CHAPTER 23: THE GOLDEN SWORD
THIRD PERSON’S POV
Kahit nahihirapan si Thea na tumayo dahil sa labis na pananakit ng tiyan niya ay pinilit pa rin niyang tumayo. At dahil sa pagiging abala ni Thea na indahin ang sakit na nagmumula sa tiyan niya at dahil pilit pa rin siyang sumusubok na tumayo ay hindi niya namalayan ang pag-summon ni Jayda ng espada.
Nang matagumpay na makapag-summon si Jayda ng espadang yari sa pilak ay agad siyang sumugod kay Thea at iwinasiwas niya ang hawak niyang espada sa kanang kamay niya. Mabilis namang nakailag si Thea ngunit nagawa pa rin ni Jayda na madaplisan si Thea sa kaliwang braso.
Awtomatikong nabaling ang tingin ni Thea sa braso niyang nadaplisan ng espada upang alamin ang pinsalang kaniyang natamo. Ngunit sa hindi niya malamang dahilan ay wala siyang kahit anong sugat o galos na nakita sa braso niya na ikinakahinga na lamang niya nang maluwag.
Muling nag-angat ng tingin si Thea matapos niyang makitang wala naman pala siyang pinsalang natamo. Sa pag-angat niya ng tingin ay agad natuon kay Jayda ang atensyon niya at napangisi na lamang siya nang makita niyang gulat na gulat si Jayda sa ipinamalas niyang kakayahan.
Muling sumubok si Thea na tumayo at sa pagkakataong ito ay matagumpay na niya itong nagawa kaya mas lalo pa siyang napangisi at binigyan niya ng malamig na tingin ang kalaban niyang si Jayda.
“Sugod ka nang sugod gayong hindi pa ako handa. Wala yatang nagsabi sa ‘yong kailanman ay hindi nananalo sa isang laban ang mandaraya‚” may himig ng pang-iinsultong wika ni Thea na sinabayan niya pa ng pagtaas ng isang kilay niya.
‘Paanong mabilis na naghilom ang sugat niya? Isa ba siyang healer kaya may kakayahan siyang gamutin ang sarili niya?’ hindi makapaniwalang sambit ng isa sa mga nanonood na bakas ang pagkamangha sa mukha dahil sa kakayahang ipinamalas ni Thea.
“Ang dami mo pang sinasabi! Ito ang para sa ‘yo!” malakas na sigaw ni Jayda saka muli niyang sinugod si Thea na muli na namang nakailag mula sa kaniyang matalim na espada.
Sa kabila ng muling pagkabigo ni Jayda na masaktan si Thea ay hindi pa rin siya sumuko. Sa halip ay mas lalo lamang umigting ang pagnanais niyang saktan at talunin si Thea kaya sunod-sunod ang naging pag-atake niya kay Thea habang si Thea naman ay panay lamang ang ilag dahil wala itong gaanong alam sa pakikipaglaban at ang pagkakaalam nito ay isang simpleng training lamang ang gagawin nila. Hindi naman inakala ni Thea na ganito katindi ang labang kahaharapin niya kaya hindi siya handa para sa ganitong uri ng labanan.
‘Ano ba naman ‘to! Hindi patas ang laban. May armas siya‚ ako wala!’ iritang sambit ni Thea sa kaniyang sarili habang patuloy pa rin siya sa pag-ilag para hindi siya tamaan ng espada ni Jayda.
“Huwag kang ilang nang ilag! Lumaban ka!” nanggagalaiting sigaw ni Jayda na nawawalan na ng pasensya sa walang katapusang pag-iwas ni Thea sa mga atake niya.
“Aba’t talagang hinahamon mo ‘ko ah? Tingnan natin‚” maangas na sabi ni Thea na akala mo ay isang siga sa kanto kung umasta.
Bago gumawa ng anumang hakbang ay inisip muna ni Thea lahat ng natutunan niyang iba’t ibang martial arts noong nasa mundo pa siya ng mga tao. Mabuti na lamang talaga at kahit papaano ay may alam siya rito dahil pinilit siya ng mga magulang niya na pag-aralan ito upang magamit niya ito sa sandaling kailanganin niya.
