Unang Kabanata

Chinese New Year

ㅤㅤ

× i ×
ㅤㅤ

MIRA GWYNETH

“MIRA!” isang nakakabinging sigawan ng mga bata ang nagpagising sa akin. Ayaw kong imulat ang mga mata ko dahil pagod na pagod ako galing sa trabaho kagabi.

“Mira Gwyneth!” sigaw na naman ng mga bata, at hindi pa sila nakunteto’t niyugyug pa nga ako. Wala na akong magagawa kun’di ang bumangon.

Agad ko namang ibinuma ang aking mga mata, at doon ko nakita ang mga dugyot ng pagmumukha ng mga kasama ko rito sa bahay amponan.

“May pasok ka raw sabi ni Elder! Kaya gumising ka na!” buwelta pa ni Laurence na siyang kasing edad ko lamang. Kaming dalawa lang ang nakatira rito na nasa bente anyos na ang tanda, ang mga kasamahan naman namin ay nasa menor de edad pa, habang ang iba ay mga bata pa talaga.

Zhao’s Orphanage iyan ang tawag sa aming tahanan. Hindi lamang ito isang simpleng gusali, ito ang mismong tahanan ng mga hindi piniling maging ulila, mga bata na walang mapagpatungan, at walang ibang mapupuntahan. Dito, sa ilalim ng pangangalaga ni Elder Zhao, binubuhay ang diwa ng pamilya at pagmamalasakit sa bawat isa.

Ang pagiging lider ni Elder Zhao sa aming komunidad ay hindi maikakaila. Kilala siya hindi lamang bilang isang mabuting tao, kun’di bilang isang haligi ng katarungan at kabutihan. Bagama’t may ilang bahagi ng kaniyang kultura na maaaring hindi namin lubos na nauunawaan, hindi ito humahadlang sa kan’yang paglilingkod sa amin nang buong puso at dedikasyon.

Kahit na may kakaibang pamamaraan sa pagtuturo si Elder Zhao na maaaring mangyari sa ibang kultura, hindi maikakaila ang kaniyang husay at pagmamahal sa aming lahat. Palagi niyang sinisikap na ipaabot sa amin ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagmamahal sa kapwa, kahit pa sa pamamagitan ng kanyang mapanudyo at nakakatawang mga kasabihan.

“Ate, ate! Huwag kang maniwala kay kuya, biyernes ngayon, at Chinese New Year!” masiglang sabi ni Kaye, ang pinakamatanda sa mga bata rito pero napakaliit. Ngumiti naman ito sa akin, at tinulungan pa nga akong  makaupo sa aking pagkakahiga.

Tulala pa akong napatingin sa kanila, at pilit na pino-proseso sa utak ko ang mga sinabi sa akin ni Kaye.

“Ha?” wala sa sarili kong tanong, saka kinamot pa ang aking ulo.

“Chinese New Year nga, tanga!” malakas na wika sa akin ni Laurence, sabay taas ng kaniyang kamay, at akmang babatukan na sana ako, ngunit bago pa niya ito magawa, nagkaroon ako ng lakas ng loob na tumalon mula sa kama, napabilis ang aking kilos, nagpa-ikot-ikot sa ere upang iwasan ang mga nagkukumpulang mga bata sa ibaba.

Nang ako’y nakaapak na sa semento, hindi ko na napigilan ang aking sarili. Sa isang bugso ng inis, binunot ko ang aking kamay, at mariin na binatukan si Laurence, na walang hiya at nagmumura sa harap ng mga inosenteng bata.

“Aray ko! Anak ng—” magmumura na naman sana ito, pero agad ko siyang tiningnan ng pagkasama-sama kung kaya’t natahimik nalang ito.

Nakarinig ako ng mga palakpak, at halakhak ng mga bata, na tila mga himig ng kaligayahan sa aking pandinig. Hindi ko mapigilang ngumiti, isang natural na tugon sa kanilang kasayahan.

Tinabihan ko sila, at ngumiti ng pagkatamis-tamis. Sa bawat oras na kasama ko sila, mas lumalim ang aking pag-unawa sa halaga ng simpleng kasiyahan, at pagmamahal sa paligid.

Naks, Mira! Ang baduy mo nang magsalita!

“Ang galing mo talaga ate!” sambit pa ni Elaine, at sinunggaban ako ng yakap. Amoy putok na may halong pawis pa nga ito ngunit hindi ko na inalintana pa.

“Ako rin! Yakap! Yakap!” At ayon nga po, si Kaye, Elaine, Frincess, Monica, Antonette, Christine, Marie, Grace, Cedrick, at John ay nakisali na rin. Wala na akong magawa kahit na bahong-baho na ako sa kaasiman nila, at niyakap nalang silang lahat.

Ito tayo e, favorite tayo, hindi katulad ng isa riyan. Tsk.

