CHAPTER 14: THE FORBIDDEN FOREST
ALTHEA’S POV
“Pero teka. Bakit parehas tayo ng kulay ng mata at buhok?” naguguluhang tanong ko habang nakatingin pa rin ako sa mga mata ni Kaiden na kulay abo rin katulad ng mga mata ko.
Hindi ko maiwasan ang magtaka at mapaisip kung bakit sa dinami-rami ng magiging kulay ng mata at buhok ko‚ bakit talagang parehas pa kami. May paliwanag ba rito o talagang nagkataon lang na pareho ang kulay ng mata at buhok namin?
Dahil sa gulong-gulo pa rin ako sa nangyayari ay hindi ko inalis ang pagkakatitig ko kay Kaiden habang hinihintay ko ang sagot niya sa tanong ko. Nakatitig lang ako sa kaniya habang naguguluhan pa rin ako kung paanong nag-iba ang kulay ng buhok at mata ko at nakatitig lang din siya sa akin nang biglang may mahagip ang paningin ko na isang lalaki na nakasuot din ng unipormeng katulad ng suot ni Kaiden. Nakatayo ito malayo sa amin ngunit sa akin nakatuon ang malamig niyang mga titig na tila ba inoobserbahan niya ako.
‘He looks familiar‚’ nasambit ko na lamang sa aking isipan habang pilit kong inaalala kung kailan at saan ko nakita ang lalaking ngayon ay kasukatan ko ng tingin.
“I have no idea but—”
Kumaripas ako ng takbo bago pa man matapos ni Kaiden ang kaniyang sinasabi. Bigla na lang kasing umalis ang lalaking kanina ay katitigan ko at pumunta ito sa kung saan nang mapagtanto niyang nakikipagtitigan na ako sa kaniya.
Alam kong kabaliwan ang ginawa kong pagsunod sa lalaking hindi ko naman kilala pero maging ako ay hindi alam kung anong tumatakbo sa isipan ko at kung bakit ko sinundan ang lalaking ‘yon. Ang alam ko lang ay kilala ko siya at nakita ko na siya. Hindi ko nga lang maalala kung kailan at saan ko siya nakita kaya kailangan ko siyang makaharap at makausap para siya mismo ang magpakilala ng sarili niya nang sa gayon ay mabigyang kasagutan ang tanong sa aking isipan.
Mas lalo ko pang binilisan ang aking pagtakbo para sundan ang lalaking nakamasid sa akin kanina mula sa malayo. Hindi ko na makita pa sa paligid ang lalaking hinahabol ko ngunit nakita ko kung saang direksyon siya pumunta bago siya tuluyang mawala sa aking paningin kung kaya tinahak ko ang direksyon kung saan ko siya nakitang pumunta. Iyon nga lang ay wala na akong inabutan. Wala na ni anino nito. Para itong bula na bigla na lamang naglaho nang walang iniiwang kahit anong bakas.
“Kung sino ka man‚ magpakita ka!” malakas kong sigaw sa pag-asang maririnig ako ng lalaking sinundan ko.
Inilibot ko ang aking tingin sa paligid ngunit wala akong makitang kahit sino na pakalat-kalat sa paligid kung kaya muli akong nagpatuloy sa pagtakbo hanggang sa makarating ako sa magubat na bahagi ng akademya nang hindi ko namamalayan. Nasa bahaging likuran na ito ng mga gusali ngunit kung titingnan ang gubat na nasa aking harapan ay hindi mo aakalaing parte pa rin ito ng akademya. Kung ano kasing ikinaganda at ikinaliwanag ng akademya kung ito’y iyong pagmamasdan mula sa harap o sa labas ay ang siya namang ikinadilim at ikinasukal ng gubat na matatagpuan sa pikadulo at pinakalikurang bahagi. Masyado itong madilim at masukal. Walang tumatagos kahit katiting na sinag ng araw sa gubat dahil nahaharang ng naglalakihang dahon ng mga puno ang liwanag na nagmumula sa tirik na tirik na araw.
Habang pinag-aaralan ko pa rin ang gubat na nasa aking harapan ay bigla akong nakarinig ng mahinang kaluskos sa loob ng gubat kaya hindi na ako nagdalawang-isip pa at agaran akong lumapit dito upang mas marinig ito at malaman kung anong ingay iyon.
“Hey. Are you there?” mahinang tanong ko sa kung sinumang nasa loob ng gubat na siyang may likha ng ingay na aking narinig. Nagbabaka sakali akong ang taong may likha ng kaluskos ay ang lalaking hinahanap ko. Maaaring pinagtataguan lamang ako nito sa kung anong dahilan na hindi ko batid.
Naghintay ako na may sumagot sa aking katanungan ngunit ilang minuto na ang nakakalipas ngunit wala pa rin akong nakukuhang sagot. Kaya naman ay mas lumapit pa ako sa pinanggalingan ng ingay na narinig ko at muli kong tinawag ang sinumang nasa loob ng gubat. Ngunit katulad kanina ay wala na naman akong nakuhang sagot. Sa halip ay naging marahas at malakas ang kaluskos na naririnig ko na tila ba may kung anong nilalang ang nagkukubli sa paligid na naghihintay lamang ng tamang pagkakataon upang umatake.
