CHAPTER 17: THE FAIRY PRINCESS

SOMEONE'S POV

"Anong balita ang hatid mo?" agad kong tanong sa aking kanang-kamay matapos niyang magbigay-galang.

"Wala po siyang maalalang kahit ano sa nakaraan niya at napag-alaman ko rin pong wala pa siyang alam tungkol sa kapangyarihang taglay niya‚" nakayukong ulat ni Ulises.

Napangisi na lamang ako sa aking nalaman. Ito'y isang napakagandang balita.

"Kung ganoon ay wala pala tayong magiging problema. Kailangan na lang nating hintayin ang kaarawan niya bago natin gawin ang matagal na nating plano‚" nakangising saad ko habang nakikita ko na sa aking isipan ang aming magiging tagumpay.

"Nagkakamali po kayo‚ kamahalan. May isa po tayong problema‚" pagkontra sa akin ni Ulises na bakas sa boses ang pag-aalinlangan.

"Anong ibig mong sabihin?" salubong ang kilay kong tanong.

"Mukhang nakakahalata na po ang prinsipe ng Sapience Kingdom dahil binabantayan niyang maigi ang prinsesa‚" nababahalang pahayag ni Ulises.

Sa kabila ng ipinahayag ni Ulises ay hindi pa rin ako nakaramdam ng pagkaalarma o pagkabahala na maaaring masira ang aming mga plano dahil sa pakikialam ng prinsipe ng Sapience Kingdom. Noon pa man ay alam ko nang mangyayari 'to dahil una pa lang ay batid ko na ang kakaibang pagpapahalaga ng prinsipe sa prinsesang nakasaad sa propesiya. Batid ko ring ang prinsesa ang kahinaan ng pakialamerong prinsipe na maaari kong magamit laban sa kaniya para madali ko siyang mabura sa aking landas bago pa man siya maging sagabal sa mga plano ko.

"Huwag mo nang alalahanin pa ang prinsipeng tinutukoy mo. Ako na ang bahala sa kaniya. Ituon mo na lang ang pansin mo sa bagay na ipinag-utos ko. Mahalagang masubaybayan natin ang prinsesa para mapaghandaan natin ang araw kung kailan natin siya kukunin. Sige na‚ makakaalis ka na‚" pagtatapos ko ng aming usapan.

Puno ng paggalang na nagpaalam si Ulises bago niya ginamit ang kapangyarihang ipinagkaloob ko upang maglaho.

"Iisa lang ang kahinaan mo‚ Kaiden‚ at iyon ang gagamitin ko laban sa 'yo. Pero sa ngayon ay hahayaan muna kitang mapalapit sa kaniya para mas maging maganda ang larong ito‚" nakangising sambit ko habang binubuo ko na sa aking isipan ang maaari kong gawin sa prinsipeng tumatayong tagapangalaga ng prinsesa.

Nalalapit na ang aming pagkilos. Ilang sandali na lang ang aking hihintayin. Darating na rin ang araw kung kailan ako magpapakilala sa lahat. Darating na ang sandaling pinakahihintay ko.

☆•☆•☆•☆•☆

ALTHEA'S POV

Ngayon ay araw ng Sabado at katulad sa mundo ng mga tao ay wala ring pasok ngayon sa akademya dahil binigyan ang lahat ng mag-aaral ng dalawang araw upang makapagpahinga. Ito rin ang paraan ng mga namamahala sa akademya para bigyan kami ng oras na makasama ang mga mahal namin sa buhay. Pero kung iisipin ay wala rin namang saysay ang dalawang araw na wala kaming pasok dahil wala naman akong pamilyang uuwian.

Haist! Hindi ko tuloy maiwasan ang maalala sina mommy at daddy. Hindi ko rin maiwasang mangulila sa kanila dahil nasanay akong sila ang una kong hinahanap sa paggising ko sa umaga lalo na kapag may nakahanda kaming plano para sa weekend.

"Thea‚ pinapasabi ng prinsipe na puntahan mo raw siya sa hardin. Naroon siya at hinihintay ka‚" pagbibigay-alam sa akin ng kararating lang na si Sara na pumukaw ng aking pansin.

Kung noon ay ayaw paawat ni Sara sa pagtawag sa aking prinsesa‚ nang magtagal ay nagawa rin niyang pagbigyan ang hiling ko na tawagin na lamang niya ako sa aking palayaw. Wala namang kaso sa akin kahit pa tawagin niya ako sa pangalagang itinatawag sa akin ng mga taong malapit sa 'kin dahil sa ilang araw na pananatili ko sa kaharian nina Kaiden ay napalapit na ang loob ko kay Sara. Nakakailang din naman kung tawagin at itrato niya akong prinsesa gayong kaibigan na ang tingin ko sa kaniya at hindi rin naman nagkakalayo ang edad namin kaya maganda kung maging kaswal kami sa isa't isa.