Nakita ko naman ang nandidiring mukha ni Laurence sa aking peripheral vision, kaya hindi na ako nagdalawang-isip na dilaan siya upang mas mainis pa siya lalo sa akin. Alam ko namang naiingit lang siya e. Pfft...

“Magbihis na kayo!” Bumukas naman ng pagkalakas-lakas ang sirang pintuan ng aking silid, kasabay no’n ang pag-bagsak, at pagkabasag ng picture frame na naka-display malapit dito.

Naman e! Kakaayos ko lang no’n, nasira agad! Awit!

“Si Mira po kasi, nag-i-inarte na naman, may pa yakap-yakap epek pa, pwe!” may halong pagkainggit na sumbong ni Laurence kay Elder Zhao.

“Miraaa!” at ayon nga po, pinagalitan ako ni Elder Zhao. Bw*sit kasi ang isang ito, napakasumbongero, ako nalang tuloy ang magpapakain, magliligo, at magbibihis sa mga bubuwit na ito.

× × ×

Salampak ang buo kong katawan sa upuan nang matapos na ako. Grabe, ikaw raw maglinis at magbihis ng mga dugyot na bata na iyon, hindi ka ba magiging lantang gulay? Diyos ko po! Kung hindi ko lang sila mahal e.

“Mira! Magbihis ka na raw!” sigaw na naman sa akin ni Aleng Bedit. Kanina pa siya riyan at tinatawag ako ngunit dahil pagod na pagod nga ako, parang boses lamang sa hangin ang kaniyang mga sigaw.

Bigla namang bumukas ang pintuan, at pumasok na nga si Aleng Bedit sabay inihampas sa akin ang hanfu dress na hindi ko pinansin no’ng ibinigay sa akin ni Elder Zhao.

“Suotin mo na ‘y.an, kanina pa naghihintay sina Elder Zhao sa iyo sa baba, mahiya ka naman,” masungit na saad nito, sabay irap pa nga sakin. “Saka, lagyan mo raw ng kulorete mukha, at buhok mo,” dagdag pa nito at umalis na sa aking silid.

Ang sungit-sungit talaga!

Ilang minuto rin bago ko natapos ang pagbibihis sa aking kasuotan, at pag-aayos sa sarili ko. Napaismid na lamang ako habang tinitignan ko ang aking sarili sa salamin.

Ang magara, at kulay pulang hanfu dress ko ngayon ay galing sa isang courtesan, kitang-kita ang cleavage ko rito kaya ayaw ko talaga itong suotin. Buti na lang talaga, at natatabunan ang kaliwa kong braso, kung hindi, makikita nila ang kakaiba kong tattoo na hindi ko alam kung saan nagmula.

Kumikinang, at gumagawa rin ng kakaibang ingay ang mga bagay na may iba’t ibang desenyong hairpins na inilagay ko sa aking buhok. Naka-half up half down, at waterfall braid din ang mahabang itim na buhok ko, na medyo may pagkamagulo rin kasi hindi talaga ako marunong mag-braid, subalit wala akong magagawa, ilang buwan din nilang hinintay, at pinagplanohan—  nina Elder Zhao, mga katuwang dito sa amponan, at ng mga bata— ang araw na ito, kaya ayaw kong putulin ang excitement nilang lahat ngayon.

Tatlong katok naman ang nagpukaw sa aking atensiyon, kaya nagmadali na akong pumunta sa pintuan upang buksan iyon.

“Taray, para kang sinaunang bur*kat!” pang-aasar sa akin ni Laurence sabay halakhak na parang takas sa mental. Kahit kailan talaga ang sagwa ng tabas ng dila nitong isang ‘to!

Agad ko naman siyang binatukan. “Baka mamaya’t puputulin ko na talaga ang dila mo!” babala ko pang sigaw sa kaniya, ngunit tinawanan lang ako ng mokong.

Inakbayan naman niya ako habang pinaglalaruan ang mga kolerete ko sa ulo, at doon ko lang nagpagtanto na... hindi pa pala siya tapos sa kaniyang pang-aasar sa akin. Kairita.

Magkadikit ang aking mga kilay habang naglalakad kami papuntang garden, ngunit agad naman itong nawala nang makita ko ang masasayang mukha ng mga bata habang naglalagay sila ng iba’t ibang mga dekorasyon... Naglalagay sila ng pulang mga latterns, paper cutouts, at cherry blossom branches sa kapaligiran. Nakasuot na rin sila ng kani-kanilang mga kasuotang hanfu na may iba’t ibang kulay. At ang masasabi ko lang ay ang cute nilang tingnan!

