CHAPTER 40: PILLOW FIGHT
ALTHEA’S POV
Sa paggising ko mula sa mahaba kong pagkakatulog ay mukha ng nakangiting si Kamila ang bumungad sa ‘kin. Ngunit sa kabila ng malapad niyang ngiti ay kapansin-pansin pa rin ang mugto niyang mga mata na ikinakunot ng noo ko. Bukod dito ay mukha rin siyang puyat pero naitatago ito ng mga ngiti niyang abot-tainga.
Kasalukuyang nakapangalumbaba sa gilid ko si Kamila na tila ba inaabangan talaga niya ang paggising ko.
“Kuya! Gising na si Ate Thea!” masayang imporma ni Kamila sa kuya niya na mahimbing na natutulog sa kabilang gilid ko.
Nakaupo si Kaiden sa upuang nasa gilid ng kama habang nakaunan siya sa kama at nakaharap sa ‘kin.
Nang mapansin kong mukhang pagod at puyat din si Kaiden na dahilan para hindi siya magising sa sigaw ni Kamila ay maingat akong umupo at muli kong ibinalik kay Kamila ang tingin ko.
“Baby girl‚ huwag mo nang istorbohin ang kuya mong ubod ng sungit. Baka sumpungin na naman ‘yan‚” pigil ko kay Kamila nang makita kong balak pa sana niyang yugyugin ang kuya niya.
Hindi ko naman maiwasan ang matawa sa sinabi ko habang napapaisip din ako sa kung anong magiging reaksyon ni Kaiden kapag narinig niya ang sinabi ko. Malamang ay kukunot na naman ang noo niya at sasambitin niya ang famous line niyang ‘Tss!’
“Masusunod!” masiglang tugon ni Kamila na tumuwid pa ng upo na animo’y isa siyang kawal o sundalo at isang pinuno ng hukbo ang kaharap niya.
Hindi ko naman maiwasan ang muling mapansin ang namumugtong mga mata ni Kamila dahil sa pagtuwid niya ng upo.
“Baby girl‚ umiyak ka ba?” hindi ko na napigilan pang itanong.
Bakas na bakas sa mukha ni Kamila ang pinaghalong pagod at puyat. Kaya naman ay hindi ko maiwasang tanungin ang aking sarili kung ilang oras niya akong binantayan. Sa ayos niya kasi ay para na siyang walang tulog na tila ba nakaantabay talaga siya sa paggising ko.
“Hindi po‚” maikling tugon ni Kamila at marahan pa siyang umiling.
Habang tinititigan ko ang mukha ni Kamila ay hindi ko na napigilan pa ang sarili kong hawakan ang pisngi niya at puno ng pag-aalala siyang tingnan.
“Mukha kang pagod na pagod. Kanina mo pa ba akong binabantayan?” malambing kong tanong kay Kamila habang hinahaplos-haplos ko pa ang pisngi niya.
Nakanguso namang tumango si Kamila bilang sagot sa tanong ko na mas lalong nagpalambot ng ekspresyon ng mukha ko.
“Kawawa naman ang baby girl ko‚” malungkot kong sambit at bahagya pa akong ngumuso saka agad din akong ngumiti para hindi tuluyang lumungkot ang atmospera sa silid.
“Don’t worry‚ babawi si ate next time. Gusto mo ba ‘yon?” masayang tanong ko kay Kamila at bigla ko na lamang pinisil ang magkabilang pisngi niya dala ng panggigigil ko dahil sa biglang pag-aliwalas ng mukha niya matapos niyang marinig ang sinabi kong babawi ako.
“Gushto po...” nakangiting sagot ni Kamila na halos hindi ko na maintindihan dahil masyado yatang napalakas ang pagkakapisil ko sa pisngi niya.
Mas lalo ko pa sanang panggigigilan ang pisngi ni Kamila ngunit hindi ko na naituloy pa ang balak ko nang bigla kong marinig ang boses ni Sara.
“Thea‚ may bisita ka‚” pagbibigay-alam sa akin ni Sara na nakaagaw ng atensyon ko.
Dala ng kuryusidad ko sa kung sinong bisita ang tinutukoy ng bagong dating na si Sara ay dali-dali akong lumingon sa direksyon ng pinto. Ganoon na lamang ang gulat ko nang si Jane ang mabungaran ko. Nasa may paanan siya ng pinto katabi ni Kaleb habang nasa gilid naman ng pinto si Sara.
“Gwyn‚ can we talk?” matamlay na tanong ni Jane na sapat lamang para marinig ko.