"Bakit daw?" nagtataka kong tanong habang minamadali ko nang tapusin ang ginagawa kong pagsuklay ng aking buhok.

"Hindi ko rin alam kung anong dahilan pero pinapasabi niyang magbihis ka raw dahil may pupuntahan kayo‚" nakangiting sagot ni Sara.

"Gano'n ba? Sige‚ magbibihis na ako‚" nakangiti rin namang tugon ko saka ako tumayo mula sa pagkakaupo ko sa upuang kaharap ng dressing table.

Agad akong lumapit sa kabinet kung saan ko inilagay ang mga damit na binili namin noon ni Kaiden sa bayan ng Arton upang maghanap ng pwede kong isuot. Habang naghahalungkat ako sa kabinet ay may dalawang damit na nakakuha ng atensyon ko. Agad ko itong kinuha at ipinakita kay Sara.

"Anong tingin mo rito? Alin ba mas maganda? Itim o puti?" tanong ko kay Sara habang itinatapat ko sa akin ang dalawang damit na tinutukoy ko.

Ang damit na kasalukuyan kong hawak ay parehong bestida na hanggang itaas lamang ng tuhod ko ang taas. May ilan namang damit sa kabinet na hindi bestida katulad ng pantalon‚ shorts‚ skirt‚ crop top at kung ano-ano pa na ayon kay Kaiden ay nagmula pa sa mundo ng mga tao pero hindi ko ito pinili dahil kung gusto kong makibagay sa mga naninirahan sa mundong kinaroroonan ko ay kailangang simulan ko ito sa aking pananamit. Ang karaniwan kasing damit ng mga babae sa mundong ito ay dress at gown. Ipinagpapasalamat ko na lang talaga na naisipan ng mga tagarito na magkaroon ng uniporme ang mga mag-aaral ng akademya na katulad sa mundo ng mga tao bilang pagkakakilanlan ng mga mag-aaral.

"Mas bagay sa 'yo iyong puting bestida‚" nakangiti tugon ni Sara na ang tinutukoy ay ang puting floral sundress.

Pinakinggan ko ang opinyon ni Sara kung kaya muli kong ibinalik sa kabinet ang itim na bestida habang isinampay ko naman sa kanang braso ko ang puting bestida bago ako pumasok ng paliguan. Nagbihis na muna ako sa paliguan at agad din akong lumabas nang makapagbihis na ako.

Nang makalabas ako ng paliguan ay agad akong lumapit sa dressing table at naupo ako sa upuang kaharap nito upang suklayin ang nagulo kong buhok. Matapos kong suklayin ang buhok ko ay kumuha ako ng sapatos mula sa lalagyan ng mga sapatos na nasa tabi lang din ng dressing table sa kanang bahagi nito. Pinili kong suutin ang puting ballet flats na may maliit na gold na ribbon sa unahan.

Nang tatayo na sana ako ay biglang nahagip ng paningin ko ang kung anong bagay na sumilip mula sa isa sa mga drawer ng dressing table. Dala ng kuryusidad ay hinila ko pabukas ang bahagyang nakaawang na drawer upang alamin kung anong laman nito. Ganoon na lamang ang pagsalubong ng kilay ko nang bumungad sa akin ang mga kagamitang pambabae na para sa mga dalaga o nagdadalaga pa lang. Puno ng mga pampaganda at maging ng mga accessory ang drawer na aking binuksan. Nang buksan ko rin ang isa pang drawer ay bumungad sa akin ang isang jewelry box na naglalaman ng mga mamahaling alahas na kadalasang ginagamit sa mga pagdiriwang.

Dala ng aking pagkalito kung para kanino ang mga kagamitang nakita ko gayong isang pitong taong gulang na bata lamang ang may-ari ng silid na aking inookupa ay hinarap ko si Sara upang sa kaniya ko alamin ang sagot.

"Sara‚ hindi ba matagal nang patay ang prinsesang nagmamay-ari nitong silid?" tanong ko upang tiyakin kung tama ba ang impormasyong alam ko.

"Ganoon na nga‚" tipid na sagot ni Sara na mas lalong nagpagulo ng aking isipan.

"Kung ganoon ay bakit may mga alahas pa rito at ilang mga gamit na karaniwang ginagamit ng isang babae na nasa edad ko?" naguguluhan nang tanong ko dahil hindi ko talaga maintindihan kung paanong mayroong mga kagamitang pang-teenager sa silid gayong isang bata ang may-ari nito.

