Chapter 9: Ang Mga Alibughang Anak

Nasa pasilyo si Valentina at hindi man lang nagawang dalawin ng antok. Nakatanaw lang siya sa gitna ng tahimik na arena mula sa ikatlong palapag ng coloseo at iniisip kung saan nanalagi ang mga manonood ng Sanguina Torneo kung ang labas ng coloseo ay isang delikadong lugar.

Malamig ang daan ng hanging umiihip na bahagyang tumatagos sa suot ng mersenaryo. Walang ibang laman ang isip niya kundi ang halimaw na si Gangia Shima. Marami siyang tanong sa isip at isa lang ang gusto niya, iyon ay malaman ang mga sagot dahil hindi lang isang simpleng halimaw ang nakasama niya.

"Umabot sa tahanan ng orakulo ang muntik nang pagbukas ng tarangkahan ng kabilang buhay, binibining Valentina."

Muli na namang nagkita si Hulance at ang mersenaryo.

"Narito ka ba upang pagsabihan ako?" malamig na tugon ni Valentina habang nakatanaw pa rin sa arenang iniilawan ng mga sulo.

"Ayon sa Lihim na Aklat ng Kalangitan, isa sa misyon ni Lesvar ang hanapin ang angkang magtataglay ng isa sa mga binhi ng Kataas-taasang Diyos at nasumpungan niya iyon sa mga Zinval. Sa ika-sampung buwan ng kanyang pananatili sa daigdig mula nang ideklara ang digmaan ng bawat bayan, isinilang ang anak ni Zaia tangan ang sumpa ng kamatayan. At sa mismong minuto ng pagsilang ng supling ay nagbukas ang tarangkahan ng kabilang buhay upang simulan ang malawakang pagtubos. Upang mapigilan ang pagkaubos ng bawat nilalang, isinakripisyo ni Lesvar ang kanyang sarili at hinayaang markahan ng ipinagbabawal na mahika ang kanyang anak upang hindi na muling maulit ang naganap."

Isang masamang tingin ang ipinukol ni Valentina kay Hulance habang binabanggit nito ang kasaysayang nakatala sa mga aklat. "Hindi ko kasalanan kung isinilang akong dala ang sumpa! Hindi ko kahit kailan hiniling na maging anak ni Lesvar!"

"Subalit alam mong ikaw ang templo ni Miorhan, bakit mo inusal ang orasyon ng kamatayan?"

"Hindi ko iyon ginusto! Kasalanan iyon ng halimaw na sinubok ang pasensiya ko!"

"Ang naganap ay nagdaan na—at hindi mo iyon nakontrol. Ang paghina ng isinumpang mahika ay hindi naiwasan at ang katapangang nahaluan ng balunlugod ay kadalasang nagiging sanhi ng kaguluhan."

"Ngunit hindi mo alam ang—"

"Sumasapit ang pagkakataong binabalot ng kadiliman ang tagapagpanatag, at ang tanging makapipigil sa paglukob ng dilim sa kanya'y ang halik ng kapayapaan. At ang makapagdudulot lamang niyon ay ang tagapagdalisay na isinugo ng kalangitan."

Nanatili ang kunot na noo ni Valentina at pinaningkitan ng mata si Hulance. "Si Gangia Shima. Siya ang anak ng langit na tinutukoy mo, hindi ba?"

"Si Gangia Shima ay isa lamang halimaw ng bayang ito, binibining mersenaryo."

"Kung ganoon ay sino nga ang tinutukoy mo!" galit na galit na singhal ni Valentina sa magsasanay. "Sino pa ba ang anak ng Diyos na naririto!"

Napangiti na lamang si Hulance at itinuro ang ibaba ng coloseo gamit ang palad. "Malawak ang lugar na ito, lingid pa sa iyong kaalaman, binibini. At di-hamak na mas malawak ang daigdig, para sa lahat ng nilalang. Kung nakatadhana ang inyong pagtatagpo'y magaganap at magaganap ang itinakda. Sa ngayon ay nasa Qual'theraz siya. Kung sakali mang puntahan mo siya roo'y mangyaring ibaba mo ang iyong lingas at humingi ka ng tawad sa pagiging mapusok."

"At bakit ko gagawin iyon?"

"Puso mo ang magsasabi kung bakit nga ba."


