CHAPTER 42: OWNING HER LIFE

ALTHEA’S POV

Mabilis na lumipas ang mga araw at hindi ko na namalayan pang isang linggo na pala akong hindi pumapasok sa akademya. Ngunit marami pa rin naman akong natutunan kahit hindi ako pumasok ng akademya sa loob ng isang linggo dahil puspusan ang pagsasanay sa akin ni Kaiden na para bang may laban kaming pinaghahandaan. Hindi lang naman kasi nagpokus si Kaiden sa pagtuturo sa akin kung paanong kontrolin ang kapangyarihan ko. Tinuruan niya rin ako kung paanong magpatumba ng kalaban nang mano-mano‚ kung paanong humawak at gumamit ng patalim‚ kung paanong pumana‚ mangabayo at marami pang iba.

Dahil nga marami na namang naituro sa akin si Kaiden ay hindi na ako nagulat pa nang sabihin niyang maaari na akong pumasok ulit ng akademya ngayong araw. Ngunit nang sabihin niyang sa ibang antas na ako papasok ay doon na ako nagulat at nakaramdam ng munting kirot sa dibdib ko. Nakakalungkot lang kasing isipin na kung kailan naman ako nakahanap ng kaibigan sa katauhan ni Luna ay saka naman ako malilipat ng antas kung saan ay mahihirapan na naman akong mag-adjust dahil mga bagong mukha na naman ang makakasalamuha ko. Pero may parte rin naman sa akin ang natuwa sa nalaman ko. Kapag kasi nalipat ako sa ikatlong antas ay mas mapagtutuunan ko na ng pansin ang paggamit at pagkontrol ng kapangyarihan ko dahil ‘yon na ang pinagtutuunan ng pansin sa ikatlong antas at hindi ang mga abilidad namin. Pero para magawa ko pa ring pag-aralang palabasin at gamitin ang abilidad na maaaring taglay ko ay napagpasyahan kong magbasa na lang ng mga aklat sa library na may kinalaman dito.

“Thea!”

Agad na nabaling ang atensyon ko sa babaeng sumigaw na walang iba kundi si Luna‚ dahilan upang mapatigil ako sa paglalakad bago pa man ako makapasok ng akademya.

Sa paglingon ko sa direksyon ni Luna ay napangiti na lamang ako nang makita ko ang malawak niyang ngiti habang tumatakbo siya patungo sa direksyon ko. At mas lalo pang lumawak ang ngiti ko nang salubungin ako ni Luna ng mahigpit na yakap nang sandaling makalapit siya sa ‘kin.

Ako lang mag-isa ang pumasok ng akademya dahil nagpaiwan si Kaiden sa palasyo dahil may aasikasuhin pa raw siya. Hindi ko naman na inalam pa kung ano ‘yon dahil hindi ko naman ugaling mang-usisa sa mga bagay na wala namang kinalaman sa ‘kin. Saka kahit naman magtanong ako ay malabo rin namang sagutin ni Kaiden ang tanong ko. Pero bago ako pumasok kanina ay nagpunta pa si Kaiden sa silid na inookupa ko para isauli sa ‘kin ang bracelet na ibinigay niya dati sa ‘kin at mahigpit niyang ibinilin na huwag ko na raw itong aalisin pa sa kamay ko kahit na anong mangyari. Ayon kasi sa kaniya ay ito raw ang magsisilbing koneksyon namin na noong una ay hindi ko pa pinaniwalaan. Pero nang banggitin niyang ito ang dahilan kung bakit niya nalamang nasa panganib ako noong mga panahong naglalaban kami ng Trio ay napaniwala niya rin ako.

“Ba’t ngayon ka lang pumasok? Kumusta ka na? Mabuti na ba ang pakiramdam mo?” sunod-sunod na tanong ni Luna matapos niyang dumistansya sa ‘kin.

“Maayos na maayos na ako‚” maikli kong tugon ko at ngumiti pa ako kay Luna para mas lalong maipakita sa kaniyang maayos na ang pakiramdam ko.

