CHAPTER 22: TELEPATHY
SOMEONE’S POV
“Ano’t narito ka? May dala ka bang magandang balita?” salubong kong tanong kay Ulises nang bigla na lamang siyang pumasok ng throne room.
“Kamahalan‚ narito ako upang ipabatid sa inyo na muntik nang mapahamak ang prinsesa—”
“Ano?! Hindi ba’t sinabi ko na sa ‘yo na huwag na huwag mong hahayaang mapahamak siya dahil kailangan ko siya ng buhay!” galit kong sigaw kay Ulises bago pa man niya matapos ang kaniyang sinasabi dala ng labis na pagkadismaya ko sa kaniyang ibinalita.
Ang simple-simple na nga lang ng ipinag-uutos ko‚ hindi niya pa magawa nang tama. Paano na lang kung napahamak ang prinsesa? Kung nagkataong napahamak nga ang prinsesa ay mauuwi sa wala ang lahat ng plano ko dahil lang sa kapalpakan ng inutusan kong alagad.
“Batid ko po iyon ngunit wala na kayong dapat ipangamba o ikabahala sapagkat ligtas na ang prinsesa. Nagawa niyang talunin ang mga nanakit sa kaniya. Nais ko rin pong ibalita sa inyo na napag-alaman kong hindi na siya sa unang antas papasok simula bukas kaya hindi ko na siya mababantayan bawat segundo‚” nakayukong sagot ni Ulises na hindi ko man lamang mabakasan ng takot sa kabila ng ginawa kong pagsigaw. Tila inaasahan na niya ang naging reaksyon ko kung kaya napaghandaan na niya ito.
Kaagad naman akong kumalma at mabilis na naglaho ang aking galit dahil sa tinuran ni Ulises. Mabuti naman at ligtas na ang prinsesa. Kung nagkataon na may nangyaring masama sa prinsesa ay mananagot ang lahat ng dapat managot. Sa akin lang ang kapangyarihan niya at ako lang ang pwedeng umagaw ng buhay niya! Nasa akin ang pagpapasya kung kailan‚ saan at paano ko siya papatayin. Walang dapat makialam at walang dapat na sumira ng lahat ng plano ko.
Matapos ang mahaba kong pananahimik ay muli kong binalingan ng tingin si Ulises upang sambitin sa kaniya ang ilang pagbabago sa aming mga hakbangin.
“Huwag mo nang intindihin ‘yon. Si Jayda na lamang ang ipadadala ko. Sa ngayon‚ ikaw na muna ang magsanay sa mga kawal‚” pagtatalaga ko kay Ulises sa bago niyang tungkulin.
Mas pinili kong pagpalitin ng tungkulin sina Jayda at Ulises dahil hindi na magagawa pa ni Ulises na gampanan nang maayos ang tungkuling una kong iniatas sa kaniya dahil sa pagkakalipat ng prinsesa sa ibang antas. Hindi ko naman siya maaaring pasunurin sa lilipatang antas ng prinsesa dahil makakahalata na ang mga kaaway kapag ginawa ko ‘yon na siyang hindi ko hahayaang mangyari dahil sa sandaling matunugan ng mga kalaban ang aming ginagawang hakbang ay tiyak na maaalarma sila at gagawa sila ng paraan upang pigilan kaming magtagumpay sa aming mga balakin.
“Masusunod po‚ kamahalan‚” nakayukong sagot ni Ulises saka siya muling nagbigay-galang bilang tanda ng kaniyang pamamaalam.
“Unti-unti na palang lumalabas ang kapangyarihan mo. Mainam kung gano’n‚” nakangising sambit ko nang mawala na sa aking paningin si Ulises at maiwan akong mag-isa.
☆•☆•☆•☆•☆
ALTHEA’S POV
Nagising ako na masakit ang katawan ko dulot marahil ng pagkakabugbog ko kahapon kung kaya naging maingat ako sa bawat kilos ko.
Nang magawa kong makaupo sa kama ay tuluyan na sana akong babangon ngunit hindi ko na nagawa pang kumilos pababa ng kama nang bumukas ang pinto at iluwa nito si Sara na may bitbit na bed table kung saan nakapatong ang inihanda niyang agahan para sa ‘kin.
“Gising ka na pala‚” nakangiting bungad sa akin ni Sara.
Tipid na ngiti na lamang ang itinugon ko kay Sara dala ng bahagya pa ring pananakit ng aking katawan. Idagdag pang tila hindi pa tuluyang bumabalik ang lakas ko kung kaya mabigat pa rin ang pakiramdam ko at hirap akong gumalaw nang maayos.
