CHAPTER 25: THEORY

THIRD PERSON’S POV

Kaagad na kumatok sa pinto ng Council Chamber si Miss Kaia nang makarating siya sa kaniyang destinasyon.

“Pasok!” pasigaw na tugon ng nasa loob ng Council Chamber na walang iba kundi si Sir Ahmir.

Hindi na nagdalawang-sabi pa si Sir Ahmir. Kaagad na iniluwa ng pinto ng Council Chamber si Miss Kaia na nakakuyom ang kaliwang kamao sa hindi niya malamang dahilan. Bakas din sa mukha nitong may mahalaga itong sadya na hindi maaaring ipagpaliban.

“Oh. Kaia‚ napadalaw ka?” masayang bungad na tanong ni Sir Ahmir kay Miss Kaia nang tuluyan itong makalapit sa kaniyang mesa.

“Ahmir‚ may mahalaga akong sadya‚” walang paligoy-ligoy na saad ni Miss Kaia na hindi na makapaghintay pa na ilahad kay Sir Ahmir ang ideyang nabuo sa kaniyang isipan.

Dahil sa sinabi ni Miss Kaia ay minabuti na lamang ni Sir Ahmir na isantabi na muna ang mga papeles na kaniyang inaasikaso upang pagtuunan ng pansin ang kung anumang sasabihin ni Miss Kaia na sa hinuha niya’y lubhang mahalaga.

“Ano ‘yon?” seryosong tanong ni Sir Ahmir habang iminumuwestra niya ang kaniyang kamay sa isa sa mga upuang nasa tapat ng kaniyang mesa upang anyayahan si Miss Kaia na maupo nang sa gayon ay maayos silang makapag-usap.

“Tungkol ito kay—”

Hindi na naituloy pa ni Miss Kaia ang sana’y sasabihin niya nang bigla na lamang kumalabog ng pintong nasa kaniyang likuran na umagaw ng kaniyang pansin.

Halos sabay na napalingon sina Miss Kaia at Sir Ahmir sa bagong dating na siyang marahas na nagbukas ng pinto. Katulad kanina ay agad na natuon ang paningin ni Sir Ahmir sa nakakuyom na kamao ng bagong dating. Malinaw niyang nakita kung paanong kuminang ang kung anong bagay na hawak nito ngunit hindi niya magawang maaninag kung ano ito kaya minabuti na lamang niyang mag-angat ng tingin upang salubungin ang tingin ng bagong dating.

“Logan‚ napasugod ka yata‚” bungad ni Sir Ahmir sa kararating lang na guro ng mga estudyanteng nasa ikalawang antas o mas kilala sa tawag na “Knights”.

“May mahalagang bagay kayong dapat na malaman‚” seryosong saad ni Sir Logan saka siya dahan-dahang naglakad palapit kina Miss Kaia at Sir Ahmir.

“Ano ba ‘yang mahalagang bagay na sasabihin ninyo at bakit parang hindi kayo mapakali? Tungkol saan ba ‘yan?” puno ng pagtatakang tanong ni Sir Ahmir habang palipat-lipat ang tingin niya kina Miss Kaia at Sir Logan na parehong nakatayo sa kaniyang harapan at tila kapwa walang balak na maupo.

“Tungkol kay Thea/Miss Gutierrez‚” sabay na sagot nina Miss Kaia at Sir Logan na mas lalong ipinagtaka ni Sir Ahmir‚ dahilan upang mas lalong magpapalit-palit ang tingin niya kina Miss Kaia at Sir Ahmir.

Habang nagpapalipat-lipat ang tingin ni Sir Ahmir kina Miss Kaia at Sir Logan ay muling natuon ang tingin niya sa nakakuyom nitong mga kamao na para bang may itinatago sila roong isang mahalagang bagay na ayaw nilang mahulog o mabitiwan.

“Ano bang tungkol kay Thea? At ano ‘yang bagay na hawak ninyo?” naguguluhang tanong ni Sir Ahmir na hindi na napigilan pa ang pagsasalubong ng kaniyang kilay dahil sa labis na kaguluhan ng isip.

Dahil sa tanong ni Sir Ahmir ay agad na kumilos sina Miss Kaia at Sir Logan upang lumapit sa mesang nasa kanilang harapan saka maingat nilang inilapag dito ang bagay na kanina pa nila hawak. Nang mailapag na nila ang hawak nilang mga pino at makikinang na ginto ay napanganga na lamang si Sir Ahmir sa kaniyang nakita.