Napapikit naman ako nang maamoy ko ang aroma na nanggaling sa handa namin ngayon, nang papalapit na ito ay agad ko namang binuksan ang aking mga mata. Pinagmasdan ko naman si Aleng Bedit na inilalagay ang kahuli-hulihang pagkain sa mesa. Ang menu na makikita mo ngayon sa lamesa ay kinabibilangan ng mga putahe tulad ng isda para sa kasaganaan, dumplings para sa yaman, at noodles para sa mahabang buhay.

“Aray!” Agad namang nakuha ang atensiyon ko nang may narinig akong malakas na tunog sa aking likod.

Si Laurence, natumba dahil may pulang custome ng lion ang nag-landing sa kaniyang buong katawan. Deserve.

“Nag-practice ka na kanina hindi ba? Sasayaw ka na kapag natapos nang kumain ang mga bata,” utos sa kaniya ni Aleng Lina na halatang pagod na pagod na dahil sa paghahanda namin ngayon.

“Puwede namang ibigay, Aleng Lina e!” pagmamaktol pa ni Laurence, at napapangiwing hinahawakan ang kaniyang balakang habang siya’y tumatayo.

Hindi naman pinansin ni Aleng Lina si Laurence, sa halip ay ipinagpatuloy na nito ang naudlot niyang trabaho, at walang nagawa ang mokong kun’di ang suotin na ito upang makapag-ensayo na siya ulit habang hindi pa nagsisimula ang program.

Sasayaw siya mamaya kasabay ng fireworks display na pinaghandaan din namin. Isang tradisyunal na performance ang i-pe-presenta ni Laurence mamaya na pinaniniwalaang magdadala ng suwerte, at pangpataboy sa masasamang espiritu.

Ilang oras din bago natapos lahat ng mga gagawin, at syempre tinulungan ko silang lahat. Alas tres na ng hapon, at magsisimula na ang program. Mismong Chinese New Year kami naghanda, dahil bawal kaming magpuyat hanggang alas dose, saka delikado pa kapag lumabas kami kaninang hating gabi, kung kaya’t naisipan ni Elder Zhao na ipagbukas nalang namin ang pagdiriwang.

Nagtungo kaming lahat sa hardin upang pakinggan ang sasabihin ni Elder Zhao sa aming lahat. Ang ganda niya ngayon, bagay na bagay sa kaniya ang kaniyang suot, at mga kulorete. Nakakamangha siyang pagmasdan, dahil napaka-elegante niyang kumilos.

“Bago natin simulan ang ating pagdiriwang, hayaan ninyong batiin ko muna kayong lahat ng Gong Xi Fa Cai! Kaya naman ako’y nagagalak sa araw na ito dahil dito natin sasalubungin ang bagong taon, ang Chinese New Year na nagdadala ng maraming bagong pag-asa at kasiyahan. Sa mga darating na araw, nawa’y maramdaman ninyo ang masaganang biyaya at kasayahan na dala nito. Mabuhay ang bagong taon, at mabuhay ang lahat ng ating mabubuting adhikain!” nagsimula na itong magsalita sa harapan kung kaya’t tahimik kaming lahat na nakikinig sa kaniya.

“Alam kong nasalubong na ninyo ang inyong bagong taon, ngunit taos puso akong nagpapasalamat dahil sa paulit-ulit niyong pagrespeto, at pagsama sa aking pagdiriwang ng aming bagong taon! Mahal na mahal ko kayong lahat!” dagdag pa na wika ni Elder Zhao, habang malumanay kaming tiningnan, at matamis na ningitian.

Damang-dama namin ang sensiridad sa mga sinasabi niya, at ito ang dahilang kung bakit ni-re-respeto namin siyang lahat. Hindi lang siya ang kumuha sa amin, siya rin ang nag aruga’t nagbigay sa amin ng suporta, kung kaya’t lahat ibibigay ko sa kaniya para lang masuklian ang kabutihang ginawa niya sa aming lahat.

Tumunog na ang kampana, hudyat na magsisimula na ang kasiyahan. Napuno ng halakhak, at mga tunog ng mga tambol ang kapaligiran, na kahit saan ko tingnan ay tila ang saya at ligaya ng lahat ang bumabalot dito. Kumain kami ng mga handa sa lamesa, at pagkatapos no’n ay nagsaya kami sa sayaw na itinanghal ni Laurence.

“Ang galing mo palang sumayaw kuya! Akala ko hindi babaliko ang katawan mo sa tigas!” buwelta pa ni Cedrick na siyang mas nagpatawa sa aming lahat. Nakita ko naman ang nakasimangot na mukha ni Laurence sa loob ng custome niya, kaya mapang-asar ko siyang tiningnan upang mas umasim pa ang kaniyang mukha. At hindi nga ako nagkamali dahil mas nainis pa ito. Pfft...

Nang dumating ang alas cinco ng hapon, inilabas na ni Aleng Sita ang mga fireworks display, at inilawan ito.