~oOo~


Nanatili ang mga katanungan sa isipan ni Valentina nang tunguhin niya ang Qual'theraz, na kataka-taka dahil walang bantay na nakatoka sa mga oras na iyon. Pagbukas muli ng kahoy na pinto'y nasilayan niya ang iba pang ganda ng kagubatang masisilayan lamang tuwing gabi at maliwanag ang buwan. Di-hamak na mas malamig ang ihip ng hangin na tumatagos sa kanyang kasuotan at ilang huni mula sa panggabing ibon ang tanging maririnig sa lugar.

Pinagaganda pa lalo ng sinag ng buwan ang mga punong nagtataasan at ang mga bulaklak na namumukadkad lamang tuwing gabi.

Nagtayuan ang mga balahibo ni Valentina habang nasisilayan ang makapigil-hiningang tanawing hindi pa niya nasilayan noon. Isang grupo ng mga alitaptap ang lumipad sa kanyang harapan at tila ba inaaya siyang puntahan ang loob ng gubat.

Nilingong saglit ni Valentina ang pintong pinanggalingan bago sundan ang maliliit na umiilaw na insekto. Pinilit niyang huwag gumawa ng malalalaking ingay habang tinatahak muli ang daang nilakad patungo sa bukal na itinuro sa kanya ni Gangia Shima. Ilang saglit pa'y naririnig na niya ang lagaslas ng tubig mula sa maliit na talon kasabay ng mahinang himig ng awiting pampatulog.

Huminto si Valentina, may ilang puno pa ang layo mula sa bukal nang makitang may nilalang na nasa tubigan at nakababad habang nakatingala sa langit kung saan sinasalubong ng maputlang kulay ng balat ang liwanag ng buwan.

Malalim na paghinga mula kay Valentina at nakaramdam ng muling pag-init ng kanyang dibdib na may marka ng sumpa.

Alam niyang si Gangia Shima ang nasa tubig, ngunit hindi iyon ang halimaw na una niyang nakilala. Isang mortal ang nakikita niya sa mga oras na iyon.

Isang mortal na hindi niya alam kung ano ba talagang klaseng nilalang.

Nasa kanya ang kamalayan niya nang subukang humakbang upang lalong makalapit pa sa bukal at magmatiyag lamang, subalit hindi nagtagal ay nawala na ang kahit anong iniisip niya tungkol sa halimaw na talagang pakay. Ang tanging laman na lang ng isip niya ay gusto niyang makausap ang nilalang na nasa tubig. Kung ano man ang dahilan ay bahala na.

Hinahanap lang ni Valentina ang halimaw na si Gangia Shima.

At hindi niya maipaliwanag kung bakit sinasagot siya ng sariling nahanap na nga niya ang nais niyang makita noon pa man. At gusto niyang makita ulit ito, lalo na sa mga oras na iyon.

Akma na sanang tatawagin ni Valentina ang pangalan ng halimaw ngunit naunahan na siya nito sa pagsasalita.

"Napakadali mong basahin," ani Gangia at muling nginitian ang mersenaryong para bang alam na niyang naroon na bago pa ito magpakita.

"Alam mong pupunta ako rito?"

"Hindi naman sa alam ko, inaasahan ko lang. Hinayaan ko munang umagaw ng pahinga ang mga bantay sa pinto ng Qual'theraz, para na rin hindi ka magkaproblema sa pagpunta rito. Maganda ang gubat tuwing gabi, hindi ba?"

Muling ngumiti si Gangia at hindi maiwasan ni Valentinang mapuna ang kakaibang ngiti nito bilang isang mortal. Walang pangil ng halimaw, sa halip ay matamis na ngiti ng isang lalaking walang halong pag-iimbot sa puso. Nakita na lang niya ang sariling nakangiti na rin habang nakatingin sa kausap.

"Sana'y itinabi mo na lamang ang iyong lakas para sa pag-biyahe patungong Rhoxinu. Ilang oras na lamang at lalapag na sa pinto ng coloseo ang karuwahe ng ministro upang ibalik ka sa iyong bayan."

Inilapag ni Valentina ang armas niya sa mabatong lupa na kanyang tinatapakan.

"Anak ng langit, ayon sa magsasanay ng unang orakulo."

Inalis ng mersenaryo ang kanyang baluti. Hinubad niya ang pang-itaas na kasuotan at inilagay ang mahaba niyang buhok sa harap. Bahagya siyang tumalikod upang ipakita sa halimaw ang nakaukit sa kanyang likod.