“Paano kayo nagkaro’n ng ginto? Saan ninyo nakuha ang mga ‘to?” salubong ang kilay na tanong ni Sir Ahmir nang hindi pa rin niya inaalis ang tingin niya sa mga gintong nasa kaniyang mesa upang tiyaking ginto nga ang mga ito at hindi siya dinadaya ng kaniyang paningin.

“Iyon na nga ang dahilan kung bakit kita sinadya rito—ang ipaalam sa ‘yo kung saan ko nakuha ang mga gintong ‘yan—na marahil ay siya ring dahilan ng pagpunta rito ni Kaia‚” mahabang tugon ni Sir Logan na mas lalong nagpagulo ng isipan ni Sir Ahmir dahil sa hindi nito pagtugma sa kaninang sinabi ni Sir Logan na dahilan ng kaniyang pagpunta sa Council Chamber.

“Teka nga. Akala ko ba ay pumunta kayo rito dahil kay Thea? Bakit ngayon ay sinasabi mong pumunta kayo rito dahil sa gintong ‘to? Ano ba talagang nangyayari?” naguguluhan nang tanong ni Sir Ahmir na hindi na maipinta ang mukha dala ng kaguluhan ng kaniyang isip.

Matapos magsalita ni Sir Ahmir ay kaagad na ibinuka ni Miss Kaia ang kaniyang bibig upang ilahad kay Sir Ahmir ang mga nangyari nang sa gayon ay maging malinaw na kay Sir Ahmir ang dahilan ng kanilang bigla-biglang pagsadya rito.

“Hindi ba’t alam naman nating lahat na lumalabas lamang ang kapangyarihan ng isang charmer kapag sumapit na ang kanilang ikalabing-walong kaarawan?” panimula ni Miss Kaia na talagang piniling simulan ang kuwento sa pinakasimula sa halip na dumiretso siya sa usapin patungkol sa gintong kaniyang nakuha sa kama.

“Hindi naman na iyon lingid sa kaalaman ng lahat. Pero ano bang tungkol do’n at bakit bigla-bigla mo itong nabanggit?” nagtatakang tanong ni Sir Ahmir na wala pa ring kaide-ideya sa gustong sabihin nina Miss Kaia.

“Sa kaso ni Thea ay nagawa niya nang magpalabas ng napalakas na kapangyarihan at nagawa niyang matalo ang Trio kahit na labimpitong taong gulang pa lamang siya. Bukod dito ay nagawa na rin niyang magpamalas ng kakaibang kakayahan‚” maagap na tugon ni Miss Kaia na nakakuha ng interes ni Sir Ahmir‚ dahilan upang mas lalo pa nitong naisin na marinig ang buong kuwento.

“Anong ibig mong sabihin? Anong kakayahan ang tinutukoy mo?” salubong ang kilay na tanong ni Sir Ahmir na hanggang ngayon ay wala pa ring ideya kung saan patungo ang kanilang usapan.

“Nagawa niyang gamutin ang kaniyang sarili kahit pa wala siyang malay at kahit hinang-hina na siya. Nagawa niya ring ibalik sa dating ayos nito ang damit niya na nagusot at narumihan na para bang walang nangyari. Pero ang talagang nakakagulat sa lahat ay ang nasaksihan ko kanina‚” tuloy-tuloy na kuwento ni Miss Kaia saka saglit siyang huminto upang humugot ng malalim na hininga nang sa gayon ay maayos niyang mailahad ang talagang sadya niya.

“Ano ‘yon?” puno ng kuryusidad na tanong ni Sir Ahmir.

Mas lalo pang kinain ng kuryusidad niya si Sir Ahmir nang hindi agad sumagot si Miss Kaia. Hindi rin naman niya maitatangging may nabuo na rin siyang mga katanungan sa isipan niya patungkol sa kapangyarihang taglay ni Thea dahil hindi niya maitatangging malakas ang prensensya nito. Unang tingin pa lamang niya rito kahapon ay naghinala na siyang hindi ito isang ordinaryong charmer lamang. May hinala na siyang naiiba ito sa lahat lalo pa’t nagawa nitong matalo ang Trio kahit wala pa itong alam sa pagpapalabas at paggamit ng kapangyarihan.