“Tumigil ka na! Hindi ka na nakakatuwa!” irita kong sigaw dahil pakiramdam ko ay pinaglalaruan lamang ako ng kung sinumang lumilikha ng kaluskos. Hindi kasi ito sumasagot ngunit sa pagiging marahas at malakas ng kaluskos na kaniyang likha ay tila ba ipinapabatid nito sa akin ang kaniyang presensya sa ibang pamamaraan.
Muli akong humakbang palapit sa pinagmumulan ng ingay hanggang sa tuluyan na akong makapasok sa gubat. Kasabay ng pagpasok ko ng gubat ay ang mas lalong paglakas ng kaluskos na naririnig ko magmula pa kanina. Ang hindi ko lang batid ay kung bakit sa kabila ng kadiliman na bumabalot sa gubat na sinabayan pa ng kakaibang tunog ay wala akong kahit anong kabang maramdaman. Ngunit marahil ay dahil lamang ito sa pagmamahal ko sa kalikasan kung kaya wala akong maramdamang kahit katiting na takot sa kung anuman ang maaaring nasa loob ng gubat.
Mas pinakinggan ko pa ang kaluskos na aking naririnig at tiniyak ko kung saan talaga ito nagmumula. Nang matiyak ko nang sa likod ng isang malagong halaman na may malalapad at makakapal na dahon nagmumula ang kaluskos ay agad ko itong nilapitan nang walang pag-aalinlangan ngunit maingat ang bawat kilos ko upang hindi ko maalarma o matakot ang kung ano o sinumang nasa likod nito.
Ilang hakbang na lamang sana ang layo ko sa halamang aking sadya nang bigla na lamang may nagtakip ng bibig ko mula sa aking likuran.
“Hmp!” Pilit akong nagpupumiglas mula sa pagkakahawak ng kung sino pero masyado siyang malakas kung kaya wala akong laban sa kaniya. Ngunit sa kabila ng katotohanang mas malakas sa akin ang taong nasa aking likuran ay umisip pa rin ako ng paraan upang makawala mula sa pagkakahawak niya.
Dahil mukhang wala namang balak ang nasa aking likuran na bitiwan ako ay hinawakan ko ang kamay na nakatakip sa aking bibig. Gamit ang buong lakas ko ay nagawa kong maalis ang kamay na nakatakip sa bibig ko at ibabalibag ko na sana ang taong nasa aking likuran nang maunahan niya ako. Basta na lamang niya akong isinandal sa isang malaking puno nang hindi pa rin siya dumidistansya sa akin.
“K-Kaiden?” ang tanging nasambit ko matapos magtama ang aming paningin nang sandaling maisandal niya ako sa isang malaking puno.
Sinubukan kong kumilos upang bigyang distansya ang aming mga mukha na ilang pulgada na lamang ang layo sa isa’t isa ngunit bigo ako. Nasa magkabilang braso ko ang mga kamay niya kaya hindi ko magawang makakilos nang malaya.
“A-Anong ginagawa mo rito?” nauutal kong tanong.
Hindi ko maiwasang kabahan dahil sa sobrang lapit ng mukha niya sa akin at idagdag pa ang malamig niyang mga matang nakatitig sa akin na walang kahit anong emosyong mababakas.
“I should be the one asking that question. What are you doing here?” tanong niya sa malamig na boses na kasinglamig ng mga titig niya kaya mas lalo tuloy akong kinabahan. Kung titigan niya ako at kung ako’y kaniyang kausapin ay tila ba may nagawa akong isang malaking pagkakamali at kasalukuyan akong nililitis.
“Ah... Eh...” tanging nasambit ko habang pilit akong nangangapa ng maaari kong idahilan. Hindi ko kasi maaaring sabihin sa kaniya ang totoong dahilan ng pagkakapadpad ko sa magubat na parte ng akademya dahil tiyak na mas lalo lamang lalala ang sitwasyon.
Pinagtaasan niya ako ng kilay habang hinihintay pa rin niya ang sagot ko. Hindi ko tuloy maiwasan ang pigain ang utak ko para lamang may maisagot ako nang sa gayon ay pakawalan na niya ako.
“Ahmm...” Pinilit kong humagilap ng palusot pero sadyang ayaw makisama ng utak ko kung kaya wala akong mahagilap na sagot.
“What?” tanong niya sa mas malamig na boses kasabay ng pagtalim ng tingin niya na para bang ipinaparating niya sa akin na wala akong pamimilian kundi ang sagutin ang katanungan niya dahil kung hindi ay malalagot ako.
“Ahmm... Namamasyal?” patanong kong sagot dahil kahit ako ay hindi sigurado sa naging sagot ko. Kusa na lamang itong lumabas sa bibig ko nang hindi ko pinag-iisipan.
“Nasisiraan ka na ba ng bait? Hindi mo ba alam kung gaano kadelikado ang gubat na ‘to?” mariin niyang tanong na halatang nagpipigil na ng kaniyang galit dahil pigil na pigil niya ang sarili niyang bulyawan ako.
Hindi ko naman maiwasan ang magtaka at mapaisip kung anong mayroon sa gubat na kinaroroonan namin para magalit siya. Kung titingnan naman ay para lang itong isang normal na gubat. Ni hindi nga ito nalalayo sa mga gubat na matatagpuan sa mundo ng mga tao. Ngunit sa halip na tanungin pa siya kung anong ikinagagalit niya ay napayuko na lamang ako upang takasan ang mga mata niyang matalim na nakatitig sa akin.
