CHAPTER 18: THE ROYAL FAMILY
ALTHEA’S POV
Ngayon ay araw ng Linggo at tinanghali na ako ng gising sa kadahilanang wala naman kaming pasok.
Nag-unat-unat pa muna ako bago ako bumangon ng kama. Nang makabangon na ako ay panay pa ang hikab ko habang inihahanda ko ang damit na susuutin ko sa araw na ito. Saglit lang naman akong naghanda ng aking susuutin dahil wala naman akong lakad kung kaya hindi na ako nag-abala pang pumili ng magandang susuutin.
Kaagad na akong pumasok ng paliguan bitbit ang damit na susuutin ko upang makaligo na ako at upang doon na lamang din ako magbihis sa loob.
Sandaling oras lang ang iginugol ko sa pagligo at pagbibihis. Makalipas lamang ang halos labinlimang minuto ay natapos na ako sa pagligo at maging sa pagbibihis kung kaya agad na rin akong lumabas ng paliguan.
Isang simpleng dilaw na shirt dress ang pinili kong suutin na hindi ko na pinaresan pa ng sapatos. Sa halip‚ ang pinili kong suutin ay ang pambahay na tsinelas na siyang suot ko kapag nasa loob lang ako ng silid.
Balot na balot ang ulo ko ng tuwalya nang lumabas ako ng paliguan para hindi tumulo ang tubig na nanggagaling sa buhok ko. Naaawa na kasi ako kay Sara dahil araw-araw niyang nililinis ang silid na inookupa ko. Ayaw ko namang pagpunasin pa siya ng sahig kaya mas mabuting iwasan ko na lamang na mabasa ang sahig nang sa gayon ay hindi na niya kailanganin pang punasan ito.
Maingat akong lumapit sa upuang katapat ng dressing table at dito ko pinalipas ang oras. Nang pakiramdam ko ay hindi na masyadong basa ang buhok ko ay saka ko lamang inalis ang tuwalya na nakabalot dito.
Bumalik na muna ako sa paliguan upang isampay roon ang tuwalyang ginamit ko bago ako bumalik sa kaninang kinauupuan ko upang suklayin ang aking buhok.
Tahimik ko lang na sinusuklay ang buhok ko sa harap ng salamin nang bigla akong makaramdaman ng isang presensya na papalapit sa pinto. Marahil ay si Sara ang aking nararamdamang papalapit. Siya kasi ang palaging nagdadala ng pagkain ko dahil ayokong sumabay kina Kaiden at sa pamilya niya. Nahihiya na rin kasi ako. Hindi ko rin naman kayang pakiharapan sila sa hapag dahil nakikitira na nga ako sa palasyo nila tapos makikisalo pa ako sa kanila. Isang kalabisan ang makisalo pa ako sa kanila lalo na’t hindi ko naman sila kapantay. Sila’y mga royalty habang ako ay isang ordinaryong tao lamang na malayong-malayo sa katayuan nila.
Nang maramdaman ko ang pagbukas ng pinto ay agad kong kinausap si Sara bago pa man siya makapasok ng silid habang abala pa rin ako sa pagsusuklay.
“Sara‚ nandito ka na pala. Kanina pa ki—”
“Magandang umaga!” sigaw ng isang pambatang boses na parang nakalunok ng sampung megaphone sa sobrang lakas ng kaniyang boses.
Agad kong itinigil ang pagsuklay ng aking buhok at salubong ang kilay na ibinaling ko ang aking tingin sa gawing kaliwa ko kung nasaan ang pinto. Bumungad sa akin ang isang batang babae na parang isang manika sa sobrang cute nito. Nakasuot ito ng kulay cyan na tutu dress at isang maliit na tiara na gawa sa purong ginto. Ang sapatos naman nito ay kulay ginto at napapalamutian ng mga hiyas‚ may ankle strap‚ may laso sa dulo at may takong na lampas sa isang pulgada ang haba.
Nilapag ko na muna sa tabi ng maliit na salamin ang suklay na kanina ko pa hawak saka ko nilapitan ang bagong dating na bata. Nang makalapit ako sa batang kanina pa nakatingin sa ‘kin ay maingat akong lumuhod sa kaniyang harapan para magpantay kami.
