CHAPTER 29: PRECAUTION
ALTHEA’S POV
Kanina pang ala una natapos ang klase namin dahil maaga kaming na-dismiss sa hindi ko malamang dahilan. Pero wala pa rin ni anino ni Kaiden kahit na kalahating oras na ang nakalilipas at kalahating oras na rin akong naghihintay sa pagdating niya sa aming silid-aralan upang ako’y sunduin.
“Thea‚ hindi ka pa ba uuwi?” tanong ni Luna na hindi ko na mabilang pa kung pang-ilang beses na niyang itinanong sa ‘kin.
Kanina pa ako kinukulit ni Luna at magmula rin kanina ay hindi na siya humiwalay sa ‘kin. At talagang lumipat pa siya sa katabi kong upuan para lang kulitin ako.
“Mamaya pa siguro. May hinihintay pa ako e‚” walang buhay kong tugon nang ni hindi man lamang tinatapunan ng tingin si Luna.
Hindi naman sa ayaw kong kausap si Luna o labag sa loob ko ang makipag-usap sa kaniya kaya ko siya hindi tinatapunan ng tingin. Abala lang talaga ako sa pagtanaw sa bintana ng mga estudyanteng dumadaan sa pagbabaka sakaling makita ko si Kaiden.
“Sino bang hinihintay mo? Sundo mo?” nang-uusisang tanong ni Luna at nakisilip na rin siya sa bintana para tingnan ang tinitingnan ko.
“Yeah‚” tipid kong tugon habang nasa labas pa rin ang tingin ko.
“Ganoon ba? Sige‚ samahan na lang muna kita rito habang hindi pa dumadating ang sundo mo‚” pagboluntaryo ni Luna na ikinalingon ko sa kaniya.
Muntik naman na akong matawa nang makita ko ang ayos ni Luna paglingon ko sa direksyon niya. Abala na siyang magbasa ng libro at kung titingnan ay para bang nasa bahay lamang siya dahil sa paraan ng pag-upo niya. Nakaupo kasi siya sa katabi kong upuan habang nakapatong ang dalawa niyang paa sa mesang nasa harapan namin at nakapatong naman ang ulo niya sa ibabaw ng sandalan ng upuan niya kaya para na siyang nakahiga.
“Ano na namang gimik ‘yan?” mataray kong tanong kay Luna at pinagtaasan ko pa siya ng kilay para mas lalo akong magmukhang mataray sa paningin niya.
Kaagad namang napalingon sa direksyon ko si Luna at binigyan niya ako ng nagtatakang tingin.
“Anong gimik ka riyan? Seryoso kaya ako. Tss!” mataray ring tugon ni Luna saka bigla na lamang niya akong inirapan at mas pinili na lamang niyang ituon ang tingin niya sa kisame.
“Sabagay ganiyan naman talaga kayo. Kung sino pa ‘yong seryoso‚ sila pa ‘yong hindi ninyo pinaniniwalaan dahil mas naniniwala kayo sa isang taong walang ibang alam gawin kundi ang lokohin kayo nang paulit-ulit‚” dagdag pa ni Luna na ikinaawang ng bibig ko.
Nang makabawi ako mula sa pagkagulat ay basta na lamang kumilos ang kamay ko upang batukan si Luna para alugin ang utak niyang inaamag na yata.
“Aray!” daing ni Luna saka kaagad siyang napaaayos ng upo at bumaling siya sa direksyon ko habang himas-himas niya ang parte ng ulo niya na tinamaan ng kamay ko.
“Ang sakit no’n ah‚” reklamo ni Luna habang himas-himas pa rin niya ang ulo niya.
“Sorry. Akala ko kasi tulog ka pa. Kaya inalog ko ‘yang utak mo baka sakaling magising ka na sa kabaliwan mo‚” puno ng sarkasmong tugon ko.
Kaagad namang humaba ang nguso ni Luna dahil sa sinabi ko.
“Tss! Ikaw na nga itong sinasamahan‚ ikaw pa ang galit‚” nakangusong maktol ni Luna saka humalikipkip siya sa kaniyang upuan.