“Sigurado ka ba? E mukha ka ngang matamlay. May problema ba?” may pag-aalalang tanong ni Luna na diretsong nakatingin sa mga mata ko.

Napabuntong-hininga na lamang ako dahil sa sinabi ni Luna. Kahit pala nakangiti na ako ay napansin pa rin niyang matamlay ako. Pero hindi ko rin naman maikakailang mukha akong may problema sa ayos ko. Bagsak kasi ang mga balikat ko‚ malalim ang bawat paghinga‚ walang buhay ang mga mata at matamlay ang mukha.

“Pagod lang ako‚” matamlay kong tugon na totoo naman.

Kaya lang naman ako matamlay at mukhang may problema ay dahil sa pagod dahil sa puspusan naming pagsasanay ni Kaiden. E kulang na nga lang ay mag-ensayo kami buong magdamag dahil sa dami ng itinuro niya sa ‘kin. Mabuti na nga lang talaga at naisipan na niyang papasukin ako sa akademya kaya kahit papaano ay maipapahinga ko ang katawan ko.

“Sigurado ka?” paniniguro pa ni Luna na mukhang sinusubukan yata akong paaminin kung sakali mang nagsisinungaling lang ako.

“Yeah. Pagod lang talaga ako‚” matamlay pa ring tugon ko.

Hindi naman na muli pang nagtanong si Luna. Malalim na lamang siyang napabuntong-hininga bago niya ipinulupot sa kaliwang braso ko ang kanang braso niya.

“Halika na. Samahan na kita sa bago mong silid-aralan‚” pagboluntaryo ni Luna at bago pa man ako makasagot ay nagsimula na siyang maglakad kaya wala na akong nagawa pa kundi lumakad na rin para sabayan siya.

Madali lang naman naming narating ang bago kong silid-aralan kahit pa may kalayuan ito. Hindi naman kasi kami nag-usap ni Luna habang naglalakad kaya hindi bumagal ang aming paglalakad.

“Nandito na tayo‚” wika ni Luna nang tumigil kami sa mismong tapat ng pinto ng bago kong silid-aralan.

Maingat na inalis ni Luna ang braso niya mula sa pagkakapulupot nito sa braso ko saka siya bumaling sa akin ng tingin. “Basta kapag kailangan mo ng tulong o kung anuman‚ puntahan mo lang ako‚” bilin pa niya na nagpangiti sa ‘kin.

Agad na rin namang nagpaalam si Luna kaya nagmamadali na akong pumasok ng aming silid-aralan kung saan ay naabutan kong abala pa ang mga bago kong kaklase sa kani-kanila nilang gawain‚ senyales na hindi pa nagsisimula ang klase.

Inilibot ko ang tingin ko sa paligid para humanap ng bakanteng upuan. Agad namang napako ang tingin ko sa tatlong upuang nasa kaliwa ko na nasa dulo. Pare-parehong bakante ang mga ito at wala ring anumang gamit ang nakapatong sa nag-iisang mesang nasa harapan ng tatlong upuan.

Bago pa man mabaling sa akin ang atensyon ng mga bago kong kaklase ay agad na akong naglakad palapit sa tatlong bakanteng upuang nahanap ko at pinili kong okupahin ang upuang nasa tabi ng bintana.

Pagkaupo ko sa upuang napili ko ay tamad kong ipinatong sa mesang nasa harapan ang dalawa kong braso at ginawa ko itong unan para sana umidlip at bumawi ng pahinga. Ngunit hindi ko na nagawa pang matulog matapos kong ipikit ang mga mata ko dahil kasabay ng pagpikit ng mata ko ay ang biglang pag-ingay ng paligid dahil sa bulung-bulungan ng mga bago kong kaklase.

‘Hindi ba siya ang usap-usapan ngayon sa buong akademya?’

‘Grabe! Awra pa lang niya‚ ang lakas na! Ano pa kaya kung gamitin na niya ang kapangyarihan niya?’

‘Hindi na ako nagtataka kung paano niya nagawang talunin ang Trio.’

‘Kamukha niya nga talaga!’

