CHAPTER 19: STARING CONTEST

THIRD PERSON’S POV

Magkakasamang nagtungong Magical Forest sina Kaiden‚ Thea at Kamila upang ipasyal si Kamila na walang ibang ginawa kundi ang magkulong sa kaniyang silid dahil wala siyang makalaro. Bukod pa rito ay masyado rin siyang pinoprotektahan ng kaniyang mga magulang kaya hindi siya basta-basta makalabas ng palasyo. Wala pa kasi siya sa tamang gulang upang ipagtanggol ang kaniyang sarili mula sa masasamang charmers kaya ganoon na lamang ang pagprotekta sa kaniya ng mga magulang niya.

Agad silang dumiretso sa bahagi ng Magical Forest na mistulang field sa lawak. Walang kahit anong upuan o bulaklak sa paligid at ang tanging makikita lamang sa paligid ng lugar ay mga punong nakapalibot sa buong paligid na nagsisilbing bakod at hangganan ng bahaging iyon ng Magical Forest. Maliban sa mga punong ito ay purong damuhan na lamang ang makikita.

Nakasandal lamang sa isang puno si Kaiden habang pinagmamasdan niya sina Thea at Kamila na masayang nag-uusap habang nakaupo sa damuhan hindi kalayuan sa kaniya.

“Baby girl‚ halika may ipapakilala ako sa ‘yo” masayang anyaya ni Thea kay Kamila saka niya ito iginiya palapit sa puno kung saan nagtatago si Ayesha magmula pa kanina.

Tahimik lang na nakasunod si Kamila kay Thea habang kapwa sila palapit sa puno ngunit mababakas pa rin ang pagkapanabik sa kaniyang mukha habang hinihintay niya ang sunod na gagawin ni Thea.

Nakangiting inilahad ni Thea ang nakabukas niyang kamay sa tabi ng punong kanilang sadya. Agad namang naunawaan ni Ayesha kung para saan ang ginawang iyon ni Thea kaya dali-dali siyang lumipad patungo sa kamay ni Thea na nakalahad at maingat siyang umupo sa palad ni Thea.

Nang maayos nang makaupo si Ayesha sa palad ni Thea ay muling humarap si Thea kay Kamila upang ipakilala rito si Ayesha.

“Baby girl‚ siya si Ayesha‚ ang prinsesa ng mga fairy‚” pagpapakilala ni Thea kay Ayesha.

Malapad na napangiti si Kamila sa kaniyang natunghayan. Hindi niya inalis ang tingin niya kay Ayesha dala ng labis na pagkamangha niya sa kariktan nitong taglay. Ito rin ang unang beses na nakakita siya ng fairy kaya ganoon na lang ang galak niya. Idagdag pang hindi lang ordinaryong fairy ang nasa kaniyang harapan. Nagliliwanag ang suot nito at maging ang pakpak nito. Nakakaakit ding pagmasdan ang berde nitong mga mata at kulay dilaw na buhok na sobrang tingkad.

Nang magsawa na si Kamila na pagmasdan lamang si Ayesha ay saka lamang niya inilahad sa harapan ni Ayesha ang nakabukas niyang kanang kamay. Natutuwa namang tumalon si Ayesha papunta sa nakalahad na kamay ni Kamila na halos kadikit lamang ng kamay ni Thea at malapad ang ngiting umupo siya sa palad nito.

“Hi‚ Ayesha. Ako nga pala si Kamila‚” masayang pagpapakilala ni Kamila habang maingat niyang hinahaplos-haplos si Ayesha na masayang nakaupo sa palad niya.

“Ikinagagalak kong makilala ka‚ Prinsesa Kamila‚” nakangiting tugon ni Ayesha na bahagya pang tumungo upang ipakita kay Kamila ang kaniyang paggalang.

Nakangiti lamang na pinagmasdan ni Thea sina Kamila at Ayesha. Mas pinili niyang manahimik na lamang sa tabi ng puno kaysa abalahin pa ang dalawa sa kanilang pag-uusap.

