamila sa mga magulang niya tulad ng kung paano ko ipinaliwanag sa kaniya kanina ang gamit ng cellphone.
Napangiti na lamang ako sa senaryong nasasaksihan ko at tahimik ko na lamang na pinanood sina Kamila. Umeksena lamang ako nang mapansin kong tapos nang magpaliwanag si Kamila sa mga magulang niya.
“Akin na ‘yang cellphone‚ baby girl. Ako na ang kukuha ng litrato ninyo para magkaroon kayo ng family picture‚” nakangiti kong pagboluntaryo.
Hindi ko na hinintay pa na lumapit sa akin si Kamila para iabot sa akin ang cellphone na hawak niya. Ako na mismo ang lumapit sa kinaroroonan niya at kinuha ko mula sa kaniya ang cellphone na maayos naman niyang ipinaubaya sa ‘kin.
Pagkakuha ko ng cellphone kay Kamila ay muli sana akong bababa ng trono ngunit hindi ko na nagawa pang talikuran sina Kamila nang hawakan ako ni Tita Selena sa kanang kamay ko.
“Ikaw na nga ang may sabi na family picture ito kaya dapat ay kasama ka. Hindi ka na rin naman iba sa ‘min‚” may paglalambing na wika ni Tita Selena na muntik ko nang ikaiyak sa tuwa.
Nakakataba ng puso na marinig mula mismo sa bibig ni Tita Selena na hindi na iba ang turing niya sa ‘kin. Na itinuturing na rin niya akong parte ng pamilya nila. Saka abot-abot langit din ang tuwa ko dahil hindi niya ipinaparamdam sa ‘kin na mag-isa na lang ako sa buhay at wala na akong matatawag na pamilya.
“Tama ang Tita Selena mo‚ Thea. Parte ka na ng pamilyang ito simula umpisa pa lang kaya ang mabuti pa ay gamitin na lang natin ‘yang patpat na nakakabit sa hawak mong cellphone‚” suhestiyon ni Tito Rohan.
Agad na kumawala sa bibig ko ang mahinang tawa dahil sa huling sinabi ni Tito Rohan na nakakuha ng atensyon ko.
“Ahm... Tito‚ monopod po ang tawag diyan‚” natatawang pagtatama ko kay Tito Rohan.
Napapahiya namang napakamot si Tito Rohan sa ulo niya dahil sa pagtatama ko sa sinabi niya. “Naku‚ pasensya ka na‚ hija. Alam mo namang wala niyan sa aming mundo kaya hindi ko alam kung anong tawag diyan‚” natatawang sagot ni Tito Rohan na patuloy pa rin sa pagkamot sa ulo niya.
Ngiti na lamang ang naging tugon ko kay Tito Rohan bago ako kumilos para kuhanan sila ng litrato. Ngunit bago pa man ako makababa ng trono para kunan sila ng larawan mula sa baba ay pinigilan na ako ni Kaiden at walang sabi-sabing hinablot niya ang cellphone mula sa ‘kin.
“Ako na. Go beside mom‚” pagboluntaryo ni Kaiden na puno ng awtoridad na nakatingin sa ‘kin.
Hindi na ako kumontra pa sa sinabi ni Kaiden. Agad na akong pumunta sa tabi ni Tita Selena na kasalukuyang kalong-kalong si Kamila. Si Kaiden naman ay nanatili lamang sa kinatatayuan niya na para bang hindi niya alam ang gagawin niya.
Nakita ko pang nagkamot ng ulo si Kaiden bago siya naglakad papunta sa tabi ko. At nang makapuwesto na siya nang maayos sa tabi ko ay agad na niyang itinaas sa ere ang monopod kung saan nakaipit ang phone na ibinigay ko kay Kamila.
Hindi na namin hinintay pa ang hudyat ni Kaiden. Nagkani-kaniya na kami ng ngiti sa harap ng camera para paghandaan ang pagkuha ni Kaiden sa amin ng litrato. At hindi naman na kami naghintay pa nang matagal dahil agad na pinindot ni Kaiden ang camera button sa monopod. Ngunit hindi lamang iisang litrato ang kinuha niya. Sunod-sunod ang naging pagpindot ni Kaiden sa camera button na para bang wala siyang kapaguran at hindi siya nagsasawa sa mga mukha namin.
