CHAPTER 43: WINGS OF A FAIRY

KAIDEN’S POV

Ngayon ay araw ng Biyernes at katulad ng napagkasunduan ay doon na sa Mesh Kingdom dumiretso si Thea pagkatapos ng klase niya para mag-ensayo. Tapos na kasi akong sanayin siya sa pagpapalabas‚ paggamit at pagkontrol ng fire at ice charm niya kaya ngayon ay ang air charm naman niya ang pagtutuunan niya ng pansin. Nagkaroon na rin naman si Thea ng ilang araw na pahinga pagkatapos ng pagsasanay namin kaya may lakas na ulit siyang magsanay. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat‚ hindi lang si Thea ang nagsasanay. Maging ako ay palihim ding nagsasanay sa paggamit ng bago kong kapangyarihan at iyon ang pinagkaabalahan ko nitong mga nakaaraang araw. Matapos kasi ang isang linggong pagsasanay ko kay Thea ay ako naman ang nagsanay kaya hindi pa rin ako nakapasok ng akademya sa loob ng mga sumunod na araw.

Ang totoo niyan‚ nagsimula ang pagsasanay ko noong araw na pumasok na ulit si Thea sa akademya. Noong araw na sinabi ko sa kaniya na may aasikasuhin ako ay ang siya ring araw na kinausap ko si ama tungkol sa air charm ko na basta na lang lumabas noong mga panahong nalagay siya sa panganib. At ang payo sa akin ni ama ay ang pag-aralan ko kung paano ito gamitin at palakasin para daw magamit ko ito sa panahong kailanganin ko ito na siya namang ginawa ko.

Sa ngayon ay kasalukuyan akong nasa hardin para magpahangin at tanawin ang mga nagliliwanag na bituin sa kalangitan. Hindi kasi ako makatulog kaya napagpasyahan kong lumabas na muna sa halip na magkulong ako sa aking silid at tumunganga habang naghihintay na dalawin ako ng antok.

“Kuya!” masayang tawag sa akin ni Kamila na nakaagaw ng atensyon at nagpalingon sa akin sa kanang direksyon ko kung saan nanggagaling ang boses ni Kamila na kasalukuyan nang tumatakbo patungo sa direksyon ko.

“Kuya‚ sabihan mo ako kapag dumating na si Ate Thea ah‚” bilin sa akin ni Kamila na hindi ko na mabilang pa kung ilang ulit na niyang sinabi sa araw na ito.

Ang totoo nga niyan ay kahit noong kaaalis pa lang ni Thea ay nagbilin na agad si Kamila na ipaalam ko sa kaniya kapag bumalik na si Thea. Kaya nga nakapagtataka kung paanong napapayag ni Thea si Kamila na doon na muna siya kina Athena gayong palagi siyang hinahanap ni Kamila kahit pa saglit lang siyang mawala. E noong nakaraan nga na hindi siya nakauwi dahil sa pagdala sa kaniya Athena sa kaharian nila nang walang pasabi ay halos hindi na makatulog si Kamila sa kaiiyak dahil sa paghahanap niya kay Thea. Pero kung anuman ang ginawa o sinabi ni Thea para mapapayag niya si Kamila ay hindi na mahalaga ‘yon. Ang mahalaga lang ngayon ay hindi umiiyak si Kamila sa paghahanap sa kaniya.

“Huwag kang mag-alala dahil sa oras na makabalik si Thea ay ikaw ang unang-una kong sasabihan. Kaya pumunta ka na sa silid mo at matulog ka na para may lakas kang salubungin ang pagdating ng Ate Thea mo matapos ang pagsasanay niya‚” masuyong wika ko kay Kamila para pumasok na siya sa loob ng palasyo at nang sa gayon ay maaga siyang matulog.

Lumalalim na rin kasi ang gabi at makakasama sa kalusugan ni Kamila kung mananatili siya sa labas lalo na’t malamig na rin ang simoy ng hangin.

“Hala! Oo nga pala. Nakalimutan ko. Lagot ako nito kay ate. Baka hindi na niya ako bigyan ng regalo kapag hindi ako natulog nang maaga‚” nag-pa-panic na sambit ni Kamila saka sapilitan niya akong pinaupo para magpantay kami. “Papasok na ako sa loob. Magandang gabi sa ‘yo!” paalam ni Kamila at hinalikan pa niya ako sa kaliwang pisngi ko bago siya patakbong pumasok ng palasyo.

Nang makaalis si Kamila ay iling-iling na lamang akong tumayo dahil sa bigla niyang pagkawala na dinaig pa ang toro sa bilis niyang tumakbo. Mayamaya’y napangiti na lamang ako nang mag-isa nang maalala ko ang pagbanggit ni Kamila kay Thea. Mukhang may kasunduan silang dalawa ni Thea at mukhang ito rin ang dahilan kung bakit excited si Kamila sa pagbalik ni Thea.