“Bakit? Sinabi ko bang samahan mo ‘ko?” mataray kong tanong para ipaalala kay Luna na walang pumilit sa kaniya na manatili sa silid at samahan akong maghintay sa pagdating ni Kaiden.
“E gusto lang naman kitang samahan para hindi ka maiwang mag-isa rito‚” mangiyak-ngiyak at sumisinghot-singhot na sagot ni Luna at nagkunwari pa siyang nagpupunas ng luha kahit wala namang luha sa mga mata niya.
Napailing-iling na lamang ako sa kadramahan ni Luna at lihim na lamang din akong napangisi nang makaisip ako ng paraan kung paano ko siya magagantihan.
“Mauna ka na kasi. Okay na ako rito. Sanay naman na akong mag-isa. Sanay na akong iniiwan. May mga tao kasi na kung kailan mo kailangan ay saka ka naman iiwan sa ere‚” madramang sabi ko para tapatan ang kadramahan ni Luna.
Kaagad namang nabaling sa akin ang tingin ni Luna matapos kong magdrama.
“Aba! Humuhugot ka na rin. Ang galing ko talagang influencer‚” tuwang-tuwa sabi ni Luna na mukhang proud na proud pa talaga sa nagawa niya.
“Tsk! Umuwi ka na nga! Pati ako nahahawaan na ng kabaliwan mo!” pagpapaalis ko kay Luna.
Nang hindi kumilos si Luna para kusang umalis ay ako na mismo ang kumuha ng mga gamit niya at ako na rin ang nag-abot nito sa kaniya. Nang siya na ang may hawak ng mga gamit niya ay basta ko na lamang siyang hinila patayo at tinulak-tulak ko siya palabas ng silid.
“Alis na. Shoo!” pagtataboy ko kay Luna nang nasa labas na kami ng silid at gumawa pa ako ng hand gesture na para bang aso o manok ang tinataboy ko.
“Aba’t ang gaga‚ ginawa pa akong aso. E kung kagatin kaya kita riyan‚” pabirong pagbabanta ni Luna na lihim na nagpangiti sa akin.
“Sorry but I won’t let you. Baka magka-rabies pa ako‚” mataray kong tugon at nakunwari pa akong nandidiri para asarin si Luna.
“Feeling naman nito!” napapangiwing wika ni Luna bago siya biglang sumeryoso. “O siya‚ una na ‘ko. Ingat ka pauwi ah. Baka ma-rape ka sa daan. Sayang ganda mo‚” seryosong aniya na alam kong isa na naman sa mga kabaliwan niya kaya napailing-iling na lamang ako.
“Baliw ka talaga. Sige‚ alis ka na at mag-iingat ka rin pauwi‚” bilin ko rin sa kaniya saka wala sa sariling niyakap ko siya.
Hindi ko alam pero kahit na nakukulitan at naiingayan ako kay Luna ay komportable pa rin ako sa kaniya at gusto ko ang presensya niya. Marahil ay dahil ito sa pagiging isip-bata at pagiging masayahin niya na talaga namang nakakatuwa at nakakahawa kaya kahit sino pa ang kaharap niya ay madali niyang makukuha ang loob.
Kaagad din naman akong kumalas sa pagkakayakap ko kay Luna para makaalis na siya. At nang magsimula na nga siyang maglakad paalis ay hinatid ko na lamang siya ng tingin.
Nang hindi na maabot pa ng paningin ko si Luna ay saka lamang ako bumalik sa loob ng silid. Ngunit agad din naman akong lumabas ulit matapos kong makuha ang bag ko.
Mas magandang umalis na ako ng silid kaysa maghintay pa ako ro’n mag-isa. Mukhang hindi na rin naman darating si Kaiden para sunduin ako na lubhang nakakapanibago kaya hindi ko tuloy maiwasang mabuhay sa dugo ko ang kuryusidad dahil ito ang unang beses na nangyari ito.