Tinangka kong ibuka ang bibig ko para sagutin ang tanong ni Jane ngunit tila naubusan ako ng salita kaya tanging pagtango na lamang ang nagawa ko.
“You’re awake‚” rinig kong sambit ni Kaiden na hindi ko namalayang gising na pala.
Agad namang nabaling kay Kaiden ang atensyon ko dahil sa biglaan niyang pagsasalita at tipid ko na lamang siyang nginitian nang sandaling magtagpo ang aming tingin.
Ilang segundo lamang ang itinagal ng titigan namin ni Kaiden dahil agad din akong nag-iwas ng tingin para ibaling ang tingin ko sa nakasimangot na si Kamila.
“Baby girl‚ sumama ka na muna sa Kuya Kaiden mo. Pasyal muna kayo. May pag-uusapan lang kami ng Ate Athena mo‚” pagkausap ko kay Kamila sa malambing ma boses habang sinusuklay ko ang buhok niya gamit lamang ang mga daliri ko.
“Babawi na lang ako next time‚” dagdag ko nang mapansin kong tila ayaw pang umalis ni Kamila para sumama sa kuya niya gaya ng utos ko.
“Pangako?” nakangusong tanong ni Kamila.
“Pangako‚” nakangiting sagot ko at nakipag-nose to nose pa ako kay Kamila.
“Okay‚ payag na ako!” masiglang sigaw ni Kamila saka bigla na lamang siyang tumakbo patungo sa kuya niya at hinila niya ito sa kamay. “Kuya‚ halika na! Pasyal tayo!” yaya na Kamila sa kuya niya saka bigla na lamang niya itong kinaladkad paalis bago pa man ito makasagot.
Nang nasa may pinto na sina Kamila at Kaiden ay bigla na lamang huminto si Kamila at basta na lamang niyang hinila si Kaleb katulad ng ginawa niya sa kuya niya.
“Sumama ka na rin! Huwag kang istorbo!” masungit na wika ni Kamila kay Kaleb saka niya kinakalad palabas ang kuya niya at si Kaleb.
Agad namang sumunod si Sara kina Kamila kahit pa walang nagsabi sa kaniyang lisanin na ang silid kaya tanging kami na lamang ni Jane ang naiwan.
Isinara na muna ni Jane ang pinto bago siya lumapit sa ‘kin at tumabi sa akin ng upo sa kama. Pinili ko namang tumitig sa ibang direksyon kahit pa ramdam ko ang mga titig niya. Wala kasi akong lakas na tingnan siya nang diretso sa mga mata niya dahil natatakot akong baka hanggang ngayon ay galit pa rin siya dahil sa ginawa ko.
“Simula umpisa‚ palagi ka nang nandiyan sa tabi ko. Tuwing kailangan kita‚ hindi ka nagdadalawang-isip na samahan ako. Ilang beses mo na rin akong iniligtas at ipinagtanggol sa mga nakakaaway ko. Umabot na rin tayo sa puntong inilagay mo ang sarili mong buhay sa panganib para sa ‘kin at kahit katiting na pag-aalinlangan o pagsisisi ay wala akong nakita sa ‘yo‚” pagbabalik-tanaw ni Jane na hindi ko malaman kung saan patungo.
“Sa haba na ng pinagsamahan natin at sa tagal na nating magkaibigan‚ masasabi kong higit kanino man ay ako ang mas nakakakilala sa ‘yo. At isa sa magaganda mong katangian ay ang mabuti mong kalooban. Palagi kang nakahandang tumulong sa mga nangangailangan kahit buhay mo pa ang maging kapalit. At bilang kaibigan mo‚ sa halip na pagalitan kita o singhalan‚ dapat ay ipinagmamalaki pa kita dahil ikaw lang ang kilala kong handang tumulong sa kahit sinong nangangailangan anuman ang maging kapalit nito. Kaya patawarin mo ako‚ Gwyn. Hindi dapat kita pinagsalitaan ng masasakit na salita lalo’t alam naman nating pareho na hangad mo lang ang makatulong. Patawarin mo ako. Hindi ko sinasadya. Hindi ko intensyong sumbatan ka o kung ano man. Nadala lang ako ng emosyon ko. Natakot lang din siguro akong mawala ka sa buhay ko kaya ako naging emosyonal. Hindi ko rin naman masisisi ang sarili ko sa pagiging emosyonal ko dahil hindi ko alam ang gagawin ko kapag nawala ka. But still‚ mali pa rin ang ginawa ko. Hindi dapat kita pinagsalitaan nang gano’n at hindi dapat kita sinampal. I’m sorry‚ Gwyn. I’m really‚ really‚ really so—” Hindi na nagawa pang ituloy ni Jane ang paulit-ulit niyang paghingi ng tawad nang basta ko na lamang siyang niyakap nang mahigpit habang nag-uunahan na sa pagtulo ang mga luha kong kanina pang nagbabadyang tumulo.