“Hi‚ baby girl. Ang cute-cute mo naman‚” tuwang-tuwa kong sambit habang pilit kong nilalabanan ang panggigigil na nararamdaman ko para sa batang aking kaharap na ubod ng cute.
Giliw na giliw na pinagmasdan ko ang maamong mukha ng bata. May katabaan ang pisngi nito‚ kulay asul ang kaniyang round shaped eyes‚ matangos ang ilong‚ pinkish ang manipis nitong mga labi at may maputing balat na mamula-mula pa.
Nang hindi ako makuntento sa pagtitig lamang sa mukha ng batang kaharap ko ay hindi ko na napigilan pa ang sarili kong pisilin ang may katabaan nitong pisngi. Hindi naman siya nagreklamo kaya mas lalo ko pang pinanggigigilan ang kaniyang pisngi. Ngunit kusa akong napatigil sa aking ginagawang pagpisil sa kaniyang pisngi nang mapagtanto kong may kamukha siya. Pilit kong inisip kung sino ang kamukha niya ngunit walang pumasok sa aking isipan. Kaya sa halip na mag-isip pa ako at pahirapan ang sarili ko ay muli ko na lang pinanggigigilan ang pisngi ng aking kaharap.
“Marami pong salamat. Ikaw rin po‚ ang ganda-ganda mo po. Para ka pong dyosa‚” nakangiting sagot ng bata sa napaka-cute na boses habang pisil-pisil ko pa rin ang pisngi niya.
“Asus! Nambola ka pa. Ano palang pangalan mo? Saka ilang taon ka na ba?” tanong ko sa malambing na boses saka pinisil ko pa muna ulit ng mas malakas ang pisngi ng bata bago ko ito tuluyang binitiwan.
Nakagat ko na lamang ang ibabang labi ko nang makita kong namumula na ang pisngi ng batang kanina ko pa pinanggigigilan. Hindi ko naman masisisi ang sarili ko dahil noon pa man ay mahilig na talaga ako sa bata. Hindi ko kasi naranasan ang magkaroon ng kapatid kaya naman ganoon na lang ang panggigigil at tuwa ko kapag may nakikita akong bata.
“Ang pangalan ko po ay Kamila. Anim na taong gulang na po ako‚” magalang nitong tugon.
Nagpaulit-ulit sa aking pandinig ang pangalang aking narinig at tila pamilyar na ito sa akin kaya hindi ko maiwasan ang mapaisip kung saan ko narinig ang pangalang Kamila. Habang hinahalungkat ko ang laman ng aking isipan ay bigla kong naalala ang aming talakayan patungkol sa mga kaharian at royalties. Mula sa alaalang iyon ay nalaman ko na kung bakit pamilyar sa akin ang pangalang Kamila.
“Ikaw ba ‘yong kapatid ni Kaiden?” malumanay kong tanong at sa pagkakataong ito ay ang baba naman ni Kamila ang hinawakan ko upang mas lalo ko pang mapagmasdan ang kaniyang mukha na ngayon ko lamang napagtanto na may hawig pala kay Kaiden.
Tumango naman si Kamila kaya agad naging malinaw sa akin kung bakit nakasuot siya ng damit na para sa isang prinsesa at kung bakit nasa palasyo siya. Siya pala iyong kapatid ni Kaiden na minsan nang nabanggit ni Mrs. Amara.
Hinawakan ko ang kanang kamay ni Kamila at nakangiti ko siyang iginiya palapit sa kama. Nang tuluyan kaming makalapit sa kama ay maingat akong umupo rito bago ko siya binuhat at iniupo sa lap ko.
“Bakit ka nga pala nandito‚ baby girl?” tanong ko kay Kamila sa malambing na boses habang sinusuklay ko ang mahabang kulay light ash blonde na kulot niyang buhok gamit lamang ang daliri ko.
“Narinig ko po kasi mula kay Ate Sara na nandito po kayo kaya pumunta po ako rito. Naiinip na po kasi ako sa kwarto ko. Wala akong kalaro‚” malungkot na sagot ni Kamila na bahagya nang nakanguso habang nasa sahig ang kaniyang tingin at nakasimangot na nilalaro ang kaniyang daliri.