“Sinubukan kong paghilumin ang sugat na natamo niya sa laban ngunit hindi kinaya ng kapangyarihan ko dahil sa lalim ng sugat niya at idagdag pang marami na ring dugo ang nawala sa kaniya. Nasa bingit na rin siya ng kamatayan noong mga oras na iyon. Ngunit sa hindi ko malaman at maipaliwanag na dahilan ay nagawa niyang makaligtas sa bingit ng kamatayan nang walang kahit anong tulong. Bigla ring naglaho na parang bula ang sugat na natamo niya at wala itong iniwang anumang bakas na para bang hindi siya nasaksak na lubha kong ipinagtataka dahil napakaimposibleng makaligtas pa siya. Nag-aagaw buhay na kasi siya noong mga oras na iyon at wala na siyang sapat na lakas para gamutin ang kaniyang sarili‚” mahabang salaysay ni Miss Kaia na ikinagulat at ikinamangha ni Sir Ahmir.

“Kaya niya ring matutunan ang isang abilidad sa loob lamang ng ilang minuto‚” mabilis na pagsabad ni Sir Logan‚ dahilan upang mabaling sa kaniya ang atensyon nina Miss Kaia at Sir Ahmir. “At hindi lamang ‘yon. Kanina sa laban nila ng isa sa mga estudyante ko ay napakabilis na naghilom ang kaniyang sugat at nagawa niya ring i-summon ang Golden Sword—”

“Ang Golden Sword?!” hindi makapaniwalang tanong nina Sir Ahmir at Miss Kaia na nanlalaki ang mga matang nakatingin kay Sir Logan dala ng kanilang pagkagulat sa isinawalat nito.

“Sa pagkakaalam ko ay isa lamang alamat ang Golden Sword kaya paanong nagawa niya itong ma-summon? At isa pa‚ wala pa siya sa tamang edad at hindi rin siya isang maharlika kaya malabong mangyari na ma-summon niya ang itinuturing na pinakapamakapangyarihang sandata sa ating mundo‚” kunot-noong saad ni Sir Ahmir na hindi magawang paniwalaan ang kaniyang narinig na mga pambihirang bagay tungkol kay Thea.

“Iyon na nga ang ipinagtataka ko dahil bukod dito ay nagawa niya ring magpalit ng kulay ng mata. Mula sa pagiging kulay abo ay naging pulang-pula ang mga mata niya na alam naman nating lahat na tanging ang royalties lang ang may kakayahan‚” dagdag pa ni Sir Logan na mas lalong nagpakunot ng noo ni Sir Ahmir.

“Kung ganoon ay maaaring isa siyang maharlika. Ngunit ang malaking tanong ngayon ay sino nga ba siya at anong kaharian siya nabibilang‚” sambit ni Sir Ahmir habang iniisip niya ang maaaring sagot sa sarili niyang katanungan.

“May isang bagay pa siyang ipinamalas kanina na kahit kailan ay hindi pa nagagawa ng kahit na sinong charmer maliban na lang sa may mga kakayahang manipulahin ang kalikasan at panahon‚” muling saad ni Sir Logan upang kunin ang atensyon ni Sir Ahmir bago pa ito malunod sa lalim ng iniisip nito.

Dahil sa kaniyang narinig ay dagling nag-angat ng tingin si sir Ahmir saka puno ng kuryusidad na sinalubong niya ang tingin ni Sir Logan.

“Ano ‘yon?” puno ng kuryusidad na tanong ni Sir Ahmir na hindi na makapaghintay na malaman at marinig ang kung anumang ilalahad ni Sir Logan.

“Noong nagalit siya at sumigaw nang malakas ay bigla na lamang nagdilim ang paligid maging ang kalangitan at humangin din nang napakalakas na halos tangayin na kaming lahat ng mga nasa field papalayo habang siya ay nananatili lamang nakatayo sa gitna ng field habang sakal si Miss Lopez. May sugat na siya noong mga panahong iyon kaya hindi ko malamam kung paanong nagawa niya pang makalaban at kung paanong nagawa niya pang magpakawala ng napakalakas na kapangyarihan‚” kuwento ni Sir Logan sa nangyari kanina sa field.

“Kung ganoon ay may kakaiba nga sa kaniya. Hindi lang siya basta isang charmer. May hiwagang bumabalot sa buong pagkatao niya‚” seryosong saad ni Sir Ahmir at bahagya siyang yumuko upang pagnilay-nilayan ang kaniyang mga nalaman.

Dahil sa ginawang pagyuko ni Sir Ahmir ay aksidenteng natuon ang atensyon niya sa mga gintong nasa mesa niya na sa pagkakaala niya’y siyang dahilan ng pagsadya sa kaniya nina Miss Kaia at Sir Logan.

“Ano nga palang kinalaman ni Thea sa mga gintong ‘to?” nagtatakang tanong ni Sir Ahmir saka niya pinaglaruan ang mga ginto gamit ang hintuturo niya sa kaliwang kamay upang suriin ang kalidad nito nang sa gayon ay matiyak niyang purong ginto nga ito.

