CHAPTER 30: REUNITED

KALEB’S POV

Kasalukuyan akong nasa Camelot Garden para magtago. Tinamad kasi akong pumasok sa klase namin na sobrang nakakabagot kung kaya palihim akong pumunta rito para dito magpalipas ng oras.

Ang Camelot Garden ay nasa loob lang din ng akademya ngunit iilan lamang ang nakakaalam nito. Nasa dulo at tagong bahagi na kasi ito ng akademya at medyo may kalayuan din mula sa aming silid-aralan.

Ang Camelot Garden ay maihahalintulad ko sa Mystical Park at Enchanted Garden. Napakaganda kasi ng tanawin dito. Napakaraming bulaklak ang dito ay nakatanim at maraming nagkalat na nagliliwanag na mga paruparo. Ayon din sa sabi-sabi ay marami rin daw ang nagkalat ditong mga fairy na nagkukubli lamang sa paligid. Matatayog‚ magaganda at makikinang din ang mga punong matatagpuan sa hardin. Ngunit ang talagang binabalik-balikan ko rito ay ang tree house na kasalukuyan kong pinagtataguan na isang daang taon na ang tanda ngunit wala pa ring kupas ang angking ganda.

Malaki ang tree house ngunit tanging kaming mga maharlika lang ang maaaring makapasok dito dahil nababalutan ito ng mahika. Masyadong mahiwaga at malakas ang mahikang bumabalot dito kaya maaaring mawalan ng kapangyarihan ang sinumang sumubok na pasukin ang tree house. Ngunit maaari ding mas malala pa ang sapitin ng sinumang mangahas na pumasok sa tree house lalo na kung hindi pa gaanong sanay gumamit ng kapangyarihan ang mangangahas.

Ayon sa narinig ko dati ay mga maharlika raw ang lumikha ng tree house sa Camelot Garden at sila rin ang naglagay ng kung anong mahika rito. Ito raw kasi ang nagsilbing tambayan at pahingahan ng mga maharlikang katulad namin noong nag-aaral pa sila sa akademya kung kaya tiniyak nilang walang ibang makakapasok dito kundi sila lamang at ang mga kalahi nila. Kung sino man sa mga maharlika ng bawat kaharian ang tinutukoy sa kuwentong narinig ko ay hindi ko na alam. Hindi na rin ako nag-abala pang alamin ang tungkol sa bagay na iyon dahil wala rin namang saysay kung aalamin ko pa iyon.

Dahil nga mga maharlika ang lumikha ng Camelot Garden ay hindi ito isang simpleng tree house lang. Kung titingnan sa labas ay maliit lang ito at tila hindi magkakasya ang tatlong tao. Ngunit sa oras na pumasok ka na sa loob ay mamamangha ka na lang sa kung anumang masasaksihan mo sa loob nito.

Ilang minuto pa akong nanatili sa tree house bago ko napagpasyang bumalik na sa aming silid-aralan para kulitin na naman si Athena na sa palagay ko ay abala na naman sa pangungulit niya kay Kaiden tungkol sa kagustuhan niyang makilala si Thea. Ewan ko nga kung bakit sobrang interesado si Athena kay Thea. Pero marahil ay gusto lamang niyang makita at makilala ang babaeng palaging bukambibig ni Kaiden.

Tinakbo ko na lamang ang daan patungong silid-aralan namin kahit pa medyo may kalayuan ito dahil ayokong lumabag sa kautusan ng konseho. Hindi rin naman ako natagalang marating ito kahit pa hindi ako gumamit ng anumang kapangyarihan o kakayahan. Kaya nga lang ay malayo pa lang ako sa aming silid-aralan ay napatigil na ako dahil sa eksenang naabutan ko. Mula sa malayo ay natanaw ko sina Athena at Kaiden na masayang nag-uusap malapit sa gusali ng ikaapat na antas.