Nang matagumpay na nabalikan ni Thea ang mga natutunan niya noon sa pag-aaral niya ng martial arts ay agad niyang inihanda ang kaniyang sarili para sa atakeng gagawin niya. Humanap muna siya ng tiyempo saka niya malakas na sinipa si Jayda sa kanang braso nito kung nasaan ang espada nito na agad nitong nabitiwan dahil sa lakas ng sipa niya.
Lumikha ng ingay ang espada ni Jayda nang bumagsak ito sa sahig. Napangisi na lamang si Thea dahil tila musika sa kaniyang pandinig ang ingay na iyon. Ngunit agad napawi ang ngiti niya nang mapansin niya ang tangkang pagkuha ni Jayda sa espada.
Bago pa man mahawakan ni Jayda ang espada nitong bumagsak sa sahig ay mabilis na itong sinipa ni Thea palayo‚ dahilan upang mabigo itong mahawakan iyon na siyang muling ikinangisi ni Thea.
“Ngayon‚ patas na tayo‚” nakangising wika ni Thea habang pinupukol niya si Jayda ng mapang-asar na tingin na ginantihan naman nito ng matalim na tingin.
Nang umayos ng tayo si Jayda ay mabilis itong inambahan ng suntok ni Thea bago pa man ito magbalak na atakehin siya ngunit nasalag nito ang kamao niya. Nang akmang ito naman ang susuntok sa kaniya ay mabilis siyang tumagilid kaya nakailag siya mula sa suntok nito. Ngunit hindi ni Thea inaasahan ang sunod na hakbang ni Jayda kaya hindi na niya nagawa pang umilag nang sipain siya nito sa bandang tiyan at napaubo na lamang siya sa lakas ng sipa nito. Sinamantala naman ni Jayda ang pagkakataong iyon upang muling sipain si Thea. Ngunit sa pagkakataong ito ay nagawa na ni Thea na maramdaman ang papalapit na paa ni Jayda kaya mabilis niyang naiangat ang kaliwang kamay niya upang salagin ang kaliwang paa nitong tatama sana sa kanang balikat niya.
Nang matagumpay na nahawakan ni Thea ang kaliwang paa ni Jayda ay hindi na siya nagdalawang-isip pa at agad niya itong ibinalibag‚ dahilan upang tumama ang likod nito sa sahig ng field na nagdulot dito ng labis na sakit.
“Ahh...” mahinang daing ni Jayda habang nakahiga pa rin siya sa sahig at bahagyang iniaangat ang katawan niya upang sapuin ang likod niyang siyang unang tumama sa sahig.
Kaagad namang lumambot ang ekspresyon ng mukha ni Thea dahil sa nakita niyang sakit na nakaguhit sa mukha ni Jayda. At bago pa man gumana ang isip niya ay agad na siyang lumapit sa pinagbagsakan ni Jayda saka inilahad niya ang kanang kamay niya rito upang tulungan sana itong tumayo. Pero sa halip na tanggapin ang kamay niyang nakalahad ay mabilis siyang sinipa ni Jayda sa tiyan‚ dahilan para tumilapon siya at tumama ang likod at ulo niya sa sahig.
Napapikit na lamang si Thea at impit na napadaing sa sobrang sakit na kaniyang nararamdaman dahil sa pagtama ng likod at ulo niya sa sahig na bahagya pa niyang ikinahilo. Nang mawala na ang hilo niya ay agad niyang hinawakan ang likod ng ulo niya na siyang tumama sa sahig at marahan niya itong hinagod-hagod para kahit papaano ay mabawasan ang sakit na nagmumula rito. Sinamantala naman ni Jayda ang pamimilipit ni Thea sa sahig. Mabilis niyang ibinuka ang kanang kamay niya upang palapitin sa kaniya ang espada niyang nasa malayo.