“Iyang gintong ‘yan ay nakita ko sa ibabaw ng kamang hinigaan ni Thea. Noong una ay puno ng dugo ang puting sapin ng kama pero nang muli ko itong tingnan ay wala akong nakitang kahit anong mantsa ng dugo maliban diyan sa gintong ‘yan‚” maagap na tugon ni Miss Kaia na kanina pang nangangating ilahad kay Sir Ahmir ang kaniyang nalalaman at ang ideyang nabuo sa kaniyang isipan.

“Ang ginto namang dala ko ay nakuha ko sa training field kung saan naganap ang laban sa pagitan nina Miss Gutierrez at Miss Lopez. Ngunit ang talagang nakakamangha ay doon ko nakita ‘yan sa mismong binagsakan ni Miss Gutierrez‚” maagap na saad ni Sir Logan upang pagtibayin ang salaysay ni Miss Kaia at upang ilahad din ang kaniyang nalalaman na kapareho lamang ng kuwento ni Miss Kaia.

“Ang ibig ba ninyong sabihin ay nagiging ginto ang dugo ni Thea?” hindi makapaniwalang tanong ni Sir Ahmir na hindi pa rin magawang maproseso ang kaniyang mga nalaman.

“Ganoon na nga‚” sabay na tugon nina Miss Kaia at Sir Logan.

Hindi na nakaimik pa si Sir Ahmir at malalim na lamang siyang napaisip dahil sa mga bagay na inilahad sa kaniya nina Miss Kaia at Sir Logan. Sa sobrang pag-iisip niya ay may nabuong teorya sa kaniyang isipan na maaaring magpaliwanag ng hiwagang bumabalot sa pagkatao ni Thea.

“Kung isa siyang maharlika at nagmula siya sa mundo ng mga tao‚ hindi kaya siya si Prinsesa Kiana?” tanong ni Sir Ahmir sa kaniyang sarili habang pinagtatagpi-tagpi pa rin niya ang mga pangyayari upang pagtibayin ang nabuo niyang teorya.

“Paano mo naman nasabi ‘yan? Hindi ba matagal na siyang patay?” naguguluhang tanong ni Miss Kaia na hindi malaman kung anong pinanggagalingan ng teorya ni Sir Ahmir lalo pa’t alam naman nilang lahat na matagal nang patay ang prinsesang nakasaad sa propesiya.

“Marahil ay sadyang nagkataon lang na magkamukha sila ng prinsesa‚” pagsingit ni Sir Logan sa usapan upang ipaintindi kay Sir Ahmir na walang matibay na batayan ang teoryang kaniyang nabuo.

“Naaalala ba ninyo ang araw na nawala si Prinsesa Kiana?” tanong ni Sir Ahmir na sinagot lamang nina Miss Kaia at Sir Logan ng marahang pagtango kaya muli ring nagsalita si Sir Ahmir upang ipagpatuloy ang kaniyang sinasabi. “Hindi ba’t kasabay niyang nawala sina Prinsipe Kaiden at Prinsesa Athena? Inakala nating lahat na patay na sila ngunit makalipas ang ilang taon ay muling nagbalik si Prinsipe Kaiden at maging si Prinsesa Athena ay nagbalik na rin at kapwa sila nanggaling sa mundo ng mga tao kung saan nagmula si Thea‚” mahabang saad ni Sir Ahmir upang ipaintindi kina Miss Kaia at Sir Logan na may batayan ang teoryang nabuo niya at malaki ang posibilidad na tama siya sa kaniyang hinala.

Dahil sa mga sinabi ni Sir Ahmir ay malalim na napaisip sina Sir Logan at Miss Kaia. Makalipas ang ilang minuto ay napagtanto nilang nagtutugma nga ang lahat ng pangyayari lalo na’t napag-alaman din nilang katulad ni Prinsesa Athena ay wala ring maalala sa kaniyang nakaraan si Thea. Pagkatapos nito’y pinagtagpi-tagpi rin nila lahat ng detalyeng alam nila. Pinagkone-konekta nila lahat mula sa mga mata ni Thea na nagiging pula kapag nagagalit‚ ang pag-summon nito ang Golden Sword‚ ang kakayahan nitong matuto sa loob lamang ng ilang minuto hanggang sa taglay nitong kapangyarihan na hindi nila mabilang. At lahat ng ito ay iisa lang ang sinasabi. Isa siyang maharlika.