"Kahit kasi matagal nang wala ang prinsesa ay panay pa rin ang bili ng prinsipe ng kung ano-anong kagamitan na angkop sa edad ng prinsesa na tila ba buhay pa ang kaniyang pinagbibilhan nito. Hindi pa rin kasi matanggap ng prinsipe ang pagkawala ng prinsesa at umaasa siyang buhay pa ito kaya pinaghahandaan niya ang muli nitong pagbabalik. Nais ng prinsipe na sa pagbabalik ng prinsesa ay maayos pa rin ang silid na ito at may mga gamit pa ring maaaring gamitin ang prinsesa na naaayon sa kaniyang edad‚" mahabang tugon ni Sara na bakas na sa mukha ang lungkot at awa para kay Kaiden dahil patuloy pa rin itong umaasa sa bagay na walang kasiguraduhan.

Hindi ko rin naman maiwasan ang malungkot sa aking nalaman. Pareho lang pala kami ni Kaiden na umaasa sa isang bagay na walang kasiguraduhan sa ngalan ng pagmamahal para sa isang kaibigan. Hanggang ngayon kasi ay hindi ko pa rin alam kung patay ba o buhay si Jane ngunit patuloy pa rin akong umaasa na makakasama ko siyang muli. Hindi man ngayon‚ sa tamang panahon ay magkikita rin kami.

Habang iniisip ko pa rin si Jane at ang pagkawala niya ay naramdaman ko na lang na may malamig na likidong tumulo sa pisngi ko kaya agad ko itong pinahid bago pa man ako tuluyang lamunin ng pagkalumbay.

"Thea‚ ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Sara na hindi na malaman kung ano ang kaniyang gagawin upang ako'y aluin.

"W-Wala 'to‚ Sara. Nadala lang ako sa kuwento mo‚" pagsisinungaling ko kahit ang totoo ay ibang bagay ang dahilan ng pagluha ko.

Malungkot kong pinagmasdan ang sarili kong repleksyon sa salamin at mula rito ay nakita ko si Sara na titig na titig sa akin.

"Alam mo‚ kamukhang-mukha mo siya. Kung buhay lang sana siya ngayon‚ malamang ay kasing-edad mo na siya‚" sambit ni Sara na titig na titig pa rin sa repleksyon ko sa salamin habang may mapait na ngiti sa kaniyang labi.

Hinayaan ko munang saglit kaming balutin ng katahimikan bago ako humarap kay Sara upang mas maayos kaming makapag-usap.

"Ano bang nangyari noong digmaan? Bakit siya napatay?" pang-uusisa ko dahil kahit na tinalakay na namin sa klase ang tungkol sa digmaan ay hindi ko pa rin batid kung ano ba talagang nangyari sa prinsesa at kung ano ang ikinasawi nito.

Ibubuka na sana ni Sara ang kaniyang bibig upang bigyan ng kasagutan ang aking tanong nang may maunang magsalita sa kaniya mula sa labas ng silid.

"Thea‚ matagal ka pa ba riyan?" naiinip nang tanong ni Kadien mula sa labas ng silid.

"I'll be there‚" matamlay kong sagot saka tamad akong tumayo upang lisanin ang silid.

"Mag-iingat kayo sa inyong patutunguhan‚" bilin ni Sara na ginantihan ko lang ng tipid na ngiti.

Katulad ng palaging ginagawa ni Sara ay sinimulan na niyang linisin ang silid habang sa labas naman ng silid ay sunod-sunod ang katok na ginawa ni Kaiden kaya dumiretso na agad ako sa pinto at binuksan ito. Nang mabuksan ko ang pinto ay agad na tumambad sa akin ang isang prinsipe na ubod ng gwapo sa suot niyang gray and white striped pattern crew-neck‚ gray wool trouser at white sneakers.

Bago pa man tumagal ang pagtitig ko kay Kaiden ay mabilis na akong nag-iwas ng tingin nang mapagtanto kong titig na titig na ako sa kaniya na para bang siya na ang pinakaguwapong lalaking nakita ko.

"Bakit mo nga pala ako pinatatawag?" tanong ko habang nasa ibang direksyon ang aking tingin.

Hindi ko magawang tumingin nang diretso kay Kaiden sa pag-aalalang baka hindi ko na magawa pang iiwas ang aking tingin sa sandaling muli kong mapagmasdan ang kaniyang mukha. Panay lamang ang iwas ko ng tingin nang bigla kong mapagtanto na ilang minuto na ang nakalilipas ngunit wala pa rin akong nakukuhang sagot mula kay Kaiden kaya kahit ayaw ko ay wala akong nagawa kundi ang balingan siya ng tingin.

"Nalunok mo na ba ang dila mo kaya hindi ka na... makapagsalita?" tanong ko na mula sa nang-aasar na boses ay napalitan ng biglang pakailang at pag-aalangang tapusin ang aking sinabi nang malaman ko na ang dahilan pala ng hindi niya pagsagot ay ang pagtitig niya sa akin na para bang naestatwa na siya sa kaniyang kinatatayuan.

