Sa Lihim na Aklat ng mga Orakulo
SaLihim na Aklat ng mga Orakulo
Nakatala sa Lihim na Aklat ng mga orakulo ang lahat ng naganap sa nagdaang panahon, noong bago pa man pumatak ang unang segundo ng bagong milenyo. Laganap na ang kaguluhan sa sandaigdigan, kinakain na ng mundo ang sarili nito, at lahat ng kasalanan sa lupa ang nananaig. Bakas ang kaliwa't kanang pagkasira sa kalupaan at nangingibabaw ang kapangyarihan ng malulupit at sakim na halimaw. Sa huling dekada ng nagdaang milenyo, bumaba ang Kataas-taasang Diyos sa lupa upang balansehin ang iskala kasama ang dalawa sa kanyang pinagkakatiwalaang anak: ang bantay ng buhay na itinalagang tagapagdalisay, at ang sugo ng kamatayan na itinalagang tagalipol. Ang Kataas-taasang Diyos at ang dalawa sa kanyang mga anak ang nagsimula ng malawakang pagtutuos sa sanlibutan.
Sa pagsisimula ng pagbabalanseng muli sa mundo, ibinukod ang bawat uri ng mga nilalang at itinira ang ilang espesyal na uri at angkan upang magsimula ng bagong henerasyon. Taon ang binilang upang balansehin ang iskala. Ginawa ng tagapagdalisay at tagalipol ang kanilang mga gawain at tungkuling iniatas sa kanila ng kanilang ama.
Subalit, sa gitna ng pagbabalanse'y isang kasalanan ang nagawa ng dalawang anak ng Diyos—iyon ay mahalin ang isa't isa nang higit pa sa pagiging magkapatid. Isa sa ipinagbabawal ng batas ng kalangitan at kasalanan bilang anak ng kanilang ama. Sa kadahilanang iyon, ang dalawang anak ng langit ay umalis sa poder ng Kataas-taasang Diyos upang makaiwas sa paghatol na kanilang matatanggap.
Ngunit walang makaiiwas sa kaparusahan ng langit, at ang batas ay kailangang ipataw, ano't ano pa man ang mangyari—ang iskala ay naiwan.
Ang dalawang anak ng Diyos ay sinamantala ang kanilang piniling kalayaan at naging mga alibugha.
Sa huling mga taon ng nagdaang milenyo kung saan wala nang nagbabalanse sa iskala ng mundo, nagbalik muli ang kaguluhan sa sansinukob. Kumilos na ang isang bahagi ng Kaluwalhatiang pinamumunuan ng Banal na Tagapagpanatili at ipinadala ang kanyang mga kawal upang tulungan ang Kataas-taasang Diyos sa malawakang paglipol—bagay na nagaganap lamang kung hindi na kayang tugunan pa ng panig ng Kataas-taasan ang nakaatang trabaho rito.
Isang desisyon ang nagawa ng Kataas-taasang Diyos dahil sa napabayaang tungkulin ng dalawa sa kanyang pinagkakatiwalaang mga anak. Binawi niya ang buhay ng mga ito at ibinalik sa pagiging binhi, kaakibat ang sumpang kamatayan ang tutumbas sa tuwing magsasama ang dalawang alibughang anak ng langit sa iisang panahon. Ihahandog ng tagalipol ang kamatayan sa sanlibutan at ang tungkulin ng tagapagdalisay ay pigilang mangyari ang pagkasira ng mundo mula sa kamay ng sariling kapatid at minamahal. Isinaboy ng Kataas-taasang Diyos ang binhi sa mundo at dalawang angkan ang unang nakatanggap ng sumpa: ang lahi ng mga Mydivh na kilala bilang matataas na uri ng mga imortal at angkan ng Zul'masar na kilala sa pagiging malalakas na mandirigma.
Dalawampung taon ang lumipas nang muling magtagpo ang dalawang binhi sa iisang lugar at panahon. Nag-krus ang landas ng mga ito at doon naganap ang unang pagbabagong-anyo ng mga templong nagtataglay ng espesyal na binhi. Iyon din ang unang pagkakataon kung saan pinaslang ng tagapagdalisay ang tagalipol dahil sa sumpa ng Kataas-taasang Diyos.
Sa pagbubukas ng makabagong milenyo, kaakibat niyon ang pagpapatuloy ng sumpa sa dalawang alibughang anak ng langit. Nanatiling buhay ang tagapagdalisay sa napakahabang panahon—hinihintay ang muling pagsilang ng supling na magsisilbing templong paglalagakan ng binhi ng tagalipol.
Subali't ang tadhana'y naglaro. Sa di-inaasahang pagkakataon, natatangi ang templong napili upang paglagakan ng binhi ng kamatayan. Ang bugtong na anak ng isa sa mga kawal ng Banal na Tagapagpanatiling ipinadala sa daigdig—ang anak ng Dakilang Tagapagpanatag.
Dahil sa larong iyon ng tadhana, muli na namang hindi pumantay ang iskala.
At sa Lihim na Aklat ng mga orakulo kung saan ang bawat buhay ay inukit na ang kapalaran—sa pansamantalang paghinto ng sumpa ng kamatayan sa dalawang alibughang anak ng langit—muli na namang magsasama ang bantay ng buhay at sugo ng kamatayan upang tapusin ang kanilang sinimulan.
__
Total Word Count: 19, 585
Date Completed: January 20, 2017
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top