CHAPTER 16: THE KINGDOMS AND ITS RULERS

ALTHEA’S POV

Pumasok ako sa aming silid-aralan na gulong-gulo ang aking isipan dahil sa babalang iniwan ni Kaiden. Naisin ko mang magtanong sa kaniya upang mabigyang-linaw ang kaniyang mga winika at ang dahilan kung bakit niya iyon nasambit ay hindi ko na nagawa pa dahil sa dami ng tanong na gumugulo sa akin ay hindi ko na alam kung alin ba ang dapat kong unahing hanapan ng sagot.

Hanggang ngayon ay nagtataka pa rin ako sa bigla-biglang pagbibigay sa akin ng babala ni Kaiden na tila ba ay nahihinuha niyang may mangyayaring hindi maganda. Hindi ko rin maiwasan ang makaramdam ng takot sa isiping maaari ngang may nararamdaman siyang panganib sa paligid. Ngunit mas nangingibabaw sa akin ang pagdududa na maaaring may alam siya na hindi niya sinasabi sa akin. Hindi naman kasi siya basta-bastang magbibigay ng babala at magbibilin kung wala siyang nalalaman na maaaring ugat ng kaniyang pag-aalala at pagkabahala.

Habang iniisip ko pa rin ang patungkol sa hinala kong may alam si Kaiden na hindi niya sinasabi sa akin ay bigla na lamang nanariwa sa aking alaala ang mga sinabi niya noong nasa mundo pa kami ng mga tao.

‘Hindi ka ba nagtataka na wala kang naaalala sa kabataan mo? Hindi mo man lang ba naisipang alamin kung anong mayroon sa nakaraan mo na hindi mo maalala?’

Nagpaulit-ulit sa aking isipan ang mga sinabi niya nang ako’y kaniyang komprontahin. Ilang ulit ko pang sinariwa sa aking alaala ang mga salitang sinambit niya hanggang sa may mapagtanto ako. Ang kaniyang mga sinabi ay tila pahiwatig na may alam nga siya dahil bukod sa pamilya ko at sa pamilya ni Jane ay wala ng iba pang nakakaalam na wala akong maalala sa aking kabataan. Pero paanong alam niya ang tungkol sa bagay na ‘yon? May alam ba siya sa nakaraan ko na hindi ko maalala?

“Maaari kayang parte siya ng nakaraan ko na hindi ko matandaan?” naitanong ko na lamang sa aking sarili.

Kung tama nga ang hinala kong may nalalaman siya sa nakaraan ko‚ anong dahilan niya para ilihim ito sa ‘kin? Bakit hindi na lang niya sabihin sa akin kung anuman ang nalalaman niya? May pangyayari ba sa nakaraan na ayaw niyang malaman ko o sadyang ayaw niya lang talagang sa kaniya manggaling ang kasagutan at paliwanag na hinahanap ko?

“Maligayang pagbabalik‚ mga minamahal kong mag-aaral!” masiglang sigaw ni Mrs. Amara na umagaw ng aking atensyon. “Ngayon ay muli na nating ipagpapatuloy ang ating talakayan.”

Itinuon ko kay Mrs. Amara ang aking atensyon matapos niyang banggitin ang tungkol sa aming talakayan. Pinilit ko ring kalimutan at isantabi ang mga bumabagabag sa akin nang sa gayon ay magawa kong maunawaan ang anumang tatalakayin ni Mrs. Amara.

“Pag-aralan naman natin ngayon ang tungkol sa mga kaharian at sa royalties ng bawat kaharian‚” panimula ni Mrs. Amara sa aming talakayan at saglit siyang tumigil sa pagsasalita upang bigyan kami ng sapat na panahon na maghanda sa aming pormal na talakayan.