Parang napapasong napaiwas ako ng tingin dahil sa paraan ng pagtitig sa akin ni Kaiden. Hindi ko rin maipaliwanag ang kakaibang epekto niya sa akin. Pakiramdam ko ay mawawala ako sa katinuan kapag sinalubong ko ang kaniyang tingin.

"Kapag bumalik na sa kasalukuyan ang isip mo‚ puntahan mo na lang ako sa labas ng palasyo‚" malaming kong turan para makaiwas ako sa titig ni Kaiden at upang iwaksi ang kakaiba kong nararamdaman.

Hindi ko na hinintay pa na magsalita si Kaiden. Iniwan ko na siya na tulala sa mismong pinto at nauna na akong lumabas ng palasyo.

Habang tinatahak ko ang daan palabas ng palasyo ay may nadadaanan akong mga tagasunod at tagapagsilbi ng palasyo na panay ang bati sa akin na tinugon ko na lamang ng ngiti.

Nang makalabas ako ng palasyo ay agad akong sinalubong ng sariwang ihip ng hangin.

"What took you so long?" tanong ng isang boses na halos magpatalon sa akin sa gulat.

Nang makabawi ako mula sa aking pagkagulat ay agad kong nilingon ang pinanggalingan ng boses na narinig ko. Agad na nag-isang linya ang kilay ko nang magawi ang tingin ko kay Kaiden na mukhang kanina pa nakasandal sa may pader sa gilid ng pinto habang nasa bulsa niya ang dalawa niyang kamay at cool na cool na nakatingin sa taas.

"Te-Teka. Paano ka napunta rito?" nauutal kong tanong habang nakaturo kay Kaiden ang kanang hintuturo ko.

Sa pagkakatanda ko ay iniwan ko siya sa kwartong inookupa ko at nauna akong lumabas sa kaniya. Kaya paanong nandito na siya at nauna pa siya sa 'kin?

Sa halip na sagutin ang tanong ko ay binigyan lang ako ni Kaiden ng isang nakakalokong ngisi at basta na lang siyang naglakad paalis.

"Hey! Saan ka pupunta?" irita kong tawag sa kaniya.

Wala na akong pakialam kung prinsipe pa siya ng palasyong kinaroroonan ko. Basta ang pinakaayoko sa lahat ay basta-basta na lang akong iniiwan o tinatalikuran nang walang pasabi. Nagpapakita kasi ito ng kawalan ng respeto sa 'kin ng isang tao.

"You're coming with me‚" tanging sagot niya nang hindi man lang humaharap sa akin at tuloy-tuloy pa rin siya sa paglalakad.

Dahil hindi naman nasagot ang tanong ko ay mabilis kong hinabol si Kaiden at humarang ako sa daraanan niya para hindi siya tuluyang makalayo.

"At saan naman tayo pupunta‚ kamahalan?" mataray kong tanong at inilagay ko pa sa magkabilang baywang ko ang kamay ko para mas lalo siyang tarayan.

Sa halip na sumagot ay tinapunan lang niya ako ng tingin saka bigla na lang siyang sumipol na ikinakunot ng noo ko. Ngunit agad ding nawala ang pagkakakunot ng noo ko at napalitan ng gulat at manghang ekspresyon ang kaninang hindi maipinta kong mukha nang may bigla na lang lumapag na white pegasus sa mismong tabi namin sa gawing kaliwa ko.

Nang makabawi ako mula sa pagkagulat ay saka ko lamang hinarap ang pegasus na bigla-bigla na lang lumapag malapit sa kinatatayuan namin. Hindi ko naman maiwasan ang mamangha nang mapagmasdan ko ang pegasus na nasa aking harapan. Ang kaputian ng balat nito ay walang kapares sa tingkad at ang pakpak nito ay may shade of gold na nakadagdag sa kinang nito.

Habang patuloy ko pa ring pinagmamasdan ang pegasus na nasa aking harapan ay bigla na lamang nag-isang linya ang kilay ko kasabay ng pagkunot ng aking noo nang mapansin ko ang karwaheng nakakabit sa katawan ng pegasus. Ngunit muli ring napalitan ng pagkamangha ang pagtataka ko nang masuri ko ang karwaheng nakakabit sa katawan ng pegasus. Sobrang gara nitong tingnan dahil gawa ito sa kumikinang na ginto at ito'y napapalamutian ng iba't ibang naggagandahang bulaklak.

Mabilis akong humarap kay Kaiden upang tanungin siya ng tanong na unang pumasok sa isip ko pagkakita ko sa karwaheng nakakabit sa katawan ng pegasus.