Hindi ko naman maiwasan ang maawa kay Kamila dahil base sa kaniyang sinabi ay mukhang wala siyang kalaro at palagi siyang nakakulong sa kaniyang silid.
“Ganoon ba? Kawawa ka naman. Gusto mo tayo na lang ang maglaro?” alok ko kay Kamila para kahit papaano ay malibang naman siya at mapawi ang lungkot niya.
Agad na nag-angat ng tingin si Kamila at bakas sa mukha niya ang tuwa dahil sa kaniyang narinig. Mukhang sabik talaga siyang magkaroon ng kalaro.
“Talaga po? Maglalaro tayo?” masiglang tanong ni Kamila.
“Oo naman‚” nakangiti kong sagot na mas lalo namang ikinatuwa ni Kamila.
Bigla na lang umalis si Kamila mula sa pagkakaupo niya sa lap ko at sumampa siya sa kama saka siya nagtatatalon sa tuwa.
“Yey! Maglalaro kami!” tuwang-tuwa niyang sigaw habang patuloy pa rin siya sa pagtalon sa ibabaw ng kama.
Marahan na lamang akong natawa dahil sa pagsasaya ni Kamila na akala mo’y nanalo siya sa lotto. Mabuti pa pala itong si Kamila dahil mababaw lang ang kaligayahan niya hindi katulad ng kuya niya na parang pasan lagi ang mundo dahil hindi man lang makuhang ngumiti o tumawa.
Patuloy pa rin si Kamila sa pagtalon na para bang wala man lang siyang kapaguran kung kaya bahagyang nang nagulo ang kama at maging ang buhok niya. Maging iyong tiara niya ay mukhang mahuhulog na anumang oras.
Muli na lamang akong natawa sa itsura ni Kamila bago ko inilahad ang aking kamay upang anyayahan siyang lumapit sa akin at para itigil na niya ang kaniyang ginagawa. “Halika nga rito.”
Hindi naman na ako nagdalawang-sabi pa dahil agad na tumigil si Kamila sa pagtalon at hinihingal na tinanggap niya ang kamay kong nakalahad. Nang sandaling mahawakan niya ang kamay ko ay buong pag-iingat na inalalayan ko siyang maupo sa tabi ko.
Nang maiupo ko si Kamila sa tabi ko ay tumayo na muna ako upang kunin ang suklay na nakapatong sa mesa. Kumuha rin ako sa drawer ng pantali sa buhok bago ako muling naupo sa kama.
Muli kong binuhat si Kamila at pinaupo ko siya sa lap ko saka ko inalis ang tiara niya upang masimulan ko nang suklayin ang nagulo niyang buhok. Ipinatong ko na muna ang tiara niya sa side table at sisimulan ko na sanang suklayin ang buhok niya nang bigla kong mapansin ang namumuo niyang pawis sa noo.
Kumuha na muna ako ng face towel saka back towel. Ginamit ko ang face towel upang punasan ang mukha ni Kamila habang inilagay ko naman sa likod niya ang back towel para sipsipin nito ang pawis sa kaniyang likod.
Nang matapos na ako sa pagpupunas ng pawis niya ay saka ko lamang sinimulang suklayin ang buhok niya. Maingat ang ginawa kong pagsuklay para hindi ko masaktan si Kamila.
Nang matapos na akong suklayan siya ay bigla kong naisipang i-braid ang buhok niya para mas maging maaliwalas ang kaniyang pakiramdam. Hinayaan lang naman niya ako kaya malaya kong nagawa ang anumang nais ko sa buhok niya.
Nasa kalagitnaan ako ng pagtirintas ng buhok ni Kamila nang bigla na lang bumukas ang pinto at iluwa nito si Kaiden.
“Mil‚ nandito ka lang pala. Kanina ka pa hinahanap nina ina‚” imporma ni Kaiden sa kaniyang kapatid sa malambing na boses.
Lihim naman akong natuwa na malamang may itinatago rin palang lambing si Kaiden. Mabait naman pala siyang kuya. Akala ko’y likas na malamig ang pakikitungo niya sa lahat. Hindi naman pala. Sadyang nakatago lang talaga siguro ang mga mabubuti niyang katangian at mas pinipili niyang ipakita sa lahat na isa siyang masungit at cold na prinsipe na hindi marunong ngumiti.