“Sa kabuuan ay mayroong apat na kahariang naipatayo sa mundong ito. Ang unang kaharian ay ang Mesh Kingdom. Ang mga mamamayan ng Mesh Kingdom ay kilala sa talas ng kanilang paningin kaya kahit malayo ay kaya nilang patumbahin ang kanilang mga kalaban gamit ang pana‚ sibat at iba pang sandatang maaaring gamitin sa malalayong distansya. Bukod pa rito ay may mangilan-ngilan din sa kanila na biniyayaan ng kakayahang makakita ng mga pangyayaring magaganap pa lang‚” pagbabahagi ni Mrs. Amara sa mga natatanging kakayahan ng mga mamamayan ng unang kaharian bago siya dumako sa pagpapakila ng mga namumuno rito.

“Ang Mesh Kingdom ay kasalukuyang pinamumunuan nina Haring Isaiah at Reyna Aurora katulong ang kanilang nag-iisang anak at tagapagmana na si Prinsesa Athena. Si Prinsesa Athena ay mahigit siyam na taong nawala at kababalik lamang nitong nakaraang buwan. May kakayahan siyang makita ang isang nilalang kahit gaano pa ito kalayo kung gugustuhin niya. Siya ay isang air at ice charmer. Ang pagiging air charmer niya ay namana niya sa kaniyang ina samantalang ang kaniyang ice charm naman ay nagmula sa kaniyang ama‚” pahapyaw na pagpapakilala ni Mrs. Amara sa mga namumuno sa unang kaharian.

“Ang ikalawang kaharian ay ang Fray Kingdom. Ang kahariang ito ay kilala sa pagkakaroon ng pinakamahuhusay at pinakamagigiting na mga mandirigma. Ito ay pinamumunuan nina Haring Korbin at Reyna Makayla katulong ang kanilang anak na si Prinsipe Kaleb na katulad ni Prinsesa Athena ay nag-iisa lamang ding tagapagmana ng kanilang kaharian. Si Prinsipe Kaleb ay isang water at earth charmer. Namana ng prinsipe ang kaniyang water charm sa kaniyang ina habang sa kaniyang ama niya naman nakuha ang kaniyang earth charm‚” maikling pagtalakay ni Mrs. Amara sa Fray Kingdom at saglit siyang tumigil upang makakuha ng sapat na hangin bago siya muling nagpatuloy sa pag-iisa-isa sa mga kaharian.

“Ang pangatlo ay ang Sapience Kingdom. Kilala ang mga naninirahan sa Sapience Kingdom sa husay nilang gumawa ng mga taktika kung kaya sa buong kasaysayan ay wala pa silang laban o digmaan na hindi naipanalo. Ang Sapience Kingdom ay pinamumunuan nina Haring Rohan at Reyna Selena katuwang ang kanilang panganay na anak na si Prinsipe Kaiden na alam nating lahat na kasabay na nawala ni Prinsesa Athena at bigla na lang bumalik makalipas ang apat na taon sa mismong araw na isinilang ang kaniyang nakababatang kapatid na si Prinsesa Kamila. Ngunit muli na naman itong nawalang parang bula nitong mga nakaraang buwan sa hindi malamang dahilan at ngayon lamang nagbalik‚” mahabang salaysay ni Mrs. Amara na bahagya pang natawa habang ikinukuwento niya ang tungkol sa buhay ni Kaiden.

Napailing-iling na lamang ako dahil sa aking nalaman. May sa kabute pala ang topaking prinsipe. Basta-basta na lang nawawala at bigla-bigla na lang ding bumabalik.

“Paumanhin kung naputol ang aking pagkukuwento. Hindi ko lang kasi mapigilang matawa. Saan na nga ba tayo?” natatawang tanong ni Mrs. Amara na mukhang nakalimutan na kung saang banda na siya ng kaniyang pagkukuwento.

“Sapience Kingdom‚” my classmates answered in unison.

Nagpasalamat pa muna si Mrs. Amara sa maagap na pagtugon ng aking mga kaklase bago siya nagpatuloy sa kaniyang pagbabahagi ng mga bagay na nalalaman niya patungkol sa bawat kaharian.