"Dito tayo sasakay?" excited kong tanong habang halos mapunit na ang bibig ko sa sobrang lapad ng ngiti ko.

"Ano sa tingin mo?" tanong niya pabalik habang nakataas na ang dalawang kilay niya sa halip na sagutin ang tanong ko.

Hindi ko na napigilan pa ang sarili kong mapairap dahil sa nakuha kong sagot mula kay Kaiden.

"Hilig mo talagang sagutin ng isa pang tanong ang isang tanong‚" sarkastikong wika ko saka ko siya tinalikuran para lapitan ang pegasus.

Nang tuluyan na akong makalapit sa pegasus ay nagulat na lamang ako nang bigla kong maramdaman na nakahawak na si Kaiden sa kanang braso ko. Magtatanong sana ako kung may kailangan ba siya sa akin pero hindi ko na naituloy pa dahil nawalan na ako ng imik nang buong pag-iingat na alalayan niya akong makaakyat sa karwahe.

Lihim na lamang akong napangiti nang mapagtanto kong sa kabila pala ng kasungitan niya at ilang ulit niyang pagkaladkad sa 'kin ay may pagkamaginoo pa rin pala siyang tinatago.

"Thanks‚" pasasalamat ko sa kaniya nang makaupo na ako sa upuang nasa loob ng karwahe. Agad naman siyang sumunod sa akin sa pagpasok ng karwahe at tumabi siya sa akin ng upo.

"Kumapit po kayong mabuti‚ mahal na prinsesa." Rinig kong sabi ng isang panlalaking boses na lubha kong ikinagulat.

Agad akong napalingon kay Kaiden dahil siya lang naman ang kasama ko sa loob ng karwahe kaya ipinagpalagay ko na lamang na siya ang nagsalita.

"Ikaw ba 'yong nagsalita?" tanong ko kay Kaiden kahit pa nga hindi niya naman kaboses ang nagsalita. Masyado kasing buo at brusko ang boses na narinig ko na tila nagmula sa isang magiting na mandirigma.

"It's not me. Idiot‚" masungit na sagot ni Kaiden at inirapan pa niya ako bago niya itinuon ang atensyon niya sa labas.

"Kung hindi ikaw‚ e sino 'yong nagsalita?" muling tanong ko.

"Ferry the pegasus‚" seryoso niyang sagot nang hindi man lang ako tinatapunan ng tingin.

Hindi ko naman maiwasang magulat sa aking nalaman. Hindi ko alam na nakakapagsalita pala ang pegasus na nasa aming harapan. Bukod pa roon ay may sarili rin iton pangalan.

"Ferry‚ maghanda ka na sa ating pag-alis. Alam mo na kung saan tayo patungo. Pero bagalan mo lang ang pagtakbo o palipad para makita ni Thea ang kabuuan ng Sapience Kingdom‚" utos ni Kaiden sa pegasus na para bang isang tao ang kaniyang kausap at hindi isang hayop.

"Masusunod po‚ kamahalan‚" masiglang sagot ni Ferry bago ito nagsimulang tumakbo.

Katamtaman lamang ang bilis ng takbo ni Ferry kaya kitang-kita ko ang tanawing aming nadadaanan. Wala akong ibang makita sa paligid kundi naglalakihan at naggagandahang mga puno at halaman. Hitik na hitik sa bunga ang mga punong nagkalat sa paligid at sobrang yayabong ng mga ito.

Habang tumatagal ay napansin kong hindi na lamang mga puno at halaman ang aming nadadaanan. Marami ring mga hayop na nagkalat sa paligid. May mga mangilan-ngilang bahay rin kaming nadadaanan na hindi naman kalakihan. Sakto lang ang laki ng mga bahay na nagkalat sa paligid at hindi gawa sa kristal ang mga ito. Purong marmol ang mga ito at ang iba naman ay gawa sa mga yelo. Ito marahil ang bahay ng ibang mga charmer na hindi nabibilang sa royal family.

Nang magtagal pa ay naramdaman ko na ang unti-unting pag-angat ng sinasakyan namin hanggang sa tuluyan na kaming umangat sa himpapawid. Dahil dito ay mas nakikita ko na ang kabuuan ng dinadaanan namin.

Habang nasa himpapawid pa rin kami at patuloy pa rin sa paglipad si Ferry ay may mga ibon kaming nasasalubong na binabati kami. Napag-alaman kong lahat pala ng hayop sa Fantasia ay nakakapagsalita at may sariling isip kung kaya kayang-kaya nilang makisalamuha sa mga charmer.

Ilang sandali pa ay naramdaman ko na ang pagtigil ng sinasakyan namin at ang paglapag nito sa lupa. Agad na bumaba ng karwahe si Kaiden kaya marahil ay narating na namin ang aming destinasyon.