“Kaiden‚ anak‚” malambing na tawag ng isang boses na nakaagaw ng atensyon ko.

Napaangat ako ng tingin sa nagsalita at nang mapako ang tingin ko kay ina na nakatayo ilang metro ang layo mula sa ‘kin ay tipid na lamang akong napangiti at dali-dali akong lumapit sa kaniya. Nang makalapit ako kay ina ay agad ko siyang ginawaran ng magaang halik sa kaniyang kaliwang pisngi saka agad din akong lumayo para magkaroon ng distansya sa aming pagitan.

“Hindi ka pa ba matutulog? Gabi na ah‚” may pag-aalalang tanong ni ina.

“Mamaya na po siguro. Hindi pa naman ako inaantok‚” tugon ko at tipid kong nginitian si ina para hindi na siya mag-alala pa.

Isang nanunuksong ngiti ang sumilay sa labi ni ina matapos kong sagutin ang tanong niya. “Naku. Itong anak ko talaga‚ binata na. Kaaalis pa lang ni Thea‚ nangungulila ka na agad‚” panunukso sa akin ni ina at nangingiti niya pang ginulo ang buhok ko.

“Tss!” I just rolled my eyes at mom.

Mas lalo namang napangiti si ina dahil sa naging reaksyon ko sa panunukso niya sa ‘kin.

“Ayan ka na naman sa kaka-tss mo. E alam naman nating pareho na nagbago ka na simula nang bumalik si Thea‚” nanunuksong saad ni ina saka bigla na lamang siyang sumeryoso sa hindi ko malamang dahilan. “Pero‚ anak‚ ang payo ko lang sa ‘yo ay huwag na huwag mo na siyang pakakawalan. Ipaglaban mo siya hanggang sa kahuli-hulihang hininga mo. Minsan na kayong pinaglayo ng tadhana kaya huwag ka nang papayag na maulit pa ‘yon. Tama na ang mahigit siyam na taong hindi kayo nagkasama. Tama na ang mahigit siyam na taong naging miserable ang buhay mo. Hindi ko na rin kakayanin pa kapag nakita kita ulit na parang mababaliw sa kahahanap sa kaniya‚” seryosong dagdag ni ina na puno ng pagmamahal na nakatingin sa mga mata ko.

Napangiti na lamang ako sa mga salitang binitiwan ni ina. Nakakataba ng puso na siya pa mismo ang nagtutulak sa akin na ipaglaban ko ang nararamdaman ko kay Thea. Pero hindi naman na ako nagulat pa na marinig ito kay ina dahil noon pa man ay suportado na ni ina ang nararamdaman ko para kay Thea na hindi ko na ipinagtataka pa dahil mga bata pa lang kami ni Thea ay talagang magkasundong-magkasundo na sila ni ina. Sa katunayan ay halos hindi na nga sila mapaghiwalay ni ina tuwing nasa palasyo siya noong mga panahong nabubuhay pa siya bilang si Kiana. Kaya naman labis-labis ang tuwa ni ina nang sabihin ko sa kaniyang buhay pa si Kiana na naging dahilan para walang pag-aalinlangan niya akong pahintulutang manatili sa mundo ng mga tao. Nang malaman kasi ni ina ang dahilan kung bakit bigla na lang akong nawala noong mangyari ang digmaan ay hindi siya nagdalawang-isip na muli akong pabalikin sa mundo ng mga tao para ipagpatuloy ang misyon kong hanapin ang babaeng pinakamamahal ko na nagawa ko naman kaya ngayon ay magkasama na kaming muli. At ngayong magkasama na ulit kami ay ipinapangako kong wala ng kahit ano o sino ang makapaghihiwalay pa sa ‘min.

✨✨✨

ALTHEA’S POV

Ngayon ang unang araw ng ensayo namin ni Jane sa kanilang kaharian kaya maaga pa lang ay naghanda na kami. Mabuti na nga lang at dito na ako sa kanila dumiretso ng uwi kahapon galing akademya kaya hindi ko na kailangan pang gumising nang sobrang aga para lang maglakbay papunta rito.

Hindi nabanggit sa akin ni Jane kung ilang araw ang aabutin ng ensayo namin kaya hindi ko alam kung gaano ako katagal mananatili sa kaharian nila. Ang nabanggit niya lang sa ‘kin ay si Kaleb na raw ang bahalang magturo sa ‘kin kung paanong kontrolin ang earth at water charm ko.

Sa ngayon ay kasalukuyan kong sinusuklay ang mahaba kong buhok habang hinihintay ko ang pagdating ni Jane. Nagpaalam kasi siyang bababa raw muna siya para ihanda ang mga kakailanganin namin sa ensayo.