Mag-isa kong tinahak ang daan patungong gusali ng huling antas. Medyo malayo ang lalakarin ko dahil ang lalayo ng agwat ng bawat gusali sa sobrang lawak ng akademya.
Sa paglalakad ko ay napadaan ako sa corridor at may nakita ako ritong dalawang pamilyar na lalaki na papalapit sa ‘kin.
“Hi‚ Thea‚” masayang bati nila sa akin nang huminto sila sa mismong harap ko.
Nagsalubong na lamang ang kilay ko at hindi ko na nagawa pang magsalita dahil hindi ko magawang matukoy kung saan at kailan ko sila nakita. Ayoko namang makipag-feeling close sa kanila dahil hindi ko pa naman alam kung nakilala ko na ba sila dati o sadyang pamilyar lang talaga sa akin ang mga mukha nila.
“Hey. Ako ‘to‚ si Luca. Siya naman si Nikolai‚ ang pinsan ko. Nakalimutan mo na ba?” pagpapakilala ng lalaking may itim na buhok sa kaniyang sarili at maging sa kasama niya na pinsan pala niya.
Dahil sa tanong ng lalaking nagpakilalang Luca ay nakumpirma kong hindi ito ang una naming pagkikita. Kaya naman ay pinilit kong alalahanin kung saan at kailan ko sila nakilala. Hindi naman ako nahirapang alalahanin ‘yon dahil kusang bumalik sa akin ang alaala ko sa araw na iyon na kaparehong araw kung kailan ko nakasagupa ang Trio na mula sa Ardor Kingdom.
Napangiti na lamang ako matapos kong makilala kung sino ang mga kaharap ko. Aaminin kong magaan ang loob ko sa kanila lalo pa’t pareho silang palakaibigan kung kaya hindi ko maiwasang matuwa na kahit napakalawak ng akademya ay pinagtagpo-tagpo pa rin kaming muli.
“Yeah. Naalala ko na‚” nakangiting tugon ko matapos ang may kahabaan kong pananahimik. “Kumusta na kayo?” masiglang tanong ko upang kumustahin sila.
“Ito‚ gwapo pa rin hanggang ngayon‚” mahanging sagot ni Nikolai na may kasama pang paghawak sa baba niya para panindigan ang sinabi niya.
Marahan na lamang akong natawa sa naging sagot ni Nikolai.
“Pfft! Yabang!” pigil ang tawang komento ko saka ako bumaling kay Luca para mas lalong asarin si Nikolai. “Luca‚ may bagyo ba?” natatawa kong tanong kay Luca at nagpalinga-linga pa ako sa paligid para magkunwaring sinisipat ko ang lagay ng panahon.
“Hindi naman bumabagyo rito ah. Ba’t mo natanong?” kunot-noong tanong ni Luca na walang kamalay-malay sa talagang ibig kong iparating sa tanong ko.
“Bigla kasing humangin e‚” may diing wika ko para paringgan si Nikolai.
“Pffft! Hahahaha!” Bigla na lamang humagalpak ng tawa si Luca nang sa wakas ay makuha na niya ang talagang kahulugan ng sinabi ko.
Napailing-iling na lamang ako sa pagiging slow ni Luca at hindi na lamang ako nagkomento kahit pa late na masyado ang reaksyon niya.
“Thea‚ talaga o. Ngayon na nga lang tayo nagkita‚ ganiyan pa ang isasalubong mo sa ‘kin‚” pagdadrama ni Nikolai na halos magkandahaba-haba na ang nguso sa sobrang trying hard niyang umarte.
Mas lalo namang lumakas ang tawa ni Luca dahil sa pagdadrama ng pinsan niya.
“Huwag ka ngang ngumuso riyan. Para kang pato na natatae‚” pang-aasar ni Luca kay Nikolai habang wala pa rin siyang humpay sa pagtawa na para bang wala ng bukas‚ dahilan para batukan siya ng pinsan niyang pikon.
“Aray ko naman‚ pinsan! Makabatok ka‚ wagas! Parang wala ng bukas‚” reklamo ni Luca habang hinihimas-himas niya ang ang parte ng ulo niya na binatukan ni Nikolai.