Bababa na sana ako ng karwahe nang bigla na lamang ilahad ni Kaiden ang kaniyang kamay sa aking harapan. Agad ko naman itong tinanggap kahit pa nag-aalangan ako. Hanggang ngayon kasi ay naninibago pa rin ako sa inaasal niya. Nasanay kasi ako na hinihila at hinihigit niya at hindi iyong ganito na inaalalayan niya ako.

"Welcome to the Magical Forest‚" wika ni Kaiden nang tuluyan akong makababa ng karwahe at nang tumabi ako sa kaniya ng tayo.

Dahil sa binanggit ni Kaiden na pangalan ng lugar na aming kinaroroonan ay agad kong iginala ang tingin ko sa paligid. Kaagad na umaliwalas ang aking mukha nang sandaling mapagmasdan ko ang ganda ng paligid. Hindi ko magawang itago ang aking pagkamangha sa ganda at linis ng paligid na malayong-malayo sa normal na gubat. Mas mukha pa nga itong hardin kung iyong titingnan. Sobrang lawak din nito ngunit hindi ito masukal tingnan sapagkat kaunti lamang ang mga puno. May bahagi rin ng gubat na parang field sa lawak at tanging Bermuda grass lang ang makikita. Mayroon namang parte ng gubat na puno ng mga naggagandahang bulaklak na hindi mo makikita na nakakalat lang sa kung saan-saan. Ang dami ring nagkalat na mga paruparo sa paligid. Ang mas nakakamangha pa ay gawa sa nagliliwanag na mga puting paruparo at ginto ang dahon ng mga puno.

"Let's go‚" anyaya sa akin ni Kaiden at basta na lang niya akong hinila papunta sa kung saan.

Patuloy kong pinagmasdan ang paligid habang hila-hila pa rin ako ni Kaiden hanggang sa maramdaman ko ang pagtigil niya kaya mabilis kong ibinaling sa aming harapan ang aking tingin upang alamin kung saan niya ako dinala.

"The Magical Falls‚" mahinang sambit ni Kaiden habang titig na titig siya sa talon na nasa aming harapan.

Hindi ko naman maiwasan ang pagmasdan din ang talon at maakit sa ganda nito. Napakalinaw at napakalinis ng tubig nito at ito'y kumikinang pa kaya tunay na nakakaakit itong pagmasdan.

"Wonderful‚ right?" sambit ni Kaiden habang hindi pa rin niya inaalis ang tingin niya sa talon kaya hindi ko tuloy malaman kung ako ba ang kausap niya o ang sarili niya.

Upang alamin kung kami lang ba ang nandito at kung ako nga ba ang kausap niya ay luminga-linga ako sa paligid. Ngunit sa paggala ko ng aking tingin ay iba ang nakita ko. Sa hindi kalayuan ay may nakita akong lihim na nakamasid sa amin na agad kong sinundan nang magtangka itong tumakas matapos niyang mapagtantong nasa kaniya na ang aking tingin.

☆•☆•☆•☆•☆

KAIDEN'S POV

Habang nakatuon pa rin sa talon ang aking tingin ay napagpasyahan kong kausapin si Thea patungkol sa bagay na gumugulo sa kaniya. Humugot na muna ako ng malalim na hininga bago ko sinimulan ang aking pagsasalita.

"Alam kong marami kang tanong na hinahanapan mo ng sagot ngunit naisin ko mang tulungan ka ay hindi ko magawa. Sapagkat maging ako ay hindi ko rin alam ang kasagutan sa mga tanong mo tulad na lang kung bakit ka gustong-gustong makuha ng Darkinians gayong wala ka namang kinalaman sa aming mundo. Pero aaminin kong may hinala na ako kung bakit ganoon na lang ang pagnanais nilang makuha ka. Unang kita ko pa lang sa 'yo ay pumasok na sa aking isipan na maaaring ikaw ang matagal ko nang hinahanap‚ at kung tama ang hinala ko ay malamang na iyon din ang dahilan kung bakit ka pinagtangkaang kunin ng Darkinians. Pero malabo e. Imposibleng 'yon ang dahilan dahil ang alam ng lahat ay patay na siya‚" mahabang wika ko at saglit akong tumigil upang hayaang mamayani ang katahimikan sa aming pagitan. "Pero huwag kang mag-alala dahil kaunting panahon na lang ay malalaman mo na rin ang misteryo sa pagkatao mo. Darating din ang panahon na mapapatunayan kong ikaw nga si-Thea?" Hindi ko na naituloy pa ang sana'y sasabihin ko nang sa paglingon ko sa kaninang kinatatayuan niya ay hindi ko na siya nakita pa.