“You don’t have to apologize. I understand. Sorry din dahil pinag-alala kita. Sorry dahil hindi ko nalaman ng mas maaga na sinisi mo pala ang sarili mo sa loob ng mahabang panahon dahil sa nangyaring aksidente. Sorry—”
“Shhh... Past is past. Huwag na nating balikan pa ang nakalipas na. Mas mabuting kalimutan na natin ‘yon at pagtuunan na lang natin ng pansin ang kasalukuyan at ang hinaharap‚” pagputol ni Jane sa iba pang sasabihin ko habang ramdam ko na rin ang pag-uunahan ng mga luha niya.
Mas lalo pa akong naiyak nang mapagtanto ko kung gaano ako kaswerte na naging kaibigan ko si Jane. Handa siyang aminin ang pagkakamali niya pero ayaw niyang iparamdam sa ‘king may mali o kasalanan din ako. Handa siyang akuin lahat ng sisi. Pero hindi naman niya kailangang gawin ‘yon. Tanggap ko naman ang mali at pagkukulang ko. Pero tama siya. Mabuti ngang ibaon na lang namin sa limot ang nakaraan lalo’t nagkapatawaran na naman kami at narinig na namin ang saloobin ng bawat isa.
“Tama ka. Mas maigi ngang kalimutan na lang natin ang nakalipas na dahil may mga bagay sa nakaraan na kailangang kalimutan para hindi ka na masaktan pa nang paulit-ulit‚” pagsang-ayon ko sa sinabi ni Jane na may malalim pang kahulugan.
Hindi naman na ako nagulat pa nang humiwalay sa akin si Jane at tingnan niya ako ng may natatawang ekpresyon.
“Gwyn‚ naman! Humuhugot ka na naman diyan. Akala mo naman kung sinong expert. Nagka-amnesia ka ba ulit‚ Gwyn? Nakalimutan mo na bang no boyfriend since birth ka?” natatawang pang-aasar sa akin ni Jane.
Napairap na lamang ako dahil sa huling sinabi ni Jane.
“Alam mo‚ nakalimutan ko na sana e. Pinaalala mo pa. Kahit kailan talaga‚ panira ka ng moment. Nakita mo na ngang nagdadrama pa ako rito e‚” kunwaring galit na tugon ko kay Jane saka muli ko siyang inirapan‚ dahilan upang makatanggap ako ng malakas na batok mula sa kaniya.
“Aray ko naman‚ Jane! Sabihin mo lang kung may galit ka sa ‘kin. Matatanggap ko naman e. Hindi ‘yong dinadaan mo ako sa pambabatok‚” kunwaring pikong reklamo ko na tinawanan lamang ni Jane.
“Tsk! Nalaglag pa yata ang utak ko‚” mahinang sambit ko at inalog-alog ko pa ang ulo ko na tuluyang ikinahagalpak ng tawa ni Jane.
“Haha! Baliw ka talaga kahit kailan‚” tumatawang sabi ni Jane saka bigla na lamang niya akong malakas na hinampas ng unan sa ulo ko. “Ayan‚ para mas lalong lumuwag ang turnilyo mo sa utak‚” tumatawang wika niya matapos niya akong hampasin ng unan sa ulo.
Pinaningkitan ko ng mga mata si Jane dahil sa ginawa niya ngunit agad din akong napangisi nang may ideyang pumasok sa isip ko.
“So‚ you want to challenge the pillow master‚ huh?” nakangising sambit ko saka mabilis kong kinuha ang isa pang unan na nasa likuran ko at walang pakundangang inihampas ko ito kay Jane nang napakalakas.
Hindi pa ako nakuntento sa isang hampas lang. Sunod-sunod ang ginawa kong paghampas kay Jane at hindi ko siya binigyan ng pagkakataong makaganti ng hampas sa ‘kin. Kaya naman ay tanging pag-ilag lamang ang nagagawa ni Jane hanggang sa makahanap siya ng pagkakataon na makaalis sa pagkaka-corner ko. Mabilis siyang tumayo sa ibabaw ng kama at pinaulanan niya ako ng sunod-sunod na hampas sa iba’t ibang parte ng katawan ko.