Matapos nilang mabuo ang teoryang isang maharlika si Thea ay pinaghimay-himay naman nila ang mga pambihirang kakayahang ipinamalas ni Thea sa loob lamang ng isang buwan. Kaagad sumagi sa kanilang isipan ang unti-unting paglabas ng kapangyarihan ni Thea kahit wala pa siya sa tamang gulang. Nagagawa rin nitong gamutin ang kaniyang sarili kahit hinang-hina na ito at nagawa nitong malabanan ang tiyak na kamatayan. Bukod pa rito ay nagiging ginto rin ang kaniyang dugo at marami siyang taglay na kapangyarihan na kahit ang mga maharlika ay hindi kayang pantayan. Isang katanungan din sa kanila kung paano nito nagawang magpalit ng kulay ng mata at buhok sa unang araw nito sa akademya. Ngunit kung kanilang susuriing mabuti‚ lahat ng ito ay nagtutugma sa naalala ni Sir Ahmir na nakasaad sa aklat ng propesiya na walang ibang tinutukoy kundi si Prinsesa Kiana na matagal nang wala.

Babaeng itinakda ay tunay na kahanga-hanga
Kaniyang kapalara’y nakasaad sa propesiya
At kaniyang pagkatao’y nababalutan ng hiwaga
Hiwagang hindi mo lubos inakala.

Kagandahang taglay ay hindi mapapantayan
Maging kapangyarihang angkin ay hindi matutumbasan
Siya’y walang kamatayan
Tunay na makapangyarihan.

Dahil sa kaniyang naalala ay biglang napatayo si Sir Ahmir at napuno ng galak ang kaniyang mukha.

“Tama! Nakasaad sa propesiya na wala siyang kamatayan kaya maaaring buhay pa nga ang prinsesa at siya ay walang iba kundi si Thea!” masiglang wika ni Sir Ahmir na nabuhayan ng pag-asa dahil sa ideyang nabuo sa kaniyang isipan.

“Kung gano’n ay kailangang malaman ito ng lahat lalo na ng Ardor Kingdom‚” suhestiyon ni Sir Logan na agad tinutulan ni Sir Ahmir.

“Hindi. Walang dapat na makaalam nito. Kailangang manatiling lihim ang bagay na ito habang hindi pa tayo nakakasigurado. Maaaring malagay sa panganib ang buhay ni Thea kapag nagpadalos-dalos tayo dahil tiyak na maraming maghahangad na mapasakamay nila si Thea para magamit nila ang kapangyarihang taglay niya sa kanilang pansariling interes. Sa ngayon‚ ang magagawa lamang natin ay bantayan siya at tiyakin ang kaniyang kaligtasan‚” mariing pagtutol ni Sir Ahmir sa nais na mangyari ni Sir Logan saka niya binigyan ng seryosong tingin si Sir Logan na tahimik lamang na nakaabang sa kaniyang mga sasabihin. “Logan‚ bilang guro niya‚ inaatasan kitang bantayan siya. Huwag na huwag mong aalisin ang paningin mo sa kaniya hangga’t maaari‚” mahigpit na bilin ni Sir Ahmir kay Sir Logan bago niya binalingan ng tingin si Miss Kaia upang ito naman ang bigyan ng tungkulin. “Ikaw naman‚ Kaia‚ inaatasan kitang manmanan si Prinsipe Kaiden. May hinala akong may alam siya na hindi niya sinasabi sa atin at kailangan mong alamin kung anuman ang mga nalalaman niya. Maliwanag ba?”

“Maliwanag‚” sabay na tugon nina Miss Kaia at Sir Logan.

“Kung gano’n ay makakaalis na kayo. Ako na ang bahalang magsabi sa ibang kasapi ng konseho ng mga napag-usapan natin‚” pagtatapos ni Sir Ahmir ng kanilang usapan upang makapagpahinga sila kahit saglit at mabigyan sila ng sapat na panahon upang iproseso ang kanilang mga nalaman at ang mga nabuo nilang teorya.

Hindi naman na nagdalawang-sabi pa si Sir Ahmir. Agad nang nagpaalam sina Miss Kaia at Sir Logan upang bumalik sa kani-kaniya nilang tungkulin kaya naiwang mag-isa sa Council Chamber si Sir Ahmir.