“Gaya nga ng sinabi ko‚ si Prinsipe Kaiden ang panganay na anak ng hari at reyna ng Sapience Kingdom kung kaya siya ang hinirang ng kaniyang mga magulang na tagapagmana na nangangahulugang siya ang nakatakdang mamuno sa kanilang kaharian pagdating ng araw. Si Prinsipe Kaiden ay isang fire at ice charmer. Ang kaniyang ina ang pinagmulan ng kaniyang ice charm at sa kaniyang ama naman nagmula ang kaniyang kapangyarihang kumontrol ng apoy. Ngunit kapag ipinagsama ang dalawa niyang taglay na kapangyarihan ay nagagawa rin niyang lumikha ng tubig na maaari niyang kontrolin kahit pa ito’y hindi sakop ng kaniyang kapangyarihan‚” pagpapatuloy ni Mrs. Amara na bakas na sa mukha ang paghanga dahil sa mga kayang gawin ni Kaiden.

Maging ako ay hindi rin mapigilan ang mapahanga sa taglay na kapangyarihan ni Kaiden. Sa tatlong nabanggit na mga tagapagmana ng bawat kaharian ay si Kaiden lang ang bukod-tanging may kakayahang pagsamahin ang taglay niyang kapangyarihan upang lumikha ng panibagong kapangyarihan na tunay namang kahanga-hanga.

“Ang huli ay ang Ardor Kingdom‚” malungkot na wika ni Mrs. Amara na umagaw ng aking atensyon.

Hindi ko maipaliwanag kung anong mayroon sa kahariang binanggit ni Mrs. Amara ngunit maging ako ay nakaramdam ng lungkot. Hindi ko rin maintindihan ang nararamdaman ko pero parang pamilyar sa akin ang kahariang kaniyang nabanggit at naghatid din ito ng kirot sa aking puso.

‘Huli? Ha! Iyon ang akala ninyo.’ Rinig kong sambit ng kung sino na nagmula sa gawing kanan ko.

Salubong ang kilay na binalingan ko ng tingin ang aking katabi upang alamin kung siya ba ang nagsalita. Ngunit mas lalo lamang nagdikit ang kilay ko nang mapag-alaman kong mahimbing pa ring natutulog ang katabi ko kaya malabong sa kaniya galing ang boses na aking narinig.

Marahas na lamang akong napailing-iling upang iwaksi sa aking isipan ang boses na aking narinig saka ko muling ibinaling ang aking tingin kay Mrs. Amara na kasalukuyan nang nakayuko. Malalim pa itong napabuntong-hininga bago siya muling nag-angat ng tingin upang ituloy ang aming talakayan.

Habang inoobserbahan ko pa rin ang bawat kilos ni Mrs. Amara ay bigla ko na lang naramdaman ang bigat ng kaniyang kalooban na pinipilit niyang labanan at tila ba maging ako ay may ganoong pakiramdam sa hindi ko mawaring dahilan. Ramdam ko rin ang lungkot sa mga kaklase ko nang mabanggit ni Mrs. Amara ang Ardor Kingdom.

‘Ano bang mayroon sa Ardor Kingdom? Bakit maging ako ay apektado rito?’ naitanong ko na lamang sa aking sarili.

Nang tila mabawasan na ang lungkot na nararamdaman ni Mrs. Amara ay pilit siyang ngumiti sa amin saka niya ipinagpatuloy ang aming talakayan patungkol sa huling kaharian.