"Ito ang ipinagbabawal na mahika ng mga Zinval. Isa ito sa mga dahilan kung bakit iniiwasan ako ng lahat ng mabababang uri ng nilalang. Pinipigilan nito ang aking katawan upang maglabas ng kapangyarihan, maliban sa paggamot sa sarili." Humarap na ulit si Valentina kay Gangia at ipinakita naman ang nasa itaas ng kanyang dibdib. "Ang simbolong ito ang dahilan kung bakit kinatatakutan ako ng matataas na uri. Ang marka ng kamatayang handog sa isa sa mga alibughang anak ng langit."

Lalong umangat ang dulo ng labi ng mortal na Gangia Shima at hinawi ang tubig sa kanyang itim na buhok.

"Bilang anak ni Lesvar, tungkulin kong gampanan ang nakaatang na trabaho sa akin bilang tagapagpanatag, kahit pa ang ibig sabihin niyon ay kailangan akong katakutan ng lahat ng uri ng nilalang."

"At iniisip mong dahil ganoon ang tingin ng iba'y ganoon din ang magiging tingin namin sa iyo? Iniisip mong mataas ka dahil isa kang reyna ng mga mamamaslang? Iniisip mong bukod-tangi ka dahil nag-iisa kang binibini sa samahan ng mga ginoong mersenaryo? Huwag mong taasan ang tingin mo sa iyong sarili, Valentina Stigma. Sa ngayo'y nakikita kita hindi bilang nilalang na dapat katakutan, kundi isa sa mga nilalang na dapat kaawaan. Sikat man ang pangalan mo'y wala talagang nakakakilala sa iyo. At kung makilala ka man ay may imahe ka nang lumalamang ang pagiging negatibo. Sa sandaling panahong nakasama kita, ang lahat ng iyan ay napatunayan ko na."

"At napatunayan ko na rin ngang sinungaling ka. Kilala mo kung sino at ano ako."

Kahit totoo man iyon para kay Valentina, alam niya sa sarili niyang hindi siya nagagalit kay Gangia. Hindi rin niya masabi kung bakit nga ba niya kailangang magalit.

Nilangoy na ni Gangia Shima ang tubig upang umahon na sa bukal. Hindi naalis ang ngiti niya habang pinananatili ang titig kay Valentina.

"Naging mahirap ba sa iyo ang basahin ako, babaeng mersenaryo?" nanunuyang tanong ni Gangia. Muling tumambad ang kanyang matipunong katawang puno ng peklat mula sa nagdaang pakikipaglaban pag-ahon niya sa tubig. "Kung ang paghayag ng katotohanan ay ikinukubli ng pagkalito; at ang kasagutan, kahit hawak mo man sa iyong mga kamay ay hindi mo naman magawang sulyapan—kung ako ay magsasabi ng totoo, magagawa mo kaya akong paniwalaan?"

Muling nag-init ang itaas na bahagi ng dibdib ni Valentina at napansin niya ang hindi normal na bilis na tibok ng kanyang puso at mabigat na paghinga—mga pagkakataong bihira niyang maramdaman noon. Pinanatili niya ang tingin sa mga asul na mata ng mortal na halimaw. Mga matang tila ba dinadaya siya ng kalaliman. Napalunok na lamang siya at pumikit nang mariin.

"Gusto ko lang makaalis sa lugar na ito," mahinang sabi ni Valentina at kaiba sa dating tonong nag-uutos, puno ng kalungkutan ang kanyang tinig. "Ngunit. . ."

Muling kumurba pataas ang mga labi ni Gangia habang nakikitang nagkakaroon na ng lubhang kalituhan si Valentina tungkol sa iniisip nito at tunay nitong gusto. Kinuha niya ang kamay ng mersenaryo at inilapat sa kanyang dibdib na markado ng mga gumaling na sugat.

"Nasa katawan ko ang lahat ng patunay na lumaban ako at hindi lang basta pandaraya ang ginagawa ko sa Sanguina Torneo. Bibigyan kita ng magandang laban kung sakaling piliin mong manatili rito at tapusin ang kasunduan natin. Isa lamang akong lagalag na halimaw at isa ka namang manunubos." Lalo pang bumigat ang tinig ni Gangia sa sumunod na binitawang linya. "Maaari mong gawin ang trabaho mo rito dahil kalayaan mo ang katumbas ng kamatayan ko."