Ang tanawin ngayon ay isang malaking palamuti para sa aming mga mata. Iba’t-ibang kulay ng mga fireworks ang pumutok sa kalangitan, na mas lalong nagbigay ng sigla sa pagtatanghal ni Laurence sa harapan namin. Nakakakiliti ang saya na bumabalot sa amin habang nakatingin kami sa naglalakihang mga salamangkang kulay kahel, berde, at asul. Ito ang pinakapaborito naming bahagi kapag magbabagong taon na, dahil pagkatapos naming ipagdiwang ang aming bagong taon, susunod naman naming ipagdiriwang ang bagong taon ni Elder Zhao. Nagpasalamat kami sa bawat oras na lumipas, at punong-puno ng pasasalamat sa kalakip na galak, at saya sa aming mga puso.

“Ang ganda,” mahinang usal ko, at hinintay na matapos ang pagputok ng fireworks.

“Syempre, ako na ang sumayaw e!” dinig kong pagmamayabang ng katabi ko. Napairap nalang ako ng dahil doon. Tapos na pala siyang magtanghal, masyado akong na-busy sa panonood ng fireworks kaya hindi ko na namalayan pa.

Magsasalita na sana ako upang barahin siya, ngunit bigla akong natigilan nang makaramdam ako ng kakaibang presensiya sa paligid.

Sandali... Huwag mong sabihing...

“Pumasok na kayo!” isang malakas na sigaw ang aking binitawan, na siyang nagpatigil sa kanilang lahat.

Tumutok ang mga mata ko sa mga bata, na para bang hindi nila maintindihan kung ano ang nangyayari. Ang kanilang mga mukha ay puno ng pagtataka, at nakakunot ang mga noo nito habang walang muwang na nagbalik-balik ng tingin sa akin, at sa fireworks display.

Napaigdad naman ako nang lumakas ang huni ng mga ibon sa loob ng kagubatan, kasabay no’n ang pagbugso ng malakas na hangin. Tiningnan ko si Elder Zhao sa hindi kalayuan, at makikita mo ang pangamba sa kaniyang mukha habang tinitignan ang buong paligid.

Hindi kami natatakot para sa aming kaligtasan, natatakot kami sa kaligtasan ng mga bata.

Napako naman ang mga mata niya sa akin, saka siya tumango ng marahan, senyales na kailangan na naming pumasok sa loob.

“Nag-aagaw dilim na pala, pumasok na kayo, at hayaan ninyong kaming mga matatanda ang magligpit dito. Laurence, gabayan mo sila papasok,” mahinahong utos ni Elder Zhao sa mga bata, kung kaya’t agad itong sinunod ng katabi ko.

“P-Pero...” malungkot ang mga mata ni Grace habang nakatingin sa fireworks na hindi pa tapos.

“Pasensiya ka na, wala na tayong magagawa. Kailangan na nating tapusin ang kasiyahan dahil paparating na sila,” wika ko sa kaniya, saka lumuhod sa kaniyang harapan. “Para ito sa kaligtasan niyo,” dugtong ko pa at tumayo na.

Napansin ko ang panghihinayang sa mga mata ng bawat isa. Tumango na lamang silang lahat, na tila bumigay na sa takot at pangamba. Wala silang magagawa kun’di sumunod.

Ilang minuto rin bago sila tuluyang nakapasok lahat, at kami nalang tatlo ni Elder Zhao, at Aleng Bedit ang natira rito sa labas.

“Elder Zhao, Aleng Bedit, ako na ang bahala rito, magpahinga na kayo sa loob,” sabi ko pa sa kanila kung kaya’t pumasok na silang dalawa.

Nagmasid ako sa aking paligid habang nililigpit lahat ng gamit. Alam kong ilang minuto nalang ay lulubog na ang araw, at tutunog na ang budyong ng Baryo hudyat para pumasok na ang lahat ng tao sa kani-kanila nilang mga tahanan. Isarado lahat ng dapat isarado, dahil hindi mo magugustuhan ang mangyayari kapag pinabayaan mo itong nakabukas.

Tumunog na ang budyong, at hindi ako nagkamali rito.

Nanayo naman lahat ng aking balihibo ng mahagip ko ang mga matang nakamasid sa akin. Nanlilisik ito, tumutulo ang laway, at handa nang kumain dahil sa harap nila’y nakahanda na ang kanilang pangunahing putahe sa gabing ito.

Nakaligtaan ko palang sabihin sa inyo...

Ang Zhao’s Orphanage ay matatagpuan sa gitna ng kagubatan sa isang baryo na kilala bilang Baryo Balasikma... na siyang pinamumugaran ng mga Liluwat o mas kilala ng karahiman bilang mga Aswang.

× × ×

ㅤㅤ

Gong Xi Fa Cai is a common Chinese New Year greeting that means ‘wishing you happiness and prosperity.’

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top