“Ang mga mamamayan ng Ardor Kingdom ay kilala sa pagiging magiliw nila sa sinumang nilalang lalo na sa kanilang mga panauhin. Sila ay kilala sa pagiging masiyahin at sa lahat ng kaharian ay sila ang masasabi mong positibo sa lahat ng bagay. Sila rin ang madalas na nangangasiwa sa mga pagdiriwang pagkat sila ang higit na may kakayahan‚ kaalaman at interes pagdating sa mga kasiyahan‚ pagtitipon-tipon at pagdiriwang. Hindi sila pahuhuli sa husay nilang mag-ayos ng kanilang mga sarili‚ husay gumawa ng magaganda at magagarang damit at husay sa pakikisalamuha na tipong kahit iyong mga maiilap na fairy‚ hayop‚ charmer o tao ay kaya nilang paamuhin. Madali rin para sa kanila na kunin ang loob ng mga ito. Ngunit ang dating masigla at makulay na kaharian ay tila nawalan ng buhay nang sabay na pumanaw ang mga dating namumuno rito na sina Haring Uriel at Reyna Alora. Sila’y namatay sa digmaang naganap mahigit siyam na taon na ang nakararaan‚” mahabang saad ni Mrs. Amara na noong una ay nakangiti pang nagkukuwento ngunit nang magtagal ay unti-unti ring nabura ang kaniyang munting ngiti kasabay ng kaniyang pagpapakawala ng malalim na buntong-hininga.

Nagpaulit-ulit sa aking isipan ang mga pangalang binanggit ni Mrs. Amara na ayon sa kaniya ay mga dating namumuno sa Ardor Kingdom. Hindi ko alam kung anong mayroon sa mga pangalang iyon pero pamilyar ang mga ito sa akin. Tila ba narinig ko na ito noon. Bukod pa rito ay may hatid ding sakit sa akin ang mga pangalang iyon at kusa na lamang tumulo ang mga luha ko sa hindi ko malamang dahilan.

Bago pa man magsunod-sunod sa pagtulo ang aking mga luha ay mabilis ko nang pinahid ang luhang kumawala sa aking mga mata. Ngunit ganoon na lamang ang pagtataka ko nang sa halip na matuyo ang aking pisngi ay lalo pa itong nabasa dahil sa walang tigil na pag-agos ng aking mga luha.

‘Ano bang nangyayari sa ‘kin? Bakit ako umiiyak?’ gulong-gulong tanong ko sa aking sarili habang patuloy pa rin ako sa pagpahid ng mga luha kong ayaw maubos.

‘Nakalimot man daw ang isip ngunit ang puso ay hindi kailanman makakalimot.’ Rinig ko na namang sambit ng isang boses na sa hinuha ko ay ako lang ang nakakarinig dahil wala namang ibang pumapansin dito.

Nang sa wakas ay tumigil na sa paglalabas ng likido ang magkabila kong mata ay muli kong nilingon ang katabi ko sa pag-aakalang sa kaniya nanggaling ang boses na aking narinig. Sa paglingon ko sa aking katabi ay nahuli ko itong nakatitig sa akin. Agad ko ring napansing tikom ang kaniyang bibig kaya imposibleng siya ang narinig kong nagsalita. O maaari ding siya ang nagsalita ngunit ito’y nasa kaniyang isipan lamang. Pero kung totoong siya nga ang nagsalita at nasa isip lamang niya iyon‚ paano ko narinig ang sinabi niya?

Habang nakatitig pa rin ako sa mukha ng katabi ko sa upuan na tanging kalahati lamang ang kita ay bigla na lamang akong nakaramdam ng galit. May kung anong namuo sa loob ko na nais kumawala at may kung anong nagtutulak sa akin na sakalin ang aking kaharap.

‘Nakilala niya ba ako? Sh*t! Hindi maaari!’ Rinig ko na namang sambit ng isang boses na ngayon ay tiyak ko nang nanggaling sa aking kaharap dahil kahit hindi siya nagsalita at kahit hindi bumuka ang kaniyang bibig ay sapat na ang pagkataranta niya at ang biglang pag-iwas niya ng tingin upang mabatid ko na siya nga ang nagsalita.