“Siya nga pala‚ pinapasabi ng prinsipe na kung masama pa raw ang pakiramdam mo ay magpahinga ka na lang muna at bukas ka na lang pumasok‚” dagdag ni Sara habang tinatawid niya ang distansyang aming pagitan.
“Ayos na ako‚ Sara. Nakapagpahinga na naman ako kaya medyo nakabawi na rin ako ng lakas. Saka kailangan ko ring pumasok dahil unang araw ko sa ikalawang antas‚” maagap kong tugon para hindi isipin ni Sara na wala akong balak pumasok ngayong araw.
“Ikaw ang bahala‚” tipid na tugon ni Sara saka maingat niyang inilapag sa kama ang bed table na kanina pa niya hawak. “Narito ang almusal mo. Pakabusog ka raw sabi ng mahal na prinsipe‚” nangingiting wika ni Sara na may bahid ng panunukso.
Natawa na lamang ako sa panunuksong mababakas sa mukha at boses ni Sara saka sinimulan ko na ring kainin ang pagkaing nakahain sa harap ko. Nang matapos akong kumain ay ililigpit ko na sana ang pinagkainan ko ngunit hindi ko na ito nagawa pa dahil pinigilan ako ni Sara.
“Ako na riyan. Makabubuting maligo ka na para hindi kayo mahuli sa klase ninyo. Saka kanina pa nga pala naghihintay sa may hardin si Prinsipe Kaiden‚” imporma sa akin ni Sara na siyang nakaagaw ng aking pansin.
“Huh? Bakit ngayon mo lang sinabi?” tanong ko saka mabilis akong bumangon at dali-dali kong isinuot ang tsinelas ko na nasa may paanan ng kama. “Ikaw na ang bahalang magligpit ng pinagkainan ko. Pakisama na rin ng higaan ko. Maliligo na ako‚” nagmamadali at dire-diretso kong saad saka ako dali-daling tumakbo papuntang banyo para maligo.
Makalipas lamang ang halos labinlimang minuto ay natapos na ako sa pagligo kung kaya agad na rin akong lumabas ng banyo upang magbihis.
Nang makalabas ako ng banyo ay agad na natuon sa kama ang aking atensyon. Maayos na ito at sa ibabaw nito ay nakahanda na ang mga susuutin ko sa pagpasok na marahil ay si Sara ang naghanda. Ngunit wala na si Sara sa silid at ganoon din ang bed table at ang mga pinagkainan ko kaya sa hinuha ko’y umalis na si Sara upang dalhin sa kusina ang mga pinagkainan ko.
‘Si Sara talaga‚ napakamaalaga. Daig pa ang ate ko kung makaasikaso sa ‘kin‚’ nangingiting sambit ko sa aking isipan ngunit ang ngiting nakapinta sa mukha ko ay agad ding nabura nang maalala kong kanina pa naghihintay sa akin si Kaiden.
Kasabay ng pagkabura ng ngiti ko ay ang pagkataranta kong kumilos upang magbihis. At dahil sa pagkataranta ko ay mabilis lang akong natapos sa pagbibihis at pag-aayos.
Matapos kong magbihis at mag-ayos ng aking sarili ay agad ko nang kinuha ang bag ko saka ako pumunta ng hardin kung saan naabutan ko si Kaiden na nakasandal sa isang puno at inip na naghihintay.
“Sorry‚ I’m late‚” agad kong paghingi ng paumanhin nang sandaling makalapit ako sa kinaroroonan ni Kaiden.
“Let’s go‚” yaya sa akin ni Kaiden sa malamig na boses saka bigla na lang niyang hinawakan ang kamay ko at sa isang iglap lang ay nasa harap na kami ng pinto ng bago kong classroom.
“Kagaya ng dati ay susunduin kita rito pagsapit ng break time. Kaya huwag kang magtatangkang pumunta sa kung saan kung ayaw mong mapagtripan na naman‚” mahigpit na bilin ni Kaiden na may halong babala.
“K‚” tipid kong sagot saka pumasok na ako ng silid-aralan nang hindi man lang nagpapaalam kay Kaiden.
“Oh. Narito ka na pala‚ Miss Gutierrez. Maaari mong okupahin ang upuan sa tabi ni Miss Lopez‚” salubong sa akin ng bago kong guro pagkapasok ko ng silid habang nakaturo ang kamay nito sa isang babaeng tila walang pakialam sa kaniyang paligid at may sariling mundo.
Tumango na lamang ako sa aking guro at tipid ko itong nginitian bilang pagbati at bilang tugon sa kaniyang sinabi saka ako naglakad palapit sa babaeng nasa dulong upuan na abalang magsulat ng kung ano sa notebook niya.
‘Hindi ba siya ‘yong tumalo sa Trio?’
‘Halos isang buwan pa lang siya rito pero nalipat na agad siya sa ikalawang antas. Ang cool naman no’n.’