“Isa ka pa e‚” pikong wika ni Nikolai habang inis siyang nakatingin kay Luca.
Marahan na lamang akong natawa na may kasamang pag-iling dahil sa asaran ng magpinsan. Para lang silang mga bata kung mag-asaran. Nakakatuwa silang panoorin. But at the same time‚ nakakalungkot din dahil ipinapaalala nila sa akin si Jane at ang mga masasaya naming alaala noong magkasama pa kami.
“Siya nga pala‚ Thea. Balita ko nasa ikalawang antas ka na‚” biglang pag-iiba ni Luca ng usapan na umagaw sa atensyon ko. “Congrats!” masayang sabi ni Luca nang magtagpo ang aming tingin at nakangiti niyang ginulo ang buhok ko.
Lihim naman akong napangiti sa ginawa ni Luca at sa tinging ibinibigay niya sa ‘kin na para bang sinasabi niyang ipinagmamalaki niya ako at masaya siya sa nagawa ko. Pakiramdam ko tuloy ay para akong nagkaroon ng instant kuya sa katauhan niya.
“Salamat‚” tanging nasabi ko habang nakaguhit pa rin sa labi ko ang masayang ngiti.
“Siya nga pala‚ nabalitaan din namin ang nangyari sa ‘yo sa training. Kumusta ka na?” mayamaya’y tanong ni Nikolai na mababakas ang pag-aalala sa kaniyang boses at maging sa kaniyang mukha.
“Okay na ako. Salamat sa pag-aalala‚” nakangiting tugon ko.
“Wala ‘yon. Ikaw pa ba. E hindi ka na naman iba sa ‘min‚” nakangiti ring tugon ni Nikolai at basta na lamang niya akong niyakap na lubha kong ikinagulat. “Masaya akong makita kang ligtas‚” wika ni Nikolai habang nakakulong ako sa kaniyang mga bisig.
Hindi pa man ako nakakabawi mula sa pagkabigla ko sa ginawang pagyakap sa akin ni Nikolai ay muli na naman akong nabigla nang makisali na rin sa aming yakapan si Luca.
“Ako rin. Hindi mo lang alam kung gaano kaming nag-alala nang mabalitaan namin ang nangyari‚” segunda ni Luca na bakas sa boses ang pinaghalong tuwa at pag-aalala.
Habang yakap ako ng magpinsan ay hindi sinasadyang natuon ang tingin ko sa isang lalaking nakasuot ng uniform na katulad sa amin. May kalayuan siya sa amin ngunit malinaw kong nakikita na sa amin siya nakatingin na para bang pinagmamasdan niya kami mula sa malayo.
Hindi ko magawang makilala ang lalaking nakamasid sa amin mula sa malayo dahil natatakpan ng buhok niya ang kalahati ng mukha niya. Pero pamilyar siya sa akin. May pakiramdam akong dati ko na siyang nakita.
Bigla na lamang namilog at nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto ko ang dahilan kung bakit pamilyar sa akin ang lalaki. Hindi ako maaaring magkamali. Ang lalaking nakamasid sa amin ay ang kaklase at katabi ko noon sa unang antas. Pero maaari din namang namamalikmata lang ako. Wala naman kasing dahilan para obserbahan niya kami. Ni hindi nga kami nag-uusap noon kaya malabong magsayang siya ng oras sa pagmamasid sa amin.
Dahil sa pagtatalo ng isip ko sa kung anong totoo ay napagpasyahan kong ipikit sandali ang mga mata ko para alamin kung totoo ba ang nakikita ko o namamalikmata lang ako.
Dali-dali akong pumikit at agad din akong nagmulat ng mata. Sa pagmulat ko ay hindi ko na nakita pa ang dati kong kaklase sa kaninang kinatatayuan niya‚ dahilan para magsalubong ang kilay ko.