“Hindi‚” tipid kong tugon dahil totoo naman talagang hindi ko alam kung gaano kadelikado ang gubat na kinaroroonan namin kung tunay ngang may dala itong panganib. Pero kung iisipin ay mas nakakatakot pa nga siya kaysa sa gubat. Para kasi siyang magbubuga ng apoy at maglalabas ng patalim sa mga mata niya.
Hindi ko naman maiaalis sa sarili ko ang matakot sa inaasal niya dahil ito ang unang beses na makita ko siyang galit. Madalas kasi ay naaasar lang siya o nang-aasar at kailanman ay hindi pa siya nagalit.
“Kaiden‚ ano ba? Nasasaktan ako‚” reklamo ko nang mas humigpit pa ang pagkakahawak niya sa braso ko.
Pilit akong kumawala mula sa pagkakahawak ni Kaiden dahil masyado na talagang mahigpit ang hawak niya sa braso ko na para bang balak niyang durugin ang mga buto ko gamit lamang ang mga kamay niya. Nang hindi siya matinag ay naglakas-loob na akong salubungin ang kaniyang tingin upang mas ipakita sa kaniya na nasasaktan na ako sa paraan ng paghawak niya sa braso ko. Ngunit napalitan ng takot at pagkabigla ang kaninang sakit na mababakas sa mga mata ko nang sandaling magtama ang aming tingin. Pulang-pula na ang kaniyang mga mata at kung hindi ako nagkakamali ay isa itong patunay na galit na nga talaga siya.
“Hindi mo alam kung gaano kadelikado ang lugar na ito pero nagpunta ka pa rin dito! You’re crazy!” singhal niya sa akin na para bang isang pasaway na anak ang kaniyang pinagagalitan.
Kasabay ng pagtaas ng kaniyang boses ay ang paghigpit ng hawak niya sa akin kung kaya hindi ko na napigilan pa ang mapaigik sa sakit na dulot nito.
“Kaiden‚ ano ba! Nasasaktan ako!” Hindi ko na napigilan pa ang sarili kong sigawan siya nang hindi ko na talaga matiis ang sakit.
Tila natauhan naman siya sa ginawa kong pagsigaw dahil bigla siyang napabaling ng tingin sa braso kong hawak pa rin niya saka parang napapasong inalis niya ang kamay niya mula sa pagkakahawak nito sa braso ko. Kasabay nito ay bumalik na rin sa normal ang kulay ng mga mata niya.
“I’m sorry‚” malumanay at kalmado nang paghingi niya ng tawad kaya nakahinga na ako nang maluwag.
Sa halip na sagutin pa siya ay hindi na lamang ako umimik. Ayokong sabihin sa kaniya na ayos lang ako at naiintindihan kong nadala lang siya ng galit niya gayong hindi naman talaga ako ayos. Hanggang ngayon kasi ay masakit pa rin ang braso ko kaya hindi pa rin mawala sa isip ko ang ginawa niya.
“Let’s go‚” biglang anyaya niya sa akin matapos ang mahabang katahimikan at basta na lamang niya akong hinila patungo sa kung saan.
“Saan tayo pupunta?” naguguluhan kong tanong dahil wala akong ideya kung saan niya ako balak dalhin.
“Ihahatid kita sa magiging classroom mo‚” sagot niya nang hindi man lang lumilingon sa akin at diretso lang ang tingin niya sa daan habang hila-hila pa rin ako.
Habang hila-hila pa rin niya ako ay nakatingin lang ako sa likod niya. Ngunit kahit sa likod ni Kaiden nakatuon ang aking tingin ay hindi pa rin nakaligtas sa akin ang mga tinging ipinupukol sa amin ng mga estudyanteng nadadaanan namin. Iyong iba sa kanila ay parang mangangain habang iyong iba naman ay puno ng pagtataka. May mangilan-ngilan din namang kinikilig na parang natatae na ewan.
“We’re here‚” anunsiyo ni Kaiden kasabay ng paghinto niya sa harap ng isang classroom na gawa sa makikinang na kristal kung kaya napahinto na rin ako at tumabi ako ng tayo sa kaniya.
Mataman kong pinagmasdan ang classroom na nasa aming harapan at hindi ko maiwasan ang mamangha sa taglay nitong ganda. Nakakasilaw ang liwanag nito lalo na kapag natatamaan ng sikat ng araw. Bukod pa rito ay napakalinis din nitong tingnan na tila ba walang galos o dumi man lang ang naligaw sa pader.
Kung ipagkukumpara ko ang Majestic Academy at ang Eminent University ay masasabi kong walang-wala ang Eminent University. Ni hindi nangalahati ang Eminent University sa karangyaan at kagandahang taglay ng akademya.
“Get inside‚” utos sa akin ni Kaiden at kasabay nito ay binitiwan niya rin sa wakas ang aking kamay na kanina pa niya hawak.
Agad naman akong naglakad papasok ng silid-aralan upang sundin ang sinabi ni Kaiden. Ngunit nasa pinto pa lamang ako ay muli na naman niya akong hinigit kung kaya napatigil ako sa aking paglalakad.