“Sh*t! May balak pa yatang mang-agaw ang loko!” nasambit ko na lamang sa aking sarili saka muli akong nagpatuloy sa pagtakbo nang hindi ko inaalis ang tingin ko sa kanila upang bantayan ang bawat kilos ni Kaiden. Ngunit sa pagkakataong ito ay mas binilisan ko na ang pagtakbo ko para madali kong marating ang kanilang kinaroroonan.

Patuloy lamang ako sa walang tigil kong pagtakbo nang mabilis nang bigla na lamang akong may mabangga na tumama sa aking dibdib. At dahil sa lakas ng pagkakasalpok ko sa kaniya ay muntik pa siyang bumagsak sa sahig. Mabuti na lamang at agad ko siyang nahawakan sa baywang niya‚ dahilan para manatili siyang nakatayo.

Dali-dali naman akong tumungo upang kumustahin ang lagay ng nakabanggaan ko. Sa pagtungo ko ay saka ko lamang napagtantong nakayuko pala ang babaeng nakabanggaan ko na maaaring isa rin sa dahilan kung bakit namin nabangga ang isa’t isa kahit ang lawak naman ng daan.

“So-Sorry‚” nakayukong paghingi ng tawad ng nakabanggaan ko at base sa obserbasyon ko ay mukhang wala siyang balak na mag-angat ng tingin upang salubungin ang tingin ko.

Dali-dali kong inalis ang pagkakahawak ko sa baywang ng babae at tiningnan ko siya nang mabuti upang suriin kung ayos lang ba siya.

“It’s okay. Just be careful next time‚” maagap kong tugon at nginitian ko pa ang babaeng kausap ko kahit na hindi naman siya nakatingin sa ‘kin.

Dahil mukha namang ayos lang ang babaeng nakabanggaan ko at hindi naman siya nasaktan ay magpapaalam na sana ako sa kaniya para lapitan sina Kaiden na nasa malapit lang. Ngunit hindi ko na nagawa pang kumilos sa kinatatayuan ko nang bigla siyang mag-angat ng tingin‚ dahilan upang mapagtanto kong si Thea pala ang babaeng nakabanggaan ko.

“Kaleb?” hindi makapaniwalang tanong ni Thea habang nakatingala siya sa ‘kin.

“The—”

“Kaleb!” malakas na tawag sa akin ni Kaiden na pumutol sa sana’y sasabihin ko.

Dahil nga magkatitigan kami ni Thea nang tawagin ako ni Kaiden ay hindi nakaligtas sa akin ang biglang paninigas ni Thea nang marinig niya ang boses ni Kaiden na para bang nakakita siya ng multo. Ngunit agad din siyang nakabawi mula sa pagkabigla niya at aalis na sana siya nang hindi man lang nagpapaalam sa akin. Pero bago pa man niya maihakbang ang paa niya ay mabilis ko nang hinigit ang kamay niya para pigilan siya.

“Thea?” sambit ni Kaiden sa pangalan ni Thea na nagawa pa rin niyang makilala kahit pa nakatalikod sa kaniya si Thea.

Dahil marahil sa pagtawag ni Kaiden kay Thea ay bigla na lamang nagpumiglas si Thea mula sa pagkakahawak ko at pilit siyang kumakawala. Samantala ay dahan-dahan namang naglakad palapit sa amin si Kaiden. Si Athena naman ay napalingon na rin sa direksyon naman at kaagad siyang napangisi nang matuon ang atensyon niya kay Thea. Kasunod nito’y namalayan ko na lamang na nasa harapan ko na pala si Athena kaya dali-dali kong binitiwan ang kamay ni Thea bago pa niya ito mapansin.

“Hi! Ikaw ba si Thea? I’ve heard a lot of things about you. Palagi ka kasing nababanggit ni Kaiden‚” pagkausap ni Athena kay Thea na hindi na maitago pa ang excitement na nararamdaman niya.