Sa halip na pumasok ay nanatili lamang si Kaiden sa kinatatayuan niya habang hawak pa rin niya ang doorknob ng pinto na bahagya lang na nakabukas.
“Pagkatapos mo rito‚ sumunod ka na lang sa dining hall‚” utos ni Kaiden kay Kamila habang may munting ngiti sa kaniyang labi.
Hindi ko naman maiwasan ang mapatitig kay Kaiden dahil sa ngiti niya. Kahit pa tipid na pagngiti lang ang kaniyang ginawa ay alam kong genuine ang ngiti niyang ‘yon at wala itong halong pang-aasar o pagyayabang. Isang uri ng ngiti na kailanman ay hindi ko pa nakita sa kaniya.
“Masusunod‚ kuya‚” masayang sagot ni Kamila na hanggang ngayon ay tinitirintas ko pa rin ang buhok.
“Sige‚ alis na ako‚” paalam ni Kaiden saka ngumiti siyang muli habang nakatingin sa direksyon ko bago niya isinara ang pinto.
‘Ako ba ang nginitian no’n?’ naitanong ko na lamang sa aking sarili ngunit agad ko ring winaksi sa aking isipan ang tanong kong iyon dahil malabong ako ang ngitian niya gayong mainit ang dugo niya sa ‘kin. Saka suntok sa buwan ang ngitian niya ako na walang halong pang-aasar lalo pa’t wala namang ibang ginawa ‘yon kundi ang manghila‚ manigaw at mang-asar.
Itinuon ko na lamang ang buo kong atensyon sa ginagawa kong pagtirintas ng buhok ni Kamila sa halip na isipin ko pa kung para kanino ang pagngiting ginawa ni Kaiden.
“Ayan‚ tapos na‚” masiglang sambit ko nang sa wakas ay matapos na ako sa pagtirintas ng buhok ni Kamila.
Dali-daling bumaba si Kamila mula sa pagkakakandong niya sa akin saka nakangiti siyang humarap sa ‘kin.
Hindi ko na napigilan pa ang sarili kong muling pisilin ang pisngi ni Kamila dahil mas lalong tumatabang tingnan ang nakakapanggigil niyang pisngi kapag ngumingiti siya.
“Ang cute cute mo talaga‚” nanggigigil kong sambit habang panay naman ang ngiti ni Kamila kaya mas lalo ko pa siyang pinanggigilan.
Nang pakiramdam ko ay masyado nang matagal ang pagkakapisil ko sa pisngi ni Kamila ay saka ko lamang tinantanan ang kaniyang pisngi‚ at bago pa man ako muling matuksong pisilin ang kaniyang matambok na pisngi ay agad ko nang kinuha ang tiara na ipinatong ko kanina sa side table at maingat ko itong inilagay sa ibabaw ng ulo ni Kamila.
“Ayan‚ prinsesang-prinsesa ka na‚” nakangiting wika ko habang giliw na giliw kong pinagmamasdan ang maamong mukha ni Kamila.
Habang pinagmamasdan ko pa rin ang maamo at masayang mukha ni Kamila ay muli na naman akong naakit na pisilin ang kaniyang pisngi.
“Papisil ulit ako ng pisngi mo‚” paalam ko kay Kamila pero bago pa man siya makasagot ay agad ko nang pinisil ang pisngi niya dala ng panggigigil ko.
“Ang cute-cute mo talaga! Para kang si Chunsa ng Going Bulilit! Ang sarap mo sigurong ampunin tapos gawing display sa—”
“Siya nga pala‚ may nakalimutan akong sabihin...”
Dali-dali kong binitiwan ang pisngi ni Kamila na namumula na naman nang marinig kong magsalita si Kaiden mula sa pinto. Pinilit kong umakto na parang wala akong ginawa na ikinapula ng pisngi ni Kamila at buong tapang na binalingan ko ng tingin si Kaiden na kasalukuyang nakasilip sa nakabukas na pinto habang hawak niya sa kanang kamay niya ang doorknob nito. Ngunit bigla na lamang naglaho na parang bula ang tapang ko nang sandaling magtama ang aming tingin. Nakatuon sa akin ang walang emosyon niyang mga mata kaya hindi ko masabi kung galit ba siya sa ginawa kong pagpisil ng pisngi ng kapatid niya o ano.