Napabuntong-hininga na lamang ako dahil sa biglang pag-ingay ng paligid at minabuti kong hindi na lamang pansinin ang mga naririnig ko. Pero hindi ko na nagawa pang panindigan ang pagbibingi-bingihan ko nang may biglang magsalita sa bandang kaliwa ko.

“Thea?” nag-aalangang tawag sa akin ng isang boses-babae.

Awtomatiko akong napaangat ng tingin nang marinig ko ang pagtawag sa akin ng kung sino.

Sa pag-angat ko ng tingin ay isang pamilyar na babae ang bumungad sa ‘kin na nagpasalubong ng kilay ko. Saan ko nga ba siya nakita?

“Pasensya na kung inabala ko ang pamamahinga mo. Gusto ko lang sanang magpasalamat sa ginawa mong pagligtas sa akin noong nakaraang linggo‚” wika ng babae na siyang sumagot sa tanong sa isip ko.

Dahil sa sinabi ng kaharap ko ay napagtanto kong ang babae palang nasa harapan ko ay ang walang iba kundi ang babaeng pinagtulungan noon nina Vera. Sa unang tingin ay para siyang hindi makabasag ng pinggan kaya hindi na nakakagulat pa kung bakit hindi niya nagawang lumaban noon sa Trio. Sa madaling salita‚ mukha siyang mabait at siya iyong tipo na hindi magagawang manakit kahit pa sinasaktan na siya.

“Wala ‘yon. Ginawa ko lang ang sa tingin kong tama‚” tugon ko. “Pero hindi mo dapat hinahayaan ang kahit sinong api-apihin ka kung ayaw mong mamihasa sila dahil lang alam nilang wala kang laban‚” dagdag ko para ipaalam sa kausap ko na mali na hinayaan lang niya ang Trio na apihin siya ng mga ito.

Dapat ngayon pa lang ay malaman na ng kausap ko na mali ang ginawa niyang pagpapaapi dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay may darating para tulungan siya. Kaya dapat matutunan niyang ipagtanggol ang sarili niya laban sa mga nang-aapi sa kaniya.

Bigla na lamang napayuko ang kaharap ko na para bang nawalan siya ng lakas na salubungin ang tingin ko. “Alam ko. Kaya patawad. Patawad dahil napahamak ka pa ng dahil sa ‘kin‚” nakayukong paghingi niya ng tawad.

“Wala ‘yon. Kalimutan mo na ‘yon. Wala kang kasalanan sa nangyari. Ginusto ko ‘yon at wala akong pinagsisisihan sa mga nangyari‚” tugon ko at tipid kong nginitian ang kausap ko nang mag-angat ito ng tingin.

“Salamat. Talagang napakabuti mo‚” nakangiting pasasalamat ng kausap ko saka mas lalo pa siyang lumapit sa ‘kin at inilahad niya sa harapan ko ang kanang kamay niya. “Ako nga pala si Flora. Pero tawagin mo na lang akong Flor‚” pagpakilala nito.

Dali-dali naman akong tumayo para magpantay kami ng kaharap kong si Flor saka nakangiti kong tinanggap ang nakalahad niyang kamay.

“Thea‚” nakangiting pagpapakilala ko saka ko pinasadahan ng tingin ang kausap ko para alamin kung anong kapangyarihan ang mayroon siya.

Berde ang mga mata ni Flor habang kayumanggi naman ang kulay ng buhok niya na may highlights pang green sa dulo. At kung pagbabasehan ko ito pati na rin ang pangalan niya ay madali ko na lang mahuhulaan kung anong kapangyarihan ang taglay niya.

“Isa kang earth charmer‚ tama?” tanong ko pa rin para siguruhing tama ang teorya ko.

Tipid lamang na tumango si Flor sa tanong ko at akmang magsasalita pa sana siya ngunit hindi na niya nagawa pang ibuka ang bibig niya nang biglang pumasok ng silid ang aming guro‚ dahilan upang dali-daling mapabalik si Flor sa upuan niya. Agad na rin naman akong bumalik sa pagkakaupo ko.