Nang lumipas ang ilang minuto at hindi pa rin bumabalik si Jane ay napagpasyahan kong abalahin na lamang ang sarili ko sa pag-aayos ng buhok ko.

Fishtail braid ang napili kong hairstyle dala ng pagkabagot ko sa paghihintay kay Jane. Sakto namang natapos na ako sa pag-aayos ng buhok ko nang pumasok si Jane ng silid niya kung saan ako naroon.

“Are you ready‚ Gwyn?” nakangiting tanong ni Jane na hindi na maitago pa ang excitement niya para sa magaganap na ensayo.

“Hindi pa ba obvious ang sagot sa damit na suot ko?” nakataas ang kilay kong tugon saka ako maingat na tumayo at nakangiti kong iminuwestra ang kamay ko sa kabuuang ayos ko.

Agad namang nabaling ang tingin ni Jane sa damit ko dahil sa naging sagot ko. Pinasadahan niya ng tingin ang suot ko mula sa suot kong gray na sando na naka-tuck in sa isang itim na jogger hanggang sa suot kong itim na lace up boots at kaagad na umarko ang kilay niya nang masuri na niya ang kabuuang ayos ko. Ngunit bago pa man siya makapagkomento ay bigla na lamang pumasok ng silid ang isang tagapagsilbi ng palasyo na nakayukong tumigil sa kaniyang likuran ilang metro ang layo mula sa kaniya.

“Mahal na prinsesa‚ nakahanda na po ang lahat ng kailangan ninyo‚” nakayukong pahayag ng tagapagsilbi.

Kaagad namang napangiti si Jane sa kaniyang narinig at basta na lamang niya akong hinila palabas ng silid bago pa man ako makapagsalita.

“Let’s go!” masiglang sigaw ni Jane na halatang hindi na makapaghintay na simulan namin ang aming ensayo.

Wala naman na akong nagawa pa kundi ang tahimik na magpatianod kay Jane at hayaan siyang dalhin ako sa likurang bahagi ng palasyo kung saan tanging malawak na damuhan lang ang makikita at ilang mga puno.

Hindi ko naman maiwasan ang mangunot ang noo ko nang mapako ang tingin ko sa mga kawal ng palasyo na nakatayo nang tuwid hindi kalayuan sa amin habang may pinagtutulungan silang buhatin na isang malaki‚ matibay‚ malambot at makapal na pabilog na tela na hindi ko alam kung para saan. Katulad ito ng mga ginagamit ng mga artista sa pelikula kapag may shooting sila kung saan tatalon ang bida. Sa madaling salita‚ ito ang ginagamit pangsalo para hindi masaktan ang sinumang tatalon o mahuhulog mula sa isang mataas na gusali.

“Bakit may ganiyan?” hindi na napigilang tanong ko kay Jane habang nakaturo ang hintuturo ko sa bagay na hawak ng mga kawal.

“Secret. Gusto mong malaman? Surprise! Haha!” tumatawang sagot ni Jane na ikinangiwi ko.

“Tsk! Mukhang napasok na ng sarili mong hangin ‘yang utak mo. Umpisahan na nga natin ang ensayo‚” tugon ko bago pa tuluyang mabaliw si Jane.

Hindi naman na ako nagdalawang-sabi pa dahil agad na rin namang kumilos si Jane para umpisahan ang ensayo namin.

Unang itinuro sa akin ni Jane ay kung paanong pagalawin ang mga kawal hindi kalayuan sa ‘min gamit lamang ang air charm ko na pahirapan ko pang napagtagumpayan. Noong una kasi ay palaging nahuhulog ang mga kawal kaya ilang ulit din silang napadaing. Mabuti na nga lang at may nakaantabay nang dalawang healer sa mismong pinag-eensayuhan namin kaya agad ding nalulunasan ang pananakit ng katawan ng mga napagtitripan kong kawal.

Nang makuha ko na sa wakas kung paanong magpagalaw ng isang bagay o tao mula sa malayo ay sunod namang itinuro sa akin ni Jane kung paano ko hahawakan nang mahigpit ang mga kawal gamit lamang ang hangin na para bang nasa harapan ko sila at talagang nahahawakan ko sila. Itinuro din sa akin ni Jane kung paano itapon sa kung saan ang kahit anong bagay o kahit sinong nilalang na mahahawakan ko gamit ang air charm ko. At ang pinaka-challenging sa lahat ng itinuro sa akin ni Jane ay kung paanong kumitil ng buhay sa pamamagitan ng pag-aalis ng hangin sa katawan ng target sa loob lamang ng ilang segundo. Pero wala naman kaming pinatay sa pagsasanay namin dahil ang pinag-ensayuhan naman namin ay ilusyon lang na gawa ni Tita Aurora.