‘Ngayong nagbalik na ang prinsesa‚ natitiyak kong magaganap na ang kinatatakutan naming lahat. Nalalapit na ang digmaan sa pagitan ng kabutihan at kasamaan lalo pa’t natitiyak kong kumikilos na sila ngayon para makuha ang prinsesa na hinding-hindi ko hahayaang mangyari. Hindi ko hahayaang basta na lamang masira ang kapayapaang matagal naming pinanatili‚’ isip-isip ni Sir Ahmir bago siya bumalik sa kaniyang pagkakaupo upang muling alalahanin ang kanilang naging usapan at pag-isipan ang susunod nilang hakbang.

Habang tahimik na nakaupo si Sir Ahmir sa kaniyang upuan ay mahimbing namang natutulog si Thea sa silid na kaniyang inookupa sa Sapience Kingdom. Si Kaiden naman ay tahimik na nakaupo sa tabi ng kama na kinahihigaan ni Thea habang hawak niya ang kanang kamay ni Thea at hinahaplos-haplos niya ang buhok nito.

Hindi pa nagigising si Thea magmula nang iuwi ito ni Kaiden kaya hindi maiwan-iwan ni Kaiden si Thea at maging pag-idlip ay hindi niya magawa kahit pa lumalalim na ang gabi.

Kasalukuyan nang nakabihis si Thea ng pambahay na damit sa tulong ni Sara na siyang umasikaso sa kaniya pagkadating na pagkadating nila ni Kaiden. Iniwan lamang siya saglit ni Sara sa pangangalaga ni Kaiden upang ipaghanda siya ng pagkain.

Habang nakapako pa rin ang buong atensyon ni Kaiden kay Thea ay narinig niya ang marahang pagbukas ng pinto kaya agad siyang napalingon sa bagong dating habang hawak pa rin niya ang isang kamay ni Thea.

Iniluwa ng pinto sina Kamila at Sara na parehong malungkot ang mga mukha. Naunang pumasok ng silid si Kamila at agad siyang lumapit sa kama habang si Sara naman ay tahimik lang na nakasunod sa kaniya bitbit ang isang food tray kung saan nakapatong ang hapunan ni Thea kung sakaling magkamalay na ito.

“Kuya‚ nagising na ba si Ate Thea?” malungkot na tanong ni Kamila nang makalapit siya sa kama.

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Kaiden bago niya sinagot ang tanong ng kaniyang kapatid.

“Hindi pa siya nagigising magmula kanina‚” walang buhay na sagot ni Kaiden saka matamlay niyang tiningnan ang maamong mukha ng natutulog na si Thea.

Tahimik na naglakad si Kamila patungo sa kabilang panig ng kama saka siya naupo sa may gilid nito sa mismong tapat ng kuya niya. Si Sara naman ay dumiretso sa may bedside table upang ilapag doon ang food tray na kanina pa niya bitbit saka siya pumuwesto sa tabi ng bedside table upang doon mag-abang sa kung anumang ipag-uutos sa kaniya ng kaniyang mga pinaglilingkuran.

“Kuya‚” mahinang tawag ni Kamila sa kuya niya nang maayos na siyang makaupo sa gilid ng kama katapat nito.

Saglit lamang tinapunan ni Kaiden ng nagtatanong na tingin si Kamila saka muli rin niyang ibinalik ang tingin niya kay Thea.

“Pinapatawag ka ni ama. May mahalaga raw kayong pag-uusapan‚” pahayag ni Kamila sa iniutos sa kaniya ng kaniyang amang hari.

Hindi na nag-abala pang sumagot si Kaiden. Sa halip na sumagot ay agad na siyang tumayo at ginawaran niya ng halik sa noo si Thea saka niya binalingan ng tingin si Sara upang bilinan ito.

“Sara‚ ikaw na munang bahala kay Thea. Tawagin mo ako kapag nagising siya‚” bilin ni Kaiden kay Sara na tahimik lamang magmula pa kanina.

“Masusunod po‚ mahal na prinsipe‚” magalang na sagot ni Sara na bahagya pang yumuko bilang tanda ng kaniyang paggalang.

Nagpaalam na muna si Kaiden sa kapatid niyang si Kamila bago niya nilisan ang silid upang magtungo ng Throne Room kung saan madalas naroon ang kaniyang mga magulang.

“Ama‚ pinapatawag mo raw po ako?” salubong ni Kaiden sa kaniyang ama pagkatagil pa lamang niya sa tapat ng kaniyang mga magulang na magkatabing nakaupo sa trono.

Sa halip na sagutin ang tanong ni Kaiden ay ibinaling ng hari ang kaniyang tingin sa reyna upang ito ang kausapin.

“Mahal ko‚ ikaw na muna ang bahala rito. Mag-uusap lang kami ng anak mo‚” malambing na sabi ng hari sa reyna na katabi niya sa trono.