Upang alamin ang dahilan ng paghigit niya sa akin ay muli ko siyang nilingon at bagot ko siyang tiningnan.
“Magkita tayo sa Mystical Park mamayang break time‚” wika niya at aalis na sana siya ngunit sa pagkakataong ito ay ako naman ang humigit sa kaniya.
“Saan ko matatagpuan ang Mystical Park na sinasabi mo?” inosente kong tanong.
Napasapo siya sa kaniyang noo bago siya sumagot. “Tss! Okay‚ fine. Susunduin kita rito. Ngayon ay maaari ka nang pumasok sa magiging silid-aralan mo at makinig ka nang maigi para hindi ka palaging tanong nang tanong‚” utos niya sa akin at bigla na lamang siyang naglaho sa harapan ko.
Kaysa alamin pa kung saan na napunta si Kaiden ay mas pinili ko na lamang na pumasok na ng silid-aralan. Sa aking pagpasok ay hindi ko inaasahang nakatuon na pala sa akin ang tingin ng aking mga magiging kaklase. Ngunit sa halip na pag-aksayahan pa sila ng panahon ay hindi ko na lamang sila pinansin at naglakad na lang ako palapit sa bakanteng upuan sa likuran.
Hindi ko naman maiwasan ang malungkot na may nakaupo na sa upuang malapit sa may bintana. Ang upuang siyang nais ko sanang okupahin ay okupado na ng isang lalaking mukhang mahimbing nang natutulog habang nakapatong sa mesang nasa kaniyang harapan ang kaniyang braso na ginawa niyang unan kung kaya walang imik na lamang akong naupo sa upuang katabi niya at ipinatong ko sa mesang nasa harapan ng aming upuan ang dala kong bag. Bawat mesa kasi ay nakalaan para sa dalawang tao kung kaya malaya ko ring magagamit ang mesang kinahihimbingan ng aking katabi.
Dahil wala pa ang gurong sa amin ay magtuturo ay natuon sa aking katabi ang aking atensyon. Mataman ko itong pinagmasdan kung kaya hindi nakaligtas sa akin ang magulo niyang itim na buhok na may mangilan-ngilang kulay puti na halatang hindi man lang pinag-abalahang suklayin. Sa unang tingin ay agad pumasok sa aking isipan na maaaring tamad ang aking katabi dahil tulog na nga ito‚ pati pa ang pagsuklay ay hindi magawa.
‘Tsk! Ano pang silbi ng kamay niya?’ naitanong ko na lamang sa aking sarili.
Nang magsawa na akong pagmasdan ang aking katabi ay nabaling naman sa mga upuan ang aking tingin. Agad na umaliwalas ang aking mukha nang mabaling sa mga upuan ang aking tingin. Ngayon ko lamang napagmasdan ang upuan sa paligid at masasabi kong sobrang cool ng lahat ng upuan sa silid. Literal na cool dahil ang mga upuan ay gawa sa yelo pero hindi ito masyadong malamig. Sakto lang ang lamig nito. Iyon bang ma-re-relax ka kapag naupo ka rito kasi ang kaunting lamig na nanggagaling sa upuan ay naglalakbay sa iyong buong katawan.
Ang sunod ko namang pinagtuunan ng pansin ay ang nasa gawing unahan. Mayroong isang transparent glass sa gitna sa pinakaunahan. Kasinglaki ito ng whiteboard na karaniwang ginagamit sa mga paaralan kaya marahil ay ito rin ang ginagamit ng mga guro sa mundong ito kapag nagtuturo sila.
Bigla akong napaayos ng upo nang may pumasok na isang babae sa silid. Sa itsura nito ay para lang itong nasa 20s. Ngunit may hinuha akong nasa 30s o 40s na ang kaniyang edad dahil sa tindig pa lang niya ay masasabi mo nang marami na siyang karanasan sa buhay. Kung pagbabasehan ko rin kasi si Sara na nasa 20s na ay malayong kasing-edad lamang niya ang babaeng nasa aming harapan dahil ang kilos nito ay malayong-malayo sa kilos ng mga nasa edad ni Sara at maihahalintulad sa isang nakatatandang maingat sa harapan ng mga nakababata upang hindi maging isang masamang impluwensya o halimbawa.
“Balita ko ay mayroon daw tayong bagong charmer na makakasama! Maaari bang pumunta rito sa harapan ang tinutukoy ko upang magpakilala?” malakas na sabi ng babaeng kararating lang na ngayon ay batid ko nang guro pala namin kaya mas lalong tumibay ang paniniwala kong nasa 30s o 40s na nga ito.
Hindi na ako nag-atubili pa at agad akong naglakad papunta sa harap para magpakilala.
“Hi. I’m Althea Gwyn Rose Gutierrez. Bago pa lang ako rito at hiling ko na sana ay maging maganda ang pananatili ko rito‚” nakangiting pagpapakilala ko sa lahat.
“Gosh! Makalaglag brief ang ngiti ni ate!” nag-hy-hysterical na sabi ng isa sa mga kaklase kong babae na may lavender na buhok.
“She looks so pure and innocent‚” nangingiting komento ng babaeng may kulay-rosas na buhok.
“I like her‚” sambit naman ng babaeng may dilaw na buhok na nasa bandang likuran.