“Ngayon naman ay tuturuan kita kung paanong gumawa ng air tornado‚” nakapamaywang na sabi ni Jane na taas-noong nakatingin sa harapan namin.

Hindi ko naman maiwasan ang nakapamaywang ding harapin si Jane dahil sa pagiging seryoso niya.

“At talagang pinanindigan mo na ang pagiging trainer ko?” nakataas ang kilay kong tanong.

Agad na pumihit paharap sa ‘kin si Jane at binigyan niya ako ng seryosong tingin. “Oo. Kaya bumalik na tayo sa pag-eensayo para matapos na ‘to‚” puno ng awtoridad na tugon ni Jane.

Napailing-iling na lamang ako sa biglang pagseseryoso ni Jane at hindi na ako nakipagsagutan pa sa kaniya. Muli na lamang kaming bumalik sa pag-eensayo namin dahil katulad ni Jane ay gusto ko na ring matapos ‘to para makapagpahinga na kami.

Naging madali na lang naman sa ‘kin ang paggawa ng air tornado dahil medyo nasasanay na ako sa paggamit ng air charm ko. Kaya naman ay marami pang naituro sa akin si Jane sa mga sumunod na oras. Sa katunayan ay maging ang pagsasanay ng kakayahan kong manggamot na wala namang kinalaman sa air charm namin ay hindi niya pinalampas na hindi ko na natanggihan pa dahil bago pa man ako magreklamo o kumontra ay may sinugatan na siyang kawal na kailangan ko raw gamutin bago pa ito maubusan ng dugo. At kahit na nainis ako sa ginawa ni Jane sa kawawang kawal ay hindi ko pa rin magawang tuluyang magdamdam dahil worth it naman ang kabaliwang pinaggagagawa niya dahil natuto naman ako kaagad manggamot.

“And now... for the grand finale—”

“Wait. What? Anong grand finale ka riyan? Hindi pa ba tayo tapos?” gulat kong tanong nang mabanggit ni Jane ang tungkol sa grand finale na hindi naman niya nabanggit kanina.

Ang totoo nga niyan ay akala ko tapos na kami sa pag-eensayo namin. Medyo madilim na rin kasi at pagod na rin ako. Saka ni hindi nga kami nakapagpahinga kaninang tanghalian. Kumain lang kami saglit tapos bumalik din kaagad kami sa pagsasanay. Kaya gustong-gusto ko na lang talagang matulog ngayon.

“Not yet. Kaya set back‚ relax and fasten your seatbelt‚” nakangising tugon ni Jane na parang may binabalak na hindi maganda.

“Tsk. Kung hindi lang kita kaibigan...” naiiling na sambit ko.

Muntik naman na akong mapasubsob sa damuhan nang bigla na lamang akong hilahin ni Jane patungo sa pinakagitna ng malawak na field. Ngunit sa halip na singhalan ko si Jane dahil sa ginawa niyang pagkaladkad sa ‘kin ay napaawang na lamang ang bibig ko nang biglang inihanda ng mga kawal ang pabilog na bagay na hawak nila magmula pa kanina nang sandaling tumigil kami sa mismong gitna ng field.

“Wait... Don’t tell me...”

“Yes‚ my dear. Susubukan nating palabasin ang mga pakpak mo na likas sa mga air charmer na tulad natin‚” nakangising sagot ni Jane na nagpabilog ng mga mata ko.

“No way!” bulalas ko at tatalikuran ko na sana si Jane para iwan siya ngunit bago pa man ako pumihit para talikuran siya ay hinigit na niya ang kaliwang braso ko.

“Yes way‚ highway. Kaya be ready because this would be exciting!” nakangiting tugon ni Jane na hindi na maitago pa ang excitement niya.

Hindi ko na napigilan pa ang magpumiglas mula sa pagkakahawak ni Jane dahil sa sinabi niya at sa ngiting nakapinta sa labi niya. Ngunit kahit anong pagpumiglas ko ay ayaw talaga niya akong bitiwan kaya naman ay pinandilatan ko na rin siya ng mata. Pero katulad kanina ay wala pa rin itong naging epekto kay Jane at hindi pa rin nabura ang ngiti sa labi niya.

Mas lalo pa akong naging desperado na makawala mula sa pagkakahawak ni Jane sa bawat segundong lumilipas. Ngunit nang mahagip ng paningin ko sina Tita Aurora at Tito Isaiah na masayang nanonood sa amin mula sa malayo ay bigla na lamang akong natigil sa pagpupumiglas ko kasabay ng unti-unti kong pagkalma.

Hindi ko yata kayang ako pa ang magiging dahilan para mabura ang ngiti sa labi nina Tita Aurora.