‘Weird. Sigurado akong nakatayo siya ro’n kanina. Kaya paanong bigla na lang siyang nawala?’ tanong ko sa aking sarili na agad ko rin namang nasagot nang pumasok sa isip ko ang tungkol sa kakayahan ng ibang charmer na mag-teleport.
“Thea‚ ayos ka lang?” may himig ng pag-aalalang tanong ni Luca na sinabayan pa ng pag-alog niya sa akin‚ dahilan upang matauhan ako at mabalik sa kanilang magpinsan atensyon ko.
Sa sobrang pag-iisip ko kanina ay ngayon ko lamang namalayan na hindi na pala ako yakap ng magpinsan at kasalukuyan na silang nakatayo sa harap ko habang puno ng pag-aalalang nakatingin sa ‘kin.
“Ye-Yeah‚ ayos lang ako‚” nauutal kong sagot saka muli kong tiningnan ang kaninang kinaroroonan ng dati kong kaklase. Ngunit katulad kanina ay wala na akong nakita pa ni anino sa lugar na ‘yon.
“Sigurado ka?” alala pa ring tanong ni Luca na halatang hindi kumbinsido sa naging sagot ko. “E hindi ka naman mukhang okay‚” dagdag pa ni Luca.
“Oo nga‚ Thea. Gusto mo dalhin ka na namin sa Healing Room para matingnan ka ni Miss Kaia?” nag-aalala ring tanong ni Nikolai na kasalukuyan nang nakahawak sa kanang balikat ko na para bang handa siyang igiya ako patungong Healing Room anumang oras na magdesisyon akong magpasama papunta ro’n.
“Hindi na kailangan. Ayos lang naman ako. Sadyang pagod lang siguro ako kaya mukha akong hindi okay‚” pagdadahilan ko para hindi na ipilit pa ng magpinsan na hindi ako okay.
“Sige‚ mauna na ako sa inyo‚” mayamaya’y paalam ko sa magpinsan upang hindi na humaba pa ang aming usapan at tipid ko silang nginitian para ipakita sa kanilang ayos lang talaga ako kahit hindi naman.
Ang totoo niyan ay hindi talaga ako okay dahil maraming tanong ang tumatakbo ngayon sa isipan ko. Ilan lamang sa mga ito ay ang mga tanong na sino ba talaga ang lalaking nakita ko kanina? Bakit niya ako lihim na pinagmamasdan mula sa malayo? Minamanmanan niya ba ako? Isa ba siyang kaaway o kakampi?
Haist! Pati ako ay naguguluhan na rin. At sa palagay ko’y kailangan ko nang mahanapan ng sagot ang mga tanong na naglalaro sa isipan ko bago pa ako mabaliw sa kaiisip. Pero paano? Paano ko makukuha ang sagot na kailangan ko?
“Thea?”
Wala sa sariling napakurap ako at nabalik ako sa huwisyo nang marinig ko ang pagtawag ni Nikolai sa pangalan ko kasabay ng pagwagayway niya ng kamay niya sa mismong tapat ng mukha ko. Sa pagbalik ko sa huwisyo sa tulong ni Nikolai ay doon ko lamang napagtantong hindi pa pala ako nakakaalis katulad ng paalam ko sa kanila. Ni hindi ko nga naigalaw man lang ang paa ko.
“Sigurado ka bang ayos ka lang?” puno ng pag-aalalang tanong ni Nikolai habang puno ng pag-aalala ring nakatingin sa akin ang pinsan niyang si Luca.
Sa kabila ng mga tanong na gumugulo sa ‘kin ay nagawa ko pa ring mapangiti nang tipid dahil sa inaasal ng magpinsan. Nakakataba lang talaga ng puso na kahit dalawang beses ko pa lang silang nakikita ay grabe na sila kung mag-alala sa ‘kin. Daig pa nila ang kamag-anak ko kung sila’y umasta.
“Oo‚ ayos lang talaga ako. Salamat sa concern‚” paniniguro ko sa kanila at mas lalo ko pang nilawakan ang ngiti ko na hindi na pilit sa pagkakataong ito.