‘Balita ko ay lumalabas na raw ang kapangyarihan niya kaya siya nandito.’
‘Huh? Paano nangyari ‘yon? E sa rinig ko ay hindi pa naman sumasapit ang ikalabing-walong kaarawan niya.’
“Tahimik!” saway ng aming guro sa mga kaklase ko kaya bigla namang nagsitahimikan ang karamihan sa mga kaklase ko at itinuon na lang nila ang kanilang pansin sa harapan.
“Ngayon ay umpisahan na natin ang ating talakayan‚” pagsisimula ng aming guro ng aming pormal na talakayan at inayos na muna niya ang mga gamit niya na nasa mesa bago siya nagpatuloy sa kaniyang pagsasalita.
Ang silid-aralan na ngayon ay kinaroroonan ko ay walang transparent glass sa harapan o kahit anong kagamitan o disenyo. Maging ang paligid nito’y walang kahit anong disenyo. Tanging pader lamang na gawa sa purong kristal ang makikita sa paligid ng silid.
“Ang pag-aaralan natin ay tungkol sa inyong mga kakayahan o abilidad‚” panimula ng aming guro saka saglit itong tumigil bago muling nagpatuloy. “Bawat isa sa atin ay may mga kani-kaniyang abilidad. Ang iba sa inyo ay kayang mag-hypnotize o magmanipula‚ kayang manggamot‚ kayang magpalit ng anyo‚ kayang bumasa ng isip ng iba‚ kayang mag-teleport‚ kayang mag-summon ng kahit anong uri ng armas o hayop‚ kayang kumontrol o magpagalaw ng mga bagay at may iba rin na kayang makita ang hinaharap pati na rin ang nakaraan. May mangilan-ngilan din sa atin ang kayang makita ang isang nilalang o bagay gaano man ito kalayo kung gugustuhin niya‚” mahabang wika ng aming guro saka isa-isa niya kaming tiningnan na para bang pinaparating niya sa amin na ang mga nabanggit niyang abilidad ay maaaring taglay namin.
“Ngayon ay mag-concentrate kayo at subukan ninyong basahin ang isip ng mga naririto‚” utos sa amin ng aming guro matapos niyang tapunan ng tingin ang bawat isa sa amin.
Hindi ko naman maiwasan ang mag-alangang sundin ang nais ng aming guro at magduda sa kakayahan ko. Kung iisipin kasi ay malabong magawa ko ang pinapagawa ng aming guro lalo pa’t hindi ko pa naman alam ang mga kakayahang taglay ko at hindi ko pa napag-aaralan kung paano magpalabas ng kapangyarihan o kung paano gumamit ng abilidad. Iyon ngang nangyari sa Trio ay hindi ko pa tiyak kung ako nga ang may gawa at kung ako man ang may gawa no’n‚ hindi ko rin naman alam kung paano ko iyong nagawa at kung magagawa ko pa ba ulit ‘yon.
“Ang kailangan lamang ninyong gawin ay ipikit ang inyong mga mata. Pakiramdaman ninyo ang paligid at alisin o kalimutan ninyo lahat ng bumabagabag sa inyo‚” paggabay sa amin ng aming guro na agad ko namang sinunod kahit pa nga wala akong tiwala sa sarili kong kakayahan. Maging ang mga kaklase ko ay tahimik ding sinunod ang utos ng aming guro.
Dahan-dahan kong ipinikit ang mga mata ko saka ako malalim na bumuntong-hininga. Hinayaan ko munang lumipas ang ilang segundo saka ko ginawa ang pangalawang hakbang. Inalis ko sa isipan ko lahat ng mga bagay na bumabagabag sa ‘kin at itinuon ko ang atensyon at isip ko sa pakikiramdam sa aking paligid.
Habang nakapikit ang mga mata ko at pinapakiramdaman ko ang paligid ay malinaw kong naririnig kung paano umihip ang hangin at maging ang mga kaluskos at ingay na nanggagaling sa mga dahong nahuhulog mula sa puno ay rinig na rinig ko. Dahil dito ay nabuhayan ako ng pag-asa at mas nag-concentrate pa ako kaya sa paglipas ng oras ay maging ang paghinga ng mga kaklase ko ay maayos ko nang naririnig.
‘Kung naririnig ninyo ako‚ ibig sabihin ay nagtagumpay kayo.’ Rinig kong wika ng aming guro gamit lamang ang kaniyang isip.
Sinubukan kong kausapin ang aming guro gamit lamang ang isip ko na kilala sa tawag na telepathy. Noong una ay nahirapan akong gawin ito dahil hindi ko alam kung paano ko ito gagawin pero sa huli ay nagawa ko ring makausap ang aming guro sa pamamagitan lamang ng isip.