“Sina ina lang naman pala ang katapat mo‚” sambit ni Jane na nahuli kong ngiting-aso nang nakatingin sa ‘kin.

Napaikot na lang ako ng mata at hindi ko na pinatulan pa si Jane. Kung tutuusin naman kasi ay ako rin ang makikinabang sa binabalak niya kaya mas mabuti pang hayaan ko na lang siya para matapos na ‘to at para hindi na humaba pa ang usapan.

“Stand straight! Inhale... Exhale...” utos sa akin ni Jane na sinusunod ko naman nang walang karekla-reklamo.

“Now‚ feel the presence of your power‚” seryosong utos sa akin ni Jane makalipas ang ilang segundo.

Walang pag-aalangan ko namang sinunod ang sinabi ni Jane kaya marahan kong ipinikit ang mga mata ko at pinakiramdaman kong mabuti ang kapangyarihan na nasa loob-loob ko katulad ng sinabi ni Jane.

“Now‚ let it go and spread your arms wide‚” muling utos sa akin ni Jane.

Agad ko namang sinunod ang sinabi ni Jane at walang pag-aalinlangan kong pinakawalan ang kapangyarihang nasa loob ko kasabay ng pagdipa ko ng mga braso ko. Kasunod nito’y naramdaman ko na lamang ang banayad na pag-ihip ng hangin na tila ba hinehele ako nito. Ngunit ang pagheleng naramdaman ko ay agad ding naglaho nang may maramdaman akong kirot sa bandang likod ko‚ animo’y may dalawang matulis na bagay ang isinaksak sa likod ko.

“Ahh!” mariing daing ko at bahagya pa akong napaigtad dala ng sakit na dulot ng kung anong matulis na bagay na tumusok sa likod ko.

Sa gitna ng kaguluhan ko sa kung anong tumusok sa likod ko ay narinig ko ang marahang pagtawa ni Jane na para bang may napanood siyang isang nakakatawang eksena na ikinakunot ng noo ko. Ngunit agad ding napalitan ng nagtatampong ekspresyon ang kaninang kaguluhang mababakas sa mukha ko nang biglang sumagi sa isipan ko na maaaring si Jane ang dahilan kung bakit kumirot ang likod ko kanina.

“Jane‚ naman! Huwag ka ngang nangungurot diyan! Ang sakit kaya!” nakasimangot kong reklamo na mas lalong nagpalakas ng tawa ni Jane.

“Tsk! Come on‚ Gwyn. You can now open your eyes‚” natatawang wika ni Jane.

Kahit na naguguluhan pa rin ako sa mga nangyayari ay walang tanong-tanong ko pa ring sinunod ang sinabi ni Jane. Mabilis akong nagmulat at kasabay ng pagmulat ko ay ang pamimilog ng mata ko nang agad na matuon ang tingin ko sa pakpak na nasa likuran ni Jane.

“J-Jane‚ pa...pakpak ba ‘yan?” hindi makapaniwalang tanong ko at nanginginig ko pang itinuro ang pakpak niyang katulad ng pakpak ng isang paruparo. Kulay puti ito at may linings itong asul na marahil ay simbolo ng ice charm niya.

“Haha! Para kang nakakita ng multo. But why don’t you try to look at yourself?” tumatawang tugon ni Jane na mas lalong ikinagulo ng isipan ko.

Naguguluhan man ako sa nangyayari ay nagawa ko pa ring pasadahan ng tingin ang sarili ko. Ngunit sa halip na malinawan ako ay mas lalo lamang gumulo ang isip ko kasabay ng panlalaki ng mga mata ko nang may makita akong tila pakpak sa likuran ko.

“Jane‚ can you summon a full-length mirror for me?” wala sa sariling tanong ko na agad namang sinunod ni Jane nang wala ng tanong-tanong pa.

Ilang segundo lamang nga ay may lumitaw nang isang malaking oval-shaped na salamin sa harapan ko at mas lalo pang namilog ang mga mata ko kasabay ng pag-awang ng bibig ko nang makita ko ang sarili kong repleksyon sa salamin.

Kitang-kita ko sa salamin ang pakpak na nasa likuran ko. Ngunit hindi ito katulad ng pakpak ni Jane. Sa halip ay katulad ito ng pakpak ni Ayesha: matulis ang dulo at transparent. Pero buhay na buhay pa rin itong tingnan kahit pa transparent ito dahil sa iba-iba nitong kulay tulad ng pula‚ lime‚ silver at cyan. Pero mas nangingibabaw pa rin ang kulay puti dahil sa tingkad at kinang nito na talaga namang agaw-pansin. Ngunit bukod dito ay isa pang nakakaagaw ng pansin ay ang linings ng pakpak ko na gold na mas lalong nagpakinang at nagpaganda rito.