Nang mahawakan ni Jayda ang kaniyang espada ay mabilis siyang tumayo at nilapitan niya si Thea na hanggang ngayon ay nakahiga pa rin sa sahig at nakapikit habang hawak ang likod ng ulo niya na tumama sa sahig. Nang makalapit siya sa kinaroroonan ni Thea ay dalawang kamay na niya ang ginamit niya upang hawakan ang espada saka niya nito iniangat sa ere sa mismong tapat ni Thea.
Mas humigpit pa ang hawak ni Jayda sa kaniyang espada habang inihahanda niya ang kaniyang sarili sa susunod niyang hakbang. At noong akmang sasaksakin na niya sa tiyan si Thea ay doon naman naramdaman ni Thea ang presensya niya. Agad na nagdilat ng mata si Thea at laking gulat niya nang makitang papalapit na sa kaniya ang espadang hawak ni Jayda.
Hindi malaman ni Thea kung anong nangyari sa kaniya pero sa halip na umilag siya o salagin niya ang espadang papalapit sa kaniya ay napapikit na lamang siya at hinintay niyang bumaon ang espada sa mismong tiyan niya. Ngunit ilang segundo na ang nakalilipas mula nang pumikit siya pero wala pa rin siyang nararamdamang kahit anong sakit. Napagdesisyunan na lamang niyang idilat ang kaniyang mga mata upang alamin kung anong nangyari.
Agad na namilog ang mga mata ni Thea pagkamulat pa lamang niya nang mapagtanto niyang wala na siya sa kaninang kinahihigaan niya at sa halip ay nakatayo na siya sa likuran ni Jayda. Labis-labis ang pagkalito niya sa nangyari at hindi siya makapaniwalang nagawa niyang mag-teleport papunta sa likuran ni Jayda gayong hindi naman niya batid na kaya pala niya itong gawin. Napatungo na lamang siya upang tingnan ang sarili niya at tiyaking nakatayo nga talaga siya sa bandang likuran ni Jayda at wala na siya sa kaninang kinahihigaan niya.
Dahil nga wala pa rin si Thea sa pokus dahil sa labis na pagkabigla at pagkamangha sa nagawa niya ay hindi na niya napansin pa ang ginawang pagharap sa kaniya ni Jayda at ang tangka nitong pagsaksak sa kaniya kung kaya malaya siya nitong nasaksak sa tiyan sa pagkakataong ito.
Kaagad na tumagos hanggang sa likod ni Thea ang espada ni Jayda nang sandaling bumaon ito sa kaniyang tiyan‚ dahilan upang mapabuga siya ng dugo.
“Ack!” impit na daing ni Thea kasabay ng pagsuka niya ng dugo dala ng pinsalang kaniyang natamo.
Sa kabila ng pagsuka ni Thea ng dugo at unti-unti niyang panghihina ay pinilit pa rin niyang yumuko upang tingnan ang tiyan niya at alamin kung gaano kalala ang pinsalang kaniyang natamo. Ganoon na lamang ang panlulumo niya nang makita niyang mabilis na dumaloy mula sa kaniyang tiyan ang dugo niya na tuwing bumabagsak sa sahig ay nagiging ginto. Ngunit hindi na niya napansin ang dugo niyang nagiging ginto at maging ang mga nasa paligid ay hindi na rin ito napansin dahil nakatuon ang atensyon ng lahat sa kaniya at hindi magawang kumilos ng mga ito mula sa pagkakaupo dahil sa pangambang malagutan siya ng hininga anumang sandali.
Nang mapansin ni Jayda ang paghihirap ni Thea at ang unti-unti nitong panghihina ay mas lalo pa niyang idiniin ang espada sa katawan nito‚ dahilan upang mas lalo pa itong tumagos sa likuran nito. Napahawak na lamang si Thea sa kaliwang balikat ni Jayda kasabay ng muli niyang pagsuka ng dugo. Ramdam na rin niya ang panghihina niya na tila ba anumang sandali ay maaari nang bumigay ang katawan at maging ang talukap ng mga mata niya na nagbabadya nang magsara.