Hindi ko naman maiwasan ang mapangiti sa huli kong narinig. Nakakatuwang malaman na kahit bago pa lang ako ay may ilan nang gusto ako. Bukod pa rito ay mga magagandang komento rin ang naririnig ko na tunay na nakakataba ng puso.
“Kamukha niya ang prinsesa ng Ardor Kingdom. Posible kayang buhay pa ang prinsesa at siya ‘yon?” pahabol pa ng isang boses na hindi ko na natukoy pa kung sino ang nagsabi.
Napakunot na lamang ako ng noo sa aking narinig. Sinong prinsesa ang tinutukoy ng nagsalita na kamukha ko raw? Iyon bang kaibigan ni Kaiden na matagal nang wala?
“Para siyang dyosa‚” nakapangalumbabang sambit ng isang lalaking may maroon na buhok na nakaupo malapit sa kinatatayuan ko. Naagaw nito ang aking atensyon at ng mga sumunod pang komentong narinig ko kung kaya nawala na sa isip ko ang kaninang tanong ko.
“Sh*t‚ bro! Ang ganda!” puri naman ng isa kong kaklaseng lalaki na may puting buhok.
Tuwang-tuwa ang mga kaklase ko habang nakatingin sa akin maliban na lang sa isang lalaki na seryoso lang na nakatingin sa akin habang nakasandal sa upuan niya. Ang lalaking ito ay walang iba kundi ang katabi ko na kung hindi ako nagkakamali ay siya ring lalaking hinabol ko kanina. Tsk! Pinagod niya pa akong maghanap tapos dito ko lang pala siya makikita.
“Miss Althea‚ ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ng aming guro na umagaw ng aking atensyon.
“Ahh... O-Opo‚ ayos lang po ako‚” napapahiyang tugon ko at tipid kong nginitian ang aming guro upang mas lalo siyang maniwalang ayos lang talaga ako.
“Kanina pa kita tinatanong pero wala ka sa sarili mo‚” saad ng aming guro na bakas pa rin sa mukha ang pag-aalala.
Napapahiyang napakamot ako sa aking ulo bago ako sumagot. “Ano po bang tanong ninyo‚ ma’am?” magalang kong tanong na may bahid ng paghingi ng paumanhin dahil sa hindi ko maagap na pagtugon.
“Ano ka ba. Huwag mo na akong tawaging ma’am. Mrs. Amara o Ginang Amara na lang‚” nakangiting saad ni Mrs. Amara.
Hindi ko naman maiwasang matuwa na mapag-alamang mabait pala at hindi istrikto ang aming guro. Kung nagkataon ay baka nasermunan na ako sa unang araw ko sa klase dahil sa pagiging abala ng utak ko sa ibang bagay.
“Okay po‚ ma—I mean‚ Mrs. Amara‚” nakangiti kong sagot na agad din namang tinugunan ni Mrs. Amara ng malawak na ngiti.
“Maaari ko bang malaman kung saang kaharian ka nagmula at kung ano ang iyong kakayahan at kapangyarihang taglay?” mayamaya’y tanong ni Mrs. Amara na bakas na sa mukha ang pagkapanabik sa anumang magiging sagot ko.
Bigla naman akong napaisip sa tanong ni Mrs. Amara. Ang unang pumasok sa isip ko ay ang katungang‚ “Nahihibang na ba siya para akalain na may kapangyarihan ako gayong isa akong mortal?” Ngunit bigla rin akong napaisip kung mortal nga ba talaga ako. Kung mortal kasi ako ay malabong matalo ko ang mga sumugod dati sa bahay. Pero hindi rin naman ako sigurado kung ginamitan ko nga ba sila ng kapangyarihan o kung anumang mahika. Ang tanging naaalala ko lang ay ang pagharap ko sa pumaslang sa mga magulang ko. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari dahil hinayaan kong lamunin ako ng emosyon ko. Ang tanging nasa isip ko lang noon ay kailangan kong maipaghiganti sina mommy at daddy. Bukod doon ay naaalala ko rin kung paanong naghilom ang sugat na ginawa ko sa sarili ko.
Immortal na ba akong maituturing dahil nagawa kong paghilumin ang sarili kong sugat? Kapangyarihan na rin bang maituturing ang nagawa kong iyon o panaginip lang ang lahat ng ‘yon?
“Ahm... Unidentified pa po dahil sa mundo ng mga mortal ako isinilang at doon na rin ako lumaki‚” ang tanging nasabi ko.
Hindi ko na binanggit pa kay Mrs. Amara ang tungkol sa kusang paghilom ng sugat ko dahil hindi pa naman ako sigurado kung totoo ngang nangyari ‘yon. Wala kasi ako sa huwisyo noong mga panahong iyon dahil kinain na ako ng sobrang emosyon na hindi ko na ulit hahayaang mangyari. Pipilitin kong maging matatag at malakas. Kahit mahirap ay kakayanin ko para lang maipaghiganti ko ang pagkamatay ng mga magulang ko at malaman ko ang misteryo sa pagkatao ko at ang dahilan kung bakit kami sinugod ng mga taong nakaitim.
“Kung ganoon ay wala kang dapat ipag-alala dahil bilang inyong guro ay narito kami upang tulungan kayong lahat ng naririto sa akademyang ito na alamin‚ kontrolin at palakasin ang mga abilidad at kapangyarihang taglay ninyo. Sa ngayon ay maaari ka nang bumalik sa iyong upuan at nang masimulan na natin ang ating aralin‚” mahabang saad ni Mrs. Amara.