“A-Ano ‘yon?” nauutal kong tanong at pilit kong ibinaling sa ibang direksyon ang aking tingin upang makaiwas ako sa mga mata ni Kaiden na nakatuon pa rin sa akin.
“Pinapatawag ka nina ama’t ina sa dining hall. Gusto ka raw nilang makausap‚” tugon ni Kaiden sa seryosong boses na naging dahilan upang muling mabaling sa kaniya ang aking tingin.
“Ano?!” gulat kong tanong kasabay ng pamimilog ng mga mata ko.
Agad akong nilukuban ng pangamba sa kung anong maaaring dahilan ng hari at reyna sa pagpapatawag nila sa akin. Sila’y may pinamumunuang kaharian kaya alam kong hindi sila basta mag-aaksaya ng oras sa tulad ko kung wala silang mahalagang pakay. Ang tanong ngayon ay kung anong kailangan nila sa ‘kin at bakit gusto nila akong makausap. Maaari kayang ayaw na nila akong manatili pa sa kanilang kaharian at gusto na nila akong paalisin? O baka naman parurusahan nila ako dahil sa naging pangahas ako at naglakas-loob akong ilang ulit na pisilin ang pisngi ng kanilang bunsong anak?
“Walang ulitan sa taong bingi‚” nang-aasar ni sagot ni Kaiden na may kasama pang pagngisi na mas lalo lamang nakadagdag sa pangamba ko sa maaaring sabihin ng mga magulang niya.
“Ate‚ tayo na!” masayang sigaw ni Kamila at bigla na lamang niya akong hinila patayo ng kama na madali na lamang niyang nagawa dahil sa pagiging okupado ng aking isipan.
Tuwang-tuwang hinila ako ni Kamila patungo sa pinto habang wala sa sariling nagpatianod na lamang ako. Nang malapit na kami sa pinto kung saan nakatayo si Kaiden ay bigla akong natauhan kaya pinigilan ko si Kamila na makalabas. Nang pareho na kaming nakatigil ni Kamila ay marahan kong hinawakan ang magkabilang balikat niya at itinukod ko sa sahig ang isang tuhod ko para magpantay kami.
“Ahm... Kamila‚ kayo na lang ng kuya mo ang pumunta sa dining hall. May gagawin pa kasi ako‚” pagsisinungaling ko sa pag-asang sa pamamagitan nito ay makakatakas ako sa nakatakdang paghaharap namin ng hari at reyna.
Sinungaling na kung sinungaling pero ayokong pumunta sa dining hall. Hindi naman ako parte ng pamilya nila para makisalo ako sa kanila. Saka isa pa‚ nakakahiya ring sumalo sa kanila dahil isa lamang akong hamak na mortal habang sila ay royalties. Saka malay ko ba kung anong naghihintay sa akin sa dining hall. Mamaya niyan ay hindi pala maganda ang sasabihin sa akin ng hari at reyna‚ masisira pa ang araw ko.
“Ayoko. Gusto ko kasama ka‚” nakangusong saad ni Kamila habang malungkot ang mga mata niyang nakatingin sa akin.
“Pero kasi—”
“Tayo na‚ ate! Pumunta na tayo kina ina!” masayang sigaw ni Kamila at muli na naman niya akong hinila bago ko pa man matapos ang sana’y sasabihin ko.
Bagsak ang balikat na nagpatianod na lamang ako kay Kamila dahil wala naman na akong magagawa. Maging si Kaiden ay hindi man lang gumawa ng paraan para pigilan si Kamila sa paghila sa akin. Tahimik lang siyang nakasunod sa amin habang iiling-iling niyang pinagmamasdan ang ginagawang paghila sa akin ng kapatid niya.
Walang duda‚ magkapatid nga sila. Pareho silang mahilig manghila. Kulang na lang ay kaladkarin nila ako kaya hindi na ako magtataka kung isang araw ay humiwalay na lang bigla sa katawan ko ang kawawa kong braso.
Patuloy lang sa paghila sa akin si Kamila. Hindi siya tumigil sa paghila sa akin kahit pa nga maraming mga tagapagsilbi ng palasyo ang bumabati sa kanila. Panay lamang ang hila niya sa akin at hindi ko naman maiwasan ang makaramdam ng pagkairita nang mapagtanto kong kanina pa niya ako hila pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nakakarating sa aming destinasyon. Napakalaki kasi ng palasyo at maraming pasikot-sikot.