“Magandang umaga‚ charmers!” masiglang bati sa amin ng aming guro.

“Magandang umaga‚ Miss Fiona!” masaya ring bati ng mga klase ko sa aming guro na Fiona pala ang pangalan.

Nakangiting iginala ni Miss Fiona ang tingin niya sa buong silid na para bang may hinahanap siya. Tumigil lamang siya sa paggala ng tingin niya nang matuon sa akin ang atensyon niya.

“Oh. Mukhang may bago kayong kaklase‚” tila gulat na sambit ni Miss Fiona kahit halata naman sa mukha niya na hindi siya nagulat nang makita niya ako na tila ba alam na niyang naroon ako sa silid bago pa man siya pumasok.

“Lahat ba kayo ay kilala na siya?” pagtatanong ni Miss Fiona sa buong klase na ikinakunot ng noo ko.

Mas lalo namang kumunot ang noo ko nang halos sabay-sabay na tumango ang mga kaklase ko sa tanong ni Miss Fiona. Ako lang yata ang hindi na-inform na sikat na pala ako sa akademya na ‘to at lahat kilala na ako. Pero ang tanong‚ paano nila ako nakilala?

Mas lalo namang napangiti si Miss Fiona dahil sa nakuha niyang sagot mula sa mga kaklase ko.

“Kung gano’n ay hindi na pala niya kailangang magpakikilala. Kaya maaari na tayong dumako sa ating aralin‚” nakangiting wika ni Miss Fiona saka siya saglit na huminto upang tumikhim bago siya muling nagpatuloy. “Bilang isang charmer ay nagtataglay kayo ng kapangyarihan na namana ninyo sa inyong mga magulang. Ngunit para sa mga ordinaryong charmer na hindi nabibilang sa angkan ng mga maharlika‚ maaari lamang nilang manahin ang kapangyarihan ng isa sa mga magulang nila samantalang ang mga nabibilang naman sa angkan ng mga maharlika ay nagtataglay ng dalawang charm na namamana nila sa parehong magulang nila. Ngunit isa lamang sa charm ng kanilang ina at ama ang namamana nila‚” mahabang pahayag ni Miss Fiona na nakakuha ng atensyon ko at nagpaalala sa ‘kin sa sinabi ni Kaiden kanina bago ako umalis ng palasyo.

‘Alam kong taglay mo lahat ng kapangyarihan na maaaring taglayin ng isang charmer. Pero hangga’t maaari ay huwag mo sana itong gagamitin sa harap ng iba. Magiging mapanganib para sa ‘yo kapag may ibang nakaalam ng tungkol sa kapangyarihang taglay mo. Kaya mas makabubuting ang ice at fire charm mo muna ang gamitin mo dahil ito pa lang naman ang nakakaya mong kontrolin. Sa ganitong paraan ay malalayo ka sa panganib.’

“Ano ‘yon‚ Miss Althea?” pagtawag ni Miss Fiona sa ‘kin na nakapukaw ng atensyon ko at nagpabalik sa akin sa ulirat.

Muntik naman na akong mapamura nang mapagtanto kong nakataas na pala ang kamay ko na naging dahilan para tawagin ako ni Miss Fiona. At dahil sa ginawang pagtawag sa akin Miss Fiona ay nabaling sa akin ang tingin ng lahat ng nasa silid.

Nakagat ko na lamang ang ibabang labi ko para pigilan ang sarili kong mapamura dahil sa sitwasyong kinalalagyan ko. At bago pa ako magmukhang tanga sa harap ng lahat at bago ko pa mas lalong ipahiya ang sarili ko ay nag-aalangan na akong tumayo at isinaboses ko ang tanong na nabuo sa isipan ko matapos kong marinig ang pahayag ni Miss Fiona.

“Posible po bang magtaglay ng higit pa sa dalawang charm ang isang charmer?” diretsahan kong tanong na mas lalong nakakuha ng atensyon ng mga kaklase ko.