“Ang ganda!” bulalas ko habang titig na titig pa rin sa sarili kong repleksyon sa salamin.

“Pakpak mo na mismo ang nagpatunay kung gaano ka kalakas‚ Gwyn‚” nakangiting wika ni Jane na tuwang-tuwang hinihimas ang pakpak ko.

Nakangiti kong binalingan ng tingin si Jane matapos kong pagsawaang pagmasdan ang pakpak ko sa harapan ng salamin.

“Ano? Tapos ka na bang titigan at himasin ang pakpak ko?” nakangising tanong ko kay Jane para asarin siya.

Agad namang natigil si Jane sa ginagawa niyang paghimas sa pakpak ko at nakangisi niyang sinalubong ang tingin ko.

Hinintay kong magsalita si Jane sa pag-aakala kong gaganti siya ng pang-aasar sa ‘kin ngunit wala akong narinig ni isang salita sa kaniya. Kaya naman ay hindi ko na napigilan pa ang pagkunot ng noo ko at akmang tatanungin ko na sana siya kung may problema ba pero bago ko pa man maibuka ang bibig ko ay naputol na ang sana’y sasabihin ko nang hawakan ako ni Jane sa kanang kamay ko at basta na lamang siyang lumipad paitaas tangay-tangay ako.

“Wahhh! Ibaba mo ako!” buong lakas kong sigaw kasabay ng pagpupumiglas ko. Hindi ko na alintana pa kahit mawalan man ako ng boses sa lakas ng sigaw ko.

Mas lalo pa akong nataranta at nagpumiglas nang mas lalo pang pumaitaas si Jane na para bang balak niyang abutin ang mga ulap.

“Jane‚ nalulula na ako! Masyado nang mataas ‘to!” reklamo ko habang bahagya na akong napapapikit dahil sa unti-unting pagkalula at dala na rin ng takot ko.

“Come on‚ Gwyn! Open your eyes and feel the air!” sigaw ni Jane na panay pa ang tawa habang ako naman ay bahagya nang nanginginig sa takot.

“Ayoko! Kaya ibaba mo na ako!” naiinis nang sigaw ko kay Jane dahil sa hindi niya pakikinig sa ‘kin.

“Bumaba ka mag-isa mo‚” pabalang na tugon ni Jane na nahihimigan kong nakangisi na‚ animo’y may binabalak siyang hindi maganda.

Agad naman akong naalarma nang magkaideya ako sa kung anong binabalak ni Jane. Pero bago ko pa man siya mapigilan sa balak niya ay naramdaman ko na ang pagbitiw niya sa kamay ko at kasunod nito’y naramdaman ko na lang din ang unti-unti kong pagbulusok pababa.

“Aaaahhhhh!” buong lakas kong sigaw at mas lalo pa akong napapikit para hindi ko makita kung gaano kataas ang kinaroroonan ko.

“Isipin mo na nakakalipad ka at magagawa mo ito. Maniwala ka sa kakayahan mo‚” sambit ng isang maliit na boses na nakaagaw ng atensyon ko.

Kahit pa nakapikit ako ay nagawa ko pa ring makilala ang boses na narinig ko na tiyak kong galing kay Ayesha. Kaya naman ay walang pag-aalangan kong sinunod ang sinabi niya kahit pa hindi naman ako siguradong magagawa ko talagang lumipad katulad ng sinabi niya.

Kinalma ko na muna ang sarili ko at inalis ko lahat ng gumugulo sa isip ko. Pagkatapos ay inisip ko na nasa dagat ako at nagpapalutang.

Nang pakiramdam ko ay nagawa ko nang ibalanse ang sarili ko at nakalutang na lamang ako sa ere ay inisip kong nakakalipad ako at inisip ko rin na nagagawa ko nang igalaw ang pakpak ko. Ilang segundo nga lang ay naramdaman ko na ang unti-unti kong pag-angat dahil sa banayad na hanging sumasalubong sa ‘kin.

“Nagawa mo!” tuwang-tuwang sigaw ni Ayesha na nagpangiti sa ‘kin.

Nanatili pa rin akong nakapikit sa loob ng ilang minuto at saka lamang ako nagmulat ng mata nang matiyak kong kaya ko nang kontrolin ang pakpak ko kahit na nakadilat ako.

Kaagad na sumilay ang ngiti sa labi ko nang sa pagdilat ko ay mukha ni Ayesha ang bumungad sa ‘kin.

“Ayesha‚ you’re here!” tuwang-tuwang bulalas ko.

“Saan ka ba nagsususuot? Ang tagal kitang hindi nakita‚” nananabik kong saad at yayakapin ko sana si Ayesha ngunit bigla akong napaatras nang maalala ko kung gaano siya kaliit.