‘Sir‚ pwede ko na po bang idilat ang mata ko?’ nahihiya kong tanong sa aming guro gamit pa rin ang isip ko.
‘Pwedeng-pwede. Pero dahan-dahan lang at huwag mong aalisin ang konsentrasyon mo para kahit dumilat ka ay mabasa mo pa rin ang iniisip namin at magawa mo pa rin akong makausap gamit lamang ang isip mo‚’ mahabang payo ni sir na isinaisip at tinandaan ko para magawa ko pa rin siyang makausap gamit lamang ang isip ko.
Ginawa ko naman ang sinabi ni sir. Nag-concentrate akong mabuti saka dahan-dahan at maingat kong idinilat ang mata ko.
Kaagad na nagtama ang paningin namin ni sir nang sandaling maimulat ko ang mata ko.
‘Naririnig mo pa rin ba ako?’ tanong ni sir nang hindi man lang bumubuka ang kaniyang bibig kaya agad kong nalamang tagumpay ako sa ginawa ko at kaya ko pa ring bumasa ng isip kahit nakadilat na ang mata ko.
‘Opo‚’ tipid kong sagot na katulad ni sir ay sa isip ko lamang din sinabi.
‘Mabuti kung gano’n. Pinatunayan mo lamang na totoo nga ang mga naririnig ko tungkol sa ‘yo. May kakaiba nga sa ‘yo. Nagawa mong matutunan ang bagay na ito sa loob lamang ng ilang minuto‚’ puri sa akin ni sir na hindi ko na nagawa pang tugunin dahil nasa proseso pa rin ako ng pagtanggap ng reyalisasyong kaya kong gawin ang mga bagay na hindi kaya ng isang tao.
‘Ngayon ay kaya mo nang basahin ang isip ng kahit sino at kaya mo rin silang kausapin kahit gaano pa sila kalayo sa pamamagitan lamang ng isip. Konsentrasyon lang ang kailangan. Palagi mong tatandaan ‘yan‚’ paalala sa akin ni sir.
‘E paano ko po matatanggal ang link sa isip natin?’ nahihiyang tanong ko kay sir nang sumagi sa isip ko na hindi maaaring manatili ang mind link namin ni sir dahil wala na kaming privacy kung mananatiling konektado ang isip namin.
‘Gaya ng kanina ay konsentrasyon lang ang kailangan. Mag-concentrate ka ulit saka mo subukang tanggalin ang link sa pagitan natin‚’ pagbibigay ni sir ng instruction sa ‘kin.
Katulad ng sinabi ni sir ay sinimulan ko na ulit mag-concentrate. Pero sa pagkakataong ito ay hindi na ako pumikit. Nagtagumpay naman ako sa unang subok ko pa lang dahil hindi na ako nakakausap ni sir pero naririnig ko pa rin ang iniisip ng mga kaklase ko maliban na lang sa katabi ko. Hindi ko maipaliwanag pero parang may kung anong malakas na kapangyarihan na pumipigil sa akin na basahin ang isip ng katabi ko.
‘Ano ba ‘yan! Ang hirap naman!’
‘Haist! Hindi ko magawa!’
‘Sh*t! Wala akong mabasa kahit isa.’
‘Concentrate... Concentrate...’
Dahil sa narinig kong iniisip ng ilan sa mga kaklase ko ay hindi ko na napigilan pa ang pagsasalubong ng kilay ko. Nakakapagtataka na hirap silang gawin ang telepathy gayong madali ko lang naman itong nagawa.
“Charmers‚ tama na muna ‘yan. Maaari na kayong magpahinga at kumain kung gusto ninyo. Pagkatapos ng ilang minuto ninyong pahinga ay sa training field na kayo dumiretso at nang masimulan na natin ang training ninyo‚” pagtatapos ni sir ng aming klase na ikinabagsak ng balikat ng karamihan dahil ayaw pa sana nilang itigil ang pagsubok na gawin ang telepathy.
“Siya nga pala‚ para sa mga hindi nakagawa ng telepathy o mind reading‚ subukan lang ninyo nang subukan hanggang sa magawa na ninyo ito. Basta tandaan lang ninyo na mahalaga ang konsentrasyon at pokus para magawa ang isang bagay. At para naman sa mga nakagawa‚ binabati ko kayo! Napakahusay ng inyong ipinamalas!” pahabol na bilin at papuri ni sir. “Hanggang dito na lang muna ang ating talakayan. Malaya na kayong umalis at ako’y lilisan na rin upang saglit na magpahinga bago ang ating muling paghaharap‚” pormal na pagtatapos ni sir ng aming talakayan saka agad na rin siyang umalis.