Hindi ko naman maiwasan ang maguluhan sa aking natuklasan. Napapaisip ako kung anong dahilan kung bakit natatakot ang katabi ko sa posibilidad na makilala ko siya. Napapaisip din ako kung paano ko nagawang marinig ang iniisip niya. Ano bang mayroon sa akin? Bakit may taglay akong kakayahan na hindi kayang taglayin ng isang ordinaryong tao?

Sandaling nawala sa aking isipan ang mga bagay at tanong na gumugulo sa akin nang muli na namang magsalita si Mrs. Amara sapagkat natuong muli sa kaniya ang aking atensyon.

“Namatay sila sa pakikipaglaban kasama ang kanilang nag-iisang anak na si Prinsesa Kiana na magmamana sana ng kanilang kaharian. Ang sabay-sabay nilang pagkawala ay nagdulot ng kasawian sa kanilang kaharian sapagkat bumagsak ang Ardor Kingdom kasabay ng kanilang pagkawala. Ngunit ang Ardor Kingdom ay muling itinatag ng kapatid ni Haring Uriel na si Lady Hera na siyang kasalukuyang namumuno sa nasabing kaharian‚” pagpapatuloy ni Mrs. Amara sa kaniyang salaysay na ngayon ay bakas na ang tuwa sa mukha dahil sa kaniyang huling nabanggit.

“Ahh... Mrs. Amara.” Nagtaas ng kamay ang isa sa mga kaklase kong babae na may dilaw na buhok.

“Ano ‘yon‚ Aliyah?” nakangiting tanong ni Mrs. Amara sa kaklase kong tumawag sa kaniya na Aliyah pala ang pangalan.

Agad namang sumagot ang kaklase kong si Aliyah nang hindi man lang tumatayo.

“Kanina pa po kasi ninyo nababanggit ang tungkol sa digmaang naganap mahigit siyam na taon na ang nakararaan pero hindi pa po sa malinaw amin kung anong mayroon sa digmaan. Maaari po ba ninyong ikuwento sa amin ang nangyari noon?” magalang na tanong ni Aliyah na hindi na maitago pa ang pagkapanabik na makuha ang sagot na nais niya.

Kaagad na gumuhit pait at sakit sa mukha ni Mrs. Amara matapos niyang marinig ang tanong ni Aliyah. Marahil ay naalala niya ang nangyari sa digmaang kanina pa niya nababanggit.

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Mrs. Amara bago siya nagsalita upang bigyang-kasagutan ang tanong ni Aliyah.

“Ang digmaan ay naganap sa pagitan ng royalties at ng mga rebelde. Ang mga rebeldeng ito ay ang mga charmer na kinain ng kasamaan at kasakiman. Nagawa nila ang maghimagsik at kalabanin ang mga namumuno sa bawat kaharian dahil hindi nila matanggap na mas makapangyarihan ang royalties kaysa sa kanila. Sila’y nagkaisa sa iisang hangarin na pabagsakin ang lahat ng kaharian. Sinugod nila ang Ardor Kingdom sa mismong araw kung kailan ipinagdiriwang ng lahat ng kaharian ang kanilang pagkakaisa at pagkakasundo na mas lalong pinatibay ng panahon. Maraming nagbuwis ng buhay sa nasabing digmaan at kabilang na rito ang royalties ng Ardor Kingdom ngunit walang nakakita sa kanilang bangkay sapagkat kapag namatay ang isang charmer‚ ang kanilang katawan ay unti-unting magiging paruparo at ito’y magiging kaisa ng mga paruparong nangangalaga ng ating paligid. May mga nawala rin na parang bula na inakala ng lahat na patay na at iyon ay walang iba kundi sina Prinsipe Kaiden at Prinsesa Athena na ngayon ay nagbalik na ngunit sa kasamaang palad ay walang maalala si Prinsesa Athena sa kaniyang nakaraan dahil maaaring nabura o binura ito nang mapadpad siya sa mundo ng mga tao‚” mahabang salaysay ni Mrs. Amara na may bahid ng galit para sa mga tinutukoy niyang rebelde.