Habang kinagigiliwan pa rin ni Kamila na haplusin si Ayesha na nakangiti lamang sa kaniya ay bigla niyang naalala ang kuwentong narinig niya patungkol sa mga fairy na sa pagkakaalam niya ay lubhang maiilap kaya binalingan niya ng tingin si Thea upang alamin dito ang sagot sa tanong na nabuo sa kaniyang isipan.

“Ate Thea‚ paano mo po siya nakilala? E hindi ba hindi naman nagpapakita ang mga fairy?” nagtatakang tanong ni Kamila habang nasa pakpak na ni Ayesha ang kaniyang mga daliri na walang tigil sa paghaplos dito.

Hindi kaagad nakasagot si Thea sa tanong ni Kamila sa kaniya sapagkat siya man ay nagtataka rin sa bagay na ‘yon. Hindi niya rin batid kung ano ang paliwanag sa bagay na ipinagtataka ni Kamila. Basta bigla na lamang niyang nakita si Ayesha at naging magaan ang loob nila sa isa’t isa.

“Hindi ko rin alam. Maging ako nga ay nagtataka kung bakit sa dinami-rami ng charmers sa mundo ninyo ay doon pa si Ayesha nagpakita sa isang baguhang tulad ko‚” kibit-balikat na sagot ni Thea.

Bigla na lamang tumayo si Ayesha mula sa pagkakaupo niya sa palad ni Kamila saka agad siyang lumipad patungo sa kanang balikat ni Thea at doon siya umupo.

“Oo nga’t baguhan ka lang pero ang kapangyarihan mong taglay ay hindi pangkaraniwan at may naramdaman ako sa ‘yong kakaiba na hindi ko pa kailanman naramdaman sa iba‚” pagsabad ni Ayesha na mas lalo lamang nagparami sa tanong na gumugulo kay Thea.

“Ano naman ‘yon?” naguguluhang tanong ni Thea.

Salubong na ang mga kilay ni Thea at kunot na kunot na rin ang kaniyang noo habang hinihintay ang sagot ni Ayesha. Wala siyang ideya sa kung anumang tinutukoy ni Ayesha na kakaiba sa kaniya lalo pa’t lumaki siya sa paniniwalang isa siyang tao. Ni hindi pa nga niya matanggap ang posibilidad na isa siyang charmer at may kapangyarihan siyang taglay.

Sa halip na agad na bigyang-kasagutan ang tanong ni Thea ay tumayo si Ayesha sa mismong balikat ni Thea saka siya lumipad patungo sa harapan ni Thea upang harap-harapan silang makapag-usap.

“Hindi ko alam pero malakas ang pakiramdam ko na hindi ka lang basta isang charmer. Bukod-tangi ka sa lahat‚ nararamdaman ko ‘yon‚” seryosong saad ni Ayesha na halatang siguradong-sigurado sa sinasabi niya.

“Ang gulo ninyong dalawa. Wala akong maintindihan‚” reklamo ni Kamila na napapakamot na sa kaniyang ulo sa sobrang lalim ng pinag-uusapan nina Thea at Ayesha na hindi na niya nasundan pa.

Tinawanan lamang nina Thea at Ayesha ang kawawang si Kamila na hindi na maipinta ang mukha dahil sa kaguluhan ng isip.

“Ako nga naguguluhan‚ ikaw pa kaya‚” natatawang sabi ni Thea kay Kamila.

Napahalukipkip at napasimangot na lamang si Kamila dahil wala talaga siyang maunawaan sa mga sinambit nina Thea at Ayesha. Ngunit agad ding umaliwalas ang kaniyang mukha nang may maisip siya.

“Alam ko na! Maglaro na lang tayo para masaya!” masiglang suhestiyon ni Kamila na wala ng mapagsidlan pa ng kaniyang tuwa at pagkapanabik.

Hindi naman na nagdalawang-sabi pa si Kamila sapagkat agad na pumayag sina Thea at Ayesha sa nais niya. Napagpasyahan nilang tatlo na maglaro ng tagu-taguan. At dahil sa maliit si Ayesha ay hindi siya makita-kita ng dalawa kaya palaging sina Thea at Kamila ang taya.