“Wacky!” masiglang sigaw ni Kamila saka nauna na siyang mag-wacky kaya kani-kaniya naman kaming pagpapapangit ng mga mukha namin na siyang nakapagpatawa sa aming lahat.
Dahil nga sunod-sunod ang pagpindot ni Kaiden sa camera button ay nakuhanan niya ng larawan maging ang pagtawa namin.
“Say cheese!” sigaw ko na agad namang sinegundahan nilang mag-anak.
“Cheese!” sabay-sabay nilang sigaw na halos mapunit na ang mga labi sa lapad ng mga ngiti nila na hindi mo na matukoy pa kung pilit lang ba o hindi.
Nang sa wakas ay makuntento na kami at magsawa na kami sa mga pagmumukha namin ay nagpaalam na si Kamila na mamamasyal kami. Ngunit katulad ng dati ay hindi kami hinayaan nina Tita Selena na umalis nang kami lang ni Kamila kaya naman ay maging si Kaiden ay sumama rin sa amin sa pag-alis ng palasyo.
Minabuti ni Kaiden na gumamit na lamang kami ng karwahe para makita ni Kamila ang mga tanawing aming madadaanan. Ngunit kami lamang ni Kamila ang nakasakay sa karwahe samantalang siya naman ay nakasakay sa isang kulay gatas na kabayo sa tabi ng karwaheng sinasakyan namin.
Habang nasa biyahe ay inabala ko ang sarili ko sa pagpasa sa phone ko ng lahat ng pictures namin kanina sa phone ni Kamila at sa pagtingin sa mga litrato namin. At dahil nga abala ako habang nasa biyahe ay hindi ko na namalayan pa ang oras. Nalaman ko lamang na narating na pala namin ang aming destinasyon nang yugyugin ni Kamila ang balikat ko.
Nauna akong bumaba ng karwahe at nang makababa ako ay ako na mismo ang umalalay kay Kamila sa pagbaba niya ng karwahe.
“Maligayang pagbabalik!” masayang salubong sa amin ng nakangiting si Ayesha na bigla-bigla na lang sumulpot sa harapan namin matapos naming makababa ng karwahe.
Hindi ko naman mapigilan ang magsalubong ang kilay ko dahil sa tila pag-aabang sa amin ni Ayesha. Ayon kasi sa kaniya ay abala siya sa kanilang kaharian kaya nakapagtataka na kaharap namin siya ngayon para salubungin kami sa aming pagdating.
“Ayesha‚ akala ko ba—”
“Nalaman ko kasing darating kayo kaya agad akong nagpaalam kay inang reyna‚” paliwanag ni Ayesha bago ko pa man matapos ang tanong ko saka nakangiti niyang binalingan ng tingin ang katabi kong si Kamila. “Kumusta‚ Kamila? Anong balita sa dalawang—”
“Shhh... Tahimik ka lang. Usap na lang tayo mamaya‚” putol ni Kamila sa sinasabi ni Ayesha habang panay ang ngiti niya na para bang kinikiliti siya.
Agad namang umarko ang kilay ko sa sinabi ni Kamila at sa nakikita kong ekspresyon ng mukha niya. Hmmm... Ano kayang pinag-uusapan nila ni Ayesha?
“Bakit nga pala kayo napadalaw?” biglang pag-iiba ni Ayesha ng usapan bago ko pa man maisip kung ano ang pinag-uusapan nila ni Kamila.
“Nandito kami para mamasyal at mag-groufie‚” nakangiting tugon ni Kamila na hindi na maitago pa ang kaniyang excitement.
“Gro...Groufie?” naguguluhang tanong ni Ayesha na salubong na ang mga kilay na nakatingin kay Kamila.
“Huwag ka nang magtanong. Sama ka na lang sa ‘min‚” wika ni Kamila saka basta na lamang niyang hinawakan ang maliit na binti ni Ayesha at walang sabi-sabing hinila niya si Ayesha palapit sa ‘min.
“Magkapatid nga kayo‚” natatawang bulong ko kay Kaiden na nasa kaliwa ko.
“What?” mataray na tanong ni Kaiden na nakataas na ang dalawang kilay habang nakatingin sa ‘kin.
“Ang hilig ninyong manghila e‚” tipid kong tugon.