Napangisi na lamang si Jayda sa paghihirap at panghihinang nababakas niya sa mukha ni Thea bago niya marahas na hinugot ang espada mula sa pagkakabaon nito sa tiyan ni Thea. Napapikit na lamang nang mariin si Thea upang pigilan ang kaniyang sarili na mapahiyaw sa sakit dulot ng marahas ng pagbunot ni Jayda ng espadang nakabaon sa kaniyang tiyan saka agad din siyang nagmulat at natataranta niyang sinapo ang hiwa sa tiyan niya gamit ang kaliwang kamay niya para pigilan ang pag-agos ng dugo mula rito.
Habang iniinda pa rin ni Thea ang sakit na kaniyang nararamdaman ay bigla na lang nanariwa sa isipan niya ang mga sinabi sa kaniya ng mga magulang niya noong nasa mundo pa siya ng mga tao at namumuhay nang payapa kasama ang mga magulang niya.
‘Princess‚ naman. Hindi ba’t sinabi ko na sa ‘yo na huwag kang magpapaapi kahit kanino?’
‘Oo nga naman‚ princess. Makinig ka sa mommy mo. Dapat matuto kang ipagtanggol ang sarili mo dahil hindi sa lahat ng oras ay nasa tabi mo kami para protektahan ka.’
Dahil sa alaalang iyon ay biglang nabuhay sa loob-loob ni Thea ang pagnanais na ipagtanggol ang kaniyang sarili sa halip na tanggapin na lamang ang kaniyang pagkatalo kung kaya kahit nahihirapan ay pinilit pa rin niyang manatiling nakatayo sa kabila ng sugat na natamo niya. Tahimik lang naman siyang pinagmamasdan ni Jayda na mahigpit na nakahawak sa espada nito habang ang mga nanonood naman ay tutok na tutok sa kaniya at inaabangan ang susunod na mangyayari.
‘Tandaan mo‚ anak. Mahal na mahal ka namin ng daddy mo at kahit na anong mangyari‚ hindi kami mawawala sa tabi mo.’
Sumilay ang matamis na ngiti sa labi ni Thea nang muli na naman niyang maalala ang mga sinabi sa kaniya ng kaniyang ina noong nabubuhay pa ito.
‘Mahal na mahal ko rin kayo at masaya ako na malapit na tayong magkasama-sama‚’ sambit ni Thea sa kaniyang sarili kasabay ng unti-unting pagsara ng talukap ng mga mata niya at pagbagsak ng kanang kamay niya na kanina pang nakakapit sa balikat ni Jayda upang yakapin at tanggapin ang nalalapit na niyang katapusan.
Nang tuluyan nang maipikit ni Thea ang kaniyang mga mata ay bigla na lamang bumalik sa alaala niya ang mga nangyari noong araw na sinugod ang bahay nila ng mga nakaitim na lalaki na pinaghihinalaan niyang kasamahan ni Jayda na siyang sumaksak sa kaniya. Sa hindi malamang dahilan ay malinaw na niyang naalala ang halos lahat ng naganap noong araw na iyon. Naalala niya lahat mula sa pagdating niya ng kanilang bahay kung saan naabutan niyang magulo ang kanilang hardin hanggang sa pamamaalam ng kaniyang mga magulang kung saan malinaw niya ring naaalala ang mga salitang binanggit ng kaniyang mga magulang bago malagutan ng hininga ang mga ito.
Naikuyom na lamang ni Thea ang kaniyang kanang kamao dahil sa kaniyang naalala. Kasabay nito ay naramdaman niya ang bigla-biglang pag-iinit ng mga mata niya habang nakapikit siya at kahit hindi siya magmulat ng mata at manalamin ay batid niyang pulang-pula na ang mga mata niya dahil ganitong-ganito rin ang naramdaman niya noong talakayin nila ang tungkol sa digmaan na naganap noon na siyang unang pagkakataong nakita niyang naging pula ang mga mata niya.