Panay lamang ang tawanan ng tatlo at kung ano-anong laro pa ang kanilang nilaro samantalang masaya lamang silang pinapanood ni Kaiden.

“Isip-bata‚” naiiling na sambit ni Kaiden habang titig na titig siya kay Thea na kasalukuyan nang nakahiga sa damuhan habang pinagtutulungan itong kilitiin nina Kamila at Ayesha.

“Haha! Ano ba? Haha! Tama na—haha!” pag-awat ni Thea sa dalawang kalaro niya habang wala siyang tigil na pinagkikiliti ng mga ito kaya wala rin siyang tigil sa pagtawa kahit pa ramdam na niya ang pananakit ng kaniyang tiyan.

Ilang segundo pang pinagtulungan nina Ayesha at Kamila si Thea bago sila tumatawang lumayo kay Thea. Agad namang napaupo sa damuhan si Thea dahil sa pagod at hingal katatawa.

“Ayoko na. Ang sakit na ng tiyan ko katatawa‚” reklamo ni Thea habang nakahawak siya sa kaniyang tiyan na kanina pa nananakit.

“Iba naman ang laruin natin‚” masayang wika ni Kamila na hindi alintana ang reklamo ni Thea.

“Ano naman?” sabay pa na tanong nina Thea at Ayesha na salubong na ang mga kilay.

“Habulan‚” masayang sagot ni Kamila.

“Sige‚ masaya ‘yon!” masayang pagsang-ayon ni Ayesha. “Pero mas masaya kung isasali natin si Prinsipe Kaiden. Ayon o‚” dagdag pa ni Ayesha at ininguso niya si Kaiden na kanina pa natatawa habang pinanonood silang magkulitan.

Masayang tumakbo si Kamila palapit sa kuya niya para anyayahan itong makisali sa kanilang laro. Nang makalapit siya rito ay agad niya itong hinawakan sa kanang kamay at hinila niya ito ngunit ayaw nitong pumayag. Sa halip ay nanatili lamang itong nakasandal sa puno.

“Kuya‚ sali ka sa amin‚” anyaya ni Kamila sa kaniyang kuya habang sinusubukan pa rin niya itong hilahin.

“Kayo na lang‚ Mil. Wala akong ganang maglaro‚” pagtanggi ni Kaiden habang nakasandal pa rin siya sa puno at ni hindi man lamang siya natinag sa kaniyang kinatatayuan kahit pa anong hila sa kaniya ni Kamila.

“Kuya‚ dali na. Sige ka‚ isusumbong kita kay ina‚” pananakot ni Kamila sa kuya niya para lamang mapapayag ito sa nais niya.

Sa halip na matakot at pumayag sa nais ni Kamila ay tinatawanan lamang ni Kaiden ang pananakot sa kaniya ni Kamila.

“Go on‚ Mil. Pero sa pagkakaalala ko‚ nandito lang ako para bantayan ka‚” natatawang sagot ni Kaiden at pinagtaasan pa ng kilay ang kapatid niya para asarin ito at para ipamukha ritong hindi ito mananalo laban sa kaniya.

Kaagad na humaba ang nguso ni Kamila dahil sa pagkabigo niyang takutin ang kaniyang kuya para mapapayag itong makipaglaro sa kanila. Bumagsak din ang kaniyang balikat at pabagsak siyang naupo sa damuhan.

“Sali ka na kasi sa ‘min‚” pangungulit pa rin ni Kamila sa kaniyang kuya sa kabila ng ilang ulit niyang pagkabigo.

Nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Kaiden bago siya nagpasyang maupo sa damuhan para magkapantay sila ng kapatid niya na ngayon ay nakaupo na sa damuhan habang nakanguso.

“Mil‚ huwag ka nang malungkot. Sige ka‚ baka pumangit ka niyan‚” pang-aalo ni Kaiden kay Kamila na may kasama pang pang-aasar upang pagaanin ang loob ni Kamila.

Mahinang pinisil ni Kaiden ang kaliwang pisngi ni Kamila nang mas lalo pang humaba ang nguso nito dahil sa pang-aasar niya rito.