“Sige‚ una na ako sa inyo‚” muling paalam ko sa magpinsan at agad ko na silang nilampasan para ituloy ang paglalakad ko patungong gusali ng huling antas kung saan nabibilang si Kaiden.
Hindi ko na hinintay pang magsalita ang isa man kina Luca at Nikolai dahil tiyak kong tututol lang sila at ipipilit nilang magpunta ako ng Healing Room. Saka ayoko na rin silang maabala at pag-alalahanin kaya tama lang na pinutol ko na ang usapan namin.
Sa paglalakad ko ay nadaanan ko ang classroom ng ikatlong antas na base sa nakikita ko ay naiiba sa classroom ng una at ikalawang antas dahil masyadong isolated ang classroom nila at mayroon pa itong transparent barrier. Wala ring kahit anong makikita mula sa labas at mas malaki rin ito kumpara sa classrooms ng mga mas mababang antas. Pero hindi naman na ito nakapagtataka dahil kapangyarihan na ang pinag-aaralang palabasin at kontrolin sa ikatlong antas kaya malamang na mahigpit ang seguridad dahil isang pagkakamali lang ay maaaring madamay ang buong akademya kung wala itong barrier. Mas malaki rin ang kailangan nilang ispasiyo para maayos silang makapag-ensayo sa kanilang silid-aralan. Hindi naman kasi imposibleng may mga pagkakataong sa kanilang silid-aralan nag-eensayo ang mga mag-aaral ng ikatlong antas sa halip na sa battle arena lalo pa’t sa pagkakaalam ko ay nagpupunta lamang sila ng battle arena kung sila’y maglalaban-laban upang sukatin ang kanilang husay sa paggamit ng kanilang mga kapangyarihan.
Mga ilang minuto ko pang pinagmasdan ang silid-aralan ng ikatlong antas bago ko napagdesisyunang magpatuloy na sa pagpunta ko sa kinaroroonan ni Kaiden.
Matapos ang mahaba kong paglalakad‚ sa wakas ay natanaw ko na rin ang gusali ng huling antas kung kaya napangiti na lamang ako.
Ang gusali ng huling antas ay ang pinakabukod-tangi sa lahat. Napakalaki nito at mayroon itong dalawang palapag. Mayroon din itong rooftop na kahit mula sa baba ko lamang nakikita ay masasabi kong napakaganda. Napapalibutan kasi ito ng mga halamang may magaganda at makukulay na bulaklak na nasilbing bakod nito. May mga nagliliwanag ding paruparo ang nakadapo sa mga bulaklak at may ilan pang palipad-lipad lamang sa rooftop. Ngunit hanggang doon na lamang ang kayang maabot ng paningin ko. Kung anuman ang nasa gitnang bahagi ng rooftop ay hindi ko na alam.
Bukod sa angking ganda ng gusali ay nakakaagaw rin ng atensyon ang transparent barrier na bumabalot dito na naiiba sa barrier na nakita ko kanina sa ikatlong antas. Kapansin-pansin din ang pagiging isolated ng gusali katulad ng sa ikatlong antas. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na marahil ay sobrang mahahalaga at confidential ang mga misyon ng mga nasa huling antas dahil kinailangan pa talagang higpitan ang seguridad.
Nang magsawa na akong pagmasdan ang gusaling nasa harapan ko ay ihahakbang ko na sana ang paa ko upang hanapin si Kaiden ngunit bigla na lamang akong natigilan nang may marinig akong boses sa hindi kalayuan.
“Athena‚ the right time will come. All you have to do is to wait for it‚” wika ng isang pamilyar na boses na nakakuha sa atensyon ko.
Hinanap ko kung saan nagmula ang boses na narinig ko na madali ko namang nahanap dahil hindi naman ito kalayuan sa akin. Sa paghahanap ko rito ay kaagad na natuon ang tingin ko kay Kaiden na siya palang may-ari ng boses na narinig ko. May kausap siyang isang babae na hawak pa niya sa balikat na hindi ko makilala kung sino dahil tanging likod lamang nito ang nakikita ko.