‘Hindi ako maaaring mamatay ngayon. Hindi pwedeng mauwi sa wala ang pagbubuwis ng buhay nina mommy at daddy. Hindi rin ako papayag na hindi ko maipaghiganti ang pagkamatay nila‚’ isip-isip ni Thea habang unti-unti na siyang nilalamon ng galit niya at kagustuhan niyang maipaghiganti ang mga magulang niya.
Dahil nakapikit pa rin si Thea at nag-uumapaw na ang kaniyang determinasyong maghiganti ay naging alerto na siya‚ dahilan upang maramdaman niya ang muling tangkang pagsaksak sa kaniya ni Jayda. Ngunit sa halip na umiwas siya katulad ng kanina pa niyang ginagawa ay kabaliktaran ang kaniyang ginawa. Nanatili siya sa kaniyang kinatatayuan at hinayaan niyang lamunin at diktahan siya ng galit na kaniyang nararamdaman.
Mabilis na ibinukas ni Thea ang nakakuyom niyang kamao bago pa tuluyang lumapat sa katawan niya ang espada ni Jayda. Sa pagbukas ng nakakuyom niyang kamao ay bigla na lamang may lumitaw rito na isang nagliliwanag na espada na gawa sa purong ginto at may disenyong mga hiyas sa hawakan nito na siyang ginamit niyang panangga ng espada ni Jayda.
“Ang Golden Sword!” bulalas ng lahat ng nanonood matapos nilang mapagmasdan ang espadang ngayon ay hawak ni Thea at ginagamit nitong panangga ng espada ni Jayda.
Hindi makapaniwala ang lahat ng nanonood sa kanilang nasaksihan lalo pa’t ang alam ng lahat ay isang alamat lamang ang Golden Sword. Kaya lubhang nakakagulat na makita nila itong totoong-totoo at hawak pa ng isang babaeng wala pang alam sa paggamit ng kapangyarihan.
‘Bakit nasa kaniya ang Golden Sword?’
‘Ito’y tunay na kagila-gilalas!’
‘Pulang-pula na ang mga mata niya! Nakakatakot ngunit nakakaakit itong pagmasdan!’
‘Mas lalo siyang gumanda ngayong pulang-pula na ang mga mata niya.’
Hindi na pinansin pa ni Thea ang mga naririnig niya sa paligid. Mas pinili niyang ituon kay Jayda ang kaniyang buong atensyon at nakipagsukatan siya rito ng tingin habang magkadikit pa rin ang mga espada nila at patuloy nilang sinasangga ang espada ng bawat isa upang hindi ito dumikit sa kanilang balat.
“Anong alam mo sa Animus Kingdom?” mayamaya’y tanong ni Thea nang magtagal pa ang pagtatagisan nila ni Jayda ng lakas at tingin.
“Wala akong alam at kung may alam man ako‚ bakit ko naman sasabihin sa ‘yo?” nakangising sagot ni Jayda na mas nagpakulo ng dugo ni Thea.
Sa sobrang galit ni Thea dahil sa sagot na nakuha niya kay Jayda at sa pagngisi nito na para bang pinaglalaruan laman siya nito ay marahas at malakas niyang tinabig ang espada nito gamit ang espadang hawak niya. Sa sobrang lakas ng pagkakatabig niya sa espada ni Jayda na hindi nito inaasahan ay nabitiwan nito ang hawak na espada‚ dahilan upang bumagsak ito sa sahig.
Mabilis na nilingon ni Jayda ang espada niyang nahulog sa sahig at akmang pupulutin na niya ito nang biglang siyang tutukan ni Thea ng espada sa mismong leeg niya. Dahil dito ay hindi na naituloy pa ni Jayda ang balak niyang pagpulot ng espada niya at binalingan na lamang niya ng tingin si Thea habang pinapanatili niyang matapang ang ekspresyon ng mukha niya upang iparating dito na hindi siya natatakot sa anumang maaari nitong gawin sa kaniya kahit pa nga nakatutok na sa kaniya ang espada nito.
“Ngayon‚ sabihin mo sa akin ang nalalaman mo‚” wika ni Thea sa napakalamig na boses habang matalim siyang nakatingin sa mga mata ni Jayda na ngayon niya lamang napansin na napakaitim pala. Sa sobrang itim nito ay wala kang makikitang kahit anong repleksyon mula rito.