“Kaiden‚ pagbigyan mo na ‘yong bata. Isa ‘yan sa responsibilidad mo bilang kuya niya‚” pagsabad ni Thea sa usapan ng magkapatid dahil awang-awa na talaga siya kay Kamila na mukhang iiyak na anumang oras. “Naiinip na si Kamila sa palasyo at uhaw siyang magkaroon ng kalaro kaya sana ay hayaan mo naman sana siyang ma-enjoy ang araw na ito kasama ka‚” dagdag pa niya upang makumbinsi si Kaiden na pagbigyan ang hiling ni Kamila.

Napabuntong-hininga na lamang si Kaiden bilang tanda ng kaniyang pagsuko. “Okay‚ fine. You win‚” napipilitang pagpayag ni Kaiden saka niya binalingan ng tingin si Kamila upang aluin ito. “Mil‚ ngiti ka na‚ okay?”

Mahinang pinisil ni Kaiden ang magkabilang pisngi ni Kamila at pilit niya sana itong pangingitiin. Ngunit hindi na niya kinailangan pang sapilitang pangitiin si Kamila dahil kusang gumuhit ang masaya at malawak na ngiti sa labi nito dahil sa kaniyang pagpayag na makipaglaro dito.

“Tara‚ laro na tayo. Ikaw ang taya‚ kuya‚” nakangiting saad ni Kamila saka nagmamadali siyang tumayo upang maghanda na sa kanilang laro.

Mabilis na tumakbo si Kamila palayo sa kuya niya nang mapansin niyang naghahanda na itong tumakbo. Hindi nga siya nagkamali dahil pinagtangkaan siyang dakpin nito. Mabuti na lamang at agad siyang nakatakbo patungo kay Thea at doon siya nagtago sa likuran nito.

Dahil sa ginawang pagtago ni Kamila sa likuran ni Thea ay si Thea sana ang dadakipin ni Kaiden. Ngunit katulad ni Kamila ay mabilis din itong tumakbo palayo bago pa man niya ito malapitan.

“Prinsipe‚ nandito ako!” tawag ni Ayesha kay Kaiden mula sa likuran nito.

Mabilis na pumihit si Kaiden paharap kay Ayesha at agad niya itong hinabol nang lumipad ito palayo. Ngunit dahil sa napakaliit ni Ayesha at panay pa ang lipad nito sa paiba-ibang direksyon ay hindi niya ito madakip-dakip‚ dahilan upang pagtawanan siya ni Thea na kanina pa pala nakamasid sa kanila.

“Haha! Kawawa naman ang magiting na prinsipe‚ walang mahuli‚” pang-aasar ni Thea kay Kaiden habang patuloy pa rin siya sa kaniyang pagtawa na siyang umagaw ng atensyon ni Kaiden.

“Kawawa pala ah‚” nakangising sambit ni Kaiden saka walang babalang tumakbo siya palapit kay Thea.

Tatakbo sana si Thea palayo upang makatakas sa paparating na si Kaiden pero huli na dahil nahawakan na siya ni Kaiden sa baywang niya kung kaya naestatwa na lamang siya sa kaniyang kinatatayuan.

“Huli ka!” masiglang sambit ni Kaiden at mas hinigpitan niya pa ang pagkakahawak niya kay Thea na umabot na sa puntong yakap na niya ito gamit ang kanang braso niya para lamang tiyaking hindi ito makakatakas.

Wala ng nagawa pa si Thea kundi ang mapatitig na lamang sa mukha ni Kaiden na ilang pulgada lamang ang layo sa mukha niya. Samantala ay masaya namang nakatingin sa kanila sina Kamila at Ayesha habang nagbubulungan pa ang dalawa at kilig na kilig sa kanilang nasasaksihan.

“Nakakatuwa silang pagmasdan! Bagay na bagay talaga sina Ate Thea at kuya. Para silang sina ina at ama kung magtitigan‚” kinikilig na sambit ni Kamila habang titig na titig siya sa kuya niya at kay Thea.

“Oo nga. Halatang may kakaiba sa tinginan nila‚” kinikilig na pagsang-ayon ni Ayesha.