Hindi ko naman masisisi si Athena kung ma-excite siya sa pagkikilala nila ni Thea. Ito lang naman kasi ang katuparan ng matagal na niyang gusto—ang makilala ang babaeng palaging bukambibig ni Kaiden. Ngunit ang hindi ko inaasahan ay ang naging reaksyon ni Thea matapos niyang marinig ang mga sinabi ni Athena. Bigla na lamang namilog ang mga mata niya na para bang may narinig siyang hindi niya inaasahang maririnig niya sa tanang buhay niya. Kasunod nito’y dahan-dahan niyang nilingon si Athena‚ waring inihahanda niya ang kaniyang sarili sa maaari niyang makita sa kaniyang likuran.

“Gwyn/Jane?” sabay na sambit nina Athena at Thea nang magtama ang kanilang paningin habang halos lumuwa na ang kanilang mga mata sa sobrang pamimilog nito.

“Gwyn/Jane!” masayang bulalas nina Athena at Thea matapos ang ilang segundo nilang pagtititigan saka bigla na lamang nilang sabik na niyakap ang isa’t isa‚ dahilan upang magkatitigan kami ni Kaiden habang halos magdikit na ang mga kilay namin.

‘Anong mayroon sa kanila? Magkakilala ba sila?’ naguguluhan kong tanong kay Kaiden gamit lamang ang isip ko.

Nagkibit lamang ng balikat si Kaiden sa tanong ko saka salubong ang kilay niyang tiningnan sina Athena at Thea na magkayakap pa rin hanggang ngayon.

“Jane‚ buhay ka! Buhay ka!” galak na galak na sigaw ni Thea na umiiyak na sa labis na tuwa.

Mas lalo naman akong naguluhan sa kung anong nangyayari dahil sa sinabi ni Thea at sa pag-iyak niya na sinundan na rin ng pag-iyak ni Athena.

“Ang tagal ka naming hinanap. Alalang-alala na kami sa ‘yo. Buong akala ng lahat ay patay ka na‚” humahagulhol nang wika ni Thea habang si Athena naman ay sinimulan nang hagurin ang likod niya upang hindi siya mahirapang huminga.

Habang nakatuon pa rin kina Athena at Thea ang atensyon ko ay bigla na lamang nahagip ng paningin ko si Kaiden na balak pa yatang putulin ang iyakan at yakapan ng dalawa.

“Hayaan mo na muna sila‚” pigil ko kay Kaiden bago pa man siya makalapit kina Athena.

Sa nakikita ko ay mukhang magkakilala sina Athena at Thea at matagal na silang hindi nagkikita kaya kailangan nila ng sapat na oras para sila’y makapag-usap at makapagkumustahan.

“I-I’m sorry‚ Gwyn. P-Patawarin mo ako kung basta na lang akong nawala. Patawarin mo ako kung dahil sa ‘kin namatay sina m-mommy at daddy. D-Dahil sa ‘kin‚ na-nawala ang mga taong itinuturing mong pangalawa mong magulang‚” humahagulhol ding paghingi ng tawad ni Athena.

‘Bakit iba ang pangalang binabanggit nila? Sino si Gwyn? At sino si Jane? May alam ka ba rito?’ hindi ko na napigilan pang itanong kay Kaiden gamit ang isip ko nang sandaling magtagpo ang aming tingin.

Mas pinipili kong kausapin si Kaiden gamit ang isip ko dahil ayokong maistorbo sina Athena. Halata naman kasing masyadong seryoso ang bagay na kanilang pinag-uusapan at matindi ang kanilang pananabik sa isa’t isa kaya hindi magandang putulin ang kanilang usapan.

‘I don’t have any idea. All I know is that Gwyn is Thea’s second name. But as far as I can remember‚ no one dared to call her that way‚’ mahabang tugon ni Kaiden at mas lalo pang nagsalubong ang kilay niya sa huli niyang sinabi.

Napailing-iling na lamang ako sa nakuha kong sagot kay Kaiden. Mukhang wala rin siyang alam kaya wala rin akong mapapala kahit pa ilang beses ko siyang tanungin.