“Masusunod‚ mahal ko‚” nakangiting sagot ng reyna na punong-puno ng pagmamahal ang mga mata habang diretso itong nakatingin sa hari.

Ginawaran na muna ng hari ng halik sa noo ang reyna bago siya bumaba ng trono upang harapin ang kaniyang panganay na anak.

“Sumunod ka sa akin sa silid-aklatan. Doon tayo mag-usap‚” seryosong sambit ng hari nang magkaharap sila ni Kaiden saka muli rin siyang nagpatuloy sa paglalakad upang tahakin ang daan patungong silid-aklatan.

Tahimik namang sumunod si Kaiden sa kaniyang amang hari habang nasa bulsa niya ang magkabila niyang kamay.

Nang marating na ng mag-ama ang silid-aklatan ay agad silang nagtungo sa harap ng isang book shelf na nagsisilbing secret passage papunta sa isang tagong silid na tanging silang mag-anak lamang ang nakakaalam. Ang lihim na lagusang ito ay agad na nagbukas nang ikumpas ng hari ang kaniyang kamay kung kaya tumuloy na silang mag-ama sa lihim na silid.

Nang makapasok sa lihim na silid ang mag-ama ay kusang nagsara ang lagusan na hindi na bago pa sa mag-ama kung kaya hindi na nila ito pinansin pa. Dumiretso ang hari sa isang magarang upuan na may mesa sa harapan na puno ng kung ano-anong mga aklat at mga bagay na may kinalaman sa kanilang mundo. Maingat siyang naupo rito na para bang isang babasagin ang kaniyang uupuan saka niya muling ibinaling ang atesyon niya kay Kaiden na kasalukuyang nakatayo sa kaniyang harapan habang may mesang nakapagitan sa kanila.

“Maupo ka‚” maawtoridad na wika ng hari at iminuwestra niya ang kaniyang kamay sa upuang nasa kabilang panig ng mesa.

Kaagad namang tumalima si Kaiden sa utos ng kaniyang ama. Naupo siya sa upuang nasa harap ng mesang nakapagitan sa kanilang mag-ama.

“Alam mo na naman siguro kung bakit kita pinatawag dito?” panimula ng hari upang simulan na ang kanilang usapan.

Tanging pagtango na lamang ang naging tugon ni Kaiden sa tanong ng kaniyang ama dahil hanggang ngayon ay inaalala pa rin niya ang lagay ni Thea. Ang hari nga ang kaniyang kaharap ngunit ang isip niya ang naroon pa rin kay Thea. Hindi siya mapanatag habang inaalala niya ang lagay nito. Pipi niya ring pinapanalangin na tuluyan nang bumuti ang lagay nito at magkamalay na ito nang sa gayon ay maalis na ang kung anong bagay na nakatarak sa dibdib niya na lubhang nagpapabigat ng loob niya at nagpapahirap sa kaniya.

“Kung ganoon ay alam mo na rin marahil na nagsisimula na silang kumilos‚” dagdag ng hari upang tiyaking batid na nga ng kaniyang panganay na anak ang lahat ng mga dapat nitong malaman na siyang dahilan ng bigla niyang pagpapatawag dito.

“Alam ko po‚ ama. Matagal ko na ‘tong inaasahan lalo na’t papalapit na ang kaniyang kaarawan‚” walang buhay na sagot ni Kaiden na hanggang ngayon ay hati pa rin ang atensyon.

Napatango-tango na lamang ang hari sa naging tugon ng kaniyang anak saka niya kinuha sa drawer ang isang lumang aklat at inilapag ito sa mesa.

“Ama‚ ano ‘yan?” nagtatakang tanong ni Kaiden habang salubong ang kilay niyang pinagmamasdan ang aklat na inilapag ng kaniyang ama sa mesa.

“Ito ang aklat ng ating mga ninuno kung saan nakasaad ang lahat ng tungkol sa propesiya‚” tugon ng hari saka niya bahagyang itinulak ang aklat palapit kay Kaiden. “Buksan mo‚” utos niya rito upang matalakay na nila ang propesiya.

Kahit naguguluhan si Kaiden kung anong dahilan ng kaniyang ama upang utusan siya nitong buksan ang aklat ay binuksan pa rin niya ang aklat na nasa kaniyang harapan. Kasabay ng pagbukas niya rito ay ang paglitaw ng nakakasilaw na liwanag na nagmumula sa mismong mga pahina ng aklat na kaagad ding naglaho makalipas ang ilang segundo.