Nang makaalis si sir ay nagsimula na ring magsialisan ang mga kaklase ko. May ibang mga nagdadabog dahil hindi nila nagawa ang pinagawa ni sir. May iba rin namang ngiting tagumpay habang ang babaeng katabi ko ay tahimik lang na nagsusulat sa notebook niya.
Hindi ko naman maiwasan ang bahagyang mapangiwi nang may mapagtanto ako habang nakatuon ang atensyon ko sa katabi ko. She’s weird. Katulad lang din siya ng una kong nakatabi.
Habang nakatuon pa rin ang atensyon ko sa katabi ko ay hindi sinasadyang bumaba ang tingin ko sa notebook nito na kanina pa nito sinusulatan. Kaagad kong nabasa ang bagay na kanina pa nito sinusulat at halos lumuwa ang mata ko sa gulat dahil sa nabasa ko.
Animus Kingdom.
Kasabay ng pamimilog ng mata ko ay ang pag-alala ko sa naging talakayan namin noon patungkol sa mga kaharian sa mundong ito. At base sa naaalala ko ay apat lang ang kahariang naitayo sa mundong ito at walang nabanggit si Mrs. Amara patungkol sa pagkakaroon ng ikalimang kaharian. Kaya hindi ko maiwasan ang mapaisip kung ano ang Animus Kingdom na nakasulat sa notebook ng katabi ko. Naisipan lang ba itong isulat ng katabi ko o talagang nag-e-exist ito pero walang nakakaalam?
Pilit kong hinanapan ng sagot ang sarili kong katanungan ngunit sadyang wala akong mapiga sa utak ko kaya sumuko na lang din ako at napagpasyahan kong tanungin na lang si Kaiden tungkol dito kaysa pahirapan ko pa ang sarili kong mag-isip.
Napabuga na lamang ako ng hangin saka ko inalis ang tingin ko sa katabi ko. Saktong pag-iwas ko ng tingin sa katabi ko ay ang siya ring pagdating ni Kaiden na kaagad na nahagip ng paningin ko. Nasa pinto lamang siya habang nasa akin ang kaniyang tingin.
Hindi ko na hinintay pa na senyasan o sabihan ako ni Kaiden na kumilos na at lapitan siya. Kusa kong kinuha ang bag ko at isinukbit ko ito sa magkabilang balikat ko saka ako naglakad palapit kay Kaiden na diretso lang na nakatingin sa akin nang wala man lang kahit anong emosyong mababakas sa mukha niya.
Nang makalapit ako kay Kaiden ay basta na lamang niyang inagaw sa akin ang bag ko at siya na ang nagdala nito.
Napangiti na lamang ako sa ginawang pag-agaw ni Kaiden ng bag ko. Nakakatuwa lang na mukhang maganda ang mood niya ngayon kaya hindi niya ako sinusungitan at kaya mabait siya sa akin. Ni hindi niya nga ako sinungitan kanina kahit na pinaghintay ko siya nang matagal.
“Anong nginingiti-ngiti mo riyan?” nagtatakang tanong ni Kaiden habang nakakunot na ang kaniyang noo.
“Wala. Masaya lang ako‚” tanging tugon ko nang hindi pa rin nawawala ang ngiti ko saka basta ko na lang hinawakan sa kamay si Kaiden at hinila siya paalis. “Tara na at baka matapos na ang break time.”
Hindi naman umangal si Kaiden sa ginawa kong paghila sa kaniya kaya agad kaming nakarating ng Mystical Park nang matiwasay. Dumiretso kami sa palagi naming pinipuwestuhan at agad na kaming naupo sa picnic mat at nagsimulang kumain.
“Ahm... Kaiden‚ pwede ba akong magtanong?” nag-aalangang tanong ko kay Kaiden sa kalagitnaan ng aming pagkain nang makahanap na ako ng tiyempo.
“What is it?” tanong ni Kaiden nang hindi man lang ako tinatapunan ng tingin dahil abala pa rin siya sa kaniyang pagkain.
“May iba pa bang kaharian sa mundong ito bukod sa apat na kaharian na palaging nababanggit ng charmers?” diretsahan kong tanong sa kadahilanang kanina pa talaga ako nangangating itanong ito kay Kaiden nang sa gayon ay masagot na ang katanungan sa isip ko.
Napatigil si Kaiden sa kaniyang pagsubo ng ubas saka kunot-noo niya akong tiningnan na para bang may sinabi akong bagay na lubhang hindi niya maunawaan kung anong pinanggalingan o kung bakit ko naitanong.
“Apat na kaharian lang ang naitatag sa mundong ‘to. Wala ng iba‚” seryosong tugon ni Kaiden na bakas sa mukha at boses ang kasiguraduhan na tila ba sinasabi niyang imposibleng magkaroon ng iba pang kaharian bukod sa apat na dati na naming alam.