"F*ck! Where is she?" natatarantang tanong ko habang palinga-linga ako sa paligid upang hanapin siya.

"Thea? Thea‚ where are you?!" Tinawag ko pa siya nang paulit-ulit pero wala akong nakuhang sagot mula sa kaniya.

Sa labis kong pag-aalala na baka may kumuha sa kaniya ay mabilis kong nilibot ang paligid ng talon. Ngunit nakailang pabalik-balik na ako ay hindi ko pa rin siya matagpuan. Halos malibot ko na rin ang kabuuan ng Magical Forest pero wala ni anino niya.

Unti-unti na akong pinanghihinaan ng loob at nawawalan na rin ako ng pag-asang matatagpuan ko pa siya nang biglang sumagi sa aking isipan ang nag-iisang lugar sa Magical Forest na hindi ko pa napupuntahan-ang Enchanted Garden kung saan matatagpuan ang iba't ibang uri ng bulaklak.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at agad akong pumunta sa Enchanted Garden kung saan naabutan ko siyang nakatayo. Tanging likod niya lamang ang nakikita ko dahil nakaharap siya sa nag-iisang puno na nasa pinakagitna at napapalibutan ng iba't ibang uri ng bulaklak. Ang punong ito ay sinasabing bukod-tangi sa lahat dahil ang buong bahagi nito ay gawa sa ginto.

Hindi na ako nag-atubili pa at mabilis akong tumakbo palapit sa kinatatayuan ni Thea. Nang tuluyan akong makalapit sa kaniya ay agad ko siyang iniharap sa akin at walang sabi-sabing niyakap ko siya nang mahigpit.

"Thea‚ I'm glad you're safe. Pinag-alala mo 'ko‚" halos pabulong na lamang na wika ko at mas hinigpitan ko pa ang pagkakayakap ko sa kaniya na para bang wala na akong balak na pakawalan pa siya. "Hindi ko na kakayanin kapag nawala ka pa ulit sa 'kin."

"K-Kaiden‚ a-anong pinagsasabi mo?" naguguluhan niyang tanong habang tila nahihirapan siyang huminga sa higpit ng pagkakayakap ko sa kaniya.

Agad akong napabitiw mula sa pagkakayakap ko sa kaniya nang mapagtanto kong nahihirapan na nga siyang makahinga dahil sa sobrang higpit ng yakap ko sa kaniya. Nang magkaroon na ng distansya ang aming mga katawan ay agad ko siyang hinawakan sa magkabilang kamay niya upang alamin ang lagay niya.

"Hindi ka ba nasaktan? Wala bang masakit sa 'yo? Ayos ka lang ba?" sunod-sunod kong tanong sa kaniya at sinuri ko pa ang mga braso niya pati na ang mukha niya upang alamin kung may galos o pasa ba siya.

Bigla namang kumunot ang noo niya sa sunod-sunod kong tanong at sa ginawa kong pagsipat sa katawan niya.

"A-Ayos lang ako. Saka bakit naman ako masasaktan?" naguguluhan niyang tanong.

Kahit papaano ay nabawasan na ang pag-aalala ko sa kaniya nang matiyak kong ayos lang talaga siya at wala siyang kahit anong galos o sugat.

"Ang ibig bang sabihin ay nandito ka lang sa lugar na ito magmula pa kanina?" tanong ko upang tiyakin kung wala nga ba talaga akong dapat ipag-alala nang sa gayon ay tuluyan nang mapawi ang pag-aalala ko.

Tanging pagtango lamang ang naging tugon niya ngunit sapat na iyon upang mawala nang tuluyan ang pag-aalalang nararamdaman ko.

"Ano bang ginagawa mo rito?" nagtataka kong tanong dahil hindi naman kasi siya basta-basta aalis ng walang dahilan.

Sumilay ang ngiti sa labi niya na tila ba natuwa siya nang maalala niya ang dahilan ng pagpunta niya sa Enchanted Garden.

"May nakita kasi akong fairy malapit sa talon pero nagtangka itong tumakas kaya sinundan ko ito at dito ako dinala ng pagsunod ko sa kaniya‚" masayang kuwento niya na wala ng mapagsidlan pa ng kaniyang tuwa.

Dahil sa sinabi ni Thea ay ako naman ang napakunot ang noo. Sa pagkakaalam ko kasi ay mas naging mailap na ang mga fairy magmula nang mangyari ang kaguluhan kaya paanong nakakita ng fairy si Thea?

"Are you making fun of me? Anong fairy ang pinagsasasabi mo?" may bahid ng pagkaasar na tanong ko sa pag-aakalang binibiro lang niya ako at hindi totoo ang sinabi niya.

"Nagsasabi ako ng totoo. Hindi kita niloloko‚" giit niya.