Hindi ko naman maiwasan ang pagmasdan si Kaiden at obserbahan ang bawat kilos at emosyon niya lalo pa’t siya lang naman ang nakaharap sa direksyon ko. Nasa bandang kaliwa ko kasi sila at medyo may kalayuan sila sa ‘kin at mas malapit sila sa gusali kumpara sa ‘kin kaya kahit anong subok kong kilalanin at tingnan ang mukha ng babaeng kausap niya ay hindi ko magawa.
Kahit na nakaharap si Kaiden sa direksyon ko ay hindi pa rin niya ako napansin o maging ang presensya ko dahil abala siya sa pagkausap sa babae at mukhang nag-e-enjoy siyang kausap ito dahil hindi man siya nakangiti ay nakikita ko naman sa mga mata niya ang saya.
‘Maybe she’s his girl‚’ sambit ng isang boses sa isip ko na lihim ko namang sinang-ayunan.
Kahit na matalas ang pandinig ko at kaya kong marinig ang usapan nina Kaiden kahit may kalayuan sila sa ‘kin ay hindi ko na nagawa pang pakinggan ang palitan nila ng salita dahil nakatitig lamang ako kay Kaiden at mataman kong inoobserbahan ang bawat emosyong dumadaan sa mukha niya.
Tila bigla na lamang tumigil ang oras kasabay ng pamamanhid ng katawan ko nang makita kong ginulo ng babaeng kausap ni Kaiden ang buhok niya habang siya naman ay nakangiti itong pinagmamasdan na para bang masaya pa siya sa ginawa nitong paggulo sa buhok niya. Kasunod nito’y naramdaman ko na lamang ang pamamasa ng pisngi ko‚ dahilan upang maestatwa ako sa kinatatayuan ko.
‘Why am I crying? Hindi ba dapat matuwa ako dahil sa kabila ng kasungitan niya ay may babae pa palang nagmamahal sa kaniya?’ hindi ko na napigilan pang itanong sa aking sarili sa pag-asang magagawa ko itong sagutin. Ngunit maging ako ay hindi ko alam kung paano ito sasagutin.
‘Nasasaktan ba ako dahil nakalimutan niya akong sunduin tulad ng pangako niya? O nasasaktan ako dahil hindi lang ako ang babae sa buhay niya?’ muling tanong ko sa aking sarili na hindi ko malaman kung saan nanggaling at kung bakit ko naitanong.
Kung anuman ang dahilan ng pagluha ko‚ wala na akong pakialam. Pero hindi ko ito dapat nararamdaman. Ano ba naman ako sa kaniya para masaktan ako sa nakikita ko? Magkaibigan lang naman kami. Oh‚ correction. Magkakilala lang pala kami.
Tama! Isa lang pala akong hamak na mortal na sa tingin niya ay responsibilidad niyang protektahan dahil siya ang nagdala sa akin sa mundo nila at hanggang doon na lang ‘yon. Kaya hangga’t maaga‚ mas makabubuti sigurong pigilan ko na kung anuman itong nararamdaman ko bago pa ako tuluyang mahulog sa kaniya. Sa ganitong paraan ay mapapangalagaan ko ang sarili ko at magagawa ko siyang pakisamahan sa pananatili ko sa kanilang mundo.
Dahil sa pasyang nabuo ko ay napagdesisyunan kong umalis na sa kinatatayuan ko. Kaya bago pa mapansin nina Kaiden ang presensya ko at bago pa magtuloy-tuloy sa pagtulo ang mga luha ko ay agad ko nang pinunas ang luhang tumulo sa pisngi ko at dali-dali na akong tumalikod para umalis na sa kinaroroonan ko nang sa gayon ay hindi ko na makita pa ang pangyayaring unti-unting dumudurog sa puso ko.
✨✨✨
A/N: Omo! Kawawa naman ang ating bida. Wasak na wasak sa nasakhisan.
Q: Sino kaya ang babaeng kausap ni Kaiden?
Nasa next chapter na po ang sagot. Basahin na lamang po ninyo🙆🏻♀️
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top