Chapter 8: Pag-amin

Nakaupo si Valentina sa isang simpleng higaan na tinakpan ng malambot na telang puti. Nakasandal naman si Gangia sa dingding na tinatakpan ng manipis na telang gawa sa sutla habang nakaupo at nagbabantay sa loob ng isang maliit na silid na nasa ikatlong palapag ng coloseo.

Malayo-layo ang silid na kinaroroonan nila sa Silithos at kapansin-pansin ang katahimikan sa loob. Isang kama, isang upuang gawa sa ginto, at isang maliit na bilog na mesang gawa sa magandang uri ng metal lang ang laman ng silid. Malamlam ang liwanag mula sa kandelabra sa gitna ng kuwarto na nagsisilbing tanging ilaw sa kanilang kinaroroonan.

"Hindi ba marunong magpahinga ang mga mersenaryo?" tanong ni Gangia at hinilig ang ulo sa bandang likod upang umayos ng sandal.

"Sino ka bang talaga?" Pansin sa mababang tono ni Valentina ang pagnanasang malaman ang sagot sa tanong niya. "Ano ka bang talaga?"

"Ako si Gangia Shima. Isang lagalag na halimaw mula sa bayan ng Rubelhizb."

"Sinungaling. Hindi ka isang simpleng halimaw lang."

Nanatiling kalmado si Gangia at ipinikit na lamang ang mga mata.

"Tinawag mo ang pangalan ni Miorhan kanina," ani Valentina. "Bumukas ang tarangkahan at napigilan mo."

"Bumawi ka ng pahinga, mersenaryo."

"Bakit ba hindi mo ako magawang sagutin?" Umalis na sa higaan si Valentina at kinuha si Amarilla na nasa tabi lang niya. "Huwag mo akong piliting gumawa ng bagay na pagsisisihan—"

"Nagawa mo na," putol ni Gangia at ibinalik niya ang tingin kay Valentina. "At pinagsisihan ko na!" Tumayo siya at pinaningkitan ng mga mata si Valentina habang nakapamaywang. "Napakaikli ng pasensiya mo!" Itinutok niya ang hintuturo sa sentido. "Napakakitid ng pag-iisip mo! Ano ang pumasok sa isip mo't lumikha ka ng gulo sa loob ng Silithos, ha? Alam mo ba kung gaano ka ka-delikado?" Itinuro niya ang direksyon ng pinto. "Ano na lang sa tingin mo ang mangyayari doon kung hindi kita napigilan, ha? Alam mo ba?"

Nag-abang ang halimaw ng sagot subalit walang tugon.

"Hindi mo alam? Hindi mo alam! Hindi mo alam dahil hindi ka nag-iisip!" Naidipa niya ang mga kamay at dismayadong tumingala. "Hindi ko talaga malaman kung bakit sa dinami-rami ng imortal sa daigdig na ito'y sa kanya mo pa inilagay ng binhi niya!" Natigilan si Gangia at bumuga na lang ng hininga upang ilabas ang galit na pilit niyang pinipigilan at muling ibinalik ang tingin kay Valentina. "Bakit ikaw pa? Bakit sa iyo pa?"

"Inilagay ang ano?" Nagusot ang mukha ni Valentina dahil sa pahayag ng halimaw.

Nahaluan ang galit na mukha ni Gangia ng lungkot at napayuko na lang. May mga salita siyang takot bitawan dahil alam niyang lalo lang magiging kumplikado ang lahat. Tumango siya at tiningnan ang matapang na mukha ng mersenaryo. "Sa pagsapit ng bukang-liwayway, ipahahatid na kita sa Rhoxinu. Manghihiram ako ng karuwahe sa ministro upang personal kang ipadala sa pulong. Panalo ka na." Tumalikod na siya at sinubukang tunguhin ang pinto ng silid ngunit agad na kinabig ni Valentina ang braso niya upang pigilan siya sa paglabas.

"Sandali!" pagpigil ni Valentina. "Pagkatapos mo akong bigyan ng napakaraming tanong, iyan lang ang sasabihin mo?"

"Aanhin mo ba ang kasagutan ko? Gusto mo lang namang makaalis dito, hindi ba? Ngayong ibinibigay ko na nang kusa, tumatanggi ka pa? Ano pa ba ang nais mo?"

"Gusto ko lang na umamin ka!"

"Aamin ako saan?" Humakbang si Gangia sa direksyon ni Valentina at pinalapit pa distansya nilang dalawa. Muli na namang nagliwanag ang mga simbolo kay Amarilla.

Hinuli ng matalim na tingin ni Valentina ang nangungusap na mata ni Gangia at nakita na lang niya ang sariling napahakbang na lang paatras

"At bakit mo kailangan ng pag-amin ko?" Isang hakbang pa mula kay Gangia at halos bumangga na ang katawan niya sa mersenaryo.

Napalunok na lang si Valentina dahil nakaramdam siya ng kakaibang init sa loob ng katawan at napahawak sa itaas ng sariling dibdib. Uminit ang bahagi kung nasaan ang simbolo ng kamatayan sa kanya. Isang malalim na paghugot ng hininga at nakuyom niya ang kamao habang pinananatili ang titig kay Gangia.

"Hindi humihingi ng paliwanag ang mga mersenaryo sa mga halimaw na gaya ko. Ang kaya lang ninyo ay pumaslang nang pumaslang para sa utos at para sa pabuya. Hindi mo talaga naranasang lumaban para sa sarili mong bayan. Hindi mo nakikita na may mga nilalang sa mundong ito na tumatangis dahil sa kawalang katarungan ng paniniwala ng mga gaya mo. Iba ang hustisyang niyayakap mo. Sa tingin mo'y sino ako?" Lalo lang siyang lumapit kay Valentina hanggang sa huminto ito sa pag-atras dahil bumangga na ang hita nito sa higaan ng silid. "Hindi lahat ng halimaw ay kailangang paslangin dahil lang inutos ng pinaglilingkuran mong gobyerno. Itatak mo sana iyan sa isipan mo."

Napansin ni Gangia na nanigas na sa kinatatayuan niya si Valentina at hindi na nakaimik pa. Ngunit sa loob niya'y hindi si Valentina ang nakikita niya kundi iba.

Iba ang gusto niyang makita.

Malalakas na tibok ng puso ang naririnig ni Gangia Shima. Hindi nga lamang niya masabi kung kanino sa kanilang dalawa ng mersenaryo ang nagmamay-ari niyon.

Iniwas na lang niya ang tingin at muling pinaglayo ang distansya nilang dalawa.

"Wari ko'y tama nga sila. Hindi ka nararapat dito. Dahil wala talaga rito ang tunay na laban mo." Kinuha niya ang kalis sa sahig kung saan siya umupo. "Kakausapin ko na ang ministro ng Cedillar. Siguro naman natatandaan mo pa kung saan mo ako unang nakita. Doon sa tarangkahang iyon na may harang na puwersa, doon ka maghintay. Sa pagsapit ng bukang-liwayway, makaaalis ka na ng Rubelhizb." Muling tumungo si Gangia sa pintuan at sa pagkakataong iyon ay wala nang pumigil pa sa kanya.

###

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top