Epilogo
"Darating ang anak ng Dakilang Tagapagpanatag sa Torneo ngayong taon, Panginoon. Magmumula siya sa isa sa mga hangganan ng Rubelhizb."
Pagtataka ang bumakas sa kanya at saka nagwika, "Alam ba ng unang orakulo ang ginawa mong pagtungo rito, Hulance?"
"Ito'y walang kaugnayan sa unang orakulo subalit alam niya ang aking pakay sa inyo. Matatagpuan sa mersenaryong iyon ang binhing matagal na ninyong hinahanap."
Ang nangyaring kaguluhan sa Sanguina Torneo ay tila ba isang lihim na lamang ng kasaysayang naitala sa Lihim na Aklat ng Kalangitan. Subalit, iyon ay hindi niya malilimutan dahil tangan niya ang pananabik na makita ang isang interesanteng nilalang habang nilalakad ang pasilyo sa isang kastilyo sa Rhoxinu. Natuloy na ang pulong ng konseho kung saan naroon ang mga kinatawan ng iba't ibang bayan, na ilang araw ding nakansela dahil sa ilang problemang may kaugnayan sa pagbubukas ng portal.
"Hindi magpapakita si Miorhan kung mananatiling buo ang mahika ng mga Zinval sa katawan ng isinumpang tagapagpanatag, Panginoon."
Isang tanong ang nabuo sa kanyang isipan. "Ano ang kailangang gawin upang lumabas siya sa katawan ng mersenaryo?"
Maamong ngiti mula kay Hulance. "Ang bukal sa Qual'theraz, Panginoon. Ang mahiwagang tubig sa talon. Hindi niyon mapapawalang-bisa ang mahika ngunit magagawa nitong bawasan ang kapangyarihang nakapaloob sa mga isinumpang simbolo."
"Ano ang gagawin ko sa tubig at sa bukal?"
"Oras na madampian siya ng mahiwagang tubig ay magsisimula na ang bisang tatagal sa loob ng apatnapung oras. Gaya ng epekto sa inyo tuwing kayo'y nadadampian ng tubig doon."
Tinatamaan ng magandang kahel na ilaw ng aranya ang mahabang itim niyang buhok na tumatakip sa likurang bahagi ng kanyang robang gawa sa magandang uri ng seda. Natatanaw na ng kanyang mga asul na mata ang dulong pinto ng pasilyo kung nasaan ang bulwagan.
"Sa pakiwari mo ba'y tuluyan kong mapapaslang ang kanyang kaluluwa sa pagkakataong ito ng aming buhay, Hulance?"
"Ang bantay ng buhay at ang sugo ng kamatayan ay hindi maaaring magsama kahit kailan. Luluha ng dugo ang langit pagpatak ng unang buhangin sa salaming orasan." Isang matimyas na ngiti mula sa magsasanay ng orakulo. "Subalit isa iyan sa mga dahilan ng aking paglapit sa inyo, Panginoon. Nasa inyong palad ang kamatayan ng sugo subalit walang magbubuwis ng buhay sa muling pagdanak ng bagong dugo."
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Magandang araw, Panginoong Ron," pagbati sa kanya ng isa sa mga bantay ng pinto paglapit niya rito. "Kanina pa kayo hinihintay ng konseho." Bumukas ang pinto at bumungad ang mga kinatawan sa kanya na naghihintay sa pagdating ng huling representante ng bayan ng Rubelhizb.
"Pagbati mula sa anak ng ministro ng Cedillar," aniya at umupo na sa upuang nakalaan para sa kinatawan ng bayan ng Rubelhizb.
"Isa ito sa mga pinakaiingatang bolang kristal ng unang orakulo. Buksan mo ito sa paglabas ni Miorhan at dadalhin siya nito sa dimensyong makapagpapabalik sa kanya mula sa panahong bago pa man magsimula ang Sanguina Torneo sa taong ito."
"At ano ang magaganap pagkatapos?"
"Mabubuhay ang mersenaryo, ganoon din ang binhi. Ang kamatayan ay hindi na kailangan pang ihandog sa kahit sino sa mga alibughang anak ng langit."
"Ngunit may sumpa ang aming ama. Walang nakababali sa salita ng Kataas-taasang Diyos."
"Subalit hindi ngayon, Panginoon."
Kumunot ang kanyang noo dahil sa mga tinuran ng magsasanay ng orakulo. "Bakit mo ito ginagawa, Hulance?"
"Dahil ito ang nakasaad sa propesiya. Ito ang nakatala sa Lihim na Aklat. At ang gagawin lamang natin ay sumunod sa matagal nang itinakda."
Isang matamis na ngiti ang hinandog ni Ron sa babaeng katapat niya sa mesa na diretso lang ang tingin sa kanya habang nakataas ang kilay. "Haria!" mahina ngunit masaya niyang pagbati. "Magandang araw, binibining Valentina Stigma! Kung hindi ako nagkakamali'y nagmula ka pa sa bayan ng Rhoxinu! Isa ako sa iyong masusugid na tagahanga."
"Ikaw pala ang anak ng ministro," masungit na sinabi ni Valentina. "Ayon sa sabi-sabi ng mga kasamahan ko'y ilang pagkakataon mo na akong hinanap."
Natawa si Ron. "Interesado lamang ako sa iyo bilang reyna ng mga mersenaryo. Isa kang nakabibilib na nilalang. Naging maganda ba ang iyong paglalakbay patungo sa pulong na ito?"
"Galing pa akong Ghunna at walang maganda sa pagsakay sa karuwahe. Mas gusto ko pang gumamit ng portal dahil mas mabilis," inis na sinabi nito.
Nanatili ang ngiti ni Ron habang nakatingin kay Valentina. "Mas maigi ang karuwahe kaysa portal para sa iyo, binibining mersenaryo. Maniwala ka."
At itinuon na niya ang atensyon sa dulo ng mahabang mesa.
"Simulan na natin ang pagpupulong."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top