“E ano ‘yong Animus Kingdom?” naguguluhan ko nang tanong at hindi ko na napigilan pa ang pagkunot ng aking noo at pagsasalubong ng kilay ko dahil sa labis na kaguluhan ng isip.
Bigla namang nagtagpo ang dalawang kilay ni Kaiden sa aking sinabi habang nakakunot pa rin ang noo niya.
“Saan mo naman narinig ‘yan?” nagtataka pa ring tanong ni Kaiden na hindi ko man lang makitaan ng interes sa paksang aming pinag-uusapan.
“Nabasa ko lang sa notebook ng isa sa mga kaklase ko‚” kibit-balikat kong sagot saka bigla akong umayos ng upo nang mapagtanto kong lumalayo na kami sa tanong ko. “Teka nga! Huwag mo ngang ibahin ang usapan. Sagutin mo muna ang tanong ko. Nag-e-exist ba ang Animus Kingdom o hindi?” irita kong tanong dahil sa pagbabato niya sa akin ng isa pang tanong sa halip na sagutin na lamang ang tanong ko.
Napaisip naman si Kaiden sa tanong ko bago siya muling sumagot.
“I don’t know‚” tugon ni Kaiden na may kasama pang pagkibit ng balikat. “Pero naaalala mo pa ba iyong charmers na sumugod sa bahay ninyo noong nasa mundo pa tayo ng mga tao?” pag-iiba ni Kaiden ng usapan na hindi ko malaman kung anong koneksyon sa tanong ko at kung bakit napunta ro’n ang usapan namin.
Kahit na naguguluhan pa rin ako kung bakit napunta sa mga sumugod sa bahay ang usapan namin ay inalala ko pa rin ang nangyari sa bahay noong sandaling iyon. Ngunit sa pag-alala ko nito ay walang kahit anong imahe o detalye ang pumasok sa isip ko na para bang hindi nangyari ang pagsugod na sinasabi ni Kaiden. Ngunit sa kabila ng pagkabigo kong maalala ang nangyari noon ay hindi pa rin ako sumuko. Sa halip ay mas inisip at inaalala ko pa itong mabuti hanggang sa paunti-unti ko nang maalala ang ilang detalye nito.
Mga lalaking nakaitim. Prinsesa. Itim na kapangyarihan.
Muli akong sumubok na alalahanin ang nakaraan pero sadyang putol-putol at malabo ang naaalala ko kaya hindi ko rin ito magawang maintindihan. Ni hindi ko nga ito magawang pagkonektahin kaya sumuko na lang din ako sa huli dahil naguluhan lamang ako sa mga imahe at detalyeng naalala ko.
“Hindi e. Bakit ba napunta ro’n ang usapan?” naguguluhan kong tanong.
“Nothing‚” walang buhay na tugon ni Kaiden kahit na bakas sa mga mata niyang may nais siyang sabihin.
Hindi ko tuloy maiwasan ang paningkitan ng mga mata si Kaiden. Parang may hindi siya sinasabi sa ‘kin. Saka nakakapagtaka rin na Animus Kingdom ang pinag-uusapan namin tapos biglang napunta sa mga sumugod sa bahay ang aming usapan. May alam nga kaya siya na hindi niya sinasabi sa ‘kin?
Habang pinaniningkitan ko pa rin ng mata si Kaiden ay bigla na lamang akong napaayos ng upo nang may sumagi sa isip ko. Animus means hatred and color black represents evil and darkness. Kung titingnan ay maaaring pagkonektahin ang dalawang ito dahil ang madalas na pagkapoot o galit ang pinagmumulan ng kasamaan at kadiliman. At sa pagkakaalala ko ay itim ang suot ng mga sumugod sa bahay at itim din ang kapangyarihang lumabas sa isa sa kanila.
Maaari kayang nagmula sa Animus Kingdom ang mga sumugod sa amin dati? Kung oo‚ anong kinalaman ng kaklase ko sa mga sumugod sa amin? Isa kaya siya sa kanila? Kung isa nga siya sa kanila‚ kailangan ko itong malaman at mapatunayan. Kailangan ko ring malaman kung sino talaga ang nasa likod ng pagsugod sa bahay para alam ko kung sino-sino ang sisingilin ko.
“Anong iniisip mo? Ba’t bigla ka na lang natulala?” kunot-noong tanong ni Kaiden na pumukaw sa aking atensyon.
“Huh? Ahh‚ wala. May naalala lang ako‚” pagsisinungaling ko.
Hindi ko na tinangka pang sabihin kay Kaiden ang totoo dahil baka kapag nalaman niya kung ano talagang tumatakbo sa isip ko ay magalit na naman siya dahil inilalagay ko na naman ang sarili ko sa kapahamakan.