Dahil sa biglang pagkakabaliktad ng sitwasyon namin ni Jane ay wala na akong nagawa kundi ang tumayo na rin sa ibabaw ng kama at salagin lahat ng hampas niya sa ‘kin. At dahil naging mas agresibo na kami at walang gustong magpatalo ay ilang minuto lamang ay naging makalat na ang buong silid. Nalaglag na sa sahig ang kumot at sumayad na rin sa sahig ang kalahati ng bedsheet habang ang kakahati naman ay nasa kama pa rin. May mga gamit na rin sa side table ang nagsibagsakan dahil minsan itong natatamaan ng unang pinambabato at pinanghahampas namin ni Jane sa isa’t isa.
Sa kabila ng magulong paligid ay hindi pa rin kami tumigil ni Jane. Patuloy pa rin ang palitan namin ng hampas. Hindi na namin alintana pa ang magulong ayos ng silid na parang dinaanan ng buhawi. Ngunit bigla na lamang kaming natigil sa ginagawa namin at nabitin sa ere ang mga unan na sana’y ihahampas namin sa isa’t isa nang iluwa ng pinto ng silid sina Kamila‚ Kaiden at Kaleb na pare-parehong mga nakaawang ang bibig at hindi maipinta ang mga mukha habang inililibot nila ang tingin nila sa paligid.
Dali-dali naman naming binitiwan ni Jane ang mga hawak naming unan at dahan-dahan kaming bumaba ng kama bago pa man mag-sink in kina Kaiden kung anong ginawa namin.
“May bagyo ba?” inosenteng tanong ni Kaleb na siyang unang nakabawi mula sa pagkabigla.
“What a mess‚” naibulalas ni Kaiden saka bigla na lamang siyang napahilot sa sentido niya nang mapako ang tingin niya sa basag na lamp shade na nasa sahig.
Ilang segundo pang pinagmasdan ni Kaiden ang basag na lamp shade bago niya ibinaling sa amin ang tingin niya. Kagat-labi naman kaming nag-iwas ng tingin ni Jane.
“Kayo ba ang may gawa—”
“Kuya‚ sali tayo kina Ate Thea‚” masayang yaya ni Kamila sa kuya niya na ikinalaki ng mata ko at ikinalingon ko sa direksyon niya.
‘Sasali saan? Sa pillow fight?’ naitanong ko na lamang sa aking sarili.
“Mil—”
“Sandali lang! May kukunin lang ako!” biglang sigaw ni Kamila na mababakas na ang excitement sa boses.
Bago pa man kami makapagtanong kung anong kukunin ni Kamila at kung saan siya pupunta ay nagmamadali nang tumakbo paalis si Kamila habang sina Kaiden at Kaleb naman ay naiwang parehong hindi maipinta ang mga mukha.
Ilang minuto lamang ay bumalik na si Kamila kasunod si Sara na may dala-dalang tatlong naglalakihang unan na ikinalaglag ng panga ko.
“Para saan ‘yang mga ‘yan?” nagtatakang tanong ko habang nakaturo pa ang hintuturo ko sa tatlong naglalakihang unan na dala-dala ni Sara.
Sa halip na sagutin ang tanong ko ay isa-isang kinuha ni Kamila kay Sara ang mga unan at isa-isa rin niya itong iniabot kina Kaiden at Kaleb.
“Isa para kay kuya. Isa para kay Kuya Kaleb. At syempre‚ isa para sa ‘kin‚” nakangiting wika ni Kamila na sumagot ng tanong ko at mas lalong nagpaawang ng bibig ko.
“Seryoso ka‚ Mil?” tanong ni Kaiden kay Kamila at pinagtaasan pa niya ng kilay ang kapatid niya.
“Opo‚” tatango-tangong sagot ni Kamila saka nakangiti siyang bumaling sa akin ng tingin. “Ate‚ hindi ba sabi mo babawi ka?” tanong sa akin ni Kamila.
Hindi ko naman nagawang ibuka ang bibig ko dahil gulat pa rin ako sa mga nangyayari. Kaya naman ay wala sa sariling tumango na lamang ako sa sinabi ni Kamila.
“Kaya nga tara na!” masiglang sigaw ni Kamila saka basta na lamang niyang hinila sa kamay sina Kaiden at Kaleb. “Tara na‚ bilis!” yaya niya sa mga ito.
Wala nang nagawa pa sina Kaiden at Kaleb kundi ang magpatianod nang hilahin sila ni Kamila palapit sa kinaroroonan namin ni Jane. At nang makalapit sila sa amin ay magmamadali pang sumampa ng kama si Kamila na para bang sabik na siyang simulan ang pillow fight habang nanatili lamang kaming apat na nakatayo at salubong ang kilay na nakamasid sa kaniya.