“Tss!” Inirapan lamang ako ni Kaiden sa halip na ipagtanggol ang sarili niya.
“Kuya‚ hawak ka sa balikat ni Ate Thea!” nangingiting utos ni Kamila sa kuya niya na umagaw ng atensyon ko.
Walang tanong-tanong namang sinunod ni Kaiden ang utos ni Kamila na mas lalong ikinalapad ng ngiti ni Kamila.
“Ate‚ ikaw naman‚ hawak ka sa baywang ni kuya‚” utos naman sa akin ni Kamila na ikinabilog ng mga mata ko. Ngunit bago pa ako magmukhang kuwago sa labis na pagkabigla ko ay inayos ko na ang pagmumukha ko. Matamis kong nginitian si Kamila at bahagya akong yumuko para magpantay kami.
“Ikaw na lang ang hahawakan ni ate‚ baby girl‚” naglalambing kong suhestiyon kay Kamila para hindi ko na kailangan pang gawin ang gusto niya.
“Eh... Ayaw. Gusto ko kayo ni kuya‚” pagmamaktol ni Kamila saka nakanguso siyang bumaling kay Ayesha. “Iyon din ang gusto mo‚ hindi ba‚ Yesha?” tanong niya pa kay Ayesha para lamang ipilit ang gusto niya.
“Uh-huh!” tumatangong tugon ni Ayesha na hindi ko na ikinagulat pa dahil nagkakasundo talaga sila pagdating sa mga kalokohan.
“Pero—” Hindi ko na naituloy pa ang balak kong pagprotesta nang makita kong umiiyak na si Kamila.
“Hindi na niya ako mahal... Hindi na siya kinig sa ‘kin‚” sumisinghot na sambit ni Kamila.
Natataranta naman akong lumapit kay Kamila at mabilis ko siyang inalo. Ngunit kahit anong pang-aalo ang gawin ko ay patuloy pa rin siya sa pag-iyak. Kaya naman ay hindi na ako magkandaugaga sa pag-iisip ng paraan kung paano siya patitigilin sa pag-iyak.
“Tss! Come here‚” wika ni Kaiden saka basta na lamang niya akong itinuwid ng tayo. Pagkatapos ay kinuha niya ang kanang braso ko at ipinalibot niya ito sa baywang niya. Hindi pa siya rito nakuntento. Ibinalik pa niya ang pagkakahawak niya sa balikat ko katulad ng utos sa kaniya ni Kamila kanina.
“Yey! Ang ganda! Bagay na bagay!” tuwang-tuwang sigaw ni Kamila na kumikinang ang mga matang nakatingin sa ‘min.
Ilang minuto rin kaming tinitigan ni Kamila na para bang nasisiyahan talaga siya sa nakikita niya. At nang magsawa na siyang pagmasdan kami ay doon lamang sila pumuwesto ni Ayesha sa harapan namin para kumuha ng larawan.
Napaikot na lamang ako ng mata nang mapagtanto kong naisahan ako ng tatlong kasama ko. Ngunit sa halip na hayaan ko sila sa gusto nila at ngumiti ako sa harap ng camera ay pilit akong lumayo kay Kaiden. Iyon nga lang ay masyadong mahigpit ang pagkakahawak niya sa balikat ko.
“Huwag kang malikot‚” bulong sa akin ni Kaiden sa mismong tainga ko na nagpatindig ng mga balahibo ko sa katawan. Ramdam ko rin ang biglang paglakas ng kabog ng dibdib ko at ang pagliparan ng kung anong mga insekto sa tiyan ko kasabay ng pag-iinit ng pisngi ko.
“Yieee! Ang sweet! Kilig si ako!” kinikilig na tili ni Ayesha na paikot nang lumilipad sa may uluhan namin.
Pinili ko na lamang na huwag nang pansinin ang kinikilig na si Ayesha na sinabayan pa ng parang kinikiliting si Kamila. Ngunit dahil sa ginawa kong pag-iwas ng tingin sa kanila ay hindi sinasadyang nabaling ang tingin ko kay Kaiden na nahuli kong pasimpleng ngumingiti habang pasulyap-sulyap sa direksyon ko. Ngunit ang nakakapagtaka ay hindi na siya muli pang nagbaling ng tingin sa direksyon ko nang mapansin niyang nasa kaniya na ang atensyon ko.