“Siya nga pala‚ kumusta ang unang araw mo sa ikalawang antas?” biglang tanong ni Kaiden na siyang ipinagpapasalamat ko dahil naliko na ang aming usapan.
“Ayos naman. Marami akong natutunan‚” nakangiti kong sagot.
“Katulad ng?” puno ng kuryusidad na tanong ni Kaiden habang nakatuon na sa akin ang buo niyang atensyon.
“Like mind reading and telepathy‚” proud kong sagot nang hindi pa rin nabubura ang ngiting nakapinta sa mukha ko.
“I’m glad to hear that‚” wika ni Kaiden.
“Tapos na ang oras ng pamamahinga! Ang lahat ng charmers ay pinapayuhang bumalik na sa kani-kanilang silid-aralan!” Rinig kong sabi ng isang boses sa isip ko na lubha kong ikinamangha.
“Let’s go‚” yaya sa akin ni Kaiden saka kinuha niya ang bag ko na nakalapag sa picnic mat at isinukbit niya ito sa kanang balikat niya at basta na lang niyang hinawakan ang kamay ko na naghatid ng kuryente sa buong katawan ko.
Nang mahawakan ni Kaiden ang kamay ko ay maingat niya akong inalalayang tumayo saka naglakad na kami paalis ng Mystical Park nang magkahawak ang kamay.
“Ahmm... Kaiden‚” pagtawag ko kay Kaiden nang tuluyan na kaming makaalis ng Mystical Park.
Sa kabila ng pagtawag ko kay Kaiden ay hindi pa rin siya lumingon o sumagot man lang kaya napairap na lamang ako sa hangin. Napakamoody talaga ng isang ‘to. Kanina lang ang daming tanong tapos ngayon ay pipi na.
“Sa training field mo na lang ako ihatid. May training kasi kami ro’n ngayon‚” pagkausap ko kay Kaiden kahit hindi naman niya pinansin ang pagtawag ko sa kaniya kanina na mukhang narinig naman niya dahil sa halip na diretso kami sa classroom ay lumiko kami sa kanan at tinahak namin ang daan papuntang training field.
‘Anong ginagawa ng prinsipe rito?’
‘Ba’t magkahawak sila ng kamay?’
‘May kung ano bang namamagitan sa kanila?’
‘Ang sweet naman.’
Agad kong binawi ang kamay ko mula kay Kaiden dahil sa mga naririnig kong bulungan habang papalapit kami sa field. Ngunit sa halip na hayaan ako ni Kaiden na paghiwalayin ang kamay namin ay hinigpitan pa niya ang pagkakahawak niya sa kamay ko.
Salubong ang kilay na nilingon ko si Kaiden dahil sa biglang paghigpit ng hawak niya sa ‘kin. Sakto namang lumingon din siya sa direksyon ko kaya agad nagtagpo ang mga mata namin.
“Don’t mind them‚” wika ni Kaiden saka naglakad na ulit siya palapit sa training field kaya wala na akong nagawa kundi ang sumunod na lang din dahil hawak pa rin niya ang kamay ko.
Nang nasa may bukana na kami ng field ay mas lalo pa kaming pinagtinginan ng lahat ng nasa field kaya napayuko na lamang ako dahil sa mga titig nila na tila tumatagos hanggang sa kaibuturan ng buto ko.
Dahil okupado pa rin ang utak ko at nakatungo na ako ay hindi ko namalayang hinila na pala ako ni Kaiden papunta sa isa sa mga upuang nakapalibot sa buong field. Ang sahig ng field ay gawa sa purong yelo samantalang ang mga upuan namang nakapalibot dito ay gawa sa kristal.
Nang makalapit kami sa isang upuan ay iginiya pa ako ni Kaiden paupo rito saka niya iniabot sa akin ang bag ko na kanina pa niya bitbit. “Here.”
Nag-aalangan ko namang tinanggap ang bag ko na iniaabot ni Kaiden saka naiilang na nagpasalamat ako sa kaniya.
“I have to go. Good luck‚” nakangiting paalam ni Kaiden saka bigla na lang siyang naglaho sa harap ko.
Napatanga na lamang ako nang sandaling mawala si Kaiden sa harapan ko at paulit-ulit na bumagabag sa akin ang tanong na kung tama ba ang nakita ko. Nginitian niya ba talaga ako?Kung oo ay ito ang unang beses na nginitian niya ako nang totoo at walang halong pang-aasar. Hindi naman kasi counted iyong araw na nakasama namin si Kamila dahil tiyak kong para sa kapatid niya ang ngiti niyang iyon at hindi para sa akin. Kaya kung iisipin ay ito talaga ang unang beses na ngitinian niya ako kaya hindi ko masisisi ang sarili ko kung bakit napatanga na lamang ako sa kaninang kinatatayuan niya.