"Pero imposibleng-"

"Maligayang pagbabalik‚ mahal na prinsipe." Bigla na lamang sumulpot mula sa likuran ni Thea ang isang maliit na nilalang na may pakpak‚ may matutulis na tainga at naglalabas ng pixie dust mula sa kaniyang katawan.

Ilang ulit akong napakurap-kurap upang tiyakin kung totoo nga ba ang nakikita ko at hindi ito isang imahinasyon lang. Ganoon na lamang ang pamimilog ng mata ko nang mapagtanto kong totoo nga ang nakikita ko. Hindi lamang isang imahinasyon ang fairy na nasa aking harapan na nakasuot ng nagliliwanag na kulay berdeng dress na gawa sa pinagtagpi-tagping dahon‚ koronang gawa sa iba't ibang uri ng bulaklak at kulay kayumangging sapin sa paa na yari sa katawan ng puno na may tali pang yari sa maliliit na sanga na nagpaekis-ekis hanggang sa kaniyang tuhod. Ang kaniyang pakpak ay bumagay rin sa kaniyang damit sapagkat kulay ginto ang kaniyang pakpak at nagliliwanag din ito katulad ng kaniyang kasuotan.

"Prinsesa Ayesha?" hindi makapaniwalang sambit ko habang tinitingnan ko nang mabuti ang fairy na aking kaharap upang alamin kung ito nga ba ang prinsesa ng mga fairy.

Hindi ako maaaring magkamali. Ang fairy na kaharap ko ay ang siya ring fairy na madalas ko noong makita sa mga libro. Madalas ko rin noong marinig ang tungkol sa kaniya at ayon sa sabi-sabi ay siya ang pinakamailap sa lahat ng fairy kaya lubhang nakakagulat at nakakapagtaka na nagpakita siya kay Thea at nakita rin siya ni Thea.

Sa buong buhay ko ay ngayon ko lang nakaharap ang prinsesa ng mga fairy. Oo nga't nakakita na ako dati ng fairy pero iyong mga ordinaryong fairy lang at ipinakilala lang sa amin 'yon ni Kiana noong mga bata pa kami.

"Ako nga po‚ mahal na prinsipe‚" nakangiting sagot ni Prinsesa Ayesha na bahagyang pang itinungo ang kaniyang ulo upang magbigay-galang sa akin.

Dahil sa kumpirmasyong aking narinig na nagmula pa mismo sa prinsesa ay napatanga na lamang ako. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maiwasang magulat sa mga pambihirang bagay na ipinapamalas ni Thea.

"Oh? Natulala ka riyan? Naniniwala ka na ba? Ikaw lang naman kasi ang walang bilib sa 'kin e‚" may himig ng pagmamalaking wika ni Thea saka niya binalingan ng tingin si Prinsesa Ayesha at sinundot-sundot niya ito gamit ang hintuturo niya. "Hindi ba‚ Ayesha?"

Mas lalo naman akong napatanga sa aking mga kaharap dahil sa ginawang pagsundot ni Thea sa prinsesa at dahil na rin sa itinawag niya rito. Lubhang nakakagulat na wala pang isang araw na sila'y nagkakakilala ngunit magkasundong-magkasundo na sila. Ni hindi man lang nagpakita ng paggalang si Thea sa prinsesa.

"Mahal na prinsipe‚ maaari ko ba munang makalaro si Thea?" masiglang tanong ni Prinsesa Ayesha at talagang nagpa-cute pa siya sa aking harapan para lamang mapapayag niya ako.

Tumango na lamang ako bilang tugon dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa magawang ibuka ang aking bibig upang magsalita dala ng labis na pagkabigla ko sa aking mga nasaksihan.

Tuwang-tuwang nagpasalamat sa akin si Prinsesa Ayesha bago siya nagpaalam na hihiramin niya si Thea upang makalaro ito. Nang maiwan akong mag-isa malapit sa puno ay napagpasyahan kong umupo na lang muna sa isa sa mga upuang nakapaikot sa buong paligid na siyang nagsilbing bakod at hangganan ng Enchanted Garden.

Habang nakaupo ako sa tabi ay pinanood ko lang sina Thea at Prinsesa Ayesha na magkulitan. Muli ay hindi ko na naman naiwasang mamangha sa nasasaksihan ko.

'Ngayon ay naniniwala na akong may kakaiba nga sa 'yo‚ Thea. Hindi ka lang basta isang charmer. May kakaiba sa 'yo at 'yon ang gusto kong alamin‚' isip-isip ko habang hindi ko pa rin inaalis ang tingin ko kina Thea upang obserbahan ang bawat kilos ni Thea nang sa gayon ay matukoy ko kung anong mayroon sa kaniya at kung anong kakaiba sa kaniya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top