Katulad nga ng sabi ni Mrs. Amara ay bumalik na ako sa aking upuan kung saan naabutan ko ang aking katabi na muli na namang natutulog habang nakasiksik ang mukha niya sa kaniyang braso na nakapatong sa mesa na wari bang iniiwasan niyang mapagmasdan ko ang kaniyang mukha sa malapitan. Hindi ko tuloy maiwasan ang makaramdam ng kakaiba sa lalaking katabi ko. Bukod kasi sa weird siya ay nakakapagduda rin ang mga ikinikilos niya. Maging iyong mga titig niya sa akin ay tila may nais ipakahulugan.
“Ngayon ay simulan na natin ang ating talakayan para sa araw na ito. Katulad ng sabi ko sa inyo noong nakaraang linggo ay basic pa lamang ang ituturo ko sa inyo dahil kayo ay mga baguhan pa lamang. Ang ating mga aralin ay iikot sa kung paano makihalubilo sa mga mortal at sa iba’t ibang nilalang sa ating mundo. Tatalakayin din nating ang kasaysayan ng ating mundo. Pero bago natin pag-aralan ang kasaysayan ng ating mundo‚ talakayin muna natin ang mga bagay na may kinalaman sa ating paaralan‚” panimula ni Mrs. Amara.
Itinuon ko ang buo kong atensyon kay Mrs. Amara at sa kaniyang tinatalakay para kahit papaano ay hindi na ako magmukhang tanga dahil sa kamangmangan ko sa mga bagay na nandito sa mundong ‘to.
“Ang mga mag-aaral sa akademyang ito ay nahahati sa apat na antas. Ang unang antas ay ang antas na inyong kinabibilangan. Ang karaniwang tawag sa inyo ay historians. Ang unang antas ay para sa mga baguhan at dahil karamihan sa inyo rito ay wala pang alam tungkol sa mga taglay ninyong kapangyarihan at kakayahan ay nakatuon lamang tayo sa pag-aaral ng kasaysayan ng ating mundo at iba pang mga mahahalagang bagay na may kinalaman sa ating mundo‚” pahapyaw na paliwanag ni Mrs. Amara sa antas na aming kinabibilangan bago siya dumako sa ikalawang antas.
“Ang pangalawang antas naman ay para sa mga charmer na nakapasa na sa unang antas at dahil nga tapos na sila na pag-aralan ang kasaysayan ng ating mundo sa unang antas ay iba naman ang kanilang pag-aaralan. Ang kailangan nilang gawin ay ang mag-ensayo sa training field upang mapalabas nila ang kanilang natatagong kakayahan at upang sanayin sila sa pakikipaglaban gamit lamang ang kanilang mga sandata‚” paliwanag ni Mrs. Amara na katulad kanina ay pahapyaw lamang din.
Dahil sa pag-usad ng aming talakayan ay mas lalo pa akong naengganyong makinig kung kaya pumangalumbaba na ako sa mesa at mas itinuon ko pa kay Mrs. Amara ang aking buong atensyon.
“Sa ikatlong antas ay pag-aaralan ninyong palabasin‚ kontrolin at palakasin ang inyong mga taglay na kapangyarihan sa pamamagitan ng paglalaban ng dalawang magkapareha sa battle arena. Dito kayo tinuturuan kung paano kontrolin ang inyong mga kapangyarihan. Tuturuan din kayo rito kung paano gumawa ng mga teknik at kung paano umatake gamit ang mga kapangyarihang inyong taglay‚” pagpapatuloy ni Mrs. Amara at sadya siyang tumigil upang bigyan kami ng sapat na panahon na iproseso ang aming mga nalaman.
Nang muling magpatuloy si Mrs. Amara sa kaniyang pagsasalita ay inakala kong tatalakayin na niya ang ikaapat na antas kaya laking gulat ko nang iba ang kaniyang talakayin.
“Kung naguguluhan kayo kung bakit magkaiba ang pinag-eensayuhan ng bawat antas‚ hayaan ninyo akong ipaliwanag ko ito sa inyo. Ang training field ay isang open field at ginawa ito para lamang sa mga training o labanang hindi gumagamit ng anumang kapangyarihan samantalang ang battle arena naman ay gawa sa matibay na kristal katulad ng silid-aralang ito at mayroon itong transparent barrier sa pinakagitnang bahagi para kung saka-sakaling may magpapakawala ng malakas na pwersa o kapangyarihan sa labanang magaganap ay hindi maaapektuhan ang buong akademya o ang mga charmer na nasa loob ng arena na nanonood ng labanang nagaganap sa pagitan ng dalawang charmer‚” paliwanag ni Mrs. Amara na malinaw ko namang unawaan at ganoon din ang iba kaya agad na ring dumako si Mrs. Amara sa huling antas.