Nang muli kong ibaling kina Athena ang atensyon ko ay sakto namang pinakawalan ni Thea si Athena mula sa pagkakayakap niya rito. Ngunit patuloy pa rin ang kanilang iyakan na para bang wala ng bukas.

Nang sandaling magkaroon ng distansya sa pagitan nina Athena at Thea ay maingat na hinaplos ni Thea ang magkabilang pisngi ni Athena at ginamit niya ang kaniyang mga kamay upang pahirin ang mga luha ni Athena na wala pa ring tigil sa pagtulo.

“Wala kang dapat ihingi ng tawad. Wala kang kasalanan sa nangyari. At mas lalong walang may gusto sa nangyari kaya huwag na huwag mong sisisihin ang sarili mo‚” mariing wika ni Thea habang patuloy pa rin siya sa pagpupunas ng mukha ni Athena na wala namang saysay dahil patuloy pa rin naman sa pag-iyak si Athena.

Patuloy lamang si Thea sa pagpahid ng mga luha ni Athena at hindi niya alintana ang sarili niyang luha na patuloy sa pagdausdos sa magkabila niyang pisngi. Ngunit kumpara kanina ay mas mahina na ang pag-iyak ngayon ni Thea kung kaya hindi siya hirap huminga sa sitwasyon niya.

Suminghot-singhot pa muna si Thea bago siya muling nagsalita upang aluin si Athena.

“Ang mahalaga ngayon ay ligtas ka at magkasama na tayo. Maaari tayong magsimulang muli at kalimutan na lang ang bangungot ng nakaraan‚” wika ni Thea na bakas ang pagiging positibo sa kabila ng mga nangyari sa kanila.

Kahit papaano ay humupa na ang emosyon ni Athena matapos niyang marinig ang mga sinabi ni Thea na tunay namang nakagagaan ng loob.

“Bakit ka nga pala nandito? Kumusta na sina Tita Berna at Tito Reymart? Ayos lang ba sila? Nasaan na sila? Bakit ikaw lang mag-isa ang nandito?” sunod-sunod ni tanong ni Athena na bahagyang nagpayuko kay Thea sa hindi ko malamang dahilan.

Nagulat na lamang ako nang bigla na lamang gumalaw ang balikat ni Thea kasunod ng ilang ulit niyang pagsinghot‚ senyales na balik na naman siya sa kaniyang pag-iyak.

“Wala na sila. Pinatay sila ng Darkinians na sumugod sa bahay‚” umiiyak na tugon ni Thea at muli na naman siyang humagulhol ng iyak na sinabayan pa ni Athena.

Nang tumagal pa ang kanilang iyakan ay napansin kong tila anumang oras ay bibigay na ang katawan ni Athena kung kaya dali-dali ko siyang nilapitan upang aluin at alalayan. Ganoon din naman ang ginawa ni Kaiden lalo pa’t si Thea ang pinakaemosyonal sa mga oras na ito.

Habang inaalo ko si Athena ay hindi ko naman maiwasan ang mapakunot-noo sa mga nangyayari at sa nasasaksihan ko. Sino ba ang binabanggit nilang Tita Berna at Tito Reymart? Bakit ganoon na lang ang naging reaksyon nila nang mapag-usapan nila ang mga ito?

“Shhh... Thea‚ everything will be alright‚ trust me. So please‚ don’t cry. And I know for sure that they would’nt want to see you in this state‚” pang-aalo ni Kaiden kay Thea na kasalukuyan na niyang yakap para mas lalo ritong iparamdam na magiging maayos din ang lahat.

“And besides‚ you want to avenge their death‚ right? So you have to be strong for them‚” dagdag pa ni Kaiden para bigyan si Thea ng dahilan para piliin niyang maging matatag.

Marami pang sinabi si Kaiden kay Thea na hindi ko na binigyan pa ng pansin nang marinig ko ang biglang pagsigaw ni Athena.