Nang makasampa si Kamila sa kama ay tuwang-tuwa siyang tumalon-talon at nagpagulong-gulong dito na naging dahilan para tuluyan nang mahulog ang bedsheet sa sahig.
Tahimik ko lamang na pinanood si Kamila at hindi ko na napigilan pa ang mapangiti nang makita ko ang kislap sa mga mata niya habang patuloy pa rin siya sa pagtatatalon. Mukhang nag-e-enjoy talaga siya sa ginagawa niya. At hindi ko rin itatangging napakasarap niyang pagmasdan. Nakakatuwang makitang tumatawa sa isang simpleng bagay ang iniingatang prinsesa ng isang kaharian. Tila musika sa pandinig ko ang mga tawa niya.
Nang magsawa ako sa panonood lamang kay Kamila ay sumampa na rin ako sa kama para samahan siya na agad namang sinundan ni Jane. At nang sandaling makasampa kami ni Jane sa kama ay isang magaang hampas ang agad na bumungad sa amin.
Dali-dali naman naming pinulot ni Jane ang unang kanina ay binitiwan namin saka agad kaming gumanti kay Kamila ng mahinang hampas na mabilis naman niyang naiwasan. Ngunit sa halip na muli naming tangkaing patamaan si Kamila ay nagkatinginan kami ni Jane at sinenyasan ko siya na sina Kaiden at Kaleb ang hampasin sa halip na si Kamila.
Madali naman kaming nagkaunawaan ni Jane kaya dali-dali kaming lumapit kina Kaiden at Kaleb nang hindi kami bumababa ng kama saka malakas namin silang hinampas ng unan.
“Oh. Kawawa naman si baby bear. Masakit ba?” pag-baby talk ni Jane kay Kaleb na nginisihan lamang ni Kaleb.
“Ito pala ang gusto ninyo ah‚” nakangising wika ni Kaleb saka niya inayos ang pagkakahawak niya sa unan na para bang may laban siyang pinaghahandaan.
“Cold prince‚ sugod!” malakas na sigaw ni Kaleb saka mabilis silang sumampa sa kama ni Kaiden.
Dahil sa biglang pagsampa nina Kaiden at Kaleb sa kama ay dali-dali kaming tumakbo sa kinaroroonan ni Kamila at nagtago kami ni Jane sa likuran niya. Ipinagtanggol naman kami ni Kamila sa pamamagitan ng paghampas niya kina Kaiden at Kaleb. At dahil spoiled siya sa dalawa ay walang nagawa ang mga ito kundi ang hayaan siyang hampasin sila nang hampasin.
Patuloy lang naman kami sa pagtatago sa likuran ni Kamila hanggang sa makita naming napaupo na sina Kaiden at Kaleb sa ibabaw ng kama. At bago pa man makatayo ang dalawa ay mabilis na kaming lumapit sa kanila ni Jane at pinagtulungan naming tatlong paghahampasin sila.
“Ang dadaya ninyo!” reklamo ni Kaleb
“Tss! Teamwork pala ang gusto ninyo ah. Kaleb!” puno ng awtoridad na tawag ni Kaiden kay Kaleb at sa isang iglap lang ay nabaliktad na ang posisyon naming lima.
Dahil sa pagtutulungan nina Kaiden at Kaleb ay biglang nabaliktad ang posisyon naming lima. Kaming tatlo na nina Jane at Kamila ang pinaghahampas nina Kaiden at Kaleb. Ngunit dahil ayaw naming tanggapin ang pagkatalo namin ay hinampas din namin sila pabalik kaya ang nangyari ay panay na ang palitan namin ng hampas. Sina Jane at Kaleb ang nagpapalitan ng hampas habang kami naman ni Kaiden ang naglalaban. Si Kamila naman ay nasa likod nina Kaiden at Kaleb at panay ang hampas niya likuran ng mga ito.
Patuloy lang kami sa paghahampasang lima hanggang sa mapagod na kami at mapahiga kami sa iisang kama. At dahil hindi naman kalakihan ang kamang tinutulugan ko ay siksikan kaming lima rito.
Wala naman nang nagsalita pa sa amin matapos kaming balutin ng katahimikan nang sandaling makahiga kami sa kama. Tanging ang mga mabibigat lang naming paghinga ang maririnig sa apat na sulok na silid hanggang sa dalawin na kami ng antok dahil sa sobrang pagod.
This is one of the happiest days of my life: having a simple pillow fight with my precious friends that I now consider as my family.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top