Lahat ng mga kaklase ko ay may mga nagtatanong at nagtatakang tingin na para bang may sinabi akong isang napakaimposibleng bagay samantalang si Miss Fiona naman ay nakangisi nang nakatingin sa ‘kin na para bang natuwa pa siya sa tanong ko.

Nang lumipas ang ilang segundo na walang ibang ginagawa si Miss Fiona kundi ang titigan at ngisihan ako ay dahan-dahan na akong bumalik sa pagkakaupo ko. Ngunit nang makaupo na ako ay saka naman siya nagsalita.

“Magandang katanungan‚ Miss Althea‚” nakangisi pa ring wika ni Miss Fiona na diretso pa ring nakatingin sa ‘kin. “Hayaan mo akong sagutin ang tanong mo‚” dagdag pa ni Miss Fiona bago siya nag-iwas ng tingin para ituon sa harapan niya ang kaniyang tingin.

“Ayon sa kasaysayan at ayon na rin sa alam ng lahat ay hanggang dalawang charm lang ang maaaring taglayin ng isang charmer. Ngunit nabago ang lahat ng ito dahil sa isang propesiya. Ang propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan ng natatanging babaeng itinakdang magligtas sa sanlibutan‚” pagpapatuloy ni Miss Fiona na ikinasalubong ng kilay ko.

Hindi ko alam kung bakit napunta ang aming talakayan sa isang propesiya gayong ang simple lang naman ng tanong ko. Oo o hindi lang naman ang kailangan kong sagot. Kaya hindi ko malaman kung bakit kailangan pang banggitin ni Miss Fiona ang tungkol sa propesiya. Ano namang kinalaman nito sa tanong ko? Saka anong pinupunto niya?

“Ayon sa propesiya‚ ang natatanging babaeng ito ay isisilang na bukod-tangi sa lahat at bibiyayaan ng isang napakalakas na kapangyarihan. Tataglayin niya ang lahat ng kapangyarihan na mayroon ang mundong ito. Kaya oo‚ posibleng magtaglay ng higit pa sa dalawang charm ang isang charmer at ang babaeng itinakda ang halimbawa‚” muling pagpapatuloy ni Miss Fiona na nagbigay-linaw sa tanong sa isip ko.

Napatango-tango naman ako sa narinig kong paliwanag ni Miss Fiona.

“Ahm... Miss Fiona?” pagkuha ni Flor sa atensyon ni Miss Fiona na nakaagaw rin ng atensyon ko at ng mga kaklase ko.

“Ano ‘yon‚ Flora?” tanong ni Miss Fiona na nakaabang na sa anumang sasabihin ni Flor.

“Bukod po ba sa babaeng itinakda‚ maaari din po bang magtaglay ng maraming charm ang isang tulad naming ordinaryong charmer?” tanong ni Flor na hindi na nagawa pang tumayo dala marahil ng pagkapanabik niyang marinig ang sagot sa tanong niya.

Awtomatikong tumaas ang kanang kilay ko sa narinig kong tanong ni Flor. Pabor na pabor sa ‘kin ang tanong niya. Kaya salamat sa kaniya dahil hindi ko na kailangan pang magtanong dahil siya na mismo ang nagsaboses ng tanong na naglalaro sa isipan ko.

“Ang kahit sino sa atin‚ mapamaharlika man o ordinaryong charmer ay maaaring mapagkalooban ng dalawa o higit pang charm kung ito’y pahihintulutan ng mga diwata at ng mga diyos at diyosa. At bilang sila rin ang pinagmulan ng ating mga kapangyarihan at sila ang lumikha ng mundong ito para pangalagaan ang mga katulad nating imortal ay maaari din nila tayong pagkalooban ng kapangyarihang taglay nila kung gugustuhin nila. Ngunit sa ilang daang taong lumipas ay wala pang pinagkakalooban ng kapangyarihan ang mga diwata lalo na ang mga diyos at diyos dahil mas gusto nila ang tahimik lamang na magmasid sa ating mga ikinikilos at ayaw nilang makialam sa buhay nating mga charmer. Dahil para sa kanila‚ ang tungkulin lamang nila ay ang gabayan tayo at panatilihin ang kapayapaan sa ating mundo‚” mahabang paliwanag ni Miss Fiona na kahit papaano ay sumagot sa tanong ko.