“Ngayon ay dumako naman tayo sa huling antas. Ang pinakahuling antas ay kinabibilangan ng mga charmer na may sapat ng kakayahang palabasin at kontrolin ang kanilang mga taglay na abilidad at kapangyarihan. Sa kanilang hanay pinipili at kinukuha ang mga charmer na ipinapadala sa mga mahahalagang misyon para mas mahasa pa ang kanilang taglay na kapangyarihan sa isang aktwal na pangyayari. Kapag nagawa na ninyong pagtagumpayan ang lahat ng antas na binanggit ko ay makatatanggap kayo ng isang marka na magiging tanda na isa na kayong ganap na makapangyarihang charmer‚” mahabang saad ni Mrs. Amara na hindi man lang napagod o hiningal sa haba ng kaniyang sinabi.
Nalinawan naman ako sa aking mga narinig. Mukhang magugustuhan ko rito. Sana lang talaga ay malaman ko na ang dahilan kung bakit ako dinala rito ni Kaiden bukod sa kapangyarihang taglay ko na paulit-ulit niyang binabanggit.
Marami pang itinuro si Mrs. Amara tungkol sa akademya na lubhang nakatulong sa akin upang maunawaan ko ang mga bagay-bagay. Sa pagpapatuloy ng aming talakayan ay napag-alaman kong kaya pala nababalutan ng mahika ang buong akademya ay dahil ang lahat ng kaharian ay nakiisa sa pagbuo ng akademya ilang libong taon na ang nakararaan at ginamit nila ang mga taglay nilang kapangyarihan sa paglikha nito. Nalaman ko rin na kaya pala nila itinayo ang paaralang ito ay para matulungan ang lahat ng charmer na nahihirapang kontrolin ang taglay nilang kapangyarihan.
Sa pagpapatuloy ng aming talakayan ay mabilis na lumipas ang oras. Halos magdadalawang oras nang nagtuturo si Mrs. Amara kaya marami-rami na akong natutunan. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit siya lang palagi ang nagtuturo. Iisa lang ba ang guro sa bawat antas? Kung oo ay baka wala ng boses ang mga guro kinabukasan dahil sa walang tigil nilang pagsasalita. Pero imposible naman sigurong mangyari ‘yon dahil hindi naman sila tao. Iba ang hangganan ng kanilang kakayahan kung ikukumpara sa tao.
Sa paglipas ng mga oras ay saka ko lamang napagtanto na habang nagtuturo pala si Mrs. Amara ay may mga larawang lumalabas sa transparent glass na nasa harap. Ipinapakita rito ang bawat larawan o imahe na may kinalaman sa mga bagay na binabanggit ni Mrs. Amara.
“Alam kong sa unang araw pa lamang ninyo rito ay nakita na ninyo kung gaano kaganda ang akademya na tunay namang nakakaakit pagmasdan. Ngunit iilan lamang ang nakababatid na may natatagong misteryo sa likod nito‚” pagsisimula ni Mrs. Amara ng bago na namang talakayan.
Bigla namang napukaw ang aking atensyon sa aking narinig kaya agad akong umayos ng upo.
“Alam naman ninyo siguro na sa likod ng akademya na ito ay may matatagpuan kayong isang madilim na gubat. Ang gubat na iyon ay kilala sa pangalang Forbidden Forest‚” seryosong wika ni Mrs. Amara at kasabay nito ay may lumabas na larawan ng isang gubat sa transparent glass.
Awtomatikong umawang ang aking bibig nang mapagmasdan ko ang larawang nasa transparent glass. Ang gubat na pinuntahan ko kanina at ang gubat na ngayon ay paksa ng aming talakayan ay iisa. Ngayon ay nauunawaan ko na kung bakit ganoon na lamang ang galit sa akin kanina ni Kaiden. Ngunit hindi ko pa rin maiwasang isipin kung bakit forbidden ang forest na iyon gayong wala namang kakaiba rito.
“Tinawag ang gubat na ito na Forbidden Forest dahil mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok dito dahil sa lubha itong mapanganib lalo na sa mga katulad ninyong wala pang gaanong kaalaman sa taglay ninyong kapangyarihan. Sinasabing maraming mga iba’t ibang nilalang ang naninirahan sa gubat na ito at walang nakakaalam kung ano-ano ang mga ito kaya mas mabuting maging maingat na lamang tayo at huwag na lamang nating tangkain pang pumasok sa nasabing gubat kung ayaw ninyong malagay sa panganib ang mga buhay ninyo dahil ayon sa kasaysayan ay marami na ang sumubok na alamin ang misteryo sa likod nito ngunit wala ni isa man ang nagtagumpay sa kanila‚” pagpapatuloy ni Mrs. Amara sa talakayan patungkol sa Forbidden Forest.
Marami pang naibahagi sa amin si Mrs. Amara patungkol sa Forbidden Forest. Ayon sa kaniya ay marami na raw ang nagtangkang pumasok dito at dahil sa kanilang kapangahasan ay bigla na lang naglaho ang mga ito na parang bula at hindi na muling nakita pa. Pero may iilang charmer daw na pumasok doon na nakalabas ng buhay ng walang kahit anong galos. Iyon ay ang royalties‚ mga may dugong-bughaw na siyang namumuno sa bawat kaharian. Ngunit wala naman daw napansing kakaiba ang mga ito bukod sa mga kaluskos at ingay na nagmumula sa hindi matukoy na bahagi ng gubat.