“Gusto ba ninyong pumunta ng fairyland?” masiglang tanong ni Ayesha na umagaw ng atensyon ko at nagpalingon sa akin sa direksyon niya nang may nanlalaking mga mata.
“Seryoso/Fairyland?!” gulat na tanong namin ni Kamila na katulad ko ay halos lumuwa na rin ang mata sa sobrang pamimilog nito.
“Bakit? Ayaw ba ninyo?” may himig ng pang-aasar na tanong ni Ayesha.
Agad naman kaming napailing ni Kamila sa tanong ni Ayesha saka mabilis kaming sumagot. “Gusto!” mabilis na sagot namin ni Kamila bago pa bawiin ni Ayesha ang alok niyang isama kami sa kanilang kaharian.
“Kung gano’n‚ ano pang hinihintay ninyo? Tayo na! Siguradong matutuwa si ina na makita ang itinak—ahh...” Bigla na lamang natigil sa pagsasalita si Ayesha saka kinakabahan niyang kinagat ang ibabang labi niya bago siya muling nagsalita. “Ang ibig kong sabihin ay matutuwa siyang makita kayo. Kaya halina kayo!” tila nagmamadaling yaya sa amin ni Ayesha na para bang gusto na niya kaming umalis agad para hindi na kami magtanong pa ng kahit na ano.
Hindi ko naman maiwasan ang mapaisip at magtaka sa biglang pagyayaya sa amin ni Ayesha na sumama sa kaharian nila. Ngunit mas nangingibabaw sa akin ang excitement dahil noon pa man ay pangarap ko nang makapunta sa kaharian ng mga fairy. Kaya naman ay hindi na ako nagsalita pa at tahimik na lamang akong sumunod kay Ayesha nang magsimula siyang maglakad patungong Enchanted Garden.
Tahimik lamang kaming sumunod kay Ayesha hanggang sa tumigil siya sa harap ng punong nasa pinakagitna ng Enchanted Garden at napalilibutan ng iba’t ibang uri ng bulaklak.
Magtatanong sana ako kay Ayesha kung bakit siya biglang tumigil ngunit hindi ko na nagawa pang ibuka man lang ang bibig ko nang bigla siyang magsaboy ng gold na pixie dust sa puno na hindi ko malaman kung saan niya nakuha. At ilang segundo lamang matapos niyang isaboy ang pixie dust ay bigla na lamang naglabas ng nakakasilaw na liwanag ang punong nasa aming harapan.
“Lagusan tungo sa aming kaharian‚
Inuutusan kitang lumitaw sa aming harapan.
Sarili ay huwag ikubli
Ipakita ang iyong sarili
Kami ay iyong dalhin sa kahariang nakakubli‚” pag-usal ni Ayesha sa chant na sa tingin ko ay susi para lumitaw ang tinutukoy niyang lagusan patungo sa kanilang kaharian.
Hindi nga ako nagkamali sa hinala ko dahil unti-unting nabiyak ang katawan ng puno at habang nabibiyak ito ay unti-unting lumitaw ang isang portal na nababalutan ng puting liwanag.
“Tayo na‚” yaya sa amin ni Ayesha saka nauna na siyang pumasok ng lagusan.
Agad namang sumunod kay Ayesha si Kamila na wala nang mapagsidlan ng tuwa. Susunod na rin sana ako ngunit bago ko pa man maihakbang ang paa ko ay naestatwa na ako sa kinatatayuan ko nang maramdaman ko ang paghawak ni Kaiden sa kaliwang kamay ko. Ngunit sa halip na bawiin ko ang kamay ko mula sa pagkakahawak ni Kaiden ay hinawakan ko rin pabalik ang kamay niya na nakahawak sa kamay ko. Hindi ko kasi alam kung anong klaseng lagusan ang tatawirin namin at kung ano ang naghihintay sa amin sa kabilang panig nito kaya mas mabuti nang humawak ako sa kaniya.
Hindi naman na kami nagtagal pa sa tapat ng lagusan dahil agad nang lumapit si Kaiden sa lagusan na sinundan ko naman.
“Woah!” bulalas ko nang tuluyan kaming makatawid ng lagusan at bumungad sa akin ang napakagandang kaharian nina Ayesha.