“At ang huling maglalaban ay sina Miss Jayda Lopez at Miss Althea Gutierrez!” Rinig kong sabi ni sir na ngayon ay nasa mini-stage ng field na kinaroroonan namin.
Nanlaki na lamang ang mata ko sa aking narinig. Kung kami na ang huli‚ ibig sabihin ay tapos na ang mga kaklase kong maglaban-laban at kaming dalawa na lang ng seatmate ko ang natitira. Ganoon na ba kalayo ang nalakbay ng isip ko kaya hindi ko man lang namalayan na nag-umpisa na pala ang training?
“Inuulit ko. Ang huling maglalaban ay sina Miss Lopez at Miss Gutierrez. Maaari nang pumunta sa gitna ang dalawang nabanggit ko‚” pag-uulit ni sir dahil wala pang kumikilos sa amin para pumunta sa gitnang bahagi ng field kung saan magaganap ang labanan sa pagitan ko at ng seatmate ko.
Bago pa man mainip si sir at tawagin na naman kaming dalawang maglalaban ay naglakad na ako papuntang gitna ng field sa loob ng malaking bilog na nakaguhit sa gitna na sa tingin ko’y siyang palatandaan kung saan dapat pumuwesto ang maglalaban. Agad na rin namang naglakad patungo sa kinaroroonan ko ang seatmate ko. Tumigil ito sa mismong tapat ko at matalim ako nitong tiningnan na para bang malaki ang galit niya sa akin at nais niya akong sugurin.
Sa halip na umiwas ako ng tingin ay sinalubong ko ang matalim na tinging ipinupukol sa akin ng makakalaban ko. At habang nakikipagsukatan ako ng tingin sa kaniya ay sinubukan kong pasukin ang isip niya para malaman ko kung anong tumatakbo sa kaniyang isipan. Ngunit sa hindi ko malamang dahilan ay muli na naman akong nabigong gawin ito dahil sa kung anong enerhiya o kapangyarihang kumukontra sa kakayahan kong mapasok ang isip ng kahit sino.
Hindi ko tuloy maiwasan ang mas lalong tumibay ang hinala kong maaaring ang makakalaban ko ay kabilang sa mga charmer na nakaitim na sumugod dati sa bahay. May hiwaga kasing bumabalot sa pagkatao niya at may pakiramdam ako na sinasadya nitong harangin ang kakayahan kong makabasa ng isip para pangalagaan ang sarili niya. Kung anong dahilan niya at kung anong hiwaga ang bumabalot sa kaniya‚ iyon ang hindi ko alam at hindi ako titigil hangga’t hindi ko ito nalalaman.
“Pakatatandaan ninyo ang patakaran sa labang ito. Walang papatay at sa oras na sumuko na ang kalaban ninyo ay tapos na ang laban. Maaari kayong gumamit ng kahit anong abilidad o kakayahan pero mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng kahit anong kapangyarihan sa labang ito. Ang sinumang bumagsak sa inyo at hindi makatayo sa loob ng tatlong segundo ay siyang idedeklarang talo‚” paliwanag ni sir sa mechanics ng labanang magaganap. “Ngayon ay umpisahan na ang laban!” pagbibigay ni sir ng hudyat upang pormal nang simulan ang laban.
Hindi pa man napoproseso ng utak ko ang mga sinabi ni sir ay bigla ko na lang naramdaman ang isang malakas na sipa na tumama sa tiyan ko.
“Ahh...” daing ko nang bumagsak ako sa sahig dahil sa lakas ng sipang tumama sa tiyan ko.
Dahil sa lakas ng sipang tumama sa akin ay hindi ko na napigilan pa ang mamilipit sa sakit. Ilang segundo akong namilipit sa sakit hanggang sa mapagpasyahan kong bumangon na mula sa pagkakasalampak ko sa sahig.
Sinapo ko ang tiyan ko at pilit kong ininda ang sakit na nagmumula rito saka sinubukan kong tumayo. Pero dahil sa labis na pananakit ng tiyan ko ay hindi ko magawang tumayo kung kaya lihim na lamang akong napamura.
Mukhang matatalo ako nang hindi man lang lumalaban. Pero hindi. Hindi ako papayag! Wala sa bokabularyo ko ang salitang talo kaya hindi ako susuko at hindi ko hahayaang mapatumba ako sa isang sipa lang.
✨✨✨
A/N: Nabitin ba kayo? Kung oo‚ e ano pang hinihintay ninyo? Proceed na sa next chapter😂 Pero huwag kalilimutang mag-vote para ma-inspire ang lola ninyo🤗
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top