Bukod sa aking mga nabanggit ay naisalaysay rin sa amin ni Mrs. Amara na kaya raw nasa loob ng akademya ang Forbidden Forest ay upang ito’y mas mabantayan. Kapag nasa labas lang daw kasi ito at hindi ito mababakuran ng pader na nakapalibot sa buong akademya ay magiging madali sa mga charmer na ito’y pasukin. Hindi naman kasi maikakailang may ibang mga matitigas ang ulo at ayaw sundin ang bawal kaya pilit pa ring tinatangkang pasukin ang Forbidden Forest. May ilan din namang walang kabatiran na ipinagbabawal na pasukin ang nasabing gubat kaya kung ito’y mananatili sa labas ng akademya ay mas maraming charmer ang malalagay sa panganib hindi tulad ngayon na halos lahat ng nasa akademya ay napagsabihan nang bawal itong pasukin kaya wala nang mangangahas pang pasukin ito o kung may mangangahas man ay maaari itong mapigilan ng mga gurong namamahala sa akademyang ito.
“Sa kabuuan ay mayroong apat na malalawak na gubat ang ating mundo at isa na rito ang Forbidden Forest. Ang tatlo pang natitira ay ang Dark Forest‚ Magical Forest at Punta Forest. Ang Dark Forest ay napapalibutan ng itim na kapangyarihan at katulad sa Forbidden Forest‚ ang sinumang pumasok doon ay hindi na nakakalabas ng buhay. Ngunit ayon sa sabi-sabi ay may iba raw na nakalabas ng buhay ngunit nawawala naman sa katinuan at kadalasan sila ay nagiging dark charmer o mas kilala sa pangalang Darkinians‚” pahapyaw na paliwanag ni Mrs. Amara sa pangalawang gubat.
‘Kung ganoon ay ang gubat pala na ‘yon ang pinagmulan ng kasamaan sa mundong ito?’ naitanong ko na lamang sa aking sarili matapos kong marinig ang paliwanag ni Mrs. Amara na iyon ang pinupunto.
“Ang Magical Forest naman ay napapalibutan ng hiwaga at ayon sa kasaysayan ay dito raw naninirahan ang mga fairy. Pero karamihan sa kanila ay nakakalat lamang sa paligid pero hindi natin nakikita dahil nagpapakita lamang sila sa mga piling nilalang at sa mga malalakas na charmer na kayang maramdaman ang kanilang presensya. Balik tayo sa magical forest.” Tumikhim si Mrs. Amara bago siya muling nagpatuloy. “Kung ang dalawang forest na nabanggit ko kanina ay mapanganib‚ ito ay hindi dahil ang sinumang pumapasok dito ay napapabuti sapagkat nililinis ng fairies ang kanilang mga puso’t isipan upang mawala ang kasamaang nakapaloob sa kanilang pagkatao. Ang ikaapat at panghuling forest ay ang Punta Forest. Ito ang hangganan ng ating mundo at dito rin matatagpuan ang lagusan patungo sa mundo ng mga tao na binabantayan ng ilan sa mga piling magigiting na mandirigma ng iba’t ibang kaharian upang tiyakin ang seguridad ng ating mundo.”
Awtomatikong nagsalubong ang aking kilay sa huling sinabi ni Mrs. Amara. Kung may itinalagang bantay sa lagusan ang bawat kaharian‚ bakit nang dumating kami rito ni Kaiden ay wala kaming nakitang tagabantay ng lagusan? Posible kayang pinatay na sila ng mga nakaitim na lalaking humabol sa amin bago pa man kami makarating dito? Posible kasing hindi sila pinahintulutan ng mga bantay na makapunta sa mundo ng mga tao kaya kinailangan nilang patayin ang mga ito para malaya silang makatawid ng lagusan.
Habang iniisip ko pa rin ang tungkol sa mga bantay ng lagusan ay bigla na lang lumiwanag ang paligid ng silid-aralan na ayon kay Mrs. Amara ay hudyat daw na break time o dismissal na. Kapag may mahalagang anunsiyo naman ay maririnig na lang daw sa buong akademya ang boses ng isa sa mga guro.
Isa-isa naman nang nagsilabasan ang mga kaklase ko pero ang katabi ko ay mahimbing pa ring natutulog hanggang ngayon.
May ilan sa mga kaklase ko ang nagyaya sa akin na sabayan silang kumain pero tumanggi ako dahil baka magalit pa ang topaking prinsipe ng Sapience Kingdom kapag hindi niya ako naabutan sa silid-aralan kung saan niya ako susunduin.
“Hey‚” mahinang tawag ko sa katabi ko nang makaalis na lahat ng kaklase namin. Sinundot-sundot ko pa ang braso niya para magising siya ngunit wala man lang itong epekto sa kaniya.
“Hey!” Mas nilakasan ko pa ang boses ko pati na rin ang pagsundot ko sa katabi ko pero ayaw talaga niyang magising kaya sumuko na lang din ako at hinayaan ko na lamang siyang matulog.
Itinuon ko na lamang ang aking atensyon sa paghihintay kay Kaiden. Ngunit ilang minuto na ang lumipas ay hindi pa rin siya dumarating kaya napagpasyahan kong umidlip na lang muna para hindi ako mukhang tanga na patingin-tingin sa pinto upang abangan ang kaniyang pagdating.
✨✨✨
A/N: Magdiwang!🎉🎊🎇 Kumusta naman po ang kwentong ito? Just leave your comment below and don’t forget to vote💜
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top