Kung pagbabasehan ko ang sagot ni Miss Fiona ay maaaring napusuan lang ako ng mga diwata o ng mga diyos at diyosa kaya binigyan nila ako ng napakaraming charm. Pero ang malaking tanong ngayon: bakit sa dinami-rami ng charmers ay ako pa ang napili nilang pagkalooban ng napakaraming kapangyarihan? Ano bang mayroon sa ‘kin? Anong nakita nila sa ‘kin para maisip nila na karapat-dapat ako sa biyayang ito?

‘Magandang umaga! Ang lahat ng guro at maging ang healer na si Miss Kaia at ang librarian na si Mrs. Alana ay kinakailangang pumunta sa Council Chamber ngayon din!’ biglang pag-alingawngaw ng isang boses sa buong akademya na pumutol sa pag-iisip ko.

“Hanggang dito na lang muna ang ating aralin. Mukhang may pagpupulong na magaganap sa pamumuno ni Sir Ahmir‚” pagtatapos ni Miss Fiona sa aming klase saka nagmamadali na siyang umalis.

Nang makaalis si Miss Fiona ay wala sa sariling tumayo ako at nilisan ko ang aming silid-aralan nang hindi ko alam kung saan ang punta ko habang nagsisimula nang kumalat sa sistema ko ang guilt na bigla-bigla na lang nabuhay sa loob ko matapos banggitin ni Miss Fiona si Sir Ahmir. Kusa kasing bumalik sa alaala ko ang ginawa kong gulo sa Council Chamber noong nakaraang linggo dahil sa pagbanggit ni Miss Fiona kay Sir Ahmir. Hindi ko na rin napigilan pa ang paglitaw ng ilang tanong sa isip ko katulad ng galit kaya sa akin si Sir Ahmir? Paparusahan ba niya ako? Anong parusa ang ipapataw niya sa ‘kin?

Naiintindihan ko naman kung magagalit si Sir Ahmir sa ‘kin o kung paparusahan niya ako. Kasalanan ko naman e. Pero hindi rin naman niya maiaalis sa akin ang makaramdam ng galit noong mga oras na ‘yon dahil buhay ko ang pinag-uusapan nila at tungkol sa tunay kong pagkatao ang itinatago nila sa ‘kin. Kaya kahit pagbali-baliktarin man ang mundo ay may karapatan akong malaman kung anuman ang nalalaman nila tungkol sa ‘kin. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit ayaw pa nilang sabihin sa ‘kin ang nalalaman nila.

Haist! Bakit ba naman kasi ang daming tinatago ng mga nakapaligid sa ‘kin? Lahat na lang sila ay parang may bagay na pilit na pinipigilang malaman ko. Mula kina mommy at daddy hanggang kina Kaiden‚ Kaleb‚ Jane at Sir Ahmir‚ lahat sila alam kong may alam sa pagkatao ko na hindi nila sinasabi sa ‘kin. Pero ano nga bang tinatago nila? Anong alam nila tungkol sa ‘kin na pilit nilang itinatago? At anong nagawa kong masama para pagkaisahan nila ako? Sino ba talaga ako? Ano ba ako? Ano at sino ba ako bago ako mawalan ng alaala?

“Aray!” daing ko nang maramdaman ko ang pagtama ko sa isang matigas na bagay kasunod ng pagsalampak ko sa sahig.

“Thea‚ patawad. Ayos ka lang ba?” alalang tanong ng kung sinong nabangga ko saka ako nito inalalayang tumayo.

Nang makatayo ako ay agad akong nag-angat ng tingin upang alamin kung sino ang nabangga ko. Tipid na lamang akong napangiti nang si Ali ang mabungaran ko sa pag-angat ko ng tingin.

“Ano bang nangyayari sa ‘yo? Kanina ka pang wala sa sarili mo. Naglalakad ka pa nang nakatulala‚” nag-aalalang tanong ni Ali na inilapat pa ang likod ng kamay niya sa noo ko para alamin kung may sakit ba ako.