Muling pagbuga ng hininga mula kay Valentina at nagitla na lamang siya nang hawiin ni Gangia Shima ang buhok na nakatakip sa harapang bahagi ng kanyang katawan.

Bumungad sa halimaw ang simbolong nasa itaas ng dibdib ni Valentina at inilapat din doon ang kanyang palad. Dumaloy sa katawan ng mersenaryo ang ilang patak ng tubig mula sa bukal.

Nanlaki ang mga mata ni Valentina at ang tibok ng puso niya ay trumiple ang bilis sa normal. Pakiramdam niya ay may humuhugot sa kanyang kaluluwa mula sa kung saan at agad siyang nakaramdam ng pagyanig ng kanyang buong katawan. Binalot ang katawan niya ng kakaibang liwanag at dahan-dahang napalitan ng matingkad na pula ang kanyang asul na buhok. Ang dating itim na kulay ng kanyang mata'y naging puti at gumapang mula sa dibdib niya ang kulay kahel na usok hanggang sa balutin nito ang kanyang katawan na tila ba ginayakan siya ng nakabibighaning bestidang apoy.

"Ron," malamig na boses mula sa nag-aalab na binibini. "Nakatutuwang masilayan kang muli sa ganiyang anyo."

"Miorhan."

"Hindi ko akalaing hihintayin mo ang muli kong pagkabuhay." Isang matamis na ngiti mula kay Mirohan at inilakbay ang kanyang palad sa mukha ng mortal na halimaw. "Batid mong ang paglabas ko sa aking templo ay katapusan. Bakit mo ito ginawa?"

"Dumating na naman ang itinakdang panahon ng kamatayan ng isa sa alibughang anak ng langit," malungkot na nasabi ni Gangia. Napapikit na lamang siya at hinawakan ang kamay ni Miorhan.

"At muli akong magsasakripisyo para lang sa iyo gamit ang templo ng mersenaryong ito."

"Hayaan mong ako naman ang magbuwis ng buhay para sa propesiya." Makikita na sa mga mata ni Gangia ang pagmamakaawa. "Hayaan mong ako naman, mahal ko."

Maamong ngiti mula kay Miorhan at hinawi ang basing buhok ni Gangia. "Magaganap ang malaking kaguluhan kung mawawala ang tagapagdalisay. Ang sumpa ng Kataas-taasang Diyos ay hindi natin matatakasan, Ron."

Bumagsak ang balikat ni Gangia dahil sa katotohanang iyon at idinikit na lamang ang noo sa noo ni Miorhan. "Hindi ko matanggap na sa tuwing pagtatagpuin tayo ng panaho'y kailangan nating paslangin ang isa't isa. At mas lalong hindi ko matanggap na lagi akong naiiwang mag-isa sa bandang huli at maghihintay sa muli nating pagtatagpo upang ulitin lang ang lahat ng kahangalang ito. Bakit? Bakit nating kailangang magdusa nang ganito?"

"Ito na ang tadhana natin, mahal ko. Ang sumpa ng buhay at kamatayan ay laging may katumbas na malaking kapalit." Muling naglakbay ang kanyang mainit na palad sa pisngi ni Gangia. "Sapat na sa akin ang malaman na kahit na gaano pa katagal ang panahon ay maghihintay ka pa rin sa muli kong pagbabalik." Idinampi ni Miorhan ang kanyang labi sa mga labi ni Gangia. "Patawad, Ron." Unti-unti na namang nagbago ang kanyang anyo at nanumbalik sa pagiging si Valentina Stigma.

"Miorhan. . ." mahinang bulong ni Gangia Shima na unti-unti nang nanunumbalik sa pagiging halimaw niya at sinalo si Valentina na ang nawalan ng malay.

Samantala, mula sa pintuan ng Qual'theraz, natatanaw ni Hulance ang dalawang anak ng langit na muling lilikha ng kasaysayang itatala sa Lihim na Aklat ng Kalangitan.

"Ang halik ng kapayapaang tumutumbas sa kalungkutan at pag-iisa."

Bakas ang kalungkutan sa kanyang mga mata habang nakikita ang dalawang nilalang na isinumpa ng langit.

"Ang bantay ng buhay at ang sugo ng kamatayan ay hindi maaaring magsama kahit kailan." Tumalikod na siya at muling isinara ang pinto ng Qual'theraz. "Luluha ng dugo ang langit pagpatak ng unang buhangin sa salaming orasan.

###

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top