Sa unang tingin pa lang ay talagang mamamangha ka na sa kaharian nina Ayesha. Para itong paraiso sa sobrang ganda nito. Napakakinang at napakaaliwalas ng paligid at dumagdag pa sa kinang nito ang mga naghuhulugang pixie dust. Aakalain mo ring nasa kaharian ka ng mga higante dahil naglalakihan ang mga naggagandahang bulaklak sa paligid. Maging ang mga puno ay sobrang tatayog at hitik na hitik sa bunga. Sa hindi kalayuan ay may nakikita rin akong isang makinang na talon na sobrang linis at linaw kahit pa nakikita ko lamang ito mula sa malayo. Marami ring nagliliparang mga naggagandahang paruparo na nagliliwanag ang mga makukulay na pakpak at tila nakikipaglaro sa mga fairy na masaya ring nagliliparan sa paligid na panay pa ang bati sa amin.
“Ayesha‚ ito ba ang kaharian—Ayesha? Ikaw ba ‘yan?” hindi makapaniwalang tanong ko habang hindi na maalis-alis ang tingin ko kay Ayesha na kasinglaki ko na at wala nang pakpak.
“Ako nga‚” nakangiting tugon ni Ayesha.
“Pero paanong lumaki ka nang ganiyan? At nasaan na ang pakpak mo?” naguguluhang tanong ko at iminuwestra ko pa ang kamay ko sa katawan niya na bigla na lang lumaki.
“Kapag nasa fairyland kami ay pwede kaming mag-anyong tao at ang pakpak naman namin ay maaari naming ikubli at palabasin kung kailan namin naisin‚” pahapyaw na paliwanag ni Ayesha na malinaw ko namang naintindihan kaya napatango-tango na lamang ako at hindi na ako muli pang nagtanong.
“Ayesha‚ anak!” pagtawag ng kung sino kay Ayesha na nakaagaw ng aming atensyon.
Halos sabay-sabay kaming napalingon sa tumawag kay Ayesha mula sa malayo. At sa paglingon ko sa pinanggalingan ng sigaw na aming narinig ay bigla na lamang namilog ang mata ko sa tumambad sa ‘min. Isang napakagandang babae ang kasalukuyang naglalakad palapit sa ‘min habang may nakapintang ngiti sa kaniyang mga labi.
Tulad ni Ayesha ay wala ring pakpak ang tumawag sa kaniya at sa palagay ko ay mas matangkad ito sa ‘kin. Nakalugay ang mahaba at wavy nitong buhok kung saan ay nakapatong ang isang flower crown. Nakasuot din ito ng isang napakaeleganteng gown na may mahabang slit at napapalamutian ng mga naggagandahang bulaklak at mga makikinang na pixie dust. Sa unang tingin ay hindi mo aakalaing anak nito si Ayesha. Sobrang bata kasi ng itsura nito at sobrang kinis at puti pa ng kaniyang balat.
Nang tuluyan nang makalapit sa amin ang ina ni Ayesha na kanina ko pa pinagmamasdan ay doon ko lang nakita ang magaganda nitong mga mata na kulay berde at may linings na ginto.
“Ina!” masayang sambit ni Ayesha saka niya ginawaran ng magaang halik sa pisngi ang kaniyang ina.
“Siya na ba ‘yon‚ anak?” tanong ng ina ni Ayesha habang pasimple akong tinatapunan ng tingin.
Hindi ko naman maiwasan ang mapakunot-noo at magsalubong ang kilay ko dahil sa tinging ibinigay sa akin ng ina ni Ayesha. Ang paraan kasi ng pagtingin nito sa ‘kin kanina ay para bang matagal na niyang hinihintay ang pagdating ko. Ngunit agad ding nawala ang pagkakakunot ng noo ko at pagkakasalubong ng kilay ko nang biglang mapako sa akin ang tingin ng ina ni Ayesha habang hinihintay nito ang sagot ni Ayesha sa tanong niya.
“Siya na nga po‚ ina... Siya si Thea‚” pagpapakilala sa akin ni Ayesha saka niya ibinaling kay Kaiden ang tingin niya. “Siya naman po si Prinsipe Kaiden ng Sapience Kingdom‚” pagpapakilala naman ni Ayesha kay Kaiden bago lumipat ang tingin niya sa katabi niyang si Kamila na nakangiti pa niyang ginulo ang buhok. “Ito naman ang kapatid niyang si Kamila‚” pagpapakilala rin ni Ayesha kay Kamila na halos mapunit na ang pisngi sa lapad ng ngiti.