Sa pagkawala ng liwanag na nagmumula sa aklat ay napansin ni Kaiden ang unti-unting paglitaw ng mga salita sa pahina ng aklat na nakabukas. Ang mga salitang ito ay nakasulat sa lumang alpabeto na ginamit pa ng kanilang mga ninuno.

Hindi na nagtanong pa si Kaiden sa kaniyang ama ng dapat niyang gawin. Kusa niyang binasa ang mga salitang nakasulat sa pahina ng aklat na nakabukas.

“Sa pagsapit ng kaniyang kaarawan‚
Magaganap ang hindi inaasahan.
Kapangyarihang taglay ay lilitaw nang tuluyan
At siya na ang magiging makapangyarihan sa buong sanlibutan.

Kaniyang taglay na kapangyarihan
Hindi makukuha nino man
Liban na lamang kung ito’y kaniyang ipagkakaloob nang walang pag-aalinlangan‚” basa ni Kaiden sa nakasulat sa aklat na nagbigay sa kaniya ng ideya sa mga maaaring maganap sa hinaharap.

“Kung ganoon ay kaya siya hindi kinukuha ngayon ay dahil naghihintay lamang sila ng tamang pagkakataon at ‘yon ay sa mismong kaarawan niya. Ang araw kung kailan magiging buo na ang kapangyarihan ng prinsesang nakasaad sa propesiya‚” sambit ni Kaiden pagkatapos niyang basahin ang nakasulat sa aklat.

“Tama ka‚ aking anak. Pero hindi pa rin tayo nakatitiyak sa kaniyang kaligtasan dahil maaari pa rin silang sumugod anumang oras kung nanaisin nila‚” maagap na tugon ng hari upang ipaunawa kay Kaiden na maaari pa ring kumilos ang mga kalaban kahit hindi pa sumasapit ang ikalabing-walong kaarawan ng prinsesa na nakasaad sa propesiya.

Natahimik at napaisip na lamang si Kaiden sa sinabi ng hari. Kinuha naman ng hari ang pagkakataong ito upang muling buksan ang drawer at kunin ang isang bagay mula rito.

Matapos makuha ng hari ang isang pulseras mula sa drawer ay agad niyang isinara ang drawer saka niya ibinalik kay Kaiden ang kaniyang tingin at iniabot niya rito ang hawak niyang pulseras na nag-aalangan naman nitong tinanggap.

“Isa ‘yang mahiwagang pulseras. Ibigay mo ‘yan sa kaniya nang sa gayon ay malalaman mo kung nasa panganib siya at kung saan siya naroroon‚” paliwanag ng hari na agad namang naunawaan ni Kaiden kung kaya dali-daling isinilid ni Kaiden sa kaniyang bulsa ang pulseras.

“Hindi siya maaaring mapasakamay ng kasamaan dahil kapag nangyari ‘yon ay katapusan na nating lahat. Kaya bilang tagapagmana ng Sapience Kingdom‚ inaatasan kitang bantayan at protektahan ang prinsesa upang matiyak natin ang kaniyang kaligtasan‚” puno ng awtoridad na wika ng hari na tila ba isang kawal ang kaniyang kaharap.

“Huwag kayong mag-alala dahil hinding-hindi ko siya pababayaan. Hindi ko na hahayaang may mangyari pang masama sa kaniya. Maaasahan ninyo ako‚” puno ng tapang at determinasyong sagot ni Kaiden upang tiyakin sa kaniyang ama na gagawin niya nang tama ang kaniyang tungkulin at hindi niya ito bibiguin.

“Mabuti kung gano’n. Sa ngayon ay magpahinga ka na muna. Alam kong masyadong nakakapagod ang araw na ito para sa ‘yo‚” wika ng hari sa nag-aalalang boses‚ malayo sa kaninang tono nito na puno ng awtoridad.

Dahil tapos naman na ang kanilang usapan ay agad nang nagpaalam si Kaiden sa kaniyang amang hari. Agad naman nitong ibinigay ang pahintulot na lisanin na niya ang silid kung kaya mabilis na siyang kumilos upang lisanin na ang silid at puntahan si Thea sa silid na kinaroroonan nito upang alamin ang kalagayan nito.

✨✨✨

A/N: Hingang malalim.

INHALE... EXHALE... INHALE... EXHALE😂

Ayan na‚ malapit na sila sa katotohanan. Kaunting tiis na lang😉

Question: Ano na kayang mangyayari kay Thea? Tuluyan na kaya siyang magigising o mananatili pa rin siyang walang malay?

JUST KEEP ON READING🙆🏻‍♀️

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top