“Mga hayop sila! Una ang mga magulang ko. Ngayon naman ay sina tita’t tito! Pagbabayarin ko sila!” puno ng galit na sigaw ni Athena habang nakakuyom ang kaniyang mga kamao na lubha kong ikinagulat.

Ito ang unang beses na nagalit nang ganito si Athena kung kaya hindi ko maiwasan ang magulat. Ngunit ang kaninang gulat ko ay napalitan ng pagkabahala at pagkataranta nang mapansin kong pulang-pula na ang mga mata ni Athena.

‘F*ck! Hindi maganda ‘to!’ nababahalang sambit ko sa aking sarili dala ng pagkataranta ko sa mga maaaring mangyari.

Nang mapansin kong mas lalo lamang nagliliyab ang galit ni Athena sa pagdaan ng bawat sandali ay hindi na ako nagsayang pa ng oras. Kaagad ko siyang niyakap mula sa kaniyang gilid at marahan kong hinagod ang likod niya sa pag-asang kahit papaano ay makatulong ito para humupa ang galit niya.

“Athena‚ you need to calm down. Huwag mong hayaang lamunin ka ng galit. Hindi mo ito kailangang harapin mag-isa. Nandito lang ako. Magkasama nating haharapin ‘to. Hinding-hindi ako mawawala sa tabi mo‚” pang-aalo ko kay Athena habang patuloy pa rin ako sa paghagod ng likod niya.

Sa halip na kumalma at tumigil sa pag-iyak ay mas lalo pang lumakas ang pag-iyak ni Athena‚ dahilan para mahirapan na siyang huminga. Ngunit hindi ko na nagawa pang aluin siya nang marinig ko ang malutong na mura ni Kaiden.

“D*mn!” malutong na mura ni Kaiden na umagaw sa atensyon ko‚ dahilan upang mabaling sa direksyon nila ni Thea ang tingin ko.

Muntik naman na akong mapamura sa nabungaran kong eksena sa paglingon ko sa direksyon nina Kaiden. Kasalukuyan nang buhat ni Kaiden ang walang malay na si Thea na bakas sa mukha ang labis na sakit at kalungkutan. Ngunit hindi ko na nagawa pang kumustahin ang lagay ni Thea nang mapagtanto kong hindi ko na naririnig pa ang pag-iyak ni Athena.

Dali-dali kong ibinalik ang tingin ko kay Athena upang alamin ang lagay niya at napamura na lamang ako sa nasaksihan ko.

“F*ck!” bulalas ko nang makita kong wala na ring malay si Athena at kasalukuyan na siyang nakahilig sa dibdib ko.

Nang mapansin kong basang-basa ang magkabilang pisngi ni Athena dahil sa walang tigil niyang pag-iyak kanina ay dali-dali ngunit maingat akong kumilos upang punasan ang pisngi niya gamit lamang ang kaliwa kong kamay habang ipinangsuporta ko naman sa bigat niya ang kabila kong kamay. Nang matuyo na ang pisngi ni Athena ay maingat ko siyang binuhat saka ko hinarap si Kaiden na buhat din si Thea.

“Anong gagawin natin?” natataranta kong tanong kay Kaiden na hindi na maipinta ang mukha dala marahil ng labis niyang pag-aalala kay Thea.

“Let’s take them to Mesh Kingdom‚” may bahid na rin ng pagkatarantang tugon ni Kaiden.

“What? Nababaliw ka na ba? Hindi natin pwedeng dalhin do’n si Athena nang ganito ang lagay niya. Siguradong mag-aalala lang sina Tita Aurora at Tito Isaiah‚” mahigpit kong pagtutol sa suhestiyon ni Kaiden.

Hindi pwedeng makita nina Tita Aurora at Tito Isaiah ang nag-iisa nilang anak sa ganitong kalagayan. Siguradong malalagot ako lalo pa’t sa akin nila ibinilin ang anak nila.