“May iniisip lang ako‚” matamlay kong tugon.

Hindi naman na nagtanong pang muli si Ali. Sa halip ay niyaya niya akong pumunta ng field para daw doon kami mag-usap na agad ko namang pinaunlakan para kahit papaano ay may mapaglabasan ako ng mga hinaing ko at mabawasan ang bingat ng dinadala ko.

Madali lang naman naming narating ang field na tinutukoy ni Ali na hindi katulad ng training field. Ang field kasi kung nasaan kami ngayon ay purong damuhan lang ang makikita mo at ilang matataas na mga puno sa palibot nito.

Iginiya ako ni Ali patungo sa lilim ng isang puno saka maingat niya akong inalalayang maupo sa damuhan bago niya ako binato ng tanong.

“Ano bang gumugulo sa ‘yo? Masyado yatang malalim ang iniisip mo‚” pagbubukas ni Ali ng usapan.

Sa halip na sagutin ko ang tanong ni Ali ay napahugot na lamang ako ng hininga at itinuon ko ang tingin ko sa malawak na field.

“Talaga bang nababalutan ng misteryo ang mundong ‘to?” wala sa sariling sambit ko habang tinatanaw ko ang malawak na field na nasa harapan ko.

“Bakit mo naman biglang natanong ‘yan?” naguguluhang tanong ni Ali na nahihimigan kong kunot na kunot na ang noo dahil sa tanong ko.

“Nang mapadpad kasi ako rito ay naging misteryo na rin para sa ‘kin maging ang pagkatao ko‚” malungkot kong tugon kasabay ng pabuntong-hininga ko. “Akala ko noong una ay kasagutan at kaliwanagan ang makukuha ko sa mundong ‘to. Pero sa halip na malinawan ako ay mas lalo lamang nadaragdagan ang mga katanungan ang isip ko. Ni hindi ko nga alam kung sino ba talaga ako at kung saan ako nagmula‚” malungkot kong pagpapatuloy.

“Sadyang may mga bagay lang talaga sa mundong ito na kinakailangang hanapan ng tamang panahon at tamang pagkakataon bago maibunyag. Pero hindi ka dapat panghinaan ng loob dahil lahat ng misteryo ay maaaring maresolba sa pagdating ng tamang oras. Ang kailangan mo lang ay maging matiyaga sa paghihintay at huwag mawalan ng pag-asa. Lagi mo ring tatandaan na lahat ng bagay ng nangyayari o mangyayari pa lang ay may dahilan kaya naniniwala akong may mahalagang rason kung bakit mo nararanasan ang lahat ng ito‚” mahabang saad ni Ali na bigla na lang naging seryoso ang tono ng boses.

Habang pinoproseso ko pa rin ang mga sinabi ni Ali ay bigla ko na lamang naramdaman ang marahang paghagod ni Ali sa kaliwang braso ko na para bang pinaparating niya sa ‘king magiging maayos din ang lahat. At dahil nasa kanan ko siya ay para na rin niya akong yakap-yakap. Ngunit sa halip na mailang ako o lumayo ako sa kaniya para maglagay ng distansya sa pagitan namin ay marahan kong inihilig ang ulo ko sa kaliwang balikat niya habang nasa malawak na field pa rin ang tingin ko.

“Ali‚ bakit gano’n? Bakit kung sino pa ang lubos mong pinagkakatiwalaan‚ e sila pa ‘yong maraming inililihim sa ‘yo? Pakiramdam ko tuloy ay pinagkakaisahan nila ako‚” malungkot kong paglalabas ng saloobin habang ramdam ko na ang pamamasa ng mga mata ko na nagbabadya nang maglabas ng luha anumang oras mula ngayon.

Mas lalo pang naging marahan ang paghagod ni Ali sa kaliwang braso ko at bigla ko na lamang ding naramdaman ang pagpatong ng baba niya sa ulo ko. Maging ang malalim niyang buntong-hininga ay hindi nakalusot sa pakiramdam ko na ikinakunot ng noo ko. I think he’s hiding something. I can feel it.