Muli na namang nagulo ang aking sistema nang muling mag-unahan sa pagtulo ang aking mga luha sa hindi ko malamang dahilan. Ramdam ko rin ang biglang pamumuo ng galit sa puso ko. Kasabay nito ay bigla ring nag-init ang aking mga mata at maging ang kaloob-looban ko kaya dali-dali kong dinukot sa bag ko ang salaming ibinigay sa akin dati ni Kaiden.

Halos lumuwa ang aking mata nang mapagmasdan ko sa salamin ang aking mga mata na ngayon ay pulang-pula na.

Mapupulang mga mata‚ simbolo ng galit at pagkapoot.’ Rinig kong sambit ng katabi ko sa kaniyang isipan.

Mariin na lamang akong napapikit at sinubukan kong pakalmahin ang sarili ko upang hindi ako tuluyang lamunin ng galit na hindi ko pa rin matukoy kung anong dahilan. Ilang minuto rin akong nakapikit hanggang sa humupa na ang aking galit kung kaya napagpasyahan ko nang magmulat ng mga mata at tingnan ang aking sarili sa salamin. Nakahinga naman ako nang maluwag nang makita kong bumalik na sa normal ang kulay ng mata ko.

“Mrs. Amara‚” tawag ulit ng isa sa mga kaklase kong lalaki na may kulang abong buhok.

“Ano ‘yon‚ Javier?” tanong ni Mrs. Amara sa lalaking tumawag sa kaniya.

“Ano po bang nangyari sa mga rebeldeng sumugod sa Ardor Kingdom?” tanong ni Javier na hindi na maitago pa ang kaniyang kuryusidad.

“Wala na sila. Namatay silang lahat sa digmaan dahil hindi nila kinaya ang kapangyarihang taglay ng tatlong kahariang natira nang magsanib pwersa ang mga ito‚” masayang tugon ni Mrs. Amara na bakas ang tuwa sa mukha at boses dahil sa pananaig ng kabutihan laban sa kasamaan.

Natahimik ang lahat ngunit mababakas pa rin ang kasiyahan sa karamihan dahil sa naging sagot ni Mrs. Amara. Ngunit hindi ako kasali sa mga nasiyahan. Hindi ko rin alam kung bakit hindi ako natuwa pero sa halip na galak ang aking maramdaman ay tila nakaramdam pa ako ng panghihinayang. Panghihinayang para sa mga buhay na nawala at naibuwis sa digmaan. May munting lungkot at awa rin akong naramdaman na marahil ay para sa mga naulila o nawalan ng mga mahal sa buhay dahil sa digmaang naganap.

“At diyan na nagtatapos ang ating talakayan para sa araw na ito. Kung gusto niyong matutunan ang iba pang bagay patungkol sa ating mundo ay maaari kayong magtungo sa aklatan kung saan nakatago lahat ng aklat na naglalaman ng buong kasaysayan ng ating mundo. Sige‚ maiwan ko na muna kayo at ako’y may gagawin pa‚” paalam ni Mrs. Amara at bigla na lang siyang nawala sa harapan namin nang walang iniiwang anumang bakas.

Nang makaalis si Mrs. Amara ay muli na naman akong napaisip at sunod-sunod na pumasok ang mga tanong sa aking isipan. Ano bang mayroon sa Ardor Kingdom? Ano bang kinalaman ng digmaan sa akin? Bakit pakiramdam ko ay parte ako nito? Ano ba talaga ang katotohanan tungkol sa pagkatao ko? Sino ba talaga ako?

✨✨✨

A/N: Ngayon ay malinaw na po sa inyo kung anong mayroon sa digmaan. Comment na lang kayo below kung may mga tanong pa kayo😊

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top