“E anong gusto mong gawin natin?” may bahid ng pagkainis na tanong ni Kaiden na hindi pa rin nababawasan ang pag-alala.

“Kung dalhin na lang kaya natin sila sa inyo para—”

“F*ck! Hindi sila pwede ro’n. Paniguradong hindi sila makakapagpahinga nang maayos dahil sa kakulitan ni Mil at ayoko nang mag-alala pa sina ama’t ina kay Thea‚” mahigpit ding pagtutol ni Kaiden sa suhestiyon ko.

Lihim na lamang akong napamura dahil sa nagiging takbo ng usapan namin ni Kaiden. Kung hindi namin maaaring dalhin sina Athena sa Mesh Kingdom at bawal din sa Sapience Kingdom‚ saan namin sila dadalhin kung gano’n? Ano na ang gagawin namin ngayon? Hindi rin naman pwedeng sa palasyo ko sila dalhin dahil mag-aalala rin sina ina at mas lalong hindi pwede sa Ardor Kingdom dahil hindi naman namin gaanong nakakausap ang kasalukuyang namamahala ro’n.

Haist! Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Wala na akong maisip na lugar na pwede naming mapuntahan at matuluyan pansamantala kung saan walang makakakita kina Athena na walang malay. Hindi naman kami pwedeng basta na lang makituloy sa kung kaninong kakilala dahil kailangan na sa tagong lugar namin sila dalhin para hindi makarating sa mga magulang ni Athena ang nangyari.

‘Teka. Tagong lugar? Isang lugar lang ang alam kong tagong-tago kung saan namin maaaring dalhin sina Athena‚’ sambit ko sa aking isipan habang pinag-iisipan ko kung tama bang dalhin namin sila sa lugar na unang pumasok sa isip ko.

“Alam ko na!” bulalas ko nang makabuo na ako ng desisyon matapos ang ilang minuto kong pag-iisip.

“Anong alam mo na?” salubong ang kilay na tanong ni Kaiden.

“Alam ko na kung saan natin sila pwedeng dalhin‚” agad kong tugon at pabiro ko pang kinindatan si Kaiden na ikinaismid niya.

“And where is that?” tanong ni Kaiden na may kasama pang pagtaas ng isang kilay niya na para bang ipinaparating niya sa akin na dapat ay maayos ang ibigay kong sagot.

“Sa Tree House‚” maikli kong tugon.

Hindi ko na hinintay pa na tugunin o sang-ayunan ni Kaiden ang sinabi ko. Nauna na akong maglakad papuntang Camelot Garden. Agad ko rin namang naramdaman ang pagsunod niya sa likuran ko kaya napaismid na lamang ako.

Mabuti naman at hindi na kumontra pa ang loko. Akala ko mag-iinarte pa siya‚’ naiiling na isip-isip ko.

Tahimik naming binaybay ni Kaiden ang daan patungong Camelot Garden habang buhat pa rin namin ang mga walang malay na sina Athena at Thea.

Habang naglalakad ay hindi ko maiwasang mapatanong na naman sa aking sarili. Hanggang ngayon kasi ay marami pa ring tanong ang naglalaro sa isipan ko tulad na lang ng kung paano nagkakilala sina Athena at Thea at kung anong relasyon ang mayroon sila. Pero masasagot lang ang lahat ng katanungan ko sa oras na nagising na silang dalawa mula sa kanilang pagkakatulog. Sa ngayon ay kailangan ko munang isantabi ang mga katanungan ko at ituon na lamang ang atensyon ko sa pag-aalaga kay Athena habang wala pa siyang malay.

✨✨✨

A/N: Masagot na kaya ang lahat ng tanong ni Kaleb? Ano kayang mayroon sa dalawa at bakit sila magkakilala? Saka bakit ganoon na lang ang naging reaksyon nila nang mapag-usapan ang nakaraan?

If you want to know the answer‚ just keep on reading☺️

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top