Nang hindi makuntento sina Kamila at Ayesha sa pagbubulungan lamang nila ay napagkasunduan nilang tuksuhin sina Kaiden at Thea.

“Ayiee! Ang sweet nila!” kinikilig na panunukso nina Ayesha at Kamila sa dalawang kanina pa magkatitigan at magkayakap.

Agad namang namula si Thea nang mapagtanto niya kung anong posisyon nila ni Kaiden. Nakayakap sa kaniya si Kaiden at magkalapit ang kanilang mga mukha habang magkatitigan sila.

Sumilay ang mapang-asar na ngiti sa labi ni Kaiden nang sandaling mapagmasdan niya ang namumulang pisngi ni Thea at ang tila pagkailang nito sa kanilang posisyon.

“Namumula ka yata?” mapang-asar na tanong ni Kaiden kay Thea habang hindi pa rin mabura-bura ang mapang-asar niyang ngiti.

Napaiwas na lamang ng tingin si Thea at tila napapasong lumayo siya kay Kaiden upang magkaroon sila ng distansya sa isa’t isa.

“Ate‚ kuya‚ iba naman laruin natin!” masiglang sigaw ni Kamila habang papalapit siya sa kinaroroonan nina Kaiden at Thea. Tahimik lang namang nakasunod sa kaniyang likuran si Ayesha.

Pumihit si Kaiden paharap sa papalapit na si Kamila at sinalubong niya ang pagdating nito.

“Anong gusto mong laruin?” malambing na tanong ni Kaiden kay Kamila habang ginugulo niya ang dati nang magulo nitong buhok.

“Tug-of-war!” masiglang sagot ni Kamila.

Kaagad na kumunot ang noo ni Thea sa kaniyang narinig. “Tug-of-war? E wala naman tayong lubid.”

“Ay! Oo nga pala. Nakalimutan ko‚” napapakamot sa ulong wika ni Kamila.

Dahil sa sinabi ni Thea ay kaagad na ginamit ni Kaiden ang air charm niya upang pagalawin ang bagay na kailangan nila na ilang kilometro ang layo sa kanila. Naroon kasi ito sa kanilang kaharian. Ngunit dahil kahit papaano ay napag-aralan na niya ang paggamit ng bago niyang kapangyarihan ay mabilis niyang nahawakan ang lubid na hindi man lamang napansin ng mga kasama niya na palutang-lutang kanina sa ere.

“Here.” Iniabot ni Kaiden kay Kamila ang lubid na hawak niya na may dalawa hanggang tatlong metro lang ang haba.

“Yey!” Masayang tinanggap ni Kamila ang lubid na iniaabot sa kaniya ng kuya niya. “Salamat‚ kuya‚” nakangiting pasasalamat niya sa kaniyang kuya saka niyakap niya ito nang mahigpit.

“Anything for you‚ Mil‚” malambing na tugon ni Kaiden saka muli na naman niyang ginulo ang buhok ng kaniyang kapatid.

Kahit na nagtataka si Thea kung saan nanggaling ang lubid na ngayon ay hawak ni Kamila ay mas pinili na lamang niyang manahimik dahil naalala niya na wala nga pala sila sa mundo ng mga tao. Nasa mundo siya kung saan lahat ay posible dahil sa kapangyarihang taglay ng mga charmer.

“Tama na ang usapan. Laro na tayo‚ bilis!” masiglang sigaw ni Ayesha na hindi na makapaghintay na simulan ang kanilang panibagong laro na bago sa kaniyang pandinig lalo pa’t madalas lang naman siyang nakatambay sa Magical Forest at lihim na pinagmamasdan ang mga charmer na pumapasyal dito.

Ipinaliwanag na muna ni Thea kay Ayesha kung paano laruin ang tug-of-war bago nila sinimulan ang laro. Nakahawak sa magkabilang dulo ng lubid sina Kaiden at Thea habang si Kamila ay mahigpit na nakakapit sa baywang ni Thea at si Ayesha naman ay nasa likuran ni Kamila at nakahawak sa damit nito. Napagkasunduan nilang mag-isa lang si Kaiden habang magkakagrupo naman sina Thea‚ Ayesha at Kamila dahil malakas ito kumpara sa kanila.