“Humihingi ako ng paumanhin sa hindi ko pagpapakita nang matagal. Masyado lang kasi akong naging abala sa kaharian‚” paghingi ni Ayesha ng paumanhin at bahagya pa siyang yumuko sa harapan ko na para bang isang maharlika ang kaharap niya.

“Gwyn‚ sinong kausap mo?” takang tanong ni Jane mula sa likuran ko na nagpapihit sa ‘kin paharap sa kaniya.

Nang makita ko ang kunot na kunot na noo ni Jane na para bang may ginawa akong out of this world ay napangisi na lamang ako lalo na nang may maisip akong kalokohan para makaganti sa pinaggagagawa niya sa ‘kin kanina.

“Ghost. Gusto mo pakausap ko sa ‘yo?” nakangising tugon ko.

Bigla namang namutla si Jane sa sinabi ko na mas lalong nagpangisi sa ‘kin. Reaksyon pa lang niya‚ bawing-bawi na ako.

“H-Huwag na oy! Kausapin mo mag-isa mo!” mariing tugon ni Jane na hindi na maitago pa ang takot dahil sa pamumutla niya at panginginig ng labi niya.

Hindi ko na napigilan pa ang sarili ko at humagalpak na ako ng tawa dahil sa reaksyon ni Jane na mukhang sineryoso talaga ang sinabi ko.

“Para kang baliw. Naniniwala ka talagang may multo rito sa mundo ninyo?” tumatawang tanong ko.

Napaisip naman si Jane sa tanong ko pero hindi pa rin nawala ang takot niya makalipas ang ilang segundo niyang pag-iisip.

“Aba! Malay ko sa ‘yo! Malay mo naman ngayon lang nila naisipang dumalaw rito!” tugon ni Jane na bahagya nang tumaas ang boses.

Mas lalo namang lumakas ang tawa ko dahil sa naging sagot ni Jane.

“I’m just kidding‚” tumatawa pa ring saad ko bago ko binalingan ng tingin si Ayesha na nakatago sa may likuran ko.

“Ayesha‚ halika rito‚” nakangiting yaya ko kay Ayesha.

Walang pag-aalinlangan namang lumipad si Ayesha papunta sa harapan ko‚ sa pagitan namin ni Jane at nakangiti niyang sinalubong ang namimilog na mga mata ni Jane.

“Magandang hapon!” nakangiting bati ni Ayesha kay Jane at bahagya pa siyang yumuko‚ waring kilala na niya si Jane bago ko pa man ipakilala sa kaniya si Jane.

“Princess Ayesha?” hindi makapaniwalang bulalas ni Jane na natagalan pa ng ilang minuto bago siya makabawi sa pagkabigla niya.

“Ako nga po‚” nakangiting tugon ni Ayesha.

Ilang minuto pang tinitigan ni Jane si Ayesha na para bang hindi siya makapaniwala sa nakikita niya bago unti-unting gumuhit sa mukha niya ang masayang ekspresyon.

“Ikaw nga! Teka...” Sadyang tumigil si Jane sa pagsasalita at inilipat niya sa akin ang tingin niya. “Paanong nakikita mo siya‚ Gwyn?” pagbaling niya sa ‘kin ngunit bago ko pa man maibuka ang bibig ko para sumagot ay muli na siyang nagsalita. “Wait... Hindi mo na kailangang sagutin. Alam ko na pala ang sagot.”

Kaagad na nawala ang ngiti ko dahil sa huling sinabi ni Jane. Hindi ko na rin napigilan pa ang muling tanungin ang sarili ko sa kung anong alam ni Jane tungkol sa tunay kong pagkatao at kung hanggang kailan niya ito balak itago sa ‘kin.

“Halika. Ipakikilala kita kina ina‚” excited na yaya ni Jane kay Ayesha at akmang mauuna na siyang lumipad pababa‚ patungo sa kinaroroonan nina Tita Aurora ngunit mabilis siyang pinigilan ni Ayesha.

“Pasensya na po‚ mahal na prinsesa‚ ngunit kailangan ko na pong magpaalam. Tumakas lang kasi ako sa aming kaharian para puntahan at tulungan si Thea matapos kong marinig ang pagsigaw niya. Kaya kailangan ko ring bumalik agad‚” paghingi ni Ayesha ng paumanhin kay Jane at bahagya pa siyang yumuko.

Muling sumilay ang isang matamis na ngiti sa labi ko dahil sa sinabi ni Ayesha. Sobrang nakakataba ng puso na malamang nagawa pa rin niyang puntahan at tulungan ako sa kabila ng pagiging abala niya sa kaharian nila at ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi pa rin ako nawawalan ng tiwala at pananalig sa mga nakapaligid sa ‘kin sa kabila ng paglilihim nila sa ‘kin.