Habang nakikipagsukatan pa rin ng tingin si Thea kay Jayda ay bigla na lamang naalala ni Thea ang sinabi ng kanilang guro na ang ilan sa kanila’y may kakayahang maghipnotismo o kumontrol ng isip ng iba. At upang alamin kung taglay niya ba ang kakayahang ito ay sinubukan niyang hipnotisahin si Jayda sa pamamagitan lamang ng pagtitig dito at pagpapagana ng isip niya. Iyon nga lang ay hindi siya nagtagumpay dahil muli lamang siyang nabigo katulad ng kung paano siyang nabigo kanina na basahin ang isip nito dahil sa kung anong kapangyarihan o enerhiyang kumukontra sa kaniya.
“Wala kang makukuha sa ‘kin. Kaya mabuti pa ay patayin mo na lang ako‚” buong tapang na sagot ni Jayda at mas lalo pa niyang pinatapang ang ekspresyon ng mukha niya para ipakitang hindi siya takot mamatay at handa siyang harapin ang sarili niyang kamatayan.
‘Isang maling galaw niya lang ay tiyak na katapusan na niya.’
‘Tama ka! Makapangyarihan ang espadang hawak ng babaeng nagmula sa mundo ng mga tao kaya isang daplis lang ay maaaring maging abo ang kalaban niya.’
Dahil sa narinig ni Thea na usap-usapan ng mga nanonood ay napangisi na lamang siya at binigyan niya si Jayda ng tinging may kasamang babala.
“Narinig mo naman siguro ang sinabi nila‚ hindi ba? Kaya sagutin mo na ang tanong ko‚” kalmado pa ring sabi ni Thea kahit sa loob-loob niya ay para na siyang sasabog sa galit at pagkainip dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nakukuha ang sagot na gusto niya.
“Narinig ko. Hindi ako bingi! Pero kahit pa makapangyarihan ‘yang espadang hawak mo‚ hindi pa rin ako natatakot sa ‘yo at wala ka pa ring makukuha sa akin na kahit ano!” pagmamatigas ni Jayda na mas lalong nagpatindi ng galit na nararamdaman ni Thea.
Dahil sa mas lalong pagsiklab ng galit ni Thea ay hindi na niya napigilan pa ang kaniyang sariling saktan si Jayda. Mabilis niyang sinakal si Jayda gamit ang kaliwang kamay niya na walang hawak na armas na kanina ay nakahawak sa hiwa sa tiyan niya saka iniangat niya sa ere si Jayda gamit ang lahat ng lakas na mayroon siya habang sakal-sakal niya pa rin ito‚ dahilan upang tumingkayad ito at mahirapan itong huminga.
“Sabihin mo sa akin kung anong nalalaman mo!” punong-puno ng galit na sigaw ni Thea kasabay ng mas lalong pagtingkad ng kulay ng mga mata niya na tila nag-aapoy na sa labis na galit. Kasabay rin ng pagsigaw ni Thea ay bigla na lamang dumilim ang paligid at maging ang langit ay naging itim na itim na rin na para bang may nagbabadyang delubyo.
“Wa-Wala a-akong alam‚” nahihirapang sagot ni Jayda na halos hindi na makahinga dahil sa pagkakasakal sa kaniya ni Thea.
Dahil sa muling pagkabigo ni Thea na makuha ang sagot na nais niya ay mas lalo pa niyang iniangat si Jayda‚ dahilan upang tuluyan na itong umangat sa ere dahil hindi na nito kaya pang manatiling nakatapak sa sahig habang iniaangat niya ito.
“Sabihin mo sa akin ang nalalaman mo! Anong kinalaman mo sa mga pumatay sa mga magulang ko?” buong lakas na tanong ni Thea at kasabay nito ay ang paghangin nang malakas.