Habang patuloy pa rin sa paghila sa akin si Kamila ay may nakaaagaw ng aking pansin. Hindi kalayuan sa amin ay may nakita akong isang napakalaking double door na gawa sa purong kristal. May disenyo ito sa gitna na snowflake na gawa sa yelo.
Bago ko pa man isipin kung anong nasa likod ng pintong nakita ko ay basta na lamang akong hinila ni Kamila palapit sa pintong kanina ko pa pinagmamasdan habang iiling-iling namang sumunod sa amin si Kaiden na kanina pa walang imik.
Nang sandaling tumigil kami sa harap ng pintong may disenyong snowflake sa gitna ay kusa na lamang itong bumukas at bumungad sa akin ang isang dining hall na daig pa ang field sa lawak. May naglalakihang chandeliers sa taas nito na lahat ay gawa sa mga mamahaling materyales. May mga mesa rin sa loob ng dining hall pero ang mas nakakuha ng atensyon ko ay ang napakalaking mesa na gawa sa ginto na nasa pinakagitna. Mayroon ditong nakapalibot na dalawampung upuan na lahat ay gawa rin sa ginto. Sa ibabaw naman ng mesa ay maraming pagkain‚ prutas at inumin ang ngayon ay nakahain.
“Ina! Ama!” masayang tawag ni Kamila sa mag-asawang naroon sa mahabang mesa na kanina ko pa pinagmamasdan.
Sa wakas ay binitiwan na rin ni Kamila ang kamay ko at masigla siyang tumakbo patungo sa tinawag niyang ina at ama na parehong may suot na kulay gintong kapa at koronang gawa sa ginto.
‘Pagkakataon ko na ‘to para makatakas‚’ isip-isip ko habang inihahanda ko na ang aking sarili sa pagtakas na gagawin ko bago pa mapansin ng hari at reyna ang presensya ko.
Walang ingay na pumihit ako paharap sa pintong pinasukan namin at maglalakad na sana ako paalis pero agad na humarang si Kaiden sa pinto.
“Where do you think you’re going?” nakataas ang kilay na tanong ni Kaiden sa napakaistriktong boses.
Napaatras na lamang ako nang wala sa oras dahil sa tono ng boses ni Kaiden. Daig ko pa ang isang bilanggo na nahuli sa aktong pagtakas.
“Ahh... S-Sa kwarto. May nakalimutan kasi ako‚” palusot ko pero seryoso niya lamang akong tiningnan na para bang hinihintay niyang sabihin ko pa kung anong bagay ang nakalimutan ko.
“Sige‚ alis na ako. Bye‚” paalam ko kay Kaiden at aalis na sana ako ng dining hall pero bago pa man ako makahakbang paalis ay hinawakan na niya ang kamay ko upang pigilan ako sa balak kong pagtakas.
“Kung nagtatangka kang tumakas‚ huwag mo nang ituloy. Hindi ka rin naman magtatagumpay‚” bulong niya sa mismong tainga ko na nagpaurong ng dila ko.
Hindi ko alam kung anong mayroon sa sinabi ni Kaiden pero pakiramdam ko ay may kuryenteng dumaloy sa katawan ko dahil sa ginawa niyang pagbulong sa mismong tainga ko. Bigla ring naging blangko ang utak ko at tila tumalas bigla ang pandinig ko dahil dinig na dinig ko na ang malakas na pagtibok ng puso ko.
“Let’s go. Masamang pinaghihintay ang pagkain‚” anyaya niya sa akin sa malamig na boses at basta na lang niya akong hinila palapit sa mesang inookupa ng mga magulang niya kung saan nakaupo na rin pala si Kamila.
“Ate‚ halika. Saluhan mo kami‚” masayang alok sa akin ni Kamila na katabi ng kaniyang ina na aakalain mong isang teenager dahil sa sobrang kinis ng balat nito.
Tipid ko lang na nginitian si Kamila dahil hindi ko magawang ibuka ang bibig ko sa sitwasyong kinalalagyan ko. Ni hindi ko nga alam kung paano umakto sa harapan ng hari at reyna.