“Ganoon ba? Sayang naman‚” nakasimangot na sambit ni Jane ngunit agad din siyang ngumiti bago pa man tuluyang lumungkot ang atmospera ng paligid. “Pero may next time pa naman. Kaya hindi ko na ipipilit pa ang gusto ko. Mag-iingat ka‚” nakangiti nang saad ni Jane.

Agad na ngang nagpaalam sa amin si Ayesha at nagmamadali na siyang bumalik sa kaharian nila dahil sa tungkuling naiwan niya bilang nag-iisang tagapagmana ng kaniyang inang reyna.

Nang makaalis si Ayesha ay agad na rin kaming bumaba ni Jane at dumiretso na kami sa kwarto niya para magpahinga matapos niyang ituro sa ‘kin kung paanong paglalahuin ang pakpak ko.

Nang marating namin ang silid ni Jane ay kaagad kaming dumiretso sa kama at pabagsak kaming humiga rito. Ngunit nang ipipikit ko na sana ang mata ko ay may bagay akong naalala‚ dahilan para mawala na parang bula ang kagustuhan kong matulog.

“Jane?” mahinang tawag ko kay Jane para alamin kung gising pa ba siya.

“Hmmm?” tanging tugon ni Jane.

“Can you teach me how to summon things?” mahina pa ring tanong ko na sapat lang para marinig ni Jane.

Alam kong kalabisan na kung may aaralin pa akong abilidad gayong maghapon na kaming nagsanay. Alam ko ring hindi ko dapat inaabuso ang katawan ko. Pero kailangan ko lang talagang matutunan kung paanong mag-summon ng mga bagay-bagay. Bigla ko kasing naalala ang pangako ko kay Kamila. E wala naman akong mabibili rito na pwede kong ipangregalo kaya wala talaga akong choice kundi gamitin ang oras na ‘to sa pag-aaral mag-summon ng mga bagay-bagay kaysa ipahinga ko ito. Saka maaari ko rin namang magamit ang kakayahang ito kapag may emergency kaya maganda rin na matutunan ko na ito ngayon pa lang.

“It’s easy. All you have to do is to open your hand and then think of anything that you want to summon. Or you can omit the first step and just move to the next one. And then... viola. It will appear out of nowhere‚” tamad na paliwanag ni Jane na hindi man lang nagmulat ng mata habang nagsasalita.

Magsasalita pa sana ako para tumugon sa sinabi ni Jane ngunit hindi ko na nagawa pang ibuka man lang ang bibig ko nang maghikab si Jane.

“Mauna na akong matulog sa ‘yo. Good night. See you in dreamland‚” huling sinabi ni Jane bago siya tuluyang makatulog.

Napangiti na lamang ako habang pinagmamasdan ko ang mukha ng natutulog na si Jane. Halata sa mukha niya ang pagod ngunit hindi mo pa rin siya kakikitaan ng pagsisisi kahit pa kinain ng pagsasanay namin ang oras niya sa maghapon. Mas lalo lang tuloy akong nabibigyan ng dahilan na pagkatiwalaan siya kahit pa marami siyang inililihim sa ‘kin.

Ilang minuto ko pang pinagmasdan ang mukha ni Jane bago ako bumangon para subukan ang sinabi niyang paraan kung paano mag-summon ng mga bagay-bagay.

Nang maayos na akong makaupo sa ibabaw ng kama sa tabi ni Jane ay mabilis kong ibinukas ang kanang kamay ko at marahan kong ipinikit ang mga mata ko. Pagkatapos ay nag-isip ako ng isang bagay na gusto ko: isang makabagong cellphone.

Ilang minuto nga lang ay may naramdaman na akong bagay na bigla na lang sumulpot sa kamay ko. Kaya naman ay excited kong iminulat ang mga mata ko. Ngunit ganoon na lamang ang pagkadismaya ko nang isang plastic at laruang cellphone ang bumungad sa ‘kin. Ngunit sa halip na panghinaan ako ng loob ay ilang beses pa akong sumubok na mag-summon ng makabagong cellphone. At sa kabutihang palad ay nagawa ko namang makapag-summon nito matapos ang ilang subok ko.

Bukod sa cellphone ay marami pa akong bagay na matagumpay kong na-summon nang hindi na kailangan pang nakapikit ang mga mata ko. At dahil sa panibago na namang achievement na ito ay nakangiti pa rin akong natulog sa kabila ng pagod ko.

✨✨✨

A/N: Ayan! Unti-unti nang natututunan ng ating bida na palabasin‚ gamitin at kontrolin ang mga kapangyarihang taglay niya!🌷

Kung may mga katanungan man po kayo regarding this story‚ just leave it in the comment section. I’m going to answer those questions of yours if I have enough time🤗

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top