Napahawak ang lahat ng nanonood sa kanilang mga upuan dahil sa biglang pag-ihip ng malakas na hangin habang ang ibang mga estudyante naman na nasa kani-kanilang silid-aralan ay nagsilabasan na dahil sa narinig nila ang pagsigaw ni Thea mula sa malayo pero agad din silang pinabalik ng kanilang mga guro sa kanilang silid-aralan. Ngunit may isang estudyanteng matigas ang ulo ang hindi nakinig at sa halip na bumalik sa loob ng kanilang silid-aralan ay nag-teleport ito papunta sa pinanggagalingan ng boses dahil alam niyang kailangang-kailangan siya ni Thea.
“Pa-Patayin m-mo n-na lang a-ako‚” nauutal at nahihirapang sagot ni Jayda na unti-unti nang nawawalan ng kulay ang balat dahil sa kawalan ng hangin.
Napaismid na lamang si Thea sa kaniyang narinig saka nakangisi niyang sinalubong ang mga mata ni Jayda na bahagya nang nakasara.
“Kung ‘yan ang gusto mo‚ pwes‚ ‘yan ang gagawin ko‚” nakangising wika ni Thea kasabay ng mas lalong paghigpit ng hawak niya sa espada niya upang paghandaan ang gagawin niyang pagsaksak kay Jayda para ito’y paslangin.
Nang maihanda na ni Thea ang kaniyang sarili at nang pakiramdam niya’y oras na para wakasan ang buhay ni Jayda ay iaangat na sana niya ang kamay niyang may hawak sa espada para saksakin si Jayda ngunit hindi na niya ito nagawa pa nang maramdaman niyang may humawak sa kamay niyang may hawak ng espada mula sa kaniyang likuran. Galit na nilingon niya ang kung sino mang nakahawak sa kamay niya ngunit agad ding napalitan ng nagtatakang ekspresyon ang kaninang galit niyang ekspresyon nang makita niyang si Kaiden pala ang pangahas na pumigil sa kaniya.
“K-Kaiden?” hindi makapaniwalang tanong ni Thea at doon lamang siya natauhan at bumalik sa katinuan. Kasabay nito ay unti-unting bumalik sa normal ang kulay ng mata niya na kanina’y pulang-pula na.
Wala sa sariling nabitiwan ni Thea si Jayda mula sa pagkakasakal niya rito nang tuluyan siyang bumalik sa tamang pag-iisip‚ dahilan upang bumagsak ito sa sahig. Kasabay ng pagbagsak ni Jayda sa sahig ay ang biglang pagbigat ng pakiramdam ni Thea na ngayon lamang niya naramdaman dahil wala na siya sa kontrol ng kaniyang galit. Unti-unti na ring nanlalabo ang kaniyang paningin at kusa na ring nagtatagpo ang talukap ng mga mata niya.
Bago pa man maproseso ni Thea kung anong nangyayari sa kaniya at kung bakit tila may kung anong humigop ng lakas niya ay nawalan na siya ng malay at nabitiwan niya ang hawak niyang espada na basta na lamang naglaho nang mabitiwan niya. Mabilis namang kumilos si Kaiden upang saluhin si Thea kung kaya hindi tuluyang lumapat sa sahig ang katawan ng walang malay na si Thea.
Sa pagkakasalo ni Kaiden kay Thea ay may kung ano siyang naramdamang likido na tumulo sa kamay niya na nakahawak sa baywang ni Thea na agad niyang inalam kung ano. Ganoon na lamang ang pamimilog ng mata niya nang makita niyang may malaking saksak sa tiyan si Thea at ang dugo nito ang likidong tumulo sa kamay niya.
“Sh*t! Why did you let this happen? Mga wala kayong silbi!” galit na sigaw ni Kaiden sa lahat ng nasa field saka mabilis siyang nag-teleport papuntang Healing Room upang agad maagapan si Thea at mailigtas ito sa bingit ng kamatayan.
✨✨✨
A/N: Mianhe kung lame man po ang update ko. Sadyang hindi lang po talaga ako magaling sa action😂
Hope you understand. Kamsahamnida and enjoy reading💕
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top