Saka lang binitiwan ni Kaiden ang kamay ko nang makalapit na kami sa mesang inookupa ng kaniyang mga magulang at kapatid.
Hindi pa sana ako kikilos upang maupo ngunit si Kaiden na mismo ang naghila ng upuan para sa akin kaya wala na akong nagawa kundi ang maupo sa upuang katapat ni Kamila habang si Kaiden naman ang umokupa sa upang katabi ko sa kaliwa na katapat ng reyna. Ang hari naman ay nasa pinakadulo ng pahirabang mesa at napapagitnaan ng reyna at ni Kaiden.
Nagsimula na silang kumain habang ako ay nakatingin lang sa mga pagkaing nakahain sa harapan ko at nag-aalangang sumandok. Mukhang napansin naman ni Kaiden ang pag-aalangan ko kaya siya na ang nagsandok para sa ‘kin.
“Just be yourself. Huwag kang matakot o kabahan. Hindi sila nangangain‚” bulong ni Kaiden sa mismong tainga ko nang matapos siyang magsandok na muli na namang naghatid ng kuryente sa katawan ko.
Bigla na lamng akong napatuwid ng upo at sinimulan ko nang kumain para mawala ang kakaibang nararamdaman ko dahil sa pinaggagagawa ni Kaiden.
Tahimik lamang kaming lahat na kumain hanggang sa biglang basagin ng reyna ang katahimikang bumabalot sa amin.
“Ikaw ba si Thea‚ hija?” malumanay na tanong ng reyna sa gitna ng aming tanghalian.
Muli na naman akong napatuwid ng upo at agad akong napaangat ng tingin upang salubungin ang tingin ng reyna.
“O-Opo‚ a-ako nga po‚” naiilang kong sagot at muli kong ipinagpatuloy ang pagkain ko pero pasulyap-sulyap pa rin ako sa reyna dahil baka bigla ulit siyang magtanong.
“Totoo ngang kamukhang-mukha mo siya. Kaya pala umalis na si Kaiden sa mundo ng mga tao at isinama ka niya rito‚” seryosong sabi ng hari saka ito uminom ng tubig.
Hindi ko naman maiwasan ang mapatitig sa mukha ng hari. Para lang silang magkapatid ni Kaiden kung titingnan. Magkamukhang-magkamukha kasi sila at kung panlabas na anyo nila ang pagbabasehan ay parang hindi nagkakalayo ang kanilang edad.
Naiilang na lamang akong ngumiti sa hari bilang tugon dahil hindi ko naman maunawaan kung anong tinutukoy niya sa kaniyang mga sinabi. Saka nakakahiya ring magtanong kaya mas mabuti pang umakto na lang ako na naintindihan ko ang sinabi niya kahit hindi naman.
“Siya nga pala‚ bakit hindi kita nakikita rito sa palasyo nitong mga nakaraang araw?” nagtatakang tanong ng reyna habang sumusubo siya ng pagkain.
“H-Hindi po kasi ako naglilibot ng palasyo. Nasa kwarto lang po ako pagkatapos ng klase at minsan naman po ay nasa hardin ako‚” nahihiya kong paliwanag.
Hindi ko naman kasi bahay ang palasyo nila para libutin ko. Saka baka maligaw lang ako sa laki ng palasyo nila. Ang alam ko lang naman ay ang daan palabas ng palasyo at papasok ng silid na inookupa ko.
“Ganoon ba? Dapat naglilibot-libot ka rin dito minsan. Huwag kang mahihiya. Ituring mong iyo ang palasyong ito‚” nakangiting saad ng reyna.
“S-Sige po‚ ma-mahal na reyna‚” naiilang kong sagot at bahagya pa akong yumuko bilang paggalang.
Narinig ko ang marahang pagtawa ng reyna kaya salubong ang kilay na nag-angat ako ng tingin.
“Ikaw naman‚ hija. Huwag mo na akong tawaging mahal na reyna. Tita Selena na lang‚” tumatawang sabi ng reyna.
Ngumiti na lang ako bilang sagot sa sinabi ng reyna at muli na akong nagpatuloy sa pagkain.
“Wala ka bang maalala sa nakaraan mo?” biglang tanong ng hari sa seryosong boses.