‘Oh‚ God... Huwag mong sabihin sa ‘king isa rin si Ali sa kanila. Pero bakit? Bakit siya maglilihim sa ‘kin? At anong inililihim niya?’ naitanong ko na lamang sa aking sarili habang lihim kong pinapanalangin na sana ay mali ako. Na sana walang itinatago sa ‘kin si Ali katulad ng iba pa.

“Hindi ka dapat mag-isip nang ganiyan. Gaya nga ng sabi ko‚ may dahilan ang bawat pangyayari kaya alam kong may mabigat silang dahilan kung bakit nila nagagawang maglihim sa ‘yo. Ang kailangan mo lang ay maniwala sa kanila. Kampante naman akong hindi sila gagawa ng kahit anong ikasasama ng loob mo kaya sana ay hayaan mo na lang muna sila at hintayin mo na lang na dumating ang araw na sila na mismo ang magsabi sa ‘yo ng bagay na gusto mong malaman. Basta’t lagi mo lang tatandaan na may tamang panahon para sa lahat ng bagay at hindi ka nag-iisa sa paghihintay na dumating ang panahong ‘yon. Sasamahan kita sa lahat ng pagkakataon. Hinding-hindi ako mawawala sa tabi mo. Pangako ‘yan‚” pagpapagaan ni Ali ng loob ko na effective naman lalo’t namalayan ko na lang ang sarili ko na tipid na nakangiti matapos kong marinig ang mga sinabi niya.

Dahil sa pakiramdam na nabawasan na ang bigat ng dinadala ko ay napahugot na lamang ako ng malalim na hininga saka marahan kong ipinikit ang mga mata ko nang maramdaman ko ang magaang paghalik ni Ali sa ibabaw ng ulo ko.

“Salamat‚ Ali. Salamat dahil handa kang pakinggan ako. Salamat dahil nandiyan ka para damayan ako. Napakaswerte ko at nagkaroon ako ng isang kaibigang tulad mo‚” nakangiting pasasalamat ko kay Ali habang nanatili pa rin akong nakapikit upang damhin ang tahimik na paligid at banayad na simoy ng hangin.

Sana lang talaga ay tama si Ali. Sana nga ay may dahilan sila kung bakit nila ito ginagawa. At sana nga sabihin nila sa akin lahat ng nalalaman nila pagdating ng tamang oras. Pero hindi porke nagtitiwala ako sa kanila at hahayaan kong kusa nilang sabihin sa akin ang alam nila sa panahong handa na sila ay hindi na ako gagawa ng sarili kong hakbang para malaman ang misteryo sa pagkatao ko. Buhay ko pa rin ito at may karapatan akong magpasya para sa sarili ko. Kaya gagawin ko ang lahat para masagot lahat ng tanong sa isip ko.

Hindi habang-buhay ay nakaasa lamang ako sa kanila o tahimik lamang akong maghihintay sa pagtatapat nila. May sarili akong isip para magpasya. Kaya gagawin ko kung anong gusto ko habang hinahayaan ko rin silang gawin nila ang gusto nila.

Alam kong may dahilan kung bakit ako napadpad sa mundong ito at isa ‘yon sa mga bagay na gusto kong alamin. Malakas din ang kutob ko na konektado ang kung anumang misteryong bumabalot sa pagkatao ko sa pagkamatay ng mga magulang ko kaya hindi ako titigil hangga’t hindi ko nahahanapan ng sagot lahat ng mga katanungan sa isip ko dahil kasabay nitong masasagot ang tanong ko sa kung bakit walang awang pinatay ang mga magulang ko. Kaya nangangako akong gagawin ko ang lahat para malaman ko ang kung anong misteryong bumabalot sa pagkatao ko kasabay ng paniningil ko sa nasa likod ng pagkamatay nina mommy’t daddy. At tutuparin ko ang pangako kong ito kahit buhay ko pa ang maging kapalit. Mark my words!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top