Nagsimula nang maghilahan ang dalawang panig at determinado ang grupo nina Thea na manalo laban kay Kaiden.

“Kaya natin ‘to!” sigaw ni Ayesha habang mahigpit na nakahawak sa damit ni Kamila.

“Ate‚ lakasan mo pa!” sigaw ni Kamila kay Thea kaya mas nilakasan pa ni Thea ang paghila sa lubid.

Hindi naman nagpatalo si Kaiden at buong lakas niyang hinila ang lubid‚ dahilan upang matangay sina Thea papunta sa direksyon niya. Diretso sa kaniya ang bagsak ni Thea kaya napahiga siya sa damuhan. Si Kamila naman ay gumulong sa damuhan at si Ayesha ay nakalipad na bago pa man sila tuluyang bumagsak.

Nakapatong ang dalawang kamay ni Thea sa dibdib ni Kaiden habang ang kamay naman ni Kaiden ay nasa magkabilang balikat ni Thea. Habang nasa ganoon pa rin silang posisyon ay hindi sinasadyang tumama ang tingin ni Thea kay Kaiden at ganoon din ito sa kaniya kaya sila’y nagkatitigan habang nakadagan pa rin si Thea kay Kaiden.

‘D*mn! I can’t take my eyes off of her!’ mura ni Kaiden sa kaniyang isipan.

Maingat na tumayo si Kamila mula sa pagkakahiga niya sa damuhan at pumunta siya sa lilim ng isang puno. Sumunod naman sa kaniya si Ayesha na pinipigilan ang sariling mapatili sa kilig.

“Para silang magkasintahan‚” kinikilig na sabi ni Ayesha sa mahinang boses para hindi ito marinig nina Thea at Kaiden.

“Sana talaga maging totoong ate ko si Ate Thea‚” nakangiting sambit ni Kamila habang  nakatuon din kina Thea ang kaniyang tingin.

Kahit na matalas ang pandinig ni Thea ay hindi pa rin niya narinig ang usapan nina Ayesha at Kamila dahil tanging ang malakas na pintig lang ng puso niya ang kaniyang naririnig.

Ilang minuto ang lumipas na walang ibang ginawa sina Thea at Kaiden kundi ang magtitigan. Naputol lamang ang kanilang titigan at saka lamang sila natauhan nang makaramdam sila ng mahinang patak ng ulan. Dali-daling tumayo si Thea saka patakbo siyang lumapit kina Kamila. Nang makalapit siya sa kinaroroonan ni Kamila ay ginamit niya ang kamay niya bilang pantakip sa ulo nito at niyakap niya rin ito para hindi ito tuluyang mabasa.

Habang sinisikap pa rin ni Thea na gawin ang makakaya niya para hindi tuluyang mabasa si Kamila ay naramdaman na lamang niya ang presensya ni Kaiden sa tabi niya kaya agad niya itong nilingon. Laking gulat niya nang makita niyang may hawak na itong payong at pinapayungan silang dalawa ni Kamila.

“Tara na. Kailangan na nating bumalik ng palasyo‚” may himig ng pagmamadaling saad ni Kaiden na agad namang sinang-ayunan ni Thea.

“Ayesha‚ alis na kami. Hanggang sa muli‚” paalam ni Kamila kay Ayesha.

Nakangiting yumuko si Ayesha bilang tanda ng kaniyang pamamaalam bago siya biglang naglaho upang bumalik na sa kanilang kaharian. Samantalang dali-dali namang kumilos si Thea upang buhatin si Kamila dahil unti-unti nang nababasa ang damit at sapatos nito dahil hindi sila kasya sa payong na hawak ni Kaiden.

“Kailangan na nating umalis bago pa lumakas ang ulan‚” suhestiyon ni Thea at umuwi na nga sila ng palasyo na dala-dala ang masayang karanasan nila sa araw na ito na tumatak sa kanilang puso’t isipan.

✨✨✨

A/N: Pasensya na kung hindi kagandahan ang update ko lalo na pagdating sa romance😂 Wala pa naman kasing experience sa ganiyan si author. Hope you understand🤗

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top