Kahit pa sobrang seryoso ng hari kung makipag-usap ay wala akong maramdamang ni katiting na takot sa kaniya. Hindi naman kasi siya nakakatakot dahil mukha naman siyang mabait. Malamig at seryoso lang naman siyang magsalita pero bakas pa rin sa mukha niya na isa siyang mabait at mabuting hari.
“Wala po e. Sabi po kasi ng mga magulang ko‚ nagkaroon daw ako ng head injury noong walong taong gulang ako kaya ako nagka-amnesia. Almost 10 years ago po ‘yon‚” malungkot kong kuwento.
Hindi ko pa rin talaga maiwasan ang malungkot kapag naaalala ko sina mommy at daddy. Hanggang ngayon kasi ay hindi ko pa rin matanggap na wala na sila at kailanman ay hindi ko na sila makakasama pang muli. Ngunit bago pa man ako maging emosyonal ay pinigilan ko na ang sarili kong alalahanin ang nakaraan. Hindi ito ang panahon para magpadala ako sa emosyon ko.
‘Control your emotions. Don’t let your emotions control you.’
Bigla na lamang akong natigilan sa boses na aking narinig at sunod-sunod na pumasok ang mga tanong sa aking isipan. Kaninong boses ‘yon? Bakit parang boses ni Kaiden ang narinig ko? Pero imposible. Kailanman ay hindi pa sinabi sa akin ni Kaiden ang mga katagang iyon.
“Kung ganoon ay halos magsasampung taon na ang nakalilipas magmula nang mawala ang alaala mo. Kung hindi ako nagkakamali‚ iyon din ang panahon kung kailan naganap ang digmaan kasabay ng pagkawala ng prinsesa. Hindi kaya—”
“Ehem!”
Hindi na naituloy pa ng hari ang sasabihin sana niya nang bigla na lang tumikhim si Kaiden. Sobrang lakas ng pagkakatikhim niya na tila ba ay sinasadya niya iyon upang pigilan ang ama niya sa pagsasalita. Pero kung tama ang interpretasyon ko‚ bakit naman niya gagawin ‘yon? May ayaw ba siyang ipaalam sa ‘kin? May kinalaman ba sa akin ang sana’y sasabihin ng ama niya?
“Ina‚ ama‚ pwede po ba kaming mamasyal ni Ate Thea pagkatapos nating kumain?” masayang tanong ni Kamila sa mga magulang niya habang masaya siyang kumakain.
“Oo naman‚ anak‚” nakangiting sagot ni Tita Selena at bahagya pa niyang ginulo ang buhok ni Kamila.
“Yey!” tuwang-tuwang sigaw ni Kamila na mukhang ngayon pa lang makakalabas ng lungga niya.
“Pero may kondisyon‚” pahabol ni Tita Selena.
Napanguso na lamang si Kamila dahil sa pahabol na kondisyon ng ina niya.
“Isasama ninyo si Kuya Kaiden mo‚ maliwanag ba?” mariing saad ni Tita Selena na mas lalong ikinanguso ni Kamila.
“Pero si Ate Thea lang ang gusto kong kasama at kalaro‚” nakangusong maktol ni Kamila.
“Tss!” tanging tugon ni Kaiden sa pagmamaktol ni Kamila.
Natawa na lamang si Tita Selena sa inakto nina Kamila at Kaiden.
“Huwag ka nang magmaktol‚ Kamila‚ anak. Sasama lang ang kuya mo para bantayan ka‚” natatawa pa ring paliwanag ni Tita Selena.
Bigla namang ngumiti nang malapad si Kamila at dinilaan niya ang kuya niya.
“Okay‚” masiglang sagot ni Kamila at mas binilisan pa niya ang pagkain niya.
Napailing-iling na lamang ako sa kakulitan ni Kamila saka bumalik na rin ako sa pagkain ko dahil natitiyak kong kakailanganin ko ng enerhiya at lakas mamaya sa pamamasyal namin ni Kamila kasama ang kuya niyang masungit.
✨✨✨
A/N: How’s my update so far? You can leave your comments and votes for this one before you proceed to the next chapter😉
Kamsahamnida‚ my beloved readers. And shout out to my silent readers❤
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top