“Ikinagagalak po namin kayong makilala‚ mahal na reyna‚” halos sabay na sambit namin nina Kaiden at Kamila.
“Ganoon din ako sa inyo‚” nakangiting tugon ng ina ni Ayesha bago mapako sa ‘kin ang tingin niya. “Matagal na panahon ka na rin naming hinihintay‚” dagdag pa nito na muling nagpakunot ng noo ko.
“Ano pong ibig ninyong sabihin?” naguguluhan kong tanong.
Sasagutin na sana ng ina ni Ayesha ang tanong ko ngunit hindi na nito nagawa pang magsalita nang pasimple siyang sikuhin ni Ayesha na sinadya pang lumipat sa tabi niya para lamang pigilan siyang magsalita. Hindi rin nakaligtas sa ‘kin ang pagbulong ni Ayesha sa kaniyang ina.
“Naiintindihan ko...” mahinang sambit ng ina ni Ayesha bago ito nakangiting nagbaling ng tingin kay Ayesha. “Mabuti pa ay ilibot mo muna sila sa buong kaharian. Aalis na muna ako. May kailangan lamang akong puntahan‚” paalam nito saka ito nagmamadali nang umalis.
Hindi ko na napigilan pa ang makaramdam ng pagkadismaya dahil sa kakatwang ikinikilos ni Ayesha at ng ina niya. Malaki ang hinala ko na may alam din sila na hindi nila sinasabi sa ‘kin. Hindi ko tuloy maiwasang muling mapatanong sa sarili ko kung anong itinatago nila. Napapaisip din ako kung bakit tila nagkakaisa lahat ng mga nakapaligid sa ‘kin sa paglilihim ng kung anumang nalalaman nila.
Aaminin kong nasasaktan na ako sa pagiging malihim ng mga nakapaligid sa ‘kin. Masakit isipin na ang mga taong lubos kong pinagkakatiwalaan ay may hindi sinasabi sa ‘kin. Oo nga’t may tiwala naman ako sa kanila na may dahilan kung bakit nila ito ginagawa. Pero hindi ko lang talaga maiwasang masaktan‚ madismaya at malungkot dahil unang pagtungtong ko pa lang sa Fantasia ay nabalot na ng mga lihim at misteryo ang buong pagkatao ko. Ni hindi pa nga malinaw sa ‘kin kung ano ba talaga ang tunay na kulay ng mata at buhok ko—kung iyon bang nasa mundo pa ako ng mga tao‚ iyon bang naging kulay nito matapos kong tumawid sa lagusan patungo sa Fantasia o iyong naging kulay nito pagpasok ko ng akademya.
Hanggang ngayon ay napapaisip pa rin ako kung kailan ‘to matatapos. Kung hanggang kailan ako mabubuhay sa mundong punong-puno ng lihim at kasinungalingan. Sa totoo lang ay sawang-sawa na akong mangapa sa dilim. Ang masaklap pa ay maging ang tunay kong pagkatao ay katanungan pa rin sa akin hanggang ngayon. Pero paano ko nga ba malalaman ang tunay kong katauhan at pinagmulan kung ang mga taong tanging nakakaalam ng kasagutan sa mga tanong ko ay wala na.
Siguro nga’y wala na akong iba pang pamimilian sa ngayon kundi ang mag-go with the flow. Hahayaan ko na lang na isipin nilang lahat na wala akong ideya sa itinatago nila hanggang sa sila na mismo ang madulas at masabi nila sa ‘kin ang bagay na tinatago nila. Pero pupuwede rin namang ako na mismo ang humanap ng sagot at tumuklas sa misteryo ng pagkatao ko. Pero bago ‘yon ay kailangan ko munang pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas ng kapangyarihan ko para kung sakali mang may panganib akong kaharapin sa gagawin kong desisyon ay magagawa kong pangalagaan ang sarili ko.
Sa ngayon ay tanging ang kapangyarihan ko lang ang maaari kong kapitan. Kaya sa ngayon ay ito na muna ang pagtutuunan ko ng pansin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top